-
Tito 1:4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
4 Sumusulat ako kay Tito, isang tunay na anak at kapananampalataya:
Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula kay Kristo Jesus na ating Tagapagligtas.
-
-
Mga Study Note sa Tito—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Tito: Isang Griegong Kristiyano na malapít na kasamahan ni apostol Pablo. Noong mga 49 C.E., isinama siya ni Pablo sa Jerusalem, kung saan pinagdesisyunan ang isyu tungkol sa pagtutuli. (Gaw 15:1, 2; Gal 2:3 at study note) Pagkalipas ng ilang taon (mga 55 C.E.), ipinadala siya ni Pablo sa Corinto para tumulong sa pagkolekta ng pondong ibibigay sa mga nangangailangang Kristiyano sa Judea at posibleng para malaman kung paano tumugon ang mga Kristiyano sa Corinto sa unang liham ng apostol. Napatibay si Pablo sa magandang ulat ni Tito, kaya sumulat siya ng ikalawang liham sa Corinto, at lumilitaw na si Tito ang nagdala ng liham na ito. (2Co 2:13 at study note; 2Co 7:6, 7, 13-16; 8:1-6, 16, 17, 23; 12:17, 18) Posibleng sa pagitan ng 61 at 64 C.E., iniwan ni Pablo si Tito sa Creta para “maayos [nito] ang mga bagay na kailangang ituwid at makapag-atas . . . ng matatandang lalaki.” (Tit 1:5) Nang maglaon, hinilingan ni Pablo si Tito na samahan siya sa Nicopolis. (Tit 3:12) Noong ikalawang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma (mga 65 C.E.), nagpunta si Tito sa Dalmacia. (Tingnan ang study note sa 2Ti 4:10.) Malamang na humingi siya ng permiso kay Pablo, o posible pa ngang ang apostol ang nagsugo sa kaniya doon. Maliwanag, si Tito ay isang tapat na Kristiyano, malaking tulong sa mga kongregasyong pinaglingkuran niya, at isang maaasahang kamanggagawa ni Pablo.
tunay na anak: Sa mga liham ni Pablo, sina Tito at Timoteo lang ang tinawag niya sa ganitong malambing na ekspresyon. (1Ti 1:2 at study note) Posibleng kay Pablo nalaman ni Tito ang mabuting balita. Ito man ang dahilan o hindi, itinuturing ni Pablo si Tito na anak niya sa espirituwal. Naging napakalapít nila sa isa’t isa dahil magkasama silang naglingkod sa mga kongregasyon. (2Co 8:23) Nang isulat ni Pablo ang liham na ito, di-bababa sa 12 taon na silang magkakilala ni Tito.
Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.
Kristo Jesus na ating Tagapagligtas: Sa naunang talata, tinawag ang Diyos na “ating Tagapagligtas.” Kaya iniisip ng ilan na iisa lang si Jesus at ang Diyos. Pero kapansin-pansin na magkabukod na binanggit sa talatang ito ang “Diyos na Ama” at si “Kristo Jesus na ating Tagapagligtas.” Si Jesus ang ginamit ng Diyos para iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, kaya matatawag din si Jesus na “ating Tagapagligtas.” Sa Heb 2:10, tinawag ni Pablo si Jesus na “Punong Kinatawan para sa kaligtasan.” At si Jehova naman ay tinatawag ng manunulat ng Bibliya na si Judas na “tanging Diyos na Tagapagligtas natin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon,” na nagpapakitang nagtutulungan ang Diyos at si Kristo para mailigtas ang mga tao. (Jud 25) Kaya hindi sinusuportahan ng pananalita dito ni Pablo ang ideya na iisa lang si “Kristo Jesus” at ang “Diyos na Ama.”—Tingnan ang study note sa 1Ti 1:1.
-