-
Mga Study Note sa 2 Timoteo—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
huwag mong ikahiya: Ipinapahiwatig ng salitang Griego na isinalin ditong “ikahiya” na dahil sa takot na mapahiya, mawawalan ng lakas ng loob ang isang tao na manindigan. Sa kulturang Griego at Romano noon, karaniwan lang sa isang tao na masyadong mabahala sa sasabihin ng iba at sa kahihiyan o karangalan na matatanggap niya. Hindi hinayaan ni Pablo na maimpluwensiyahan siya ng ganiyang kaisipan; hindi niya kailanman ikinahiya ang pagsamba niya kay Jehova. (Tingnan ang 2Ti 1:12 at study note.) Hindi naman sinasabi dito ni Pablo na ikinakahiya ni Timoteo ang pagsamba nito; gusto lang niya na huwag kailanman ikahiya ng kabataang ito ang paglilingkod nito.—Ihambing ang Mar 8:38.
pagpapatotoo tungkol sa ating Panginoon: Kasama dito ang pagsasabi sa iba ng tungkol sa pagpatay kay Jesus sa pahirapang tulos, na isang kahiya-hiyang kamatayan. (Tingnan ang study note sa 1Co 1:23.) Pero ‘hindi ikinahiya ni Pablo ang mabuting balita’ tungkol sa Kristo, kasama na ang tungkol sa nakakahiyang kamatayan ni Jesus.—Ro 1:16.
ako na isang bilanggo alang-alang sa kaniya: Lumilitaw na para sa ilan, nakakahiya ang pagkabilanggo ni Pablo. Nakakahiya para sa halos lahat ng tao noon na maigapos, maparusahan, o mabilanggo ng mga awtoridad. Pero sa halip na mahiya, gusto ni Pablo na mapatibay si Timoteo at ang iba pang Kristiyano sa pananatili niyang tapat sa ilalim ng pagsubok. (Fil 1:14) Alam ni Pablo na makakaranas din sila ng ganoong mga pagsubok.—2Ti 3:12.
bilanggo alang-alang sa kaniya: Lit., “bilanggo niya.” Itinuturing ni Pablo ang sarili niya na bilanggo alang-alang sa Panginoong Jesu-Kristo, ibig sabihin, bilanggo dahil sa pagiging tagasunod ni Kristo at paghahayag ng mabuting balita. Gumamit din ang apostol ng katulad na mga ekspresyon sa ilang liham na isinulat niya noong una siyang mabilanggo sa Roma. (Efe 3:1 at study note; 4:1; Flm 1, 9) Isinulat ni Pablo ang ikalawang liham niya kay Timoteo sa huling pagkabilanggo niya sa Roma, na posibleng noong mga 65 C.E.—2Ti 4:6-8.
-