-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Iyan ang dahilan kung bakit kailangan nating: Iniuugnay ni Pablo ang payo niya sa talatang ito sa puntong idiniin niya sa simula ng liham niya—ang kahigitan ni Kristo sa mga anghel. (Heb 1:1-14) Noon, nakikipag-usap ang Diyos gamit ang di-perpektong mga taong propeta, at pati mga anghel. (Heb 2:2) Pero nakahihigit ang ginagawa ng Diyos sa ngayon; nakikipag-usap siya sa pamamagitan ng sarili niyang Anak, na nasa kanan niya. Kaya talagang kailangan nating makinig sa pinakadakilang Tagapagsalita ng Diyos.
magbigay ng higit sa karaniwang pansin sa mga narinig natin: Dito, nagbigay si Pablo ng mariing payo sa mga Kristiyano na dapat nilang bigyang-pansin at pag-isipang mabuti ang lahat ng natutuhan nila sa mismong Anak ng Diyos. Nanganganib ang mga Hebreong Kristiyano na maimpluwensiyahan ng Judaismo dahil sa kahanga-hangang templo nito, mga saserdote, at mga tradisyon. Kaya talagang kailangan nilang manatiling nakapokus kay Kristo. Ang pandiwang Griego na isinalin ditong “magbigay ng . . . pansin” ay ginagamit sa pag-aangkla ng barko para hindi ito maanod palayo o sa pagtulong dito na hindi malihis ng direksiyon papunta sa daungan. Dapat ding manghawakan ang mga Kristiyano sa mga natutuhan nila at huwag bumitaw dito. Sinasabi ng ilang iskolar na ito ang unang bahagi ng metapora ni Pablo na may kaugnayan sa paglalayag na ipinagpatuloy niya sa sumunod na parirala.
para hindi tayo maanod palayo kailanman: Malamang na ipinagpapatuloy dito ni Pablo ang ilustrasyon niya tungkol sa paglalayag. Ang salitang Griego dito na isinaling “maanod palayo” ay ginagamit kung minsan para sa isang barkong nanganganib maanod palayo sa daungan nito. Puwede itong mangyari dahil sa malalakas na alon o hangin, lalo na kung hindi ito binabantayang mabuti ng mga manlalayag. Kung ganitong senaryo ang maiisip ng mga kausap ni Pablo, mas maiintindihan nila ang babala ng apostol: Kung hindi magiging mapagbantay ang mga Hebreong Kristiyano at magiging pabaya sila, malamang na malihis sila mula sa tunay na pananampalataya at hindi maligtas.—Heb 2:3; ihambing ang study note sa Heb 3:12.
-