-
Mga Study Note sa 2 Timoteo—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
hindi ako nahihiya: Alam ni Pablo na nagdurusa siya dahil sa pagganap ng atas niya bilang mángangarál, apostol, at guro. (2Ti 1:11) Gusto ng mga tagausig niya na mahiya siya at mapunô ng takot para tumahimik siya. Pero gaya ni Jesus, na ‘nagtiis sa pahirapang tulos at binale-wala ang kahihiyan,’ hindi ikinahiya ni Pablo ang pag-uusig at pagbibilanggo sa kaniya dahil sa paggawa niya ng kalooban ni Jehova. (Heb 12:2) Gusto niya na ganiyan din ang maramdaman ni Timoteo at ng iba pang Kristiyano.—Tingnan ang study note sa 2Ti 1:8; tingnan din ang study note sa Mat 16:24.
Dahil kilala ko kung sino ang pinaniniwalaan ko: Sinasabi dito ni Pablo ang pangunahing dahilan kung bakit hindi siya nahihiya. Nakilala niya ang Diyos na Jehova, at naging kaibigan niya Siya. (Tingnan ang study note sa Gal 4:9.) Para kay Pablo, isang karangalan na tumanggap ng anumang atas mula sa kaniyang maibiging Ama.
ang ipinagkatiwala ko sa kaniya: Lit., “ang idineposito ko.” Malamang na sinasabi dito ni Pablo na ipinagkatiwala niya sa Diyos ang buhay niya. Malapit nang mamatay noon si Pablo, pero nagtitiwala siyang aalalahanin ni Jehova ang rekord niya ng katapatan hanggang sa “araw na iyon” kung kailan bubuhayin Niya siyang muli. (Ro 8:38, 39) Ang ekspresyong Griego para sa “deposito” ay isang termino sa batas na tumutukoy sa isang bagay na ipinatago sa iba para ingatan. (Isang kaugnay na pandiwa nito ang ginamit sa Gaw 14:23 at 20:32 para sa mga taong ‘ipinagkatiwala sa Diyos na Jehova.’) Sa ilang Bibliya, isinalin ang 2Ti 1:12 na para bang si Pablo ang dapat magbantay sa isang bagay na ipinagkatiwala sa kaniya. (Ihambing ang 1Ti 6:20 at 2Ti 1:14, kung saan pinayuhan ni Pablo si Timoteo na “bantayan” ang ipinagkatiwala sa kaniya.) Pero makikita sa konteksto na sa Diyos ipinagkatiwala ang bagay na binabanggit sa talatang ito at ang Diyos ang nagbabantay dito.
-