-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
kapag muli niyang isinugo sa lupa ang Panganay niya: Tinutukoy dito ni Pablo ang isang pangyayari na hindi pa nagaganap noong panahon niya. Sinusuportahan ito ng sinabi niya sa Heb 2:5 tungkol sa “darating na lupa, na ipinahahayag [nila].” (Tingnan ang study note.) Kaya tinutukoy dito ni Pablo ang panahon kung kailan muling isusugo ni Jehova ang Panganay niya para bigyang-pansin ang mga nangyayari sa mga tao sa mundo. Sa pagkakataong ito, hindi siya makikita ng mga tao.—Tingnan ang study note sa Luc 2:1; Gaw 1:11.
Yumukod kayo sa kaniya: Ibig sabihin, kay Jesus. Itinaas ng Diyos si Jesus sa posisyong pangalawa sa Kataas-taasan. Dahil diyan, napasailalim ng Anak ng Diyos ang lahat ng anghel. Kaya angkop lang na utusan ng Diyos ang mga anghel na yumukod sa Anak niya. Kaayon ito ng isinulat ni Pablo sa Fil 2:9-11 na dapat “lumuhod sa pangalan ni Jesus ang lahat ng . . . nasa langit.” (Tingnan ang study note sa Fil 2:9, 10.) Malawak ang kahulugan ng pandiwang Griego na isinaling “yumukod” (pro·sky·neʹo) sa Heb 1:6. Ayon sa isang diksyunaryo, puwede itong mangahulugang “(dumapa at) sumamba, yumukod, sumubsob sa harap ng, magbigay-galang, o tanggapin nang may paggalang.” Mahalaga ang konteksto para malaman kung ano ang tamang salin dito. (Tingnan ang study note sa Luc 24:52.) Ginamit dito (Heb 1:6) ng maraming tagapagsalin ng Bibliya ang terminong “sambahin,” kaya nagmumukhang si Jesus ang Diyos. Pero makikita sa ibang bahagi ng Bibliya na hindi si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Si Jehova lang ang karapat-dapat sambahin. (Mat 4:10; Apo 4:10, 11; 22:8, 9) Kaya matibay ang basehan ng saling “yumukod,” at ito rin ang ginamit ng maraming salin ng Bibliya. Ginagamit ng Judiong manunulat noong unang siglo C.E. na si Josephus ang pandiwang Griego na pro·sky·neʹo kapag tinutukoy niya ang mga taong “yumuyukod” sa mga Romanong gobernador o kahit pa nga sa mga guwardiya nila bilang paggalang.—The Jewish War, II, 366 (xvi, 4).
Yumukod kayo sa kaniya, kayong lahat na mga anghel ng Diyos: Sinipi dito ni Pablo ang salin ng Griegong Septuagint sa Deu 32:43 o Aw 97:7, o posibleng pinagsama niya ang dalawang teksto. Mababasa sa salin ng Septuagint sa Deu 32:43: “At yumukod sa kaniya ang lahat ng anak ng Diyos.” Ganito naman ang mababasa sa Aw 97:7 ng Septuagint: “Yumukod kayo sa kaniya, kayong lahat na mga anghel niya.” Sa Kasulatan, madalas na tumutukoy ang “mga anak ng Diyos” sa mga anghel. (Tingnan ang study note sa Heb 1:5.) Sa Hebreong Masoretiko, hindi lumitaw ang pariralang “yumukod kayo sa kaniya, kayong lahat na mga anak ng Diyos” sa Deu 32:43. Pero ang pariralang ito ay sinusuportahan ng nadiskubreng piraso ng Dead Sea Scroll na naglalaman ng Deuteronomio sa wikang Hebreo. May mababasa sa pirasong ito na kahawig na pananalita sa Septuagint. Ito ang unang pagkakataon na nakita sa manuskritong Hebreo ng Deu 32:43 ang ekspresyong ito. Kaya lumilitaw na ang saling Griego ng ekspresyong ito ay ibinase sa isang tekstong Hebreo na katulad ng mababasa sa natagpuang piraso ng manuskrito.
-