-
Mga Study Note sa 2 Timoteo—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Kaawaan nawa ng Panginoon: Dito, ipinapanalangin ni Pablo na kaawaan ni Jehova ang “sambahayan ni Onesiforo.” Naging napakabait at mahabagin ni Onesiforo kay Pablo dahil nang magpunta siya sa Roma, ginawa niya ang lahat para makita kung saan nakabilanggo si Pablo at matulungan ito. (2Ti 1:17; tingnan ang study note sa hindi niya ako ikinahiya kahit nakatanikala ako sa talatang ito.) Kaya ang panalangin ni Pablo ay kaayon ng sinabi ni Jesus sa Sermon sa Bundok: “Maligaya ang mga maawain, dahil pagpapakitaan sila ng awa.” (Mat 5:7 at study note) Sa Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan, inilarawan si Jehova na Diyos na “maawain” at may “saganang awa.”—Exo 34:6; Efe 2:4; ihambing ang 2Ti 1:18.
Onesiforo: Kahanga-hanga ang tapat na Kristiyanong ito dahil nanatili siyang tapat kay Pablo at nagsakripisyo siya para masuportahan ito. Pinuri ni Pablo si Onesiforo sa “lahat ng ginawa” nito para sa kaniya sa Efeso. Malamang na kilala rin siya ni Timoteo. Ipinapahiwatig ng pariralang “noong nasa Roma [si Onesiforo]” na naglakbay siya papunta doon, pero hindi sinasabi sa ulat kung ginawa niya iyon para makita si Pablo o may iba siyang dahilan. (2Ti 1:17, 18) Dito, hinihiling ni Pablo sa Diyos na pagpalain ang sambahayan ni Onesiforo; sa dulo ng liham ng apostol, nagpakumusta siya sa pamilyang ito.—2Ti 4:19.
hindi niya ako ikinahiya kahit nakatanikala ako: Ibang-iba si Onesiforo sa dalawang lalaking binanggit ni Pablo sa naunang talata. Iniwan siya ng mga ito at ng iba pa na nasa lalawigan ng Asia noong panahong nangangailangan siya. (2Ti 1:15, 17, 18) Posibleng nanganib na mabilanggo o mapatay pa nga ang mga dumadalaw kay Pablo noong ikalawa at huling pagkabilanggo niya. Pero hindi nagpadaig si Onesiforo sa takot o hiya. Sa halip, paulit-ulit niyang dinalaw si Pablo, kaya nasabi ng apostol na lagi siyang pinapatibay nito. Ang ekspresyong “nakatanikala” ay puwedeng tumukoy sa pagkabilanggo ni Pablo. Pero posible ring nakatanikala talaga si Pablo kaya mas kinailangan niya ang tulong ni Onesiforo.
-