-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 7Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ang taong ito na binigyan ni Abraham . . . ng ikasampu ng pinakamabubuting samsam: Sa Kautusang Mosaiko, dapat magbigay ang mga Israelita ng ikasampu, o ikapu, ng bunga ng lupain para masuportahan ang tribo ni Levi, pero nagsimula lang ito mga limang siglo pagkatapos ng panahon ni Abraham. (Bil 18:21, 24) Nang ibigay ni Abraham kay Melquisedec ang ikasampu ng samsam niya, hindi niya iyon ginawa dahil sa may kautusang nagsasabi nito, kundi dahil kinilala niya ang awtoridad na ibinigay ni Jehova kay Melquisedec bilang “saserdote ng Kataas-taasang Diyos.” (Heb 7:1) Sinasabi sa Genesis na binigyan ni Abraham si Melquisedec ng “ikasampu ng lahat ng bagay,” o ikasampu ng mga samsam niya nang talunin niya ang nagkampihang apat na hari. (Gen 14:9, 18-20) Pero idinagdag ni Pablo na ang ibinigay niya ay “ikasampu ng pinakamabubuting samsam.” Maliwanag na napakataas ng tingin ni Abraham kay Melquisedec.
Abraham, ang ulo ng angkan: Sa maraming salin, ang salitang ginamit dito ay “patriyarka” (mula sa pa·tri·arʹkhes, ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo), na nangangahulugang “ama ng isang tribo o bansa.” (Tingnan ang study note sa Gaw 7:8.) Noong nabubuhay si Abraham, siya ang pinuno at lider ng relihiyon ng malaking pamilya niya. Ang buong bansang Israel, kasama na ang mga saserdote at hari nito, ay nanggaling sa kaniya. Kaya mas mataas si Abraham kaysa sa mga saserdoteng Levita na nagmula sa kaniya. Pero ipinakita dito ni Pablo na mapagpakumbabang pinarangalan ni Abraham si Melquisedec at kinilalang nakakataas ito bilang hari at saserdote. (Heb 7:1, 2) Itinuro ni Pablo na siguradong mas dakila si Jesu-Kristo, ang Hari at Mataas na Saserdoteng kinakatawan ni Melquisedec.—Tingnan ang study note sa Heb 4:14.
-