-
Mga Study Note sa 2 Timoteo—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ganggrena: O “sugat na kumakain ng laman.” Ang terminong Griego na gagʹgrai·na ay tumutukoy sa isang sakit na kadalasan nang mabilis na kumalat at nakamamatay kung pababayaan. Ginamit ni Pablo ang terminong ito para tumukoy sa turo ng mga apostata at sa “walang-saysay na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal.” (2Ti 2:16-18) Madalas niyang pagkumparahin ang mga turong ito na nakasasama sa espirituwal at ang mga turong nakabatay sa Salita ng Diyos na inilalarawan niyang “kapaki-pakinabang [lit., “nakapagpapalusog”].” (1Ti 1:10; 6:3; 2Ti 1:13; Tit 1:9; 2:1; tingnan din ang study note sa 1Ti 6:4.) Nang gamitin ni Pablo ang ekspresyong “kakalat na tulad ng ganggrena,” idiniriin niya na ang walang-saysay na mga usapan at maling mga turo ay puwedeng mabilis na kumalat sa loob ng kongregasyon at makamatay sa espirituwal.—1Co 12:12-27.
Kasama sa mga nagpapakalat nito sina Himeneo at Fileto: Kasama sina Himeneo at Fileto sa mga apostata, at dapat iwasan ni Timoteo ang mga turo nila. Iniwan nila ang katotohanan at nasisira nila ang pananampalataya ng iba dahil sa maling mga turo nila, gaya ng pagsasabing nangyari na ang pagkabuhay-muli. (Tingnan ang study note sa 2Ti 2:18.) Nang isulat ni Pablo ang unang liham niya kay Timoteo, tinalikuran na ni Himeneo ang pananampalataya. Lumilitaw na inalis na siya sa kongregasyong Kristiyano “bilang disiplina para matuto [siyang] huwag mamusong.” (Tingnan ang mga study note sa 1Ti 1:20.) Pero isang taon na ang nakakalipas o posibleng higit pa, hindi pa rin siya nagbabago.
-