-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 7Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
naging saserdote nang walang panunumpa: Inutusan ni Jehova si Moises na atasan si Aaron bilang ang unang mataas na saserdote sa Israel, at itinalaga naman Niya ang mga anak ni Aaron bilang mga katulong na saserdote. (Exo 28:1; 29:35) Paglipas ng panahon, ang mga inapo na ni Aaron ang naglingkod bilang mga saserdote sa Israel, at naging katulong nila ang iba pang lalaki sa tribo ni Levi. (Exo 29:9; Bil 3:6-10) Kaya tinanggap ng mga saserdote sa Israel ang marangal na posisyong ito “nang walang panunumpa”; nakuha nila ito dahil sa “pinagmulang sambahayan” nila. (Heb 7:16) Idiniin ni Pablo na ang kaayusan ng pagkasaserdoteng itinatag ng Diyos nang may panunumpa ay di-hamak na nakahihigit sa pagkasaserdoteng minana lang.
Si Jehova ay sumumpa: Sumipi ulit si Pablo sa Aw 110:4, pero dito, dinagdagan niya ang sinipi niyang bahagi: “Si Jehova ay sumumpa, at hindi magbabago ang isip niya.” (Tingnan ang mga study note sa Heb 5:6.) Naidiin na ni Pablo na hindi mababago ang isinumpa ni Jehova; ito ang pinakamaaasahang garantiya. (Tingnan ang study note sa Heb 6:17, 18.) Kaya ang panunumpa ni Jehova tungkol kay Jesus, “Ikaw ay isang saserdote magpakailanman” gaya ng pagkasaserdote ng hari at saserdoteng si Melquisedec, ay personal na tipan sa pagitan Niya at ng Anak Niya. (Heb 7:17) Lumilitaw na ito ang tipang tinutukoy ni Jesus nang makipagtipan siya sa mga tagasunod niya “para sa isang kaharian.”—Luc 22:29 at study note.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 110:4, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. Kaya ginamit din dito sa Heb 7:21 ang pangalan ng Diyos.—Tingnan ang Ap. C1 at C2.
-