-
Mga Study Note sa 2 Timoteo—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
sabihan: Ang terminong Griego na ginamit dito ni Pablo ay puwedeng literal na isaling “lubusang magpatotoo.” (Gaw 20:24; 28:23) Sinabi ng isang reperensiya tungkol sa terminong ito: “Nangangahulugan itong ‘tumestigo, magbabala’ tungkol sa mahahalagang bagay at napakamapanganib na mga sitwasyon.”
Diyos: Ang mababasa sa ilang maaasahang manuskritong Griego ay “Diyos,” pero “Panginoon” naman sa iba. May ilang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreo at iba pang wika na gumamit dito ng pangalan ng Diyos.—Tingnan ang Ap. C1.
huwag pag-awayan ang mga salita: Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso na huwag mag-away tungkol sa mga salita, na isang kaugaliang lumilitaw na pinasimulan ng huwad na mga guro. Ang terminong Griego na isinaling “pag-awayan ang mga salita” ay kombinasyon ng pangngalan para sa “salita” at pandiwa para sa “pag-awayan.” Hindi makikita ang ekspresyong ito sa mga akdang isinulat bago ang mga liham ni Pablo. Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo, ginamit niya ang isang kaugnay na pangngalang literal na nangangahulugang “pakikipaglaban tungkol sa mga salita.” (Tingnan ang study note sa 1Ti 6:4.) Posibleng tungkol ito sa maliliit na kaibahan sa kahulugan ng mga salita, pero masama at kapaha-pahamak pa nga ang resulta ng ganitong pagtatalo.
nakasasama ito sa mga nakikinig: Sa Griego, ginamit sa ekspresyong ito ang salitang ka·ta·stro·pheʹ (nangangahulugang “pagkawasak” o “kapahamakan”), at puwede itong isaling “naipapahamak nito ang mga nakikinig.” Mapuwersa ang salitang ginamit dito ni Pablo para magbabala laban sa pag-aaway tungkol sa mga salita, at inutusan niya si Timoteo na paalalahanan ang mga Kristiyano sa Efeso sa “harap ng Diyos” na huwag makisali sa ganitong walang-katuturang pagtatalo.—Tingnan ang study note sa 1Ti 5:21.
-