-
Mga Study Note sa 2 Timoteo—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pananampalataya mong walang halong pagkukunwari: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:5.
iyong lolang si Loida: Malamang na nanay ni Eunice ang lola ni Timoteo na si Loida, at lumilitaw na nakatira ang pamilya nila sa lunsod ng Listra. (Gaw 16:1-3) Ang salitang Griego na mamʹme na ginamit dito ay isang magiliw na tawag ng isang bata sa lola niya; ang mas pormal na tawag para sa lola ay teʹthe. Ipinapakita ng salitang ginamit ni Pablo na malapít si Timoteo sa lola niya. Posibleng tinulungan ni Loida si Eunice sa pagtuturo kay Timoteo ng Hebreong Kasulatan.—Tingnan ang study note sa 2Ti 3:15.
inang si Eunice: Malamang na naging Kristiyano sina Eunice at Loida nang unang dumalaw si Pablo sa Listra noong mga 47-48 C.E. (Gaw 14:6) Sinabi ni Pablo na pareho ang mga ito na may ‘pananampalatayang walang halong pagkukunwari.’ Siguradong kinailangang magpakita ni Eunice ng ganiyang pananampalataya nang sumama si Timoteo kay Pablo sa mga paglalakbay nito bilang misyonero; alam niya na noong huling dumalaw si Pablo sa lunsod nila, pinagbabato ito at muntik nang mamatay. (Gaw 14:19) Ang halimbawa nina Eunice at Loida, pati na ang matiyagang pagtuturo nila, ay siguradong nakatulong para magkaroon si Timoteo ng ‘pananampalatayang walang halong pagkukunwari’ at sumulong nang husto. (Gaw 16:2; Fil 2:19-22; 1Ti 4:14) Talagang kahanga-hanga ang halimbawa nila dahil lumilitaw na ang Griegong ama ni Timoteo ay hindi Kristiyano na gaya ng kaniyang ina.—Tingnan ang study note sa Gaw 16:1, 3.
-