-
Mga Study Note sa Tito—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Creta: Isa ito sa malalaking isla sa Mediteraneo, at nasa dulong timog ito ng Dagat Aegeano, na mga 100 km (62 mi) sa timog-silangan ng Gresya. Ang Creta ay mga 250 km (155 mi) ang haba, at 56 km (35 mi) ang pinakamalapad na bahagi nito. Dumaan si apostol Pablo sa islang ito noong papunta siya sa Roma para sa una niyang paglilitis. (Gaw 27:7-9, 12, 13, 21) Lumilitaw na pagkatapos ng unang pagkabilanggo niya sa Roma, bumalik siya sa Creta para mangaral. Iniwan niya si Tito doon para ipagpatuloy nito ang gawain.—Tingnan ang Ap. B13; Media Gallery, “Mga Gawa ng mga Apostol—Paglalakbay ni Pablo sa Roma at Unang Pagkabilanggo Niya Doon”; “Mga Paglalakbay ni Pablo Pagkatapos ng mga 61 C.E.”
para maayos mo: Pag-alis ni Pablo sa Creta, may ipinagkatiwala siya kay Tito na isang mahirap na atas. Kailangang ayusin ni Tito ang mga bagay na kailangang ituwid, o sapatan, sa mga kongregasyon sa Creta. Marami pang mahahalagang bagay na kailangang gawin doon, gaya ng ipinapakita sa liham na ito. Kasama sa mga tagubilin ni Pablo ang mga dapat gawin kapag may ayaw makipagtulungan, hindi nagpapasakop sa maibiging mga payo at tagubilin ni Tito, o nagtataguyod pa nga ng mga sekta.—Tit 1:9; 2:15; 3:10, 11.
makapag-atas ka ng matatandang lalaki: Ipinapakita ng pananalitang ito na inatasan ni Pablo si Tito na maghirang ng mga lalaking mangunguna sa bawat kongregasyon. (Heb 13:7, 17) Para maging matandang lalaki, kailangang maabot ng isang Kristiyano ang mga kuwalipikasyong ipinasulat ni Jehova kay Pablo sa sumunod na mga talata. (Tit 1:6-9; tingnan din ang 1Ti 3:1-7.) Si Tito at ang iba pang naglalakbay na tagapangasiwa—gaya nina Pablo at Bernabe, at lumilitaw na pati na si Timoteo—ay awtorisadong maghirang ng matatandang lalaki sa iba’t ibang kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Gaw 14:23.
sa bawat lunsod: Kilalá noon ang Creta sa pagkakaroon ng maraming lunsod. Sa katunayan, daan-daang taon bago ang panahon ni Pablo, inilarawan ito ng Griegong awtor na si Homer bilang “Creta na may daan-daang lunsod.” (The Iliad, II, 649) Hindi natin alam ang eksaktong bilang ng lunsod at bayan sa islang ito noong unang siglo C.E. Ginamit ni Pablo ang ekspresyong “sa bawat lunsod” para ipakitang kailangang maglakbay ni Tito sa buong isla para maghirang ng matatandang lalaki sa mga kongregasyon na magtuturo at magpapastol sa mga Kristiyano.—Tit 1:6-9.
-