-
Tito 1:12Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
12 Isang propeta, na kababayan pa nila, ang nagsabi: “Ang lahat ng Cretense ay sinungaling, mababangis na hayop, at matatakaw na tamad.”
-
-
Mga Study Note sa Tito—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
propeta, na kababayan pa nila: Malamang na sinipi dito ni Pablo si Epimenides, na isang makatang Cretense noong ikaanim na siglo B.C.E. Malawak ang kahulugan ng terminong Griego na isinalin ditong “propeta,” at kung minsan, tumutukoy ito sa isang tagapagsalita o tagapagsalin. Sa katunayan, tinawag na propeta si Epimenides ng ilang sinaunang manunulat na Griego, at ganiyan din ang tawag kung minsan sa mga lalaking gaya ng makatang si Homer at ng pilosopong si Diogenes. Hindi sinasabi ni Pablo na propeta ng Diyos si Epimenides. (2Pe 1:21) Sumipi lang si Pablo mula sa isang lalaking iginagalang ng mga Cretense at malamang na itinuturing nilang tagapagsalita nila.
“Ang lahat ng Cretense ay sinungaling, mababangis na hayop, at matatakaw na tamad”: Kilalá noon ang mga Cretense sa pagsisinungaling. Sa katunayan, ang pandiwang Griego na literal na nangangahulugang “kumilos [o “magsalita”] gaya ng isang Cretense” ay ginagamit kung minsan para tumukoy sa pagsisinungaling o pandaraya. Pero hindi sinasabi ni Pablo na ganito ang tapat na mga Kristiyano sa Creta. (Gaw 2:5, 11, 33) Idiniriin lang niya na may ilang Cretense na masamang impluwensiya sa mga kongregasyon. Sa kontekstong ito, binanggit niya ang mga “lalaking rebelde, nagsasalita ng mga bagay na walang saysay, at nanlilinlang,” na naggigiit sa pagtutuli at naglilihis ng mga pamilya sa katotohanan. (Tingnan ang mga study note sa Tit 1:10.) Kaya sinipi ni Pablo ang kilaláng kasabihang ito para idiin ang punto niya: Ganiyang-ganiyan ang ilang huwad na Kristiyano.
matatakaw na tamad: Ang salitang Griego dito para sa “matatakaw” ay literal na nangangahulugang “tiyan,” kaya tumutukoy ito sa isang tao na ang mahalaga lang ay kumain nang kumain. Siyempre, hindi lang naman mga Cretense ang ganiyan. (Tingnan ang study note sa Ro 16:18; Fil 3:19.) Nang sipiin ni Pablo ang kasabihang ito, lumilitaw na ang tinutukoy niya ay ang mga taong tamad na gustong-gustong kumain pero hindi nagtatrabaho.
-