-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
mayroon pang pahinga na gaya ng Sabbath: Ang terminong Griego na isinalin ditong “pahinga na gaya ng Sabbath” (sab·ba·ti·smosʹ) ay hindi ang karaniwang ginagamit para sa “Sabbath.” (Para sa halimbawa, tingnan ang Mat 12:1; 28:1 at study note; Luc 4:16) Ayon sa isang reperensiya, “hindi [ito] tumutukoy sa isang literal na ‘araw ng sabbath.’” Nakapokus ito sa “pagdiriwang at pagsasaya na ginagawa sa pagsamba at pagpuri sa Diyos.” Sinabi pa ng isang reperensiya na isa itong “espesyal na panahon ng kapahingahan para sa bayan ng Diyos na nakabatay sa tradisyonal na sabbath.” Kaya ang tinutukoy dito ni Pablo ay isang panahon sa hinaharap kung kailan lubusang mararanasan ang totoong ibig sabihin ng Sabbath. Bilang “Panginoon ng Sabbath,” mabibigyan ni Jesus ng lubusang kapahingahan, o kaginhawahan, ang mga tao mula sa masasamang epekto ng kasalanan at kamatayan. (Mat 12:8 at study note) Posibleng ginamit ni Pablo ang naiibang salitang Griegong ito—na hindi lumitaw sa ibang bahagi ng Griegong Kasulatan o kahit sa Septuagint—para ipakitang hindi ang tradisyonal na Sabbath ng mga Judio ang tinutukoy niya. At gaya ng ipinapakita sa iba pang mga teksto sa Bibliya, hindi obligado ang mga Kristiyano na ipagdiwang ang literal na Sabbath.—Tingnan sa Glosari, “Sabbath”; tingnan din ang Col 2:14, 16 at study note.
-