-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 7Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ang Panginoon natin ay nagmula sa Juda: Kailangang manggaling ni Jesus sa angkan ni Juda para magkaroon siya ng legal na karapatang mamahala bilang ang inihulang Mesiyanikong Hari. (Gen 49:10) Noong unang siglo C.E., malamang na may mga dokumentong naglalaman ng tumpak na mga talaangkanan na puwedeng makita ng mga tao. Pinatunayan ng mga rekord na iyon na si Jesus ay inapo ni Juda mula sa angkan ni David. Lumilitaw na nasira ang mga dokumentong iyon nang magrebelde ang mga Judio laban sa Roma noong 66-70 C.E. Pero naingatan ang talaangkanan ni Jesus sa mga Ebanghelyo nina Mateo at Lucas. (Mat 1:1, 3, 16; Luc 3:23, 33) Pagdating naman sa kuwalipikasyon ni Jesus bilang Mataas na Saserdote, hindi na kailangan ng talaangkanan. Hindi niya kailangang manggaling sa angkan ni Levi, dahil inatasan siya ng Diyos nang may kasamang panunumpa bilang hari at saserdoteng gaya ni Melquisedec.—Aw 110:1-4; Mar 12:35, 36; Heb 7:15-17; tingnan ang study note sa Heb 7:12.
-