-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Noon, nagsalita ang Diyos sa mga ninuno natin: Sa loob ng daan-daang taon, gumamit ang Diyos ng maraming propeta para kausapin ang bayan niya. Ang ilan sa mga propeta na binanggit o sinipi ni Pablo sa liham na ito ay sina Abraham (Gen 20:7; Heb 7:1), Moises (Deu 34:10; Heb 9:19), Jeremias (Jer 31:31-34; Heb 8:8-12), Habakuk (Hab 2:3, 4; Heb 10:37, 38), at Hagai (Hag 2:6; Heb 12:26). Pero sinabi ni Pablo na “sa katapusan ng mga araw na ito,” nagsalita na ang Diyos sa pamamagitan ng Anak niya, si Jesu-Kristo.—Heb 1:2 at study note.
sa maraming pagkakataon at sa maraming paraan: Sa orihinal na Griego, sinimulan ni Pablo ang liham niya gamit ang dalawang magkatunog na salita na may pagkakapareho ng kahulugan. Nakipag-usap noon si Jehova sa bayan niya sa pamamagitan ng mga propeta, hindi lang nang minsanan, kundi sa “maraming pagkakataon” (sa Griego, po·ly·me·rosʹ), sa iba’t ibang panahon, lugar, at sitwasyon. Gumamit din siya ng “maraming paraan” (sa Griego, po·ly·troʹpos) para iparating ang mensahe niya. Minsan, direkta niyang kinakausap ang mga propeta niya at ipinapasulat ang mensahe niya. (Exo 34:27) Kung minsan naman, nagbibigay siya sa kanila ng panaginip o pangitain. (Isa 1:1; Dan 2:19; 7:1; Hab 1:1) Nagsusugo rin siya ng anghel para magdala ng mensahe. (Zac 1:7, 9) Inihahayag naman ng mga propeta ang mensahe ng Diyos sa iba’t ibang paraan. Puwedeng sinasabi nila ito sa harap ng maraming tao o isinusulat, o puwedeng gumagamit sila ng makasagisag na mga bagay. Minsan, gumagawa rin sila ng pagsasadula na may makasagisag na kahulugan.—Jer 7:1, 2; Eze 4:1-3; Os 1:2, 3; Hab 2:2.
-