-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Kaya lumapit tayo . . . at malayang magsalita: Kahit makasalanan ang mga Kristiyano, makakalapit pa rin sila kay Jehova—masasamba nila ang Diyos sa tamang paraan at malayang makakapanalangin sa kaniya. Magagawa nila iyan dahil bilang “dakilang mataas na saserdote,” gagamitin ni Jesus ang bisa ng haing pantubos para sa kanila. (Heb 4:14; 10:19-22, 35; tingnan ang study note sa Efe 3:12; Heb 3:6.) Ang anyo ng pandiwang Griego na isinaling “lumapit tayo” ay nagpapahiwatig na makakalapit sa trono ng Diyos ang isang Kristiyano anumang oras. Pero kahit na ‘malayang makakapagsalita’ ang isang Kristiyano kapag nananalangin, hindi iyan nangangahulugang puwede niyang kausapin si Jehova nang walang galang o masyadong kaswal. Dapat na may matinding paggalang pa rin ang panalangin niya at lubos siyang nananampalataya at naniniwala na pakikinggan siya ni Jehova.—1Ju 3:21, 22; 5:14.
trono ng walang-kapantay na kabaitan: Sa Bibliya, madalas gamitin sa makasagisag na paraan ang “trono” para tumukoy sa awtoridad na mamahala. Kaya ang trono ng walang-kapantay na kabaitan ni Jehova ay tumutukoy sa paraan ng pamamahala niya, na punong-puno ng pag-ibig at kabaitan. (Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Dahil sa kabaitan ni Jehova, gumawa siya ng paraan para makalapit sa kaniya ang di-perpektong mga tao. Pinayuhan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na pahalagahan ang walang-kapantay na kabaitang ito. Matatanggap nila ito sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang “dakilang mataas na saserdote,” dahil sa kaniyang haing pantubos. (Heb 4:14; tingnan ang mga study note sa Ju 1:14.) Kaya kapag nananalangin ang mga tunay na Kristiyano, makakapagtiwala silang tatanggap sila ng “awa at walang-kapantay na kabaitan na tutulong sa [kanila] sa tamang panahon”—kailan man nila ito kailanganin.
-