-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 7Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
walang talaangkanan: Gaya ng ibang tao, siguradong may mga magulang si Melquisedec, at posibleng may mga anak din siya. Kaya may talaangkanan siya. Pero dahil walang ulat sa Bibliya tungkol sa mga ninuno o anak ni Melquisedec, sinabi ni Pablo na siya ay “walang talaangkanan.” Ganito ang salin ng Syriac na Peshitta (isang saling ginagamit mula pa noong ikalimang siglo C.E.) sa Heb 7:3: “Hindi nakasulat sa mga talaangkanan kung sino ang ama at ina niya, kung kailan siya ipinanganak, at kung kailan siya namatay. Sa halip, magpakailanman ang pagkasaserdote niya, gaya ng pagkasaserdote ng Anak ng Diyos.” Hindi nakadepende sa talaangkanan ng mga tao ang pagiging saserdote ni Jesus. Hindi siya mula sa tribo ni Levi na mga saserdote. Sa halip, gaya ni Melquisedec, direkta siyang inatasan ng Diyos bilang “mataas na saserdote.” (Heb 5:10; 7:15, 16) Ang pagiging saserdote ng mga Levita ay batay sa “pinagmulang sambahayan” nila, gaya ng nakasaad sa Kautusan, kaya napakahalaga sa mga saserdote noon na magkaroon ng tumpak na rekord ng talaangkanan.—Heb 7:16; Bil 3:10, 15, 16; Ne 7:63, 64.
walang pasimula ng mga araw at walang wakas ng buhay: Hindi sinasabi ni Pablo na literal na walang pasimula si Melquisedec o si Jesus. Ipinanganak si Melquisedec gaya ng isang karaniwang tao. Nilalang naman si Jesus bilang espiritu, “ang panganay sa lahat ng nilalang” at “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Col 1:15 at study note; Apo 3:14) Ang punto lang, gaya ni Jesus, hindi minana ni Melquisedec ang pagiging saserdote mula sa mga ninuno niya. Isa pa, dahil hindi nakaulat ang “wakas ng buhay” ni Melquisedec, ginamit ito ni Pablo para ituro na hindi rin magwawakas ang pagkasaserdote ni Jesus.
ginawang tulad ng Anak ng Diyos: Hindi sinasabi ni Pablo na ginawa ng Diyos na gaya ni Melquisedec ang Anak niya, kundi ginawa niya si Melquisedec na gaya ng Anak niya. Para magawa iyan, tiniyak ni Jehova na walang mababanggit sa ulat ng Genesis tungkol sa pinagmulan, kapanganakan, pamilya, o kamatayan ng hari at saserdoteng si Melquisedec. (Gen 14:18-20) Dahil diyan, puwede nang lumarawan si Melquisedec sa isa pang saserdote na direktang inatasan ng Diyos.
nananatili siyang saserdote sa lahat ng panahon: Hindi sinasabi ng Bibliya kung may ninuno o anak si Melquisedec na nauna o sumunod sa pagkasaserdote niya. Kaya puwedeng sabihin na nanatili siyang saserdote “sa lahat ng panahon,” o “nang walang hanggan.” “Gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec,” hindi rin minana ni Jesus sa mga ninuno niya ang pagiging saserdote niya. (Heb 5:5, 6, 10; 6:20; 7:15-17) Isa pa, sinasabi ng Bibliya na “hindi kailangan ng mga kahalili sa pagkasaserdote” ni Jesus.—Heb 7:24 at study note.
-