-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
masamang puso na walang pananampalataya: Hindi tumutukoy ang ekspresyong ito sa pusong nagdududa paminsan-minsan o sa kawalan nito ng pananampalataya dahil sa kawalang-alam. (Ihambing ang 1Ti 1:13.) Sa halip, tumutukoy ito sa pusong ayaw lang talagang maniwala. Nasa isip ni Pablo ang mga Israelita sa ilang na ayaw manampalataya kay Jehova kahit na nakakita sila ng maraming kahanga-hangang himala. (Heb 3:9) Dahil masyado silang nakapokus sa sarili nilang mga kagustuhan, hindi nila napag-isipan ang mga ginawa ni Jehova para sa kanila. Kaya di-nagtagal, kinalaban nila si Jehova at sinabing gusto nilang bumalik sa Ehipto. (Exo 17:2, 3; Bil 13:32–14:4) Maling-mali at napakasama ng pagmamatigas nila at kawalan ng pananampalataya. (Heb 3:13, 19; tingnan ang study note sa Heb 3:8.) Dapat na mag-ingat ang mga Hebreong Kristiyano na magkaroon ng ganiyang puso, dahil puwedeng mangyari iyan sa “sinuman” sa kanila.
paglayo: Ang pandiwang Griego dito para sa “paglayo” (a·phiʹste·mi) ay puwede ring isaling “paghiwalay; pagtalikod; pagtatakwil.” (Gaw 19:9; 1Ti 4:1 at study note; 2Ti 2:19) Kaugnay ito ng pangngalang isinasaling “apostasya.” (Tingnan ang study note sa 2Te 2:3.) Ang “paglayo” ay sinasadya at pinag-isipan. (Ihambing ang study note sa Heb 2:1, kung saan inilalarawan ang mga taong naanod palayo dahil nagpabaya sila o nawala sa pokus.) Ang mga taong lumayo sa Diyos ay nagrerebelde sa kaniya at nagdesisyon nang huminto sa pagsamba sa kaniya. Sa kontekstong ito, ginamit ni Pablo na halimbawa ang mga Israelita para ipakitang napakahirap nang makabangon kapag tinahak ang ganitong napakasamang landasin.—Heb 3:7-11, 16-19.
Diyos na buháy: Siguradong pamilyar na pamilyar ang mga Judiong Kristiyano sa terminong ito. (Jos 3:10; Aw 42:2) Ipinapakita ng Kasulatan na ibang-iba si Jehova sa walang-buhay na mga diyos ng ibang mga bansa. (Jer 10:5, 10) Nang banggitin ng Diyos na hindi makakapasok sa Lupang Pangako ang henerasyon ng mga Israelita na nagrebelde sa ilang, sinabi niyang “isinusumpa ko, kung paanong buháy ako,” na nagpapakitang talagang matutupad ito. (Bil 14:21, 28) Sa kontekstong ito, idiniriin ng terminong “Diyos na buháy” kung gaano kapanganib ang paglayo sa Diyos, dahil siya lang ang makakapagbigay ng buhay na walang hanggan at kaya rin niyang bawiin ang pag-asang ito.—Tingnan ang study note sa Heb 10:31; tingnan din ang study note sa 1Ti 3:15; 4:10.
-