-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 7Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
maililigtas din niya nang lubusan: Taon-taon naghahandog ng mga hayop ang di-perpektong mga tao na naglingkod bilang mataas na saserdote, pero “minsanan” lang inihandog ni Jesus ang perpektong hain niya at “walang hanggan ang bisa nito.” (Heb 7:27) Isa pa, dahil imortal si Jesus, kaya niyang tapusin ang sinimulan niyang atas na iligtas ang makasalanang mga tao. (Ro 6:9; Heb 7:23, 24) “Lubusan” ang pagliligtas niya dahil tinutulungan niya ang bawat masunuring tagasunod niya hanggang sa magkaroon ito ng buhay na walang hanggan, imortal na buhay man iyon sa langit o walang-hanggang buhay sa lupa.—1Co 15:54, 55; Apo 21:3, 4.
makiusap: Tumutukoy ang terminong ito sa paglapit sa isa para makiusap alang-alang sa iba. Dahil hindi puwedeng direktang lumapit sa Diyos ang isang di-perpektong tao, si Jesus ang nakikiusap at nagtatanggol sa harap ng Diyos para sa mga tagasunod niya. (Heb 2:18 at study note) Sa ngalan ni Jesus, makakalapit sa Diyos ang mga Kristiyano anumang oras, dahil alam nilang laging handa si Kristo na tulungan sila. (Ju 16:23; Heb 4:15, 16 at study note) Hindi naman sinasabi dito ni Pablo na ayaw magpatawad ng Diyos at na kailangan pang magmakaawa ni Jesus sa kaniya para magpakita Siya ng awa. Maawain si Jehova at handang magpatawad. (Exo 34:6, 7; Aw 86:5) Ang totoo, ang Diyos pa nga ang naglaan kay Jesus bilang tagapagtanggol ng tunay na mga mananamba Niya para makalapit sila sa Kaniya at makatanggap ng awa at tulong.—Ro 3:24, 25; 2Co 5:18, 19; 1Ju 2:1, tlb.; 4:10.
-