-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
anak sa sambahayan ng Diyos: Si Jesus ay hindi lang basta tagapaglingkod sa sambahayan ng Diyos gaya ni Moises. (Bil 12:7; Heb 3:2, 3, 5) Inatasan ni Jehova ang Anak niya na maging Hari “sa sambahayan ng Diyos”—isang bagong-tatag na espirituwal na bansa, ang “Israel ng Diyos,” na binubuo ng pinahirang mga Kristiyano. (Tingnan ang study note sa Gal 6:16; Col 1:13.) Kaya di-hamak na nakahihigit ang kaluwalhatian ni Jesus kay Moises, na itinuturing ng mga Judio noong panahon ni Pablo na isa sa pinakadakilang mga propeta ng Diyos.
ang ating kalayaan sa pagsasalita: O “ang ating katapangan; ang ating pagtitiwala.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang ekspresyong isinalin ditong “kalayaan sa pagsasalita” ay puwedeng tumukoy sa pagsasalita nang may katapangan o sa malayang paglapit kay Jehova para sumamba. Ang mga Hebreong Kristiyano ay napapalibutan ng mga Judiong nanghahawakan sa mga kaayusan sa Kautusang Mosaiko para sumamba sa Diyos. Naniniwala ang mga Judio na di-hamak na nakahihigit ang pagsamba nila sa pagsamba ng mga Kristiyano. Kaya kailangan ng lakas ng loob ng mga Kristiyano para ipangaral ang mabuting balita tungkol kay Jesus, ang tunay na Mesiyas. (Ihambing ang study note sa Gaw 4:13; 28:31.) Kailangan din nilang magtiwala na sa pamamagitan ni Jesus, malaya silang makakalapit kay Jehova para sumamba at manalangin.—Tingnan ang study note sa Efe 3:12; Heb 4:16.
-