-
Pahina DosGumising!—1990 | Oktubre 22
-
-
Pahina Dos
ORA MISMO, tayong lahat ay abalang-abalang gumagawa ng yaman na gumagatong sa kanilang industriya. Gumagawa ka ng isang bagay na nais nila. Sino ba “sila”? Mga bangko ng dugo at mga sentro na nangongolekta ng plasma.
Maraming tao ang naniniwala na ang industriya ng dugo ay nagnanais lamang magligtas ng buhay. Subalit parami nang paraming kritiko ang nagpaparatang na ang pagbabangko ng dugo ay isa pang malaking negosyo. Kaya, sa katunayan, ang mga selula ng dugo ay nagiging salapi.
-
-
Ang Pagbibili ng Dugo ay Malaking NegosyoGumising!—1990 | Oktubre 22
-
-
Ang Pagbibili ng Dugo ay Malaking Negosyo
GINTONG PULA! Gaya ng ipinahihiwatig ng palayaw, ito ay isa sa lubhang pinahahalagahang sustansiya. Ito ay isang mahalagang likido, isang napakahalagang likas na yaman na inihambing hindi lamang sa ginto kundi sa langis at karbón din naman. Gayunman, ang gintong pula ay hindi minimina sa mga ugat sa bato na ginagamitan ng barena at dinamita. Ito’y minimina sa mga ugat ng tao sa pamamagitan ng mas tusong paraan.
“Pakisuyo, ang aking munting anak na babae ay nangangailangan ng dugo,” samo ng isang paskil na nanganganinag sa abalang lansangan ng Lungsod ng New York. Ang ibang anunsiyo ay humihimok: “Kung ikaw ay tagapagkaloob, ikaw ang uri ng tao na kailangan ng mundong ito.” “Mahalaga ang iyong dugo. Makipagtulungan ka.”
Maliwanag na nasasakyan ng mga taong nais tumulong sa iba ang mensahe. Sila’y pulu-pulutong na nagsisipila, sa buong daigdig. Walang alinlangan ang karamihan sa kanila, gayundin ang mga taong kumukuha ng dugo at ang mga taong nagsasalin ng dugo, ay taimtim na nagnanais na tulungan ang naghihirap at naniniwalang gayon nga ang kanilang ginagawa.
Subalit pagkaraang maipagkaloob ang dugo at bago ito isalin, ito ay dumaraan sa marami pang kamay at napasasailalim ng higit pang mga pamamaraan kaysa inaakala natin. Tulad ng ginto, ang dugo ay pumupukaw rin ng kasakiman. Ito’y maaaring ipagbili nang may tubò at saka muling ipagbili sa mas malaking tubò. Ang ibang tao ay nag-aaway dahil sa karapatang kumuha ng dugo, ipinagbibili nila ito sa pagkalalaking halaga, kumikita sila nang husto mula rito, at ipinupuslit pa nga nila ito mula sa isang bansa tungo sa ibang bansa. Sa buong daigdig, malaking negosyo ang pagbibili ng dugo.
Sa Estados Unidos, ang mga tagapagkaloob ay dating hayagang binabayaran dahil sa kanilang dugo. Subalit noong 1971 ang Britanong autor na si Richard Titmuss ay nagparatang na dahil sa pagtukso sa mahihirap at maysakit na magkaloob ng dugo alang-alang sa ilang dolyar, sinasabing ang sistema sa Amerika ay hindi ligtas. Ikinatuwiran din niya na hindi magandang asal para sa mga tao na makinabang mula sa pagbibigay ng kanilang dugo upang tulungan ang iba. Ang kaniyang pag-atake ay nagwakas sa pagbabayad sa mga nagkakaloob ng dugo sa Estados Unidos (bagaman ang paraang ito ay umuunlad pa rin sa ibang bansa). Gayunman, matubo pa rin ang kalakalan ng dugo. Bakit?
Kung Paano Nanatiling Matubo ang Dugo
Noong 1940’s, sinimulang ihiwalay ng mga siyentipiko ang mga sangkap ng dugo. Ang proseso, ngayo’y tinatawag na fractionation, ay ginagawang lalo pang matubo ang negosyo ng dugo. Papaano? Bueno, isaalang-alang: Kapag pinaghiwa-hiwalay at ang mga bahagi nito ay ipagbili, ang isang lumang-modelong kotse ay maaaring maging limang ulit ang halaga kaysa halaga nito kung buo. Sa gayunding paraan, ang halaga ng dugo ay lalo pang lumalaki kapag ito’y binaha-bahagi at ang mga bahagi nito ay ipagbili nang bukod.
Ang plasma, na bumubuo ng halos kalahati ng dami ng dugo, ay isang totoong kapaki-pakinabang na sangkap ng dugo. Yamang ang plasma ay walang mga bahaging selula ng dugo—pulang selula, puting selula, at platelets—ito’y maaaring patuyuin at iimbak. Isa pa, ang tagapagkaloob ay pinapayagang magbigay ng buong dugo limang beses lamang sa isang taon, subalit siya ay maaaring magbigay ng plasma hanggang dalawang beses isang linggo sa pamamagitan ng plasmapheresis. Sa prosesong ito, ang buong dugo ay kinukuha, ihihiwalay ang plasma, at pagkatapos ang mga bahaging selula ay ipapasok na muli sa nagkaloob.
Ipinahihintulot pa rin ng Estados Unidos na bayaran ang mga nagkaloob ng kanilang plasma. Gayumpaman, ang bansang iyon ay pumapayag na ang mga tagapagkaloob nito ay magbigay ng halos apat na ulit na mas maraming plasma sa bawat taon kaysa inirerekomenda ng World Health Organization! Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang Estados Unidos ay kumukuha ng mahigit 60 porsiyento ng panustos na plasma ng daigdig. Ang lahat ng plasmang iyon sa ganang sarili ay nagkakahalaga ng halos $450 milyon, subalit mas malaki pa ang halaga nito sa pamilihan sapagkat ang plasma ay maaari ring ihiwalay tungo sa iba’t ibang sangkap. Sa buong daigdig, ang plasma ang pinagmumulan ng $2,000,000,000-isang-taon na industriya!
Ang Hapón, sang-ayon sa pahayagang Mainichi Shimbun, ay kumukunsumo ng halos sangkatlo ng plasma ng daigdig. Inaangkat ng bansang iyon ang 96 na porsiyento ng sangkap na ito ng dugo, karamihan dito ay mula sa Estados Unidos. Tinawag ng mga kritiko sa Hapón ang bansang iyon na “ang bampira ng daigdig,” at sinikap ng Japanese Health and Welfare Ministry na ipagbawal ang negosyong iyon, sinasabing hindi makatuwirang tumubo mula sa dugo. Sa katunayan, sinasabi ng Ministri na ang mga institusyon ng medisina sa Hapón ay kumikita ng $200,000,000 taun-taon mula sa isa lamang sangkap ng plasma, ang albumin.
Ang Pederal na Republika ng Alemanya ay kumukunsumo ng higit na mga produkto ng dugo kaysa iba pa sa Europa na pinagsama, mas marami sa bawat tao kaysa anumang bansa sa daigdig. Ang aklat na Zum Beispiel Blut (Halimbawa, Dugo) ay nagsasabi tungkol sa mga produkto ng dugo: “Mahigit na kalahati ay inaangkat, pangunahin na buhat sa E.U.A., gayundin sa Third World. Sa anumang kaso buhat sa mahihirap, na nais dagdagan ang kanilang kita sa pamamagitan ng pagkakaloob ng plasma.” Ang iba sa mahihirap na ito ay nagbebenta ng napakaraming dugo anupa’t sila’y namamatay dahil sa kawalan ng dugo.
Maraming komersiyal na mga sentro-ng-plasma ay estratehikong matatagpuan sa mga dakong mababa-ang-kita at sa mga hangganan ng mas mahihirap na bansa. Inaakit nito ang mahihirap at mga pinabayaan, na handang magbili ng plasma dahil sa pera at may sapat na dahilan upang magbigay ng higit kaysa kinakailangang ibigay nila at itago ang anumang sakit na maaaring mayroon sila. Ang gayong kalakalan ng plasma ay bumangon sa 25 bansa sa buong daigdig. Kapag pinahinto ito sa isang bansa, susulpot naman ito sa ibang bansa. Ang pagsuhol sa mga opisyal gayundin ang pagpupuslit ay karaniwan.
Tubò mula sa Walang Patubuan
Subalit ang walang patubuang mga bangko ng dugo ay sumailalim din ng masakit na pagbatikos kamakailan. Noong 1986 ang reporter na si Andrea Rock ay sumulat sa magasing Money na ang isang yunit ng dugo ay binibili ng mga bangko ng dugo sa mga tagapagkaloob sa halagang $57.50, na binibili naman ng ospital mula sa mga bangko ng dugo sa halagang $88.00, at na binabayaran naman ng mga pasyente ng mula $375 hanggang $600 upang isalin sa kaniya.
Nagbago na ba ang kalagayan mula noon? Noong Setyembre 1989 ang reporter na si Gilbert M. Gaul ng The Philadelphia Inquirer ay sumulat ng isang serye ng mga artikulo sa pahayagan tungkol sa sistema ng pagbabangko ng dugo sa E. U.a Pagkatapos ng isang-taóng imbestigasyon, iniulat niya na ang ilang bangko ng dugo ay sumasamo sa mga tao na magkaloob ng dugo at pagkatapos ay ipinagbibili ang halos kalahati ng dugong iyon sa iba pang mga sentro ng dugo, na may malaking tubò. Tinataya ni Gaul na ang mga bangko ng dugo ay nagkakalakal ng halos kalahating milyong litro ng dugo taun-taon sa ganitong paraan, sa isang mapandayang $50,000,000-isang-taon na bentahan na kumikilos na parang isang aksiyon o stock exchange.
Gayunman, ang paliwanag sa pagkakaiba: Ang negosyong ito ng dugo ay hindi sinusubaybayan ng gobyerno. Hindi masukat ng sinuman ang eksaktong lawak nito, ano pa kaya ang pagkontrol sa presyo nito. At walang nalalaman tungkol dito ang mga tagapagkaloob ng dugo. “Ang mga tao’y nililinlang,” sabi ng isang nagretirong tagapagbangko ng dugo sa The Philadelphia Inquirer. “Walang nagsasabi sa kanila na ang kanilang dugo ay napupunta sa amin. Magagalit sila nang husto kung malalaman nila ang tungkol dito.” Sa maikli ganito ang sabi ng isang opisyal ng Red Cross: “Mga taon nang dinadaya ng mga tagapagbangko ng dugo ang mga mamamayang Amerikano.”
Sa Estados Unidos lamang, ang mga bangko ng dugo ay nakakakuha ng mga 6.5 milyong litro ng dugo taun-taon, at sila’y nagbibili ng mahigit na 30 milyong yunit na mga produkto ng dugo sa halagang halos isang libong milyong dolyar. Pagkalaki-laking halaga ng pera ito. Hindi ginagamit ng mga bangko ng dugo ang katagang “tubò.” Mas gusto nila ang pariralang “labis sa mga gastos.” Ang Red Cross, halimbawa, ay gumawa ng $300 milyong “labis sa mga gastos” mula noong 1980 hanggang 1987.
Ang mga bangko ng dugo ay nagprotesta na sila ay mga organisasyong walang patubuan. Sinasabi nilang di-gaya ng malalaking korporasyon sa Wall Street, ang kanilang pera ay hindi nagtutungo sa mga aksiyonista (stockholder). Ngunit kung ang Red Cross ay may mga aksiyonista, mapapabilang ito sa pinakamatubong korporasyon sa Estados Unidos, gaya ng General Motors. At ang mga opisyal ng bangko ng dugo ay may malalaking suweldo. Tungkol sa mga opisyal sa 62 mga bangko ng dugo na sinurbey ng The Philadelphia Inquirer, 25 porsiyento ang kumikita ng mahigit $100,000 isang taon. Ang iba ay doble pa niyan ang kinikita.
Sinasabi ng mga tagapagbangko ng dugo na hindi sila “nagbibili” ng dugong kanilang nakukuha—sinisingil lamang nila ang bayad sa pagpuproseso. Ganito ang matalasik na sagot ng isang tagapagbangko ng dugo sa pahayag na iyon: “Nasisiraan ako ng bait kapag sinasabi ng Red Cross na hindi ito nagbibili ng dugo. Para iyang supermarket na nagsasabing pinababayaran lamang nila sa inyo ang karton, hindi ang gatas.”
Ang Pangglobong Kalakalan
Tulad ng kalakalan ng plasma, ang kalakalan ng buong dugo ay sumasakop sa buong globo. Gayundin ang pagbatikos dito. Halimbawa, ang Japanese Red Cross ay pumukaw ng kaguluhan noong Oktubre 1989 nang sikapin nitong pasukin ang pamilihang Hapones sa pamamagitan ng pagbibigay ng malalaking diskuwento sa mga produkto na galing sa ipinagkaloob na dugo. Ang mga ospital ay umani ng pakalaki-laking mga tubò sa pagsasabi sa kani-kanilang porma sa seguro na binili nila ang dugo sa pamantayang mga presyo.
Sang-ayon sa pahayagan ng Thailand na The Nation, kailangang isara ng ilang bansa sa Asia ang kanilang kalakalan ng gintong pula dahil sa hindi pagpapabayad sa mga donasyon. Sa India kasindami ng 500,000 ang nagbibili ng kanila mismong dugo upang kumita. Ang ilan, nangangalumata at nanghihina, ay nagbabalatkayo upang makapagkaloob sila ng higit na dugo kaysa ipinahihintulot. Ang iba naman ay sadyang labis-labis ang kinukuhang dugo ng mga bangko ng dugo.
Sa kaniyang aklat na Blood: Gift or Merchandise, sinabi ni Piet J. Hagen na ang kahina-hinalang mga gawain ng mga bangko ng dugo ay pinakamalala sa Brazil. Ang daan-daang komersiyal na mga bangko ng dugo sa Brazil ang nagpapatakbo ng $70 milyong kalakalan na nakaaakit sa mga walang prinsipyo. Sang-ayon sa aklat na Bluternte (Ani ng Dugo), ang mahihirap at walang trabaho ay nagtutungo sa di-mabilang na mga bangko ng dugo sa Bogotá, Colombia. Ipinagbibili nila ang kalahating litro ng kanilang dugo sa maliit na halaga na 350 hanggang 500 piso. Ang mga pasyente ay maaaring magbayad ng mula 4,000 hanggang 6,000 piso para sa kalahating litro ng dugo!
Maliwanag, sa paano man isang pangglobong katotohanan ang lumilitaw: Malaking negosyo ang pagbibili ng dugo. ‘Eh ano ngayon? Bakit hindi dapat maging malaking negosyo ang dugo?’ maaaring itanong ng iba.
Bueno, ano ba ang nakaaasiwa sa maraming tao tungkol sa malaking negosyo sa pangkalahatan? Ito’y ang kasakiman. Halimbawa, ang kasakiman ay nakikita kapag hinimok ng malaking negosyo ang mga tao na bumili ng mga bagay na hindi naman nila kailangan; o masahol pa, kapag patuloy nitong pinalulusot sa publiko ang ilang nalalamang mapanganib na mga produkto, o kapag ito’y tumatangging gumasta ng salapi upang gawing mas ligtas ang mga produkto nito.
Kung ang negosyo ng dugo ay nababahiran ng gayong uri ng kasakiman, ang buhay ng angaw-angaw na mga tao sa daigdig ay lubhang nanganganib. Pinasamâ na ba ng kasakiman ang negosyo ng dugo?
[Talababa]
a Noong Abril 1990, ang pagbubunyag ni Gaul ay nagwagi ng Gantimpalang Pulitzer para sa Paglilingkod Bayan. Sinimulan din nito ang malaking pagsisiyasat ng kongreso sa industriya ng dugo noong dakong huli ng 1989.
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Negosyo ng Inunan
Marahil iilang babaing kapapanganak lamang ang nagtatanong kung ano ang nangyayari sa inunan (placenta), ang kimpal ng himaymay na nagpapakain sa sanggol samantalang ito ay nasa bahay-bata. Sang-ayon sa The Philadelphia Inquirer, maraming ospital ang itinatabi, pinagyeyelo, at ipinagbibili ito. Noong 1987 lamang, ang Estados Unidos ay naglulan ng 0.8 milyong kilo ng inunan sa ibang bansa. Isang kompaniyang malapit sa Paris, Pransiya, ang bumibili ng 15 toneladang inunan araw-araw! Ang mga inunan ay isang handang pinagmumulan ng plasma ng dugo ng ina, na ginagawang sarisaring medisina ng kompaniya at saka ipinagbibili sa mga isang daang bansa.
[Graph/Larawan sa pahina 4]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Pangunahing mga Sangkap ng Dugo
Plasma: halos 55 porsiyento ng dugo. Ito ay 92 porsiyentong tubig; ang iba pa ay binubuo ng masalimuot na mga protina, gaya ng globulins, fibrinogens, at albumin
Platelets: halos 0.17 porsiyento ng dugo
Puting Selula: halos 0.1 porsiyento
Pulang Selula: halos 45 porsiyento
-
-
Kaloob ng Buhay o Halik ng Kamatayan?Gumising!—1990 | Oktubre 22
-
-
Kaloob ng Buhay o Halik ng Kamatayan?
“Ilang tao pa ang kailangang mamatay? Ilang kamatayan pa ang kailangan ninyo? Ibigay ninyo sa amin ang pasimula ng kamatayan na kailangan ninyo upang maniwala kayo na ito’y nangyayari.”
PINUKPOK ni Don Francis, isang opisyal ng CDC (Centers for Disease Control ng E.U.), ang mesa habang isinisigaw niya ang mga salita sa itaas sa isang pulong na kasama ng pangunahing mga kinatawan ng industriya ng pagbabangko ng dugo. Kinukumbinsi ng CDC ang mga tagapagbangko ng dugo na ang AIDS ay kumakalat sa pamamagitan ng panustos na dugo ng bansa.
Ang mga tagapagbangko ng dugo ay hindi nakumbinsi. Tinawag nila ang katibayan na kakaunti—iilang kaso lamang—at nagpasiyang huwag pasulungin ang pagsubok o pagsuri sa dugo. Iyan ay noong Enero 4, 1983. Pagkalipas ng anim na buwan, ang presidente ng American Association of Blood Banks ay nagsabi: “May kaunti o walang panganib sa publiko.”
Para sa maraming eksperto, mayroon nang sapat na katibayan upang kumilos. At mula noon, ang dating “iilang kaso” ay nakababahalang dumami. Bago noong 1985, marahil 24,000 katao ang nasalinan ng dugo na may HIV (Human Immunodeficiency Virus), na nagiging sanhi ng AIDS.
Ang nahawaang dugo ang pinakamabisang paraan upang ikalat ang virus ng AIDS. Ayon sa The New England Journal of Medicine (Disyembre 14, 1989), ang isang yunit ng dugo ay maaaring magdala ng sapat na virus upang pagmulan ng hanggang 1.75 milyong mga impeksiyon! Sinabi ng CDC sa Gumising! na noong Hunyo 1990, sa Estados Unidos lamang, 3,506 katao na ang nagkaroon ng AIDS buhat sa mga pagsasalin ng dugo, mga sangkap ng dugo, at mga tissue transplant.
Subalit iyon ay mga bilang lamang. Hindi nito ipinahihiwatig ang tindi ng personal na kalunus-lunos na pangyayaring nasasangkot. Isaalang-alang, halimbawa, ang malungkot na nangyari kay Frances Borchelt, 71 anyos. Matatag na sinabi niya sa mga doktor na ayaw niyang siya’y salinan ng dugo. Gayunman siya’y sinalinan din ng dugo. Siya’y hirap na hirap na namatay dahil sa AIDS habang walang magawang pinagmamasdan siya ng kaniyang pamilya.
O isaalang-alang ang kalunus-lunos na nangyari sa isang 17-anyos na babae na, malakas na dinugo dahil sa regla, ay sinalinan ng dalawang yunit ng dugo upang iwasto lamang ang kaniyang anemia. Nang siya ay 19 anyos at nagdalang-tao, nasumpungan niya na ang dugong isinalin sa kaniya ay may virus ng AIDS. Sa edad na 22 siya’y nagkaroon ng AIDS. Bukod sa pagkaalam na malapit na siyang mamatay dahil sa AIDS, nag-iisip rin siya kung naipasa kaya niya ang sakit sa kaniyang sanggol. Ang talaan ng kalunus-lunos na mga pangyayari ay marami pa, mula sa mga sanggol hanggang sa mga matatanda na, sa buong daigdig.
Noong 1987 ang aklat na Autologous and Directed Blood Programs ay nanaghoy: “Halos nang makilala ang dating nanganganib na grupo, nangyari ang di-inaakala: ang demonstrasyon na ang nakamamatay na sakit na ito [AIDS] ay maaari at inihahatid ng boluntaryong suplay ng dugo. Ito ang pinakamapait sa lahat ng kabalintunaan ng medisina; na ang mahalagang nagbibigay-buhay na kaloob ng dugo ay maaaring maging isang instrumento ng kamatayan.”
Maging ang mga medisinang galing sa plasma ay tumulong sa paglaganap ng salot na ito sa buong daigdig. Marami sa may sakit na hemophilia, na ang karamihan ay gumagamit ng gamot na pampalapot ng dugo na galing sa plasma upang gamutin ang kanilang karamdaman, ay nangamatay. Sa Estados Unidos, sa pagitan ng 60 hanggang 90 porsiyento sa kanila ang nagkaroon ng AIDS bago naitatag ang isang paraan upang initin-gamutin ang medisina upang alisin ang HIV.
Gayunman, hanggang sa ngayon, ang dugo ay hindi pa rin ligtas mula sa AIDS. At ang AIDS ay hindi siyang tanging panganib mula sa pagsasalin ng dugo. Marami pang iba.
Mga Panganib na Higit Pa sa AIDS
“Ito ang pinakamapanganib na sustansiyang ginagamit namin sa medisina,” sabi ni Dr. Charles Huggins tungkol sa dugo. Alam niya; siya ang patnugot ng pagsasalin ng dugong paglilingkod sa isang ospital sa Massachusetts. Inaakala ng marami na ang isang pagsasalin ng dugo ay kasimpayak ng paghahanap ng isa na may katugmang uri ng dugo. Subalit bukod sa mga type na ABO at sa Rh factor na kung saan ang dugo ay pinagtutugma, maaaring may 400 o higit pang mga pagkakaiba na hindi pinagtutugma. Gaya ng pagkakasabi ng cardiovascular na seruhanong si Denton Cooley: “Ang isang pagsasalin ng dugo ay isang organ transplant. . . . Inaakala kong may ilang di-pagkakatugma sa halos lahat ng pagsasalin ng dugo.”
Hindi kataka-taka na ang pagsasalin ng masalimuot na sustansiyang iyon ay maaari, gaya ng sabi rito ng isang seruhano, na “makalito” sa sistema ng imyunidad ng katawan. Sa katunayan, maaaring sugpuin ng pagsasalin ng dugo ang imyunidad ng hanggang isang taon. Sa iba, ito ang pinakamapanganib na aspekto ng pagsasalin.
At nariyan din ang nakahahawang mga sakit. Ang mga ito ay may eksotikong mga pangalan, gaya ng sakit Chagas at cytomegalovirus. Ang mga epekto ay mula sa lagnat at pangingiki hanggang sa kamatayan. Si Dr. Joseph Feldschuh ng Cornell University of Medicine ay nagsasabi na may 1 tsansa sa 10 na magkaroon ng impeksiyon mula sa isang pagsasalin ng dugo. Para itong paglalaro ng Russian roulette na may sampung-balang rebolber. Ipinakikita rin ng mga pag-aaral kamakailan na ang pagsasalin ng dugo sa panahon ng operasyon ng kanser ay maaaring aktuwal na magparami sa panganib ng muling paglitaw ng kanser.
Hindi kataka-takang sinabi ng isang balita sa telebisyon na ang isang pagsasalin ng dugo ay maaaring maging ang pinakamalaking balakid sa paggaling mula sa operasyon. Nahahawaan ng hepatitis ang libu-libo at pinapatay ang marami pang ibang tumanggap ng pagsasalin kaysa pinapatay ng AIDS, subalit hindi ito gaanong binibigyan ng publisidad. Walang nakaaalam sa dami ng mga kamatayan, subalit ang ekonomistang si Ross Eckert ay nagsasabi na ito ay maaaring katumbas ng isang eruplanong DC-10 na punô ng tao na bumabagsak buwan-buwan.
Panganib at ang mga Bangko ng Dugo
Paano tumugon ang mga bangko ng dugo sa paghahayag ng lahat ng panganib na ito ng kanilang produkto? Hindi sila gaanong tumugon, sabi ng mga kritiko. Noong 1988 ang Report of the Presidential Commission on the Human Immunodeficiency Virus Epidemic ay nagparatang sa industriya ng pagiging “napakabagal” sa pagkilos sa panganib ng AIDS. Ang mga bangko ng dugo ay hinimok na hadlangan ang mga kabilang sa lubhang-mapanganib na mga pangkat sa pagkakaloob ng dugo. Sila’y hinimok na subukin muna ang dugo mismo, sinusuri ang mga palatandaan na mula sa mga nagkaloob na lubhang-mapanganib. Ang mga bangko ng dugo ay nag-antala. Hinamak nila ang mga panganib na umano ito’y labis-labis na histirya. Bakit?
Sa kaniyang aklat na And the Band Played On, sinabi ni Randy Shilts na sinalansang ng ibang tagapagbangko ng dugo ang higit pang pagsubok “halos sa kadahilanang may kaugnayan sa pananalapi. Bagaman pangunahin nang pinatatakbo ng mga organisasyong walang patubuan na gaya ng Red Cross, ang industriya ng dugo ay kumakatawan ng malaking salapi, na may taunang salaping pumapasok na isang bilyong [isang libong milyon] dolyar. Ang kanilang negosyo na paglalaan ng dugo para sa 3.5 milyong mga pagsasalin sa isang taon ay nanganganib.”
Isa pa, yamang ang walang patubuang mga bangko ng dugo ay lubhang dumidepende sa boluntaryong mga tagapagkaloob, atubili silang saktan ang damdamin ng sinuman sa kanila sa pamamagitan ng pagpuwera sa ilang pangkat na lubhang-mapanganib, lalo na ang mga homoseksuwal. Ang mga tagapagtaguyod ng mga karapatan-ng-bakla ay nagbabala na ang pagbabawal sa kanila na magkaloob ng dugo ay lalabag sa kanilang karapatang sibil at isang bakás ng kaisipang piitang-kampo ng ibang panahon.
Ang mawalan ng mga tagapagkaloob at ang pagdaragdag ng bagong mga pagsubok ay magkakahalaga rin ng higit na salapi. Noong tagsibol ng 1983, ang Stanford University Blood Bank ang naging kauna-unahan sa paggamit ng pagsubok sa dugo, na nagpapahiwatig kung baga ang dugo ay galing sa mga nagkaloob na lubhang nanganganib sa AIDS. Pinuna ng ibang tagapagbangko ng dugo ang pagkilos na ito bilang isang komersiyal na paraan upang akitin ang higit pang mga pasyente. Ang mga pagsubok ay nagpapataas sa presyo. Subalit gaya ng sabi rito ng mag-asawa, na ang sanggol ay sinalinan ng dugo nang hindi nila nalalaman: “Tiyak na magbabayad kami ng karagdagang $5 isang pint” para sa mga pagsubok na iyon. Ang kanilang sanggol ay namatay dahil sa AIDS.
Ang Salik na Pangangalaga-sa-Sarili
Ang ilang eksperto ay nagsasabi na ang mga bangko ng dugo ay makupad tumugon sa mga panganib sa dugo sapagkat wala silang kasagutan sa mga kinalabasan ng kanila mismong mga kabiguan. Halimbawa, ayon sa ulat sa The Philadelphia Inquirer, pananagutan ng FDA (Food and Drug Administration ng E.U.) na tiyaking ang mga bangko ng dugo ay nakaaabot sa pamantayan, subalit ito’y lubusang umaasa na ang mga bangko ng dugo ang maglagay ng mga pamantayang iyon. At ang ilang opisyal ng FDA ay dating mga lider sa industriya ng dugo. Kaya, ang mga inspeksiyon sa mga bangko ng dugo ay aktuwal na dumalang habang lumalaganap ang krisis ng AIDS!
Inimpluwensiyahan din ng mga bangko ng dugo sa E.U. ang mga batas na magsasanggalang sa kanila sa mga asunto. Sa lahat halos ng estado, sinasabi ngayon ng batas na ang dugo ay isang paglilingkod, hindi isang produkto. Nangangahulugan iyan na dapat patunayan ng isang taong naghahabla sa isang bangko ng dugo ang kapabayaan sa bahagi ng bangko—isang mahirap na legal na hadlang. Ang mga batas na iyon ay maaaring gumawa sa mga bangko ng dugo na mas ligtas sa mga asunto, subalit hindi nila ginagawang mas ligtas ang dugo para sa mga pasyente.
Gaya ng katuwiran ng ekonomistang si Ross Eckert, kung ang mga bangko ng dugo ay papanagutin sa dugong ipinagbibili nila, gagawa sila nang higit pa upang tiyakin ang kalidad nito. Ang retiradong tagapagbangko ng dugo na si Aaron Kellner ay sumasang-ayon: “Sa pamamagitan ng kapirasong legal na alchemy, ang dugo ay naging isang paglilingkod. Ang lahat ay malaya, yaon ay, maliban sa walang malay na biktima, ang pasyente.” Susog pa niya: “Sa paano man ay naipakita sana natin ang kawalang-katarungan, subalit hindi natin ginawa iyon. Nababahala tayo sa ating sariling panganib; nasaan ang pagkabahala natin sa pasyente?”
Ang konklusyon ay waring di-maiiwasan. Ang industriya ng pagbabangko ng dugo ay mas interesado sa pangangalaga sa kaniyang sarili sa pinansiyal na paraan kaysa pangangalaga sa mga tao mula sa mga panganib ng produkto nito. ‘Subalit talaga bang mahalaga ang lahat ng mga panganib na ito,’ maaaring ikatuwiran ng iba, ‘kung ang dugo ang tanging posibleng paggamot upang iligtas ang isang buhay? Hindi kaya nakalalamang ang mga pakinabang sa mga panganib?’ Magandang mga tanong ito. Kailangan nga ba ang lahat ng mga pagsasaling iyon?
[Blurb sa pahina 9]
Ginagawa ng mga doktor ang lahat upang pangalagaan ang kanilang sarili mula sa dugo ng kanilang mga pasyente. Ngunit ang mga pasyente ba ay sapat ding napangangalagaan mula sa isinasaling dugo?
[Kahon/Larawan sa pahina 8, 9]
Ligtas ba sa AIDS ang Dugo Ngayon?
“ITO’Y Madugong Mabuting Balita,” pahayag ng isang paulong-balita sa Daily News ng New York noong Oktubre 5, 1989. Iniulat ng artikulo na ang mga tsansa na magkaroon ng AIDS mula sa isang pagsasalin ng dugo ay 1 sa 28,000. Ang proseso ng pag-aalis ng virus sa panustos na dugo, sabi nito, ay 99.9 porsiyentong mabisa ngayon.
Gayunding optimismo ang namayani sa industriya ng pagbabangko ng dugo. ‘Ang panustos ng dugo ay mas ligtas ngayon kaysa kailanman,’ sabi nila. Ang presidente ng American Association of Blood Banks ay nagsabi na ang panganib ng pagkakaroon ng AIDS mula sa dugo ay “talagang naalis.” Ngunit kung ang dugo ay ligtas, bakit binabansagan ito ng mga korte at ng mga doktor na “nakalalason” at “di-maiiwasang di-ligtas”? Bakit ang ilang doktor ay nag-oopera na nakasuot ng animo’y kasuotang pangkalawakan, kompleto na may maskara sa mukha at boots, lahat ay upang hindi mabahiran ng dugo? Bakit hinihiling ng napakaraming ospital sa mga pasyente na lumagda ng porma ng pahintulot na nagpapawalang-sala sa ospital mula sa nakapipinsalang mga epekto ng mga pagsasalin ng dugo? Talaga bang ligtas ang dugo mula sa mga sakit na gaya ng AIDS?
Ang pagiging ligtas nito ay depende sa dalawang pamamaraan na ginagamit upang pangalagaan ang dugo: sinusuri ang mga nagkaloob na nagtutustos nito at sinusubok ang dugo mismo. Ipinakikita ng mga pag-aaral kamakailan na sa kabila ng lahat ng pagsisikap na suriin ang mga tagapagkaloob ng dugo na ang mga istilo ng buhay ay naglalagay sa kanila na lubhang mapanganib sa AIDS, mayroon pa ring ilan na nakakalusot sa pagsusuri. Sila’y nagbibigay ng maling sagot sa mga katanungan at nagkakaloob ng dugo. Ang iba naman ay nais lamang malaman kung sila mismo ay nahawaan ba nito.
Noong 1985 sinimulang subukin ng mga bangko ng dugo ang pagkanaroon ng antibodies sa dugo na ginagawa ng katawan upang labanan ang virus ng AIDS. Ang problema sa pagsubok ay na ang isang tao ay maaaring nahawaan ng virus ng AIDS sa loob ng ilang panahon bago magkaroon ng anumang antibodies na makikita sa pagsubok. Ang delikadong puwang na ito ay tinatawag na window period.
Ang ideya na may 1 tsansa sa 28,000 na magkaroon ka ng AIDS mula sa isang pagsasalin ng dugo ay galing sa isang pag-aaral na inilathala sa The New England Journal of Medicine. Inilagay ng babasahing iyon ang malamang na window period sa isang katamtamang walong linggo. Gayunman, mga ilang buwan bago nito, noong Hunyo 1989, inilathala ng babasahin ding iyon ang isang pag-aaral na naghihinuha na ang window period ay maaaring mas mahaba pa—tatlong taon o mahigit pa. Ipinakikita ng mas naunang pag-aaral na ito na ang gayong kahabang window period ay maaaring mas pangkaraniwan kaysa dating inaakala, at pinag-isipan nito na, masahol pa, ang ilang nahawaang tao ay maaaring hindi gumawa ng antibodies sa virus! Gayunman, hindi isinama ng mas optimistikong pag-aaral ang mga tuklas na ito, tinatawag itong “hindi gaanong nauunawaan.”
Hindi kataka-taka na si Dr. Cory SerVass ng Presidential Commission on AIDS ay nagsabi: “Maaaring patuloy na sabihin ng mga bangko ng dugo sa publiko na ang panustos na dugo ay ligtas, subalit hindi na naniniwala riyan ang publiko sapagkat natatalos nila na ito’y hindi totoo.”
[Credit Line]
CDC, Atlanta, Ga.
[Kahon sa pahina 11]
Isinaling Dugo at Kanser
Natututuhan ng mga siyentipiko na ang isinaling dugo ay sumusugpo sa sistema ng imyunidad at na ang nasugpong imyunidad ay maaaring lubhang makaapekto sa kaligtasan niyaong naooperahan sa sakit na kanser. Sa labas nito noong Pebrero 15, 1987, ang babasahing Cancer ay nag-uulat tungkol sa isang impormatibong pag-aaral na ginawa sa Netherlands. “Sa mga pasyenteng may kanser sa colon o malaking bituka,” sabi ng babasahin, “nakita ang lubhang masamang epekto ng pagsasalin ng dugo sa pangmatagalang kaligtasan. Sa grupong ito may panlahatang 5-taóng kaligtasan na 48% para sa mga sinalinan ng dugo at 74% sa mga pasyenteng hindi sinalinan.”
Nasumpungan din ng mga manggagamot sa University of Southern California na mas marami sa mga pasyenteng inoperahan sa kanser ang muling nagkaroon ng kanser kung sila’y tumatanggap ng pagsasalin ng dugo. Iniulat ng Annals of Otology, Rhinology & Laryngology, ng Marso 1989, ang tungkol sa isang follow-up na pag-aaral sa isang daang pasyente ng mga manggagamot na ito: “Ang paglitaw muli ng lahat ng kanser sa gulung-gulungan ay 14% para roon sa mga hindi tumanggap ng dugo at 65% sa mga tumanggap ng dugo. Para sa kanser sa bibig, lalaugan, at sa ilong o sinus, ang muling paglitaw ay 31% sa mga hindi sinalinan ng dugo at 71% naman sa mga sinalinan ng dugo.”
Sa kaniyang artikulong “Blood Transfusions and Surgery for Cancer” (Mga Pagsasalin ng Dugo at Operasyon sa Kanser), si Dr. John S. Spratt ay naghinuha: “Ang seruhano sa kanser ay baka kailangang maging isang seruhanong hindi gumagamit ng dugo.”—The American Journal of Surgery, Setyembre 1986.
[Mga larawan sa pahina 10]
Na ang dugo ay isang nagliligtas-buhay na medisina ay hindi tiyak subalit tiyak na ito ay pumapatay ng tao
-
-
Pagsasalin ng Dugo—Ang Susi Upang Mabuhay?Gumising!—1990 | Oktubre 22
-
-
Pagsasalin ng Dugo—Ang Susi Upang Mabuhay?
NOONG 1914 si Dr. John S. Lundy ay nagtakda ng isang pamantayan para sa pagsasalin ng dugo. Sa wari ay wala siyang anumang klinikal na katibayan upang suportahan siya, sinabi niya na kung ang hemoglobin, ang sangkap ng dugo na nagdadala ng oksiheno, ng pasyente ay bumaba sa antas na sampung gramo o wala pa sa bawat decilitro ng dugo, kung gayon ang pasyente ay nangangailangan ng isang pagsasalin. Mula noon ang bilang na iyon ay naging pamantayan para sa mga doktor.
Ang sampung-gramong pamantayang ito ay hinamon sa loob halos ng 30 taon. Noong 1988 tahasang sinabi ng The Journal of the American Medical Association na ang katibayan ay hindi sumusuporta sa panuntunan. Ang anestesiologong si Howard L. Zauder ay nagsasabi na ito ay “nagkukubli sa tradisyon, nalalambungan ng kalabuan, at hindi pinatutunayan ng klinikal o eksperimental na katibayan.” Tinatawag ito ng iba na isa lamang alamat.
Sa kabila ng lahat ng masigasig na paghahayag na ito, ang alamat ay malawakan pa ring iginagalang bilang isang mahusay na panuntunan. Sa maraming anestesiologo at iba pang doktor, ang antas ng hemoglobin na mababa sa sampu ay isang pangganyak sa pagsasalin ng dugo upang ituwid ang anemia. Ito’y automatiko na.
Walang alinlangan, iyan ang dahilan ng labis-labis na paggamit ng dugo at mga produkto ng dugo ngayon. Tinataya ni Dr. Theresa L. Crenshaw, na nagtrabaho sa Presidential Commission on the Human Immunodeficiency Virus Epidemic, na sa Estados Unidos lamang, mga dalawang milyong di-kinakailangang pagsasalin ng dugo ang isinasagawa taun-taon at halos kalahati ng lahat ng pagsasalin ng mga dugong galing sa bangko ay maaari sanang naiwasan. Pinulaan ng Health and Welfare Ministry ng Hapón “ang walang patumanggang pagsasalin ng dugo,” sa Hapón, gayundin ang “bulag na paniniwala sa bisa nito.”
Ang problema sa pagsisikap na ituwid ang anemia sa pamamagitan ng isang pagsasalin ng dugo ay na ang pagsasalin ay maaaring maging mas nakamamatay kaysa anemia. Pinatunayan ng mga Saksi ni Jehova, na tumatanggi sa mga pagsasalin ng dugo pangunahin na sa relihiyosong kadahilanan, ang puntong iyon.
Maaaring nakita mo ang mga ulong-balita sa pahayagan na nag-uulat na isa sa mga Saksi ni Jehova ay namatay dahil sa pagtangging pasalin ng dugo. Nakalulungkot sabihin, bihirang sinasabi ng gayong mga ulat ang buong pangyayari. Kadalasan, ang pagtanggi ng doktor na mag-opera, o operahin agad, ang siyang dahilan ng kamatayan ng Saksi. Ang ibang mga seruhano ay tumatangging mag-opera kung wala silang kalayaang magsalin ng dugo sakaling ang antas ng hemoglobin ay bumaba sa sampu. Gayunman, maraming seruhano ang matagumpay na inopera ang mga Saksi na ang antas ng hemoglobin ay lima, dalawa, o mababa pa. Sabi ng seruhanong si Richard K. Spence: “Natuklasan ko sa mga Saksi na ang mas mababang hemoglobin ay walang anumang kaugnayan sa dami ng namamatay.”
Napakaraming Mapagpipilian
‘Dugo o kamatayan.’ Ganiyan inilalarawan ng ilang doktor ang mga mapagpipiliang nakakaharap ng isang pasyenteng Saksi. Gayunman, sa katunayan, napakaraming panghalili sa pagsasalin ng dugo. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi interesadong mamatay. Interesado sila sa panghaliling paggamot. Sapagkat ipinagbabawal ng Bibliya ang pagpapasok ng dugo sa katawan, basta hindi nila itinuturing ang pagsasalin ng dugo na isang mapagpipilian.
Noong Hunyo 1988, iminungkahi ng Report of the Presidential Commission on the Human Immunodeficiency Virus Epidemic na lahat ng pasyente ay bigyan ng kung ano ang hinihiling ng mga Saksi sa loob ng mga taon, yaon ay: “Dapat na isali sa pahintulot para sa pagsasalin ng dugo o ng mga sangkap nito ang isang paliwanag ng mga panganib na nasasangkot . . . at ng impormasyon tungkol sa angkop na mga mapagpipilian sa paggagamot bukod sa pagsasalin ng dugo.”
Sa ibang salita, ang mga pasyente ay dapat bigyan ng pagkakataong pumili. Ang isa sa gayong pagpili ay ang uri ng autologous transfusion. Ang dugo mismo ng pasyente ay kinukuha sa panahon ng operasyon at muling ibinabalik sa mga ugat ng pasyente. Kung ang prosesong iyon ay isa lamang pagpapatuloy ng sariling sistema ng sirkulasyon ng dugo ng pasyente, ito’y tinatanggap ng karamihan ng mga Saksi. Idiniriin din ng mga seruhano ang halaga ng pagpaparami sa dugo ng pasyente sa pamamagitan ng nonblood expanders at hayaang magdagdag na muli ang katawan ng sarili nitong pulang mga selula. Ang gayong mga pamamaraan ay ginamit sa halip ng mga pagsasalin nang hindi dinaragdagan ang dami ng namamatay. Sa katunayan, napabubuti nito ang kaligtasan.
Kamakailan ay sinang-ayunan ang limitadong paggamit sa isang maaasahang gamot na tinatawag na recombinant erythropoietin. Pinabibilis nito ang paggawa mismo ng katawan ng pulang mga selula ng dugo, sa gayo’y tinutulungan ang isang tao na magkaroon ng higit ng kaniya mismong dugo.
Hinahanap pa rin ng mga siyentipiko ang mabisang kahalili para sa dugo na nagagaya ang kahanga-hangang kakayahan nito na pagdadala ng oksiheno. Sa Estados Unidos, ang gumagawa ng gayong mga kahalili ay nahihirapang makakuha ng pagsang-ayon para sa kanilang mga produkto. Gayunman, gaya ng tutol ng isang manggagawa ng gayong kahalili: “Kung iniisip ninyong dalhin ang dugo sa FDA [Food and Drug Administration] upang sang-ayunan, wala kang tsansang ito’y masubok na nakalalason.” Gayunman, inaasahan pa rin na masusumpungan ang isang mabisang kemikal na sasang-ayunan bilang isang nagdadala-oksiheno na kahalili para sa dugo.
Kaya may mga mapagpipilian. Yaong mga binanggit dito ay ilan lamang sa mapagpipilian. Gaya ng isinulat ni Dr. Horace Herbsman, propesor ng clinical surgery, sa babasahing Emergency Medicine: “Maliwanag . . . na mayroon tayong mga mapagpipilian na kahalili ng dugo. Oo, marahil ang karanasan natin sa mga Saksi ni Jehova ay maaaring mangahulugan na hindi natin kailangang umasa sa mga pagsasalin ng dugo, taglay ang lahat ng potensiyal na mga komplikasyon nito, na gaya ng dati nating akala.” Mangyari pa, wala ni isa man dito ang talagang bago. Gaya ng sabi ng The American Surgeon: “Ang bagay na ang malalaking operasyon ay maaaring ligtas na isagawa nang walang pagsasalin ng dugo ay lubhang dokumentado sa nakalipas na 25 taon.”
Ngunit kung mapanganib ang dugo, at may ligtas na mga mapagpipiliang magagamit, bakit kung gayon angaw-angaw na mga tao ang di-kinakailangang sinasalinan ng dugo—marami sa kanila ay hindi nalalaman ang tungkol dito, ang iba ay aktuwal na laban sa kanilang kalooban? Binabanggit ng report ng presidential commission on AIDS sa bahagi ang hindi pagtuturo sa mga doktor at mga ospital tungkol sa mga mapagpipilian. Sinisisi nito ang isa pang salik: “Ang ibang sentro ng dugo sa rehiyon ay atubiling itaguyod ang mahuhusay na pamamaraan na hindi gumagamit ng pagsasalin ng dugo, yamang ang kinikita nila sa operasyon ay nakukuha sa pagbibili ng dugo at mga produkto ng dugo.”
Sa ibang salita: Ang pagbibili ng dugo ay malaking negosyo.
-
-
Ang Pinakamahalagang Likido sa DaigdigGumising!—1990 | Oktubre 22
-
-
Ang Pinakamahalagang Likido sa Daigdig
ANG isang patak ng dugo ay napakadaling ipagwalang-bahala. Mula ito sa isang galos o durò ng aspili, isang munting simboryo ng nagniningning na pula, at agad nating hinuhugasan o pinapahiran ito nang hindi iniisip.
Ngunit kung paliliitin natin ang ating sarili hanggang sa tayo ay maging napakaliit anupa’t ang simboryong ito ay nanganganinag sa unahan natin na parang isang bundok, makikita natin sa pulang kalaliman nito ang isang daigdig ng hindi kapani-paniwalang kasalimuutan at kaayusan. Sa loob ng isang patak na iyon, may pagmamadalian ng malaking hukbo ng mga selula: 250,000,000 pulang selula ng dugo, 400,000 puting selula ng dugo, at 15,000,000 platelets, na ilan lamang sa mga ranggo nito. Inilulunsad sa pagkilos sa daluyan ng dugo, ang bawat hukbo ay nagtutungo sa kani-kaniyang atas.
Ang pulang mga selula ay nagkukumamot sa masalimuot na network ng sistema vascular, na nagdadala ng oksiheno mula sa mga bagà tungo sa bawat selula sa katawan at inaalis ang carbon dioxide. Pagkaliliit ng mga selulang ito anupa’t ang isang talaksan ng 500 nito ay 0.1 centimetro lamang ang taas. Gayunman, ang talaksan ng lahat ng pulang selula sa iyong katawan ay aabot ng 50,000 kilometro ang taas! Pagkaraan ng halos 120 araw ng paglalakbay sa buong katawan 1,440 ulit sa isang araw, ang pulang selula ay nagreretiro. Ang pinakasentro nito na mayaman sa iron ay may kahusayang niriresiklo, at ang iba ay itinatapon. Sa bawat saglit, tatlong milyong pulang selula ang inaalis, samantalang gayunding dami ng bagong pulang selula ang ginagawa sa utak ng buto. Paano nalalaman ng katawan na ang isang pulang selula ay nasa hustong gulang na upang magretiro? Ang mga siyentipiko ay nagtataka. Ngunit kung wala ang sistemang ito ng pagpapalit ng lumang pulang mga selula, ayon sa isang kemiko, “ang ating dugo ay magiging malapot na gaya ng kongkreto sa loob ng dalawang linggo.”
Samantala, ang puting mga selula ay umaali-aligid sa sistema, hinahanap at sinisira ang inaayawang mga mananalakay. Ang platelets ay agad na nagtitipun-tipon kung saan may hiwa at sinisimulan ang proseso ng pamumuo ng dugo at tinatakpan ang hiwa. Lahat ng selulang ito ay nakabitin sa isang malinaw, kulay-garing na likidong tinatawag na plasma, na sa ganang sarili ay binubuo ng daan-daang sangkap, marami sa mga ito ay gumaganap ng mahahalagang bahagi sa pagsasagawa ng mahabang listahan ng mga tungkulin ng dugo.
Ang mga siyentipiko taglay ang lahat ng kanilang pinagsama-samang talino ay nalilito at hindi nila maunawaan ang lahat ng ginagawa ng dugo, gaano pa kaya ang gayahin ito. Ang makahimalang masalimuot na likido kayang ito ay gawa ng isang Dalubhasang Disenyador? At hindi ba makatuwiran na ang nakahihigit-sa-taong Maylikha ay may lahat ng karapatang magsaayos kung paano dapat gamitin ang kaniyang mga nilikha?
Gayon ang palagay ng mga Saksi ni Jehova. Kanilang itinuturing ang Bibliya na isang liham buhat sa ating Maylikha na naglalaman ng kaniyang mga panuntunan sa kung paano mabubuhay nang pinakamagaling na buhay hangga’t maaari; isa itong aklat na hindi nananahimik sa paksang ito tungkol sa dugo. Ang Levitico 17:14 ay nagsasabi: “Ang kaluluwa ng lahat ng uri ng laman ay ang kaniyang dugo”—mangyari pa, hindi sa literal na paraan, yamang sinasabi rin ng Bibliya na ang nabubuhay na organismo sa ganang sarili ay isang kaluluwa. Bagkus, ang buhay ng lahat ng kaluluwa ay lubhang di maiiwasang kaugnay at sinusustinihan ng dugo nito anupa’t ang dugo ay angkop na minamalas bilang isang sagradong likido na kumakatawan sa buhay.
Para sa iba, mahirap unawain iyan. Tayo’y nabubuhay sa isang daigdig na walang gaanong pinahahalagahang bagay. Ang buhay mismo ay bihirang pinahahalagan na gaya ng nararapat. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang dugo ay binibili at ipinagbibili na gaya ng anumang iba pang paninda. Subalit hindi ito tinatrato nang gayon niyaong mga gumagalang sa kagustuhan ng Maylikha. ‘Huwag kang kakain ng dugo’ ang utos ng Diyos kay Noe at sa kaniyang mga inapo—ang lahat ng sangkatauhan. (Genesis 9:4) Pagkalipas ng walong siglo inilagay Niya ang utos na iyon sa kaniyang Kautusan sa mga Israelita. Labinlimang siglo pagkatapos ay muli niyang sinabi ito minsan pa sa kongregasyong Kristiyano: ‘Umiwas kayo sa dugo.’—Gawa 15:20.
Ang mga Saksi ni Jehova ay nanghahawakan sa kautusang iyon pangunahin na dahil sa nais nilang sundin ang kanilang Maylikha. Sa pamamagitan ng mapagsakripisyong kamatayan ng kaniya mismong minamahal na Anak, ang Maylikha ay nakapagbigay na sa sangkatauhan ng nagliligtas-buhay na dugo. Mapahahaba nito ang buhay hindi lamang sa loob ng mga ilang buwan o taon kundi magpakailanman.—Juan 3:16; Efeso 1:7.
Isa pa, ang pag-iwas sa pagsasalin ng dugo ay nag-ingat sa mga Saksi mula sa laksa-laksang panganib. Parami nang paraming tao bukod sa mga Saksi ni Jehova ang tumatanggi sa pagsasalin ng dugo ngayon. Dahan-dahan ang pamayanang pangmedisina ay tumutugon at binabawasan nito ang paggamit ng dugo. Gaya ng pagkakasabi rito ng Surgery Annual: “Maliwanag, ang pinakaligtas na pagsasalin ay hindi siyang ibinibigay.” Binanggit ng babasahing Pathologist na malaon nang iginigiit ng mga Saksi ni Jehova na ang pagsasalin ng dugo ay hindi marapat na paggamot. Sabi pa nito: “Maraming katibayan upang suportahan ang kanilang paninindigan, sa kabila ng mga pagtutol mula sa mga tagapagbangko ng dugo.”
Sino ang mapaniniwalaan mo? Ang matalinong Persona na nagdisenyo ng dugo? O ang mga taong ginawang malaking negosyo ang pagbibili ng dugo?
-