-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
sino sa mga anghel ang sinabihan ng Diyos: Bilang isang grupo, tinatawag ang mga anghel kung minsan na “mga anak ng Diyos” (Job 38:7; Aw 89:6) o “mga anak ng tunay na Diyos” (Gen 6:2, 4; Job 1:6; 2:1) sa Hebreong Kasulatan. Pero walang isa man sa kanila ang tinawag ng Diyos na anak ko sa natatanging paraan. (Mat 3:17; 17:5) Ipinapakita dito ni apostol Pablo na may natatanging kaugnayan si Kristo Jesus sa Ama niyang si Jehova at na nakahihigit siya sa mga anghel. Sinipi dito ni Pablo ang dalawang talata na may pananalitang “anak ko” sa anyong pang-isahan, at pareho niya itong ginamit para kay Jesus.
“Ikaw ang anak ko; ngayon, ako ay naging iyong ama”: Sinipi ni Pablo ang Aw 2:7 para idiin ang kahigitan ni Jesus sa mga anghel. Inilalarawan ng awit na ito ang haring iniluklok ng Diyos. Lumilitaw na unang tumukoy kay David ang hulang ito. Sa natatanging paraan, naging anak ng Diyos si David dahil pinili niya itong maging hari. Noong bautismuhan si Jesus, kinilala siya ni Jehova sa espesyal na paraan nang sabihin Niya: “Ito ang Anak ko.” (Mat 3:17 at study note; Ju 1:14) Sa gabay ng banal na espiritu, ipinaliwanag ni Pablo sa Gaw 13:33 na natupad din ang mga salitang ito noong buhaying muli si Jesus.—Tingnan ang study note sa Ro 1:4; tingnan din ang Heb 5:5, kung saan sinipi ulit ni Pablo ang Aw 2:7.
“Magiging ama niya ako, at magiging anak ko siya”: Sinipi ito mula sa 2Sa 7:14. (Tingnan din ang 1Cr 17:13; 28:6.) Sa 2Sa 7:11-16, nakipagtipan si Jehova kay David. Ipinangako niya na manggagaling sa angkan ni David ang mga tagapamahala sa itatatag niyang kaharian at na magiging anak ng Diyos ang anak ni David na si Solomon. Dito, sa pamamagitan ng banal na espiritu, ipinakita ng apostol na may mas malaking katuparan ang hulang ito kay Kristo Jesus.
-