-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
mayroon pang pangako na makapasok sa kapahingahan niya: Sa patnubay ng banal na espiritu, ipinakita ni Pablo na ang mga sinabi ng Diyos na ipinasulat niya kay David sa Aw 95:11 ay hindi lang basta hatol sa rebelyoso niyang bayan; may kasama din itong isang pangako. Hindi nakapasok ang mga Israelita sa kapahingahan ng Diyos. Pero hindi diyan nakapokus ang liham sa mga Hebreo. Sa halip, nagbibigay ito ng isang napakagandang pag-asa: “Mayroon pang pangako na makapasok sa kapahingahan niya” at bukás ito para sa mga Kristiyano. (Tingnan ang study note sa Heb 4:3, 10.) Ito ang una sa maraming pagkakataon sa liham na ito na binanggit ni Pablo na may “pangako” ang Diyos. (Ang ibang halimbawa ay makikita sa Heb 6:12, 17; 9:15; 10:36; 11:9.) Nakakapagpatibay ito, kasi sa mga Griegong literatura noon, bihirang-bihirang mabasa na nangangako ang isang diyos sa mga tao.
mag-ingat tayo: Lit., “matakot tayo.” Ayon sa isang reperensiya, “ang uri ng pagkatakot na tinutukoy dito ay ang pagkatakot na tumutulong sa isa na maging maingat.”
maging di-karapat-dapat doon: Hindi nakipagtulungan ang rebelyosong mga Israelita sa pagtupad ng Diyos sa layunin niya. Kaya hindi sila nakapasok sa kapahingahan ng Diyos. Dahil sa pagiging rebelyoso nila, hindi sila nakapasok sa Lupang Pangako. (Tingnan ang study note sa Heb 3:11.) Pinayuhan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na huwag gumawa ng anuman na magiging dahilan para hindi rin sila makapasok sa ipinangakong kapahingahan.
-