Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Ang Babilonyang Dakila ay Bumagsak Na!”
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • Kabanata 30

      “Ang Babilonyang Dakila ay Bumagsak Na!”

      1. Ano ang ipinahahayag ng ikalawang anghel, at sino ang Babilonyang Dakila?

      ORAS na ng paghatol ng Diyos! Kung gayon pakinggan ang banal na mensahe: “At isa pa, ang ikalawang anghel, ang sumunod, na nagsasabi: ‘Siya ay bumagsak na! Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na, siya na nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng galit ng kaniyang pakikiapid!’” (Apocalipsis 14:8) Sa kauna-unahang pagkakataon, itinutuon ng Apocalipsis ang pansin sa Babilonyang Dakila. Sa dakong huli, ilalarawan siya sa kabanata 17 bilang isang mapang-akit na patutot. Sino siya? Gaya ng makikita natin, isa siyang pangglobong imperyo, nauugnay siya sa relihiyon, at siya ang huwad na sistemang ginagamit ni Satanas sa pakikipaglaban sa binhi ng babae ng Diyos. (Apocalipsis 12:17) Ang Babilonyang Dakila ay ang buong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Sakop niya ang lahat ng relihiyon na nagtataguyod ng relihiyosong mga turo at kaugalian ng sinaunang Babilonya at nagpapamalas ng kaniyang espiritu.

      2. (a) Paano nangalat sa buong lupa ang maka-Babilonyang relihiyon? (b) Ano ang pinakaprominenteng bahagi ng Babilonyang Dakila, at kailan ito lumitaw bilang isang makapangyarihang organisasyon?

      2 Sa Babilonya, ginulo ni Jehova ang mga wika ng mga nagtangkang magtayo ng Tore ng Babel, mahigit 4,000 taon na ngayon ang nakararaan. Nangalat hanggang sa mga dulo ng lupa ang iba’t ibang grupo na may kani-kaniyang wika, at dala-dala nila ang mga apostatang paniniwala at kaugalian na siyang saligan ng karamihan ng relihiyon sa ngayon. (Genesis 11:1-9) Ang Babilonyang Dakila ang relihiyosong bahagi ng organisasyon ni Satanas. (Ihambing ang Juan 8:43-47.) Ang pinakaprominenteng bahagi nito sa ngayon ay ang apostatang Sangkakristiyanuhan, na lumitaw bilang isang makapangyarihan at tampalasang organisasyon noong ikaapat na siglo pagkaraan ng panahon ni Kristo, na may mga doktrina at pormalismong halaw, hindi sa Bibliya, kundi sa kalakhang bahagi ay sa relihiyong maka-Babilonya.​—2 Tesalonica 2:3-12.

      3. Sa anong diwa masasabing bumagsak na ang Babilonyang Dakila?

      3 Baka itanong mo, ‘Yamang malakas pa rin ang impluwensiya ng relihiyon sa lupa, bakit inihahayag ng anghel na bumagsak na ang Babilonyang Dakila?’ Buweno, ano ba ang naging resulta pagkaraan ng 539 B.C.E. noong bumagsak ang sinaunang Babilonya? Aba, pinalaya ang Israel upang makabalik ito sa kaniyang sariling lupain at maisauli ang tunay na pagsamba roon! Kaya ang pagsasauli sa espirituwal na Israel noong 1919 tungo sa maningning na kasaganaan sa espirituwal, na nagpapatuloy at lumalawak hanggang sa ngayon, ay patunay na bumagsak nga ang Babilonyang Dakila nang taóng iyon. Wala na siyang kapangyarihan upang pigilin pa ang bayan ng Diyos. Bukod diyan, nagkaroon ng matinding sigalot sa pagitan ng kaniya mismong mga miyembro. Mula noong 1919, nailantad nang malawakan ang kaniyang katiwalian, pandaraya, at imoralidad. Sa kalakhang bahagi ng Europa, kakaunti na lamang ang nagsisimba, at sa ilang sosyalistang bansa, ang relihiyon ay itinuturing na “opyo ng bayan.” Naging kahiya-hiya ang Babilonyang Dakila sa paningin ng lahat ng umiibig sa Salita ng katotohanan ng Diyos at malapit na siyang bitayin, wika nga, upang mailapat ang matuwid na hatol ni Jehova sa kaniya.

      Ang Kahiya-hiyang Pagbagsak ng Babilonya

      4-6. Sa anong paraan ‘pinainom ng Babilonyang Dakila ang lahat ng bansa ng alak ng galit ng kaniyang pakikiapid’?

      4 Suriin natin nang mas detalyado ang mga pangyayaring nasa likod ng kahiya-hiyang pagbagsak ng Babilonyang Dakila. Sinasabi sa atin dito ng anghel na ang “Babilonyang Dakila . . . [ang] nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng galit ng kaniyang pakikiapid.” Ano ang kahulugan nito? May kinalaman ito sa pananakop. Halimbawa, sinabi ni Jehova kay Jeremias: “Kunin mo ang kopang ito ng alak ng pagngangalit mula sa aking kamay, at ipainom mo ito sa lahat ng mga bansa na pagsusuguan ko sa iyo. At sila ay iinom at magpapasuray-suray at kikilos na gaya ng mga taong baliw dahil sa tabak na isusugo ko sa kanila.” (Jeremias 25:15, 16) Noong ikaanim at ikapitong siglo B.C.E., ginamit ni Jehova ang sinaunang Babilonya upang ibuhos ang makasagisag na kopa ng kapighatian na dapat inumin ng maraming bansa, kasama na ang apostatang Juda, anupat maging ang kaniyang sariling bayan ay naging tapon. Pagkatapos nito, bumagsak din ang Babilonya sapagkat dinakila ng kaniyang hari ang kaniyang sarili laban kay Jehova, ang “Panginoon ng langit.”​—Daniel 5:23.

      5 Nanakop din ang Babilonyang Dakila, subalit sa pangkalahatan, mas tuso ang kaniyang pamamaraan. ‘Pinainom niya ang lahat ng bansa’ sa pamamagitan ng panghalina ng isang patutot, na nakiapid sa kanila sa relihiyosong paraan. Nirahuyo niya ang pulitikal na mga tagapamahala upang makipag-alyansa at makipagkaibigan sa kaniya. Sa pamamagitan ng mga relihiyosong panggayuma, nagpakana siya ng pulitikal, komersiyal, at pang-ekonomiyang paniniil. Nanulsol siya ng relihiyosong pag-uusig at relihiyosong mga digmaan at krusada, pati na ng pambansang mga digmaan, para lamang sa pulitikal at komersiyal na mga layunin. At pinabanal niya ang mga digmaang ito sa pagsasabing kalooban ito ng Diyos.

      6 Alam ng marami na sangkot ang relihiyon sa mga digmaan at pulitika ng ika-20 siglo​—gaya ng Shinto sa Hapon, Hinduismo sa India, Budismo sa Vietnam, “Kristiyanismo” sa Hilagang Ireland at Latin Amerika, bukod pa sa iba​—at huwag nating kaliligtaan ang pananagutan ng mga kapelyan ng mga hukbo sa magkabilang panig na humikayat sa mga kabataang lalaki na magpatayan sa isa’t isa sa dalawang digmaang pandaigdig. Isang tipikal na halimbawa ng talamak na pakikiapid ng Babilonyang Dakila ang naging papel niya sa Gera Sibil ng Espanya noong 1936-39, kung saan di-kukulangin sa 600,000 katao ang nasawi. Pinasimunuan ng mga tagasuporta ng Katolikong klero at ng kanilang mga kaalyado ang pagdanak na ito ng dugo, dahil na rin sa banta ng legal na pamahalaan ng Espanya sa kayamanan at katayuan ng simbahan.

      7. Sino ang pangunahing puntirya ng Babilonyang Dakila, at anu-anong pamamaraan ang ginagamit niya laban dito?

      7 Yamang ang Babilonyang Dakila ang relihiyosong bahagi ng binhi ni Satanas, noon pa man ay pangunahin na niyang puntirya ang “babae” ni Jehova, ang “Jerusalem sa itaas.” Noong unang siglo, ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano ay maliwanag na nakilala bilang binhi ng babae. (Genesis 3:15; Galacia 3:29; 4:26) Pinagsikapan ng Babilonyang Dakila na daigin ang malinis na kongregasyong iyon sa pamamagitan ng paghikayat dito na makibahagi sa relihiyosong pakikiapid. Nagbabala ang mga apostol na sina Pablo at Pedro na marami ang madaraig at malaking apostasya ang ibubunga nito. (Gawa 20:29, 30; 2 Pedro 2:1-3) Ipinahiwatig ng mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon na sa pagtatapos ng buhay ni Juan, malaki-laki na ang nagawa ng Babilonyang Dakila sa pagsisikap niyang pasamain ang mga ito. (Apocalipsis 2:6, 14, 15, 20-23) Subalit naipakita na ni Jesus na may hangganan ang magagawa nito.

      Ang Trigo at ang mga Panirang-Damo

      8, 9. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng talinghaga ni Jesus tungkol sa trigo at mga panirang-damo? (b) Ano ang nangyari “habang natutulog ang mga tao”?

      8 Sa kaniyang talinghaga hinggil sa trigo at mga panirang-damo, bumanggit si Jesus tungkol sa isang tao na naghasik ng mainam na binhi sa bukid. Subalit “habang natutulog ang mga tao,” isang kaaway ang dumating at naghasik ng mga panirang-damo. Kaya ang trigo ay natabunan ng mga panirang-damo. Ipinaliwanag ni Jesus ang talinghaga niyang ito sa ganitong mga pananalita: “Ang manghahasik ng mainam na binhi ay ang Anak ng tao; ang bukid ay ang sanlibutan; kung tungkol sa mainam na binhi, ito ay ang mga anak ng kaharian; ngunit ang mga panirang-damo ay ang mga anak ng isa na balakyot, at ang kaaway na naghasik ng mga iyon ay ang Diyablo.” Pagkatapos, ipinakita niya na ang trigo at ang mga panirang-damo ay pahihintulutang tumubo nang sabay hanggang sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” kapag ‘tinipon’ na ng mga anghel ang makasagisag na mga panirang-damo.​—Mateo 13:24-30, 36-43.

      9 Nangyari nga ang ibinabala ni Jesus at nina apostol Pablo at Pedro. “Habang natutulog ang mga tao,” maaaring ito’y pagkatapos matulog sa kamatayan ang mga apostol o nang antukin sa pagbabantay sa kawan ng Diyos ang mga Kristiyanong tagapangasiwa, sumibol sa loob mismo ng kongregasyon ang maka-Babilonyang apostasya. (Gawa 20:31) Di-nagtagal at lumago nang husto ang mga panirang-damo anupat natabunan nito ang trigo. Sa loob ng maraming siglo, waring lubusan nang nadaig ng Babilonyang Dakila ang binhi ng babae.

      10. Ano ang nangyari pagsapit ng dekada ng 1870, at paano tumugon dito ang Babilonyang Dakila?

      10 Pagsapit ng dekada ng 1870, gumawa ng determinadong pagsisikap ang mga pinahirang Kristiyano upang humiwalay sa pagpapatutot ng Babilonyang Dakila. Tinalikdan nila ang huwad na mga doktrina na ipinasok ng Sangkakristiyanuhan mula sa paganismo at may-katapangan nilang ginamit ang Bibliya upang ipangaral na magwawakas ang panahong Gentil sa taóng 1914. Ang mga pagsisikap na ito na isauli ang tunay na pagsamba ay sinalansang ng klero ng Sangkakristiyanuhan, ang pangunahing instrumento ng Babilonyang Dakila. Noong unang digmaang pandaigdig, sinamantala nila ang kaguluhang dulot ng digmaan sa pagsisikap na patigilin ang maliit na grupong iyon ng tapat na mga Kristiyano. Noong 1918, waring nagtagumpay na ang Babilonyang Dakila nang halos masugpo ang kanilang gawain. Tila napanaigan na niya sila.

      11. Ano ang ibinunga ng pagbagsak ng sinaunang Babilonya?

      11 Gaya ng katatalakay natin, dumanas ng kapaha-pahamak na pagbagsak mula sa kapangyarihan ang mapagmapuring lunsod ng Babilonya noong 539 B.C.E. Pagkatapos ay narinig ang sigaw na ito: “Siya ay bumagsak na! Ang Babilonya ay bumagsak na!” Ang dakilang kabisera ng pandaigdig na imperyo ay nahulog sa mga hukbo ng Medo-Persia sa ilalim ni Cirong Dakila. Bagaman hindi nawasak ang lunsod mismo nang masakop ito, lubusan naman siyang bumagsak mula sa kapangyarihan, at nagbunga ito ng kalayaan para sa kaniyang mga bihag na Judio. Nagbalik sila sa Jerusalem upang itatag muli ang dalisay na pagsamba roon.​—Isaias 21:9; 2 Cronica 36:22, 23; Jeremias 51:7, 8.

      12. (a) Sa ating panahon, paano masasabing bumagsak na ang Babilonyang Dakila? (b) Ano ang nagpapatunay na lubusan nang itinakwil ni Jehova ang Sangkakristiyanuhan?

      12 Narinig din sa ating panahon ang sigaw na bumagsak na ang Babilonyang Dakila! Ang pansamantalang tagumpay ng maka-Babilonyang Sangkakristiyanuhan noong 1918 ay biglang nabaligtad noong 1919 nang maisauli ang nalabi ng mga pinahiran, ang uring Juan, sa pamamagitan ng espirituwal na pagkabuhay-muli. Bumagsak na ang Babilonyang Dakila dahil hindi na niya bihag ang bayan ng Diyos. Gaya ng mga balang, ang pinahirang mga kapatid ni Kristo ay naglabasan mula sa kalaliman at handa na sa gawain. (Apocalipsis 9:1-3; 11:11, 12) Sila ang makabagong-panahong “tapat at maingat na alipin,” at inatasan sila ng Panginoon sa lahat ng kaniyang mga pag-aari sa lupa. (Mateo 24:45-47) Ang paggamit sa kanila sa paraang ito ay nagpatunay na lubusan nang itinakwil ni Jehova ang Sangkakristiyanuhan sa kabila ng pag-aangkin nitong siya ang kaniyang kinatawan sa lupa. Muling naitatag ang dalisay na pagsamba at nabuksan ang daan upang matapos ang pagtatatak sa nalabi ng 144,000​—ang mga nalabi ng binhi ng babae, ang matagal nang kaaway ng Babilonyang Dakila. Lahat ng ito ay hudyat ng matinding pagkatalo ng satanikong relihiyosong organisasyong iyon.

      Pagbabata ng mga Banal

      13. (a) Ano ang inihahayag ng ikatlong anghel? (b) Anong paghatol ang iginagawad ni Jehova sa mga tumatanggap ng marka ng mabangis na hayop?

      13 Nagsasalita na ngayon ang ikatlong anghel. Makinig! “At isa pang anghel, ang ikatlo, ang sumunod sa kanila, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Kung ang sinuman ay sasamba sa mabangis na hayop at sa larawan nito, at tatanggap ng marka sa kaniyang noo o sa kaniyang kamay, iinom din siya ng alak ng galit ng Diyos na ibinubuhos nang walang halo sa kopa ng kaniyang poot.’” (Apocalipsis 14:9, 10a) Sa Apocalipsis 13:16, 17, inihayag na sa araw ng Panginoon, ang mga hindi sumasamba sa larawan ng mabangis na hayop ay magdurusa​—at maaari pa ngang patayin. Nalaman naman natin ngayon na ipinasiya ni Jehova na hatulan ang mga ‘may marka, may pangalan ng mabangis na hayop o bilang ng pangalan nito.’ Mapipilitan silang inumin ang mapait na ‘kopa ng poot’ ng galit ni Jehova. Ano ang magiging kahulugan nito para sa kanila? Noong 607 B.C.E., nang sapilitang painumin ni Jehova ang Jerusalem sa “kaniyang kopa ng pagngangalit,” dumanas ang lunsod ng “pananamsam at kagibaan, at gutom at tabak” sa kamay ng mga Babilonyo. (Isaias 51:17, 19) Sa katulad na paraan, kapag ang mga mananamba ng pulitikal na mga kapangyarihan sa lupa at ng larawan nito, ang Nagkakaisang mga Bansa, ay pinainom sa kopa ng poot ni Jehova, kapahamakan ang magiging resulta nito para sa kanila. (Jeremias 25:17, 32, 33) Lubusan silang malilipol.

      14. Bago pa man puksain ang mga sumasamba sa mabangis na hayop at sa larawan nito, ano muna ang daranasin ng mga ito, at paano ito inilarawan ni Juan?

      14 Pero bago pa man mangyari ito, daranasin ng mga may marka ng hayop ang nagpapahirap na epekto ng di-pagsang-ayon ni Jehova. May kinalaman sa mananamba ng mabangis na hayop at ng larawan nito, ganito ang sinabi ng anghel kay Juan: “At pahihirapan siya sa apoy at asupre sa paningin ng mga banal na anghel at sa paningin ng Kordero. At ang usok ng kanilang pahirap ay pumapailanlang magpakailan-kailanman, at wala silang pahinga araw at gabi, yaong mga sumasamba sa mabangis na hayop at sa larawan nito, at sinumang tumatanggap ng marka ng pangalan nito.”​—Apocalipsis 14:10b, 11.

      15, 16. Ano ang kahulugan ng mga salitang “apoy at asupre” sa Apocalipsis 14:10?

      15 Ang pagbanggit dito ng apoy at asupre ay itinuturing ng ilan na katibayan ng pag-iral ng apoy ng impiyerno. Subalit ang maikling pagsusuri sa isang nakakatulad na hula ay magpapakita ng tunay na kahulugan ng mga salitang ito sa kaniyang konteksto. Noong mga panahon ni Isaias, binabalaan ni Jehova ang bansang Edom na parurusahan ito dahil sa pakikipag-alit sa Israel. Sinabi niya: “Ang kaniyang mga ilog ay magiging alkitran, at ang kaniyang alabok ay magiging asupre; at ang kaniyang lupain ay magiging gaya ng nagniningas na alkitran. Sa gabi o sa araw ay hindi ito mamamatay; hanggang sa panahong walang takda ay patuloy na paiilanlang ang usok nito. Sa sali’t salinlahi ay magiging tigang siya; walang sinumang daraan sa kaniya magpakailan-kailanman.”​—Isaias 34:9, 10.

      16 Inihagis ba ang Edom sa isang maalamat na apoy ng impiyerno upang masunog doon magpakailan-kailanman? Hindi nga. Sa halip, lubusang naglaho ang bansang iyon sa eksena ng daigdig na wari’y nasupok sa apoy at asupre. Ang pangwakas na resulta ng kaparusahan ay hindi ang walang hanggang pagpapahirap kundi ang “kawalang-laman . . . pagkatiwangwang . . . walang kabuluhang lahat.” (Isaias 34:11, 12) Malinaw na inilalarawan ito ng usok na ‘pumapailanlang hanggang sa panahong walang takda.’ Kapag nasunog ang isang bahay, patuloy pa ring pumapailanlang ang usok mula sa mga abo kahit naapula na ang apoy, na nagiging basehan ng mga nagmamasid na nagkaroon nga ng isang mapangwasak na sunog doon. Hanggang ngayon, naaalaala pa rin ng bayan ng Diyos ang aral na itinuturo ng pagkawasak ng Edom. Sa diwang ito, pumapailanlang pa rin sa makasagisag na paraan ang ‘usok ng kaniyang pagkasunog.’

      17, 18. (a) Ano ang kahihinatnan ng mga tumatanggap ng marka ng mabangis na hayop? (b) Sa anong paraan masasabing pinahihirapan ang mga mananamba ng mabangis na hayop? (c) Sa anong diwa “ang usok ng kanilang pahirap ay pumapailanlang magpakailan-kailanman”?

      17 Ang mga may marka ng mabangis na hayop ay lubusan ding mapupuksa, na waring sa pamamagitan ng apoy. Gaya ng ipinakikita ng hula sa dakong huli, ang kanilang mga bangkay ay hindi na ililibing pa kundi magiging pagkain na lamang ng mga hayop at ibon. (Apocalipsis 19:17, 18) Kaya maliwanag na hindi sila literal na pahihirapan magpakailanman! Sa anong paraan sila ‘pahihirapan sa apoy at asupre’? Sa diwa na ang paghahayag ng katotohanan ay naglalantad sa kanila at nagbababala sa kanila hinggil sa dumarating na paghatol ng Diyos. Kaya nga inaalipusta nila ang bayan ng Diyos at, kung saanman posible, may-katusuhan nilang hinihimok ang pulitikal na mabangis na hayop na usigin at patayin pa nga ang mga Saksi ni Jehova. Ang mga mananalansang na ito, bilang kasukdulan, ay lilipulin na waring sa pamamagitan ng apoy at asupre. Kung gayon ‘ang usok ng kanilang pahirap ay papailanlang magpakailan-kailanman’ sa diwa na ang paghatol sa kanila ng Diyos ay magsisilbing basehan sakaling hamuning muli ang matuwid na pagkasoberano ni Jehova. Malulutas na magpakailanman ang isyung iyon.

      18 Sino ang naghahatid ng nagpapahirap na mensahe sa ngayon? Tandaan, ang makasagisag na mga balang ay may awtoridad na magpahirap sa mga taong walang tatak ng Diyos sa kanilang noo. (Apocalipsis 9:5) Maliwanag na sila ang mga tagapagpahirap na nasa ilalim ng patnubay ng mga anghel. Gayon na lamang kadeterminado ang makasagisag na mga balang anupat ‘walang pahinga araw at gabi yaong mga sumasamba sa mabangis na hayop at sa larawan nito, at sinumang tumatanggap ng marka ng pangalan nito.’ At sa wakas, matapos silang puksain, ang napakalaking ebidensiya ng pagbabangong-puri sa pagkasoberano ni Jehova, “ang usok ng kanilang pahirap,” ay paiilanlang magpakailan-kailanman. Makapagbata nawa ang uring Juan hanggang sa malubos ang pagbabangong-puring iyon! Gaya ng konklusyon ng anghel: “Dito nangangahulugan ng pagbabata para sa mga banal, yaong mga tumutupad ng mga utos ng Diyos at ng pananampalataya kay Jesus.”​—Apocalipsis 14:12.

      19. Bakit kailangang magbata ang mga banal, at ano ang iniulat ni Juan na nagpapalakas sa kanila?

      19 Oo, ang “pagbabata para sa mga banal” ay nangangahulugan ng pagsamba nila kay Jehova na may bukod-tanging debosyon sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Hindi gusto ng karamihan sa mga tao ang kanilang mensahe. Humahantong ito sa pagsalansang, pag-uusig, at kamatayan pa nga bilang martir. Subalit pinalalakas sila ng sumusunod na ulat ni Juan: “At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsabi: ‘Isulat mo: Maligaya ang mga patay na mamamatay na kaisa ng Panginoon mula sa panahong ito. Oo, ang sabi ng espiritu, pagpahingahin sila mula sa kanilang mga pagpapagal, sapagkat ang mga bagay na ginawa nila ay yayaong kasama nila.’”​—Apocalipsis 14:13.

      20. (a) Paano nakakasuwato ng pangako na iniuulat ni Juan ang hula ni Pablo hinggil sa pagkanaririto ni Jesus? (b) Anong pantanging pribilehiyo ang ipinangako sa mga pinahirang mamamatay matapos palayasin si Satanas sa langit?

      20 Ang pangakong ito ay kasuwato ng hula ni Pablo hinggil sa pagkanaririto ni Jesus: “Yaong mga patay na kaisa ni Kristo ang unang babangon. Pagkatapos tayong mga buháy na siyang natitira [ang mga pinahiran na buháy pa sa araw ng Panginoon], kasama nila, ay aagawin sa mga ulap upang salubungin ang Panginoon sa hangin.” (1 Tesalonica 4:15-17) Matapos palayasin si Satanas sa langit, ang mga patay na kaisa ni Kristo ang unang bumangon. (Ihambing ang Apocalipsis 6:9-11.) Pagkatapos nito, ang mga pinahiran na mamamatay sa araw ng Panginoon ay pinangangakuan ng pantanging pribilehiyo. Ang kanilang pagkabuhay-muli bilang espiritu sa langit ay kagyat, “sa isang kisap-mata.” (1 Corinto 15:52) Lubhang kagila-gilalas ito! At ipagpapatuloy nila ang kanilang mga gawa ng katuwiran sa makalangit na dako.

      Ang Aanihin sa Lupa

      21. Ano ang sinasabi sa atin ni Juan tungkol sa “aanihin sa lupa”?

      21 May iba pang makikinabang sa araw na ito ng paghatol, gaya ng patuloy na sinasabi sa atin ni Juan: “At nakita ko, at, narito! isang puting ulap, at sa ulap ay may nakaupong tulad ng isang anak ng tao, na may ginintuang korona sa kaniyang ulo at isang matalas na karit sa kaniyang kamay. At isa pang anghel [ang ikaapat] ang lumabas mula sa santuwaryo ng templo, na sumisigaw sa malakas na tinig sa isa na nakaupo sa ulap: ‘Gamitin mo ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat dumating na ang oras upang gumapas, sapagkat ang aanihin sa lupa ay lubusang hinog na.’ At isinulong ng isa na nakaupo sa ulap ang kaniyang karit sa lupa, at ang lupa ay nagapasan.”​—Apocalipsis 14:14-16.

      22. (a) Sino ang isa na may suot na ginintuang korona at nakaupo sa puting ulap? (b) Kailan magaganap ang kasukdulan ng pag-aani, at paano?

      22 Nakatitiyak tayo sa pagkakakilanlan ng nakaupo sa puting ulap. Yamang inilarawan siya na nakaupo sa puting ulap, na nakakawangis ng isang anak ng tao at may ginintuang korona, maliwanag na siya si Jesus, ang Mesiyanikong Hari na nakita rin ni Daniel sa pangitain. (Daniel 7:13, 14; Marcos 14:61, 62) Ngunit ano ba ang pag-aani na inihula rito? Noong nasa lupa si Jesus, inihalintulad niya ang paggawa ng mga alagad sa pag-aani sa pandaigdig na bukid ng sangkatauhan. (Mateo 9:37, 38; Juan 4:35, 36) Ang kasukdulan ng pag-aaning ito ay dumarating sa araw ng Panginoon, kapag kinoronahan na si Jesus bilang Hari at naglapat na siya ng hatol bilang kinatawan ng kaniyang Ama. Kaya ang panahon ng kaniyang pamamahala, mula noong 1914, ay maligayang panahon din upang ipasok ang ani.​—Ihambing ang Deuteronomio 16:13-15.

      23. (a) Kanino nagmula ang utos na simulan ang paggapas? (b) Anong pag-aani ang nagaganap mula noong 1919 hanggang sa ngayon?

      23 Bagaman isa siyang Hari at Hukom, hinintay muna ni Jesus ang utos ni Jehova na kaniyang Diyos bago niya simulan ang paggapas. Ang utos na ito ay nagmumula sa “santuwaryo ng templo” sa pamamagitan ng isang anghel. Tumalima agad si Jesus. Mula noong 1919, ipinatapos muna niya sa kaniyang mga anghel ang pag-aani ng 144,000. (Mateo 13:39, 43; Juan 15:1, 5, 16) Pagkatapos nito, isinunod ang pagtitipon sa malaking pulutong ng mga ibang tupa. (Juan 10:16; Apocalipsis 7:9) Ipinakikita ng kasaysayan na sa pagitan ng 1931 at 1935, marami-raming bilang ng mga ibang tupang ito ang nagsimulang lumitaw. Noong 1935, ipinaunawa ni Jehova sa uring Juan ang tunay na pagkakakilanlan ng malaking pulutong ng Apocalipsis 7:9-17. Mula noon, pinagtuunan ng pansin ang pagtitipon sa pulutong na ito. Pagsapit ng taóng 2005, ang bilang nito ay mahigit nang anim na milyon, at patuloy pa rin itong dumarami. Walang pagsala, ang isang gaya ng anak ng tao ay nakagapas ng masagana at kasiya-siyang ani sa panahong ito ng kawakasan.​—Ihambing ang Exodo 23:16; 34:22.

      Pagyurak sa Punong Ubas ng Lupa

      24. Ano ang nasa kamay ng ikalimang anghel, at ano ang isinisigaw ng ikaanim na anghel?

      24 Kapag naganap na ang pag-aani ukol sa kaligtasan, panahon na ukol sa naiiba namang pag-aani. Nag-uulat si Juan: “At isa pa uling anghel [ang ikalima] ang lumabas mula sa santuwaryo ng templo na nasa langit, na siya rin ay may matalas na karit. At isa pa uling anghel [ang ikaanim] ang lumabas mula sa altar at siya ay may awtoridad sa apoy. At sumigaw siya sa malakas na tinig sa isa na may matalas na karit, na sinasabi: ‘Gamitin mo ang iyong matalas na karit at tipunin mo ang mga kumpol ng punong ubas ng lupa, sapagkat nahinog na ang mga ubas nito.’” (Apocalipsis 14:17, 18) Ang mga hukbo ng mga anghel ay pinagkatiwalaan ng malaking gawain ng pag-aani sa araw ng Panginoon, ang pagbubukod ng mabuti sa masama!

      25. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang ikalimang anghel ay nagmula sa santuwaryo ng templo? (b) Bakit angkop na ang utos na magsimulang gumapas ay manggaling sa isang anghel na “lumabas mula sa altar”?

      25 Ang ikalimang anghel ay nagmumula sa presensiya ni Jehova sa santuwaryo ng templo; kaya nagaganap din ang pangwakas na pag-aani ayon sa kalooban ni Jehova. Ang mensahe na nag-uutos sa anghel na simulan na ang kaniyang gawain ay inihatid ng isa pang anghel na “lumabas mula sa altar.” Lubhang makahulugan ang bagay na ito, yamang ang tapat na mga kaluluwa sa ilalim ng altar ay nagtanong: “Hanggang kailan, Soberanong Panginoon na banal at totoo, na magpipigil ka sa paghatol at sa paghihiganti para sa aming dugo sa mga tumatahan sa ibabaw ng lupa?” (Apocalipsis 6:9, 10) Mabibigyang-katarungan ang sigaw na ito ukol sa paghihiganti kapag inani na ang punong ubas ng lupa.

      26. Ano ang “punong ubas ng lupa”?

      26 Subalit ano ang “punong ubas ng lupa”? Sa Hebreong Kasulatan, ang bansang Judio ay tinutukoy bilang punong ubas ni Jehova. (Isaias 5:7; Jeremias 2:21) Sa katulad na paraan, si Jesu-Kristo at ang mga maglilingkod na kasama niya sa Kaharian ng Diyos ay tinutukoy bilang punong ubas. (Juan 15:1-8) Ayon sa konteksto, ang mahalagang katangian ng punong ubas ay ang pagluluwal nito ng bunga, at ang tunay na punong ubas na Kristiyano ay nagluluwal ng saganang bunga ukol sa kapurihan ni Jehova. (Mateo 21:43) Kaya ang “punong ubas ng lupa” ay hindi maaaring ang tunay na punong ubas na ito, kundi isang imitasyon na likha ni Satanas, ang kaniyang tiwaling nakikitang sistema ng pamamahala sa sangkatauhan, kasama na ang sari-saring “kumpol” ng makademonyong bunga na nailuwal nito sa paglipas ng mga siglo. Ang Babilonyang Dakila, kung saan napakaprominente ang apostatang Sangkakristiyanuhan, ay may malakas na impluwensiya sa nakalalasong punong ubas na ito.​—Ihambing ang Deuteronomio 32:32-35.

      27. (a) Ano ang magaganap kapag tinipon na ng anghel na may karit ang punong ubas ng lupa? (b) Anu-anong hula sa Hebreong Kasulatan ang nagpapahiwatig sa lawak ng pag-aani?

      27 Dapat nang ilapat ang hatol! “At isinulong ng anghel ang kaniyang karit sa lupa at tinipon ang punong ubas ng lupa, at inihagis niya iyon sa malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos. At ang pisaan ng ubas ay niyurakan sa labas ng lunsod, at lumabas ang dugo mula sa pisaan ng ubas at umabot hanggang sa mga renda ng mga kabayo, sa layo na isang libo anim na raang estadyo.” (Apocalipsis 14:19, 20) Ang galit ni Jehova laban sa punong ubas na ito ay matagal nang naipahayag. (Zefanias 3:8) Tinitiyak ng hula sa aklat ni Isaias na buong mga bansa ang mapupuksa kapag niyurakan na ang pisaan ng ubas na iyon. (Isaias 63:3-6) Inihula rin ni Joel na napakalaking “mga pulutong,” buong mga bansa, ang yuyurakan sa “pisaan ng ubas” na nasa “mababang kapatagan ng pasiya,” hanggang sa malipol. (Joel 3:12-14) Talagang kagila-gilalas na pag-aani ito na hindi na muling mauulit pa! Ayon sa pangitain ni Juan, hindi lamang inaani ang mga ubas kundi pinuputol ang buong makasagisag na punong ubas at inihahagis sa pisaan ng ubas upang ito ay yurakan. Kaya papatayin ang punong ubas ng lupa at hindi na tutubo pang muli.

      28. Sino ang yuyurak sa punong ubas ng lupa, at ano ang kahulugan na ang pisaan ng ubas ay “niyurakan sa labas ng lunsod”?

      28 Sa pangitain, mga kabayo ang yumuyurak sapagkat ang dugo na lumabas mula sa punong ubas ay umabot hanggang “sa mga renda ng mga kabayo.” Yamang ang terminong “mga kabayo” ay karaniwan nang tumutukoy sa pakikipagdigma, tiyak na panahon ito ng digmaan. Ang mga hukbo ng kalangitan na sumusunod kay Jesus tungo sa pangwakas na digmaan laban sa sistema ng mga bagay ni Satanas ay sinasabing yumuyurak sa “pisaan ng ubas ng galit ng poot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 19:11-16) Maliwanag na sila ang yuyurak sa punong ubas ng lupa. Ang pisaan ng ubas ay “niyurakan sa labas ng lunsod,” samakatuwid nga, sa labas ng makalangit na Sion. Angkop nga na dito sa lupa yurakan ang punong ubas ng lupa. Subalit ito rin ay ‘yuyurakan sa labas ng lunsod,’ sa diwa na hindi mapapahamak ang mga nalabi ng binhi ng babae, na kumakatawan sa makalangit na Sion dito sa lupa. Ang mga ito, kasama ang malaking pulutong, ay ligtas na ikukubli sa loob ng kaayusan ng makalupang organisasyon ni Jehova.​—Isaias 26:20, 21.

      29. Gaano kalalim ang dugo sa pisaan ng ubas, gaano kalawak ang naaabot nito, at ano ang ipinahihiwatig ng lahat ng ito?

      29 Ang buháy na buháy na pangitaing ito ay kahalintulad ng pagdurog sa mga kaharian sa lupa sa pamamagitan ng bato na kumakatawan sa Kaharian at inilalarawan sa Daniel 2:34, 44. Magkakaroon ng ganap na pagkalipol. Napakalalim ng ilog ng dugo mula sa pisaan ng ubas, hanggang sa mga renda ng mga kabayo, at ito’y sa lawak na 1,600 estadyo.a Ang napakalaking bilang na ito, na makukuha kapag ang apat ay pinarami nang apat na beses at ang resulta nito ay minultiplika sa sampu na pinarami nang sampung beses (4 x 4 x 10 x 10), ay nagdiriin sa mensahe na ang ebidensiya ng pagkapuksa ay magsasangkot sa buong lupa. (Isaias 66:15, 16) Ang pagkapuksa ay magiging ganap at di-mababago. Hinding-hindi na kailanman mag-uugat ang punong ubas ng lupa ni Satanas!​—Awit 83:17, 18.

      30. Anu-ano ang mga bunga ng punong ubas ni Satanas, at ano ang dapat na maging determinasyon natin?

      30 Yamang nabubuhay tayo sa huling bahagi ng panahon ng kawakasan, napakahalaga ng pangitaing ito tungkol sa dalawang pag-aani. Kitang-kita sa palibot natin ang mga bunga ng punong ubas ni Satanas. Mga aborsiyon at iba pang anyo ng pagpaslang; homoseksuwalidad, pangangalunya, at iba pang anyo ng imoralidad; pandaraya at kawalan ng likas na pagmamahal​—dahil sa lahat ng ito, naging karima-rimarim sa paningin ni Jehova ang sanlibutang ito. Ang punong ubas ni Satanas ay nagluluwal ng “bunga ng isang nakalalasong halaman at ng ahenho.” Ang kapaha-pahamak at idolatrosong landasin nito ay lumalapastangan sa Dakilang Maylalang ng sangkatauhan. (Deuteronomio 29:18; 32:5; Isaias 42:5, 8) Kaylaking pribilehiyo na aktibong makisama sa uring Juan sa pag-aani ng kanais-nais na bunga na iniluluwal ni Jesus sa kapurihan ni Jehova! (Lucas 10:2) Nawa’y maging determinado tayong lahat na huwag madungisan ng punong ubas ng sanlibutang ito, at sa gayo’y hindi mayurakan kasama ng punong ubas ng lupa kapag inilapat na ang kapaha-pahamak na hatol ni Jehova.

      [Talababa]

      a Ang 1,600 estadyo ay mga 300 kilometro, o 180 milyang Ingles.​—Apocalipsis 14:20, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References.

      [Kahon sa pahina 208]

      ‘Ang Alak ng Kaniyang Pakikiapid’

      Isang prominenteng bahagi ng Babilonyang Dakila ang Simbahang Romano Katoliko. Ang simbahan ay pinamumunuan ng papa sa Roma at inaangkin nito na kahalili ni apostol Pedro ang bawat papa. Ang sumusunod ay ilan lamang sa inilathalang impormasyon hinggil sa diumano’y mga kahaliling ito:

      Formosus (891-96): “Siyam na buwan pagkamatay ni Formosus, hinukay ang kaniyang bangkay mula sa nitso ng mga papa at nilitis sa harap ng konsilyo para sa ‘mga bangkay,’ na pinangasiwaan ni Stephen [ang bagong papa]. Ang patay na papa ay pinaratangan ng labis na pag-aambisyon sa tungkulin bilang papa at itinuring na walang silbi ang lahat ng kaniyang mga nagawa. . . . Ang bangkay ay hinubaran ng mahabang damit na isinusuot ng papa; pinutol ang mga daliri ng kaniyang kanang kamay.”​—New Catholic Encyclopedia.

      Stephen VI (896-97): “Ilang buwan pagkatapos [litisin ang bangkay ni Formosus] isang marahas na ganti ang tumapos sa pagiging papa ni Pope Stephen; binawi sa kaniya ang sagisag ng pagiging papa, ibinilanggo, at binigti.”​—New Catholic Encyclopedia.

      Sergius III (904-11): “Ang dalawang magkasunod na papa na hinalinhan niya . . . ay binigti sa bilangguan. . . . Sa Roma, sinuportahan siya ng pamilya ni Theophylactus na, diumano, isa sa mga anak na babae nito, si Marozia, ay kaniyang naanakan (na naging si Pope John XI).”​—New Catholic Encyclopedia.

      Stephen VII (928-31): “Sa mga huling taon ng kaniyang pagiging papa, inani ni Pope John X . . . ang poot ni Marozia, ang Donna Senatrix ng Roma, anupat ito’y ibinilanggo at pataksil na pinatay. Pagkatapos nito, ipinagkaloob ni Marozia ang pagiging papa kay Pope Leo VI, na namatay naman pagkaraan ng 6 1⁄2 buwan ng panunungkulan. Si Stephen VII ang humalili sa kaniya, dahil marahil sa impluwensiya ni Marozia. . . . Sa loob ng 2 taon ng pagiging Papa, wala siyang kapangyarihan at naging sunud-sunuran kay Marozia.”​—New Catholic Encyclopedia.

      John XI (931-35): “Nang mamatay si Stephen VII . . . , kinuha ni Marozia, mula sa Sambahayan ni Theophylactus, ang pagiging papa para sa kaniyang anak na si John, isang kabataan na mahigit 20 anyos lamang. . . . Bilang papa, dominado si John ng kaniyang ina.”​—New Catholic Encyclopedia.

      John XII (955-64): “Disiotso pa lamang siya, at nagkakaisa ang lahat ng ulat noong panahong iyon hinggil sa kaniyang kawalan ng interes sa espirituwal na mga bagay, sa kaniyang pagkasugapa sa malalaswang kalayawan, at lisyang pamumuhay nang walang patumangga.”​—The Oxford Dictionary of Popes.

      Benedict IX (1032-44; 1045; 1047-48): “Masama ang kaniyang reputasyon dahil ipinagbili niya ang pagiging papa sa kaniyang ninong at kasunod nito’y makalawang ulit niyang binawi ang katungkulang iyon.”​—The New Encyclopædia Britannica.

      Kaya sa halip na tumulad sa halimbawa ng tapat na si Pedro, ang mga ito at ang iba pang papa ay naging napakasamang impluwensiya. Pinahintulutan nilang pasamain ng pagkakasala sa dugo at espirituwal at pisikal na pakikiapid, pati na ng impluwensiya ni Jezebel, ang simbahang kanilang pinamunuan. (Santiago 4:4) Noong 1917, marami sa mga katotohanang ito ang detalyadong inilantad ng aklat ng mga Estudyante ng Bibliya na The Finished Mystery. Isa ito sa mga paraang ginamit ng mga Estudyante ng Bibliya nang mga panahong iyon upang “hampasin ang lupa ng bawat uri ng salot.”​—Apocalipsis 11:6; 14:8; 17:1, 2, 5.

      [Larawan sa pahina 206]

      Naglalapat ng hatol ang nakaluklok na Kristo katulong ang mga anghel

      [Larawan sa pahina 207]

      Pagkaraang bumagsak ang Babilonya noong 539 B.C.E., napalaya ang kaniyang mga bilanggo

  • Mga Gawa ni Jehova—Dakila at Kamangha-mangha
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • Kabanata 31

      Mga Gawa ni Jehova​—Dakila at Kamangha-mangha

      Pangitain 10​—Apocalipsis 15:1–16:21

      Paksa: Si Jehova sa kaniyang santuwaryo; ibinubuhos sa lupa ang pitong mangkok ng kaniyang poot

      Panahon ng katuparan: 1919 hanggang sa Armagedon

      1, 2. (a) Ano ang ikatlong tanda na iniuulat ni Juan? (b) Anong papel ng mga anghel ang matagal nang alam ng mga lingkod ni Jehova?

      ISANG babae na nagsisilang ng batang lalaki! Isang malaking dragon na naghahangad na lamunin ang batang iyon! Idiniin sa atin ng dalawang makalangit na tandang iyon, na matingkad na inilalarawan sa Apocalipsis kabanata 12, na ang napakatagal nang alitan ng Binhi ng babae ng Diyos at ni Satanas at ng kaniyang makademonyong binhi ay sumasapit na sa kasukdulan nito. Bilang pagtatampok sa mga sagisag na ito, sinasabi ni Juan: “At isang dakilang tanda ang nakita sa langit . . . At isa pang tanda ang nakita.” (Apocalipsis 12:1, 3, 7-12) Iniuulat naman ngayon ni Juan ang ikatlong tanda: “At nakita ko sa langit ang isa pang tanda, dakila at kamangha-mangha, pitong anghel na may pitong salot. Ito na ang mga huli, sapagkat sa pamamagitan nila ay sumasapit na sa katapusan ang galit ng Diyos.” (Apocalipsis 15:1) Napakahalaga rin ng kahulugan ng ikatlong tandang ito para sa mga lingkod ni Jehova.

      2 Pansinin ang mahahalagang papel na muling ginagampanan ng mga anghel sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos. Matagal nang alam ng mga lingkod ni Jehova ang katotohanang ito. Sa katunayan, sa ilalim ng pagkasi ay hinimok pa nga ng sinaunang salmista ang mga anghel na ito: “Pagpalain ninyo si Jehova, O ninyong mga anghel niya, makapangyarihan sa kalakasan, na tumutupad ng kaniyang salita, sa pakikinig sa tinig ng kaniyang salita”! (Awit 103:20) Ngayon naman, sa bagong eksenang ito, inaatasan ang mga anghel na ibuhos ang huling pitong salot.

      3. Ano ang pitong salot, at ano ang ipinahihiwatig ng pagbubuhos ng mga ito?

      3 Anu-ano ang mga salot na ito? Gaya ng pitong tunog ng trumpeta, ang mga ito’y matatalim na kapahayagan ng paghatol na naghahayag sa pangmalas ni Jehova sa iba’t ibang bahagi ng sanlibutang ito at nagbababala hinggil sa pangwakas na resulta ng kaniyang mga hudisyal na pasiya. (Apocalipsis 8:1–9:21) Ang pagbubuhos sa mga ito ay tumutukoy sa paglalapat ng mga hatol na iyon, kapag ang mga tudlaan ng poot ni Jehova ay napuksa na sa araw ng kaniyang nag-aapoy na galit. (Isaias 13:9-13; Apocalipsis 6:16, 17) Kaya sa pamamagitan ng mga ito, “sumasapit na sa katapusan ang galit ng Diyos.” Subalit bago ilarawan ang pagbubuhos ng mga salot, sinasabi sa atin ni Juan na may mga taong hindi mapapahamak sa mga salot na ito. Yamang tinanggihan ng mga matapat na ito ang marka ng mabangis na hayop, nag-aawitan sila ng papuri kay Jehova habang inihahayag nila ang araw ng kaniyang paghihiganti.​—Apocalipsis 13:15-17.

      Ang Awit ni Moises at ng Kordero

      4. Ano ngayon ang nakikita ni Juan?

      4 Isang kamangha-manghang tanawin ang nakikita ngayon ni Juan: “At nakita ko ang tila isang malasalaming dagat na may halong apoy, at yaong mga nagtatagumpay sa mabangis na hayop at sa larawan nito at sa bilang ng pangalan nito na nakatayo sa tabi ng malasalaming dagat, na may mga alpa ng Diyos.”​—Apocalipsis 15:2.

      5. Ano ang inilalarawan ng “malasalaming dagat na may halong apoy”?

      5 Ang “malasalaming dagat” ay iyon ding unang nakita ni Juan, na naroroon sa harap ng trono ng Diyos. (Apocalipsis 4:6) Katulad ito ng “binubong dagat” (sisidlan ng tubig) sa templo ni Solomon, na pinagkukunan ng mga saserdote ng tubig upang linisin ang kanilang sarili. (1 Hari 7:23) Kaya napakainam na sagisag ito ng “paghuhugas ng tubig,” samakatuwid nga, ang Salita ng Diyos, na ginagamit ni Jesus sa paglilinis ng makasaserdoteng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. (Efeso 5:25, 26; Hebreo 10:22) Ang malasalaming dagat na ito ay “may halong apoy,” na nagpapahiwatig na ang mga pinahiran ay sinusubok at nililinis samantalang sinusunod nila ang mataas na pamantayang itinakda para sa kanila. Bukod dito, pinaaalalahanan tayo nito na ang Salita ng Diyos ay may mga kapahayagan din ng maaapoy na paghatol laban sa kaniyang mga kaaway. (Deuteronomio 9:3; Zefanias 3:8) Ang ilan sa maaapoy na paghatol na ito ay makikita sa huling pitong salot na malapit nang ibuhos.

      6. (a) Sino ang mga mang-aawit na nakatayo sa harap ng malasalaming dagat sa langit, at paano natin nalaman? (b) Sa anong paraan sila “nagtatagumpay”?

      6 Yamang ang binubong dagat sa templo ni Solomon ay ukol sa gamit ng mga saserdote, ipinahihiwatig nito na uring saserdote ang mga mang-aawit na nakatayo sa harap ng malasalaming dagat sa langit. Mayroon silang “mga alpa ng Diyos,” kaya maiuugnay natin sila sa 24 na matatanda at sa 144,000, yamang umaawit din ang mga grupong ito sa saliw ng alpa. (Apocalipsis 5:8; 14:2) Ang mga mang-aawit na nakikita ni Juan ay “nagtatagumpay sa mabangis na hayop at sa larawan nito at sa bilang ng pangalan nito.” Kaya tiyak na sila yaong mga kabilang sa 144,000 na nabubuhay pa sa lupa sa mga huling araw. Bilang isang grupo, tunay ngang nagtatagumpay sila. Sa loob ng halos 90 taon mula noong 1919, tumanggi silang magkaroon ng marka ng mabangis na hayop at hindi sila umasa sa larawan nito bilang tanging pag-asa ng tao ukol sa kapayapaan. Marami sa kanila ang nanatiling tapat hanggang kamatayan, at sila, na nasa langit na ngayon, ay tiyak na umaalinsabay nang may pantanging kasiyahan sa pag-awit ng kanilang mga kapatid na naririto pa sa lupa.​—Apocalipsis 14:11-13.

      7. Paano ginagamit ang alpa sa sinaunang Israel, at paano dapat makaapekto sa atin ang pagkakaroon ng mga alpa ng Diyos sa pangitain ni Juan?

      7 Ang matapat na mga mananagumpay na ito ay may mga alpa ng Diyos. Sa bagay na ito, nakakatulad sila ng sinaunang mga Levita sa templo, na sumamba kay Jehova sa pamamagitan ng awit na sinasaliwan ng mga alpa. Ang iba ay humula rin sa saliw ng alpa. (1 Cronica 15:16; 25:1-3) Ang malalambing na himig ng alpa ay nagpaganda sa mga awit ng kagalakan at panalangin ng pasasalamat at papuri ng Israel para kay Jehova. (1 Cronica 13:8; Awit 33:2; 43:4; 57:7, 8) Walang naririnig na tunog ng alpa sa mga panahon ng pagdadalamhati o pagkabihag. (Awit 137:2) Ang pagkakaroon ng mga alpa ng Diyos sa pangitaing ito ay dapat pumukaw sa ating pananabik sa isang nakagagalak at matagumpay na awit ng papuri at pasasalamat sa ating Diyos.a

      8. Anong awit ang inaawit, at ano ang liriko nito?

      8 Iyan ang iniuulat ni Juan: “At inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos at ang awit ng Kordero, na sinasabi: ‘Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at totoo ang iyong mga daan, Haring walang hanggan. Sino nga talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat? Sapagkat ang lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa harap mo, sapagkat ang iyong mga matuwid na batas ay nahayag na.’”​—Apocalipsis 15:3, 4.

      9. Bakit tinatawag na “awit ni Moises” ang isang bahagi ng awit?

      9 Inaawit ng mga nagtagumpay na ito “ang awit ni Moises,” samakatuwid nga, isang awit na katulad niyaong inawit ni Moises sa ilalim ng gayunding mga kalagayan. Pagkatapos masaksihan ng mga Israelita ang sampung salot sa Ehipto at ang pagkapuksa ng mga hukbo ng Ehipto sa Dagat na Pula, pinangunahan sila ni Moises sa gayong awit ng matagumpay na papuri kay Jehova, na nagpapahayag ng ganito: “Si Jehova ay mamamahala bilang hari hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” (Exodo 15:1-19) Yamang ang mga mang-aawit sa pangitain ni Juan ay nagtagumpay laban sa mabangis na hayop at kasama ngayon sa paghahayag ng huling pitong salot, angkop lamang na umawit din sila “sa Haring walang hanggan”!​—1 Timoteo 1:17.

      10. Ano pang ibang awit ang kinatha ni Moises, at paano kumakapit ang huling talata nito sa malaking pulutong sa ngayon?

      10 Sa isa pang awit, na kinatha noong naghahanda ang Israel na sakupin ang Canaan, sinabi ng may-edad nang si Moises sa bansang iyon: “Ipahahayag ko ang pangalan ni Jehova. Iukol ninyo ang kadakilaan sa ating Diyos!” Pinatibay-loob din ng huling talata ng awit na ito ang mga di-Israelita, at kapit maging sa malaking pulutong sa ngayon ang kinasihang mga salita ni Moises: “Matuwa kayo, kayong mga bansa, kasama ng kaniyang bayan.” At bakit naman sila dapat matuwa? Sapagkat ngayon ay ‘ipaghihiganti ni Jehova ang dugo ng kaniyang mga lingkod, at siya ay magsasagawa ng paghihiganti sa kaniyang mga kalaban.’ Ang paglalapat na ito ng matuwid na hatol ay magdudulot ng kagalakan sa lahat ng umaasa kay Jehova.​—Deuteronomio 32:3, 43; Roma 15:10-13; Apocalipsis 7:9.

      11. Paano patuloy na natutupad ang awit na narinig ni Juan?

      11 Tiyak na kaysaya ni Moises kung nasa araw siya ng Panginoon ngayon at nakikiawit sa makalangit na koro: “Lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa harap mo”! Ang walang-katulad na awit na ito ay patuloy na natutupad sa kamangha-manghang paraan sa ngayon sapagkat nakikita natin, hindi lamang sa pamamagitan ng pangitain kundi bilang isang buháy na katunayan, ang milyun-milyon mula sa “mga bansa” na masayang dumaragsa ngayon sa makalupang organisasyon ni Jehova.

      12. Bakit ang awit ng mga nagtagumpay ay tinatawag ding “awit ng Kordero”?

      12 Pero hindi lamang ito awit ni Moises kundi awit din “ng Kordero.” Paano nagkagayon? Si Moises ay propeta ni Jehova sa Israel, subalit humula mismo si Moises na magbabangon si Jehova ng isang propetang gaya niya. Ang Isang ito ay napatunayang ang Kordero, si Jesu-Kristo. Kung si Moises ay “alipin ng Diyos,” si Jesus naman ay Anak ng Diyos, at sa gayon, siya ang Lalong-Dakilang Moises. (Deuteronomio 18:15-19; Gawa 3:22, 23; Hebreo 3:5, 6) Kaya inaawit din ng mga mang-aawit ang “awit ng Kordero.”

      13. (a) Sa anong paraan nakakatulad ni Jesus si Moises, bagaman mas dakila siya kaysa rito? (b) Paano tayo maaaring makiisa sa mga mang-aawit?

      13 Gaya ni Moises, hayagang umawit si Jesus ng mga papuri sa Diyos at humula tungkol sa tagumpay Niya laban sa lahat ng kaniyang mga kaaway. (Mateo 24:21, 22; 26:30; Lucas 19:41-44) Inasam din ni Jesus ang panahon kapag ang mga bansa ay nagsilapit na upang purihin si Jehova, at bilang mapagsakripisyong “Kordero ng Diyos,” inihain niya ang kaniyang buhay bilang tao upang maging posible ito. (Juan 1:29; Apocalipsis 7:9; ihambing ang Isaias 2:2-4; Zacarias 8:23.) At kung paanong pinahalagahan ni Moises ang pangalan ng Diyos, si Jehova, at dinakila ang pangalang iyon, inihayag naman ni Jesus ang pangalan ng Diyos. (Exodo 6:2, 3; Awit 90:1, 17; Juan 17:6) Yamang matapat si Jehova, tiyak na matutupad ang kaniyang maluwalhating mga pangako. Kung gayon, tiyak na kaisa tayo ng tapat na mga mang-aawit na ito, ng Kordero, at ni Moises, sa pagsang-ayon sa mga pananalita ng awit: “Sino nga talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan?”

      Ang mga Anghel na May mga Mangkok

      14. Sino ang nakikita ni Juan na lumalabas mula sa santuwaryo, at ano ang ibinigay sa kanila?

      14 Angkop lamang na pakinggan natin ang awit ng pinahirang mga mananaig na ito. Bakit? Sapagkat ipinahahayag nila sa lupa ang mga kahatulan na nilalaman ng mga mangkok na punô ng galit ng Diyos. Subalit hindi lamang basta tao ang nasasangkot sa pagbubuhos ng mga mangkok na ito, gaya ng patuloy na ipinakikita ni Juan: “At pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko, at ang santuwaryo ng tolda ng patotoo ay nabuksan sa langit, at ang pitong anghel na may pitong salot ay lumabas mula sa santuwaryo, nadaramtan ng malinis at maningning na lino at may bigkis na mga ginintuang pamigkis sa kanilang mga dibdib. At ang isa sa apat na nilalang na buháy ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong ginintuang mangkok na punô ng galit ng Diyos, na nabubuhay magpakailan-kailanman.”​—Apocalipsis 15:5-7.

      15. Bakit hindi kataka-takang mula sa santuwaryo lumalabas ang pitong anghel?

      15 Kung tungkol sa templo sa Israel, na kinaroroonan ng mga sagisag ng makalangit na mga bagay, ang mataas na saserdote lamang ang maaaring makapasok sa Kabanal-banalan, na siyang tinatawag ditong “santuwaryo.” (Hebreo 9:3, 7) Kumakatawan ito sa dakong kinaroroonan ni Jehova sa langit. Gayunman, sa langit mismo, hindi lamang ang Mataas na Saserdoteng si Jesu-Kristo ang may pribilehiyong makapasok sa harap ni Jehova kundi maging ang mga anghel din naman. (Mateo 18:10; Hebreo 9:24-26) Kaya hindi kataka-takang makita na lumalabas ang pitong anghel mula sa santuwaryo sa langit. May atas sila mula sa Diyos na Jehova mismo: Ibuhos ang mga mangkok na punô ng galit ng Diyos.​—Apocalipsis 16:1.

      16. (a) Ano ang nagpapakitang kuwalipikado para sa kanilang gawain ang pitong anghel? (b) Ano ang nagpapahiwatig na may iba pang nasasangkot sa malaking atas ng pagbubuhos ng makasagisag na mga mangkok?

      16 Lubhang kuwalipikado sa gawaing ito ang mga anghel na ito. Nadaramtan sila ng malinis at maningning na lino, na nagpapakitang malinis at banal sila sa espirituwal, matuwid sa paningin ni Jehova. Isa pa, may suot silang mga ginintuang pamigkis. Karaniwan nang gumagamit ng mga pamigkis ang isa kapag naghahanda para sa isang atas na dapat gampanan. (Levitico 8:7, 13; 1 Samuel 2:18; Lucas 12:37; Juan 13:4, 5) Kaya ang mga anghel ay nabibigkisan upang gampanan ang isang atas. Bukod dito, ginintuan ang kanilang mga pamigkis. Sa sinaunang tabernakulo, ginagamit ang ginto bilang sagisag ng banal at makalangit na mga bagay. (Hebreo 9:4, 11, 12) Nangangahulugan ito na may gagampanang mahalaga at banal na atas ng paglilingkod ang mga anghel. May iba pang nasasangkot sa malaking atas na ito. Isa sa apat na nilalang na buháy ang nag-abot sa kanila ng mismong mga mangkok. Walang pagsalang ito ang unang nilalang na buháy, na nakakatulad ng isang leon, at sumasagisag sa katapangan at di-natitinag na lakas ng loob na kinakailangan sa paghahayag ng mga kahatulan ni Jehova.​—Apocalipsis 4:7.

      Si Jehova sa Kaniyang Santuwaryo

      17. Ano ngayon ang sinasabi sa atin ni Juan tungkol sa santuwaryo, at paano nito ipinaaalaala sa atin ang santuwaryo sa sinaunang Israel?

      17 Sa wakas, bilang pagtatapos sa bahaging ito ng pangitain, sinasabi sa atin ni Juan: “At ang santuwaryo ay napuno ng usok dahil sa kaluwalhatian ng Diyos at dahil sa kaniyang kapangyarihan, at walang sinumang makapasok sa santuwaryo hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.” (Apocalipsis 15:8) May mga pagkakataon sa kasaysayan ng Israel na natakpan ng ulap ang literal na santuwaryo, at ang kapahayagang ito ng kaluwalhatian ni Jehova ay humadlang sa mga saserdote sa pagpasok doon. (1 Hari 8:10, 11; 2 Cronica 5:13, 14; ihambing ang Isaias 6:4, 5.) Mga panahon iyon kung kailan may aktibong partisipasyon si Jehova sa mga pangyayari dito sa lupa.

      18. Kailan babalik ang pitong anghel upang mag-ulat kay Jehova?

      18 Lubhang interesado rin si Jehova sa mga bagay-bagay na nangyayari sa lupa ngayon. Gusto niyang tapusin ng pitong anghel ang kanilang atas. Sukdulang panahon ito ng paghatol, gaya ng inilalarawan sa Awit 11:4-6: “Si Jehova ay nasa kaniyang banal na templo. Si Jehova​—nasa langit ang kaniyang trono. Ang kaniyang mga mata ay nagmamasid, ang kaniyang nagniningning na mga mata ay nagsusuri sa mga anak ng mga tao. Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa. Magpapaulan siya sa mga balakyot ng mga bitag, apoy at asupre at nakapapasong hangin, bilang takdang bahagi ng kanilang kopa.” Hangga’t hindi naibubuhos ang pitong salot sa mga balakyot, hindi babalik ang pitong anghel sa matayog na presensiya ni Jehova.

      19. (a) Anong utos ang ibinigay, at kanino nagmula ito? (b) Kailan malamang na nagsimula ang pagbubuhos ng makasagisag na mga mangkok?

      19 Dumadagundong ang kasindak-sindak na utos: “At narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa santuwaryo na nagsabi sa pitong anghel: ‘Humayo kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng galit ng Diyos.’” (Apocalipsis 16:1) Sino ang nagbibigay ng utos na ito? Tiyak na si Jehova mismo, yamang ang kaningningan ng kaniyang kaluwalhatian at kapangyarihan ay humadlang sa sinuman na makapasok sa santuwaryo. Pumasok si Jehova sa kaniyang espirituwal na templo upang humatol noong 1918. (Malakias 3:1-5) Kung gayon, malamang na hindi pa natatagalan pagkaraan ng petsang ito nang ibigay niya ang utos na ibuhos ang mga mangkok ng galit ng Diyos. Sa katunayan, ang mga paghatol na nilalaman ng makasagisag na mga mangkok ay sinimulang ipahayag nang buong tindi noong 1922. At ang paghahayag sa mga ito ay lalo pang lumalakas sa ngayon.

      Ang mga Mangkok at ang mga Tunog ng Trumpeta

      20. Ano ang inihahayag at ibinababala ng mga mangkok ng galit ni Jehova, at paano ibinubuhos ang mga ito?

      20 Isinisiwalat ng mga mangkok ng galit ni Jehova ang mga pitak ng pandaigdig na eksena ayon sa pangmalas dito ni Jehova at nagbababala rin hinggil sa mga hatol na ilalapat ni Jehova. Ang mga mangkok ay ibinubuhos ng mga anghel sa pamamagitan ng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano sa lupa na umaawit ng awit ni Moises at ng awit ng Kordero. Samantalang ipinahahayag ang Kaharian bilang mabuting balita, buong-tapang ding isiniwalat ng uring Juan kung ano ang nilalaman ng mga mangkok na ito ng galit. (Mateo 24:14; Apocalipsis 14:6, 7) Sa gayon, ang kanilang mensaheng may dalawang aspekto ay naging mapayapa sapagkat naghahayag ito ng kalayaan para sa sangkatauhan subalit nagbubunsod ng pakikidigma sapagkat nagbababala ito hinggil sa “araw ng paghihiganti ng ating Diyos.”​—Isaias 61:1, 2.

      21. Paanong ang mga tudlaan ng unang apat na mangkok ng galit ng Diyos ay katumbas niyaong sa unang apat na tunog ng trumpeta, at ano naman ang pagkakaiba ng mga ito?

      21 Ang mga tudlaan ng unang apat na mangkok ng galit ng Diyos ay katumbas niyaong sa unang apat na tunog ng trumpeta, samakatuwid nga, ang lupa, ang dagat, ang mga ilog at mga bukal ng mga tubig, at ang makalangit na pinagmumulan ng liwanag. (Apocalipsis 8:1-12) Subalit ang mga tunog ng trumpeta ay nagpahayag ng mga salot sa “isang katlo,” samantalang isang kabuuan ang napinsala sa pagbubuhos ng mga mangkok ng galit ng Diyos. Kaya bagaman ang Sangkakristiyanuhan, bilang “isang katlo,” ang unang pinagtuunan ng pansin sa araw ng Panginoon, walang isa mang bahagi ng sistema ni Satanas ang nakaligtas sa epekto ng salot mula sa nakaliligalig na mga mensahe ng paghatol ni Jehova at sa mga kapighatiang dulot nito.

      22. Paano naiiba ang huling tatlong tunog ng trumpeta, at paano ito nauugnay sa huling tatlong mangkok ng galit ni Jehova?

      22 Naiiba ang huling tatlong tunog ng trumpeta sapagkat tinatawag na kaabahan ang mga ito. (Apocalipsis 8:13; 9:12) Ang unang dalawa sa mga ito ay binubuo partikular na ng mga balang at ng mga hukbong mangangabayo, samantalang ang ikatlo ay nagpatalastas sa pagsilang ng Kaharian ni Jehova. (Apocalipsis 9:1-21; 11:15-19) Gaya ng makikita natin, ang huling tatlong mangkok ng kaniyang poot ay sasaklaw rin sa ilan sa mga pitak na ito, subalit may bahagyang pagkakaiba ang mga ito sa tatlong kaabahan. Matama tayong magbigay-pansin ngayon sa dramatikong mga pagsisiwalat na ibubunga ng pagbubuhos ng mga mangkok ng galit ni Jehova.

      [Talababa]

      a Kapansin-pansin, inilabas noong 1921 ng uring Juan ang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na The Harp of God, na may sirkulasyon na mahigit limang milyong kopya sa mahigit 20 wika. Tumulong ito upang matipon ang higit pang pinahirang mga mang-aawit.

  • Sumasapit Na sa Katapusan ang Galit ng Diyos
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • Kabanata 32

      Sumasapit Na sa Katapusan ang Galit ng Diyos

      1. Ano ang maisasakatuparan kapag lubusan nang naibuhos ang pitong mangkok, at anu-anong tanong ang bumabangon ngayon hinggil sa mga mangkok?

      NABANGGIT na ni Juan ang tungkol sa mga anghel na inatasang magbuhos ng pitong mangkok. Sinasabi niya sa atin na “ito na ang mga huli, sapagkat sa pamamagitan nila ay sumasapit na sa katapusan ang galit ng Diyos.” (Apocalipsis 15:1; 16:1) Ang mga salot na ito, na naghahayag ng kaparusahan ni Jehova sa kabalakyutan sa lupa, ay dapat na lubusang maibuhos. Kapag natapos na ito, nailapat na ang mga hatol ng Diyos. Mawawala na ang sanlibutan ni Satanas! Ano ang ibinabadya ng mga salot na ito para sa sangkatauhan at para sa mga tagapamahala ng kasalukuyang balakyot na sistema? Paano maiiwasan ng mga Kristiyano na madamay sa salot kasama ng nahatulang sanlibutang ito? Napakahalagang mga tanong ito na sasagutin ngayon. Lahat ng naghahangad sa pagtatagumpay ng katuwiran ay magiging lubhang interesado sa susunod na makikita ni Juan.

      Ang Poot ni Jehova Laban sa “Lupa”

      2. Ano ang resulta ng pagbubuhos ng unang anghel ng kaniyang mangkok sa lupa, at ano ang isinasagisag ng “lupa”?

      2 Kumilos na ang unang anghel! “At humayo ang una at ibinuhos ang kaniyang mangkok sa lupa. At nagkaroon ng masakit at malubhang sugat ang mga tao na may marka ng mabangis na hayop at sumasamba sa larawan nito.” (Apocalipsis 16:2) Gaya sa unang tunog ng trumpeta, ang “lupa” rito ay tumutukoy sa tila matatag na sistema ng pulitika na sinimulang itayo ni Satanas sa lupa noon pa mang panahon ni Nimrod, mahigit 4,000 taon na ngayon ang nakalilipas.​—Apocalipsis 8:7.

      3. (a) Sa anong paraan halos pasambahin na ng maraming pamahalaan ang kanilang mga sakop? (b) Ano ang iniluwal ng mga bansa na panghalili sa Kaharian ng Diyos, at ano ang epekto nito sa mga sumasamba rito?

      3 Sa mga huling araw na ito, halos pasambahin na ng maraming pamahalaan ang kanilang mga sakop sa Estado, at ipinagpipilitang dapat dakilain ito nang higit kaysa sa Diyos o sa alinmang ibang pinag-uukulan ng katapatan. (2 Timoteo 3:1; ihambing ang Lucas 20:25; Juan 19:15.) Mula noong 1914, karaniwan nang pinagsusundalo ng mga bansa ang kanilang mga kabataan upang makipagbaka, o maging handang makipagbaka, sa kagimbal-gimbal na digmaan na siyang dahilan kung bakit naging madugo ang mga pahina ng makabagong kasaysayan. Bilang panghalili sa Kaharian ng Diyos, iniluwal din ng mga bansa sa araw ng Panginoon ang larawan ng mabangis na hayop​—ang Liga ng mga Bansa at ang kahalili nito, ang Nagkakaisang mga Bansa. Kaylaking pamumusong na ipahayag, gaya ng ginawa ng huling mga papa, na ang gawang-taong organisasyong ito ang tanging pag-asa ng mga bansa ukol sa kapayapaan! Mahigpit nitong sinasalansang ang Kaharian ng Diyos. Ang mga sumasamba rito ay nagiging marumi sa espirituwal, punô ng sugat, gaya ng mga Ehipsiyong sumalansang kay Jehova noong panahon ni Moises at sinalot ng literal na mga sugat.​—Exodo 9:10, 11.

      4. (a) Ano ang lubhang idiniriin ng laman ng unang mangkok ng galit ng Diyos? (b) Paano itinuturing ni Jehova ang mga tumatanggap ng marka ng mabangis na hayop?

      4 Lubhang idiniriin ng laman ng mangkok na ito ang pagpili na dapat gawin ng mga tao. Alinman sa danasin nila ang di-pagsang-ayon ng sanlibutan o ang galit ni Jehova. Ipinipilit sa mga tao na tanggapin ang marka ng mabangis na hayop, sa layuning “walang sinumang makabili o makapagtinda maliban sa tao na may marka, ang pangalan ng mabangis na hayop o ang bilang ng pangalan nito.” (Apocalipsis 13:16, 17) Subalit may kabayaran ang lahat ng ito! Ang mga tumatanggap ng tanda ay itinuturing ni Jehova na waring may “masakit at malubhang sugat.” Mula noong 1922, hayagan silang minarkahan bilang mga tumatanggi sa buháy na Diyos. Bigo ang kanilang pulitikal na mga pakana, anupat nanggigipuspos sila. Marumi sila sa espirituwal. Malibang magsisi sila, hindi na gagaling ang “masakit” na karamdamang ito, sapagkat ngayon na ang araw ng paghatol ni Jehova. Kailangang pumili sa pagitan ng pagiging bahagi ng sistema ng mga bagay ng sanlibutan at ng paglilingkod kay Jehova sa panig ng kaniyang Kristo.​—Lucas 11:23; ihambing ang Santiago 4:4.

      Naging Dugo ang Dagat

      5. (a) Ano ang naganap nang ibuhos ang ikalawang mangkok? (b) Paano itinuturing ni Jehova ang mga tumatahan sa makasagisag na dagat?

      5 Dapat na ngayong maibuhos ang ikalawang mangkok ng galit ng Diyos. Ano ang magiging kahulugan nito para sa sangkatauhan? Sinasabi sa atin ni Juan: “At ibinuhos ng ikalawa ang kaniyang mangkok sa dagat. At ito ay naging dugo na gaya ng sa taong patay, at ang bawat buháy na kaluluwa ay namatay, oo, ang mga bagay na nasa dagat.” (Apocalipsis 16:3) Gaya ng ikalawang tunog ng trumpeta, ang mangkok na ito ay ibubuhos sa “dagat”​—ang maligalig at mapaghimagsik na sangkatauhan na hiwalay kay Jehova. (Isaias 57:20, 21; Apocalipsis 8:8, 9) Sa paningin ni Jehova, ang “dagat” na ito ay gaya ng dugo, hindi maaaring panirahan ng anumang nilalang. Kaya hindi dapat maging bahagi ng sanlibutan ang mga Kristiyano. (Juan 17:14) Inihahayag ng pagbubuhos sa ikalawang mangkok ng galit ng Diyos na ang lahat ng taong tumatahan sa dagat na ito ay patay sa paningin ni Jehova. Yamang buong komunidad ang may pananagutan, lubhang nagkasala ang sangkatauhan sa pagbububo ng dugong walang-sala. Pagdating ng araw ng galit ni Jehova, literal silang mamamatay sa kamay ng kaniyang mga tagapuksa.​—Apocalipsis 19:17, 18; ihambing ang Efeso 2:1; Colosas 2:13.

      Binigyan Sila ng Dugo Upang Inumin

      6. Ano ang naganap nang ibuhos ang ikatlong mangkok, at anong mga salita ang narinig mula sa isang anghel at mula sa altar?

      6 Ang ikatlong mangkok ng galit ng Diyos, gaya ng tunog ng ikatlong trumpeta, ay nagkaroon ng epekto sa mga bukal ng tubig. “At ibinuhos ng ikatlo ang kaniyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng mga tubig. At naging dugo ang mga iyon. At narinig ko ang anghel sa mga tubig na nagsabi: ‘Ikaw, ang Isa na ngayon at ang nakaraan, ang Isa na matapat, ay matuwid, sapagkat iginawad mo ang mga pasiyang ito, sapagkat ibinuhos nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at binigyan mo sila ng dugo upang inumin. Nararapat iyon sa kanila.’ At narinig kong sinabi ng altar: ‘Oo, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, totoo at matuwid ang iyong mga hudisyal na pasiya.’”​—Apocalipsis 16:4-7.

      7. Saan lumalarawan ang ‘mga ilog at mga bukal ng mga tubig’?

      7 Ang ‘mga ilog at mga bukal ng mga tubig’ ay lumalarawan sa diumano’y sariwang pinagmumulan ng patnubay at karunungan na tinatanggap ng sanlibutang ito, gaya ng pulitikal, pang-ekonomiya, makasiyensiya, edukasyonal, panlipunan, at relihiyosong mga pilosopiya na umuugit sa kilos at pasiya ng mga tao. Sa halip na umasa kay Jehova, ang Bukal ng buhay, bilang pinagmumulan ng nagbibigay-buhay na katotohanan, ang mga tao ay ‘nagsihukay para sa kanilang sarili ng mga imbakang-tubig na sira’ at walang iniinom kundi ang ‘karunungan ng sanlibutang ito na kamangmangan sa Diyos.’​—Jeremias 2:13; 1 Corinto 1:19; 2:6; 3:19; Awit 36:9.

      8. Sa anu-anong paraan nagkasala sa dugo ang sangkatauhan?

      8 Ang gayong maruruming “tubig” ay nag-udyok sa mga tao na magkasala sa dugo, gaya halimbawa ng paghikayat sa kanila na magbubo ng katakut-takot na dugo sa mga digmaan na noong nakaraang siglo ay kumitil ng mahigit sandaang milyong buhay. Partikular na sa Sangkakristiyanuhan, kung saan sumiklab ang dalawang digmaang pandaigdig, ang mga tao ay ‘nagmamadaling magbubo ng dugong walang-sala,’ at kasama na rito ang dugo ng mismong mga saksi ng Diyos. (Isaias 59:7; Jeremias 2:34) Nagkasala rin sa dugo ang sangkatauhan dahil sa maling paggamit ng napakaraming dugo sa pagsasalin, na labag sa matuwid na mga kautusan ni Jehova. (Genesis 9:3-5; Levitico 17:14; Gawa 15:28, 29) Bilang resulta, umani na sila ng pagdadalamhati dahil sa paglaganap ng AIDS, hepatitis, at iba pang sakit na nakukuha sa pagsasalin ng dugo. Ang ganap na paghihiganti dahil sa lahat ng pagkakasala sa dugo ay malapit nang maganap kapag ipinataw na sa mga mananalansang ang sukdulang kaparusahan, ang pagyurak sa kanila sa “malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.”​—Apocalipsis 14:19, 20.

      9. Ano ang nasasangkot sa pagbubuhos ng ikatlong mangkok?

      9 Noong panahon ni Moises, nang gawing dugo ang Ilog Nilo, nakapanatiling buháy ang mga Ehipsiyo sapagkat humanap sila ng ibang mapagkukunan ng tubig. (Exodo 7:24) Subalit sa ngayon, sa panahon ng espirituwal na salot, walang mapagkukunan ang mga tao ng nagbibigay-buhay na tubig saanman sa sanlibutan ni Satanas. Ang pagbubuhos ng ikatlong mangkok na ito ay nagsasangkot ng paghahayag na ang ‘mga ilog at mga bukal ng mga tubig’ ng sanlibutang ito ay gaya ng dugo, na nagdudulot ng espirituwal na kamatayan sa lahat ng iinom mula rito. Malibang bumaling kay Jehova ang mga tao, aanihin nila ang kaniyang kapaha-pahamak na paghatol.​—Ihambing ang Ezekiel 33:11.

      10. Ano ang ipinaaalam ng “anghel sa mga tubig,” at ano pa ang pinatototohanan ng “altar”?

      10 “Ang anghel sa mga tubig,” samakatuwid nga, ang anghel na nagbubuhos ng mangkok na ito sa mga tubig, ay dumadakila kay Jehova bilang Pansansinukob na Hukom, na ang matuwid na mga pasiya ay hindi mababago. Kaya sinasabi niya hinggil sa paghatol na ito: “Nararapat iyon sa kanila.” Walang-pagsalang personal na nasaksihan ng anghel na ito ang malubhang pagbububo ng dugo at kalupitang naganap sa loob ng libu-libong taon bunga ng huwad na mga turo at pilosopiya ng balakyot na sanlibutang ito. Kaya alam niyang matuwid ang hudisyal na pasiya ni Jehova. Nagsasalita maging ang “altar” ng Diyos. Sa Apocalipsis 6:9, 10, ang mga kaluluwa ng mga pinatay bilang martir ay sinasabing nasa ilalim ng altar na iyon. Kaya ang “altar” ay mabisa ring nagpapatotoo sa pagiging makatarungan at matuwid ng mga pasiya ni Jehova.a Talagang angkop lamang na ang mga nagbubo ng napakaraming dugo at gumamit nito sa maling paraan ay sapilitang painumin ng dugo, bilang sagisag ng paghatol sa kanila ni Jehova ng kamatayan.

      Pinapaso ng Apoy ang mga Tao

      11. Ano ang tudlaan ng ikaapat na mangkok ng galit ng Diyos, at ano ang naganap nang ibuhos ito?

      11 Ang araw ang naging tudlaan ng ikaapat na mangkok ng galit ng Diyos. Sinasabi sa atin ni Juan: “At ibinuhos ng ikaapat ang kaniyang mangkok sa araw; at ipinagkaloob sa araw na pasuin ng apoy ang mga tao. At napaso ang mga tao sa matinding init, ngunit namusong sila sa pangalan ng Diyos, na siyang may awtoridad sa mga salot na ito, at hindi sila nagsisi upang magbigay ng kaluwalhatian sa kaniya.”​—Apocalipsis 16:8, 9.

      12. Ano ang “araw” ng sanlibutang ito, at ano ang ipinagkaloob na gawin ng makasagisag na araw na ito?

      12 Sa ngayon, sa katapusan ng sistema ng mga bagay, ang espirituwal na mga kapatid ni Jesus ay “sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.” (Mateo 13:40, 43) Si Jesus mismo ang “araw ng katuwiran.” (Malakias 4:2) Gayunman, ang sangkatauhan ay may sariling “araw,” ang mga tagapamahala nito na gustong magpasikat laban sa Kaharian ng Diyos. Ipinahayag ng ikaapat na tunog ng trumpeta na ang ‘araw, buwan, at mga bituin’ sa mga langit ng Sangkakristiyanuhan ay hindi tunay na mga bukal ng kaliwanagan, kundi ng kadiliman. (Apocalipsis 8:12) Ipinakikita ngayon ng ikaapat na mangkok ng galit ng Diyos na ang “araw” ng sanlibutan ay magiging napakainit. Ang tinitingalang mga tagapamahala na gaya ng araw ang ‘papaso’ sa sangkatauhan. Ipagkakaloob sa makasagisag na araw na gawin ito. Sa ibang salita, ipahihintulot ito ni Jehova bilang bahagi ng kaniyang maapoy na paghatol sa sangkatauhan. Sa anong paraan nagaganap ang pagpasong ito?

      13. Sa anong paraan ‘pinaso’ ng tulad-araw na mga tagapamahala ng sanlibutang ito ang sangkatauhan?

      13 Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, itinatag ng mga tagapamahala ng sanlibutang ito ang Liga ng mga Bansa sa pagsisikap na lutasin ang suliranin sa pandaigdig na katiwasayan, subalit bigo ito. Kaya nag-eksperimento sila ng iba’t ibang uri ng pamamahala, gaya ng Pasismo at Nazismo. Patuloy na lumaganap ang Komunismo. Sa halip na pabutihin ang kalagayan ng tao, ang tulad-araw na mga tagapamahala ng mga sistemang ito ay nagsimulang ‘pumaso sa mga tao sa pamamagitan ng matinding init.’ Ang lokal na mga digmaan sa Espanya, Etiopia, at Manchuria ay humantong sa ikalawang digmaang pandaigdig. Iniuulat ng makabagong kasaysayan na bilang mga diktador, sina Mussolini, Hitler, at Stalin ay nagkaroon ng tuwiran at di-tuwirang pananagutan sa pagkamatay ng milyun-milyon katao, kabilang na ang napakarami sa kanilang sariling mga kababayan. Kamakailan lamang, ‘pinaso’ ng pandaigdig na mga alitan at gera sibil ang mga tao sa mga bansang gaya ng Vietnam, Kampuchea, Iran, Lebanon, at Ireland, pati na sa mga bansa ng Latin Amerika at ng Aprika. Idagdag pa natin dito ang kasalukuyang pagpapaligsahan ng mga superpower, na may kakila-kilabot na mga sandatang nuklear na maaaring tumupok sa buong sangkatauhan. Sa mga huling araw na ito, tunay na napahantad ang sangkatauhan sa nakapapasong “araw,” ang di-matuwid na mga tagapamahala nito. Itinampok ng pagbubuhos ng ikaapat na mangkok ng galit ng Diyos ang mga katotohanang ito sa kasaysayan, at ipinahahayag ito ng bayan ng Diyos sa buong lupa.

      14. Ano ang itinuturo ng mga Saksi ni Jehova mula pa noon bilang tanging solusyon sa mga problema ng sangkatauhan, at paano tumugon ang sangkatauhan sa kabuuan?

      14 Mula pa noon, itinuturo na ng mga Saksi ni Jehova na ang tanging solusyon sa nakalilitong mga problema ng sangkatauhan ay ang Kaharian ng Diyos, na siyang instrumento ni Jehova upang pakabanalin ang kaniyang pangalan. (Awit 83:4, 17, 18; Mateo 6:9, 10) Gayunman, ang sangkatauhan sa kabuuan ay nagbibingi-bingihan sa solusyong ito. Marami sa mga tumatanggi sa Kaharian ang namumusong din sa pangalan ng Diyos, gaya ni Paraon na tumangging kilalanin ang pagkasoberano ni Jehova. (Exodo 1:8-10; 5:2) Palibhasa’y hindi interesado sa Mesiyanikong Kaharian, pinipili pa ng mga mananalansang na ito na magdusa sa ilalim ng sarili nilang napakainit na “araw” ng mapang-aping pamamahala ng tao.

      Ang Trono ng Mabangis na Hayop

      15. (a) Sa ano ibinubuhos ang ikalimang mangkok? (b) Ano ang “trono ng mabangis na hayop,” at ano ang nasasangkot sa pagbubuhos dito ng mangkok?

      15 Saan naman ibinubuhos ng susunod na anghel ang kaniyang mangkok? “At ibinuhos ng ikalima ang kaniyang mangkok sa trono ng mabangis na hayop.” (Apocalipsis 16:10a) Ang “mabangis na hayop” ay ang sistema ng pamahalaan ni Satanas. Wala itong literal na trono, kung paanong hindi rin naman literal ang mabangis na hayop. Gayunman, ipinakikita ng pagbanggit ng isang trono na ang mabangis na hayop ay may maharlikang awtoridad sa sangkatauhan; kasuwato ito ng bagay na bawat isa sa mga sungay ng hayop ay may maharlikang diadema. Sa katunayan, “ang trono ng mabangis na hayop” ang pundasyon, o pinagmumulan, ng awtoridad na ito.b Sa pagsasabing “ibinigay ng dragon sa hayop ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang trono at dakilang awtoridad,” inihahayag ng Bibliya ang katotohanang nasa likod ng maharlikang awtoridad ng mabangis na hayop. (Apocalipsis 13:1, 2; 1 Juan 5:19) Kaya ang pagbubuhos ng mangkok sa trono ng mabangis na hayop ay nagsasangkot ng kapahayagang nagsisiwalat sa tunay na papel na ginampanan at patuloy na ginagampanan ni Satanas sa pagsuporta at pagtataguyod sa mabangis na hayop.

      16. (a) Sino ang pinaglilingkuran ng mga bansa, namamalayan man nila ito o hindi? Ipaliwanag. (b) Paano nasasalamin sa sanlibutan ang personalidad ni Satanas? (c) Kailan ibabagsak ang trono ng mabangis na hayop?

      16 Paano napananatili ang ugnayang ito ni Satanas at ng mga bansa? Nang tuksuhin ni Satanas si Jesus, ipinakita nito sa kaniya sa pangitain ang lahat ng kaharian sa sanlibutan at inialok “ang lahat ng awtoridad na ito at ang kaluwalhatian nila.” Subalit may kondisyon​—kailangan munang gumawa si Jesus ng isang gawang pagsamba sa harap ni Satanas. (Lucas 4:5-7) Hindi ba makatuwirang isipin na gayundin ang hihingin ni Satanas sa mga pamahalaan ng sanlibutan na pinagkalooban niya ng awtoridad? Tiyak na gayon nga! Ayon sa Bibliya, si Satanas ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay, kaya namamalayan man ng mga bansa o hindi, naglilingkod sila sa kaniya. (2 Corinto 4:3, 4)c Ang kalagayang ito ay makikita sa kayarian ng kasalukuyang pandaigdig na sistema, na itinatag salig sa panatikong nasyonalismo, pagkakapootan, at pagkamakasarili. Inorganisa ito sa paraang gusto ni Satanas​—upang patuloy na makontrol ang sangkatauhan. Masasalamin ang kasuklam-suklam na personalidad ni Satanas sa katiwalian sa gobyerno, pagkahayok sa kapangyarihan, mapandayang diplomasya, at pagpapaligsahan sa armas. Itinataguyod ng sanlibutan ang di-matuwid na mga pamantayan ni Satanas, sa gayo’y siya ang dinidiyos nito. Babagsak ang trono ng mabangis na hayop kapag nilipol na ang hayop at sa wakas ay naibulid na ng Binhi ng babae ng Diyos si Satanas sa kalaliman.​—Genesis 3:15; Apocalipsis 19:20, 21; 20:1-3.

      Kadiliman at Matinding Kirot

      17. (a) Paano nauugnay ang pagbubuhos ng ikalimang mangkok sa espirituwal na kadiliman na dati nang bumabalot sa kaharian ng mabangis na hayop? (b) Paano tumutugon ang mga tao sa pagbubuhos ng ikalimang mangkok ng galit ng Diyos?

      17 Ang kaharian ng mabangis na hayop na ito ay nasa espirituwal na kadiliman buhat pa nang umiral ito. (Ihambing ang Mateo 8:12; Efeso 6:11, 12.) Pinag-iibayo ng ikalimang mangkok ang pangmadlang paghahayag hinggil sa kadilimang ito. Iniharap pa nga ito sa dramatikong paraan anupat sa mismong trono ng mabangis na hayop ibinuhos ang mangkok na ito ng galit ng Diyos. “At nagdilim ang kaharian nito, at pinasimulan nilang ngatngatin ang kanilang mga dila dahil sa kanilang kirot, ngunit namusong sila sa Diyos ng langit dahil sa kanilang mga kirot at dahil sa kanilang mga sugat, at hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga gawa.”​—Apocalipsis 16:10b, 11.

      18. Ano ang pagkakatulad ng ikalimang tunog ng trumpeta at ng ikalimang mangkok ng galit ng Diyos?

      18 Ang ikalimang tunog ng trumpeta ay hindi eksaktong katulad ng ikalimang mangkok ng galit ng Diyos, yamang ang tunog ng trumpeta ay nagpatalastas sa salot ng mga balang. Subalit tandaan na nagdilim din ang araw at ang hangin nang pakawalan ang salot na iyon ng mga balang. (Apocalipsis 9:2-5) At sa Exodo 10:14, 15, mababasa natin ang tungkol sa mga balang na ginamit ni Jehova sa pagsalot sa Ehipto: “Ang mga iyon ay lubhang nagpapahirap. Bago ang mga iyon ay wala pang mga balang na tulad ng mga iyon ang lumitaw nang gayon, at wala nang anumang lilitaw nang gayon pagkatapos ng mga iyon. At tinakpan ng mga iyon ang nakikitang bahagi ng buong lupain, at ang lupain ay nagdilim.” Oo, kadiliman! Sa ngayon, hayag na hayag na rin ang espirituwal na kadiliman ng sanlibutan bunga ng paghihip sa ikalimang trumpeta at ng pagbubuhos ng ikalimang mangkok ng galit ng Diyos. Ang napakasakit na mensaheng ipinahahayag ng makabagong-panahong kulupon ng mga balang ay nagdudulot ng pahirap at kirot sa mga balakyot na ‘umiibig sa kadiliman sa halip na sa liwanag.’​—Juan 3:19.

      19. Kasuwato ng Apocalipsis 16:10, 11, ano ang idinudulot ng paglalantad kay Satanas sa madla bilang diyos ng sistemang ito ng mga bagay?

      19 Bilang tagapamahala ng sanlibutan, nagdulot si Satanas ng napakatinding kalungkutan at pagdurusa. Mga taggutom, digmaan, karahasan, krimen, pag-abuso sa droga, imoralidad, mga sakit na naililipat sa pagtatalik, pandaraya, relihiyosong pagpapaimbabaw​—ang mga ito at marami pang iba ang siyang pagkakakilanlan ng sistema ng mga bagay ni Satanas. (Ihambing ang Galacia 5:19-21.) Sa kabila nito, ang paglalantad kay Satanas sa madla bilang diyos ng sistemang ito ng mga bagay ay nagdulot ng paghihirap at kahihiyan sa mga namumuhay ayon sa kaniyang mga pamantayan. “Pinasimulan nilang ngatngatin ang kanilang mga dila dahil sa kanilang kirot,” lalung-lalo na sa Sangkakristiyanuhan. Nagagalit ang marami sapagkat inilalantad ng katotohanan ang kanilang istilo ng pamumuhay. Iniisip naman ng ilan na banta ito sa kanila, kaya pinag-uusig nila ang mga nagpapahayag nito. Tinatanggihan nila ang Kaharian ng Diyos at nilalait ang banal na pangalan ni Jehova. Nalalantad ang kanilang may-sakit at nakapandidiring espirituwal na kalagayan, kaya namumusong sila sa Diyos ng langit. Hindi, “hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga gawa.” Kaya hindi tayo makaaasa na magkakaroon ng maramihang pagkakumberte bago sumapit ang katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.​—Isaias 32:6.

      Natuyo ang Ilog Eufrates

      20. Paano nasasangkot ang ilog ng Eufrates kapuwa sa ikaanim na tunog ng trumpeta at sa pagbubuhos ng ikaanim na mangkok?

      20 Ipinatalastas ng ikaanim na tunog ng trumpeta ang pagpapalaya sa “apat na anghel na nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.” (Apocalipsis 9:14) Batay sa kasaysayan, ang Babilonya ang dakilang lunsod na nakaupo sa ilog ng Eufrates. At noong 1919, ang pagpapalaya sa makasagisag na apat na anghel ay sinabayan ng kapaha-pahamak na pagbagsak ng Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 14:8) Kaya kapansin-pansing sangkot din ang ilog ng Eufrates sa ikaanim na mangkok ng galit ng Diyos: “At ibinuhos ng ikaanim ang kaniyang mangkok sa malaking ilog ng Eufrates, at ang tubig nito ay natuyo, upang maihanda ang daan para sa mga haring mula sa sikatan ng araw.” (Apocalipsis 16:12) Masamang balita rin ito para sa Babilonyang Dakila!

      21, 22. (a) Paano natuyo ang depensang tubig ng ilog ng Eufrates sa Babilonya noong 539 B.C.E.? (b) Anong “tubig” ang kinauupuan ng Babilonyang Dakila, at paanong ngayon pa lamang ay natutuyo na ang makasagisag na mga tubig na ito?

      21 Nang nasa tugatog ng kapangyarihan ang sinaunang Babilonya, naging pangunahing bahagi ng kaniyang depensa ang saganang tubig ng Eufrates. Noong 539 B.C.E., natuyo ang mga tubig na iyon nang ilihis ng lider ng Persia na si Ciro ang agos nito. Sa gayon, nabuksan ang daan upang sina Ciro na Persiano at Dario na Medo, ang mga haring mula “sa sikatan ng araw” (samakatuwid nga, ang silangan), ay makapasok sa Babilonya at malupig ito. Sa panahong iyon ng kagipitan, hindi naipagsanggalang ng ilog ng Eufrates ang dakilang lunsod na iyon. (Isaias 44:27–45:7; Jeremias 51:36) Ganito rin ang nakatakdang mangyari sa makabagong Babilonya, ang pandaigdig na sistema ng huwad na relihiyon.

      22 Ang Babilonyang Dakila ay “nakaupo sa maraming tubig.” Ayon sa Apocalipsis 17:1, 15, ang mga ito ay sumasagisag sa “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika”​—pulu-pulutong na mga tagasuporta na itinuturing niyang proteksiyon. Subalit natutuyo na ang “tubig”! Sa Kanlurang Europa, kung saan dati siyang maimpluwensiya, daan-daang milyon sa ngayon ang hayagan nang nagtatakwil sa relihiyon. Sa loob ng maraming taon, nagdeklara ng patakaran sa ilang lupain para pawiin ang impluwensiya ng relihiyon. Sa mga lupaing ito, hindi siya ipinagtanggol ng masa. Sa katulad na paraan, kapag dumating na ang panahon upang puksain ang Babilonyang Dakila, hindi siya maipagtatanggol ng kaniyang umuunting mga tagasuporta. (Apocalipsis 17:16) Bagaman inaangkin niyang bilyun-bilyon ang kaniyang miyembro, matutuklasan ng Babilonyang Dakila na walang magtatanggol sa kaniya laban sa “mga haring mula sa sikatan ng araw.”

      23. (a) Sino ang mga haring mula sa “sikatan ng araw” noong 539 B.C.E.? (b) Sino ang “mga haring mula sa sikatan ng araw” sa araw ng Panginoon, at paano nila lilipulin ang Babilonyang Dakila?

      23 Sino ang mga haring ito? Noong 539 B.C.E., sila’y sina Dario na Medo at Ciro na Persiano, na ginamit ni Jehova upang lupigin ang sinaunang lunsod ng Babilonya. Sa panahong ito ng araw ng Panginoon, ang huwad na relihiyosong sistema ng Babilonyang Dakila ay lilipulin din ng mga tagapamahalang tao. Subalit muli, magiging paghatol ito ng Diyos. Ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo, ang “mga haring mula sa sikatan ng araw,” ang maglalagay sa puso ng mga tagapamahalang tao ng “kaisipan” na balingan ang Babilonyang Dakila at lubusan siyang puksain. (Apocalipsis 17:16, 17) Ang pagbubuhos ng ikaanim na mangkok ay naghahayag sa madla na malapit nang ilapat ang hatol na ito!

      24. (a) Paano inihahayag ang mga nilalaman ng unang anim na mangkok ng galit ni Jehova, at ano ang resulta? (b) Bago sabihin sa atin ang tungkol sa natitirang mangkok ng galit ng Diyos, ano ang isinisiwalat ng Apocalipsis?

      24 Ang unang anim na mangkok ng galit ni Jehova ay may seryosong mensahe. Ang makalupang mga lingkod ng Diyos, na sinusuportahan ng mga anghel, ay abala sa paghahayag ng mga nilalaman nito sa buong lupa. Sa ganitong paraan, naibigay ang kaukulang babala sa lahat ng bahagi ng makasanlibutang sistema ni Satanas, at binigyan ni Jehova ng pagkakataon ang mga indibiduwal na bumaling sa katuwiran at patuloy na mabuhay. (Ezekiel 33:14-16) Gayunman, may natitira pang isang mangkok ng galit ng Diyos. Subalit bago isaysay sa atin ang tungkol dito, inihahayag muna ng Apocalipsis kung paano sinisikap salungatin ni Satanas at ng kaniyang mga kampon sa lupa ang paghahayag ng mga kahatulan ni Jehova.

      Tinitipon Tungo sa Armagedon

      25. (a) Ano ang sinasabi sa atin ni Juan tungkol sa marurumi at tulad-palakang “kinasihang kapahayagan”? (b) Paano nagkaroon ng kasuklam-suklam at tulad-palakang salot ng “maruruming kinasihang kapahayagan” sa araw ng Panginoon, at ano ang resulta?

      25 Sinasabi sa atin ni Juan: “At nakakita ako ng tatlong maruruming kinasihang kapahayagan na tulad ng mga palaka na lumalabas sa bibig ng dragon at sa bibig ng mabangis na hayop at sa bibig ng bulaang propeta. Sa katunayan, sila ay mga kapahayagang kinasihan ng mga demonyo at nagsasagawa ng mga tanda, at pumaparoon sila sa mga hari ng buong tinatahanang lupa, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 16:13, 14) Noong panahon ni Moises, nagpasapit si Jehova ng karima-rimarim na salot ng mga palaka sa Ehipto na pinamamahalaan ni Paraon, anupat “ang lupain ay nagsimulang bumaho.” (Exodo 8:5-15) Sa araw ng Panginoon, may katulad ding kasuklam-suklam na tulad-palakang mga salot, iba nga lamang ang pinagmulan ng mga ito. Binubuo ito ng “maruruming kinasihang kapahayagan” ni Satanas, na maliwanag na sumasagisag sa propaganda na kinatha upang maniobrahin ang lahat ng tagapamahalang tao, “mga hari,” na salansangin ang Diyos na Jehova. Sa gayo’y sinisiguro ni Satanas na hindi matitinag ang mga hari sa pagbubuhos ng mga mangkok ng galit ng Diyos kundi mananatili silang matatag sa panig ni Satanas kapag nagsimula na ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”

      26. (a) Ano ang tatlong pinagmumulan ng satanikong propaganda? (b) Ano ang “bulaang propeta,” at paano natin nalaman?

      26 Ang propaganda ay nanggagaling sa “dragon” (si Satanas) at mula sa “mabangis na hayop” (ang pulitikal na kaayusan ni Satanas sa lupa), mga nilikha na natalakay na natin sa Apocalipsis. Ano kung gayon ang “bulaang propeta”? Bago ito sa pangalan lamang. Nauna rito, naipakita na sa atin ang isang mabangis na hayop na may dalawang sungay na tulad ng isang kordero at gumagawa ng mga dakilang tanda sa harap ng mabangis na hayop na may pitong ulo. Ang mapandayang nilalang na ito ay nagsilbing propeta para sa mabangis na hayop na iyon. Itinaguyod nito ang pagsamba sa mabangis na hayop, anupat nagpagawa pa nga ng isang larawan nito. (Apocalipsis 13:11-14) Ang mabangis na hayop na ito na may dalawang sungay na tulad ng isang kordero ay malamang na siya ring “bulaang propeta” na binabanggit dito. Bilang pagtiyak dito, mababasa natin sa dakong huli na, gaya ng makasagisag na mabangis na hayop na may dalawang sungay, ang bulaang propeta ay “nagsagawa sa harap [ng mabangis na hayop na may pitong ulo] ng mga tanda na ipinanligáw niya sa mga tumanggap ng marka ng mabangis na hayop at sa mga nag-uukol ng pagsamba sa larawan nito.”​—Apocalipsis 19:20.

      27. (a) Anong napapanahong babala ang ibinibigay mismo ni Jesu-Kristo? (b) Ano ang ibinabala ni Jesus noong nasa lupa siya? (c) Paano inulit ni apostol Pablo ang babala ni Jesus?

      27 Sa dami ng naglipanang satanikong propaganda, tunay na napapanahon ang sumusunod na mga salita na iniuulat ni Juan: “Narito! Ako ay dumarating na gaya ng isang magnanakaw. Maligaya ang nananatiling gising at nag-iingat ng kaniyang mga panlabas na kasuutan, upang hindi siya maglakad nang hubad at makita ng mga tao ang kaniyang kahihiyan.” (Apocalipsis 16:15) Sino ang dumarating na “gaya ng isang magnanakaw”? Si Jesus mismo, na dumarating bilang Tagapuksang itinalaga ni Jehova sa panahong hindi patiunang ipinabatid. (Apocalipsis 3:3; 2 Pedro 3:10) Noong narito pa sa lupa si Jesus, inihalintulad niya ang kaniyang pagdating sa isang magnanakaw, na sinasabi: “Patuloy kayong magbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon. Dahil dito ay maging handa rin kayo, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.” (Mateo 24:42, 44; Lucas 12:37, 40) Inulit ni apostol Pablo ang babalang ito at sinabi: “Ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay kagyat na mapapasakanila ang biglang pagkapuksa.” Si Satanas ang nasa likod ng anumang huwad na paghahayag na iyon ng “Kapayapaan at katiwasayan!”​—1 Tesalonica 5:2, 3.

      28. Anong babala ang ibinigay ni Jesus hinggil sa paglaban sa makasanlibutang mga panggigipit, at ano ang “araw na iyon” na hindi nais ng mga Kristiyano na dumating sa kanila “na gaya ng silo”?

      28 Nagbabala rin si Jesus hinggil sa mga uri ng panggigipit laban sa mga Kristiyano na gagawin ng sanlibutang ito, na tigmak ng propaganda. Sinabi niya: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo. . . . Manatiling gising, kung gayon, na nagsusumamo sa lahat ng panahon na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.” (Lucas 21:34-36) “Ang araw na iyon” ay ang “dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 16:14) Habang papalapit ang “araw na iyon” ng pagbabangong-puri sa pagkasoberano ni Jehova, lalo namang nagiging mahirap harapin ang mga kabalisahan sa buhay. Dapat maging alisto at mapagbantay ang mga Kristiyano, anupat nananatiling gising hanggang sa dumating ang araw na iyon.

      29, 30. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng babala ni Jesus na ang mga masusumpungang natutulog ay hihiyain sa pamamagitan ng paghuhubad sa kanila ng kanilang “mga panlabas na kasuutan”? (b) Ang mga panlabas na kasuutan ay nagpapakilala sa isang nagsusuot nito bilang ano? (c) Paano maaaring mahubaran ang isa ng kaniyang makasagisag na mga panlabas na kasuutan, at ano ang magiging resulta?

      29 Subalit ano ang ipinahihiwatig ng babala na ang mga masusumpungang natutulog ay mapapahiya sapagkat mawawalan sila ng kanilang “mga panlabas na kasuutan”? Sa sinaunang Israel, mabigat ang pananagutan ng isang saserdote o Levita na naatasang maging tanod sa templo. Sinasabi sa atin ng mga komentaristang Judio na sinumang tanod na mahuling natutulog ay maaaring hubaran ng kaniyang damit at sunugin ito, anupat malalagay siya sa pangmadlang kahihiyan.

      30 Nagbababala rito si Jesus na maaari ding mangyari sa ngayon ang ganitong bagay. Lumalarawan ang mga saserdote at Levita sa pinahirang mga kapatid ni Jesus. (1 Pedro 2:9) Pero kumakapit din ang babala ni Jesus sa malaking pulutong. Ang mga panlabas na kasuutan na tinutukoy rito ay nagpapakilala sa isa bilang Kristiyanong Saksi ni Jehova. (Ihambing ang Apocalipsis 3:18; 7:14.) Kung hahayaan ng sinuman na makatulog sila o maging di-aktibo dahil sa mga panggigipit ng sanlibutan ni Satanas, malamang na hubaran sila ng panlabas na kasuutan​—sa ibang salita, maiwala ang kanilang malinis na pagkakakilanlan bilang mga Kristiyano. Kahiya-hiya ang ganitong kalagayan. Nanganganib ang isa na lubusang mapahamak.

      31. (a) Paano idiniriin ng Apocalipsis 16:16 ang pangangailangang manatiling gising ang mga Kristiyano? (b) Ano ang naging palagay ng ilang pinuno ng relihiyon hinggil sa Armagedon?

      31 Lalong kailangan na manatiling gising ang mga Kristiyano ngayong malapit nang matupad ang susunod na talata ng Apocalipsis: “At kanilang [ang mga kapahayagang kinasihan ng mga demonyo] tinipon sila [ang makalupang mga hari, o tagapamahala] sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Har–Magedon.” (Apocalipsis 16:16) Ang terminong ito, na mas karaniwang tinatawag na Armagedon, ay minsan lamang lumitaw sa Bibliya. Subalit pinukaw nito ang imahinasyon ng mga tao. Nagbabala ang mga lider sa daigdig hinggil sa posibleng nuklear na Armagedon. Ang Armagedon ay iniuugnay rin sa sinaunang lunsod ng Megido, ang dako ng maraming matagumpay na digmaan noong panahon ng Bibliya, kaya ipinalalagay ng ilang pinuno ng relihiyon na magaganap ang pangwakas na digmaan sa lupa doon lamang sa dakong iyon. Sa bagay na ito ay maling-mali sila.

      32, 33. (a) Sa halip na isang literal na dako, ano ang kahulugan ng terminong Har–Magedon, o Armagedon? (b) Ano pang ibang termino sa Bibliya ang katulad o kaugnay ng “Armagedon”? (c) Kailan ibubuhos ng ikapitong anghel ang huling mangkok ng galit ng Diyos?

      32 Ang terminong Har–Magedon ay nangangahulugang “Bundok ng Megido.” Subalit hindi ito isang literal na dako, sa halip ay kumakatawan ito sa pandaigdig na situwasyon kung saan tinitipon ang lahat ng bansa laban sa Diyos na Jehova at kung saan niya sila pupuksain. Pandaigdig ang lawak nito. (Jeremias 25:31-33; Daniel 2:44) Katulad ito ng “malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos” at ng “mababang kapatagan ng pasiya,” o ang “mababang kapatagan ni Jehosapat,” kung saan tinitipon ang mga bansa upang puksain sila ni Jehova. (Apocalipsis 14:19; Joel 3:12, 14) Nauugnay rin ito sa “lupa ng Israel” kung saan lilipulin ang satanikong mga hukbo ni Gog ng Magog at sa dako na nasa “pagitan ng malaking dagat at ng banal na bundok ng Kagayakan” kung saan ang hari ng hilaga ay darating “hanggang sa kaniyang kawakasan” sa mga kamay ni Miguel na dakilang prinsipe.​—Ezekiel 38:16-18, 22, 23; Daniel 11:45–12:1.

      33 Kapag minaniobra na ng maingay na propagandang nagmumula kay Satanas at sa kaniyang makalupang mga ahente ang mga bansa tungo sa situwasyong ito, panahon na upang ibuhos ng ikapitong anghel ang huling mangkok ng galit ng Diyos.

      “Naganap Na!”

      34. Sa ano ibinubuhos ng ikapitong anghel ang kaniyang mangkok, at anong kapahayagan ang ‘lumalabas sa santuwaryo mula sa trono’?

      34 “At ibinuhos ng ikapito ang kaniyang mangkok sa hangin. Dahil dito ay isang malakas na tinig ang lumabas sa santuwaryo mula sa trono, na nagsasabi: ‘Naganap na!’”​—Apocalipsis 16:17.

      35. (a) Ano ang “hangin” sa Apocalipsis 16:17? (b) Sa pagbubuhos ng kaniyang mangkok sa hangin, ano ang ipinahahayag ng ikapitong anghel?

      35 Ang “hangin” ang huling elementong tumutustos sa buhay na sasalutin. Subalit hindi ito ang literal na hangin. Wala namang kasalanan ang literal na hangin upang maging karapat-dapat sa kapaha-pahamak na hatol ni Jehova, kung paanong hindi rin karapat-dapat dumanas ng hatol ni Jehova ang literal na lupa, dagat, mga bukal ng tubig, o araw. Sa halip, ito ang “hangin” na tinatalakay ni Pablo nang tawagin niya si Satanas na “tagapamahala ng awtoridad ng hangin.” (Efeso 2:2) Ito ang satanikong “hangin” na nilalanghap ng sanlibutan ngayon, ang espiritu, o pangkalahatang hilig ng kaisipan, na siyang pagkakakilanlan ng kaniyang buong balakyot na sistema ng mga bagay, ang satanikong kaisipan na nakaiimpluwensiya sa bawat pitak ng buhay sa labas ng organisasyon ni Jehova. Kaya sa pagbubuhos niya ng kaniyang mangkok sa hangin, ipinahahayag ng ikapitong anghel ang galit ng Diyos laban kay Satanas, sa kaniyang organisasyon, at sa bawat bagay na nag-uudyok sa sangkatauhan na sumuporta kay Satanas sa pagsalansang sa pagkasoberano ni Jehova.

      36. (a) Kabuuan ng ano ang pitong salot? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng pagsasabi ni Jehova ng: “Naganap na!”?

      36 Ito at ang naunang anim na salot ang kabuuan ng mga kahatulan ni Jehova laban kay Satanas at sa kaniyang sistema. Mga kapahayagan ito ng pagkapuksa ni Satanas at ng kaniyang binhi. Kapag naibuhos na ang huling mangkok na ito, si Jehova mismo ang magsasabi: “Naganap na!” Wala nang dapat sabihin pa. Kapag ang mga nilalaman ng mga mangkok ng galit ng Diyos ay naihayag na ayon sa kagustuhan ni Jehova, hindi na magluluwat ang paglalapat niya ng mga hatol na ipinahayag ng mga mensaheng ito.

      37. Paano inilalarawan ni Juan ang naganap nang maibuhos na ang ikapitong mangkok ng galit ng Diyos?

      37 Si Juan ay nagpapatuloy: “At nagkaroon ng mga kidlat at mga tinig at mga kulog, at nagkaroon ng isang malakas na lindol na ang gaya nito ay hindi pa nangyayari buhat nang umiral ang tao sa lupa, napakalawak na lindol, napakalakas. At ang dakilang lunsod ay nahati sa tatlong bahagi, at ang mga lunsod ng mga bansa ay bumagsak; at ang Babilonyang Dakila ay naalaala sa paningin ng Diyos, upang ibigay sa kaniya ang kopa ng alak ng galit ng kaniyang poot. Gayundin, ang bawat pulo ay tumakas, at ang mga bundok ay hindi nasumpungan. At makapal na graniso na ang bawat bato ay mga kasimbigat ng isang talento ang bumagsak sa mga tao mula sa langit, at namusong sa Diyos ang mga tao dahil sa salot ng graniso, sapagkat ang salot nito ay lubhang matindi.”​—Apocalipsis 16:18-21.

      38. Ano ang isinasagisag (a) ng “malakas na lindol”? (b) ng bagay na “ang dakilang lunsod,” ang Babilonyang Dakila, ay nahati sa “tatlong bahagi”? (c) ng bagay na “ang bawat pulo ay tumakas, at ang mga bundok ay hindi na nasumpungan”? (d) ng “salot ng graniso”?

      38 Minsan pa, may tiyak na pagkilos na gagawin si Jehova sa sangkatauhan, ayon sa inihuhudyat ng “mga kidlat at mga tinig at mga kulog.” (Ihambing ang Apocalipsis 4:5; 8:5.) Yayanigin ang sangkatauhan sa paraang hindi pa nangyari kailanman, na wari’y dulot ng mapangwasak na lindol. (Ihambing ang Isaias 13:13; Joel 3:16.) Ang pagkalakas-lakas na pagyanig na ito ay wawasak sa “dakilang lunsod,” ang Babilonyang Dakila, anupat mahahati ito sa “tatlong bahagi”​—na sumasagisag sa pagguho na wala nang pag-asang maitayo pang muli. Bukod dito, “ang mga lunsod ng mga bansa” ay babagsak. Maglalaho ang “bawat pulo” at “mga bundok”​—mga institusyon at organisasyon na waring di-matitinag sa sistemang ito. Ang “makapal na graniso,” mas makapal pa kaysa roon sa sumapit sa Ehipto sa ikapitong salot, na bawat tipak ay tumitimbang ng mga isang talento, ay babayo nang buong tindi sa sangkatauhan.d (Exodo 9:22-26) Ang matinding ulan na ito ng nagyelong tubig ay malamang na lumalarawan sa napakabigat na berbal na mga kapahayagan ng paghatol ni Jehova, na nagsisilbing hudyat na dumating na rin sa wakas ang katapusan ng sistemang ito ng mga bagay! Maaari din namang gumamit si Jehova ng literal na graniso sa kaniyang pagpuksa.​—Job 38:22, 23.

      39. Sa kabila ng pagbubuhos ng pitong salot, ano ang igagawi ng karamihan sa sangkatauhan?

      39 Kaya matitikman ng sanlibutan ni Satanas ang matuwid na paghatol ni Jehova. Hanggang sa huling sandali, patuloy na sasalansang at mamumusong sa Diyos ang karamihan sa sangkatauhan. Gaya ni Paraon noong sinauna, ang kanilang mga puso ay hindi mapalalambot ng paulit-ulit na mga salot ni ng nakamamatay na kasukdulan ng mga salot na ito. (Exodo 11:9, 10) Hindi magkakaroon ng malawakang pagbabagong-loob sa huling sandali. Habang naghihingalo, patuloy pa rin nilang lilibakin ang Diyos na nagpahayag nang ganito: “At makikilala nila na ako si Jehova.” (Ezekiel 38:23) Gayunman, ang pagkasoberano ng Diyos na Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat ay maipagbabangong-puri.

      [Mga talababa]

      a Para sa mga halimbawa ng pagiging saksi o pagpapatotoo ng mga bagay na walang buhay, ihambing ang Genesis 4:10; 31:44-53; Hebreo 12:24.

      b Ginamit din sa katulad na paraan ang salitang “trono” sa pananalitang ipinatutungkol kay Jesus sa makahulang paraan: “Ang Diyos ang iyong trono hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” (Awit 45:6) Si Jehova ang pinagmumulan, o pundasyon, ng maharlikang awtoridad ni Jesus.

      c Tingnan din ang Job 1:6, 12; 2:1, 2; Mateo 4:8-10; 13:19; Lucas 8:12; Juan 8:44; 12:31; 14:30; Hebreo 2:14; 1 Pedro 5:8.

      d Kung ang nasa isip ni Juan ay ang talentong Griego, bawat tipak ng graniso ay titimbang ng mga 20 kilo. Talagang magiging mapangwasak na ulan iyon ng graniso.

      [Kahon sa pahina 221]

      “Sa Lupa”

      Inihayag ng uring Juan ang poot ni Jehova laban sa “lupa” sa pamamagitan ng mga pananalitang gaya ng sumusunod:

      “Pagkaraan ng maraming siglo ng pagsisikap, pinatunayan ng mga partido ng pulitika na wala silang kakayahang harapin ang kasalukuyang mga kalagayan at lutasin ang nakapipighating mga suliranin. Sa masusing pagsusuri sa problema, nasumpungan ng mga ekonomista at mga estadista na wala silang anumang magagawa.”​—Millions Now Living Will Never Die, 1920, pahina 61.

      “Walang isa mang pamahalaan sa lupa ngayon ang nakapagbibigay-kasiyahan kahit man lamang sa isang maliit na bahagi ng daigdig. Maraming bansa ang pinamamahalaan ng mga diktador. Halos bangkarote na ang buong daigdig.”​—A Desirable Government, 1924, pahina 5.

      “Ang pagdadala sa kawakasan sa kalakarang ito ng mga bagay . . . ang siyang paraan ng paglilinis sa lupa ng kasamaan at sa pagbibigay dako para sa kapayapaan at katuwiran na managana.”​—“Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian,” 1954, mga pahina 23, 24.

      “Ang kasalukuyang kaayusan ng sanlibutan ay kilala sa kaniyang lumulubhang pagkakasala, kalikuan at paghihimagsik laban sa Diyos at sa kaniyang kalooban. . . . Hindi na maaari pang baguhin ito. Kaya nga, ito’y kailangang alisin!” ​—Ang Bantayan, Mayo 15, 1982, pahina 6.

      [Kahon sa pahina 223]

      “Sa Dagat”

      Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga pananalitang inilathala ng uring Juan sa nakalipas na mga taon na naghahayag ng poot ng Diyos laban sa maligalig at mapaghimagsik na “dagat” ng di-makadiyos na sangkatauhang hiwalay kay Jehova:

      “Ipinakikita ng kasaysayan ng bawat bansa na naging alitan ito sa pagitan ng mga pangkat. Naging alitan ito ng kakaunti laban sa nakararami. . . . Ang mga alitang ito ay humantong sa maraming himagsikan, matinding paghihirap, at labis na pagdanak ng dugo.”​—Government, 1928, pahina 244.

      Sa bagong sanlibutan, “ang simbolikong ‘dagat’ ng maliligalig, mapaghimagsik, na likong mga bayan na doon umaahon ang simbolikong mabangis na hayop noong sinaunang panahon upang gamitin ng Diyablo ay mawawala na.”​—Ang Bantayan, Hunyo 15, 1968, pahina 377.

      “Ang kasalukuyang lipunan ng tao ay maysakit at may karamdaman sa espiritu. Walang sinoman sa atin ang makapagliligtas nito, sapagka’t ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang karamdaman nito ay hahantong na sa kamatayan.”​—Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan​—Saan Magmumula?, 1973, pahina 131.

      [Kahon sa pahina 224]

      “Sa mga Ilog at sa mga Bukal ng mga Tubig”

      Inilantad ng ikatlong salot ang ‘mga ilog at mga bukal ng mga tubig’ sa pamamagitan ng mga pananalitang gaya ng sumusunod:

      “Ang klero, na nag-aangking mga guro ng mga doktrina [ni Kristo], ay nagbasbas sa digmaan at ginawa itong isang bagay na banal. Tuwang-tuwa sila na ang kanilang mga larawan at estatuwa ay naitatanghal katabi ng mga mandirigmang tigmak ng dugo.”​—The Watch Tower, Setyembre 15, 1924, pahina 275.

      “Ang espirituwalismo [espiritismo] ay nasasalig sa malaking kabulaanan, ang kasinungalingan na ang isa’y nananatiling buháy pagkamatay at ang bagay na walang kamatayan umano ang kaluluwa ng tao.”​—Ano ang Sinasabi ng mga Kasulatan Hinggil sa “Buhay Pagkatapos ng Kamatayan”?, 1955, pahina 54.

      “Ang mga pilosopiya ng tao, ang mga teorista sa pulitika, ang mga tagapag-organisa ng lipunan, mga tagapayo sa ekonomiya at ang mga tagapagtaguyod ng relihiyosong mga tradisyon ay hindi kailanman nakapagdulot ng nagbibigay-buhay na kaginhawahan . . . Ang tubig na ito ay nagtulak pa nga sa mga umiinom nito sa lumabag sa kautusan ng Maylikha hinggil sa kabanalan ng dugo at makibahagi sa relihiyosong mga pag-uusig.”​—Resolusyong pinagtibay sa “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na Internasyonal na Kombensiyon, 1963.

      “Hindi kaligtasan sa pamamagitan ng siyensiya, kundi pagkalipol ng lahi ng tao ang maaasahan mula sa tao mismo. . . . Hindi natin maaasahang mababago ng lahat ng sikologo at saykayatris sa daigdig ang takbo ng isipan ng mga tao . . . Hindi tayo makaaasa na may anumang pandaigdig na puwersa ng kapulisan na mabubuo . . . upang gawing ligtas na dako ang lupa na maaaring panirahan ng tao.”​—Saving the Human Race​—In the Kingdom Way, 1970, pahina 5.

      [Kahon sa pahina 225]

      “Sa Araw”

      Samantalang ‘pinapaso’ ng “araw” ng pamamahala ng tao ang sangkatauhan sa panahon ng araw ng Panginoon, itinawag-pansin ng uring Juan kung ano ang nangyayari sa pamamagitan ng mga pananalitang gaya ng sumusunod:

      “Nanganganib ngayon ang kapayapaan ng buong daigdig dahil kina Hitler at Mussolini, ang di-makatarungang mga diktador, at lubos silang suportado ng Romano Katolikong Herarkiya sa kanilang pagyurak sa kalayaan.”​—Fascism or Freedom, 1939, pahina 12.

      “Sa buong kasaysayan, ang patakarang sinusunod ng mga taong diktador ay ang, Mamahala o magpahamak! Subalit ang regulasyong ipatutupad ngayon sa buong lupa ng Haring itinalaga ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay, Magpasakop o mapuksa.”​—When All Nations Unite Under God’s Kingdom, 1961, pahina 23.

      “Sapol noong 1945 mahigit na 25 milyong katao ay nangamatay sa humigit-kumulang 150 digmaan sa buong globo.”​—Ang Bantayan, Hulyo 15, 1980, pahina 7.

      “Ang mga bansa sa buong daigdig ay . . . [walang] gaanong pagmamalasakit na sumunod sa [internasyonal na obligasyon at] mga tiyak na alituntunin ng paggawi. Upang makamit ang kanilang mga layunin, ang mga ibang bansa ay lubusang naniniwala na may dahilan silang gumamit ng ano mang paraan na inaakala nilang nararapat gamitin​—mga lansakang pagpatay, asasinasyon, pagha- hijacking, mga pagpapasabog ng bomba, at iba pa . . . Hanggang kailan pa kaya gagawi ang mga bansa ng ganiyang walang saysay na pagkilos?”​—Ang Bantayan, Agosto 15, 1985, pahina 4.

      [Kahon sa pahina 227]

      “Sa Trono ng Mabangis na Hayop”

      Inilantad ng mga Saksi ni Jehova ang trono ng mabangis na hayop at inihayag ang paghatol dito ni Jehova sa pamamagitan ng mga pananalitang gaya nito:

      “Ang mga tagapamahala at ang maka-politikang mga patnubay ng mga bansa ay hinihikayat ng balakyot na mga kapangyarihang nakahihigit sa tao na buong higpit na nagtataboy sa kanila sa pagpapatiwakal na pagsulong tungo sa magpapasiyang labanan ng Armagedon.”​—Pagkaraan ng Armagedon​—Ang Bagong Sanlibutan ng Diyos, 1953, pahina 8.

      “Ang ‘mabangis na hayop’ ng di-teokratikong pamahalaan ng tao ay tumanggap ng kaniyang kapangyarihan, kapamahalaan at luklukan mula sa Dragon. Kaya’t yao’y kailangang kumagat sa hanay ng partido, ang hanay ng Dragon.”​—Pagkaraan ng Armagedon​—Ang Bagong Sanlibutan ng Diyos, 1953, pahina 15.

      “Ang mga bansang Gentil ay tiyak na nasa . . . panig ng Pangunahing Kalaban ng Diyos, si Satanas na Diyablo.”​—Resolusyon na pinagtibay sa “Banal na Tagumpay” na Internasyonal na Kombensiyon, 1973.

      [Kahon sa pahina 229]

      “Ang Tubig Nito ay Natuyo”

      Ngayon pa lamang, natutuyo, o nawawala na, ang suporta sa maka-Babilonyang relihiyon sa maraming dako, na nagpapahiwatig sa mangyayari kapag sumalakay na ang “mga haring mula sa sikatan ng araw.”

      “Ipinakikita ng isang pambansang surbey na 75 porsiyento ng mga naninirahan sa mga kabayanan [ng Thailand] ay hindi na nagpupunta sa mga templong Budista upang makinig sa mga sermon, samantalang patuloy na bumababa nang mga singkuwenta porsiyento ang bilang ng mga taga-lalawigan na dumadalaw sa mga templo.”​—Bangkok Post, Setyembre 7, 1987, pahina 4.

      “Naglaho na ang gayuma ng Taoismo sa lupain [ng Tsina] kung saan ito itinatag mga dalawang libong taon na ang nakalilipas. . . . Palibhasa’y nawala na ang mga panggayumang ginamit nila at ng kanilang mga ninuno upang makahikayat ng maraming tagasunod, nasumpungan ng mga pari na wala nang hahalili sa kanila, anupat napapaharap sila sa halos pagkalipol na ng Taoismo bilang isang organisadong relihiyon sa kontinente.”​—The Atlanta Journal and Constitution, Setyembre 12, 1982, pahina 36-A.

      “Ang Hapon . . . ang may pinakamaraming banyagang misyonero sa daigdig, halos 5,200, pero . . . wala pang 1% ng populasyon ang Kristiyano. . . . Naniniwala ang isang paring Pransiskano na nagseserbisyo na rito mula pa noong dekada ng 1950 . . . na ‘tapos na ang araw ng pagmimisyonero ng mga banyaga sa Hapon.’”​—The Wall Street Journal, Hulyo 9, 1986, pahina 1.

      Sa Inglatera nitong nakalipas na tatlong dekada, “halos 2,000 sa 16,000 simbahang Anglikano ang isinara na dahil hindi naman nagagamit. Sa mga bansang nag-aangking Kristiyano pinakamababa ang bilang ng mga nagsisimba. . . . ‘Hindi na maituturing ngayon na bansang Kristiyano ang Inglatera,’ sabi [ng Obispo ng Durham].”​—The New York Times, Mayo 11, 1987, pahina A4.

      “Pagkaraan ng maraming oras ng mainitang pagtatalo, inaprubahan ng Parlamento [ng Gresya] sa araw na ito ang batas na magpapahintulot sa Pamahalaang Sosyalista na angkinin ang malalawak na lupain na pag-aari ng Simbahang Griego Ortodokso . . . Bukod dito, ipinagkaloob ng batas sa mga hindi miyembro ng klero ang kapamahalaan sa mga konsilyo at mga komite ng simbahan na responsable sa pangangasiwa ng mahahalagang ari-arian ng simbahan gaya ng mga otel, tibagan ng marmol at malalaking gusaling pang-opisina.”​—The New York Times, Abril 4, 1987, pahina 3.

      [Mga larawan sa pahina 222]

      Ang unang apat na mangkok ng galit ng Diyos ay nagdudulot ng mga salot na nakakatulad ng ibinubunga ng unang apat na tunog ng trumpeta

      [Larawan sa pahina 226]

      Inilalantad ng ikalimang mangkok na ang trono ng mabangis na hayop ay ang awtoridad na ibinigay ni Satanas sa mabangis na hayop

      [Mga larawan sa pahina 231]

      Tinitipon ng makademonyong propaganda ang mga tagapamahala ng lupa tungo sa sukdulang situwasyon, ang Har–Magedon, kung saan ibubuhos sa kanila ang mga paghatol ni Jehova

      [Larawan sa pahina 233]

      Ang mga naiimpluwensiyahan ng maruming “hangin” ni Satanas ay dapat lapatan ng matuwid na mga paghatol ni Jehova

  • Paghatol sa Kasuklam-suklam na Patutot
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • Kabanata 33

      Paghatol sa Kasuklam-suklam na Patutot

      Pangitain 11​—Apocalipsis 17:1-18

      Paksa: Nakasakay ang Babilonyang Dakila sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop na sa dakong huli ay babaling sa kaniya at wawasak sa kaniya

      Panahon ng katuparan: Mula 1919 hanggang sa malaking kapighatian

      1. Ano ang isinisiwalat kay Juan ng isa sa pitong anghel?

      ANG matuwid na galit ni Jehova ay dapat na lubusang maibuhos, ang lahat ng pitong mangkok nito! Ang pagbubuhos ng ikaanim na anghel ng kaniyang mangkok sa kinaroroonan ng sinaunang Babilonya ay angkop na lumalarawan sa pagsalot sa Babilonyang Dakila habang mabilis na papalapit ang pangwakas na digmaan ng Armagedon. (Apocalipsis 16:1, 12, 16) Malamang na ito rin ang anghel na nagsisiwalat ngayon kung bakit at kung paano ilalapat ni Jehova ang kaniyang matuwid na mga hatol. Namangha si Juan sa susunod niyang naririnig at nakikita: “At isa sa pitong anghel na may pitong mangkok ang lumapit at nakipag-usap sa akin, na sinasabi: ‘Halika, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa dakilang patutot na nakaupo sa maraming tubig, na pinakiapiran ng mga hari sa lupa, samantalang yaong mga nananahan sa lupa ay nilasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.’”​—Apocalipsis 17:1, 2.

      2. Ano ang katibayan na “ang dakilang patutot” ay (a) hindi ang sinaunang Roma? (b) hindi ang dambuhalang komersiyo? (c) isang relihiyosong organisasyon?

      2 “Ang dakilang patutot”! Bakit naman lubhang nakagigitla ang tawag sa kaniya? Sino ba siya? Iniuugnay ng ilan ang makasagisag na patutot na ito sa sinaunang Roma. Subalit isang pulitikal na kapangyarihan ang Roma. Ang patutot na ito ay nakikiapid sa mga hari sa lupa, at maliwanag na kasali na rito ang mga hari ng Roma. Bukod dito, pagkalipol sa kaniya, sinasabing nagdalamhati ang “mga hari sa lupa” sa kaniyang pagpanaw. Kaya tiyak na hindi siya isang pulitikal na kapangyarihan. (Apocalipsis 18:9, 10) Karagdagan pa, yamang nagdadalamhati rin sa kaniya ang mga mangangalakal sa daigdig, hindi siya maaaring lumarawan sa dambuhalang komersiyo. (Apocalipsis 18:15, 16) Gayunman, mababasa natin na ‘sa pamamagitan ng kaniyang espiritistikong gawain ay nailigaw ang lahat ng mga bansa.’ (Apocalipsis 18:23) Kaya maliwanag na ipinakikita nito na isang pandaigdig na relihiyosong organisasyon ang dakilang patutot.

      3. (a) Bakit tiyak na hindi lamang sa Simbahang Romano Katoliko o maging sa buong Sangkakristiyanuhan kumakatawan ang dakilang patutot? (b) Anu-anong maka-Babilonyang doktrina ang masusumpungan sa karamihan ng relihiyon sa Silangan pati na sa mga sekta ng Sangkakristiyanuhan? (c) Ano ang inamin ng Romano Katolikong kardinal na si John Henry Newman hinggil sa pinagmulan ng marami sa mga doktrina, seremonya, at mga kaugalian ng Sangkakristiyanuhan? (Tingnan ang talababa.)

      3 Aling relihiyosong organisasyon? Siya ba ang Simbahang Romano Katoliko, gaya ng sinasabi ng iba? O siya ba ang buong Sangkakristiyanuhan? Hindi, tiyak na mas malaking organisasyon siya sapagkat naililigaw niya ang lahat ng bansa. Ang totoo, siya ang buong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Makikita ang kaniyang pagkakaugat sa mga hiwaga ng Babilonya sa maraming doktrina at kaugaliang maka-Babilonya na karaniwang masusumpungan sa mga relihiyon sa palibot ng lupa. Halimbawa, ang paniniwala sa likas na imortalidad ng kaluluwa ng tao, pahirapang impiyerno, at trinidad ng mga diyos ay masusumpungan sa karamihan ng mga relihiyon sa Silangan at maging sa mga sekta ng Sangkakristiyanuhan. Ang huwad na relihiyon, na nag-ugat mahigit 4,000 taon na ang nakararaan sa sinaunang lunsod ng Babilonya, ay naging makabagong dambuhala, na angkop tawaging Babilonyang Dakila.a Gayunman, bakit inilalarawan siya sa pamamagitan ng nakaririmarim na terminong “dakilang patutot”?

      4. (a) Sa anu-anong paraan nakiapid ang sinaunang Israel? (b) Sa anong paraan halatang-halata ang pakikiapid ng Babilonyang Dakila?

      4 Naabot ng Babilonya (o Babel, na nangangahulugang “Kaguluhan”) ang tugatog ng kadakilaan nito noong panahon ni Nabucodonosor. Isang estado iyon ng pinagsamang relihiyon at pulitika na may mahigit na isang libong templo at kapilya. Naging napakamakapangyarihan ang mga pari nito. Bagaman matagal nang naglaho ang Babilonya bilang kapangyarihang pandaigdig, umiiral pa rin ang relihiyosong Babilonyang Dakila, at gaya ng sinaunang parisan, sinisikap pa rin nitong impluwensiyahan at maniobrahin ang pulitikal na mga bagay-bagay. Subalit sinasang-ayunan ba ng Diyos ang pagsasama ng relihiyon at pulitika? Sa Hebreong Kasulatan, sinasabing nagpatutot ang Israel nang mapasangkot siya sa huwad na pagsamba at nang makipag-alyansa siya sa mga bansa sa halip na magtiwala kay Jehova. (Jeremias 3:6, 8, 9; Ezekiel 16:28-30) Nakikiapid din ang Babilonyang Dakila. Halatang-halata na ginawa niya ang lahat ng inaakala niyang kailangan upang magkaroon ng impluwensiya at kapangyarihan sa mga namamahalang hari sa lupa.​—1 Timoteo 4:1.

      5. (a) Anong katanyagan ang gustung-gusto ng relihiyosong mga klerigo? (b) Bakit tuwirang salungat sa mga sinabi ni Jesu-Kristo ang paghahangad na maging prominente sa sanlibutan?

      5 Sa ngayon, ang mga lider ng relihiyon ay malimit na nangangampanya para sa matataas na tungkulin sa pamahalaan, at sa ilang lupain, may puwesto sila sa gobyerno, anupat miyembro pa nga ng gabinete. Noong 1988, dalawang kilaláng klerigong Protestante ang tumakbo sa pagkapresidente ng Estados Unidos. Gustung-gustong maging tanyag ng mga lider ng Babilonyang Dakila; madalas makita sa mga pahayagan ang kanilang mga larawan kasama ng prominenteng mga pulitiko. Sa kabaligtaran, iniwasan ni Jesus na masangkot sa pulitika at sinabi niya hinggil sa kaniyang mga alagad: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.”​—Juan 6:15; 17:16; Mateo 4:8-10; tingnan din ang Santiago 4:4.

      Makabagong-Panahong ‘Pagpapatutot’

      6, 7. (a) Paano bumangon sa kapangyarihan ang Partidong Nazi ni Hitler sa Alemanya? (b)  Paano nakatulong ang kasunduang nilagdaan ng Vatican at ng Alemanya sa ilalim ng Nazi sa ambisyon ni Hitler na magpuno sa daigdig?

      6 Dahil sa pakikialam sa pulitika, dinulutan ng dakilang patutot ang sangkatauhan ng di-mailarawang kalungkutan. Halimbawa, isaalang-alang ang mga pangyayari sa likod ng pagbangon ni Hitler sa kapangyarihan sa Alemanya​—nakagigitlang mga pangyayari na gusto sanang burahin ng ilan mula sa mga aklat ng kasaysayan. Noong Mayo 1924, 32 posisyon sa Reichstag ng Alemanya ang hawak ng Partidong Nazi. Pagsapit ng Mayo 1928, nabawasan ito at naging 12 na lamang. Gayunman, naapektuhan ng Great Depression ang buong daigdig noong 1930; sinamantala ito ng mga Nazi kaya bigla silang nakabawi, anupat nakuha ang 230 sa 608 puwesto sa halalan sa Alemanya noong Hulyo 1932. Di-nagtagal, tumulong sa mga Nazi ang dating kansilyer na si Franz von Papen, isang Kabalyero ng Papa. Ayon sa mga istoryador, nakinikinita ni von Papen ang isang bagong Banal na Imperyong Romano. Bigo ang kaniyang sariling maikling panunungkulan bilang kansilyer, kaya umaasa siya ngayong magkaroon ng kapangyarihan sa pamamagitan ng mga Nazi. Noong Enero 1933, nakumbinsi niya ang mga pinuno ng industriya na suportahan si Hitler, at sa pamamagitan ng tusong mga taktika, tiniyak niyang si Hitler ang magiging kansilyer ng Alemanya noong Enero 30, 1933. Iniluklok siya ni Hitler bilang bise-kansilyer at ginamit siya upang makuha ang suporta ng mga Katolikong sektor sa Alemanya. Sa loob ng dalawang buwan pagkaluklok sa kapangyarihan, binuwag ni Hitler ang parlamento, ipinatapon ang libu-libong lider ng oposisyon sa mga kampong piitan, at pinasimulan ang lantarang kampanya ng panunupil sa mga Judio.

      7 Noong Hulyo 20, 1933, nahayag ang interes ng Vatican sa lumalaking kapangyarihan ng Nazismo nang lumagda si Kardinal Pacelli (na naging si Pope Pius XII) sa isang kasunduan sa Roma sa pagitan ng Vatican at ng Alemanya sa ilalim ng Nazi. Bilang kinatawan ni Hitler, nilagdaan ni von Papen ang dokumento, at doon ay ipinagkaloob ni Pacelli kay von Papen ang medalya na Grand Cross of the Order of Pius, isang mataas na karangalan na ipinagkakaloob ng mga papa.b Sa kaniyang aklat na Satan in Top Hat, ganito ang isinulat ni Tibor Koeves hinggil dito: “Malaking tagumpay para kay Hitler ang Kasunduan. Ito ang kauna-unahang moral na suporta na tinanggap niya mula sa ibang bansa, at napakarangal ng pinagmulan nito.” Hiniling ng kasunduan na iurong ng Vatican ang suporta nito sa Catholic Center Party ng Alemanya, sa gayo’y pinagtitibay ang “nagkakaisang estado” ni Hitler na may iisang partido.c Karagdagan pa, ganito ang sinabi ng artikulo 14 nito: “Ang pag-aatas ng mga arsobispo, mga obispo, at ng mga tulad nito ay gagawin lamang matapos matiyak ng gobernador, na hinirang ng Reich, na walang anumang umiiral na alinlangan kung tungkol sa pangkalahatang pulitikal na mga konsiderasyon.” Sa katapusan ng 1933 (na idineklara ni Pope Pius XI bilang “Banal na Taon”), ang suporta ng Vatican ang naging pangunahing salik sa ambisyon ni Hitler na magpuno sa daigdig.

      8, 9. (a) Paano tumugon ang Vatican pati na ang Simbahang Katoliko at ang klero nito sa paniniil ng mga Nazi? (b) Ano ang ipinahayag ng mga obispong Katoliko sa Alemanya noong magsimula ang Digmaang Pandaigdig II? (c) Ano ang ibinunga ng ugnayang relihiyon at pulitika?

      8 Bagaman mangilan-ngilang pari at madre ang tumutol sa pagmamalupit ni Hitler​—at nagdusa sila dahil dito​—ang Vatican at ang Simbahang Katoliko kasama na ang napakaraming klero nito ay aktibo o kaya’y tahimik na sumuporta sa paniniil ng mga Nazi, na itinuturing nilang isang tanggulan laban sa pagpasok ng pandaigdig na Komunismo. Habang nagpapasarap sa Vatican, hinayaan lamang ni Pope Pius XII na magpatuloy ang Holocaust (lansakang pagpatay) laban sa mga Judio at ang malupit na pag-uusig laban sa mga Saksi ni Jehova at sa iba pa nang hindi man lamang ito binabatikos. Nang dumalaw si Pope John Paul II sa Alemanya noong Mayo 1987, balintuna nga na nakuha pa niyang luwalhatiin ang paninindigan ng kaisa-isang taimtim na pari laban sa Nazi. Ano ba ang ginawa ng libu-libong iba pang klero sa Alemanya sa panahon ng kakila-kilabot na pamamahala ni Hitler? Isang liham-pastoral mula sa mga obispong Katoliko sa Alemanya noong Setyembre 1939 nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II ang nagbibigay-liwanag sa puntong ito. Isinasaad sa isang bahagi nito: “Sa napakahalagang sandaling ito ay hinihimok namin ang aming mga sundalong Katoliko na gampanan ang kanilang tungkulin bilang pagsunod sa Fuehrer at maging handang isakripisyo ang kanilang buong pagkatao. Nagsusumamo kami sa mga Tapat na makiisa sa marubdob na pananalangin upang ang digmaang ito ay akayin ng Poong Maykapal tungo sa pinagpalang tagumpay.”

      9 Ipinakikita ng ganitong diplomasyang Katoliko kung anong uri ng pagpapatutot ang ginawa ng relihiyon sa nakalipas na 4,000 taon sa panunuyo sa pulitikal na Estado sa layuning magkamit ng kapangyarihan at makinabang. Sa napakalawak na antas, ang ugnayang ito ng relihiyon at pulitika ay nagbunsod ng digmaan, pag-uusig, at kahapisan sa mga tao. Gayon na lamang ang kagalakan ng sangkatauhan sa pagkaalam na napipinto na ang hatol ni Jehova laban sa dakilang patutot. Mailapat nawa ito agad-agad!

      Nakaupo sa Maraming Tubig

      10. Saan tumutukoy ang “maraming tubig” na inaasahan ng Babilonyang Dakila na magiging proteksiyon niya, at ano ang nangyayari sa mga ito?

      10 Ang sinaunang Babilonya ay nakaupo sa maraming tubig​—ang Ilog Eufrates at ang napakaraming mga kanal. Nagsilbi itong proteksiyon sa kaniya at pinagmumulan ng ikabubuhay na nagdulot ng malaking kayamanan, hanggang bigla na lamang itong matuyo sa isang gabi. (Jeremias 50:38; 51:9, 12, 13) Umaasa rin ang Babilonyang Dakila na ipagsasanggalang at payayamanin siya ng “maraming tubig.” Ang makasagisag na mga tubig na ito ay “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika,” samakatuwid nga, lahat ng bilyun-bilyon katao na kaniyang sinusupil at pinagkukunan ng materyal na suporta. Subalit ang mga tubig na ito ay natutuyo na rin, o nag-uurong ng kanilang suporta.​—Apocalipsis 17:15; ihambing ang Awit 18:4; Isaias 8:7.

      11. (a) Paano ‘nilasing ng sinaunang Babilonya ang buong lupa’? (b) Paano ‘nilalasing ng Babilonyang Dakila ang buong lupa’?

      11 Bukod dito, ang Babilonya noong sinauna ay inilalarawan bilang ‘ginintuang kopa sa kamay ni Jehova, siya na lumalasing sa buong lupa.’ (Jeremias 51:7) Pinilit ng sinaunang Babilonya ang mga karatig-bansa na inumin ang mga kapahayagan ng galit ni Jehova nang kaniyang sakupin sila sa digmaan, anupat nanghina ang mga ito na gaya ng mga taong lasing. Sa paraang ito, naging instrumento siya ni Jehova. Nanakop din ang Babilonyang Dakila hanggang sa siya’y maging pandaigdig na imperyo. Subalit tiyak na hindi siya instrumento ng Diyos. Sa halip, naglilingkod siya sa “mga hari sa lupa” na kaniyang pinakikiapiran sa relihiyosong paraan. Binigyang-kasiyahan niya ang mga haring ito sa pamamagitan ng kaniyang huwad na mga doktrina at mga gawaing umaalipin upang ang karaniwang mga tao, ang “mga nananahan sa lupa,” ay panatilihing mahina gaya ng mga taong lasing, na sunud-sunuran lamang sa kanilang mga tagapamahala.

      12. (a) Paano nagkaroon ng pananagutan ang isang bahagi ng Babilonyang Dakila sa Hapon sa pagbububo ng napakaraming dugo noong Digmaang Pandaigdig II? (b) Paano umurong ang “mga tubig” na sumusuporta sa Babilonyang Dakila sa Hapon, at ano ang naging resulta?

      12 Ang Shintong Hapon ay kapansin-pansing halimbawa nito. Itinuturing ng isang nadoktrinahang sundalong Hapones na napakalaking karangalan ang ihandog ang kaniyang buhay sa emperador​—ang kataas-taasang diyos ng mga Shinto. Noong Digmaang Pandaigdig II, mga 1,500,000 sundalong Hapones ang nasawi sa labanan; itinuturing ng halos lahat sa kanila na kahihiyan ang pagsuko. Subalit nang matalo ang Hapon, napilitan si Emperador Hirohito na amining hindi siya diyos. Nagbunga ito ng kapansin-pansing pag-urong ng “mga tubig” na sumusuporta sa bahaging Shinto ng Babilonyang Dakila​—subalit nakalulungkot na napakarami nang dugong dumanak sa digmaan sa Pasipiko dahil sa kapahintulutan ng Shintoismo! Dahil sa paghinang ito ng impluwensiya ng Shinto, nabuksan din ang daan kamakailan upang maging nakaalay at bautisadong mga ministro ng Soberanong Panginoong Jehova ang mahigit 200,000 Hapones, na ang karamihan sa mga ito ay dating mga Shintoista at Budista.

      Nakasakay sa Isang Hayop ang Patutot

      13. Anong kagitla-gitlang eksena ang nakita ni Juan nang dalhin siya ng anghel sa isang ilang sa kapangyarihan ng espiritu?

      13 Ano pa ang isinisiwalat ng hula hinggil sa dakilang patutot at sa magiging kahihinatnan nito? Gaya ng isinasalaysay ngayon ni Juan, isa pang buháy na buháy na eksena ang namamasdan natin: “At dinala niya [ng anghel] ako sa isang ilang sa kapangyarihan ng espiritu. At nakita ko ang isang babae na nakaupo sa isang kulay-iskarlatang mabangis na hayop na punô ng mapamusong na mga pangalan at may pitong ulo at sampung sungay.”​—Apocalipsis 17:3.

      14. Bakit angkop na sa ilang dinala si Juan?

      14 Bakit sa ilang dinala si Juan? Isang naunang kapahayagan ng paghatol laban sa sinaunang Babilonya ang sinasabing “laban sa ilang ng dagat.” (Isaias 21:1, 9) Nagbigay ito ng sapat na babala na, sa kabila ng lahat ng kaniyang depensang tubig, magiging tiwangwang ang sinaunang Babilonya at hindi na paninirahan. Kaya angkop naman na sa pangitain ni Juan ay dalhin siya sa isang ilang upang makita ang kahihinatnan ng Babilonyang Dakila. Dapat din siyang maging tiwangwang at giba. (Apocalipsis 18:19, 22, 23) Gayunman, nagitla si Juan sa kaniyang nakikita roon. Hindi nag-iisa ang dakilang patutot! Nakasakay siya sa isang kakila-kilabot at mabangis na hayop!

      15. Anu-ano ang mga pagkakaiba ng mabangis na hayop ng Apocalipsis 13:1 at niyaong sa Apocalipsis 17:3?

      15 Ang mabangis na hayop ay may pitong ulo at sampung sungay. Kung gayon, ito rin ba ang mabangis na hayop na una nang nakita ni Juan, na may pito ring ulo at sampung sungay? (Apocalipsis 13:1) Hindi, may mga pagkakaiba. Ang mabangis na hayop na ito ay kulay-iskarlata at hindi sinasabing napuputungan ng mga diadema na gaya ng naunang mabangis na hayop. Hindi lamang ang pitong ulo nito ang may mapamusong na mga pangalan, kundi “punô [ito] ng mapamusong na mga pangalan.” Pero tiyak na may kaugnayan ang bagong mabangis na hayop na ito sa nauna; kapansin-pansin ang pagkakatulad ng dalawa anupat mahirap sabihing nagkataon lamang iyon.

      16. Saan tumutukoy ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, at ano ang binabanggit hinggil sa layunin nito?

      16 Kung gayon, ano ang bagong mabangis na hayop na ito na kulay-iskarlata? Lumilitaw na ito ang larawan ng mabangis na hayop na iniluwal dahil sa paghimok ng Anglo-Amerikanong mabangis na hayop na may dalawang sungay na tulad ng isang kordero. Matapos mabuo ang larawan, ang mabangis na hayop na iyon na may dalawang sungay ay pinahintulutang magbigay ng hininga sa larawan ng mabangis na hayop. (Apocalipsis 13:14, 15) Isang buháy at humihingang larawan ang nakikita ngayon ni Juan. Sumasagisag ito sa organisasyon ng Liga ng mga Bansa na binigyang-buhay ng mabangis na hayop na may dalawang sungay noong 1920. Nakinikinita ni Pangulong Wilson ng Estados Unidos na ang Liga ay “magiging isang kapulungan sa pagbibigay ng katarungan sa lahat ng tao at papawi magpakailanman sa banta ng digmaan.” Nang muli itong bumangon pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig bilang Nagkakaisang mga Bansa, ang layuning isinasaad sa karta nito ay “mapanatili ang internasyonal na kapayapaan at katiwasayan.”

      17. (a) Sa anong paraan punô ng mapamusong na mga pangalan ang makasagisag na kulay-iskarlatang mabangis na hayop? (b) Sino ang nakasakay sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop? (c) Paanong sa simula pa lamang ay nagkaroon na ng kaugnayan ang maka-Babilonyang relihiyon sa Liga ng mga Bansa at sa naging kahalili nito?

      17 Sa anong paraan punô ng mapamusong na mga pangalan ang makasagisag na mabangis na hayop na ito? Sa diwa na itinatag ng mga tao ang multinasyonal na idolong ito bilang kahalili ng Kaharian ng Diyos​—upang isakatuparan ang sinasabi ng Diyos na maisasakatuparan lamang ng kaniyang Kaharian. (Daniel 2:44; Mateo 12:18, 21) Gayunman, ang kapansin-pansin sa pangitain ni Juan ay na nakasakay sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop ang Babilonyang Dakila. Gaya ng inihula, ang maka-Babilonyang relihiyon, lalung-lalo na yaong kabilang sa Sangkakristiyanuhan, ay nagkaroon ng kaugnayan sa Liga ng mga Bansa at sa naging kahalili nito. Noong Disyembre 18, 1918 pa lamang, pinagtibay ng kalipunan na kilala ngayon bilang National Council of the Churches of Christ in America ang deklarasyon na ganito ang sinasabi sa isang bahagi: “Ang Ligang ito ay hindi lamang isang pulitikal na instrumento; sa halip, ito ang pulitikal na kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa. . . . Mapasisigla ng Simbahan ang espiritu ng kabutihang-loob, na kung wala ito ay hindi magtatagumpay ang anumang Liga ng mga Bansa. . . . Nakaugat sa Ebanghelyo ang Liga ng mga Bansa. Gaya ng Ebanghelyo, ang tunguhin nito ay ‘kapayapaan sa lupa, kabutihang-loob sa mga tao.’”

      18. Paano ipinakita ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang kanilang suporta sa Liga ng mga Bansa?

      18 Noong Enero 2, 1919, inilathala ng San Francisco Chronicle ang ganitong ulong-balita: “Nagsusumamo ang Papa na Pagtibayin ang Liga ng mga Bansa ni Wilson.” Noong Oktubre 16, 1919, iniharap sa Senado ng Estados Unidos ang isang petisyon na nilagdaan ng 14,450 klerigo mula sa pangunahing mga denominasyon, na humihimok sa Senado na “pagtibayin ang tratadong pangkapayapaan ng Paris kung saan nakasaad ang tipan ng liga ng mga bansa.” Bagaman nabigo ang Senado ng Estados Unidos na pagtibayin ang tratado, patuloy na ikinampanya ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang Liga. At paano pinasinayaan ang Liga? Ganito ang sinasabi ng isang ulat mula sa Switzerland, na may petsang Nobyembre 15, 1920: “Ang pagbubukas ng unang kapulungan ng Liga ng mga Bansa ay ipinatalastas sa ganap na alas onse kaninang umaga sa pamamagitan ng pagpapatunog sa lahat ng kampana ng simbahan sa Geneva.”

      19. Nang lumitaw ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, ano ang ginawa ng uring Juan?

      19 Ang uring Juan ba, ang kaisa-isang grupo sa lupa na buong-pananabik na tumanggap sa dumarating na Mesiyanikong Kaharian, ay nakibahagi sa Sangkakristiyanuhan sa pagbibigay-galang sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop? Malayong mangyari! Noong Linggo, Setyembre 7, 1919, itinampok sa kombensiyon ng bayan ni Jehova sa Cedar Point, Ohio, ang pahayag pangmadla na “Ang Pag-asa Para sa Namimighating Sangkatauhan.” Kinabukasan, iniulat ng Star-Journal ng Sandusky na si J. F. Rutherford, sa kaniyang pahayag sa harap ng halos 7,000 katao, ay “mariing nagsabi na siguradong matitikman ng Liga ang galit ng Panginoon . . . sapagkat ang klero​—Katoliko at Protestante​—na nag-aangking mga kinatawan ng Diyos, ay tumalikod sa kaniyang plano at itinaguyod ang Liga ng mga Bansa, na ibinubunyi ito bilang pulitikal na kapahayagan ng kaharian ni Kristo sa lupa.”

      20. Bakit pamumusong na ibunyi ng klero ang Liga ng mga Bansa bilang “pulitikal na kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa”?

      20 Ang kalunus-lunos na pagkabigo ng Liga ng mga Bansa ay nagsilbi sanang hudyat sa klero na hindi bahagi ng Kaharian ng Diyos sa lupa ang gayong gawang-taong mga instrumento. Kaylaking pamumusong na gawin ang ganitong pag-aangkin! Waring pinalilitaw nito na kasama ang Diyos sa napakalaking kabiguan na kinahinatnan ng Liga. Kung tungkol sa Diyos, “sakdal ang kaniyang gawa.” Ang makalangit na Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Kristo​—at hindi isang kalipunan ng nagbabangayang mga pulitiko, na karamihan ay mga ateista​—ang paraan na gagamitin niya para magkaroon ng kapayapaan at maganap ang kaniyang kalooban sa lupa gaya ng sa langit.​—Deuteronomio 32:4; Mateo 6:10.

      21. Ano ang nagpapakitang sinusuportahan at hinahangaan ng dakilang patutot ang kahalili ng Liga, ang Nagkakaisang mga Bansa?

      21 Kumusta naman ang kahalili ng Liga, ang Nagkakaisang mga Bansa? Mula nang maitatag ito, sinakyan din ng dakilang patutot ang organisasyong ito, na halatang-halata na may matalik na kaugnayan dito at sinisikap pa man ding kontrolin ang kahihinatnan nito. Halimbawa, noong ika-20 anibersaryo nito noong Hunyo 1965, ang mga kinatawan ng Simbahang Romano Katoliko at ng Simbahang Ortodokso sa Silangan, kasama na ang mga Protestante, Judio, Hindu, Budista, at Muslim​—na sinasabing kumakatawan sa dalawang bilyon ng populasyon sa lupa​—ay nagtipon sa San Francisco upang ipagdiwang ang kanilang suporta at paghanga sa UN. Nang dumalaw sa UN si Pope Paul VI noong Oktubre 1965, inilarawan niya ito bilang “ang pinakadakila sa lahat ng internasyonal na organisasyon” at sinabi pa: “Ang mga tao sa lupa ay umaasa sa Nagkakaisang mga Bansa bilang kahuli-hulihang pag-asa ukol sa pagkakasundo at kapayapaan.” Isa pang panauhing papa, si Pope John Paul II, ay nagsabi nang ganito sa kaniyang talumpati sa UN noong Oktubre 1979: “Umaasa akong ang Nagkakaisang mga Bansa ay mananatiling kataas-taasang kapulungan ukol sa kapayapaan at katarungan.” Kapuna-puna, halos walang binanggit ang papa tungkol kay Jesu-Kristo o sa Kaharian ng Diyos sa kaniyang talumpati. Nang dumalaw siya sa Estados Unidos noong Setyembre 1987, iniulat ng The New York Times na “detalyadong tinalakay ni John Paul ang positibong papel ng Nagkakaisang mga Bansa sa pagtataguyod ng . . . ‘bagong pandaigdig na pagkakaisa.’”

      Isang Pangalan, Isang Hiwaga

      22. (a) Anong uri ng hayop ang napiling sakyan ng dakilang patutot? (b) Paano inilalarawan ni Juan ang makasagisag na patutot na siyang Babilonyang Dakila?

      22 Di-magtatagal at malalaman ni apostol Juan na mapanganib ang hayop na napiling sakyan ng dakilang patutot. Gayunman, itinuon muna niya ang kaniyang pansin sa Babilonyang Dakila mismo. Napakarangya ng kaniyang kagayakan, subalit nakapandidiri siya! “At ang babae ay nagagayakan ng purpura at iskarlata, at napapalamutian ng ginto at mahalagang bato at mga perlas at may ginintuang kopa sa kaniyang kamay na punô ng mga kasuklam-suklam na bagay at ng maruruming bagay ng kaniyang pakikiapid. At sa kaniyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, isang hiwaga: ‘Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa.’ At nakita ko na ang babae ay lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus.”​—Apocalipsis 17:4-6a.

      23. Ano ang buong pangalan ng Babilonyang Dakila, at ano ang kahulugan nito?

      23 Gaya ng kaugalian sa sinaunang Roma, nakikilala ang patutot na ito dahil sa pangalan sa kaniyang noo.d Mahabang pangalan ito: “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa.” Ang pangalang ito ay “isang hiwaga,” isang bagay na may lihim na kahulugan. Subalit sa takdang panahon ng Diyos, ipaliliwanag ang hiwagang ito. Sa katunayan, nagbigay ng sapat na impormasyon ang anghel kay Juan upang maunawaan ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon ang talagang ibig sabihin ng makahulugang pangalang ito. Alam natin na ang Babilonyang Dakila ang kabuuan ng huwad na relihiyon. Siya ang “ina ng mga patutot” sapagkat ang bawat huwad na relihiyon sa daigdig, pati na ang maraming sekta sa Sangkakristiyanuhan, ay parang mga anak niya na tumutulad sa kaniya sa espirituwal na pagpapatutot. Siya rin ang ina ng “mga kasuklam-suklam na bagay” sapagkat nagluwal siya ng nakaririmarim na mga supling na gaya ng idolatriya, espiritismo, panghuhula ng kapalaran, astrolohiya, pagbabasa ng palad, paghahandog ng tao, pagpapatutot sa templo, paglalasing bilang parangal sa huwad na mga diyos, at iba pang mahahalay na kaugalian.

      24. Bakit angkop na makitang nadaramtan ng “purpura at iskarlata” at “napapalamutian ng ginto at mahalagang bato at mga perlas” ang Babilonyang Dakila?

      24 Ang Babilonyang Dakila ay nadaramtan ng “purpura at iskarlata,” mga kulay na maharlika, at “napapalamutian ng ginto at mahalagang bato at mga perlas.” Angkop na angkop nga ito! Isaalang-alang na lamang ang lahat ng mararangyang gusali, pambihirang mga estatuwa at mga ipinintang larawan, mamahaling mga imahen, at iba pang relihiyosong mga kagamitan, pati na ang pagkarami-raming ari-arian at salapi, na naipon ng mga relihiyon ng daigdig. Sa Vatican man, o sa imperyo ng pag-eebanghelyo sa TV na nakasentro sa Estados Unidos, o sa eksotikong mga monasteryo at templo sa Silangan, ang Babilonyang Dakila ay nakapagkamal​—at paminsan-minsa’y nawalan din​—ng napakalaking kayamanan.

      25. (a) Ano ang isinasagisag ng nilalaman ng ‘ginintuang kopa na punô ng mga kasuklam-suklam na bagay’? (b) Sa anong diwa lasing ang makasagisag na patutot?

      25 Masdan ngayon kung ano ang nasa kamay ng patutot. Marahil ay nabigla si Juan nang makita niya ito​—isang ginintuang kopa na “punô ng mga kasuklam-suklam na bagay at ng maruruming bagay ng kaniyang pakikiapid”! Ito ang kopa na naglalaman ng “alak ng galit ng kaniyang pakikiapid” na ipinainom niya sa lahat ng bansa hanggang sa malasing sila. (Apocalipsis 14:8; 17:4) Bagaman mukhang mamahalin, kasuklam-suklam at marumi naman ang laman nito. (Ihambing ang Mateo 23:25, 26.) Nasa kopang ito ang lahat ng maruruming gawain at kasinungalingan na ginamit ng dakilang patutot upang akitin ang mga bansa at ipailalim ang mga ito sa kaniyang impluwensiya. Higit na nakaririmarim, nakita ni Juan na ang patutot mismo ay lango, lasing sa dugo ng mga lingkod ng Diyos! Sa katunayan, mababasa natin sa dakong huli na “sa kaniya nasumpungan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 18:24) Kaylaking pagkakasala sa dugo!

      26. Ano ang nagpapatunay na nagkasala sa dugo ang Babilonyang Dakila?

      26 Sa paglipas ng maraming siglo, nagbubo ng pagkarami-raming dugo ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Halimbawa, sa Hapon noong Edad Medya, ginawang kuta ang mga templo sa Kyoto, at ang mga mandirigmang monghe, na nananawagan sa “banal na pangalan ni Buddha,” ay nagdigmaan sa isa’t isa hanggang sa pumula ang mga lansangan dahil sa dugo. Noong ika-20 siglo, ang mga klero ng Sangkakristiyanuhan ay nakipagmartsa sa mga hukbong sandatahan ng kani-kanilang bansa, at nagpatayan ang mga ito, anupat hindi kukulangin sa sandaang milyong buhay ang nasawi. Noong Oktubre 1987, sinabi ng dating pangulo ng Estados Unidos na si Nixon: “Ang ika-20 siglo ang pinakamadugo sa buong kasaysayan. Mas maraming tao ang napatay sa mga digmaan ng siglong ito kaysa sa lahat ng digmaang ipinaglaban bago nagsimula ang siglong ito.” Kapaha-pahamak ang hatol ng Diyos sa mga relihiyon ng daigdig dahil sa pananagutan nila sa lahat ng ito; kinasusuklaman ni Jehova ang “mga kamay na nagbububo ng dugong walang-sala.” (Kawikaan 6:16, 17) Bago pa nito, nakarinig si Juan ng sigaw mula sa altar: “Hanggang kailan, Soberanong Panginoon na banal at totoo, na magpipigil ka sa paghatol at sa paghihiganti para sa aming dugo sa mga tumatahan sa ibabaw ng lupa?” (Apocalipsis 6:10) Ang Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa, ay lubhang masasangkot kapag dumating na ang panahon para sagutin ang tanong na ito.

      [Mga talababa]

      a Hinggil sa di-maka-Kristiyanong pinagmulan ng marami sa apostatang doktrina, seremonya, at kaugalian ng Sangkakristiyanuhan, ganito ang isinulat ng ika-19 na siglong Romano Katolikong kardinal na si John Henry Newman sa kaniyang Essay on the Development of Christian Doctrine: “Ang paggamit ng mga templo, na inialay sa partikular na mga santo, at ginagayakan paminsan-minsan ng mga sanga ng punungkahoy; insenso, mga lampara, at kandila; ipinanatang mga alay upang gumaling sa sakit; agua bendita; mga ampunan; mga kapistahan at kapanahunan, paggamit ng mga kalendaryo, prusisyon, mga bendisyon sa mga bukirin; mga kasuutang pansaserdote, pagsatsat sa buhok, singsing sa kasalan, pagharap sa Silangan, mga imahen nitong kamakailan, marahil pati na ang salmong pansimbahan, at ang Kyrie Eleison [ang awit na “Panginoon, Kaawaan Mo Kami”], ay pawang nagmula sa mga pagano, at pinabanal nang tanggapin ito sa Simbahan.”

      Sa halip na pabanalin ang gayong idolatriya, pinapayuhan ni “Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat” ang mga Kristiyano: “Lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo, . . . at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay.”​—2 Corinto 6:14-18.

      b Isinasaad ng makasaysayang akda ni William L. Shirer na The Rise and Fall of the Third Reich na si von Papen ang siyang “may higit na pananagutan kaysa sa kaninupamang Aleman sa pagbangon ni Hitler sa kapangyarihan.” Noong Enero 1933, sinabi ng dating kansilyer ng Alemanya na si von Schleicher hinggil kay von Papen: “Ganoon na lamang ang kaniyang kataksilan anupat magiging santo si Judas Iscariote kung ihahambing sa kaniya.”

      c Sa kaniyang talumpati sa College of Mondragone noong Mayo 14, 1929, sinabi ni Pope Pius XI na makikipagkasundo siya sa Diyablo mismo basta para sa ikabubuti ng mga tao.

      d Ihambing ang sinabi ng Romanong awtor na si Seneca sa isang makasalanang babaing saserdote (gaya ng pagkakasipi ni Swete): “Babae, nakatayo ka sa bahay ng panandaliang aliw . . . ang pangalan mo’y nakasabit sa iyong noo; ipinagpalit mo ang iyong puri sa salapi.”​—Controv. i, 2.

      [Kahon sa pahina 237]

      Inilantad ni Churchill ang ‘Pagpapatutot’

      Sa kaniyang aklat na The Gathering Storm (1948), iniulat ni Winston Churchill na inatasan ni Hitler si Franz von Papen bilang ministrong Aleman sa Vienna upang “pahinain o kumbinsihin ang pangunahing mga pulitiko sa Austria.” Sinipi ni Churchill ang ministro ng Estados Unidos sa Vienna na nagsabi hinggil kay von Papen: “Napakapangahas at napakamapang-uyam . . . na sinabi sa akin ni Papen na . . . binabalak niyang gamitin ang kaniyang reputasyon bilang isang mabuting Katoliko upang impluwensiyahan ang mga taga-Austria na gaya ni Kardinal Innitzer.”

      Matapos sumuko ang Austria at magmartsa papasok sa Vienna ang malupit na pribadong hukbo (storm trooper) ni Hitler, iniutos ng Katolikong kardinal na si Innitzer na magwagayway ng bandilang swastika ang lahat ng simbahan sa Austria, patunugin ang kanilang mga kampana, at ipagdasal si Adolf Hitler bilang parangal sa kaniyang kapanganakan.

      [Kahon/Larawan sa pahina 238]

      Sa ilalim ng pamagat na ito, lumitaw ang artikulong nasa ibaba sa unang edisyon ng The New York Times noong Disyembre 7, 1941:

      ‘PANALANGIN PARA SA PAKIKIDIGMA’ NG REICH

      Humiling ng Pagpapala at Tagumpay ang mga Obispong Katoliko sa Fulda

      Ang Komperensiya ng mga Obispong Katoliko sa Alemanya na nagtipon sa Fulda ay nagmungkahi ng paghaharap ng isang pantanging ‘panalangin para sa pakikidigma’ na dapat basahin sa pasimula at katapusan ng lahat ng banal na misa.

      Ang panalangin ay namamanhik sa Maykapal na basbasan nawa ng tagumpay ang sandatahang Aleman at proteksiyunan ang buhay at kalusugan ng lahat ng sundalo. Tinagubilinan pa ng mga Obispo ang klerong Katoliko na kahit minsan man lamang sa isang buwan ay ilakip at alalahanin sa isang pantanging pang-Linggong sermon ang mga sundalong Aleman na ‘nasa lupa, dagat at himpapawid.’”

      Ang artikulo ay inalis sa sumunod na mga edisyon ng pahayagan. Disyembre 7, 1941 nang sumalakay sa plota ng Estados Unidos sa Pearl Harbor ang Hapon, na kaalyado ng Alemanya sa ilalim ng Nazi.

      [Kahon sa pahina 244]

      “Mapamusong na mga Pangalan”

      Nang itaguyod ng mabangis na hayop na may dalawang sungay ang Liga ng mga Bansa pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, agad gumawa ng paraan ang marami niyang relihiyosong kalaguyo upang mabigyan ng relihiyosong pagsang-ayon ang hakbang na ito. Dahil dito, ‘napuno ng mapamusong na mga pangalan’ ang bagong organisasyong pangkapayapaan.

      “Ang Kristiyanismo ay makapaglalaan ng kabutihang-loob, ang puwersa na nasa likod ng liga [ng mga bansa], upang mabago nito ang tratado mula sa isa lamang pirasong papel tungo sa pagiging isang instrumento ng kaharian ng Diyos.”​—The Christian Century, E.U.A., Hunyo 19, 1919, pahina 15.

      “Ang konsepto ng Liga ng mga Bansa ay ang palawakin at gawing internasyonal ang konsepto ng Kaharian ng Diyos bilang isang pandaigdig na kaayusan ng kabutihang-loob. . . . Ito ang idinadalangin ng lahat ng Kristiyano kapag sinasabi nilang, ‘Dumating nawa ang Kaharian mo.’”​—The Christian Century, E.U.A., Setyembre 25, 1919, pahina 7.

      “Ang Buklod ng Liga ng mga Bansa ay ang Dugo ni Kristo.”​—Dr. Frank Crane, ministrong Protestante, E.U.A.

      “Ang [Pambansang] Konsilyo [ng mga Congregational Church] ay sumusuporta sa Tipan [ng Liga ng mga Bansa] bilang tanging pulitikal na instrumento na umiiral sa ngayon upang sa pamamagitan nito ang Espiritu ni Jesu-Kristo ay praktikal na maikapit sa mas malawak na paraan sa ugnayan ng mga bansa.”​—The Congregationalist and Advance, E.U.A., Nobyembre 6, 1919, pahina 642.

      “Ang komperensiya ay nananawagan sa lahat ng Metodista na lubusang ipagtanggol at itaguyod ang mga mithiin [ng Liga ng mga Bansa] na ipinahahayag ng ideya ng Diyos Ama at ng makalupang mga anak ng Diyos.”​—The Wesleyan Methodist Church, Britanya.

      “Kapag isinasaalang-alang natin ang mga hangarin, ang mga posibilidad at ang mga resolusyon ng kasunduang ito, matutuklasan natin na napapaloob dito ang buod ng mga turo ni Jesu-Kristo: Ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran . . . Ito lamang at wala nang iba.”​—Sermon ng Arsobispo ng Canterbury sa pagbubukas ng Asamblea ng Liga ng mga Bansa sa Geneva, Disyembre 3, 1922.

      “Ang Asosasyon ng Liga ng mga Bansa sa bansang ito ay may banal na karapatan na gaya rin ng alinmang mapagkawanggawang samahan ng mga misyonero, sapagkat ito sa kasalukuyan ang pinakamabisang ahensiya ng pamamahala ni Kristo bilang Prinsipe ng kapayapaan sa gitna ng mga bansa.”​—Dr. Garvie, ministrong Congregationalist, Britanya.

      [Mapa sa pahina 236]

      (Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

      Nagmula sa Babilonya ang huwad na mga doktrinang pinaniniwalaan sa buong daigdig

      Babilonya

      Mga trinidad o tatluhang diyos

      Hindi namamatay ang kaluluwa ng tao

      Espiritismo​—pakikipag-usap sa mga “patay”

      Paggamit ng mga larawan sa pagsamba

      Pag-oorasyon upang payapain ang mga demonyo

      Pamumuno ng makapangyarihang pagkasaserdote

      [Larawan sa pahina 239]

      Nakaupo sa maraming tubig ang sinaunang Babilonya

      [Larawan sa pahina 239]

      Nakaupo rin sa “maraming tubig” ang dakilang patutot sa ngayon

      [Larawan sa pahina 241]

      Ang Babilonyang Dakila na nakasakay sa isang mapanganib at mabangis na hayop

      [Mga larawan sa pahina 242]

      Nakiapid sa mga hari sa lupa ang relihiyosong patutot

      [Mga larawan sa pahina 245]

      Ang babae ay “lasing sa dugo ng mga banal”

  • Nalutas ang Kasindak-sindak na Hiwaga
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • Kabanata 34

      Nalutas ang Kasindak-sindak na Hiwaga

      1. (a) Ano ang naging reaksiyon ni Juan nang makita niya ang dakilang patutot at ang nakatatakot na hayop na sinasakyan nito, at bakit? (b) Paano tumutugon ang uring Juan sa ngayon habang nagaganap ang mga pangyayaring katuparan ng makahulang pangitain?

      ANO ang naging reaksiyon ni Juan nang makita niya ang dakilang patutot at ang nakatatakot na hayop na sinasakyan nito? Siya mismo ang sumasagot: “Buweno, sa pagkakita sa kaniya ay namangha ako nang may malaking pagkamangha.” (Apocalipsis 17:6b) Ang ganitong tanawin ay imposibleng maging katha lamang ng karaniwang guniguni ng tao. Subalit hayun​—sa malayong ilang​—isang mahalay na patutot na nakaupo sa ibabaw ng isang nakapanghihilakbot na kulay-iskarlatang mabangis na hayop! (Apocalipsis 17:3) Namamangha rin nang may malaking pagkamangha ang uring Juan sa ngayon habang nagaganap ang mga pangyayaring katuparan ng makahulang pangitain. Kung makikita lamang ito ng mga tao sa daigdig, mapapabulalas sila, ‘Hindi kapani-paniwala!’ at sasang-ayon din ang mga tagapamahala ng sanlibutan, ‘Mahirap paniwalaan!’ Subalit kagitla-gitlang nagkatotoo ang pangitain sa ating panahon. Nagkaroon na ng kapansin-pansing bahagi sa katuparan ng pangitain ang bayan ng Diyos, at tinitiyak nito sa kanila na matutupad ang hula hanggang sa kamangha-manghang kasukdulan nito.

      2. (a) Bilang tugon sa panggigilalas ni Juan, ano ang sinabi sa kaniya ng anghel? (b) Ano ang isiniwalat sa uring Juan, at paano ito naisagawa?

      2 Napansin ng anghel ang panggigilalas ni Juan. “Kung kaya,” patuloy ni Juan, “sinabi sa akin ng anghel: ‘Bakit ka namangha? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae at ng mabangis na hayop na sinasakyan niya na may pitong ulo at sampung sungay.’” (Apocalipsis 17:7) Ah, liliwanagin na ngayon ng anghel ang hiwaga! Ipinaliliwanag niya sa nanggigilalas na si Juan ang sari-saring pitak ng pangitain at ang dramatikong mga pangyayari na malapit nang maganap. Kasuwato nito, isiniwalat din sa mapagbantay na uring Juan ang kaunawaan hinggil sa hula, samantalang naglilingkod sila ngayon sa ilalim ng patnubay ng mga anghel. “Hindi ba ang mga pakahulugan ay sa Diyos?” Gaya ng tapat na si Jose, naniniwala tayo na ganoon nga. (Genesis 40:8; ihambing ang Daniel 2:29, 30.) Sa wari, nasa gitna ng entablado ang bayan ng Diyos samantalang ipinaliliwanag sa kanila ni Jehova ang kahulugan ng pangitain at ang malaking epekto nito sa kanilang buhay. (Awit 25:14) Ipinaunawa niya sa kanila sa eksaktong panahon ang hiwaga ng babae at ng mabangis na hayop.​—Awit 32:8.

      3, 4. (a) Anong pahayag pangmadla ang binigkas ni N. H. Knorr noong 1942, at paano nito ipinakilala ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop? (b) Anong mga salita ng anghel kay Juan ang tinalakay ni N. H. Knorr?

      3 Idinaos ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos ang kanilang Bagong Sanlibutang Teokratikong Asamblea mula Setyembre 18 hanggang 20, 1942, samantalang nasa kasagsagan ang Digmaang Pandaigdig II. Ang pangunahing lunsod, ang Cleveland, Ohio, ay iniugnay sa pamamagitan ng telepono sa mahigit 50 iba pang lunsod na pinagdausan ng kombensiyon, at ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay 129,699. Sa mga dakong may digmaan subalit posible namang magdaos ng kombensiyon, inulit ang gayunding programa sa iba pang kombensiyon sa buong daigdig. Nang panahong iyon, marami sa bayan ni Jehova ang umasa na lulubha pa ang digmaan hanggang sa humantong ito sa digmaan ng Armagedon ng Diyos; kaya pumukaw ng masidhing interes ang pamagat ng pahayag pangmadla na, “Kapayapaan​—Mananatili ba Ito?” Bakit nagsasalita ang bagong pangulo ng Samahang Watch Tower, si N. H. Knorr, tungkol sa kapayapaan gayong waring kabaligtaran ang napipinto para sa mga bansa?a Ito’y dahil nag-uukol ang uring Juan ng “higit kaysa sa karaniwang pansin” sa makahulang Salita ng Diyos.​—Hebreo 2:1; 2 Pedro 1:19.

      4 Anong liwanag hinggil sa hula ang isiniwalat ng pahayag na “Kapayapaan​—Mananatili ba Ito?” Matapos malinaw na ipakilala na ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop ng Apocalipsis 17:3 ay ang Liga ng mga Bansa, patuloy na tinalakay ni N. H. Knorr ang maligalig na landasin nito salig sa sumusunod na mga salita ng anghel kay Juan: “Ang mabangis na hayop na iyong nakita ay naging siya, ngunit wala na, at gayunma’y malapit nang umahon mula sa kalaliman, at ito ay patungo na sa pagkapuksa.”​—Apocalipsis 17:8a.

      5. (a) Sa anong diwa “ang mabangis na hayop . . . ay naging siya” at pagkatapos ay “wala na”? (b) Paano sinagot ni N. H. Knorr ang tanong na, “Mananatili ba sa hukay ang Liga?”

      5 “Ang mabangis na hayop . . . ay naging siya.” Oo, umiral ito bilang Liga ng mga Bansa mula noong Enero 10, 1920, at 63 bansa ang nakilahok dito sa iba’t ibang panahon. Subalit nang maglaon, kumalas ang Hapon, Alemanya, at Italya, at itiniwalag naman mula sa Liga ang dating Unyong Sobyet. Noong Setyembre 1939, pinasimulan ng diktador na Nazi ng Alemanya ang Digmaang Pandaigdig II.b Palibhasa’y nabigong panatilihin ang kapayapaan sa daigdig, halos bumulusok sa kalaliman ng kawalang-gawain ang Liga ng mga Bansa. Pagsapit ng 1942, laos na ito. Ipinaliwanag ni Jehova sa kaniyang bayan ang lubos na kahulugan ng pangitain, hindi bago nito ni sa isang atrasadong petsa, kundi tamang-tama sa mapanganib na panahong iyon! Kaya naipahayag ni N. H. Knorr sa Bagong Sanlibutang Teokratikong Asamblea, kasuwato ng hula, na “ang mabangis na hayop ay . . . wala na.” Pagkatapos ay nagtanong siya, “Mananatili ba sa hukay ang Liga?” Sinipi niya ang Apocalipsis 17:8, at sumagot: “Muling babangon ang samahan ng makasanlibutang mga bansa.” Ganitung-ganito nga ang nangyari​—bilang pagbabangong-puri sa makahulang Salita ni Jehova!

      Umahon Mula sa Kalaliman

      6. (a) Kailan umahon mula sa kalaliman ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, at ano ang bagong pangalan nito? (b) Bakit masasabing ang Nagkakaisang mga Bansa ay sa katunayan, ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop na binuhay muli?

      6 Umahon nga mula sa kalaliman ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop. Noong Hunyo 26, 1945, sa San Francisco, E.U.A., nagkaroon ng malaking publisidad nang sang-ayunan ng 50 bansa na tanggapin ang Karta ng organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa. Ang organisasyong ito ay “magpapanatili ng pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan.” Maraming pagkakatulad ang Liga at ang UN. Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Sa ilang paraan, ang UN ay nakakatulad ng Liga ng mga Bansa, na inorganisa pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig I . . . Marami sa mga bansang nagtatag ng UN ang siya ring nagtatag ng Liga. Gaya ng Liga, itinatag ang UN upang panatilihin ang kapayapaan sa pagitan ng mga bansa. Ang pangunahing mga ahensiya ng UN ay katulad na katulad niyaong sa Liga.” Kaya ang UN sa katunayan ay ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop na binuhay muli. Di-hamak na mas marami ang miyembro nito na mga 190 bansa kaysa sa 63 miyembro ng Liga; mas marami rin itong pananagutan kaysa sa hinalinhan nito.

      7. (a) Sa anong paraan masasabi na ang mga nananahan sa lupa ay nanggilalas nang may paghanga sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop na binuhay muli? (b) Anong tunguhin ang naging mailap para sa UN, at ano ang sinabi ng kalihim-panlahat nito tungkol dito?

      7 Sa simula, malaki ang inaasahan mula sa UN. Katuparan ito ng mga salita ng anghel: “At kapag nakita nila kung paanong ang mabangis na hayop ay naging siya, ngunit wala na, at gayunma’y darating, yaong mga tumatahan sa lupa ay mamamangha nang may paghanga, ngunit ang kanilang mga pangalan ay hindi napasulat sa balumbon ng buhay mula pa nang pagkakatatag ng sanlibutan.” (Apocalipsis 17:8b) Ang mga nananahan sa lupa ay hangang-hanga sa bagong dambuhalang ito, na kumikilos ngayon mula sa maringal na punong-tanggapan nito sa East River sa New York. Subalit mailap para sa UN ang tunay na kapayapaan at katiwasayan. Sa kalakhang bahagi ng ika-20 siglo, ang kapayapaan sa daigdig ay napananatili lamang dahil sa banta ng tiyak na pagkalipol ng isa’t isa (mutual assured destruction)​—o MAD, gaya ng daglat nito​—at ang pagpapaligsahan sa armas ay patuloy na tumitindi sa napakabilis na antas. Pagkaraan ng halos 40-taóng pagsisikap ng Nagkakaisang mga Bansa, ang dati nitong kalihim-panlahat na si Javier Pérez de Cuéllar, ay malungkot na nagsabi noong 1985: “Nabubuhay tayo sa isa na namang panahon ng mga panatiko, at hindi natin alam kung ano ang gagawin natin dito.”

      8, 9. (a) Bakit wala sa UN ang mga kasagutan sa mga suliranin ng daigdig, at ano ang malapit nang mangyari sa kaniya ayon sa hatol ng Diyos? (b) Bakit hindi mapapasulat sa “balumbon ng buhay” ng Diyos ang mga pangalan ng mga tagapagtatag at tagahanga ng UN? (c) Ano ang matagumpay na isasagawa ng Kaharian ni Jehova?

      8 Wala sa UN ang mga kasagutan. Bakit? Sapagkat hindi ang Tagapagbigay ng buhay sa buong sangkatauhan ang nagbigay-buhay sa UN. Hindi ito magtatagal, sapagkat ayon sa hatol ng Diyos, “ito ay patungo na sa pagkapuksa.” Hindi napasulat ang mga pangalan ng mga tagapagtatag at tagahanga ng UN sa balumbon ng buhay ng Diyos. Yamang makasalanan at mortal ang mga tao, na ang karamiha’y tumutuya sa pangalan ng Diyos, paano nila makakamit sa pamamagitan ng UN ang bagay na sinabi ng Diyos na Jehova na malapit na niyang gawin, hindi sa pamamagitan ng pamamaraan ng tao, kundi sa pamamagitan ng Kaharian ng kaniyang Kristo?​—Daniel 7:27; Apocalipsis 11:15.

      9 Sa katunayan, ang UN ay isang mapamusong na panghuhuwad sa Mesiyanikong Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Prinsipe ng Kapayapaan, si Jesu-Kristo​—na ang maharlikang pamamahala ay hindi magwawakas. (Isaias 9:6, 7) Makapagdulot man ng pansamantalang kapayapaan ang UN, muli pa ring sisiklab ang mga digmaan. Likas na hilig ito ng makasalanang mga tao. “Ang kanilang mga pangalan ay hindi napasulat sa balumbon ng buhay mula pa nang pagkakatatag ng sanlibutan.” Ang Kaharian ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo ay hindi lamang magtatatag ng walang-hanggang kapayapaan sa lupa kundi, salig sa haing pantubos ni Jesus, bubuhayin din nito ang mga patay, ang mga matuwid at di-matuwid na nasa alaala ng Diyos. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Kabilang dito ang bawat isa na nakapanatiling matapat sa kabila ng mga pagsalakay ni Satanas at ng kaniyang binhi, at ang iba na kailangan pang patunayan ang kanilang pagkamasunurin. Maliwanag na hindi kailanman mapapasulat sa balumbon ng buhay ng Diyos ang mga pangalan ng masugid na mga tagasuporta ng Babilonyang Dakila ni ng sinumang patuloy na sumasamba sa mabangis na hayop.​—Exodo 32:33; Awit 86:8-10; Juan 17:3; Apocalipsis 16:2; 17:5.

      Kapayapaan at Katiwasayan​—Isang Bigong Pag-asa

      10, 11. (a) Ano ang idineklara ng UN noong 1986, at ano ang naging tugon? (b) Ilang “pamilya ng relihiyon” ang nagtipon sa Assisi, Italya, upang manalangin ukol sa kapayapaan, at tinutugon ba ng Diyos ang ganitong mga panalangin? Ipaliwanag.

      10 Sa pagsisikap na patibayin ang pag-asa ng sangkatauhan, idineklara ng Nagkakaisang mga Bansa ang 1986 bilang “Internasyonal na Taon ng Kapayapaan,” na may temang “Upang Ipagsanggalang ang Kapayapaan at Kinabukasan ng Sangkatauhan.” Nanawagan ito sa nagdidigmaang mga bansa na ibaba ang kanilang mga sandata, kahit sa loob man lamang ng isang taon. Paano sila tumugon? Ayon sa ulat ng International Peace Research Institute, umabot nang limang milyon katao ang nasawi sa mga digmaan noong 1986 lamang! Bagaman naglabas sila ng pantanging mga salapi at ilang selyo na magsisilbing tagapagpagunita, walang gaanong ginawa ang karamihan sa mga bansa upang itaguyod ang minimithing kapayapaan nang taóng iyon. Gayunman, palibhasa’y laging sabik na magpalapad ng papel sa UN​—sinikap ng mga relihiyon ng daigdig na ipangalandakan ang taóng iyon sa iba’t ibang paraan. Noong Enero 1, 1986, pinuri ni Pope John Paul II ang gawain ng UN at inialay ang bagong taóng iyon sa kapayapaan. At noong Oktubre 27, tinipon niya ang mga lider ng marami sa mga relihiyon ng daigdig upang manalangin ukol sa kapayapaan sa Assisi, Italya.

      11 Sinasagot ba ng Diyos ang ganitong mga panalangin ukol sa kapayapaan? Buweno, sinong Diyos ang dinalanginan ng mga relihiyosong lider na iyon? Kung tatanungin mo sila, magkakaiba ang sagot ng bawat grupo. May kalipunan ba ng milyun-milyong diyos na makikinig at tutugon sa mga pagsusumamong ginagawa sa maraming iba’t ibang paraan? Marami sa mga nakibahagi roon ay sumasamba sa Trinidad ng Sangkakristiyanuhan.c Ang mga Budista, Hindu, at ang iba pa ay umusal ng mga panalangin sa di-mabilang na mga diyos. Lahat-lahat, 12 “pamilya ng relihiyon” ang nagtipon, na kinakatawan ng mga dignitaryong gaya ng Anglikanong Arsobispo ng Canterbury, Dalai Lama ng Budismo, obispong Ruso Ortodokso, pangulo ng Shinto Shrine Association ng Tokyo, mga Aprikanong animista, at dalawang Amerikanong Indian na napuputungan ng plumahe. Kung sa bagay, makulay na grupo sila na napakagandang panoorin sa TV. Isang grupo ang nanalangin nang walang patid sa loob ng 12 oras. (Ihambing ang Lucas 20:45-47.) Subalit isa man kaya sa mga panalanging iyon ay nakatagos sa mga alapaap na lumalambong sa pagtitipong iyon? Wala, salig sa sumusunod na mga dahilan:

      12. Sa anu-anong dahilan hindi sinasagot ng Diyos ang panalangin ng mga lider ng relihiyon sa daigdig ukol sa kapayapaan?

      12 Di-tulad ng mga ‘lumalakad sa pangalan ni Jehova,’ wala ni isa man sa mga relihiyonistang iyon ang nanalangin kay Jehova, ang buháy na Diyos, na ang pangalan ay mahigit 7,000 ulit na lumilitaw sa orihinal na teksto ng Bibliya. (Mikas 4:5; Isaias 42:8, 12)d Bilang isang grupo, hindi sila lumapit sa Diyos sa pangalan ni Jesus, yamang karamihan sa kanila ay hindi man lamang naniniwala kay Jesu-Kristo. (Juan 14:13; 15:16) Wala ni isa man sa kanila ang gumagawa ng kalooban ng Diyos sa ating panahon, samakatuwid nga, ang ihayag sa buong daigdig na ang dumarating na Kaharian ng Diyos​—hindi ang UN​—ang tunay na pag-asa ng sangkatauhan. (Mateo 7:21-23; 24:14; Marcos 13:10) Sa kalakhang bahagi, ang kanilang relihiyosong mga organisasyon ay napasangkot sa madudugong digmaan sa kasaysayan, pati na sa dalawang digmaang pandaigdig ng ika-20 siglo. Sinasabi ng Diyos sa mga ito: “Kahit nananalangin kayo ng marami, hindi ako nakikinig; ang inyo mismong mga kamay ay napuno ng pagbububo ng dugo.”​—Isaias 1:15; 59:1-3.

      13. (a) Bakit kapansin-pansin na nakikipagbalikatan sa UN sa panawagan ukol sa kapayapaan ang mga lider ng relihiyon sa daigdig? (b) Ang mga sigaw ukol sa kapayapaan ay magwawakas sa anong kasukdulan na inihula ng Diyos?

      13 Bukod dito, lubhang kapansin-pansin na sa panahong ito, nakikipagbalikatan sa Nagkakaisang mga Bansa ang mga lider ng relihiyon sa daigdig upang manawagan ukol sa kapayapaan. Nais nilang impluwensiyahan ang UN ukol sa sarili nilang kapakinabangan, lalung-lalo na sa makabagong panahong ito kung kailan marami sa kanilang mga sakop ang tumatalikod na sa relihiyon. Gaya ng di-tapat na mga lider ng sinaunang Israel, sumisigaw sila, “‘May kapayapaan! May kapayapaan!’ gayong wala namang kapayapaan.” (Jeremias 6:14) Tiyak na magpapatuloy ang kanilang mga pagsigaw ukol sa kapayapaan, at lalo pa itong sisidhi pagsapit ng kasukdulan na inihula ni apostol Pablo: “Ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay kagyat na mapapasakanila ang biglang pagkapuksa gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at sa anumang paraan ay hindi sila makatatakas.”​—1 Tesalonica 5:2, 3.

      14. Sa anong paraan maaaring isigaw ang “Kapayapaan at katiwasayan!,” at paano maiiwasan ng isa na mailigaw nito?

      14 Nitong nakaraang mga taon, ginagamit ng mga pulitiko ang pariralang “kapayapaan at katiwasayan” upang ilarawan ang iba’t ibang adhikain ng tao. Ang mga pagsisikap bang ito ng mga lider ng sanlibutan ang pasimula ng katuparan ng 1 Tesalonica 5:3? O ang tinutukoy kaya ni Pablo ay isa lamang espesipiko at lubhang madulang pangyayari na tatawag sa pansin ng buong daigdig? Yamang madalas na nauunawaan lamang nang lubusan ang mga hula sa Bibliya pagkatapos matupad o habang natutupad ang mga ito, kailangan tayong maghintay upang maunawaan ang mga ito. Samantala, batid ng mga Kristiyano na anumang kapayapaan o katiwasayan ang waring nakakamit ng mga bansa, wala pa rin talagang nagbabago. Nariyan pa rin ang kasakiman, pagkakapootan, krimen, pagkasira ng pamilya, imoralidad, pagkakasakit, dalamhati, at kamatayan. Kaya kung mananatili kang gising sa kahulugan ng mga pangyayari sa daigdig at pakikinggan mo ang makahulang mga babala sa Salita ng Diyos, hindi ka maililigaw ng anumang pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan.”​—Marcos 13:32-37; Lucas 21:34-36.

      [Mga talababa]

      a Namatay si J. F. Rutherford noong Enero 8, 1942, at humalili sa kaniya bilang pangulo ng Samahang Watch Tower si N. H. Knorr.

      b Noong Nobyembre 20, 1940, lumagda ang Alemanya, Italya, Hapon, at Hungary upang bumuo ng isang “bagong Liga ng mga Bansa,” at apat na araw pagkaraan nito, isinahimpapawid naman ng Vatican ang isang Misa at panalangin ukol sa relihiyosong kapayapaan at ukol sa isang bagong kaayusan ng mga bagay. Hindi kailanman nabuo ang “bagong Liga” na iyon.

      c Ang konsepto ng Trinidad ay nag-ugat sa sinaunang Babilonya, kung saan ang diyos-araw na si Shamash, ang diyos-buwan na si Sin, at ang diyos-bituin na si Ishtar ay sinamba bilang tatluhang diyos. Ginaya ng Ehipto ang parisang ito, at sumamba kina Osiris, Isis, at Horus. Ang pangunahing diyos ng Asirya na si Asur ay inilalarawan na may tatlong ulo. Gaya ng mga ito, masusumpungan sa mga simbahang Katoliko ang mga imahen na naglalarawan sa Diyos na may tatlong ulo.

      d Binibigyang-katuturan ng Webster’s Third New International Dictionary, edisyon ng 1993, ang Diyos na Jehova bilang “isang kataas-taasang bathala na kinikilala at ang tanging bathalang sinasamba ng mga Saksi ni Jehova.”

      [Kahon sa pahina 250]

      Balintunang “Kapayapaan”

      Bagaman idineklara ng UN ang 1986 bilang Internasyonal na Taon ng Kapayapaan, tumindi ang mapanganib na pagpapaligsahan sa armas. Narito ang nakalulungkot na mga detalyeng binanggit sa World Military and Social Expenditures 1986:

      Noong 1986, ang pandaigdig na gastusing pangmilitar ay umabot sa $900 bilyon.

      Ang gastusing pangmilitar ng daigdig sa loob ng isang oras ay sapat na sana upang mabakunahan ang 3.5 milyon na namamatay bawat taon dahil sa nakahahawang sakit na maaaring maiwasan.

      Sa buong daigdig, 1 sa bawat 5 katao ang nabubuhay sa matinding karalitaan. Ang lahat ng mga taong ito na nagugutom ay mapakakain sana sa loob ng isang taon sa halagang katumbas ng ginugugol ng daigdig sa mga sandata sa loob lamang ng dalawang araw.

      Ang lakas ng pagsabog ng nakaimbak na sandatang nuklear sa daigdig ay 160,000,000 beses na mas matindi kaysa sa pagsabog na naganap sa Chernobyl.

      Ang lakas ng pagsabog ng isang bombang nuklear ay 500 beses na mas matindi kaysa sa bombang inihulog sa Hiroshima noong 1945.

      Ang nuklear na mga arsenal ay makapagpapasabog ng mahigit isang milyong Hiroshima. Ang lakas ng pagsabog ng mga ito ay 2,700 beses na mas matindi kaysa sa ginamit noong Digmaang Pandaigdig II, kung saan 38 milyon katao ang namatay.

      Lalong dumalas at higit na naging mapamuksa ang mga digmaan. Ang mga namatay sa digmaan ay umabot sa 4.4 milyon noong ika-18 siglo, 8.3 milyon noong ika-19 na siglo, 98.8 milyon sa unang 86 na taon ng ika-20 siglo. Mula noong ika-18 siglo, bumilis nang mahigit anim na beses ang pagdami ng bilang ng mga namamatay sa digmaan kaysa sa paglago ng populasyon ng daigdig. Noong ika-20 siglo, mas marami nang sampung beses ang mga namamatay sa bawat digmaan kaysa noong ika-19 na siglo.

      [Mga larawan sa pahina 247]

      Gaya ng inihula tungkol sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop, ang Liga ng mga Bansa ay naibulid sa kalaliman noong Digmaang Pandaigdig II subalit bumangong muli bilang Nagkakaisang mga Bansa

      [Mga larawan sa pahina 249]

      Bilang pagsuporta sa “Taon ng Kapayapaan” ng UN, ang mga kinatawan ng mga relihiyon sa daigdig na nagtipon sa Assisi, Italya, ay naghandog ng nakalilitong mga panalangin, subalit walang isa man sa kanila ang nanalangin sa buháy na Diyos, si Jehova

  • Pagpuksa sa Babilonyang Dakila
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • Kabanata 35

      Pagpuksa sa Babilonyang Dakila

      1. Paano inilalarawan ng anghel ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, at anong uri ng karunungan ang kailangan upang maunawaan ang mga tanda sa Apocalipsis?

      BILANG karagdagang paglalarawan sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop sa Apocalipsis 17:3, sinasabi ng anghel kay Juan: “Dito pumapasok ang katalinuhan na may karunungan: Ang pitong ulo ay nangangahulugang pitong bundok, na sa ibabaw nito ay nakaupo ang babae. At may pitong hari: lima ang bumagsak na, isa ang narito, ang isa ay hindi pa dumarating, ngunit pagdating niya ay mananatili siya nang maikling panahon.” (Apocalipsis 17:9, 10) Inihahatid ng anghel na ito ang karunungan mula sa itaas, ang tanging karunungan na makapagbibigay ng unawa hinggil sa mga tanda sa Apocalipsis. (Santiago 3:17) Ipinauunawa ng karunungang ito sa uring Juan at sa kanilang mga kasamahan ang hinggil sa mapanganib na mga panahong kinabubuhayan natin. Pinasisidhi nito ang pagpapahalaga ng mga tapat-puso sa mga kahatulan ni Jehova, na malapit na ngayong isakatuparan, at ikinikintal sa isipan ang kapaki-pakinabang na pagkatakot kay Jehova. Gaya ng isinasaad sa Kawikaan 9:10: “Ang pagkatakot kay Jehova ang siyang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman sa Kabanal-banalan ay siyang pagkaunawa.” Ano ang isinisiwalat sa atin ng karunungan mula sa Diyos hinggil sa mabangis na hayop?

      2. Ano ang kahulugan ng pitong ulo ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop, at paano nangyari na “lima ang bumagsak na, isa ang narito”?

      2 Ang pitong ulo ng mabangis na hayop na iyon ay sumasagisag sa pitong “bundok,” o pitong “hari.” Ang dalawang terminong ito ay kapuwa ginagamit sa Kasulatan upang tumukoy sa mga kapangyarihan sa pamahalaan. (Jeremias 51:24, 25; Daniel 2:34, 35, 44, 45) Sa Bibliya, anim na kapangyarihang pandaigdig ang binabanggit na nagkaroon ng malaking epekto sa buhay ng bayan ng Diyos: Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, at Roma. Sa mga ito, lima ang bumangon at bumagsak na nang tanggapin ni Juan ang Apocalipsis, samantalang ang Roma pa rin ang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig noon. Katugmang-katugma ito ng mga salitang, “lima ang bumagsak na, isa ang narito.” Subalit kumusta naman “ang isa” na nakatakdang dumating?

      3. (a) Paano nahati ang Imperyo ng Roma? (b) Anu-anong pangyayari ang naganap sa Kanluran? (c) Paano dapat malasin ang Banal na Imperyong Romano?

      3 Ang Imperyo ng Roma ay tumagal at lumawak pa nga sa loob ng daan-daang taon pagkaraan ng panahon ni Juan. Noong 330 C.E., inilipat ni Emperador Constantino ang kaniyang kabisera mula sa Roma tungo sa Byzantium, na pinalitan niya ng pangalang Constantinople. Noong 395 C.E., nahati ang Imperyo ng Roma sa Silangan at Kanlurang bahagi. Noong 410 C.E., ang Roma mismo ay nahulog sa kamay ni Alaric, hari ng mga Visigoth (isang tribong Aleman na nakumberte tungo sa “Kristiyanismong” Arian). Sinakop ng mga tribong Aleman (mga “Kristiyano” rin) ang Espanya at pati na ang malaking bahagi ng teritoryo ng Roma sa Hilagang Aprika. Nagkaroon ng mga himagsikan, kaguluhan, at pagbabago sa Europa sa loob ng maraming siglo. Bumangon ang bantog na mga emperador sa Kanluran, gaya ni Carlomagno, na nakipag-alyansa kay Pope Leo III noong ika-9 na siglo, at ni Frederick II, na naghari noong ika-13 siglo. Subalit ang kanilang nasasakupan, bagaman tinawag na Banal na Imperyong Romano, ay mas maliit kaysa sa nasasaklaw ng Imperyo ng Roma noong kasikatan nito. Hindi ito bagong imperyo kundi pagsasauli lamang o pagpapatuloy ng sinaunang kapangyarihang ito.

      4. Anu-ano ang naging tagumpay ng Silanganing Imperyo, subalit ano ang nangyari sa malaking bahagi ng dating teritoryo ng sinaunang Roma sa Hilagang Aprika, Espanya, at Sirya?

      4 Ang Silanganing Imperyo ng Roma, na nakasentro sa Constantinople, ay nakatagal din sa isang mabuway na pakikipag-ugnayan sa Kanluraning Imperyo. Noong ikaanim na siglo, muling naagaw ni Emperador Justinian I ng Silangan ang kalakhang bahagi ng Hilagang Aprika, at nakialam din siya sa Espanya at sa Italya. Noong ikapitong siglo, nabawi ni Justinian II para sa Imperyo ang mga lugar sa Macedonia na nasakop ng mga kabilang sa tribong Slavo. Subalit pagsapit ng ikawalong siglo, ang malaking bahagi ng dating teritoryo ng sinaunang Roma sa Hilagang Aprika, Espanya, at Sirya ay napailalim sa bagong imperyo ng Islam at sa gayo’y wala na sa kontrol ng Constantinople at ng Roma.

      5. Bagaman bumagsak ang lunsod ng Roma noong 410 C.E., bakit lumipas pa ang maraming siglo bago tuluyang nabura sa eksena ng daigdig ang bakas ng pulitikal na Imperyo ng Roma?

      5 Ang lunsod mismo ng Constantinople ay nanatili nang mas matagal-tagal. Nakatagal ito sa malimit na pagsalakay ng mga Persiano, Arabe, mga taga-Bulgaria, at mga Ruso hanggang sa bumagsak ito sa wakas noong 1203​—hindi sa kamay ng mga Muslim kundi sa mga Krusado mula sa Kanluran. Gayunman, noong 1453, napailalim ito sa kapangyarihan ng Muslim na tagapamahalang Ottoman na si Mehmed II at hindi nagtagal ay naging kabisera ito ng Imperyong Ottoman, o Turko. Kaya bagaman bumagsak ang lunsod ng Roma noong 410 C.E., lumipas muna ang marami pang siglo bago tuluyang nabura ang bakas ng pulitikal na Imperyo ng Roma sa eksena ng daigdig. Magkagayunman, naaaninaw pa rin ang impluwensiya nito sa relihiyosong mga imperyo na nakasalig sa papado ng Roma at sa mga relihiyon ng Silangang Ortodokso.

      6. Anu-anong bagong imperyo ang naitatag, at alin sa mga ito ang naging pinakamatagumpay?

      6 Gayunman, pagsapit ng ika-15 siglo, ang ibang mga bansa ay nagtatatag na ng bagong mga imperyo. Bagaman nasa teritoryo ng dating mga kolonya ng Roma ang ilan sa mga bagong imperyal na kapangyarihang ito, ang kanilang mga imperyo ay hindi mga pagpapatuloy lamang ng Imperyo ng Roma. Ang Portugal, Espanya, Pransiya, at Holland ay naging mga imperyo rin na may malalawak na nasasakupan. Ngunit ang naging pinakamatagumpay sa mga ito ay ang Britanya, na siyang namuno sa isang napakalaking imperyo na sinasabing ‘hindi nilulubugan ng araw.’ Sa iba’t ibang panahon, sinaklaw ng imperyong ito ang kalakhang bahagi ng Hilagang Amerika, Aprika, India, at Timog-Silangang Asia, pati na ang malaking bahagi ng Timog Pasipiko.

      7. Paano umiral ang isang tambalang kapangyarihang pandaigdig, at ayon kay Juan, gaano katagal mananatili ang ikapitong ‘ulo,’ o kapangyarihang pandaigdig?

      7 Pagsapit ng ika-19 na siglo, may ilang kolonya sa Hilagang Amerika na tumiwalag mula sa Britanya upang buuin ang independiyenteng Estados Unidos ng Amerika. Nagpatuloy ang ilang pulitikal na alitan ng bagong bansa at ng dating inang bayan. Gayunman, dahil sa unang digmaang pandaigdig, napilitang kilalanin ng dalawang bansang ito ang kanilang magkakatulad na kapakanan at pinagtibay ang isang pantanging ugnayan sa isa’t isa. Sa gayon, umiral ang isang tambalang kapangyarihang pandaigdig, na binubuo ng Estados Unidos ng Amerika, ang pinakamayamang bansa ngayon sa daigdig, at ng Gran Britanya, ang namamahala sa pinakamalawak na imperyo sa daigdig. Ito ngayon ang ikapitong ‘ulo,’ o kapangyarihang pandaigdig, na magpapatuloy hanggang sa panahon ng kawakasan at sa mga teritoryong nasasakupan nito ay unang naitatag ang makabagong-panahong mga Saksi ni Jehova. Kung ihahambing sa matagal na pamumuno ng ikaanim na ulo, ang ikapito ay mananatili lamang sa loob ng “maikling panahon,” hanggang sa lipulin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pambansang mga organisasyon.

      Bakit Tinatawag na Ikawalong Hari?

      8, 9. Ano ang tawag ng anghel sa makasagisag na kulay-iskarlatang mabangis na hayop, at sa anong paraan nagmumula ito sa pito?

      8 Ang anghel ay patuloy na nagpapaliwanag kay Juan: “At ang mabangis na hayop na naging siya ngunit wala na, ito rin mismo ay ikawalong hari, ngunit nagmula sa pito, at ito ay patungo sa pagkapuksa.” (Apocalipsis 17:11) Ang makasagisag na kulay-iskarlatang mabangis na hayop ay “nagmula” sa pitong ulo; samakatuwid nga, ito’y iniluwal, o pinairal, ng mga ulo ng orihinal na “mabangis na hayop . . . mula sa dagat,” na siyang inilalarawan ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop. Sa anong paraan? Buweno, noong 1919, ang Anglo-Amerikanong kapangyarihan ang nangingibabaw na ulo. Bumagsak na ang naunang anim na ulo, at ang posisyon ng nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig ay nailipat na sa tambalang ulong ito at ngayo’y nakasentro rito. Bilang kasalukuyang kinatawan ng hanay ng mga kapangyarihang pandaigdig, ang ikapitong ulo ang nasa likod ng pagtatatag ng Liga ng mga Bansa at siya pa rin ang pangunahing promotor at pinansiyal na tagasuporta ng Nagkakaisang mga Bansa. Kaya sa makasagisag na paraan, ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop​—ang ikawalong hari​—ay “nagmula” sa orihinal na pitong ulo. Sa punto de vistang ito, ang pangungusap na nagmula ito sa pito ay kasuwatung-kasuwato ng nauna nang pagsisiwalat na ang mabangis na hayop na may dalawang sungay na gaya ng isang kordero (ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano, ang ikapitong ulo ng orihinal na mabangis na hayop) ang pasimuno sa paggawa ng larawan at siyang nagbigay-buhay rito.​—Apocalipsis 13:1, 11, 14, 15.

      9 Karagdagan dito, kabilang sa orihinal na mga miyembro ng Liga ng mga Bansa, kasama na ang Gran Britanya, ang mga pamahalaang nagpuno sa luklukan ng ilan sa mga naunang ulo, samakatuwid nga ang Gresya, Iran (Persia), at Italya (Roma). Nang maglaon, ang mga pamahalaan na nagpuno sa teritoryo na kontrolado ng naunang anim na kapangyarihang pandaigdig ay pawang naging mga miyembrong tagapagtaguyod ng larawan ng mabangis na hayop. Sa diwa ring ito, masasabi na ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop na ito ay nagmula sa pitong kapangyarihang pandaigdig.

      10. (a) Paano masasabi na ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop ang ‘mismong ikawalong hari’? (b) Paano nagpahayag ng suporta sa Nagkakaisang mga Bansa ang isang lider ng dating Unyong Sobyet?

      10 Pansinin na ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, “ito rin mismo ay ikawalong hari.” Kaya ang Nagkakaisang mga Bansa sa ngayon ay dinisenyo upang magmukhang isang pandaigdig na pamahalaan. May mga panahon na kumikilos pa nga ito na gayon, na nagsusugo ng mga hukbong sandatahan sa labanan upang lutasin ang internasyonal na mga hidwaan, gaya sa Korea, Peninsula ng Sinai, ilang bansa sa Aprika, at Lebanon. Subalit larawan lamang ito ng isang hari. Gaya ng isang relihiyosong larawan, o imahen, wala talaga itong tunay na impluwensiya o kapangyarihan maliban sa ipinagkaloob dito ng mga nagtatag nito at sumasamba rito. May mga pagkakataon na waring mahina ang makasagisag na mabangis na hayop na ito; subalit hindi pa nito nararanasan ang lansakang pagtalikod ng mga miyembrong pinamumunuan ng mga diktador na nagbulid sa Liga ng mga Bansa tungo sa kalaliman. (Apocalipsis 17:8) Bagaman may lubhang naiibang opinyon sa ibang mga larangan, isang prominenteng lider ng dating Unyong Sobyet ang nakiisa sa mga papa ng Roma noong 1987 sa pagpapahayag ng suporta sa UN. Nanawagan pa man din siya ukol sa “isang komprehensibong sistema ng pandaigdig na katiwasayan” na nasasalig sa UN. Gaya ng malapit nang matuklasan ni Juan, darating ang panahon na kikilos ang UN nang may malaking awtoridad. Pagkatapos nito, siya rin naman ay “patungo sa pagkapuksa.”

      Sampung Hari sa Loob ng Isang Oras

      11. Ano ang sinasabi ng anghel ni Jehova tungkol sa sampung sungay ng makasagisag na kulay-iskarlatang mabangis na hayop?

      11 Sa nakaraang kabanata ng Apocalipsis, ibinuhos ng ikaanim at ikapitong anghel ang mga mangkok ng galit ng Diyos. Sa gayon, nalaman natin na ang mga hari sa lupa ay tinitipon tungo sa digmaan ng Diyos sa Armagedon at na ang ‘Babilonyang Dakila ay aalalahanin sa paningin ng Diyos.’ (Apocalipsis 16:1, 14, 19) Mas detalyado nating matututuhan ngayon kung paano ilalapat ang mga hatol ng Diyos sa mga ito. Makinig tayo uli sa anghel ni Jehova habang nakikipag-usap ito kay Juan. “At ang sampung sungay na iyong nakita ay nangangahulugang sampung hari, na hindi pa tumatanggap ng kaharian, ngunit tumatanggap sila ng awtoridad bilang mga hari nang isang oras na kasama ng mabangis na hayop. Ang mga ito ay may iisang kaisipan, kung kaya ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at awtoridad sa mabangis na hayop. Ang mga ito ay makikipagbaka sa Kordero, ngunit, dahil sa siya ay Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, dadaigin sila ng Kordero. Gayundin, yaong mga tinawag at pinili at tapat na kasama niya ay mananaig din.”​—Apocalipsis 17:12-14.

      12. (a) Saan lumalarawan ang sampung sungay? (b) Paano masasabing ‘hindi pa tumatanggap ng kaharian’ ang makasagisag na sampung sungay? (c) Paanong ang makasagisag na sampung sungay ay may isang “kaharian” na sa ngayon, at gaano katagal ito iiral?

      12 Ang sampung sungay ay lumalarawan sa lahat ng makapulitikang kapangyarihan na kasalukuyang nagpupuno sa buong daigdig at sumusuporta sa larawan ng mabangis na hayop. Iilan lamang sa mga bansang umiiral ngayon ang kilala noong panahon ni Juan. At yaong mga kilala noon, gaya ng Ehipto at Persia (Iran), ay may lubhang naiibang pulitikal na sistema sa ngayon. Kaya noong unang siglo, ang ‘sampung sungay ay hindi pa tumatanggap ng kaharian.’ Subalit ngayon, sa araw ng Panginoon, sila ay may isang “kaharian,” o pulitikal na awtoridad. Dahil sa pagguho ng malalaking imperyong kolonyal, lalung-lalo na mula noong ikalawang digmaang pandaigdig, maraming bagong bansa ang isinilang. Ang mga ito, pati na ang mga kapangyarihang matagal nang umiiral, ay tiyak na maghaharing kasama ng mabangis na hayop sa sandaling panahon​—sa loob lamang ng “isang oras”​—bago wakasan ni Jehova ang lahat ng pulitikal na awtoridad ng sanlibutan sa Armagedon.

      13. Sa anong paraan may “iisang kaisipan” ang sampung sungay, at ano ang tiyak na magiging saloobin nila sa Kordero dahil dito?

      13 Sa ngayon, nasyonalismo ang isa sa pinakamalakas na puwersang nagpapakilos sa sampung sungay na ito. May ‘iisa silang kaisipan,’ sa diwa na gusto nilang mapanatili ang kanilang pambansang soberanya sa halip na tanggapin ang Kaharian ng Diyos. Ito ang pangunahing layunin kung bakit sila sumusuporta sa Liga ng mga Bansa at sa organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa​—upang mapanatili ang kapayapaan sa daigdig at sa gayo’y ipagsanggalang ang kanilang sariling pag-iral. Ang ganitong saloobin ay nagpapakitang tiyak na sasalansangin ng mga sungay ang Kordero, ang “Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari,” sapagkat nilalayon ni Jehova na halinhan ng kaniyang Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo ang lahat ng kahariang ito sa di-kalaunan.​—Daniel 7:13, 14; Mateo 24:30; 25:31-33, 46.

      14. Paano posibleng makipagbaka sa Kordero ang mga tagapamahala sa daigdig, at ano ang magiging resulta?

      14 Sabihin pa, walang anumang magagawa ang mga tagapamahala ng sanlibutang ito laban mismo kay Jesus. Hinding-hindi nila siya maaabot sapagkat nasa langit siya. Subalit ang mga kapatid ni Jesus, ang mga nalabi sa binhi ng babae, ay naririto pa sa lupa at waring walang kalaban-laban. (Apocalipsis 12:17) Marami sa mga sungay ang nagpakita na ng matinding pagkapoot sa kanila, at sa ganitong paraan sila nakikipagbaka sa Kordero. (Mateo 25:40, 45) Subalit malapit nang dumating ang panahon na ‘dudurugin at wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng mga kahariang ito.’ (Daniel 2:44) Sa gayon, ang mga hari sa lupa ay makikipagbaka laban sa Kordero hanggang sa malipol sila, gaya ng malapit na nating makita. (Apocalipsis 19:11-21) Subalit sapat na ang ating natutuhan upang matalos na hindi magtatagumpay ang mga bansa. Bagaman sila at ang UN, ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, ay may “iisang kaisipan,” hindi nila madaraig ang dakilang “Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari,” ni madaraig kaya nila “yaong mga tinawag at pinili at tapat na kasama niya,” na kinabibilangan ng kaniyang pinahirang mga tagasunod na naririto pa sa lupa. Ang mga ito rin naman ay mananaig sa pamamagitan ng pananatiling tapat bilang tugon sa buktot na mga paratang ni Satanas.​—Roma 8:37-39; Apocalipsis 12:10, 11.

      Pagwasak sa Patutot

      15. Ano ang sinasabi ng anghel tungkol sa patutot at sa saloobin at ikikilos ng sampung sungay at ng mabangis na hayop laban sa kaniya?

      15 Hindi lamang ang bayan ng Diyos ang kapopootan ng sampung sungay. Ang pansin ni Juan ay muling ibinabaling ngayon ng anghel sa patutot: “At sinasabi niya sa akin: ‘Ang mga tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng patutot, ay nangangahulugan ng mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika. At ang sampung sungay na iyong nakita, at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa patutot at gagawin siyang wasak at hubad, at uubusin ang kaniyang mga kalamnan at lubusan siyang susunugin sa apoy.’”​—Apocalipsis 17:15, 16.

      16. Bakit hindi makaaasa ang Babilonyang Dakila sa mga tubig niya bilang proteksiyon kapag binalingan siya ng pulitikal na mga pamahalaan?

      16 Gaya ng sinaunang Babilonya na nanalig sa kaniyang depensang tubig, ang Babilonyang Dakila sa ngayon ay nananalig sa napakalaking nasasakupan niya na “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika.” Angkop na dito ibaling ng anghel ang ating pansin bago niya sabihin ang isang nakagigitlang pangyayari: Ang pulitikal na mga pamahalaan ng lupang ito ay marahas na babaling laban sa Babilonyang Dakila. Ano kung gayon ang gagawin ng lahat ng “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika”? Binababalaan na ng bayan ng Diyos ang Babilonyang Dakila na ang tubig ng ilog ng Eufrates ay matutuyo. (Apocalipsis 16:12) Sa wakas ay lubusang matutuyo ang mga tubig na iyon. Hindi na nila matutulungan pa ang kasuklam-suklam na matandang patutot sa oras ng kaniyang pinakamatinding kagipitan.​—Isaias 44:27; Jeremias 50:38; 51:36, 37.

      17. (a) Bakit hindi maililigtas ang Babilonyang Dakila ng kaniyang kayamanan? (b) Sa anong paraan hindi magiging marangal ang wakas ng Babilonyang Dakila? (c) Bukod sa sampung sungay, o indibiduwal na mga bansa, sino pa ang makikisali sa pagdaluhong laban sa Babilonyang Dakila?

      17 Ang napakalaking materyal na kayamanan ng Babilonyang Dakila ay tiyak na hindi makapagliligtas sa kaniya. Maaaring ito pa nga ang magpadali sa kaniyang pagkapuksa, sapagkat ipinakikita ng pangitain na kapag ibinaling ng mabangis na hayop at ng sampung sungay ang kanilang poot sa kaniya, huhubaran nila siya ng kaniyang maharlikang mga kasuutan at lahat ng kaniyang mga alahas. Sasamsamin nila ang kaniyang kayamanan. “Gagawin [nila] siyang . . . hubad,” anupat kahiya-hiyang ihahantad ang kaniyang tunay na pagkatao. Anong tinding pagkapuksa! Hindi rin magiging marangal ang kaniyang wakas. Wawasakin nila siya, “uubusin ang kaniyang mga kalamnan,” hanggang siya’y maging isang walang-buhay na kalansay. Bilang katapusan, “lubusan [nila] siyang susunugin sa apoy.” Susunugin siya na waring may dalang salot, at hindi siya bibigyan ng marangal na libing! Hindi lamang ang mga bansa, na kinakatawanan ng sampung sungay, ang pupuksa sa dakilang patutot, kundi makikisali rin sa pagdaluhong na ito “ang mabangis na hayop,” samakatuwid nga, ang UN mismo. Sasang-ayunan nito ang pagpuksa sa huwad na relihiyon. Marami na sa mahigit 190 bansang miyembro ng UN ang nagkakaisang nagpahayag ng kanilang pagkayamot sa relihiyon, lalung-lalo na sa Sangkakristiyanuhan.

      18. (a) Anong posibilidad ang nakita na babalingan ng mga bansa ang maka-Babilonyang relihiyon? (b) Ano ang magiging saligang dahilan sa lubusang pagsalakay laban sa dakilang patutot?

      18 Bakit lalapastanganin nang gayon na lamang ng mga bansa ang dati nilang kalaguyo? Nakita natin sa kasaysayan kamakailan ang posibilidad na balingan ang maka-Babilonyang relihiyon. Dahil sa pagsalansang ng pamahalaan, humina nang husto ang impluwensiya ng relihiyon sa mga lupaing gaya ng dating Unyong Sobyet at Tsina. Sa mga Protestanteng bahagi ng Europa, wala nang gaanong nagsisimba dahil sa laganap na kawalang-interes at pag-aalinlangan, anupat halos patay na ang relihiyon. Ang napakalawak na imperyong Katoliko ay nababahagi dahil sa paghihimagsik at di-pagkakasundo, na hindi mapakalma ng kaniyang mga lider. Gayunman, hindi natin dapat kaligtaan na ang pangwakas at lubusang pagsalakay laban sa Babilonyang Dakila ay dumarating bilang kapahayagan ng di-mababagong paghatol ng Diyos laban sa dakilang patutot.

      Pagsasakatuparan sa Kaisipan ng Diyos

      19. (a) Paanong ang paglalapat ng hatol ni Jehova laban sa dakilang patutot ay maihahambing sa kaniyang paghatol sa apostatang Jerusalem noong 607 B.C.E.? (b) Sa ating panahon, ano ang inilalarawan ng tiwangwang na kalagayan ng Jerusalem pagkaraan ng 607 B.C.E.?

      19 Paano ilalapat ni Jehova ang hatol na ito? Maihahambing ito sa ginawa ni Jehova laban sa kaniyang apostatang bayan noong sinaunang panahon, na hinggil sa kanila ay ganito ang kaniyang sinabi: “Sa mga propeta ng Jerusalem ay nakakita ako ng mga kakila-kilabot na bagay, pangangalunya at paglakad sa kabulaanan; at pinalalakas nila ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan upang hindi sila manumbalik, bawat isa mula sa kaniyang sariling kasamaan. Sa akin ay naging tulad silang lahat ng Sodoma, at ang mga tumatahan sa kaniya ay tulad ng Gomorra.” (Jeremias 23:14) Noong 607 B.C.E., ginamit ni Jehova si Nabucodonosor upang ‘hubaran ng kasuutan, kunin ang magagandang kagamitan, at iwang hubad at walang damit’ ang lunsod na iyon na mapangalunya sa espirituwal. (Ezekiel 23:4, 26, 29) Ang Jerusalem nang panahong iyon ay lumalarawan sa Sangkakristiyanuhan ngayon, at gaya ng nakita ni Juan sa naunang mga pangitain, igagawad ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan at sa iba pang bahagi ng huwad na relihiyon ang gayunding kaparusahan. Ang tiwangwang na kalagayan ng Jerusalem pagkaraan ng 607 B.C.E. ay nagpapakita lamang sa magiging kalagayan ng relihiyosong Sangkakristiyanuhan matapos itong hubaran ng kaniyang kayamanan at ilantad sa kahiya-hiyang paraan. At ganito rin ang sasapitin ng ibang bahagi ng Babilonyang Dakila.

      20. (a) Paano ipinakikita ni Juan na muling gagamit si Jehova ng mga tagapamahalang tao sa paglalapat ng hatol? (b) Ano ang “kaisipan” ng Diyos? (c) Sa anong paraan isasakatuparan ng mga bansa ang kanilang “iisang kaisipan,” subalit kaninong kaisipan ang talagang isasakatuparan?

      20 Muling gagamit si Jehova ng mga tagapamahalang tao upang ilapat ang hatol. “Sapagkat inilagay iyon ng Diyos sa kanilang mga puso upang isakatuparan ang kaniyang kaisipan, ang pagsasakatuparan nga ng kanilang iisang kaisipan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang kaharian sa mabangis na hayop, hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos.” (Apocalipsis 17:17) Ano ang “kaisipan” ng Diyos? Tipunin ang mga tagapuksa ng Babilonyang Dakila upang lubusan siyang puksain. Sabihin pa, ang motibo ng mga tagapamahala sa pagsalakay sa kaniya ay isakatuparan ang kanilang “iisang kaisipan.” Aakalain nilang pabor sa kani-kanilang bansa ang pagbaling sa dakilang patutot. Maaaring isipin nilang banta sa kanilang pagkasoberano ang patuloy na pag-iral ng organisadong relihiyon sa loob ng kanilang nasasakupan. Subalit si Jehova ang talagang magmamaniobra sa mga bagay-bagay; isasakatuparan nila ang kaniyang kaisipan sa pamamagitan ng pagpuksa nang minsanan sa kaniyang matagal nang mapangalunyang kaaway!​—Ihambing ang Jeremias 7:8-11, 34.

      21. Yamang gagamitin ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop upang puksain ang Babilonyang Dakila, ano ang maliwanag na gagawin ng mga bansa kung tungkol sa Nagkakaisang mga Bansa?

      21 Oo, gagamitin ng mga bansa ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, ang Nagkakaisang mga Bansa, upang puksain ang Babilonyang Dakila. Hindi sila kumikilos sa ganang kanilang sarili, sapagkat ilalagay ni Jehova sa kanilang puso “ang pagsasakatuparan nga ng kanilang iisang kaisipan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang kaharian sa mabangis na hayop.” Pagdating ng panahon, maliwanag na makikita ng mga bansa ang pangangailangan na patibayin ang Nagkakaisang mga Bansa. Palalakasin nila ito, anupat iuukol dito ang lahat ng kanilang awtoridad at kapangyarihan upang mabalingan nito ang huwad na relihiyon at makipagbaka nang matagumpay laban sa kaniya “hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos.” Sa gayo’y sasapit ang matandang patutot sa kaniyang ganap na katapusan. Mabuti nga’t wala na siya!

      22. (a) Sa Apocalipsis 17:18, ano ang ipinahihiwatig ng anghel sa pagtatapos ng kaniyang patotoo? (b) Paano tumutugon ang mga Saksi ni Jehova sa paglutas sa hiwaga?

      22 Marahil upang idiin ang katiyakan na ilalapat ni Jehova ang hatol sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ganito tinapos ng anghel ang kaniyang patotoo: “At ang babae na iyong nakita ay nangangahulugang ang dakilang lunsod na may kaharian sa mga hari sa lupa.” (Apocalipsis 17:18) Gaya ng Babilonya noong panahon ni Belsasar, ang Babilonyang Dakila ay ‘tinimbang sa timbangan at nasumpungang kulang.’ (Daniel 5:27) Ang kaniyang pagkalipol ay magiging mabilis at lubusan. At paano naman tumutugon ang mga Saksi ni Jehova sa paglutas sa hiwaga hinggil sa dakilang patutot at sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop? Masigasig nilang ipinahahayag ang araw ng paghatol ni Jehova samantalang sinasagot nang “may kagandahang-loob” ang lahat ng taimtim na naghahanap ng katotohanan. (Colosas 4:5, 6; Apocalipsis 17:3, 7) Gaya ng ipakikita ng ating susunod na kabanata, ang lahat ng nagnanais makaligtas kapag pinuksa na ang dakilang patutot ay dapat kumilos agad!

      [Mga larawan sa pahina 252]

      Pagkakasunud-sunod ng Pitong Kapangyarihang Pandaigdig

      EHIPTO

      ASIRYA

      BABILONYA

      MEDO-PERSIA

      GRESYA

      ROMA

      ANGLO-AMERIKA

      [Mga larawan sa pahina 254]

      “Ito rin mismo ay ikawalong hari”

      [Larawan sa pahina 255]

      Itinakwil nila ang Kordero, at “ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at awtoridad sa mabangis na hayop”

      [Larawan sa pahina 257]

      Gaya ng sinaunang Jerusalem, ganap na mawawasak ang Sangkakristiyanuhan bilang pangunahing bahagi ng Babilonyang Dakila

  • Nawasak ang Dakilang Lunsod
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • Kabanata 36

      Nawasak ang Dakilang Lunsod

      Pangitain 12​—Apocalipsis 18:1–19:10

      Paksa: Ang pagbagsak at pagkapuksa ng Babilonyang Dakila; ipinatatalastas ang kasal ng Kordero

      Panahon ng katuparan: Mula 1919 hanggang sa matapos ang malaking kapighatian

      1. Ano ang magiging hudyat ng pagsisimula ng malaking kapighatian?

      BIGLANG-BIGLA, nakagigitla, mapangwasak​—ganito ang magiging wakas ng Babilonyang Dakila! Isa ito sa magiging pinakakapaha-pahamak na pangyayari sa buong kasaysayan, at magiging hudyat ng pagsisimula ng “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.”​—Mateo 24:21.

      2. Bagaman nagsibangon at nagsibagsak ang pulitikal na mga imperyo, anong uri ng imperyo ang nananatili?

      2 Matagal na ring naririto ang huwad na relihiyon. Umiiral na ito mula pa noong panahon ng uhaw-sa-dugong si Nimrod, na sumalansang kay Jehova at nag-udyok sa mga tao na magtayo ng Tore ng Babel. Nang guluhin ni Jehova ang wika ng mga rebeldeng iyon at pangalatin sila sa buong lupa, dala-dala nila ang huwad na relihiyon ng Babilonya. (Genesis 10:8-10; 11:4-9) Mula noon, nagsibangon at nagsibagsak ang pulitikal na mga imperyo, subalit nanatili ang maka-Babilonyang relihiyon. Nagkaroon ito ng iba’t ibang anyo, hanggang sa maging isang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang inihulang Babilonyang Dakila. Ang pinakaprominenteng bahagi nito ay ang Sangkakristiyanuhan, na naitatag dahil sa pagsasanib ng sinaunang maka-Babilonyang mga turo at ng apostatang doktrinang “Kristiyano.” Dahil sa napakahabang kasaysayan ng Babilonyang Dakila, maraming tao ang hindi makapaniwalang mawawasak ito.

      3. Paano tinitiyak ng Apocalipsis ang kapahamakan ng huwad na relihiyon?

      3 Angkop lamang kung gayon na tiyakin ng Apocalipsis ang kapahamakan ng huwad na relihiyon sa pamamagitan ng paglalaan sa atin ng dalawang detalyadong paglalarawan hinggil sa kaniyang pagbagsak at sa kasunod na mga pangyayari na hahantong sa kaniyang lubusang pagkawasak. Nakita na natin siya bilang ang “dakilang patutot” na sa wakas ay winasak ng kaniyang dating mga kalaguyo sa larangan ng pulitika. (Apocalipsis 17:1, 15, 16) Ngayon, sa isa pang karagdagang pangitain, mamamasdan natin siya bilang isang lunsod, ang relihiyosong antitipo ng sinaunang Babilonya.

      Nabuwal ang Babilonyang Dakila

      4. (a) Anong pangitain ang sumunod na nakikita ni Juan? (b) Paano natin makikilala ang anghel, at bakit angkop na siya ang magpatalastas hinggil sa pagbagsak ng Babilonyang Dakila?

      4 Ipinagpapatuloy ni Juan ang ulat, sa pagsasabi sa atin: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakakita ako ng isa pang anghel na bumababa mula sa langit, na may malaking awtoridad; at nagliwanag ang lupa dahil sa kaniyang kaluwalhatian. At sumigaw siya sa malakas na tinig, na sinasabi: ‘Siya ay bumagsak na! Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na.’” (Apocalipsis 18:1, 2a) Ito ang ikalawang pagkakataon na narinig ni Juan ang patalastas na ito ng anghel. (Tingnan ang Apocalipsis 14:8.) Ngunit sa pagkakataong ito, naidiin ang kahalagahan nito dahil sa karingalan ng makalangit na anghel, sapagkat nagliliwanag ang buong lupa dahil sa kaniyang kaluwalhatian! Sino kaya siya? Maraming siglo bago nito, noong nag-uulat si propeta Ezekiel hinggil sa isang makalangit na pangitain, sinabi niya na “ang lupa mismo ay nagliwanag dahil sa kaniyang [kay Jehova] kaluwalhatian.” (Ezekiel 43:2) Ang tanging anghel na maaaring magningning sa kaluwalhatian gaya ni Jehova ay ang Panginoong Jesus, na siyang ‘sinag ng kaluwalhatian ng Diyos at ang eksaktong larawan ng kaniya mismong sarili.’ (Hebreo 1:3) Noong 1914, naging makalangit na Hari si Jesus, at mula noon, ginagamit na niya ang kaniyang awtoridad sa lupa bilang kasamang Hari at Hukom na itinalaga ni Jehova. Kaya nga angkop lamang na siya ang maghayag ng pagbagsak ng Babilonyang Dakila.

      5. (a) Sino ang ginagamit ng anghel upang ibalita ang pagbagsak ng Babilonyang Dakila? (b) Nang magsimula ang paghatol sa mga nag-aangking kabilang sa “bahay ng Diyos,” ano ang nangyari sa Sangkakristiyanuhan?

      5 Sino ang ginagamit ng anghel na may malaking awtoridad upang ihayag ang ganitong kagila-gilalas na balita sa sangkatauhan? Aba, ang mismong mga tao na napalaya dahil sa pagbagsak na iyon, ang mga pinahirang nalabi sa lupa, ang uring Juan. Mula noong 1914 hanggang 1918, naghirap sila nang husto sa kamay ng Babilonyang Dakila, subalit noong 1918, ang Panginoong Jehova at ang kaniyang “mensahero ng [Abrahamikong] tipan,” si Jesu-Kristo, ay nagsimulang humatol sa “bahay ng Diyos,” ang nag-aangking mga Kristiyano. Kaya nilitis ang apostatang Sangkakristiyanuhan. (Malakias 3:1; 1 Pedro 4:17) Ang kaniyang malaking pagkakasala sa dugo noong unang digmaang pandaigdig, ang pakikipagsabuwatan niya sa pag-uusig sa tapat na mga saksi ni Jehova, at ang kaniyang maka-Babilonyang mga turo ay hindi nakatulong sa kaniya sa panahon ng paghatol; ni nagkamit man ng pagsang-ayon ng Diyos ang alinmang ibang bahagi ng Babilonyang Dakila.​—Ihambing ang Isaias 13:1-9.

      6. Bakit masasabing bumagsak na noong 1919 ang Babilonyang Dakila?

      6 Kaya pagsapit ng 1919, bumagsak na ang Babilonyang Dakila, at sa loob ng isang araw, wika nga, nabuksan ang daan upang ang bayan ng Diyos ay makalaya at maisauli sa kanilang lupain ng espirituwal na kasaganaan. (Isaias 66:8) Nang taóng iyon, minaniobra na ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo ang mga bagay-bagay, bilang ang Lalong-Dakilang Dario at ang Lalong-Dakilang Ciro, upang hindi na masupil pa ng huwad na relihiyon ang bayan ni Jehova. Hindi na sila ngayon mapigilan nito sa paglilingkod kay Jehova at sa pagbabalita sa sinumang makikinig na ang tulad-patutot na Babilonyang Dakila ay nahatulan na at ang pagbabangong-puri sa pagkasoberano ni Jehova ay malapit na!​—Isaias 45:1-4; Daniel 5:30, 31.

      7. (a) Bagaman hindi nawasak ang Babilonyang Dakila noong 1919, paano siya minalas ni Jehova? (b) Nang bumagsak ang Babilonyang Dakila noong 1919, ano ang ibinunga nito sa bayan ni Jehova?

      7 Totoo, hindi nawasak ang Babilonyang Dakila noong 1919​—kung paanong hindi nawasak ang sinaunang lunsod ng Babilonya noong 539 B.C.E., nang magapi ito ng mga hukbo ni Ciro na Persiano. Subalit sa pangmalas ni Jehova, bumagsak na ang organisasyong iyon. Nahatulan na siya at malapit nang ilapat ang hatol sa kaniya; kaya hindi na bihag pa ng huwad na relihiyon ang bayan ni Jehova. (Ihambing ang Lucas 9:59, 60.) Pinalaya ang mga ito upang maglingkod bilang tapat at maingat na alipin ng Panginoon at maglaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon. Tumanggap sila ng hatol na “Mahusay” at inatasan na maging abalang muli sa gawain ni Jehova.​—Mateo 24:45-47; 25:21, 23; Gawa 1:8.

      8. Anong pangyayari ang ipinahahayag ng bantay sa Isaias 21:8, 9, at kanino ngayon lumalarawan ang bantay na iyon?

      8 Libu-libong taon na ang nakalilipas, gumamit si Jehova ng iba pang propeta upang ihula ang makasaysayang pangyayaring ito. Bumanggit si Isaias hinggil sa isang bantay na “sumigaw na parang leon: ‘Sa ibabaw ng bantayan, O Jehova, ay palagi akong nakatayo kung araw, at sa aking pinagbabantayan ay nakatanod ako sa lahat ng gabi.’” At anong pangyayari ang nauunawaan ng bantay at ipinahahayag niya nang may tulad-leong katapangan? Ito: “Siya ay bumagsak na! Ang Babilonya ay bumagsak na, at ang lahat ng mga nililok na imahen ng kaniyang mga diyos ay binasag na niya [ni Jehova] sa lupa!” (Isaias 21:8, 9) Ang bantay na ito ay angkop na lumalarawan sa gising na gising na uring Juan sa ngayon, samantalang ginagamit nito ang magasing Bantayan at iba pang teokratikong publikasyon upang malawakang ibalita na bumagsak na ang Babilonya.

      Paghina ng Babilonyang Dakila

      9, 10. (a) Paano humina ang impluwensiya ng maka-Babilonyang relihiyon mula noong Digmaang Pandaigdig I? (b) Paano inilalarawan ng makapangyarihang anghel ang bumagsak na kalagayan ng Babilonyang Dakila?

      9 Ang pagbagsak ng sinaunang Babilonya noong 539 B.C.E. ang pasimula ng unti-unting paghina nito na humantong sa kaniyang pagkawasak. Sa katulad na paraan, mula noong unang digmaang pandaigdig, kapansin-pansin ang paghina ng impluwensiya ng maka-Babilonyang relihiyon sa buong daigdig. Sa Hapon, ipinagbawal ang pagsamba sa emperador sa relihiyong Shinto pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig. Sa Tsina, kontrolado ng pamahalaang Komunista ang lahat ng relihiyosong paghirang at gawain. Sa Protestanteng hilagang Europa, ang karamihan sa mga tao ay wala nang interes sa relihiyon. At kamakailan lamang, humina ang Simbahang Romano Katoliko dahil sa mga pagkakabaha-bahagi at di-pagkakasundo sa gitna mismo ng kanilang nasasakupan sa buong daigdig.​—Ihambing ang Marcos 3:24-26.

      10 Ang lahat ng pangyayaring ito ay walang-pagsalang bahagi ng ‘pagkatuyo ng ilog ng Eufrates’ bilang paghahanda sa dumarating na pagsalakay ng militar sa Babilonyang Dakila. Maaaninaw rin ang ‘pagkatuyong’ ito sa patalastas ng papa noong Oktubre 1986 na ang simbahan ay tiyak na “mamumulubing muli”​—dahil sa napakalaking pagkakautang nito. (Apocalipsis 16:12) Partikular na mula noong 1919, ang Babilonyang Dakila ay nalantad sa paningin ng madla bilang isang espirituwal na ilang, gaya ng ipinatatalastas ngayon ng makapangyarihang anghel: “At siya ay naging tahanang dako ng mga demonyo at kublihang dako ng bawat maruming hininga at kublihang dako ng bawat marumi at kinapopootang ibon!” (Apocalipsis 18:2b) Malapit na siyang maging literal na ilang, wasak gaya ng mga kagibaan ng Babilonya sa makabagong Iraq.​—Tingnan din ang Jeremias 50:25-28.

      11. Sa anong diwa naging “tahanang dako ng mga demonyo” at ‘kublihang dako ng bawat maruming hininga at ng maruruming ibon’ ang Babilonyang Dakila?

      11 Ang salitang “demonyo” na ginagamit dito ay malamang na nakakatulad ng salitang “hugis-kambing na mga demonyo” (se‘i·rimʹ) na masusumpungan sa paglalarawan ni Isaias hinggil sa bumagsak na Babilonya: “At doon ay tiyak na hihiga ang mga namamalagi sa mga pook na walang tubig, at ang kanilang mga bahay ay mapupuno ng mga kuwagong agila. At doon tatahan ang mga avestruz, at ang hugis-kambing na mga demonyo ay magpapaluksu-lukso roon.” (Isaias 13:21) Maaaring hindi ito tumutukoy sa literal na mga demonyo kundi sa mabalahibong mga hayop na naninirahan sa disyerto at mukhang mga demonyo sa tingin ng mga nagmamasid. Sa mga kagibaan ng Babilonyang Dakila, ang makasagisag na pag-iral ng ganitong mga hayop, pati na ng mabaho at nakalalasong hangin (“maruming hininga”) at ng maruruming ibon ay lumalarawan sa kaniyang patay na kalagayan sa espirituwal. Wala siyang maibibigay na anumang pag-asang buhay para sa sangkatauhan.​—Ihambing ang Efeso 2:1, 2.

      12. Paano nakakatulad ng hula ni Jeremias sa kabanata 50 ang kalagayan ng Babilonyang Dakila?

      12 Ang kalagayan niya ay katulad na katulad ng hula ni Jeremias: “‘May tabak laban sa mga Caldeo,’ ang sabi ni Jehova, ‘at laban sa mga tumatahan sa Babilonya at laban sa kaniyang mga prinsipe at laban sa kaniyang marurunong. . . . Isang kagibaan ang sumasakaniyang tubig, at ito ay tutuyuin. Sapagkat iyon ay lupain ng mga nililok na imahen, at dahil sa kanilang nakatatakot na mga pangitain ay gumagawi sila na parang baliw. Kaya ang mga namamalagi sa mga pook na walang tubig ay tatahang kasama ng mga hayop na nagpapalahaw, at tatahanan siya ng mga avestruz; at hindi na siya kailanman tatahanan, ni mananahanan man siya sa sali’t salinlahi.’” Ang idolatriya at pag-usal ng paulit-ulit na mga panalangin ay hindi makapagliligtas sa Babilonyang Dakila mula sa paghihiganti na kahalintulad ng pagpapabagsak ng Diyos sa Sodoma at Gomorra.​—Jeremias 50:35-40.

      Alak ng Galit

      13. (a) Paano itinatawag-pansin ng makapangyarihang anghel ang lawak ng pagpapatutot ng Babilonyang Dakila? (b) Anong imoralidad na laganap noon sa sinaunang Babilonya ang masusumpungan din sa Babilonyang Dakila?

      13 Itinatawag-pansin naman ngayon ng makapangyarihang anghel ang lawak ng pagpapatutot ng Babilonyang Dakila, sa pagsasabing: “Sapagkat dahil sa alak ng galit ng kaniyang pakikiapida ang lahat ng mga bansa ay bumagsak, at ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kaniya, at ang mga naglalakbay na mangangalakal sa lupa ay yumaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang walang-kahihiyang karangyaan.” (Apocalipsis 18:3) Tinuruan niya ang lahat ng bansa ng kaniyang maruruming relihiyosong gawain. Sa sinaunang Babilonya, ayon sa Griegong istoryador na si Herodotus, bawat babae ay obligadong magpatutot sa pagsamba sa templo minsan sa kaniyang buhay. Ang nakasusuklam na seksuwal na imoralidad ay makikita hanggang sa mga panahong ito sa mga rebultong napinsala ng digmaan sa Angkor Wat sa Kampuchea at sa mga templo sa Khajuraho, India, kung saan ang diyos ng Hindu na si Vishnu ay makikitang napaliligiran ng nakaririmarim at mahahalay na tagpo. Sa Estados Unidos, ang pagbubunyag sa imoralidad na yumanig sa mga ebanghelisador sa TV noong 1987, at muli noong 1988, pati na ang paglalantad sa laganap na homoseksuwalidad ng mga ministro ng relihiyon, ay nagpapakita na kinukunsinti maging ng Sangkakristiyanuhan ang nakagigimbal at labis-labis na literal na pakikiapid. Subalit nabiktima ng isa pang mas malubhang uri ng pakikiapid ang lahat ng bansa.

      14-16. (a) Anong bawal na ugnayan ng relihiyon at pulitika ang nabuo sa Pasistang Italya? (b) Nang salakayin ng Italya ang Abyssinia, ano ang sinabi ng mga obispo ng Simbahang Romano Katoliko?

      14 Narepaso na natin ang bawal na ugnayan ng relihiyon at pulitika na mabilis na nagluklok kay Hitler sa kapangyarihan sa Alemanya sa ilalim ng Nazi. Nagdusa rin ang iba pang bansa dahil sa pakikialam ng relihiyon sa sekular na mga gawain. Halimbawa: Sa Pasistang Italya, nilagdaan nina Mussolini at Kardinal Gasparri noong Pebrero 11, 1929 ang Lateran Treaty upang maging soberanong estado ang Vatican City. Inangkin ni Pope Pius XI na kaniya nang “isinauli ang Italya sa Diyos, at ang Diyos naman sa Italya.” Gayon nga ba? Isaalang-alang ang nangyari pagkaraan ng anim na taon. Noong Oktubre 3, 1935, sinalakay ng Italya ang Abyssinia, anupat sinasabing “lupain [iyon] ng mga barbaro na nagpapahintulot pa rin sa pang-aalipin.” Sino ba talaga ang gumawing tulad ng barbaro? Kinondena ba ng Simbahang Katoliko ang pagiging barbaro ni Mussolini? Hindi malinaw ang mga komento ng papa, subalit tahasan naman ang kaniyang mga obispo sa pagbasbas sa hukbong sandatahan ng kanilang Italyanong “bayang-tinubuan.” Sa aklat na The Vatican in the Age of the Dictators, ganito ang iniulat ni Anthony Rhodes:

      15 “Sa kaniyang Liham-Pastoral noong ika-19 ng Oktubre [1935], sumulat ang Obispo ng Udine [Italya], ‘Hindi napapanahon at hindi naaangkop para sa atin na sabihin kung ano ang tama at mali sa kasong ito. Ang tungkulin natin bilang mga Italyano, at lalo’t higit bilang mga Kristiyano ay tumulong sa ikatatagumpay ng ating hukbo.’ Ganito ang isinulat ng Obispo ng Padua noong ika-21 ng Oktubre, ‘Sa mga oras na ito ng kagipitan na pinagdaraanan natin, nananawagan kami sa inyo na manampalataya sa ating mga estadista at hukbong sandatahan.’ Noong ika-24 ng Oktubre, binasbasan ng Obispo ng Cremona ang mga watawat ng rehimyento at nagsabi: ‘Pagpalain nawa ng Diyos ang mga kawal na ito na, sa lupain ng Aprika, ay sasakop sa bago at mabungang lupain para sa mga henyo ng Italya, upang dalhin sa mga ito ang kulturang Romano at Kristiyano. Muli nawang manaig ang Italya bilang gurong Kristiyano para sa buong daigdig.’”

      16 Sa basbas ng Romano Katolikong klero, winasak ang Abyssinia. Masasabi ba ng mga ito sa paanuman na gaya sila ni apostol Pablo na “malinis sa dugo ng lahat ng tao”?​—Gawa 20:26.

      17. Paano nagdusa ang Espanya dahil sa pagkabigo ng kaniyang klero na ‘pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’?

      17 Bukod sa Alemanya, Italya, at Abyssinia, isa pang bansa ang naging biktima ng pakikiapid ng Babilonyang Dakila​—ang Espanya. Isa sa mga dahilan ng pagsiklab ng Gera Sibil noong 1936-39 sa lupaing ito ay ang mga hakbang na ginawa ng demokratikong pamahalaan upang bawasan ang napakalaking kapangyarihan ng Simbahang Romano Katoliko. Habang nagpapatuloy ang digmaan, tinawag ni Franco, lider ng rebolusyonaryong hukbo ng Katolikong Pasista, ang kaniyang sarili bilang “Kristiyanong Punong Kumandante ng Banal na Krusada,” isang titulo na binitiwan niya nang maglaon. Daan-daang libong Kastila ang namatay sa labanan. Bukod dito, ayon sa isang katamtamang pagtaya, ang mga Nasyonalista ni Franco ay pumatay ng 40,000 miyembro ng Popular Front, samantalang ang huling nabanggit ay pumatay naman ng 8,000 klerigo​—mga monghe, pari, madre, at mga nobisya. Gayon na lamang ang naging lagim at trahedya ng gera sibil, anupat naidiin na isang katalinuhang makinig sa mga salita ni Jesus: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:52) Nakasusuklam nga na nasangkot ang Sangkakristiyanuhan sa gayong lansakang pagbububo ng dugo! Talagang bigo ang kaniyang klero na ‘pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’!​—Isaias 2:4.

      Ang mga Naglalakbay na Mangangalakal

      18. Sino ang “mga naglalakbay na mangangalakal sa lupa”?

      18 Sino ang “mga naglalakbay na mangangalakal sa lupa”? Walang alinlangan na tinatawag natin sila ngayong mga negosyante, mga higante ng komersiyo, mga tusong mamumuhunan sa malalaking negosyo. Hindi ibig sabihin nito na maling masangkot sa legal na negosyo. Ang Bibliya ay naglalaan ng matalinong payo para sa mga negosyante, at nagbababala laban sa pandaraya, kasakiman, at mga tulad nito. (Kawikaan 11:1; Zacarias 7:9, 10; Santiago 5:1-5) May higit na kapakinabangan sa “makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili.” (1 Timoteo 6:6, 17-19) Gayunman, hindi sumusunod sa matuwid na mga simulain ang sanlibutan ni Satanas. Laganap ang katiwalian. Masusumpungan ito sa relihiyon, sa pulitika​—at sa malalaking negosyo. Sa pana-panahon, inilalantad ng media ang mga iskandalo, gaya ng pangungurakot ng matataas na opisyal ng gobyerno at ilegal na kalakalan ng mga armas.

      19. Anong katotohanan tungkol sa ekonomiya ng daigdig ang nagpapakita kung bakit negatibo ang paglalarawan ng Apocalipsis sa mga mangangalakal sa lupa?

      19 Ang internasyonal na kalakalan ng armas ay humigit na sa $1,000,000,000,000 bawat taon, samantalang daan-daang milyon katao ang napagkakaitan ng pangunahing mga pangangailangan sa buhay. Talagang nakapanlulumo. Pero lumilitaw na isang pangunahing sandigan ng ekonomiya ng daigdig ang mga sandata. Noong Abril 11, 1987, ganito ang iniulat ng isang artikulo sa Spectator ng London: “Kung ang bibilangin lamang ay ang mga industriyang tuwirang nauugnay rito, nasasangkot ang humigit-kumulang 400,000 trabaho sa [Estados Unidos] at 750,000 naman sa Europa. Subalit ang nakapagtataka, habang lumalaki ang papel ng paggawa ng mga armas sa lipunan at ekonomiya, naipagwawalang-bahala naman ang aktuwal na isyu kung sapat bang napoprotektahan ang mga tagagawa ng sandata.” Malaki ang kinikita kapag ikinakalakal ang mga bomba at iba pang sandata sa iba’t ibang panig ng lupa, maging sa potensiyal na mga kaaway. Balang-araw, baka ang mga bomba ring iyon ang tumupok at pumuksa sa mga nagbebenta nito. Kaylaking kabalintunaan! Nariyan din ang katiwalian sa industriya ng armas. Sa Estados Unidos lamang, ayon sa Spectator, “hindi maipaliwanag kung bakit nalulugi taun-taon ng $900-milyong halaga ng armas at kagamitan ang Pentagon.” Hindi kataka-takang negatibo ang paglalarawan ng Apocalipsis sa mga mangangalakal sa lupa!

      20. Anong halimbawa ang nagpapakita na sangkot ang relihiyon sa tiwaling mga gawain sa negosyo?

      20 Gaya ng inihula ng maluwalhating anghel, lubhang nasangkot sa gayong tiwaling mga gawain sa negosyo ang relihiyon. Halimbawa, nariyan ang pagkakasangkot ng Vatican sa pagbagsak ng Banco Ambrosiano ng Italya noong 1982. Nagpatuloy ang kaso sa loob ng dekada ng 1980, at hindi pa rin nasasagot ang katanungang ito: Saan napunta ang pera? Noong Pebrero 1987, ang mga mahistrado sa Milan ay nagpalabas ng mga mandamiyento de aresto para sa tatlong klerigo ng Vatican, kasama na ang isang arsobispong Amerikano, sa paratang na mga kasabuwat sila sa maanomalyang pagkabangkarote, subalit hindi pumayag ang Vatican sa kahilingan ukol sa ekstradisyon. Noong Hulyo 1987, sa kabila ng maingay na pagpoprotesta, ang mga mandamiyento ay pinawalang-bisa ng pinakamataas na Korte ng mga Apelasyon sa Italya batay sa isang matagal nang tratado sa pagitan ng Vatican at ng pamahalaan ng Italya.

      21. Paano natin nalaman na hindi nasangkot si Jesus sa kuwestiyunableng mga gawain sa negosyo noong kaniyang panahon, subalit ano ang nakikita natin ngayon sa maka-Babilonyang relihiyon?

      21 Nasangkot ba si Jesus sa kuwestiyunableng mga gawain sa negosyo noong panahon niya? Hindi. Wala siyang anumang ari-arian, sapagkat ‘wala nga siyang dakong mahihigan ng kaniyang ulo.’ Pinayuhan ni Jesus ang isang mayaman at kabataang tagapamahala: “Ipagbili mo ang lahat ng mga bagay na taglay mo at ipamahagi mo sa mga taong dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; at halika maging tagasunod kita.” Napakainam na payo ito, sapagkat wala na siyang magiging mga kabalisahan sa pagnenegosyo kung gagawin niya ito. (Lucas 9:58; 18:22) Sa kabaligtaran, madalas na may kuwestiyunableng mga koneksiyon sa malalaking negosyo ang maka-Babilonyang relihiyon. Halimbawa, iniulat ng Albany Times Union noong 1987 na inamin ng pinansiyal na administrador ng Katolikong artsidiyosesis ng Miami, Florida, E.U.A., na ang simbahan ay kasosyo ng mga kompanya na gumagawa ng mga sandatang nuklear, mararahas at malalaswang pelikula, at mga sigarilyo.

      “Lumabas Kayo sa Kaniya, Bayan Ko”

      22. (a) Ano ang sinasabi ng isang tinig mula sa langit? (b) Bakit nagsaya ang bayan ng Diyos noong 537 B.C.E. at noong 1919 C.E.?

      22 Ang susunod na mga pananalita ni Juan ay tumutukoy sa higit pang katuparan ng sunud-sunod na hula: “At narinig ko ang isa pang tinig mula sa langit na nagsabi: ‘Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.’” (Apocalipsis 18:4) Ang mga hula hinggil sa pagbagsak ng sinaunang Babilonya sa Hebreong Kasulatan ay may kalakip ding utos mula kay Jehova para sa kaniyang bayan: “Tumakas kayo mula sa gitna ng Babilonya.” (Jeremias 50:8, 13) Ang bayan ng Diyos ay hinihimok din ngayon na tumakas yamang nalalapit na ang pagkawasak ng Babilonyang Dakila. Noong 537 B.C.E., nagsaya nang husto ang tapat na mga Israelita dahil sa pagkakataong makatakas mula sa Babilonya. Sa katulad na paraan, nagsaya ang bayan ng Diyos nang mapalaya sila sa maka-Babilonyang pagkabihag noong 1919. (Apocalipsis 11:11, 12) At mula noon, milyun-milyong iba pa ang tumalima sa utos na tumakas.

      23. Paano idiniriin ng tinig mula sa langit ang pagkaapurahan ng pagtakas mula sa Babilonyang Dakila?

      23 Talaga bang gayon na lamang kaapurahan ang tumakas mula sa Babilonyang Dakila, tumiwalag sa mga relihiyon ng sanlibutan at lubusang humiwalay rito? Ganoon nga, sapagkat dapat nating isaalang-alang ang pangmalas ng Diyos sa matanda nang relihiyosong dambuhalang ito, ang Babilonyang Dakila. Tahasan niyang tinukoy ito na dakilang patutot. Kaya ngayon, karagdagan pang impormasyon tungkol sa patutot ang ipinababatid kay Juan ng tinig mula sa langit: “Sapagkat ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong hanggang sa langit, at inalaala ng Diyos ang kaniyang walang-katarungang mga gawa. Ibigay ninyo sa kaniya ang gaya rin ng kaniya mismong ibinigay, at gawin ninyo sa kaniya nang makalawang ulit pa, oo, makalawang dami ng mga bagay na ginawa niya; sa kopa na pinaglagyan niya ng halo ay maglagay kayo ng makalawang ulit pa ng halo para sa kaniya. Kung gaano niya niluwalhati ang kaniyang sarili at namuhay sa walang-kahihiyang karangyaan, sa gayunding paraan ay bigyan ninyo siya ng pahirap at pagdadalamhati. Sapagkat sa kaniyang puso ay patuloy niyang sinasabi, ‘Ako ay nakaupong isang reyna, at hindi ako balo, at hindi ko kailanman makikita ang pagdadalamhati.’ Iyan ang dahilan kung bakit sa isang araw ay darating ang kaniyang mga salot, kamatayan at pagdadalamhati at taggutom, at lubusan siyang susunugin sa apoy, sapagkat ang Diyos na Jehova, na humatol sa kaniya, ay malakas.”​—Apocalipsis 18:5-8.

      24. (a) Dapat tumakas ang bayan ng Diyos mula sa Babilonyang Dakila upang maiwasan ang ano? (b) Ang mga hindi tatakas mula sa Babilonyang Dakila ay mapaparamay sa kaniya sa anong mga kasalanan?

      24 Napakatinding pananalita! Kaya kailangan ang pagkilos. Hinimok ni Jeremias ang mga Israelita noong kaniyang panahon na kumilos, at nagsabi: “Tumakas kayo mula sa gitna ng Babilonya, . . . sapagkat ito ang panahon ng paghihiganti ni Jehova. Mayroon siyang pakikitungo na iginaganti rito. Lumabas kayo mula sa gitna niya, O bayan ko, at bawat isa ay maglaan ng pagtakas para sa kaniyang kaluluwa mula sa nag-aapoy na galit ni Jehova.” (Jeremias 51:6, 45) Sa katulad na paraan, ang tinig mula sa langit ay nagbababala ngayon sa bayan ng Diyos na tumakas mula sa Babilonyang Dakila upang huwag tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot. Ipinahahayag na ngayon ang tulad-salot na mga kahatulan ni Jehova laban sa sanlibutang ito, kasali na ang Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 8:1–9:21; 16:1-21) Dapat ihiwalay ng bayan ng Diyos ang kanilang sarili mula sa huwad na relihiyon kung hindi nila gustong danasin ang mga salot na ito at mamatay na kasama niya sa dakong huli. Bukod dito, kung mananatili sila sa loob ng organisasyong iyon, mapaparamay sila sa kaniyang mga kasalanan. Gaya niya, magkakasala rin sila ng espirituwal na pangangalunya at pagbububo ng dugo “ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.”​—Apocalipsis 18:24; ihambing ang Efeso 5:11; 1 Timoteo 5:22.

      25. Sa anu-anong paraan lumabas ang bayan ng Diyos mula sa sinaunang Babilonya?

      25 Gayunman, paano nga ba makalalabas ang bayan ng Diyos mula sa Babilonyang Dakila? Sa kalagayan ng sinaunang Babilonya, kinailangang aktuwal na maglakbay ang mga Judio mula sa lunsod ng Babilonya pabalik sa Lupang Pangako. Subalit hindi lamang iyan. Sa makahulang paraan ay sinabi ni Isaias sa mga Israelita: “Lumayo kayo, lumayo kayo, lumabas kayo riyan, huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi; lumabas kayo mula sa gitna niya, manatili kayong malinis, kayong mga nagdadala ng mga kagamitan ni Jehova.” (Isaias 52:11) Oo, dapat nilang talikdan ang lahat ng maruruming gawain ng maka-Babilonyang relihiyon na maaaring magparumi sa kanilang pagsamba kay Jehova.

      26. Paano sinunod ng mga Kristiyano sa Corinto ang mga salitang ‘Lumabas kayo mula sa kanila at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay’?

      26 Sinipi ni apostol Pablo ang mga salita ni Isaias nang lumiham siya sa mga taga-Corinto, at nagsabi: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman? . . . ‘Kaya nga lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay.’” Hindi naman kinailangan ng mga Kristiyano sa Corinto na lisanin ang Corinto upang masunod ang utos na ito. Gayunman, kinailangan nilang literal na iwasan ang maruruming templo ng huwad na relihiyon, at ihiwalay rin ang kanilang sarili sa espirituwal na paraan mula sa maruruming gawain ng mga mananambang iyon sa diyus-diyosan. Noong 1919, ang bayan ng Diyos ay nagsimulang tumakas mula sa Babilonyang Dakila sa ganitong paraan, anupat nililinis ang kanilang sarili mula sa anumang natitirang maruruming turo o kaugalian. Kaya makapaglilingkod sila sa kaniya bilang kaniyang dinalisay na bayan.​—2 Corinto 6:14-17; 1 Juan 3:3.

      27. Anu-ano ang mga pagkakatulad ng paghatol sa sinaunang Babilonya at sa Babilonyang Dakila?

      27 Ang pagbagsak at pagkatiwangwang nang maglaon ng sinaunang Babilonya ay parusa sa kaniyang mga kasalanan. “Sapagkat umabot hanggang sa langit ang kaniyang kahatulan.” (Jeremias 51:9) Ang mga kasalanan ng Babilonyang Dakila ay “umabot [din] hanggang sa langit,” anupat umabot na ito sa pansin mismo ni Jehova. Nagkakasala siya ng kawalang-katarungan, idolatriya, imoralidad, paniniil, pagnanakaw, at pagpaslang. Sa isang antas, ang pagbagsak ng sinaunang Babilonya ay kagantihan sa ginawa niya sa templo ni Jehova at sa kaniyang tunay na mga mananamba. (Jeremias 50:8, 14; 51:11, 35, 36) Ang pagbagsak ng Babilonyang Dakila at ang kaniyang pagkapuksa sa dakong huli ay mga kapahayagan din ng paghihiganti dahil sa ginawa niya sa tunay na mga mananamba sa nakalipas na mga siglo. Ang kaniyang pangwakas na pagkapuksa ay tunay ngang pasimula ng “araw ng paghihiganti ng ating Diyos.”​—Isaias 34:8-10; 61:2; Jeremias 50:28.

      28. Ano ang magiging pamantayan ng katarungan ni Jehova para sa Babilonyang Dakila, at bakit?

      28 Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kapag ninakawan ng isang Israelita ang kaniyang kababayan, di-kukulanging doble ng ninakaw niya ang ibabalik niya. (Exodo 22:1, 4, 7, 9) Sa dumarating na pagkapuksa ng Babilonyang Dakila, ito rin ang magiging pamantayan ng katarungan ni Jehova. Gagantihan siya nang makalawang ulit sa kaniyang ginawa. Hindi pagpapakitaan ng awa ang Babilonyang Dakila sapagkat hindi rin siya nagpakita ng awa sa kaniyang mga biktima. Pinagsamantalahan niya ang mga tao sa lupa upang tustusan ang kaniyang “walang-kahihiyang karangyaan.” Siya naman ngayon ang magdurusa at magdadalamhati. Inakala ng sinaunang Babilonya na ligtas na ligtas siya, at naghambog: “Hindi ako uupo bilang balo, at hindi ko mararanasan ang pagkawala ng mga anak.” (Isaias 47:8, 9, 11) Inaakala rin ng Babilonyang Dakila na ligtas siya. Subalit ang kaniyang pagkapuksa, na iniutos ni Jehova na “malakas,” ay mabilis na mangyayari, na waring sa “isang araw” lamang!

      [Talababa]

      a Talababa sa New World Translation Reference Bible.

      [Kahon sa pahina 263]

      “Ang mga Hari . . . ay Nakiapid sa Kaniya”

      Noong unang mga taon ng ika-19 na siglo, bultu-bultong opyo ang ipinupuslit ng mga negosyanteng Europeo tungo sa Tsina. Noong Marso 1839, sinikap sugpuin ng mga opisyal na Tsino ang ilegal na kalakalan at sinamsam ang 20,000 kahon ng drogang ito mula sa mga negosyanteng taga-Britanya. Naging dahilan ito ng igtingan sa pagitan ng Britanya at ng Tsina. Nang sumasamâ na ang ugnayan ng dalawang bansa, hinimok ng ilang misyonerong Protestante ang Britanya na makipagdigma, sa pamamagitan ng ganitong mga pangungusap:

      “Ikinagagalak ng aking puso ang mga suliraning ito, sapagkat sa palagay ko’y gagalitin nito ang pamahalaan ng Inglatera, at maaaring alisin na ng Diyos, sa pamamagitan ng Kaniyang kapangyarihan, ang mga hadlang sa pagpasok ng ebanghelyo ni Kristo sa Tsina.”​—Henrietta Shuck, misyonerong Southern Baptist.

      Nang dakong huli, sumiklab ang digmaan​—ang digmaan na kilala ngayon bilang Digmaan ng Opyo. Buong-pusong pinasigla ng mga misyonero ang Britanya sa ganitong mga komento:

      “Napipilitan akong muni-munihin ang kasalukuyang takbo ng mga pangyayari hindi lamang bilang isang suliranin na nagsasangkot ng opyo o ng mga taga-Britanya, kundi bilang isang magaling na pamamaraan ng Maykapal na gamitin ang kabalakyutan ng tao upang matupad ang Kaniyang mga layuning magpakita ng awa sa Tsina sa pamamagitan ng pagbutas sa pader na nagbubukod sa kaniya.”​—Peter Parker, misyonerong Congregationalist.

      Isa pang misyonerong Congregationalist, si Samuel W. Williams, ang nagsabi: “Malinaw na minaniobra ng Diyos ang lahat ng nangyari sa kapansin- pansing paraan, at hindi tayo nag-aalinlangan na Siyang nagsabi na Siya’y dumating upang magdala ng tabak sa lupa ay naririto na nga upang mabilis na lipulin ang Kaniyang mga kaaway at itatag ang Kaniyang sariling kaharian. Magtitiwarik at magtitiwarik Siya hanggang sa mailuklok Niya ang Prinsipe ng Kapayapaan.”

      Tungkol sa kakila-kilabot na pagpatay sa mga mamamayang Tsino, isinulat ng misyonerong si J. Lewis Shuck: “Ang ganitong mga eksena ay itinuturing kong . . . tuwirang pamamaraan ng Panginoon upang palisin ang sukal na humahadlang sa pagsulong ng Banal na Katotohanan.”

      Idinagdag pa ng misyonerong Congregationalist na si Elijah C. Bridgman: “Malimit gamitin ng Diyos ang kamay na bakal ng kapangyarihang sibil upang ihanda ang daan ukol sa Kaniyang kaharian . . . Ang ahensiyang ginamit sa napakahalagang mga sandaling ito ay ang tao; at ang kapangyarihang umuugit ay mula sa Diyos. Ginamit ng mataas na gobernador ng lahat ng bansa ang Inglatera upang parusahan at payukuin ang Tsina.”​—Pagsipi mula sa “Ends and Means,” 1974, sanaysay ni Stuart Creighton Miller na inilathala sa The Missionary Enterprise in China and America (Pananaliksik ng Harvard na inedit ni John K. Fairbank).

      [Kahon sa pahina 264]

      ‘Yumaman ang mga Naglalakbay na Mangangalakal’

      “Sa pagitan ng 1929 at ng pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II, ginamit ni [Bernadino] Nogara [pinansiyal na administrador ng Vatican] ang pondo ng Vatican at mga ahente ng Vatican sa iba’t ibang pitak ng ekonomiya ng Italya​—partikular na sa planta ng kuryente, komunikasyon sa telepono, pagpapautang at pagbabangko, maliliit na perokaril, at sa paggawa ng mga kagamitang pang-agrikultura, semento, at artipisyal na mga hibla ng tela. Marami sa mga negosyong ito ang kumita nang malaki.

      “Sinamsam ni Nogara ang ilang kompanya kasali na ang La Società Italiana della Viscosa, La Supertessile, La Società Meridionale Industrie Tessili, at La Cisaraion. Pinagsanib ni Nogara ang lahat ng ito sa iisang kompanya, na pinanganlan niyang CISA-Viscosa at pinamahala rito si Baron Francesco Maria Oddasso, isa sa lubhang pinagkakatiwalaang hermano sa Vatican, saka niya minaniobra ang pagsasanib ng bagong kompanya sa pinakamalaking pabrika ng tela sa Italya, ang SNIA-Viscosa. Nang maglaon, lumaki nang lumaki ang sosyo ng Vatican sa SNIA-Viscosa, at di-nagtagal ang Vatican na ang namahala rito​—at ang patotoo ay ang pagiging bise-presidente nang maglaon ni Baron Oddasso.

      “Sa ganitong paraan pinasok ni Nogara ang industriya ng tela. Sapagkat maraming alam na pasikut-sikot si Nogara, pinasok din niya ang ibang industriya sa iba namang paraan. Malamang na mas malaki ang nagawa ng . . . di-makasariling taong ito upang bigyang-buhay ang ekonomiya ng Italya kaysa kaninupamang indibiduwal na negosyante sa kasaysayan ng Italya . . . Hindi lubusang nakamit ni Benito Mussolini ang imperyo na pinangarap niya, subalit natulungan niya ang Vatican at si Bernadino Nogara na makalikha ng naiibang uri ng pamamahala.”​—The Vatican Empire, ni Nino Lo Bello, pahina 71-3.

      Isa lamang itong halimbawa ng matalik na pagtutulungan ng mga mangangalakal sa lupa at ng Babilonyang Dakila. Hindi kataka- takang magdalamhati ang mga negosyanteng ito kapag nawala na ang kanilang kasosyo sa negosyo!

      [Larawan sa pahina 259]

      Nang mangalat ang mga tao sa buong lupa, dala-dala nila ang maka-Babilonyang relihiyon

      [Mga larawan sa pahina 261]

      Gaya ng isang bantay, inihahayag ng uring Juan na bumagsak na ang Babilonya

      [Larawan sa pahina 266]

      Ang mga kagibaan ng sinaunang Babilonya ay lumalarawan sa nalalapit na pagkawasak ng Babilonyang Dakila

  • Pagdadalamhati at Pagsasaya sa Katapusan ng Babilonya
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • Kabanata 37

      Pagdadalamhati at Pagsasaya sa Katapusan ng Babilonya

      1. Ano ang magiging reaksiyon ng “mga hari sa lupa” sa biglang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila?

      MABUTING balita para sa bayan ni Jehova ang katapusan ng Babilonya, subalit ano ang pananaw rito ng mga bansa? Sinasabi sa atin ni Juan: “At ang mga hari sa lupa na nakiapid sa kaniya at namuhay sa walang-kahihiyang karangyaan ay tatangis at dadagukan ang kanilang sarili sa pamimighati dahil sa kaniya, kapag nakita nila ang usok na mula sa pagsunog sa kaniya, habang nakatayo sila sa malayo dahil sa kanilang takot sa pahirap sa kaniya at nagsasabi, ‘Sa aba, sa aba, ikaw na dakilang lunsod, Babilonya ikaw na matibay na lunsod, sapagkat sa isang oras ay dumating ang paghatol sa iyo!’”​—Apocalipsis 18:9, 10.

      2. (a) Yamang ang makasagisag na sampung sungay ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop ang pupuksa sa Babilonyang Dakila, bakit namimighati ang “mga hari sa lupa” sa kaniyang katapusan? (b) Bakit nakatayong malayo mula sa nawasak na lunsod ang namimighating mga hari?

      2 Yamang ang makasagisag na sampung sungay ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop ang pumuksa sa Babilonya, waring kataka-taka ang reaksiyon ng mga bansa. (Apocalipsis 17:16) Subalit kapag wala na ang Babilonya, maliwanag na matatalos ng “mga hari sa lupa” kung gaano kalaki ang naitulong niya upang payapain ang mga tao at gawing mapagpasakop sa kanila. Ang klero ang nagbasbas sa mga digmaan, naging ahensiya sa pangangalap ng bagong mga sundalo, at humimok sa mga kabataan na sumabak sa digmaan. Ang relihiyon ay nagsilbing tabing ng kabanalan na pinagkublihan ng tiwaling mga tagapamahala habang sinisiil ang pangkaraniwang mga tao. (Ihambing ang Jeremias 5:30, 31; Mateo 23:27, 28.) Subalit pansinin na nakatayong malayo sa nawasak na lunsod ang namimighating mga haring ito. Ayaw nilang lumapit upang tulungan siya. Nalulungkot sila sa kaniyang pagpanaw subalit hindi nila handang isapanganib ang kanilang sarili alang-alang sa kaniya.

      Tatangis at Magdadalamhati ang mga Mangangalakal

      3. Sino pa ang nanghihinayang sa pagpanaw ng Babilonyang Dakila, at anu-anong dahilan ang ibinibigay ni Juan tungkol dito?

      3 Hindi lamang mga hari sa lupa ang nanghihinayang sa pagpanaw ng Babilonyang Dakila. “Gayundin, ang mga naglalakbay na mangangalakal sa lupa ay tumatangis at nagdadalamhati sa kaniya, sapagkat wala nang bibili pa ng kanilang maraming paninda, maraming paninda na ginto at pilak at mahalagang bato at mga perlas at mainam na lino at purpura at seda at iskarlata; at lahat ng bagay na yari sa mabangong kahoy at bawat uri ng kasangkapang garing at bawat uri ng kasangkapang yari sa napakahalagang kahoy at sa tanso at sa bakal at sa marmol; gayundin ang kanela at espesya mula sa India at insenso at mabangong langis at olibano at alak at langis ng olibo at mainam na harina at trigo at mga baka at mga tupa, at mga kabayo at mga karwahe at mga alipin at mga kaluluwang tao. Oo, ang mainam na bunga na ninasa ng iyong kaluluwa ay lumisan na mula sa iyo [Babilonyang Dakila], at ang lahat ng maririkit na bagay at maririlag na bagay ay nalipol na mula sa iyo, at ang mga iyon ay hindi na muling masusumpungan pa ng mga tao.”​—Apocalipsis 18:11-14.

      4. Bakit tumatangis at nagdadalamhati ang “mga naglalakbay na mangangalakal” sa katapusan ng Babilonyang Dakila?

      4 Oo, ang Babilonyang Dakila ay suki at matalik na kaibigan ng mayayamang negosyante. Halimbawa, sa nakalipas na mga siglo, ang mga monasteryo, kumbento, at mga simbahan sa Sangkakristiyanuhan ay nakapagkamal ng pagkarami-raming ginto, pilak, mahahalagang bato, mamahaling kahoy, at iba pang materyal na kayamanan. Bukod dito, binasbasan ng relihiyon ang maluhong pamimili at paglalasingan kapag ipinagdiriwang ang Pasko na nakasisirang-puri kay Kristo at ang iba pang di-umano’y banal na mga araw. Pinasok ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang malalayong lupain, at nabuksan ang pagkakataon sa bagong mga negosyo para sa “mga naglalakbay na mangangalakal” ng sanlibutang ito. Noong ika-17 siglo sa Hapon, ang Katolisismo, na dumating kasabay ng mga negosyante, ay nasangkot pa man din sa digmaang piyudal. Ganito ang isinasaad ng The Encyclopædia Britannica bilang pag-uulat sa isang kritikal na digmaan na pinaglabanan sa paanan ng mga pader ng kastilyo sa Osaka: “Di-sukat akalain ng mga hukbong Tokugawa na nakikipagbaka sila sa kaaway na ang mga bandila’y nagagayakan ng krus at ng mga imahen ng Tagapagligtas at ni St James, ang santong patron ng Espanya.” Pinag-usig at halos pinawi ng matagumpay na pangkat ang Katolisismo sa lupaing iyon. Ang pakikialam ng simbahan sa mga gawain ng sanlibutan ngayon ay hindi rin magdudulot sa kaniya ng pagpapala.

      5. (a) Paano pa inilalarawan ng tinig mula sa langit ang pagdadalamhati ng “mga naglalakbay na mangangalakal”? (b) Bakit ‘nakatayo rin sa malayo’ ang mga mangangalakal?

      5 Ang tinig mula sa langit ay nagsasabi pa: “Ang mga naglalakbay na mangangalakal ng mga bagay na ito, na yumaman dahil sa kaniya, ay tatayo sa malayo dahil sa kanilang takot sa pahirap sa kaniya at tatangis at magdadalamhati, na nagsasabi, ‘Sa aba, sa aba​—ang dakilang lunsod, na nadaramtan ng mainam na lino at purpura at iskarlata, at marangyang nagagayakan ng gintong palamuti at mahalagang bato at perlas, sapagkat sa isang oras ay nawasak ang gayon kalaking kayamanan!’” (Apocalipsis 18:15-17a) Sa pagkawasak ng Babilonyang Dakila, nagdadalamhati ang “mga mangangalakal” sa pagkawala ng kasosyo nila sa negosyo. Tunay ngang “sa aba, sa aba” nila. Subalit pansinin na pawang makasarili ang mga dahilan ng kanilang pagdadalamhati at sila​—gaya ng mga hari​—ay ‘nakatayo sa malayo.’ Ayaw nilang lumapit upang tulungan sa anumang paraan ang Babilonyang Dakila.

      6. Paano inilalarawan ng tinig mula sa langit ang pagdadalamhati ng mga kapitan ng barko at ng mga magdaragat, at bakit sila tumatangis?

      6 Ang ulat ay nagpapatuloy: “At ang bawat kapitan ng barko at ang bawat tao na nagbibiyahe saanmang dako, at ang mga magdaragat at ang lahat niyaong mga naghahanapbuhay sa dagat, ay tumayo sa malayo at sumigaw habang nakatingin sila sa usok mula sa pagsunog sa kaniya at nagsabi, ‘Anong lunsod ang tulad ng dakilang lunsod?’ At nagsaboy sila ng alabok sa kanilang mga ulo at sumigaw, na tumatangis at nagdadalamhati, at nagsabi, ‘Sa aba, sa aba​—ang dakilang lunsod, na sa kaniya ay yumaman ang lahat ng mga may barko sa dagat dahil sa kaniyang pagiging maluho, sapagkat sa isang oras ay nawasak siya!’” (Apocalipsis 18:17b-19) Isang komersiyal na lunsod ang sinaunang Babilonya at may malaki itong pangkat ng mga barko. Sa katulad na paraan, nakapangangalakal nang husto ang Babilonyang Dakila dahil sa “maraming tubig” na nasasakupan niya. Naglalaan ito ng hanapbuhay para sa marami niyang relihiyosong sakop. Napakalaking dagok sa kabuhayan ng mga ito ang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila! Wala na silang mapagkukunan ng ikabubuhay na katulad niya.

      Pagsasaya sa Kaniyang Pagkalipol

      7, 8. Paano tinatapos ng tinig mula sa langit ang kaniyang mensahe hinggil sa Babilonyang Dakila, at sinu-sino ang tutugon sa mga salitang iyon?

      7 Nang pabagsakin ng mga Medo at Persiano ang sinaunang Babilonya, makahulang sinabi ni Jeremias: “At dahil sa Babilonya ay tiyak na hihiyaw nang may kagalakan ang langit at ang lupa at ang lahat ng naroroon sa kanila.” (Jeremias 51:48) Sa pagkawasak ng Babilonyang Dakila, tinatapos ng tinig mula sa langit ang mensahe nito sa pagsasabi hinggil sa Babilonyang Dakila: “Matuwa ka dahil sa kaniya, O langit, gayundin kayong mga banal at kayong mga apostol at kayong mga propeta, sapagkat ang Diyos ay may-kahatulang naglapat ng kaparusahan sa kaniya para sa inyo!” (Apocalipsis 18:20) Magagalak si Jehova at ang mga anghel na makita ang pagkalipol ng matagal nang kaaway ng Diyos, at makikigalak din ang mga apostol at ang sinaunang mga propetang Kristiyano, na binuhay na ngayong muli at nasa kani-kanila nang dako sa kaayusan para sa 24 na matatanda.​—Ihambing ang Awit 97:8-12.

      8 Ang lahat ng “mga banal”​—sila man ay binuhay nang muli sa langit o naririto pa sa lupa​—ay sisigaw sa kagalakan, pati na rin ang mga kasamahan nilang malaking pulutong ng ibang mga tupa. Sa takdang panahon, ang lahat ng tapat noong sinaunang panahon ay bubuhaying muli tungo sa bagong sistema ng mga bagay, at makikipagsaya rin sila. Hindi sinisikap ng bayan ng Diyos na maghiganti sa kanilang huwad na relihiyosong mga mang-uusig. Tinatandaan nila ang mga salita ni Jehova: “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.” (Roma 12:19; Deuteronomio 32:35, 41-43) Buweno, nakaganti na ngayon si Jehova. Maipaghihiganti na rin ang lahat ng dugong ibinubo ng Babilonyang Dakila.

      Paghahagis ng Malaking Gilingang-Bato

      9, 10. (a) Ano ngayon ang ginagawa at sinasabi ng malakas na anghel? (b) Anong pagkilos na katulad ng ginawa ng malakas na anghel sa Apocalipsis 18:21 ang naganap noong panahon ni Jeremias, at garantiya ito ng ano? (c) Garantiya ng ano ang ginawa ng malakas na anghel na nakita ni Juan?

      9 Tinitiyak ng susunod na makikita ni Juan na hindi na mababago ang hatol ni Jehova sa Babilonyang Dakila: “At binuhat ng isang malakas na anghel ang isang bato na tulad ng isang malaking gilingang-bato at inihagis iyon sa dagat, na sinasabi: ‘Gayon ibubulid sa isang mabilis na paghahagis ang Babilonya na dakilang lunsod, at hindi na siya masusumpungan pang muli.’” (Apocalipsis 18:21) Noong panahon ni Jeremias, isang nakakatulad na pangyayari na may mapuwersa at makahulang kahulugan ang naganap. Kinasihan si Jeremias na sumulat ng isang aklat hinggil sa “lahat ng kapahamakan na darating sa Babilonya.” Ibinigay niya ang aklat kay Seraias at inutusan itong maglakbay tungo sa Babilonya. Sinunod ni Seraias ang mga tagubilin ni Jeremias at pagdating doon, binasa niya ang kapahayagan laban sa lunsod: “O Jehova, ikaw ang nagsalita laban sa dakong ito, upang lipulin anupat hindi na magkakaroon ng tatahan dito, tao man o kahit alagang hayop, kundi siya ay magiging mga tiwangwang na kaguhuan hanggang sa panahong walang takda.” Pagkatapos nito ay itinali ni Seraias ang aklat sa isang bato at inihagis ito sa ilog ng Eufrates, na sinasabi: “Ganito lulubog ang Babilonya at hindi na muling lilitaw dahil sa kapahamakan na pasasapitin ko sa kaniya.”​—Jeremias 51:59-64.

      10 Ang paghahagis sa ilog ng isang aklat na nakatali sa bato ay garantiya na ibabaon sa limot ang Babilonya, anupat hindi na makaaahon pang muli. Nang makita ni apostol Juan na ginagawa rin iyon ng isang malakas na anghel, nakakukumbinsing garantiya iyon na matutupad ang layunin ni Jehova laban sa Babilonyang Dakila. Ang ganap na kagibaan ng sinaunang Babilonya sa ngayon ay isang matibay na patotoo hinggil sa sasapitin ng huwad na relihiyon sa malapit na hinaharap.

      11, 12. (a) Ano ang sinasabi ng malakas na anghel sa Babilonyang Dakila? (b) Paano humula si Jeremias hinggil sa apostatang Jerusalem, at ano ang kahulugan nito para sa ating panahon?

      11 Sinasabi ngayon ng malakas na anghel sa Babilonyang Dakila: “At ang tinig ng mga mang-aawit na sinasaliwan ang kanilang sarili ng alpa at ng mga manunugtog at ng mga plawtista at ng mga manunugtog ng trumpeta ay hindi na maririnig pang muli sa iyo, at wala nang bihasang manggagawa ng anumang hanapbuhay ang masusumpungan pang muli sa iyo, at wala nang tunog ng gilingang-bato ang maririnig pang muli sa iyo, at wala nang liwanag ng lampara ang sisinag pang muli sa iyo, at wala nang tinig ng kasintahang lalaki at ng kasintahang babae ang maririnig pang muli sa iyo; sapagkat ang iyong mga naglalakbay na mangangalakal ay ang mga taong matataas ang katungkulan sa lupa, sapagkat sa pamamagitan ng iyong mga espiritistikong gawain ay nailigaw ang lahat ng mga bansa.”​—Apocalipsis 18:22, 23.

      12 Sa nakakatulad na mga pananalita, humula si Jeremias hinggil sa apostatang Jerusalem: “Papawiin ko mula sa kanila ang ingay ng pagbubunyi at ang ingay ng pagsasaya, ang tinig ng kasintahang lalaki at ang tinig ng kasintahang babae, ang ingay ng gilingang pangkamay at ang liwanag ng lampara. At ang buong lupaing ito ay magiging isang wasak na dako, isang bagay na panggigilalasan.” (Jeremias 25:10, 11) Bilang pangunahing bahagi ng Babilonyang Dakila, ang Sangkakristiyanuhan ay magiging isang walang-buhay na kagibaan, gaya ng matingkad na inilalarawan ng tiwangwang na kalagayan ng Jerusalem pagkaraan ng 607 B.C.E. Ang Sangkakristiyanuhan na dati’y nagsasayang mainam at abalang-abala sa araw-araw ay malulupig at pababayaan.

      13. Anong biglang pagbabago ang mangyayari sa Babilonyang Dakila, at ano ang epekto nito sa kaniyang “mga naglalakbay na mangangalakal”?

      13 Oo, gaya ng sinasabi rito ng anghel kay Juan, ang buong Babilonyang Dakila na dating makapangyarihan at internasyonal na imperyo ay magiging tigang at tulad-disyertong ilang. Ang kaniyang “mga naglalakbay na mangangalakal,” kabilang na ang tinitingalang mga milyunaryo, ay nagsamantala sa kaniyang relihiyon para sa sarili nilang kapakanan o para pagtakpan ang kanilang gawain, at natuklasan ng mga klero na kapaki-pakinabang din namang makisalo sa kanilang katanyagan. Subalit hindi na kailanman magiging kasapakat ng mga mangangalakal na ito ang Babilonyang Dakila. Hindi na niya malilinlang pa ang mga bansa sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang mahiwagang relihiyosong mga gawain.

      Kakila-kilabot na Pagkakasala sa Dugo

      14. Anong dahilan ang ibinibigay ng malakas na anghel kung bakit gayon na lamang katindi ang hatol ni Jehova, at ano ang sinabi ni Jesus na katulad din nito noong naririto siya sa lupa?

      14 Bilang konklusyon, sinasabi ng malakas na anghel kung bakit gayon na lamang katindi ang hatol ni Jehova laban sa Babilonyang Dakila. “Oo,” sabi ng anghel, “sa kaniya nasumpungan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 18:24) Nang siya’y nasa lupa, sinabi ni Jesus sa mga lider ng relihiyon sa Jerusalem na mananagot sila sa “lahat ng dugong matuwid na ibinubo sa lupa, mula sa dugo ng matuwid na si Abel.” Kasuwato nito, pinuksa ang likong salinlahing iyon noong 70 C.E. (Mateo 23:35-38) Sa ngayon, isa na namang salinlahi ng mga relihiyonista ang nagkasala sa dugo dahil sa pag-usig nito sa mga lingkod ng Diyos.

      15. Sa anong dalawang paraan nagkasala sa dugo ang Simbahang Katoliko sa Alemanya sa ilalim ng Nazi?

      15 Sa kaniyang aklat na The Catholic Church and Nazi Germany, ganito ang isinulat ni Guenter Lewy: “Nang ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Bavaria noong Abril 13 [1933], tinanggap pa man din ng Simbahan ang atas na ibinigay rito ng Ministri ng Edukasyon at Relihiyon na isuplong ang sinumang kaanib sa sekta na nakikibahagi pa rin sa ipinagbabawal na relihiyon.” Kaya may pananagutan ang Simbahang Katoliko sa pagkakakulong ng libu-libong Saksi sa mga kampong piitan; ang kaniyang mga kamay ay nababahiran ng dugo ng daan-daang Saksi na pinatay. Nang ipakita ng mga kabataang Saksi tulad ni Wilhelm Kusserow, na hindi sila takót mamatay sa firing squad, naisip ni Hitler na masyadong magaan ang firing squad para sa mga tumututol na ito udyok ng budhi; kaya sa edad na 20, ang kapatid na lalaki ni Wilhelm na si Wolfgang ay pinatay sa pamamagitan ng gilotina. Kasabay nito, hinimok ng Simbahang Katoliko ang mga kabataang Katoliko sa Alemanya na sumali sa hukbo at mamatay alang-alang sa bayang-tinubuan. Kitang-kita ang pagkakasala sa dugo ng simbahan!

      16, 17. (a) Anong pagkakasala sa dugo ang dapat singilin sa Babilonyang Dakila, at paano nagkasala sa dugo ang Vatican kaugnay ng mga Judio na minasaker ng mga Nazi? (b) Ano ang isang dahilan kung bakit dapat sisihin ang huwad na relihiyon sa pagpatay sa milyun-milyon katao sa daan-daang digmaan sa makabagong panahon?

      16 Gayunman, sinasabi ng hula na ang dugo ng “lahat niyaong mga pinatay sa lupa” ay dapat singilin sa Babilonyang Dakila. Totoo nga ito sa makabagong panahon. Halimbawa, yamang nakatulong ang mga pakana ng Katoliko sa pagbangon ni Hitler sa kapangyarihan sa Alemanya, sangkot ang Vatican sa nakapangingilabot na pagkakasala sa dugo kaugnay ng anim na milyong Judio na minasaker ng mga Nazi. Karagdagan pa, sa ating panahon, mahigit isang daang milyon katao ang namatay sa daan-daang digmaan. Dapat bang sisihin ang huwad na relihiyon sa bagay na ito? Oo, sa dalawang dahilan.

      17 Una, maraming digmaan ang nauugnay sa hidwaan ng relihiyon. Halimbawa, relihiyon ang dahilan ng karahasan sa pagitan ng mga Muslim at Hindu sa India noong 1946-48. Daan-daang libo ang nasawi. Ang alitan sa pagitan ng Iraq at Iran noong dekada ng 1980 ay may kaugnayan din sa hidwaan ng mga sekta, kung saan daan-daang libo ang namatay. Libu-libo rin ang nasawi dahil sa karahasan sa pagitan ng mga Katoliko at Protestante sa Hilagang Ireland. Sa pagsusuri sa bagay na ito, sinabi ng kolumnistang si C. L. Sulzberger noong 1976: “Isang malagim na katotohanan na posibleng kalahati o higit pa sa kalahati ng mga digmaan na ipinaglalaban ngayon sa palibot ng daigdig ay hayagang relihiyosong mga alitan o kaya ay nauugnay sa relihiyosong mga hidwaan.” Tunay ngang ganito ang kalagayan sa buong maligalig na kasaysayan ng Babilonyang Dakila.

      18. Sa anong ikalawang dahilan nagkasala sa dugo ang mga relihiyon ng sanlibutan?

      18 Ano naman ang ikalawang dahilan? Sa pangmalas ni Jehova, ang mga relihiyon ng sanlibutan ay nagkasala sa dugo sapagkat hindi nila itinuro sa nakakukumbinsing paraan sa kanilang mga tagasunod ang katotohanan hinggil sa mga kahilingan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. Hindi nila tinuruan ang mga tao sa nakakukumbinsing paraan na ang mga tunay na mananamba ng Diyos ay dapat tumulad kay Jesu-Kristo at magpamalas ng pag-ibig sa iba anuman ang kanilang bansang pinagmulan. (Mikas 4:3, 5; Juan 13:34, 35; Gawa 10:34, 35; 1 Juan 3:10-12) Palibhasa’y hindi itinuro ng mga relihiyon na bumubuo sa Babilonyang Dakila ang mga bagay na ito, ang kanilang mga tagasunod ay nahigop sa alimpuyo ng pandaigdig na digmaan. Kitang-kita ito sa dalawang digmaang pandaigdig sa unang kalahatian ng ika-20 siglo, na parehong nagsimula sa mga bansang sakop ng Sangkakristiyanuhan at umakay sa pagpapatayan sa isa’t isa ng mga magkakarelihiyon! Kung nanghawakan lamang sana sa mga simulain ng Bibliya ang lahat ng nag-aangking Kristiyano, hindi mangyayari ang mga digmaang ito.

      19. Ano ang kakila-kilabot na pagkakasala ng Babilonyang Dakila sa dugo?

      19 Isinisisi ni Jehova sa Babilonyang Dakila ang lahat ng pagbububong ito ng dugo. Kung tinuruan lamang ng mga lider ng relihiyon, partikular na ng mga lider sa Sangkakristiyanuhan, ang kanilang mga nasasakupan hinggil sa katotohanan ng Bibliya, hindi sana naganap ang gayong napakalubhang pagdanak ng dugo. Kaya nga sa tuwiran o di-tuwirang paraan, dapat managot kay Jehova ang Babilonyang Dakila​—ang dakilang patutot at pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon​—hindi lamang dahil sa “dugo ng mga propeta at ng mga banal” na kaniyang pinag-usig at pinatay kundi dahil sa dugo ng “lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” Tunay ngang kakila-kilabot ang pagkakasala ng Babilonyang Dakila sa dugo. Anong laking pasasalamat natin kapag lubusan na siyang napuksa!

      [Kahon sa pahina 270]

      Ang Kabayaran ng Pakikipagkompromiso

      Ganito ang isinulat ni Guenter Lewy sa kaniyang aklat na The Catholic Church and Nazi Germany: “Kung sa simula pa lamang ay matatag nang sinalansang ng Katolisismong Aleman ang rehimeng Nazi, malamang na iba ang naging takbo ng kasaysayan ng daigdig. Mabigo man sa dakong huli ang pagsisikap na ito na daigin si Hitler at hadlangan ang lahat ng maraming krimeng ginawa niya, napakaganda naman ng magiging reputasyon ng Simbahan. Tiyak na napakaraming buhay ang kailangang ibuwis sa gayong laban, subalit ang mga sakripisyong ito ay maiuukol naman sa pinakadakilang layunin. Kung hindi siya sinuportahan ng kaniyang sariling bayan, hindi marahil mangangahas si Hitler na humayo sa digmaan at milyun-milyong buhay sana ang nailigtas. . . . Nang pahirapan hanggang sa mamatay sa mga kampong piitan ni Hitler ang libu-libong Aleman na tutol sa mga Nazi, nang pagpapatayin ang mga edukadong Polako, nang daan-daang libong Ruso ang mamatay dahil sa pagtrato sa kanila bilang mga Slavo na Untermenschen [hindi karapat-dapat ituring na mga tao], at nang 6,000,000 katao ang paslangin dahil sa pagiging ‘di-Aryano,’ sinuportahan ng mga opisyal ng Simbahang Katoliko sa Alemanya ang rehimeng nasa likod ng mga krimeng ito. Ang Papa sa Roma, ang espirituwal na ulo at kataas-taasang guro ng moralidad ng Simbahang Romano Katoliko, ay nagsawalang-kibo lamang.”​—Pahina 320, 341.

      [Larawan sa pahina 268]

      “Sa aba, sa aba,” sabi ng mga tagapamahala

      [Larawan sa pahina 268]

      “Sa aba, sa aba,” sabi ng mga mangangalakal

  • Purihin si Jah sa Kaniyang mga Paghatol!
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • Kabanata 38

      Purihin si Jah sa Kaniyang mga Paghatol!

      1. Anong mga salita ang naririnig ni Juan na “gaya ng isang malakas na tinig ng isang malaking pulutong sa langit”?

      WALA na ang Babilonyang Dakila! Talagang nakagagalak na balita ito. Hindi kataka-takang makarinig si Juan ng maliligayang kapahayagan ng papuri mula sa langit! “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malakas na tinig ng isang malaking pulutong sa langit. Sinabi nila: ‘Hallelujah!a Ang kaligtasan at ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos, sapagkat ang kaniyang mga kahatulan ay totoo at matuwid. Sapagkat naglapat siya ng kahatulan sa dakilang patutot na nagpasamâ sa lupa dahil sa kaniyang pakikiapid, at ipinaghiganti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin sa kaniyang kamay.’ At kaagad nilang sinabi sa ikalawang pagkakataon: ‘Hallelujah!b At ang usok mula sa kaniya ay patuloy na pumapailanlang magpakailan-kailanman.’”​—Apocalipsis 19:1-3.

      2. (a) Ano ang kahulugan ng salitang “Hallelujah,” at ano ang kahulugan ng dalawang ulit na pagkarinig dito ni Juan sa puntong ito? (b) Sino ang niluluwalhati sa pagkawasak ng Babilonyang Dakila? Ipaliwanag.

      2 Tunay ngang Hallelujah! Ang salitang ito ay nangangahulugang “Purihin ninyo si Jah,” yamang “Jah” ang pinaikling anyo ng banal na pangalang Jehova. Ipinaaalaala nito sa atin ang payo ng salmista: “Ang bawat bagay na may hininga​—purihin nito si Jah. Purihin ninyo si Jah!” (Awit 150:6) Ang pagkarinig ni Juan na umaawit ng “Hallelujah!” nang dalawang beses ang nagbubunying makalangit na koro sa puntong ito ng Apocalipsis ay nangangahulugang nagpapatuloy ang pagsisiwalat ng katotohanan mula sa Diyos. Ang Diyos na tinutukoy sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay siya ring Diyos na tinutukoy sa naunang Hebreong Kasulatan, at Jehova ang kaniyang pangalan. Ang Diyos na nagpabagsak sa sinaunang Babilonya ang siya ngayong humatol at pumuksa sa Babilonyang Dakila. Iukol sa kaniya ang buong kaluwalhatian dahil sa tagumpay na ito! Ang kapangyarihang nagmaniobra sa pagbagsak nito ay nagmula sa kaniya at hindi sa mga bansa na ginamit lamang niyang instrumento upang wasakin ito. Kay Jehova lamang natin utang ang kaligtasan.​—Isaias 12:2; Apocalipsis 4:11; 7:10, 12.

      3. Bakit karapat-dapat lamang sa dakilang patutot ang hatol sa kaniya?

      3 Bakit karapat-dapat lamang sa ganitong hatol ang dakilang patutot? Ayon sa batas na ibinigay ni Jehova kay Noe​—at sa pamamagitan niya ay sa buong sangkatauhan​—kamatayan ang parusa sa walang-patumanggang pagbububo ng dugo. Muli itong binanggit sa Kautusan ng Diyos sa Israel. (Genesis 9:6; Bilang 35:20, 21) Bukod dito, sa ilalim ng gayong Kautusang Mosaiko, kamatayan ang kabayaran kapuwa ng pisikal at espirituwal na pangangalunya. (Levitico 20:10; Deuteronomio 13:1-5) Sa loob ng libu-libong taon, nagkasala sa dugo ang Babilonyang Dakila, at isa siyang napakasamang babaing mapakiapid. Halimbawa, ang pagbabawal ng Simbahang Romano Katoliko na mag-asawa ang mga pari ay nagbunga ng talamak na imoralidad sa marami sa kanila, at marami sa mga ito ang may AIDS na ngayon. (1 Corinto 6:9, 10; 1 Timoteo 4:1-3) Subalit ang mabigat na kasalanan niya, na “nagkapatung-patong hanggang sa langit,” ay ang kaniyang nakagigitlang espirituwal na pakikiapid​—ang pagtuturo niya ng mga kasinungalingan at pakikipag-alyansa sa tiwaling mga pulitiko. (Apocalipsis 18:5) Palibhasa’y nailapat na sa kaniya ang kaparusahan, inuulit ngayon ng makalangit na pulutong ang ikalawang Hallelujah.

      4. Ano ang isinasagisag ng bagay na ang usok mula sa Babilonyang Dakila ay “patuloy na pumapailanlang magpakailan-kailanman”?

      4 Ang Babilonyang Dakila ay sinusunog na gaya ng isang nalupig na lunsod, at ang usok mula sa kaniya ay “patuloy na pumapailanlang magpakailan-kailanman.” Kapag sinunog ng sumasakop na mga hukbo ang isang literal na lunsod, patuloy na paiilanlang ang usok nito hangga’t mainit pa ang mga abo. Sinumang susubok na itayo itong muli habang umuusok pa ito ay tiyak na mapapaso sa nagbabagang kagibaan. Yamang ang usok mula sa Babilonyang Dakila ay paiilanlang “magpakailan-kailanman” bilang tanda ng di-mababagong paghatol sa kaniya, hindi na maitatayo pang muli ng sinuman ang makasalanang lunsod na iyon. Napawi na magpakailanman ang huwad na relihiyon. Tunay ngang Hallelujah!​—Ihambing ang Isaias 34:5, 9, 10.

      5. (a) Ano ang ginagawa at sinasabi ng 24 na matatanda at ng apat na nilalang na buháy? (b) Bakit higit na mas maganda ang koro ng Hallelujah kaysa sa mga koro ng Hallelujah na inaawit sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan?

      5 Sa isang naunang pangitain, nakakita si Juan ng apat na nilalang na buháy sa palibot ng trono, kasama ng 24 na matatanda na lumalarawan sa mga tagapagmana ng Kaharian sa kanilang maluwalhati at makalangit na tungkulin. (Apocalipsis 4:8-11) Muli niya silang nakikita ngayon habang ipinagsisigawan nila ang ikatlong Hallelujah dahil sa pagkawasak ng Babilonyang Dakila: “At ang dalawampu’t apat na matatanda at ang apat na nilalang na buháy ay sumubsob at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono, at nagsabi: ‘Amen! Hallelujah!’”c (Apocalipsis 19:4) Kaya ang dakilang korong ito ng Hallelujah ay karagdagan sa “bagong awit” ng papuri sa Kordero. (Apocalipsis 5:8, 9) Inaawit nila ngayon ang maringal na koro ng pagtatagumpay, at iniuukol ang lahat ng kaluwalhatian sa Soberanong Panginoong Jehova dahil sa kaniyang tiyak na tagumpay laban sa dakilang patutot, ang Babilonyang Dakila. Ang mga Hallelujah na ito ay higit na mas maganda kaysa alinmang koro ng Hallelujah na inaawit sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, kung saan si Jehova, o si Jah, ay winawalang-dangal at hinahamak. Napatahimik na ngayon magpakailanman ang gayong mapagpaimbabaw na pag-awit na umuupasala sa pangalan ni Jehova!

      6. Kaninong “tinig” ang naririnig, ano ang hinihimok nito, at sinu-sino ang mga tumutugon?

      6 Noong 1918, sinimulang gantimpalaan ni Jehova ang ‘mga natatakot sa kaniyang pangalan, ang maliliit at ang malalaki’​—una sa mga ito ang mga pinahirang Kristiyano na namatay nang tapat at binuhay niyang muli at inilagay sa makalangit na ranggo ng 24 na matatanda. (Apocalipsis 11:18) May iba pang nakikisama sa mga ito sa pag-awit ng mga Hallelujah, sapagkat iniuulat ni Juan: “Gayundin, isang tinig ang lumabas sa trono at nagsabi: ‘Purihin ninyo ang ating Diyos, ninyong lahat na mga alipin niya, na may takot sa kaniya, ang maliliit at ang malalaki.’” (Apocalipsis 19:5) Ito ang “tinig” ng Tagapagsalita ni Jehova, ang sarili niyang Anak, si Jesu-Kristo, na nakatayo sa “gitna ng trono.” (Apocalipsis 5:6) Hindi lamang sa langit kundi dito rin sa lupa, ‘kayong lahat na mga alipin niya’ ay nakikibahagi sa pag-awit, at nangunguna rito sa lupa ang pinahirang uring Juan. Anong laking kagalakan ng mga ito na sumunod sa utos na: “Purihin ninyo ang ating Diyos”!

      7. Kapag napuksa na ang Babilonyang Dakila, sino ang pupuri kay Jehova?

      7 Oo, kabilang din ang malaking pulutong sa mga aliping ito. Mula noong 1935, nagsimula silang lumabas sa Babilonyang Dakila at naranasan nila ang katuparan ng pangako ng Diyos: “Pagpapalain niya yaong mga may takot kay Jehova, ang maliliit at gayundin ang malalaki.” (Awit 115:13) Kapag napuksa na ang tulad-patutot na Babilonya, milyun-milyon sa kanila ang makikisama sa ‘pagpuri sa ating Diyos’​—kaisa ng uring Juan at ng buong makalangit na hukbo. Sa dakong huli, ang mga bubuhaying muli sa lupa, naging prominente man sila noong una o hindi, ay tiyak na aawit ng karagdagang mga Hallelujah kapag nalaman nilang naglaho na magpakailanman ang Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 20:12, 15) Kay Jehova nauukol ang lahat ng kapurihan dahil sa kaniyang napakalaking tagumpay laban sa napakatagal nang patutot!

      8. Anong pampasigla ang ibinibigay sa atin ngayon ng makalangit na mga koro ng papuri na nasaksihan ni Juan, bago mapuksa ang Babilonyang Dakila?

      8 Kaylaking pampasigla ang lahat ng ito upang lubusan tayong makibahagi sa gawain ng Diyos sa ngayon! Lahat nawa ng mga lingkod ni Jah ay buong-puso at buong-kaluluwang magpahayag ngayon ng mga kahatulan ng Diyos, pati na ng dakilang pag-asa ng Kaharian, bago alisin at lubusang puksain ang Babilonyang Dakila.​—Isaias 61:1-3; 1 Corinto 15:58.

      ‘Hallelujah​—Si Jehova ay Naging Hari!’

      9. Bakit buong-buo at maringal ang tunog ng huling Hallelujah?

      9 May karagdagan pang mga dahilan upang magalak, gaya ng patuloy na sinasabi sa atin ni Juan: “At narinig ko ang gaya ng isang tinig ng isang malaking pulutong at gaya ng lagaslas ng maraming tubig at gaya ng dagundong ng malalakas na kulog. Sinabi nila: ‘Hallelujah,d sapagkat si Jehova na ating Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ay nagsimulang mamahala bilang hari.’” (Apocalipsis 19:6) Naging matibay at matatag ang proklamasyon dahil sa huling Hallelujah na ito. Ito’y isang malakas na tinig sa langit, mas maringal pa kaysa alinmang koro ng mga tao, mas marilag kaysa alinmang talon sa lupa, at mas kasindak-sindak kaysa anumang pagkulog sa mundong ito. Nagdiriwang ang laksa-laksang makalangit na tinig dahil “si Jehova na ating Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ay nagsimulang mamahala bilang hari.”

      10. Sa anong diwa masasabing si Jehova ay nagsisimulang mamahala bilang hari pagkaraang mawasak ang Babilonyang Dakila?

      10 Gayunman, bakit sinasabing nagsisimula nang mamahala si Jehova? Libu-libong taon na ang nagdaan mula nang ipahayag ng salmista: “Ang Diyos ang aking Hari mula pa noong sinaunang panahon.” (Awit 74:12) Naghahari na si Jehova noon pa man, kaya bakit inaawit ng pansansinukob na koro na “si Jehova . . . ay nagsimulang mamahala bilang hari”? Sapagkat kapag napuksa na ang Babilonyang Dakila, mawawala na ang pangahas na karibal na iyon ni Jehova na umaagaw ng pagtalima sa kaniya bilang Pansansinukob na Soberano. Hindi na mahihikayat ng huwad na relihiyon ang mga tagapamahala sa lupa upang sumalansang sa kaniya. Nang bumagsak ang sinaunang Babilonya bilang pandaigdig na kapangyarihan, narinig ng Sion ang ganitong matagumpay na kapahayagan: “Ang iyong Diyos ay naging hari!” (Isaias 52:7) Matapos isilang ang Kaharian noong 1914, inihayag ng 24 na matatanda: “Pinasasalamatan ka namin, Diyos na Jehova . . . sapagkat kinuha mo na ang iyong dakilang kapangyarihan at nagsimulang mamahala bilang hari.” (Apocalipsis 11:17) Ngayon, pagkatapos mawasak ang Babilonyang Dakila, muli na namang naririnig ang sigaw: “Si Jehova . . . ay nagsimulang mamahala bilang hari.” Wala nang gawang-taong diyos ang hahamon sa pagkasoberano ng tunay na Diyos, si Jehova!

      Malapit Na ang Kasal ng Kordero!

      11, 12. (a) Paano tinukoy ng sinaunang Jerusalem ang sinaunang Babilonya, na naglalaan ng anong parisan hinggil sa Bagong Jerusalem at sa Babilonyang Dakila? (b) Sa pagtatagumpay laban sa Babilonyang Dakila, ano ang aawitin at ipahahayag ng makalangit na mga pulutong?

      11 “Ikaw na babaing kaaway ko”! Ganiyan tinukoy ng Jerusalem, na kinaroroonan ng templo sa pagsamba kay Jehova, ang idolatrosong Babilonya. (Mikas 7:8) Sa katulad na paraan, makatuwirang tukuyin ‘ng banal na lunsod, ng Bagong Jerusalem,’ na binubuo ng kasintahang babae na may 144,000 miyembro, ang Babilonyang Dakila bilang kaniyang kaaway. (Apocalipsis 21:2) Subalit sa wakas ay dumanas na ng kahirapan, kapahamakan, at kagibaan ang dakilang patutot. Hindi siya nailigtas ng kaniyang espiritistikong mga gawain at mga astrologo. (Ihambing ang Isaias 47:1, 11-13.) Talagang malaking tagumpay ito para sa tunay na pagsamba!

      12 Ngayong naglaho na magpakailanman ang kasuklam-suklam na patutot, ang Babilonyang Dakila, maaari nang ituon ang pansin sa dalisay na kasintahan ng Kordero! Kaya ang makalangit na mga pulutong ay galak na galak sa pag-awit ng papuri kay Jehova: “Magsaya tayo at mag-umapaw sa kagalakan, at ibigay natin sa kaniya ang kaluwalhatian, sapagkat ang kasal ng Kordero ay dumating na at ang kaniyang asawa ay naghanda na ng kaniyang sarili. Oo, ipinagkaloob sa kaniya na magayakan ng maningning, malinis, mainam na lino, sapagkat ang mainam na lino ay kumakatawan sa matuwid na mga gawa ng mga banal.”​—Apocalipsis 19:7, 8.

      13. Sa paglipas ng maraming siglo, anong paghahanda ang ginagawa para sa kasal ng Kordero?

      13 Sa paglipas ng maraming siglo, maibiging pinaghahandaan ni Jesus ang kasalang ito sa langit. (Mateo 28:20; 2 Corinto 11:2) Nililinis niya ang 144,000 ng espirituwal na Israel upang “maiharap niya ang kongregasyon sa kaniyang sarili sa karilagan nito, na walang batik o kulubot o anumang bagay na gayon, kundi upang ito ay maging banal at walang dungis.” (Efeso 5:25-27) Sa layuning makamit ang “gantimpala ng paitaas na pagtawag ng Diyos,” kailangang hubarin ng bawat pinahirang Kristiyano ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito, isuot ang bagong Kristiyanong personalidad, at gawin ang matuwid na mga gawa nang “buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova.”​—Filipos 3:8, 13, 14; Colosas 3:9, 10, 23.

      14. Paano sinikap ni Satanas na dungisan ang magiging mga miyembro ng asawa ng Kordero?

      14 Mula noong Pentecostes 33 C.E., ginamit ni Satanas ang Babilonyang Dakila bilang kaniyang instrumento sa pagsisikap na dungisan ang magiging mga miyembro ng asawa ng Kordero. Sa katapusan ng unang siglo, nakapaghasik na siya sa loob ng kongregasyon ng mga binhi ng maka-Babilonyang relihiyon. (1 Corinto 15:12; 2 Timoteo 2:18; Apocalipsis 2:6, 14, 20) Ganito inilarawan ni apostol Pablo ang mga nagpapahina ng pananampalataya: “Sapagkat ang gayong mga tao ay mga bulaang apostol, mapanlinlang na mga manggagawa, na nag-aanyong mga apostol ni Kristo. At hindi kataka-taka, sapagkat si Satanas mismo ay laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:13, 14) Sa sumunod na mga siglo, gaya ng iba pang bahagi ng Babilonyang Dakila, ginayakan ng apostatang Sangkakristiyanuhan ang kaniyang sarili ng kasuutan ng karangyaan at kamahalan, “purpura at iskarlata, . . . ng ginto at mahalagang bato at mga perlas.” (Apocalipsis 17:4) Ang kaniyang klero at mga papa ay nakisama sa uhaw-sa-dugong mga emperador, gaya nina Constantino at Carlomagno. Hindi siya kailanman nagayakan ng “matuwid na mga gawa ng mga banal.” Bilang isang huwad na kasintahang babae, tunay na isa siyang obra-maestra ng panlilinlang ni Satanas. Sa wakas, naglaho na siya magpakailanman!

      Naghanda Na ng Kaniyang Sarili ang Asawa ng Kordero

      15. Paano nagaganap ang pagtatatak, at ano ang hinihiling sa isang pinahirang Kristiyano?

      15 Kaya ngayon, pagkaraan ng halos 2,000 taon, ang lahat ng 144,000 ng uring kasintahang babae ay naghanda na ng kanilang sarili. Subalit sa anong yugto ng panahon masasabing ‘naghanda na ng kaniyang sarili ang asawa ng Kordero’? Mula noong Pentecostes 33 C.E., patuloy ang ‘pagtatatak ng ipinangakong banal na espiritu’ sa mga nananampalatayang pinahiran para sa dumarating na “araw ng pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos.” Gaya ng sinabi ni apostol Pablo, ang Diyos ang ‘naglagay rin sa atin ng kaniyang tatak at nagbigay sa atin ng palatandaan niyaong darating, samakatuwid nga, ang espiritu, sa ating mga puso.’ (Efeso 1:13; 4:30; 2 Corinto 1:22) Ang bawat pinahirang Kristiyano ay “tinawag at pinili,” at napatunayang “tapat.”​—Apocalipsis 17:14.

      16. (a) Kailan ganap na natatakan si apostol Pablo, at paano natin nalaman? (b) Kailan masasabing lubusan nang ‘nakapaghanda ng kaniyang sarili’ ang asawa ng Kordero?

      16 Matapos dumanas ng pagsubok sa loob ng maraming dekada, masasabi mismo ni Pablo: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya. Mula ngayon ay nakalaan para sa akin ang korona ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon, ang matuwid na hukom, bilang gantimpala sa araw na iyon, gayunma’y hindi lamang sa akin, kundi gayundin sa lahat niyaong mga umibig sa kaniyang pagkakahayag.” (2 Timoteo 4:7, 8) Lumilitaw na ganap nang natatakan ang apostol, bagaman nasa laman pa siya noon at mapapaharap pa lamang sa kamatayan bilang martir. Kasuwato nito, darating ang panahon na ang lahat ng nalalabi sa 144,000 na narito pa sa lupa ay indibiduwal na tatatakan bilang mga nauukol kay Jehova. (2 Timoteo 2:19) Mangyayari ito kapag lubusan nang naihanda ng asawa ng Kordero ang kaniyang sarili​—kapag ang kalakhang bahagi ng 144,000 ay tumanggap na ng kanilang makalangit na gantimpala at yaong naririto pa sa lupa ay tumanggap na ng pangwakas na pagsang-ayon at natatakan na bilang mga tapat.

      17. Kailan maaaring idaos ang kasal ng Kordero?

      17 Sa yugtong ito ng talaorasan ni Jehova, kapag nakumpleto na ang pagtatatak sa 144,000, pakakawalan na ng mga anghel ang apat na hangin ng malaking kapighatian. (Apocalipsis 7:1-3) Una, ilalapat ang hatol sa tulad-patutot na Babilonyang Dakila. Pagkatapos nito, agad na kikilos ang matagumpay na Kristo tungo sa Armagedon upang lipulin ang nalalabing bahagi ng organisasyon ni Satanas sa lupa at, sa wakas, ay ibulid si Satanas at ang kaniyang mga demonyo sa kalaliman. (Apocalipsis 19:11–20:3) Kung may mga pinahirang natitira pang buháy sa lupa, walang-alinlangang makakamit nila ang kanilang makalangit na gantimpala karaka-raka pagkatapos malubos ni Kristo ang kaniyang pananaig at makakasama nila ang kanilang mga kapuwa miyembro ng uring kasintahang babae. Pagkatapos, sa takdang panahon ng Diyos, maaari nang idaos ang kasal ng Kordero!

      18. Paano tinitiyak ng Awit 45 ang sunud-sunod na mangyayari may kinalaman sa kasal ng Kordero?

      18 Inilalarawan ng makahulang ulat sa Awit 45 ang sunud-sunod na mangyayari. Una, humahayo ang nakaluklok na Hari upang daigin ang kaniyang mga kaaway. (Talata 1-7) Pagkatapos ay idaraos ang kasalan, habang ang makalangit na kasintahang babae ay inaasikaso ng kaniyang kasamahang mga dalaga, ang malaking pulutong. (Talata 8-15) Pagkatapos, magiging kapaki-pakinabang ang kasalan, anupat gagawing sakdal ang binuhay-muling sangkatauhan sa ilalim ng pangangasiwa ng “mga prinsipe sa buong lupa.” (Talata 16, 17) Kayluwalhati ng mga pagpapalang idudulot ng kasal ng Kordero!

      Maligaya ang mga Inanyayahan

      19. Ano ang ikaapat sa pitong kaligayahan sa Apocalipsis, at sino ang nakikibahagi sa partikular na kaligayahang ito?

      19 Iniuulat ngayon ni Juan ang ikaapat sa pitong kaligayahan sa Apocalipsis: “At sinabi niya [ng anghel na naghahayag ng mga bagay na ito kay Juan] sa akin: ‘Isulat mo: Maligaya yaong mga inanyayahan sa hapunan ng kasal ng Kordero.’ Gayundin, sinabi niya sa akin: ‘Ito ang mga tunay na pananalita ng Diyos.’” (Apocalipsis 19:9)e Ang mga inanyayahan sa “hapunan ng kasal ng Kordero” ay ang mga miyembro ng uring kasintahang babae. (Ihambing ang Mateo 22:1-14.) Maligaya ang lahat ng kabilang sa pinahirang kasintahan sa pagtanggap sa paanyayang ito. Karamihan sa mga inanyayahan ay naroroon na sa langit, na pagdarausan ng hapunan ng kasal. Maligaya rin ang mga naririto pa sa lupa sa pagtanggap ng paanyaya. Tiyak na may dako sila sa hapunan ng kasal. (Juan 14:1-3; 1 Pedro 1:3-9) Kapag binuhay silang muli sa langit, ang kabuuan ng pinagkaisang kasintahang babae ay makikibahagi sa Kordero sa napakaligayang kasalang ito.

      20. (a) Ano ang kahulugan ng mga salitang: “Ito ang mga tunay na pananalita ng Diyos”? (b) Ano ang naging reaksiyon ni Juan sa mga salita ng anghel, subalit paano tumugon ang anghel?

      20 Sinabi pa ng anghel na “ito ang mga tunay na pananalita ng Diyos.” Ang salitang “tunay” ay salin ng salitang Griego na a·le·thi·nosʹ at nangangahulugang “totoo” o “maaasahan.” Yamang kay Jehova mismo galing ang mga pananalita, ang mga ito ay tapat at mapanghahawakan. (Ihambing ang 1 Juan 4:1-3; Apocalipsis 21:5; 22:6.) Bilang isa sa mga inanyayahan sa piging ng kasalang iyon, malamang na nalipos ng kagalakan si Juan sa pagkarinig nito at sa pagbubulay-bulay sa mga pagpapalang mararanasan ng uring kasintahan sa hinaharap. Sa katunayan, lubha siyang naantig anupat kinailangan siyang payuhan ng anghel, gaya ng salaysay ni Juan: “Sa gayon ay sumubsob ako sa harap ng kaniyang mga paa upang sambahin siya. Ngunit sinabi niya sa akin: ‘Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapuwa mo alipin lamang at ng iyong mga kapatid na may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus. Sambahin mo ang Diyos.’”​—Apocalipsis 19:10a.

      21. (a) Ano ang isinisiwalat ng Apocalipsis hinggil sa mga anghel? (b) Ano ang dapat maging saloobin ng mga Kristiyano hinggil sa mga anghel?

      21 Sa buong Apocalipsis, kapansin-pansing patotoo ang ibinibigay hinggil sa katapatan at kasipagan ng mga anghel. May papel sila sa paghahatid ng inihayag na katotohanan. (Apocalipsis 1:1) Gumagawa silang kaisa ng mga tao sa pangangaral ng mabuting balita at sa pagbubuhos ng makasagisag na mga salot. (Apocalipsis 14:6, 7; 16:1) Nakipagbaka sila sa panig ni Jesus sa paghahagis kay Satanas at sa kaniyang mga anghel mula sa langit, at muli silang makikipagbaka sa panig niya sa Armagedon. (Apocalipsis 12:7; 19:11-14) Sa katunayan, nakalalapit sila sa mismong harapan ni Jehova. (Mateo 18:10; Apocalipsis 15:6) Sa kabila nito, hamak na mga alipin lamang sila ng Diyos. Walang dako sa dalisay na pagsamba ang pagsamba sa mga anghel ni ang relatibong pagsamba, anupat sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng isang “santo” o anghel. (Colosas 2:18) Si Jehova lamang ang sinasamba ng mga Kristiyano, anupat nagsusumamo sa kaniya sa pangalan ni Jesus.​—Juan 14:12, 13.

      Ang Papel ni Jesus sa Hula

      22. Ano ang sinasabi ng anghel kay Juan, at ano ang kahulugan ng mga salitang iyon?

      22 Sinasabi ngayon ng anghel: “Sapagkat ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang kumakasi sa panghuhula.” (Apocalipsis 19:10b) Sa anong paraan? Nangangahulugan ito na ang lahat ng kinasihang hula ay binigkas dahil kay Jesus at dahil sa papel niya sa mga layunin ni Jehova. Ang unang hula sa Bibliya ay nangako hinggil sa pagdating ng isang binhi. (Genesis 3:15) Si Jesus ang Binhing iyon. Ang sumunod na mga pagsisiwalat ay naging matibay na patotoo ng makahulang katotohanan tungkol sa mahalagang pangakong ito. Sinabi ni apostol Pedro sa sumasampalatayang Gentil na si Cornelio: “Sa kaniya [kay Jesus] ay nagpapatotoo ang lahat ng mga propeta.” (Gawa 10:43) Pagkaraan ng mga 20 taon, sinabi ni apostol Pablo: “Gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging Oo sa pamamagitan niya [ni Jesus].” (2 Corinto 1:20) Pagkaraan ng 43 taon pa, pinaaalalahanan tayo ni Juan mismo: “Ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.”​—Juan 1:17.

      23. Bakit ang mataas na katungkulan at awtoridad ni Jesus ay hindi nakababawas sa pagsamba na iniuukol natin kay Jehova?

      23 Sa paanuman, nakababawas ba ito sa pagsamba na iniuukol natin kay Jehova? Hindi. Tandaan ang babalang payo ng anghel: “Sambahin mo ang Diyos.” Hindi kailanman sinikap ni Jesus na pantayan si Jehova. (Filipos 2:6) Totoo, ang lahat ng anghel ay inuutusan na ‘mangayupapa kay Jesus,’ at na dapat kilalanin ng lahat ng nilalang ang kaniyang mataas na katungkulan upang “sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod.” Subalit pansinin na ito’y “sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama” at siya mismo ang nag-utos nito. (Hebreo 1:6; Filipos 2:9-11) Si Jehova ang nagkaloob kay Jesus ng kaniyang mataas na awtoridad, at sa pagkilala natin sa awtoridad na ito, niluluwalhati natin ang Diyos. Kung tatanggi tayong magpasakop sa pamamahala ni Jesus, para na rin nating tinanggihan ang Diyos na Jehova mismo.​—Awit 2:11, 12.

      24. Anong dalawang kagila-gilalas na pangyayari ang inaasam natin, at anong mga salita ang dapat nating bigkasin?

      24 Kaya magkaisa nawa tayo sa pagbigkas ng pambungad ng Awit 146 hanggang 150: “Purihin ninyo si Jah!” Dumagundong nawa ang koro ng Hallelujah habang hinihintay ang tagumpay ni Jehova laban sa maka-Babilonyang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon! At sumagana nawa ang kagalakan habang papalapit ang kasal ng Kordero!

      [Mga talababa]

      a Talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References.

      b Talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References.

      c Talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References.

      d Talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References.

      e Tingnan din ang Apocalipsis 1:3; 14:13; 16:15.

      [Kahon sa pahina 273]

      “Liham sa Sodoma at Gomorra”

      Sa ilalim ng ganitong tampok na pamagat, nag-ulat ang Daily Telegraph ng London noong Nobyembre 12, 1987, hinggil sa panukalang iniharap sa Pangkalahatang Sinodo ng Church of England. Ipinag-uutos nito na itiwalag sa simbahan ang mga “Kristiyanong” homoseksuwal. Sinabi ng kolumnistang si Godfrey Barker: “Malungkot na inihayag kahapon ng Arsobispo ng Canterbury ang kaniyang opinyon: ‘Kung liliham si San Pablo sa Church of England, baka itanong natin kung ano kayang uri ng liham ito.’” Nagkomento mismo si Mr. Barker: “Ang sagot ay isang liham sa Sodoma at Gomorra,” at nagsabi pa: “Ipinagpalagay ni Dr Runcie [ang arsobispo] na mababasa rito ang gaya ng nilalaman ng Roma, Kab 1.”

      Sinipi ng manunulat ang mga salita ni Pablo sa Roma 1:26-32: “Ibinigay sila ng Diyos sa masasamang pita ng kanilang mga puso. . . . Ang mga lalaki ay gumawa ng kahalayan sa kapuwa lalaki . . . bagaman nalalaman nila ang utos ng Diyos na ang mga gumagawa nito ay dapat mamatay, hindi lamang nila ginagawa ito kundi kanila pang sinasang-ayunan ang mga gumagawa nito.” Nagtapos siya: “Ang ikinababahala lamang ni San Pablo ay ang mga lalaking nagsisimba. Ang suliranin ni Dr Runcie ay ang mga lalaking nasa pulpito.”

      Bakit may gayong suliranin ang arsobispo? Inihayag ng ulong-balita ng Daily Mail ng London noong Oktubre 22, 1987: “‘Isa sa tatlong bikaryo ay bakla’ . . . ‘Magsasara ang Church of England’ dahil sa kampanyang itiwalag ang mga homoseksuwal.” Sinipi ng ulat na ito ang sinabi ng “reberendo” na kalihim-panlahat ng Lesbian and Gay Christian Movement: “Kapag inaprubahan ang panukalang ito, guguho ang Simbahan, at alam ito ng Arsobispo ng Canterbury. Sa aming pagtantiya, 30 hanggang 40 porsiyento ng mga klerigo sa Church of England ay bakla. At sila pa ang pinakaaktibong mga tao na tumutulong sa ministeryo ng Simbahan.” Sa isang antas, walang-pagsalang ipinaaaninaw ng umuunting bilang ng mga nagsisimba ang pagkasuklam sa pagdaming iyon ng mga ministrong homoseksuwal.

      Ano ang ipinasiya ng sinodo ng simbahan? Ang higit na nakararaming 388 miyembro (95 porsiyento ng mga klero) ay sumang-ayon na pagaanin ang panukalang iyon. Hinggil dito, iniulat ng The Economist ng Nobyembre 14, 1987: “Tutol sa mga gawaing homoseksuwal ang Church of England, subalit hindi naman tutol na tutol. Alang-alang sa klerong homoseksuwal, ngayong linggong ito ay pinagtibay ng pangkalahatang sinodo, ang parlamento ng Simbahan, na hindi kasalanan ang mga gawaing homoseksuwal, di-gaya ng pakikiapid at pangangalunya: ‘hindi [lamang] ito nakaabot sa pamantayan’ na ‘ang seksuwal na pakikipagtalik ay isang gawa ng ganap na pagtatalaga sa sarili at naaangkop lamang sa permanenteng ugnayan ng mag-asawa.’” Bilang paghahambing sa pananaw ng Arsobispo ng Canterbury at ng tuwirang pananalita ni apostol Pablo sa Roma 1:26, 27, inilathala ng The Economist ang siniping mga salita ni Pablo sa ibabaw ng kapsiyong “Maliwanag sa isip ni San Pablo ang bagay na ito.”

      Maliwanag din sa isip ni Jesu-Kristo ang bagay na ito at tuwiran niyang ipinahayag ang mga ito. Sinabi niya na “higit na mababata ng lupain ng Sodoma ang Araw ng Paghuhukom” kaysa sa mga relihiyonista na tumatanggi sa kaniyang mensahe. (Mateo 11:23, 24) Gumagamit dito si Jesus ng hyperbole upang ipakita na ang mga lider na iyon ng relihiyon na nagtakwil sa Anak ng Diyos at sa kaniyang mga turo ay mas masahol pa kaysa sa mga taga-Sodoma. Sinasabi ng Judas 7 na ang mga taga-Sodoma na iyon ay dumanas ng “parusang hatol na walang-hanggang apoy,” na nangangahulugan ng walang-hanggang pagkapuksa. (Mateo 25:41, 46) Kung gayon, napakatindi ng magiging hatol sa tinatawag na mga Kristiyanong lider na bulag na umaakay sa kanilang bulag na mga kawan palayo sa matataas na pamantayang moral ng Kaharian ng Diyos tungo sa mapagpalayaw at buktot na mga pamamaraan ng sanlibutang ito! (Mateo 15:14) Tungkol sa huwad na relihiyon, ang Babilonyang Dakila, apurahang nananawagan ang tinig mula sa langit: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”​—Apocalipsis 18:2, 4.

      [Mga larawan sa pahina 275]

      Ang langit ay umaalingawngaw sa apat na Hallelujah, na pumupuri kay Jah dahil sa kaniyang pangwakas na tagumpay laban sa Babilonyang Dakila

  • Nagtatagumpay sa Armagedon ang Mandirigmang-Hari
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • Kabanata 39

      Nagtatagumpay sa Armagedon ang Mandirigmang-Hari

      Pangitain 13​—Apocalipsis 19:11-21

      Paksa: Pinangungunahan ni Jesus ang mga hukbo ng langit upang puksain ang sistema ng mga bagay ni Satanas

      Panahon ng katuparan: Pagkatapos mawasak ang Babilonyang Dakila

      1. Ano ang Armagedon, at ano ang magiging mitsa nito?

      ARMAGEDON​—nakatatakot na salita para sa marami! Subalit para sa mga umiibig sa katuwiran, ipinahihiwatig nito ang matagal-nang-pinananabikang araw ng paglalapat ni Jehova ng pangwakas na hatol sa mga bansa. Hindi ito digmaan ng tao kundi “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”​—ang kaniyang araw ng paghihiganti laban sa mga tagapamahala sa lupa. (Apocalipsis 16:14, 16; Ezekiel 25:17) Kapag naging tiwangwang ang Babilonyang Dakila, magsisimula na ang malaking kapighatian. Pagkatapos, udyok ni Satanas, itutuon ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop at ng sampung sungay nito ang pagsalakay sa bayan ni Jehova. Determinadong gamitin ng Diyablo, na napopoot higit kailanman sa tulad-babaing organisasyon ng Diyos, ang kaniyang mga nalinlang upang makipagbaka hanggang wakas sa mga nalalabi sa binhi ng organisasyong ito. (Apocalipsis 12:17) Huling pagkakataon na ito ni Satanas!

      2. Sino si Gog ng Magog, at paano siya mamaniobrahin ni Jehova upang salakayin ang Kaniyang sariling bayan?

      2 Ang mabangis na pagsalakay ng Diyablo ay buong-linaw na inilalarawan sa Ezekiel kabanata 38. Doon, ang ibinabang si Satanas ay tinatawag na “Gog ng lupain ng Magog.” Nilalagyan ni Jehova ng makasagisag na mga pangawit ang mga panga ni Gog, upang hilahin siya at ang kaniyang napakalaking hukbong militar tungo sa pagsalakay. Paano niya ginagawa ito? Hahayaan Niyang makita ni Gog na ang Kaniyang mga Saksi ay isang bayan na walang kalaban-laban “na tinipon mula sa mga bansa, na nagtitipon ng yaman at ari-arian, yaong mga nananahanan sa gitna ng lupa.” Sila ay nasa gitna ngayon ng tanghalan ng daigdig bilang tanging bayan na tumangging sumamba sa mabangis na hayop at sa larawan nito. Nagngangalit si Gog dahil sa kanilang espirituwal na kalakasan at kasaganaan. Kaya sasalakay si Gog at ang kaniyang napakalaking hukbong militar, pati na ang mabangis na hayop mula sa dagat at ang sampung sungay nito. Gayunman, di-tulad ng Babilonyang Dakila, ipinagsasanggalang ng Diyos ang Kaniyang malinis na bayan!​—Ezekiel 38:1, 4, 11, 12, 15; Apocalipsis 13:1.

      3. Paano ililigpit ni Jehova ang mga hukbong militar ni Gog?

      3 Paano ililigpit ni Jehova si Gog at ang buong pulutong niya? Makinig! “‘At tatawag ako ng isang tabak laban sa kaniya sa aking buong bulubunduking pook,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova. ‘Magiging laban sa kaniyang sariling kapatid ang tabak ng bawat isa.’” Subalit sa alitang iyon, walang saysay ang anumang nuklear o kombensiyonal na mga sandata, sapagkat ipinahahayag ni Jehova: “Papasok ako sa paghatol sa kaniya, na may salot at may dugo; at isang humuhugos na ulan at mga batong graniso, apoy at asupre ang pauulanin ko sa kaniya at sa kaniyang mga pangkat at sa maraming bayan na sasama sa kaniya. At tiyak na dadakilain ko ang aking sarili at pababanalin ko ang aking sarili at ipakikilala ko ang aking sarili sa paningin ng maraming bansa; at kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova.”​—Ezekiel 38:21-23; 39:11; ihambing ang Josue 10:8-14; Hukom 7:19-22; 2 Cronica 20:15, 22-24; Job 38:22, 23.

      Ang Tinatawag na “Tapat at Totoo”

      4. Paano inilalarawan ni Juan si Jesu-Kristo na nagagayakan bilang isang mandirigma?

      4 Si Jehova ay tumatawag ng isang tabak. Sino kaya ang may hawak ng tabak na ito? Kung babalikan natin ang Apocalipsis, masusumpungan natin ang sagot sa isa pang kapana-panabik na pangitain. Nakita ni Juan na nabubuksan ang mga langit upang ihayag ang isang bagay na tunay na kasindak-sindak​—si Jesu-Kristo mismo na nagagayakan bilang isang mandirigma! Sinasabi sa atin ni Juan: “At nakita kong bukás ang langit, at, narito! isang kabayong puti. At ang nakaupo roon ay tinatawag na Tapat at Totoo, at siya ay humahatol at nakikipagdigma ayon sa katuwiran. Ang kaniyang mga mata ay nagliliyab na apoy, at sa kaniyang ulo ay maraming diadema.”​—Apocalipsis 19:11, 12a.

      5, 6. Ano ang isinasagisag ng (a) “kabayong puti”? (b) pangalang “Tapat at Totoo”? (c) mga matang gaya ng “nagliliyab na apoy”? (d) “maraming diadema”?

      5 Gaya ng naunang pangitain hinggil sa apat na mangangabayo, angkop na sagisag ng matuwid na pakikidigma ang “kabayong puti.” (Apocalipsis 6:2) At sino sa mga anak ng Diyos ang mas matuwid pa kaysa sa makapangyarihang Mandirigmang ito? Yamang “tinatawag na Tapat at Totoo,” tiyak na siya “ang saksing tapat at totoo,” si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 3:14) Nakikipagdigma siya upang ilapat ang matuwid na mga hatol ni Jehova. Sa gayo’y ginagampanan niya ang iniatas sa kaniya ni Jehova na tungkulin bilang Hukom, ang “Makapangyarihang Diyos.” (Isaias 9:6) Nakasisindak ang kaniyang mga mata, gaya ng “nagliliyab na apoy,” na nakatanaw sa napipintong maapoy na pagkapuksa ng kaniyang mga kaaway.

      6 Nakokoronahan ng mga diadema ang Mandirigmang-Haring ito. Ang mabangis na hayop na nakita ni Juan na umaahon mula sa dagat ay may sampung diadema, na lumalarawan sa pansamantalang pamamahala nito sa daigdig. (Apocalipsis 13:1) Subalit si Jesus ay “maraming diadema.” Walang kapantay ang kaniyang maluwalhating pamamahala, yamang siya ang “Hari niyaong mga namamahala bilang mga hari at Panginoon niyaong mga namamahala bilang mga panginoon.”​—1 Timoteo 6:15.

      7. Ano ang pangalang nakasulat na taglay ni Jesus?

      7 Nagpapatuloy ang paglalarawan ni Juan: “Siya ay may pangalang nakasulat na walang sinumang nakaaalam kundi siya lamang.” (Apocalipsis 19:12b) Sa Bibliya, tinutukoy ang Anak ng Diyos sa mga pangalang Jesus, Emmanuel, at Miguel. Subalit ang hindi binanggit na “pangalan” na ito ay waring kumakatawan sa tungkulin at mga pribilehiyo ni Jesus sa panahon ng araw ng Panginoon. (Ihambing ang Apocalipsis 2:17.) Bilang paglalarawan kay Jesus mula noong 1914, sinabi ni Isaias: “Ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6) Iniugnay ni apostol Pablo ang pangalan ni Jesus sa Kaniyang napakatayog na mga pribilehiyo ng paglilingkod nang sumulat siya: “Dinakila . . . ng Diyos [si Jesus] sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod.”​—Filipos 2:9, 10.

      8. Bakit si Jesus lamang ang makaaalam kung ano ang pangalang nakasulat, at kanino niya ibinabahagi ang ilan sa kaniyang matatayog na pribilehiyo?

      8 Pantangi ang mga pribilehiyo ni Jesus. Bukod kay Jehova mismo, si Jesus lamang ang makauunawa kung ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng gayong mataas na posisyon. (Ihambing ang Mateo 11:27.) Kaya sa lahat ng nilalang ng Diyos, si Jesus lamang ang lubusang makauunawa sa pangalang ito. Gayunman, ibinabahagi ni Jesus sa kaniyang kasintahang babae ang ilan sa mga pribilehiyong ito. Kaya nangako siya: ‘Isusulat ko sa nananaig ang bagong pangalan kong iyon.’​—Apocalipsis 3:12.

      9. Ano ang ipinahihiwatig (a) ng bagay na si Jesus ‘ay nagagayakan ng panlabas na kasuutan na nawisikan ng dugo’? (b) ng pagtawag kay Jesus bilang “Ang Salita ng Diyos”?

      9 Sinabi pa ni Juan: “At nagagayakan siya ng panlabas na kasuutan na nawisikan ng dugo, at ang pangalang itinatawag sa kaniya ay Ang Salita ng Diyos.” (Apocalipsis 19:13) Kaninong “dugo” ito? Maaaring dugo ito ni Jesus, na itinigis alang-alang sa sangkatauhan. (Apocalipsis 1:5) Ngunit sa kontekstong ito, mas malamang na tumukoy ito sa dugo ng kaniyang mga kaaway na dadanak kapag inilapat na sa kanila ang mga hatol ni Jehova. Ipinaaalaala nito sa atin ang naunang pangitain kung saan ang punong ubas ng lupa ay inaani at niyuyurakan sa malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos anupat umabot ang dugo “hanggang sa mga renda ng mga kabayo”​—na sumasagisag sa dakilang tagumpay laban sa mga kaaway ng Diyos. (Apocalipsis 14:18-20) Sa katulad na paraan, ang dugo na nawisik sa panlabas na kasuutan ni Jesus ay tumitiyak na ganap at lubusan ang kaniyang tagumpay. (Ihambing ang Isaias 63:1-6.) May binabanggit uli ngayon si Juan na isang pangalang itinatawag kay Jesus. Ngayon naman, kilalang-kilala ang pangalang ito​—“Ang Salita ng Diyos”​—na nagpapakilala sa Mandirigmang-Haring ito bilang Punong Tagapagsalita ni Jehova at Tagapagtanggol ng katotohanan.​—Juan 1:1; Apocalipsis 1:1.

      Mga Mandirigmang Kasama ni Jesus

      10, 11. (a) Paano ipinakikita ni Juan na hindi nag-iisa si Jesus sa pakikidigma? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang mga kabayo ay puti at na ang mga mangangabayo ay nadaramtan ng “mapuputi, malilinis, maiinam na lino”? (c) Sino ang bumubuo sa makalangit na “mga hukbo”?

      10 Hindi nag-iisa si Jesus sa pakikidigmang ito. Sinasabi sa atin ni Juan: “Gayundin, ang mga hukbo na nasa langit ay sumusunod sa kaniya na nakasakay sa mga kabayong puti, at nadaramtan sila ng mapuputi, malilinis, maiinam na lino.” (Apocalipsis 19:14) Ang pagiging “puti” ng mga kabayo ay nagpapahiwatig ng matuwid na digmaan. Ang “maiinam na lino” ay angkop para sa mga mangangabayo ng Hari, at ang nagniningning at malinis na kaputian nito ay nangangahulugan ng dalisay at matuwid na katayuan sa harap ni Jehova. Kung gayon, sino ang bumubuo sa “mga hukbo” na ito? Walang alinlangan, kabilang dito ang banal na mga anghel. Pasimula noon ng araw ng Panginoon nang ihagis ni Miguel at ng kaniyang mga anghel mula sa langit si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. (Apocalipsis 12:7-9) Bukod dito, maglilingkod kay Jesus “ang lahat ng mga anghel” samantalang nakaupo siya sa kaniyang maluwalhating trono upang hatulan ang mga bansa at mga tao sa lupa. (Mateo 25:31, 32) Sa pangwakas na digmaan, kung kailan lubusang ilalapat ang mga hatol ng Diyos, tiyak na muli na namang makakasama ni Jesus ang kaniyang mga anghel.

      11 May iba pa ring masasangkot. Sa mensaheng ipinadala niya sa kongregasyon sa Tiatira, nangako si Jesus: “Sa kaniya na nananaig at tumutupad sa aking mga gawa hanggang sa wakas ay ibibigay ko ang awtoridad sa mga bansa, at magpapastol siya sa mga tao sa pamamagitan ng isang tungkod na bakal anupat magkakadurug-durog sila na tulad ng mga sisidlang luwad, gaya naman ng tinanggap ko mula sa aking Ama.” (Apocalipsis 2:26, 27) Walang-alinlangang pagsapit ng panahon, ang mga kapatid ni Kristo na nasa langit na ay makikibahagi sa pagpapastol sa mga bayan at mga bansa sa pamamagitan ng tungkod na bakal na iyon.

      12. (a) Makikibahagi ba sa pakikipaglaban sa Armagedon ang mga lingkod ng Diyos sa lupa? (b) Paano nasasangkot sa Armagedon ang bayan ni Jehova sa lupa?

      12 Kumusta naman ang mga lingkod ng Diyos na naririto sa lupa? Ang uring Juan ay hindi magkakaroon ng aktibong bahagi sa pakikipaglaban sa Armagedon; maging ang kanilang matapat na mga kasamahan, samakatuwid nga, ang mga tao mula sa lahat ng bansa na nagsisihugos sa espirituwal na bahay ng pagsamba kay Jehova. Pinukpok na ng mapapayapang taong ito ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod. (Isaias 2:2-4) Subalit lubha rin silang nasasangkot! Gaya ng natalakay na natin, buong-bangis na sasalakayin ni Gog at ng kaniyang buong pulutong ang tila walang kalaban-labang bayan ni Jehova. Ito na ang hudyat upang ang Mandirigmang-Hari ni Jehova, na sinusuportahan ng mga hukbo sa langit, ay magsimula sa pakikidigma na lubos na lilipol sa mga bansang ito. (Ezekiel 39:6, 7, 11; ihambing ang Daniel 11:44–12:1.) Bilang mga tagamasid, magiging lubhang interesado ang bayan ng Diyos sa lupa. Ang Armagedon ay mangangahulugan ng kanilang kaligtasan, at mabubuhay sila magpakailanman bilang mga saksi sa dakilang digmaan na magbabangong-puri kay Jehova.

      13. Paano natin nalalaman na hindi laban sa lahat ng pamahalaan ang mga Saksi ni Jehova?

      13 Nangangahulugan ba ito na laban sa lahat ng pamahalaan ang mga Saksi ni Jehova? Malayong mangyari! Sinusunod nila ang payo ni apostol Pablo: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.” Batid nila na hangga’t naririto pa ang kasalukuyang sistema, pinahihintulutan ng Diyos na umiral ang “nakatataas na mga awtoridad” upang mapanatili ang kaayusan sa lipunan ng tao sa paanuman. Kaya ang mga Saksi ni Jehova ay nagbabayad ng buwis, sumusunod sa mga batas, gumagalang sa mga ordinansa sa trapiko, nagpaparehistro, at iba pa. (Roma 13:1, 6, 7) Bukod dito, sumusunod sila sa mga simulain ng Bibliya hinggil sa pagiging tapat at mapagkakatiwalaan; sa pagpapakita ng pag-ibig sa kapuwa; sa pagtatayo ng isang matatag at huwarang sambahayan; at sa pagsasanay sa kanilang mga anak upang maging ulirang mga mamamayan. Sa ganitong paraan, ibinibigay nila hindi lamang ‘kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, kundi sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.’ (Lucas 20:25; 1 Pedro 2:13-17) Yamang ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang mga kapangyarihan ng pamahalaan ng sanlibutang ito ay pansamantala lamang, ang mga Saksi ni Jehova ay naghahanda ngayon para sa mas makahulugang buhay, ang tunay na buhay, na malapit nang tamasahin sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ni Kristo. (1 Timoteo 6:17-19) Bagaman hindi sila makikibahagi sa pagtitiwarik sa mga kapangyarihan ng sanlibutang ito, ganap na nagpipitagan ang mga Saksi sa sinasabi ng kinasihang Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, hinggil sa paghatol na malapit nang ilapat ni Jehova sa Armagedon.​—Isaias 26:20, 21; Hebreo 12:28, 29.

      Tungo sa Pangwakas na Digmaan!

      14. Ano ang isinasagisag ng “mahabang tabak na matalas” na lumalabas mula sa bibig ni Jesus?

      14 Kanino nagmumula ang awtoridad na tapusin ni Jesus ang kaniyang pananaig? Ipinaaalam ito sa atin ni Juan: “At mula sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang mahabang tabak na matalas, upang kaniyang saktan ang mga bansa sa pamamagitan nito, at papastulan niya sila ng isang tungkod na bakal.” (Apocalipsis 19:15a) Ang “mahabang tabak na matalas” ay kumakatawan sa bigay-Diyos na awtoridad ni Jesus upang magpalabas ng mga utos sa pagpuksa sa lahat ng tumatangging sumuporta sa Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 1:16; 2:16) Ang maliwanag na simbolismong ito ay nakakatulad ng mga salita ni Isaias: “Ang aking bibig ay ginawa niyang [ni Jehova] gaya ng isang tabak na matalas. Sa lilim ng kaniyang kamay ay itinago niya ako. At sa kalaunan ay ginawa niya akong isang pinakinis na palaso.” (Isaias 49:2) Dito, lumalarawan si Isaias kay Jesus, na nagpapahayag ng mga kahatulan ng Diyos at naglalapat ng mga ito, gaya ng isang walang-mintis na palaso.

      15. Sa pagkakataong ito, sino na ang nalantad at nahatulan, na siyang tanda ng pagsisimula ng ano?

      15 Sa pagkakataong ito, kumilos na si Jesus bilang katuparan ng mga salita ni Pablo: “Kung magkagayon nga, ang isa na tampalasan ay isisiwalat, na siyang lilipulin ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang bibig at papawiin sa pamamagitan ng pagkakahayag ng kaniyang pagkanaririto.” Oo, ang pagkanaririto (Griego, pa·rou·siʹa) ni Jesus ay nahayag mula noong 1914, dahil sa paglalantad at paghatol sa taong tampalasan, ang klero ng Sangkakristiyanuhan. Buong-linaw na mahahayag ang pagkanariritong iyon kapag inilapat ng sampung sungay ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop ang hatol na iyon at winasak ang Sangkakristiyanuhan, pati na ang iba pang bahagi ng Babilonyang Dakila. (2 Tesalonica 2:1-3, 8) Iyon ang magiging pasimula ng malaking kapighatian! Pagkaraan nito, ibabaling ni Jesus ang kaniyang pansin sa nalalabing bahagi ng organisasyon ni Satanas, kasuwato ng hulang ito: “Sasaktan niya ang lupa sa pamamagitan ng tungkod ng kaniyang bibig; at sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang mga labi ay papatayin niya ang balakyot.”​—Isaias 11:4.

      16. Paano inilalarawan sa Mga Awit at sa Jeremias ang papel ng Mandirigmang-Hari na inatasan ni Jehova?

      16 Bilang inatasan ni Jehova, ipakikita ng Mandirigmang-Hari ang pagkakaiba ng mga makaliligtas at ng mga mamamatay. Ganito ang makahulang sinabi ni Jehova sa Anak na ito ng Diyos: “Babaliin mo sila [mga tagapamahala sa lupa] sa pamamagitan ng isang setrong bakal, dudurugin mo silang gaya ng sisidlan ng magpapalayok.” At pinagwikaan din ni Jeremias ang tiwaling mga lider ng pamahalaan at ang kanilang mga alipores, na nagsasabi: “Magpalahaw kayo, kayong mga pastol, at humiyaw kayo! At gumumon kayo, kayong mariringal sa kawan, sapagkat ang inyong mga araw para sa pagpatay at sa inyong pangangalat ay naganap na, at kayo ay babagsak na parang kanais-nais na sisidlan!” Gaano man kanais-nais ang mga tagapamahalang ito sa tingin ng balakyot na sanlibutan, isang hampas lamang ng setrong bakal ng Hari ay sapat na upang magkabasag-basag sila, gaya ng pagdurog sa isang kaakit-akit na sisidlan. Magiging kagayang-kagaya ito ng inihula ni David hinggil sa Panginoong Jesus: “Ang tungkod ng iyong lakas ay isusugo ni Jehova mula sa Sion, na nagsasabi: ‘Manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.’ Si Jehova sa iyong kanan ang dudurog sa mga hari sa araw ng kaniyang galit. Maglalapat siya ng kahatulan sa gitna ng mga bansa; pangyayarihin niyang mapuno ito ng mga bangkay.”​—Awit 2:9, 12; 83:17, 18; 110:1, 2, 5, 6; Jeremias 25:34.

      17. (a) Paano inilalarawan ni Juan ang gagawing pagpuksa ng Mandirigmang-Hari? (b) Isalaysay ang ilang hula na nagpapakita kung gaano kalaking kapahamakan ang idudulot ng araw ng galit ng Diyos sa mga bansa.

      17 Muling makikita ang makapangyarihang Mandirigmang-Haring ito sa susunod na eksena ng pangitain: “Niyuyurakan din niya ang pisaan ng ubas ng galit ng poot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 19:15b) Sa isang naunang pangitain, nakita na ni Juan ang pagyurak sa “pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.” (Apocalipsis 14:18-20) Inilalarawan din ni Isaias ang isang mapamuksang pisaan ng ubas, at binabanggit ng iba pang propeta kung gaano kalaking kapahamakan ang idudulot ng araw ng galit ng Diyos sa lahat ng bansa.​—Isaias 24:1-6; 63:1-4; Jeremias 25:30-33; Daniel 2:44; Zefanias 3:8; Zacarias 14:3, 12, 13; Apocalipsis 6:15-17.

      18. Ano ang isinisiwalat ni propeta Joel hinggil sa paghatol ni Jehova sa lahat ng bansa?

      18 Iniuugnay ng propetang si Joel ang isang pisaan ng ubas sa pagdating ni Jehova “upang hatulan ang lahat ng mga bansa sa palibot.” At si Jehova ang nag-uutos, malamang sa Kaniyang katulong na Hukom, si Jesus, at sa kaniyang makalangit na mga hukbo: “Isulong ninyo ang karit, sapagkat ang aanihin ay hinog na. Pumarito kayo, lumusong kayo, sapagkat ang pisaan ng ubas ay punô na. Ang mga pisaang tangke ay umaapaw; sapagkat ang kanilang kasamaan ay dumami. Mga pulutong, mga pulutong ang nasa mababang kapatagan ng pasiya, sapagkat ang araw ni Jehova ay malapit na sa mababang kapatagan ng pasiya. Ang araw at ang buwan ay tiyak na magdidilim, at ang mismong mga bituin ay magkakait ng kanilang liwanag. At mula sa Sion ay uungal si Jehova, at mula sa Jerusalem ay ilalakas niya ang kaniyang tinig. At ang langit at ang lupa ay tiyak na uuga; ngunit si Jehova ay magiging kanlungan para sa kaniyang bayan, at tanggulan para sa mga anak ni Israel. At inyo ngang makikilala na ako ay si Jehova na inyong Diyos.”​—Joel 3:12-17.

      19. (a) Paano masasagot ang tanong sa 1 Pedro 4:17? (b) Anong pangalan ang nakasulat sa panlabas na kasuutan ni Jesus, at bakit mapatutunayang angkop ito?

      19 Tunay na magiging araw iyon ng lagim para sa masuwaying mga bansa at mga tao subalit magiging araw naman ng kaginhawahan para sa lahat ng nanganganlong kay Jehova at sa kaniyang Mandirigmang-Hari! (2 Tesalonica 1:6-9) Ang paghatol na nagsimula sa bahay ng Diyos noong 1918 ay sasapit na sa sukdulan nito bilang sagot sa tanong na nasa 1 Pedro 4:17: “Ano kaya ang magiging wakas niyaong mga hindi masunurin sa mabuting balita ng Diyos?” Ganap na yuyurakan ng maluwalhating Nagtagumpay ang pisaan ng ubas, upang patunayan na siya ang dakilang Isa na tinutukoy ni Juan sa pagsasabing: “At sa kaniyang panlabas na kasuutan, maging sa kaniyang hita, ay may pangalan siyang nakasulat, Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” (Apocalipsis 19:16) Pinatunayan niya na higit siyang makapangyarihan kaysa sinumang tagapamahala sa lupa, sinumang taong hari o panginoon. Hindi mapapantayan ang kaniyang dangal at karingalan. Sumasakay siya “alang-alang sa katotohanan at kapakumbabaan at katuwiran” at lubusang nagtatagumpay! (Awit 45:4) Sa kaniyang kasuutang nawisikan ng dugo ay nakasulat ang pangalan na ipinagkaloob sa kaniya ng Soberanong Panginoong Jehova, bilang Kaniyang Tagapagbangong-Puri!

      Ang Dakilang Hapunan ng Diyos

      20. Paano inilalarawan ni Juan ang “dakilang hapunan ng Diyos,” na nagpapaalaala sa anong naunang hulang katulad nito?

      20 Sa pangitain ni Ezekiel, matapos mapuksa ang pulutong ni Gog, ang mga ibon at mababangis na hayop ay inanyayahan sa isang piging! Nilinis nila ang lupain sa pamamagitan ng pagkain sa bangkay ng mga kaaway ni Jehova. (Ezekiel 39:11, 17-20) Malinaw na ipinaaalaala ng susunod na mga salita ni Juan ang naunang hulang iyon: “Nakita ko rin ang isang anghel na nakatayo sa araw, at sumigaw siya sa malakas na tinig at nagsabi sa lahat ng mga ibon na lumilipad sa kalagitnaan ng langit: ‘Halikayo rito, matipon kayo sa dakilang hapunan ng Diyos, upang inyong kainin ang mga kalamnan ng mga hari at ang mga kalamnan ng mga kumandante ng militar at ang mga kalamnan ng malalakas na tao at ang mga kalamnan ng mga kabayo at niyaong mga nakaupo sa kanila, at ang mga kalamnan ng lahat, ng mga taong laya at gayundin ng mga alipin at ng maliliit at ng malalaki.’”​—Apocalipsis 19:17, 18.

      21. Ano ang ipinahihiwatig ng (a) anghel na “nakatayo sa araw”? (b) pag-iwan sa mga patay na nakahandusay sa ibabaw ng lupa? (c) talaan niyaong ang mga bangkay ay maiiwang nakahandusay sa lupa? (d) pananalitang “dakilang hapunan ng Diyos”?

      21 Ang anghel ay “nakatayo sa araw,” isang mataas na posisyon na makatatawag-pansin sa mga ibon. Inaanyayahan niya sila na magpakabusog sa laman niyaong mga pupuksain ng Mandirigmang-Hari at ng kaniyang makalangit na mga hukbo. Ang pag-iwan sa mga bangkay sa ibabaw ng lupa ay nagpapahiwatig na magiging pangmadlang kahihiyan ang kanilang pagkamatay. Gaya ni Jezebel noong unang panahon, hindi sila bibigyan ng marangal na libing. (2 Hari 9:36, 37) Iiwang nakahandusay ang bangkay ng mga hari, mga kumandante ng militar, malalakas na tao, mga taong laya, at mga alipin: ipinakikita ng talaang ito ang lawak ng gagawing pagpuksa. Walang eksepsiyon. Papawiin ang kahuli-hulihang bakas ng mapaghimagsik na sanlibutan na salansang kay Jehova. Pagkatapos nito, mawawala na ang maligalig na dagat ng magulong sangkatauhan. (Apocalipsis 21:1) Ito ang “dakilang hapunan ng Diyos,” yamang si Jehova ang nag-aanyaya sa mga ibon na makibahagi roon.

      22. Paano binuod ni Juan ang mangyayari sa pangwakas na digmaan?

      22 Binuod ni Juan ang mangyayari sa pangwakas na digmaan: “At nakita ko ang mabangis na hayop at ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo na nagtipun-tipon upang makipagdigma sa isa na nakaupo sa kabayo at sa kaniyang hukbo. At sinunggaban ang mabangis na hayop, at kasama nito ang bulaang propeta na nagsagawa sa harap niyaon ng mga tanda na ipinanligáw niya sa mga tumanggap ng marka ng mabangis na hayop at sa mga nag-uukol ng pagsamba sa larawan nito. Samantalang buháy pa, sila ay kapuwa inihagis sa maapoy na lawa na nagniningas sa asupre. Ngunit ang iba ay pinatay sa pamamagitan ng mahabang tabak ng isa na nakaupo sa kabayo, na siyang tabak na lumalabas mula sa kaniyang bibig. At ang lahat ng mga ibon ay nabusog sa kanilang mga kalamnan.”​—Apocalipsis 19:19-21.

      23. (a) Sa anong diwa paglalabanan ang “digmaan ng dakilang araw na iyon ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa “Armagedon”? (b) Anong babala ang hindi pinakinggan ng “mga hari sa lupa,” at ano ang ibubunga nito?

      23 Matapos ibuhos ang ikaanim na mangkok ng poot ni Jehova, iniulat ni Juan na “ang mga hari sa lupa at ng buong sanlibutan” ay tinipon ng makademonyong propaganda tungo sa “digmaan ng dakilang araw na iyon ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Paglalabanan ito sa Armagedon​—hindi isang literal na dako, kundi ang pangglobong situwasyon kung saan ilalapat ang hatol ni Jehova. (Apocalipsis 16:12, 14, 16, King James Version) Nakikita ngayon ni Juan ang mga hukbo. Hayun, nakahanay laban sa Diyos ang lahat ng “mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo.” Mapagmatigas silang tumatangging magpasakop sa Haring itinalaga ni Jehova. Nagbigay siya ng sapat na babala sa kinasihang mensahe: “Hagkan ninyo ang anak, upang hindi . . . magalit [si Jehova] at hindi kayo malipol sa daan.” Yamang hindi sila nagpapasakop sa pamamahala ni Kristo, dapat silang mamatay.​—Awit 2:12.

      24. (a) Anong hatol ang ilalapat sa mabangis na hayop at sa bulaang propeta, at sa anong diwa “buháy pa” sila? (b) Bakit tiyak na makasagisag ang “lawa ng apoy”?

      24 Ang mabangis na hayop mula sa dagat na may pitong ulo at sampung sungay, na kumakatawan sa pulitikal na organisasyon ni Satanas, ay ililibing sa limot kasama na ang bulaang propeta, ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig. (Apocalipsis 13:1, 11-13; 16:13) Samantalang “buháy” pa, o samantalang nagkakaisang sumasalansang sa bayan ng Diyos sa lupa, ihahagis sila sa “lawa ng apoy.” Literal ba ang lawang ito ng apoy? Hindi, kung paanong hindi literal na mga hayop ang mabangis na hayop at ang bulaang propeta. Sa halip, sagisag ito ng lubusan at pangwakas na pagkapuksa. Sa dakong huli, dito ibubulid ang kamatayan at ang Hades, pati na ang Diyablo mismo. (Apocalipsis 20:10, 14) Tiyak na hindi ito isang impiyerno ng walang-hanggang pagpapahirap para sa mga balakyot, yamang ang ideya pa lamang hinggil sa ganitong dako ay karima-rimarim na kay Jehova.​—Jeremias 19:5; 32:35; 1 Juan 4:8, 16.

      25. (a) Sino ang mga “pinatay sa pamamagitan ng mahabang tabak ng isa na nakaupo sa kabayo”? (b) Aasahan ba natin na bubuhayin pang muli yaong mga “pinatay”?

      25 Ang lahat ng iba pa na hindi naman tuwirang bahagi ng pamahalaan, subalit bahagi ng masamang sanlibutan ng sangkatauhan na ayaw nang magbago pa, ay ‘papatayin din sa pamamagitan ng mahabang tabak ng isa na nakaupo sa kabayo.’ Hahatulan sila ni Jesus bilang karapat-dapat sa kamatayan. Yamang hindi binabanggit ang lawa ng apoy may kaugnayan sa kanila, aasahan ba natin na bubuhayin pa silang muli? Wala tayong mababasa na ang mga pupuksain ng Hukom na inatasan ni Jehova sa panahong iyon ay bubuhaying muli. Gaya ng sinabi mismo ni Jesus, ang lahat ng hindi kabilang sa “mga tupa” ay magtutungo sa “walang-hanggang apoy na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel,” samakatuwid nga, ‘tungo sa walang-hanggang pagkalipol.’ (Mateo 25:33, 41, 46) Ito ang magiging kasukdulan ng “araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.”​—2 Pedro 3:7; Nahum 1:2, 7-9; Malakias 4:1.

      26. Sabihin sa maikli kung ano ang kalalabasan ng Armagedon.

      26 Sa ganitong paraan magwawakas ang buong makalupang organisasyon ni Satanas. Ang “dating langit” ng pulitikal na pamamahala ay lumipas na. Ang “lupa,” ang waring di-matitinag na sistemang itinatag ni Satanas sa paglipas ng maraming siglo, ay lubusan na ngayong wasak. Ang “dagat,” ang kalipunan ng balakyot na sangkatauhan na salansang kay Jehova, ay wala na. (Apocalipsis 21:1; 2 Pedro 3:10) Subalit ano ang gagawin ni Jehova kay Satanas mismo? Sasabihin ito sa atin ni Juan.

  • Pagdurog sa Ulo ng Serpiyente
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • Kabanata 40

      Pagdurog sa Ulo ng Serpiyente

      Pangitain 14​—Apocalipsis 20:1-10

      Paksa: Pagbubulid kay Satanas sa kalaliman, ang Milenyong Paghahari, pangwakas na pagsubok sa sangkatauhan, at ang pagpuksa kay Satanas

      Panahon ng katuparan: Mula sa katapusan ng malaking kapighatian hanggang sa pagpuksa kay Satanas

      1. Paano patuloy na natutupad ang unang hula sa Bibliya?

      NATATANDAAN mo ba ang unang hula sa Bibliya? Binigkas ito ng Diyos na Jehova nang sabihin niya sa Serpiyente: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15) Dumarating na ngayon sa kasukdulan ang katuparan ng hulang iyon! Natalunton na natin ang kasaysayan ng pakikipagbaka ni Satanas laban sa tulad-babaing organisasyon ni Jehova sa langit. (Apocalipsis 12:1, 9) Ang makalupang binhi ng Serpiyente, na binubuo ng relihiyon, pulitika, at dambuhalang komersiyo, ay nagbunton ng malupit na pag-uusig sa binhi ng babae, si Jesu-Kristo at ang kaniyang 144,000 pinahirang mga tagasunod, dito sa lupa. (Juan 8:37, 44; Galacia 3:16, 29) Napakasakit na kamatayan ang ipinaranas ni Satanas kay Jesus. Subalit gaya lamang ito ng sugat sa sakong, sapagkat binuhay muli ng Diyos ang kaniyang tapat na Anak sa ikatlong araw.​—Gawa 10:38-40.

      2. Paano susugatan ang Serpiyente, at ano ang mangyayari sa makalupang binhi ng Serpiyente?

      2 Ano naman ang mangyayari sa Serpiyente at sa kaniyang binhi? Noong mga 56 C.E., sumulat si apostol Pablo ng isang mahabang liham sa mga Kristiyano sa Roma. Sa kaniyang konklusyon, pinatibay-loob niya sila sa pagsasabi: “Sa ganang kaniya, ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan ang dudurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa sa di-kalaunan.” (Roma 16:20) Hindi ito mababaw na sugat lamang. Dudurugin si Satanas! Ginamit dito ni Pablo ang salitang syn·triʹbo, na sa orihinal na Griego ay literal na nangangahulugang lamugin sa bugbog, yurakan, lubusang puksain sa pamamagitan ng pagdurog. Kung tungkol sa mga taong bumubuo sa binhi ng Serpiyente, tatanggap sila ng matitinding salot sa araw ng Panginoon, na aabot sa kasukdulan sa malaking kapighatian kapag ganap nang nawasak ang Babilonyang Dakila at ang pulitikal na mga sistema ng sanlibutan, kasama na ang kanilang mga pinansiyal at militar na mga tagasuporta. (Apocalipsis, kabanata 18 at 19) Sa gayo’y pasasapitin ni Jehova sa kasukdulan ang alitan ng dalawang binhi. Ang Binhi ng babae ng Diyos ay magtatagumpay laban sa makalupang binhi ng Serpiyente, at ang binhing iyon ay mawawala na magpakailanman!

      Ibinulid sa Kalaliman si Satanas

      3. Ano ang sinasabi sa atin ni Juan na mangyayari kay Satanas?

      3 Kung gayon, ano ang naghihintay kay Satanas mismo at sa kaniyang mga demonyo? Sinasabi sa atin ni Juan: “At nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit na taglay ang susi ng kalaliman at ang isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. At sinunggaban niya ang dragon, ang orihinal na serpiyente, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos siya sa loob ng isang libong taon. At inihagis niya siya sa kalaliman at isinara iyon at tinatakan iyon sa ibabaw niya, upang hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos ng mga bagay na ito ay kailangan siyang pakawalan nang kaunting panahon.”​—Apocalipsis 20:1-3.

      4. Sino ang anghel na may susi ng kalaliman, at paano natin nalaman?

      4 Sino ang anghel na ito? Tiyak na may pambihirang kapangyarihan siya upang mailigpit ang pangunahing kaaway ni Jehova. Nasa kaniya “ang susi ng kalaliman at ang isang malaking tanikala.” Hindi ba ipinaaalaala nito sa atin ang isang naunang pangitain? Aba, oo, ang hari ng mga balang ay tinatawag na “anghel ng kalaliman”! (Apocalipsis 9:11) Kaya muli nating nasasaksihan dito ang pagkilos ng Pangunahing Tagapagbangong-Puri ni Jehova, ang niluwalhating si Jesu-Kristo. Yamang ang arkanghel na ito ang nagpalayas kay Satanas mula sa langit, humatol sa Babilonyang Dakila, at lumipol sa ‘mga hari sa lupa at sa kanilang mga hukbo’ sa Armagedon, tiyak na hindi niya ipauubaya sa isang mas nakabababang anghel ang ultimong hakbang ng pagbubulid kay Satanas sa kalaliman!​—Apocalipsis 12:7-9; 18:1, 2; 19:11-21.

      5. Ano ang gagawin ng anghel ng kalaliman kay Satanas na Diyablo, at bakit?

      5 Nang ihagis mula sa langit ang malaking dragon na kulay-apoy, tinukoy siya bilang “orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:3, 9) Ngayong susunggaban na siya at ibubulid sa kalaliman, kumpleto na naman ang paglalarawan sa kaniya bilang “dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.” Ang pusakal na maninila, manlilinlang, maninirang-puri, at mananalansang na ito ay tinatanikalaan at ibinubulid “sa kalaliman,” na sinasarhan at tinatatakang mabuti, “upang hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa.” Ang pagbubulid na ito kay Satanas sa kalaliman ay tatagal nang isang libong taon, at sa panahong iyon, gaya ng isang bilanggo na nakakulong sa malalim na bartolina, hindi niya maiimpluwensiyahan ang sangkatauhan. Si Satanas ay lubusang ihihiwalay ng anghel ng kalaliman at hindi na magkakaroon ng anumang kaugnayan sa Kaharian ng katuwiran. Kaylaking ginhawa nito para sa sangkatauhan!

      6. (a) Ano ang katibayan na ibubulid din sa kalaliman ang mga demonyo? (b) Ano ngayon ang maaari nang magsimula, at bakit?

      6 Ano ang mangyayari sa mga demonyo? Sila rin ay ‘itinaan sa paghuhukom.’ (2 Pedro 2:4) Si Satanas ay tinatawag na “Beelzebub na tagapamahala ng mga demonyo.” (Lucas 11:15, 18; Mateo 10:25) Dahil sa kanilang matagal nang pakikipagsabuwatan kay Satanas, hindi ba dapat lamang na igawad sa kanila ang gayunding hatol? Matagal nang kinatatakutan ng mga demonyong iyon ang kalaliman; sa isang pagkakataon, nang makaharap sila ni Jesus, ‘patuloy silang namanhik sa kaniya na huwag silang utusang pumaroon sa kalaliman.’ (Lucas 8:31) Subalit kapag ibinulid na sa kalaliman si Satanas, tiyak na ibubulid ding kasama niya ang kaniyang mga anghel. (Ihambing ang Isaias 24:21, 22.) Pagkatapos maibulid sa kalaliman si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, maaari nang magsimula ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo.

      7. (a) Ano ang magiging kalagayan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo samantalang nasa kalaliman, at paano natin nalaman? (b) Iisa ba ang Hades at ang kalaliman? (Tingnan ang talababa.)

      7 Magiging aktibo ba si Satanas at ang kaniyang mga demonyo samantalang nasa kalaliman sila? Buweno, alalahanin ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop na may pitong ulo na “naging siya, ngunit wala na, at gayunma’y malapit nang umahon mula sa kalaliman.” (Apocalipsis 17:8) Samantalang nasa kalaliman, ito’y “wala na.” Ito’y hindi gumagana, hindi kumikilos, patay kung tutuusin. Sa katulad na paraan, sinabi ni apostol Pablo hinggil kay Jesus: “‘Sino ang bababa sa kalaliman?’ samakatuwid nga, upang iahon si Kristo mula sa mga patay.” (Roma 10:7) Samantalang nasa kalalimang iyon, patay si Jesus.a Kung gayon, makatuwirang sabihin na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay waring patay na walang anumang magagawa sa loob ng isang libong taon ng pagkakabulid sa kanila sa kalaliman. Kay-inam na balita ito para sa mga umiibig sa katuwiran!

      Mga Hukom sa Loob ng Isang Libong Taon

      8, 9. Ano ngayon ang sinasabi sa atin ni Juan tungkol sa mga nakaupo sa mga trono, at sinu-sino ang mga ito?

      8 Pagkatapos ng isang libong taon, pakakawalan si Satanas mula sa kalaliman nang sandaling panahon. Bakit? Bago siya sumagot, inaakay uli ni Juan ang pansin natin sa pasimula ng yugtong iyan ng panahon. Mababasa natin: “At nakakita ako ng mga trono, at may mga nakaupo sa mga iyon, at binigyan sila ng kapangyarihang humatol.” (Apocalipsis 20:4a) Sinu-sino ang mga ito na nakaupo sa mga trono at namamahala sa langit na kasama ng niluwalhating si Jesus?

      9 Sila ang “mga banal” na inilalarawan ni Daniel na namamahala sa Kaharian kasama ng Isa na “gaya ng anak ng tao.” (Daniel 7:13, 14, 18) Sila rin ang 24 na matatanda na nakaupo sa makalangit na mga trono sa mismong presensiya ni Jehova. (Apocalipsis 4:4) Kabilang sa mga ito ang 12 apostol, na pinangakuan ni Jesus: “Sa muling-paglalang, kapag ang Anak ng tao ay umupo sa kaniyang maluwalhating trono, kayo na sumunod sa akin ay uupo rin mismo sa labindalawang trono, na hahatol sa labindalawang tribo ng Israel.” (Mateo 19:28) Kabilang din si Pablo sa kanila, pati na ang mga Kristiyano sa Corinto na nanatiling tapat. (1 Corinto 4:8; 6:2, 3) Makakabilang din dito ang mga miyembro ng kongregasyon ng Laodicea na nanaig.​—Apocalipsis 3:21.

      10. (a) Paano inilalarawan ngayon ni Juan ang 144,000 hari? (b) Mula sa naunang sinabi sa atin ni Juan, sino ang kabilang sa 144,000 hari?

      10 May inihandang mga trono​—144,000 ang mga ito​—para sa mga pinahirang mananaig na “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.” (Apocalipsis 14:1, 4) “Oo,” patuloy pa ni Juan, “nakita ko ang mga kaluluwa niyaong mga pinatay sa pamamagitan ng palakol dahil sa patotoo na kanilang ibinigay tungkol kay Jesus at dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos, at yaong mga hindi sumamba sa mabangis na hayop ni sa larawan man nito at hindi tumanggap ng marka sa kanilang noo at sa kanilang kamay.” (Apocalipsis 20:4b) Kaya kabilang sa mga haring iyon ang mga pinahirang Kristiyanong martir na bago pa nito, sa pagbubukas ng ikalimang tatak, ay nagtanong kay Jehova kung gaano pa katagal siya maghihintay bago ipaghiganti ang kanilang dugo. Nang panahong iyon, binigyan sila ng isang mahabang damit na puti at sinabihang maghintay pa nang kaunting panahon. Subalit naipaghiganti na sila ngayon sa pamamagitan ng pagwasak sa Babilonyang Dakila, pagpuksa sa mga bansa sa kamay ng Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, at pagbubulid kay Satanas sa kalaliman.​—Apocalipsis 6:9-11; 17:16; 19:15, 16.

      11. (a) Paano natin uunawain ang pananalitang “pinatay sa pamamagitan ng palakol”? (b) Bakit masasabing sakripisyo ang kamatayan ng lahat ng 144,000?

      11 Lahat ba ng 144,000 maharlikang mga hukom na ito ay literal na “pinatay sa pamamagitan ng palakol”? Malamang, ilan lamang sa kanila ang literal na dumanas nito. Gayunman, ang pangungusap na ito ay walang-pagsalang nilayon na tumukoy sa lahat ng pinahirang Kristiyano na pinatay bilang mga martir sa iba’t ibang paraan.b (Mateo 10:22, 28) Tiyak na gusto sana ni Satanas na patayin silang lahat sa pamamagitan ng palakol, subalit ang totoo, hindi lahat ng pinahirang mga kapatid ni Jesus ay namamatay bilang mga martir. Marami sa kanila ang namamatay dahil sa sakit o katandaan. Gayunman, kabilang din ang mga ito sa grupo na nakikita ngayon ni Juan. Ang kamatayan nilang lahat ay maituturing na sakripisyo. (Roma 6:3-5) Bukod dito, walang isa man sa kanila ang naging bahagi ng sanlibutan. Kaya silang lahat ay kinapootan ng sanlibutan, at para na ring patay sa paningin nito. (Juan 15:19; 1 Corinto 4:13) Walang isa man sa kanila ang sumamba sa mabangis na hayop o sa larawan nito, at nang mamatay sila, walang isa man sa kanila ang may marka ng hayop. Silang lahat ay namatay bilang mga mananaig.​—1 Juan 5:4; Apocalipsis 2:7; 3:12; 12:11.

      12. Ano ang iniuulat ni Juan hinggil sa 144,000 hari, at kailan magaganap ang kanilang pagkabuhay-muli?

      12 Nabuhay nang muli ngayon ang mga mananaig na ito! Nag-uulat si Juan: “At sila ay nabuhay at namahala bilang mga hari na kasama ng Kristo sa loob ng isang libong taon.” (Apocalipsis 20:4c) Nangangahulugan ba ito na bubuhayin lamang ang mga hukom na ito pagkaraang mawasak ang mga bansa at maibulid sa kalaliman si Satanas at ang kaniyang mga demonyo? Hindi. Karamihan sa kanila ay buháy na sa panahong iyon, yamang nakasakay silang kasama ni Jesus laban sa mga bansa sa Armagedon. (Apocalipsis 2:26, 27; 19:14) Ang totoo, ipinahiwatig ni Pablo na nagsimula ang kanilang pagkabuhay-muli di-nagtagal nang magsimula ang pagkanaririto ni Jesus noong 1914 at na ang ilan ay unang bubuhaying muli kaysa sa iba. (1 Corinto 15:51-54; 1 Tesalonica 4:15-17) Kaya ang kanilang pagkabuhay-muli ay nagaganap sa loob ng mahabang panahon habang isa-isa silang tumatanggap ng kaloob na imortal na buhay sa langit.​—2 Tesalonica 1:7; 2 Pedro 3:11-14.

      13. (a) Paano natin dapat malasin ang isang libong taon ng pamamahala ng 144,000, at bakit? (b) Ano ang paniniwala ni Papias ng Hierapolis hinggil sa isang libong taon? (Tingnan ang talababa.)

      13 Maghahari at maghuhukom sila sa loob ng isang libong taon. Literal na isang libong taon ba ito, o isang makasagisag, di-tiyak, at mahabang yugto ng panahon? Ang “libu-libo” ay maaaring mangahulugan ng isang malaki at di-tiyak na bilang, gaya ng pagkagamit sa 1 Samuel 21:11. Subalit dito, literal ang “isang libo,” yamang sa orihinal na wika, lumilitaw ito nang tatlong ulit sa Apocalipsis 20:5-7 bilang “ang isang libong taon.” Tinawag ni Pablo ang panahong ito ng paghuhukom bilang “isang araw” nang sabihin niya: “Nagtakda siya [ang Diyos] ng isang araw kung kailan nilalayon niyang hatulan ang tinatahanang lupa ayon sa katuwiran.” (Gawa 17:31) Yamang sinasabi sa atin ni Pedro na ang isang araw kay Jehova ay gaya ng isang libong taon, angkop lamang na literal na isang libong taon ang Araw na ito ng Paghuhukom.c​—2 Pedro 3:8.

      Ang Iba Pa sa mga Patay

      14. (a) Anong pananalita ang isinusog ni Juan tungkol sa “iba pa sa mga patay”? (b) Paano nagbibigay-liwanag ang mga pangungusap ni apostol Pablo hinggil sa terminong “nabuhay”?

      14 Gayunman, sino ang huhukuman ng mga haring ito kung, ayon sa isinusog dito ni apostol Juan, “(ang iba pa sa mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa matapos ang isang libong taon)”? (Apocalipsis 20:5a) Muli, ang salitang “nabuhay” ay dapat unawain ayon sa konteksto nito. Ang salitang ito ay maaaring may iba’t ibang kahulugan ayon sa iba’t ibang kalagayan. Halimbawa, sinabi ni Pablo hinggil sa kaniyang kapuwa mga pinahirang Kristiyano: “Kayo ang binuhay ng Diyos bagaman kayo ay patay sa inyong mga pagkakamali at mga kasalanan.” (Efeso 2:1) Oo, ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano ay “binuhay,” kahit na noon pa mang unang siglo, sa pamamagitan ng paghahayag sa kanila na matuwid salig sa pananampalataya nila sa hain ni Jesus.​—Roma 3:23, 24.

      15. (a) Ano ang katayuan sa harap ng Diyos ng mga saksi ni Jehova bago ang panahong Kristiyano? (b) Paano ‘mabubuhay’ ang ibang tupa, at kailan nila lubusang aariin ang lupa?

      15 Sa katulad na paraan, ang mga saksi ni Jehova bago ang panahong Kristiyano ay ipinahayag ding matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos; at sina Abraham, Isaac, at Jacob ay sinasabing “buháy” bagaman patay na sila sa pisikal na paraan. (Mateo 22:31, 32; Santiago 2:21, 23) Gayunman, sila at ang iba pa na bubuhaying muli, pati na ang malaking pulutong ng tapat na ibang tupa na makaliligtas sa Armagedon at sinumang isisilang ng mga ito sa bagong sanlibutan, ay kailangan pa ring pasakdalin bilang tao. Isasagawa ito ni Kristo at ng kaniyang mga kasamang hari at saserdote sa panahon ng sanlibong-taóng Araw ng Paghuhukom, salig sa haing pantubos ni Jesus. Sa katapusan ng Araw na iyon, “ang iba pa sa mga patay” ay ‘mabubuhay’ sa diwa na magiging sakdal na mga tao sila. Gaya ng makikita natin, kailangan pa silang makapasa sa isang pangwakas na pagsubok, subalit haharapin nila ang pagsubok na iyon bilang sakdal na mga tao. Kapag nakapasa sila sa pagsubok, ipahahayag ng Diyos na karapat-dapat silang mabuhay magpakailanman, matuwid sa ganap na kahulugan nito. Mararanasan nila ang lubusang katuparan ng pangako: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Anong kasiya-siyang kinabukasan ang naghihintay sa masunuring sangkatauhan!

      Ang Unang Pagkabuhay-Muli

      16. Paano inilalarawan ni Juan ang pagkabuhay-muli ng mga maghaharing kasama ni Kristo, at bakit?

      16 Bumaling muli si Juan sa mga “nabuhay at namahala bilang mga hari na kasama ni Kristo,” at isinulat niya: “Ito ang unang pagkabuhay-muli.” (Apocalipsis 20:5b) Sa anong diwa ito una? Ito ang “unang pagkabuhay-muli” ayon sa panahon, sapagkat ang mga dumaranas nito ay “mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.” (Apocalipsis 14:4) Una rin ito sa kahalagahan, yamang ang mga nakikibahagi rito ay makakasama ni Jesus bilang tagapamahala sa kaniyang makalangit na Kaharian at huhukuman nila ang iba pa sa sangkatauhan. At bilang panghuli, una ito sa kaurian. Bukod kay Jesu-Kristo mismo, ang mga ibinabangon sa unang pagkabuhay-muli ang tanging mga nilikha na binabanggit sa Bibliya na tumatanggap ng imortalidad.​—1 Corinto 15:53; 1 Timoteo 6:16.

      17. (a) Paano inilalarawan ni Juan ang pinagpalang pag-asa ng mga pinahirang Kristiyano? (b) Ano ang “ikalawang kamatayan,” at bakit ito “walang awtoridad” sa 144,000 mananaig?

      17 Talagang pinagpalang pag-asa ito para sa mga pinahiran! Gaya ng ipinapahayag ni Juan: “Maligaya at banal ang sinumang may bahagi sa unang pagkabuhay-muli; sa mga ito ay walang awtoridad ang ikalawang kamatayan.” (Apocalipsis 20:6a) Gaya ng ipinangako ni Jesus sa mga Kristiyano sa Smirna, ang mga mananaig na ito na makakasama sa “unang pagkabuhay-muli” ay hindi manganganib na mapinsala ng “ikalawang kamatayan,” na nangangahulugan ng pagkalipol at pagkapuksa na wala nang pag-asang buhaying muli. (Apocalipsis 2:11; 20:14) Ang ikalawang kamatayan ay “walang awtoridad” sa mga mananaig na ito, sapagkat nakapagbihis na sila ng kawalang-kasiraan at imortalidad.​—1 Corinto 15:53.

      18. Ano ngayon ang sinasabi ni Juan hinggil sa bagong mga tagapamahala ng lupa, at ano ang isasagawa nila?

      18 Kaylaking pagkakaiba nito sa mga hari sa lupa sa panahon ng pamamahala ni Satanas! Pinakamatagal na ang mga 50 o 60 taon ng pamamahala ng mga ito, at ang karamihan naman ay sa loob lamang ng iilang taon. Siniil ng marami sa kanila ang sangkatauhan. Sa paanuman, paano permanenteng makikinabang ang mga bansa sa ilalim ng papalit-palit na mga tagapamahala na may pabagu-bagong mga patakaran? Sa kabaligtaran, ganito ang sinasabi ni Juan hinggil sa bagong mga tagapamahala ng lupa: “Kundi sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala sila bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.” (Apocalipsis 20:6b) Kasama sila ni Jesus na bubuo sa nag-iisang pamahalaan na iiral sa loob ng isang libong taon. Maglilingkod sila bilang mga saserdote anupat gagamitin ang halaga ng sakdal na hain ni Jesus bilang tao upang pasakdalin ang masunuring sangkatauhan sa espirituwal, moral, at pisikal na paraan. Dahil sa paglilingkod nila bilang mga hari, maitatatag ang isang pangglobong lipunan ng tao na nagpapaaninaw ng katuwiran at kabanalan ni Jehova. Bilang mga hukom na kasama ni Jesus sa loob ng isang libong taon, maibigin nilang aakayin ang masunuring mga tao sa tunguhing buhay na walang hanggan.​—Juan 3:16.

      Ang Pangwakas na Pagsubok

      19. Ano ang magiging kalagayan ng lupa at ng sangkatauhan sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari, at ano ngayon ang gagawin ni Jesus?

      19 Sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari, ang buong lupa ay makakatulad na ng orihinal na Eden. Ito ay magiging tunay na paraiso. Hindi na kakailanganin ng sakdal na sangkatauhan ang isang mataas na saserdote upang mamagitan para sa kanila sa harap ng Diyos, yamang naalis na ang lahat ng bakas ng Adanikong kasalanan at ang huling kaaway, ang kamatayan, ay napawi na. Naisakatuparan na ng Kaharian ni Kristo ang layunin ng Diyos na lumikha ng isang sanlibutan na may iisang pamahalaan. Sa panahong ito, ‘ibibigay ni Jesus ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama.’​—1 Corinto 15:22-26; Roma 15:12.

      20. Ano ang sinasabi sa atin ni Juan na mangyayari kapag dumating na ang panahon ukol sa pangwakas na pagsubok?

      20 Panahon na ukol sa pangwakas na pagsubok. Di-tulad ng unang mga tao sa Eden, makapaninindigan kayang matatag sa katapatan ang pinasakdal na daigdig na ito ng sangkatauhan? Sinasabi sa atin ni Juan kung ano ang mangyayari: “Sa sandaling matapos na ang isang libong taon, si Satanas ay pakakawalan mula sa kaniyang bilangguan, at lalabas siya upang iligaw yaong mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog, upang tipunin sila para sa digmaan. Ang bilang ng mga ito ay gaya ng buhangin sa dagat. At sila ay humayo sa kalaparan ng lupa at pinalibutan ang kampo ng mga banal at ang lunsod na minamahal.”​—Apocalipsis 20:7-9a.

      21. Anong huling pagsisikap ang gagawin ni Satanas, at bakit hindi tayo dapat magtaka na may ilang susunod kay Satanas kahit pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari?

      21 Ano ang kahihinatnan ng huling pagsisikap ni Satanas? Dadayain niya ang “mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog,” at aakayin sila sa “digmaan.” May papanig nga kaya kay Satanas pagkatapos ng isang libong taon ng maligaya at nakapagpapatibay na teokratikong pamamahala? Buweno, huwag kalilimutan na nailigaw ni Satanas ang sakdal na sina Adan at Eva samantalang masaya silang namumuhay sa Paraiso ng Eden. At nailigaw rin niya ang makalangit na mga anghel na nakasaksi sa masasamang resulta ng unang paghihimagsik. (2 Pedro 2:4; Judas 6) Kaya hindi tayo dapat magtaka kung may ilang sakdal na tao na matutuksong sumunod kay Satanas kahit na pagkatapos pa ng kalugud-lugod na isang libong taóng pamamahala ng Kaharian ng Diyos.

      22. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng pananalitang “mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa”? (b) Bakit tinatawag na “Gog at Magog” ang mga rebelde?

      22 Tinutukoy ng Bibliya ang mga rebeldeng ito bilang “mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa.” Hindi ito nangangahulugang muli na namang magkakabaha-bahagi ang sangkatauhan anupat magkakaroon ng kani-kaniyang pambansang kaayusan. Ipinahihiwatig lamang nito na hihiwalay ang mga ito mula sa mga matuwid at matapat kay Jehova at magpapamalas sila ng masamang saloobin na ipinakikita ng mga bansa sa ngayon. Sila ay ‘mag-iisip ng isang mapaminsalang pakana,’ gaya ng ginawa ni Gog ng Magog sa hula ni Ezekiel, sa layuning wasakin ang teokratikong pamahalaan sa lupa. (Ezekiel 38:3, 10-12) Kaya “Gog at Magog” ang tawag sa kanila.

      23. Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na magiging “gaya ng buhangin sa dagat” ang bilang ng mga rebelde?

      23 Ang bilang niyaong mga makikisama sa paghihimagsik ni Satanas ay magiging “gaya ng buhangin sa dagat.” Gaano karami ito? Walang patiunang itinalagang bilang. (Ihambing ang Josue 11:4; Hukom 7:12.) Ang pangwakas na kabuuang bilang ng mga rebelde ay depende sa magiging pagtugon ng bawat indibiduwal sa mapanlinlang na mga pakana ni Satanas. Gayunman, tiyak na malaki-laki ring bilang ito, yamang aakalain nilang sapat ang kanilang lakas upang daigin “ang kampo ng mga banal at ang lunsod na minamahal.”

      24. (a) Ano “ang lunsod na minamahal,” at paano ito maaaring palibutan? (b) Sa ano kumakatawan ang “kampo ng mga banal”?

      24 “Ang lunsod na minamahal” ay malamang na yaong lunsod na binanggit ng niluwalhating si Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod sa Apocalipsis 3:12 at na tinatawag niyang “lunsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit mula sa aking Diyos.” Yamang makalangit na organisasyon ito, paano ito ‘mapalilibutan’ ng makalupang mga hukbo? Ang “kampo ng mga banal” ang palilibutan nila. Ang kampo ay nasa labas ng lunsod; kaya ang “kampo ng mga banal” ay tiyak na kumakatawan sa mga nasa lupa sa labas ng makalangit na dako ng Bagong Jerusalem na matapat na sumusuporta sa kaayusan ng pamamahala ni Jehova. Kapag ang mga tapat na ito ay sinalakay ng mga rebelde sa ilalim ni Satanas, ituturing ito ng Panginoong Jesus bilang pagsalakay sa kaniya. (Mateo 25:40, 45) Ang lahat ng nagawa ng makalangit na Bagong Jerusalem upang maging paraiso ang lupang ito ay sisikaping sirain ng ‘mga bansang’ iyon. Kaya sa pagsalakay sa “kampo ng mga banal,” sinasalakay rin naman nila “ang lunsod na minamahal.”

      Ang Lawa ng Apoy at Asupre

      25. Paano inilalarawan ni Juan ang kahihinatnan ng pagsalakay ng mga rebelde sa “kampo ng mga banal,” at ano ang magiging kahulugan nito para kay Satanas?

      25 Magtatagumpay ba ang pangwakas na pagsisikap na ito ni Satanas? Tiyak na hindi​—kung paanong hindi rin magtatagumpay ang pagsalakay na gagawin ni Gog ng Magog sa espirituwal na Israel sa ating panahon! (Ezekiel 38:18-23) Buong-linaw na inilalarawan ni Juan ang kahihinatnan: “Ngunit bumaba ang apoy mula sa langit at nilamon sila. At ang Diyablo na nagliligaw sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan na kapuwa ng mabangis na hayop at ng bulaang propeta.” (Apocalipsis 20:9b-10a) Sa pagkakataong ito, hindi lamang ibubulid sa kalaliman si Satanas, ang orihinal na serpiyente, kundi aktuwal siyang dudurugin hanggang sa malipol, pupulbusin, at lubusang pupuksain na parang tinupok ng apoy.

      26. Bakit hindi maaaring maging isang literal na pahirapang dako ang “lawa ng apoy at asupre”?

      26 Natalakay na natin na hindi maaaring tumukoy sa isang literal na pahirapang dako ang “lawa ng apoy at asupre.” (Apocalipsis 19:20) Kung ipadaranas kay Satanas ang napakatinding pahirap doon magpakailan-kailanman, kailangan siyang panatilihing buháy ni Jehova. Subalit ang buhay ay isang kaloob, hindi parusa. Kamatayan ang parusa sa kasalanan, at ayon sa Bibliya, walang nadaramang kirot ang mga patay. (Roma 6:23; Eclesiastes 9:5, 10) Karagdagan pa, mababasa natin sa dakong huli na ibubulid din sa lawa ng apoy at asupre na ito ang kamatayan mismo, kasama na ang Hades. Tiyak na hindi makadarama ng kirot ang kamatayan at ang Hades!​—Apocalipsis 20:14.

      27. Paano makatutulong sa atin ang nangyari sa Sodoma at Gomorra upang maunawaan ang kahulugan ng terminong lawa ng apoy at asupre?

      27 Ang lahat ng ito ay higit pang nagpapatunay na tama ang pagkaunawa na makasagisag ang lawa ng apoy at asupre. Karagdagan pa, ang pagbanggit sa apoy at asupre ay nagpapaalaala sa sinapit ng sinaunang Sodoma at Gomorra, na pinuksa ng Diyos dahil sa kanilang talamak na kabalakyutan. Nang sumapit na ang panahon upang parusahan sila, “nagpaulan si Jehova ng asupre at apoy mula kay Jehova, mula sa langit, sa Sodoma at sa Gomorra.” (Genesis 19:24) Ang nangyari sa dalawang lunsod na ito ay tinatawag na “parusang hatol na walang-hanggang apoy.” (Judas 7) Gayunman, hindi dumanas ng walang-hanggang pagpapahirap ang dalawang lunsod na ito. Sa halip, ang mga ito ay napawi, nalipol magpakailanman, kasama ng ubod-samang mga mamamayan nito. Ang mga lunsod na iyon ay hindi na umiiral ngayon, at walang sinuman ang makatitiyak sa lokasyon ng mga ito.

      28. Ano ang lawa ng apoy at asupre, at paano ito naiiba sa kamatayan, Hades, at kalaliman?

      28 Kasuwato nito, ipinaliliwanag mismo ng Bibliya ang kahulugan ng lawa ng apoy at asupre: “Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan, ang lawa apoy.” (Apocalipsis 20:14) Maliwanag na ito rin ang Gehenna na binanggit ni Jesus, isang dako kung saan nililipol ang mga balakyot, hindi pinahihirapan magpakailanman. (Mateo 10:28) Tumutukoy ito sa ganap na pagkalipol na walang pag-asa sa pagkabuhay-muli. Kaya bagaman may mga susi para sa kamatayan, Hades, at kalaliman, walang binabanggit na susi para buksan ang lawa ng apoy at asupre. (Apocalipsis 1:18; 20:1) Hindi nito kailanman pakakawalan ang mga bihag nito.​—Ihambing ang Marcos 9:43-47.

      Pahihirapan Araw at Gabi Magpakailanman

      29, 30. Ano ang sinasabi ni Juan tungkol sa Diyablo pati na rin sa mabangis na hayop at sa bulaang propeta, at paano ito dapat unawain?

      29 Hinggil sa Diyablo pati na sa mabangis na hayop at bulaang propeta, sinasabi ngayon sa atin ni Juan: “At pahihirapan sila araw at gabi magpakailan-kailanman.” (Apocalipsis 20:10b) Ano ang ibig sabihin nito? Gaya ng nabanggit na, hindi lohikal na sabihing daranas ng literal na pahirap ang mga sagisag, gaya ng mabangis na hayop at bulaang propeta, pati na ang kamatayan at ang Hades. Kaya walang dahilan para isiping pahihirapan si Satanas magpakailan-kailanman. Pupuksain siya.

      30 Ang salitang Griego na ginamit dito para sa terminong “pahirapan,” ba·sa·niʹzo, ay may pangunahing kahulugan na “subukin (ang mga metal) sa pamamagitan ng isang batong urian.” “Pagtatanungin sa pamamagitan ng pagpapahirap” ang ikalawang kahulugan. (The New Thayer’s Greek-English Lexicon of the New Testament) Sa konteksto nito, ipinahihiwatig ng paggamit sa salitang Griegong ito na ang mangyayari kay Satanas ay magsisilbing permanenteng batong urian, o batayan, hinggil sa isyu ng pagiging nararapat at pagiging matuwid ng pamamahala ni Jehova. Ang isyung ito hinggil sa pamamahala bilang soberano ay malulutas minsan at magpakailanman. Anumang hamon sa pagkasoberano ni Jehova ay hindi na kailanman kakailanganin pang subukin sa loob ng mahabang yugto ng panahon upang patunayan na mali ito.​—Ihambing ang Awit 92:1, 15.

      31. Paano tumutulong ang dalawang salitang Griego, na nauugnay sa salitang nangangahulugang “pahirapan,” upang maunawaan natin kung anong parusa ang sasapitin ni Satanas na Diyablo?

      31 Bukod dito, ginagamit sa Bibliya ang kaugnay na salitang ba·sa·ni·stesʹ, “tagapagpahirap,” upang tumukoy sa “tagapagbilanggo.” (Mateo 18:34, Kingdom Interlinear) Kasuwato nito, si Satanas ay ibibilanggo sa lawa ng apoy magpakailanman; hindi na siya kailanman palalayain. At bilang panghuli, sa Griegong Septuagint, na pamilyar kay Juan, ang kaugnay na salitang baʹsa·nos ay ginagamit upang tumukoy sa kahihiyang humahantong sa kamatayan. (Ezekiel 32:24, 30) Tumutulong ito sa atin upang maunawaan na ang parusang sasapitin ni Satanas ay isang kahiya-hiya at walang-hanggang kamatayan sa lawa ng apoy at asupre. Ang kaniyang mga gawa ay papanaw na kasama niya.​—1 Juan 3:8.

      32. Anong parusa ang sasapitin ng mga demonyo, at paano natin nalaman?

      32 Hindi na naman binabanggit sa talatang ito ang mga demonyo. Palalayain ba silang kasama ni Satanas sa katapusan ng isang libong taon at mapapailalim sa parusang walang-hanggang kamatayan kasama niya? Ang katibayan ay sumasagot ng oo. Sa talinghaga hinggil sa mga tupa at kambing, sinabi ni Jesus na ang mga kambing ay magtutungo sa “walang-hanggang apoy na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel.” (Mateo 25:41) Ang mga salitang “walang-hanggang apoy” ay tiyak na tumutukoy sa lawa ng apoy at asupre kung saan ihahagis si Satanas. Ang mga anghel ng Diyablo ay pinalayas mula sa langit na kasama niya. Maliwanag na ibubulid sila sa kalaliman kasama niya sa pasimula ng Sanlibong Taóng Paghahari. Kasuwato nito, pupuksain din silang kasama niya sa lawa ng apoy at asupre.​—Mateo 8:29.

      33. Anong pangwakas na detalye ng Genesis 3:15 ang matutupad, at ano ang itinatawag-pansin ngayon kay Juan ng espiritu ni Jehova?

      33 Sa ganitong paraan matutupad ang huling detalye ng unang hulang nakaulat sa Genesis 3:15. Kapag inihagis si Satanas sa lawa ng apoy, mamamatay siyang gaya ng isang ahas na ang ulo ay tinapakan ng isang sakong na bakal hanggang sa madurog. Siya at ang kaniyang mga demonyo ay mawawala na magpakailanman. Hindi na sila binabanggit pang muli sa aklat ng Apocalipsis. Pagkatapos ng hulang ito, itinatawag-pansin naman ngayon ng espiritu ni Jehova ang isang bagay na lubhang kawili-wili sa mga may makalupang pag-asa: Ano ang idudulot sa sangkatauhan ng makalangit na pamamahala ng “Hari ng mga hari” at niyaong “mga tinawag at pinili at mga tapat na kasama niya”? (Apocalipsis 17:14) Bilang sagot, muli tayong ibinabalik ni Juan sa pagsisimula ng Sanlibong Taóng Paghahari.

      [Mga talababa]

      a Sinasabi sa ibang teksto na nasa Hades si Jesus noong patay siya. (Gawa 2:31) Gayunman, hindi natin dapat isipin na ang Hades at ang kalaliman ay laging tumutukoy sa iisang dako. Magtutungo sa kalaliman ang mabangis na hayop at si Satanas, subalit mga tao lamang ang sinasabing nagtutungo sa Hades, kung saan sila natutulog sa kamatayan hanggang sa buhayin silang muli.​—Job 14:13; Apocalipsis 20:13.

      b Palakol (Griego, peʹle·kus) ang waring tradisyonal na instrumento sa paglalapat ng parusang kamatayan sa Roma, bagaman noong panahon ni Juan, tabak ang karaniwang ginagamit. (Gawa 12:2) Kaya ang salitang Griego na ginamit dito, pe·pe·le·kis·meʹnon (“pinatay sa pamamagitan ng palakol”), ay nangangahulugan lamang na “pinatay.”

      c Kapansin-pansin, ang istoryador noong ikaapat na siglo na si Eusebius ay nag-ulat na si Papias ng Hierapolis, sinasabing nagkaroon ng ilang kaalaman sa Bibliya sa tulong ng mga estudyante ng manunulat ng Apocalipsis na si Juan, ay naniniwala sa isang literal na Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo (bagaman tutol na tutol sa kaniya si Eusebius).​—The History of the Church, Eusebius, III, 39.

      [Larawan sa pahina 293]

      Ang Dagat na Patay. Ang posibleng lokasyon ng Sodoma at Gomorra

      [Mga larawan sa pahina 294]

      “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong”

  • Ang Araw ng Paghuhukom ng Diyos—Ang Maligayang Kalalabasan Nito!
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • Kabanata 41

      Ang Araw ng Paghuhukom ng Diyos​—Ang Maligayang Kalalabasan Nito!

      Pangitain 15​—Apocalipsis 20:11–21:8

      Paksa: Pangkalahatang pagkabuhay-muli, Araw ng Paghuhukom, at mga pagpapala ng mga bagong langit at isang bagong lupa

      Panahon ng katuparan: Sa Sanlibong Taóng Paghahari

      1. (a) Ano ang naiwala ng sangkatauhan nang magkasala sina Adan at Eva? (b) Anong layunin ng Diyos ang hindi nagbabago, at paano natin nalaman?

      NILALANG tayong mga tao upang mabuhay magpakailanman. Kung sumunod lamang sina Adan at Eva sa mga utos ng Diyos, hindi sana sila namatay. (Genesis 1:28; 2:8, 16, 17; Eclesiastes 3:10, 11) Subalit nang magkasala sila, naiwala nila ang kasakdalan at buhay hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para din sa kanilang mga supling, at naghari ang kamatayan sa sangkatauhan bilang isang malupit na kaaway. (Roma 5:12, 14; 1 Corinto 15:26) Sa kabila nito, hindi nagbago ang layunin ng Diyos na mabuhay magpakailanman ang sakdal na mga tao sa lupang paraiso. Dahil sa kaniyang dakilang pag-ibig sa sangkatauhan, isinugo niya sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesus, na nagbigay ng kaniyang sakdal na buhay bilang tao upang tubusin ang “marami” sa mga supling ni Adan. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Maaari ngayong gamitin ni Jesus ang legal na halaga ng kaniyang hain upang maibalik ang sumasampalatayang sangkatauhan sa kasakdalan sa isang lupang paraiso. (1 Pedro 3:18; 1 Juan 2:2) Kay-inam na dahilan upang ang sangkatauhan ay “magalak at magsaya”!​—Isaias 25:8, 9.

      2. Ano ang iniuulat ni Juan sa Apocalipsis 20:11, at ano ang “malaking tronong puti”?

      2 Palibhasa’y naibulid na si Satanas sa kalaliman, makapagsisimula na ngayon ang maluwalhating Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus. Ito na ang “araw” kung kailan “nilalayon [ng Diyos na] hatulan ang tinatahanang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaki na kaniyang inatasan.” (Gawa 17:31; 2 Pedro 3:8) Inihahayag ni Juan: “At nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang isa na nakaupo roon. Mula sa harap niya ay tumakas ang lupa at ang langit, at walang dakong nasumpungan para sa kanila.” (Apocalipsis 20:11) Ano ang “malaking tronong puti” na ito? Tiyak na ito ang luklukan ng paghatol ng “Diyos na Hukom ng lahat.” (Hebreo 12:23) Hahatol siya ngayon kung sino sa sangkatauhan ang karapat-dapat makinabang sa haing pantubos ni Jesus.​—Marcos 10:45.

      3. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng pagiging “malaki” at “puti” ng trono ng Diyos? (b) Sino ang maghuhukom sa Araw ng Paghuhukom, at ano ang magiging saligan?

      3 Ang trono ng Diyos ay “malaki,” na nagdiriin sa karingalan ni Jehova bilang Soberanong Panginoon, at ito ay “puti,” na tumatawag-pansin sa kaniyang sakdal na katuwiran. Siya ang kataas-taasang Hukom ng sangkatauhan. (Awit 19:7-11; Isaias 33:22; 51:5, 8) Gayunman, iniatas niya kay Jesu-Kristo ang paghuhukom: “Ang Ama ay hindi humahatol sa kaninuman, kundi ipinagkatiwala niya ang lahat ng paghatol sa Anak.” (Juan 5:22) Kasama ni Jesus ang 144,000, na ‘binigyan ng kapangyarihang humatol sa loob ng isang libong taon.’ (Apocalipsis 20:4) Gayunman, ang mga pamantayan ni Jehova ang magpapasiya kung ano ang kahihinatnan ng bawat indibiduwal sa Araw ng Paghuhukom.

      4. Ano ang ibig sabihin ng “tumakas ang lupa at ang langit”?

      4 Sa anong diwa “tumakas ang lupa at ang langit”? Ito rin ang langit na nahawing gaya ng isang balumbon sa pagbubukas ng ikaanim na tatak​—ang namamahalang awtoridad ng tao na “nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (Apocalipsis 6:14; 2 Pedro 3:7) Ang lupa ay ang organisadong sistema ng mga bagay na umiiral sa ilalim ng pamamahalang ito. (Apocalipsis 8:7) Ang pagtakas ng langit at lupang ito ay tumutukoy sa pagkalipol ng mabangis na hayop at ng mga hari sa lupa at ng kanilang mga hukbo, pati na yaong mga tumanggap ng marka ng mabangis na hayop at ang mga sumasamba sa larawan nito. (Apocalipsis 19:19-21) Yamang nailapat na ang hatol sa lupa at langit ni Satanas, nagtatakda naman ngayon ang Dakilang Hukom ng isa pang Araw ng Paghuhukom.

      Ang Sanlibong-Taóng Araw ng Paghuhukom

      5. Pagkaraang tumakas ang dating lupa at dating langit, sino pa ang huhukuman?

      5 Sino pa ang huhukuman ngayong tumakas na ang dating lupa at ang dating langit? Hindi ang pinahirang nalabi ng 144,000, sapagkat nahatulan at natatakan na ang mga ito. Kung may nabubuhay pang pinahiran sa lupa pagkatapos ng Armagedon, hindi magtatagal at mamamatay rin sila upang tanggapin ang kanilang makalangit na gantimpala sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. (1 Pedro 4:17; Apocalipsis 7:2-4) Gayunman, ang milyun-milyong kabilang sa malaking pulutong na lumabas ngayon mula sa malaking kapighatian ay kitang-kitang nakatayo “sa harap ng trono.” Ang mga ito ay naibilang nang matuwid ukol sa kaligtasan dahil sa kanilang pananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesus, subalit magpapatuloy pa rin ang paghuhukom sa kanila sa kabuuan ng isang libong taon habang patuloy silang inaakay ni Jesus sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay.” Pagkatapos silang maibalik sa kasakdalan bilang tao at masubok, ipahahayag silang matuwid sa ganap na diwa nito. (Apocalipsis 7:9, 10, 14, 17) Ang mga bata na makaliligtas sa malaking kapighatian at ang lahat ng isisilang ng mga kabilang sa malaking pulutong sa panahon ng Milenyo ay kailangan ding hukuman sa loob ng isang libong taon.​—Ihambing ang Genesis 1:28; 9:7; 1 Corinto 7:14.

      6. (a) Anong lubhang karamihan ang nakikita ni Juan, at ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang ‘malalaki at maliliit’? (b) Paano malamang na bubuhaying muli ang di-mabilang na milyun-milyong nasa alaala ng Diyos?

      6 Gayunman, may nakikita si Juan na isang lubhang karamihan na mas marami pa kaysa sa nakaligtas na malaking pulutong. Milyun-milyon ito! “At nakita ko ang mga patay, ang malalaki at ang maliliit, na nakatayo sa harap ng trono, at nabuksan ang mga balumbon.” (Apocalipsis 20:12a) Kabilang sa ‘malalaki at maliliit’ ang mga prominente at maging ang di-gaanong prominenteng mga tao na nabuhay at namatay sa lupang ito sa nakalipas na 6,000 taon. Sa Ebanghelyo na isinulat ni apostol Juan di-nagtagal pagkatapos ng Apocalipsis, sinabi ni Jesus hinggil sa Ama: “Binigyan niya siya [si Jesus] ng awtoridad na gumawa ng paghatol, sapagkat siya ay Anak ng tao. Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:27-29) Anong kagila-gilalas na proyekto​—kabaligtaran ito ng lahat ng kamatayan at paglilibing na naganap sa buong kasaysayan! Walang-pagsalang ang di-mabilang na milyun-milyong ito na nasa alaala ng Diyos ay unti-unting bubuhayin upang maharap ng malaking pulutong​—na kakaunti lamang kung ihahambing sa kanila​—ang mga problemang posibleng bumangon dahil maaaring may tendensiya pa ring gumawi sa pasimula ang mga binuhay-muli ayon sa kanilang dating istilo ng pamumuhay, pati na ang makalamang mga kahinaan at saloobin nito.

      Sino ang mga Bubuhayin at Huhukuman?

      7, 8. (a) Anong balumbon ang binubuksan, at ano ang magaganap pagkatapos nito? (b) Sinu-sino ang hindi na bubuhaying muli?

      7 Sinasabi pa ni Juan: “Ngunit may iba pang balumbon na nabuksan; ito ang balumbon ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan batay sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa. At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan sila nang isa-isa ayon sa kanilang mga gawa.” (Apocalipsis 20:12b, 13) Tunay na isang makapigil-hiningang tanawin! ‘Ang dagat, ang kamatayan, at ang Hades’ ay may kani-kaniyang bahaging ginagampanan, subalit pansining hindi nagkakalayo ang kahulugan ng mga ito.a Sinabi ni Jonas na siya ay nasa Sheol, o Hades, noong nasa tiyan siya ng isda anupat nasa pusod ng dagat. (Jonas 2:2) Kapag ang isang tao ay biktima ng Adanikong kamatayan, malamang na nasa Hades din siya. Ang makahulang mga pananalitang ito ay matibay na garantiya na walang sinuman ang makakaligtaan.

      8 Sabihin pa, hindi tiyak kung ilan ang mga hindi na bubuhaying muli. Kabilang dito ang di-nagsising mga eskriba at Pariseo na nagtakwil kay Jesus at sa mga apostol, ang relihiyosong “taong tampalasan,” at ang “nahulog” na mga pinahirang Kristiyano. (2 Tesalonica 2:3; Hebreo 6:4-6; Mateo 23:29-33) May binanggit din si Jesus na tulad-kambing na mga tao sa katapusan ng sanlibutan na mapupunta sa “walang-hanggang apoy na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel,” samakatuwid nga, sa “walang-hanggang pagkalipol.” (Mateo 25:41, 46) Hindi na bubuhaying muli ang mga ito!

      9. Paano ipinahihiwatig ni apostol Pablo na may ilan na bibigyan ng pantanging pabor kapag binuhay muli, at sino ang makakabilang sa mga ito?

      9 Sa kabilang dako, ang ilan ay bibigyan ng pantanging pabor kapag binuhay muli. Ipinahiwatig ito ni apostol Pablo nang sabihin niya: “Ako ay may pag-asa sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Kung tungkol sa makalupang pagkabuhay-muli, makakabilang sa “matuwid” ang tapat na mga lalaki at babae noong unang panahon​—sina Abraham, Rahab, at marami pang iba​—na ipinahayag na matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos. (Santiago 2:21, 23, 25) Kabilang din sa grupong ito ang mga matuwid na ibang tupa na namatay nang tapat kay Jehova sa makabagong panahon. Ang lahat ng tagapag-ingat na ito ng katapatan ay malamang na bubuhaying muli sa pasimula pa lamang ng Milenyong Paghahari ni Jesus. (Job 14:13-15; 27:5; Daniel 12:13; Hebreo 11:35, 39, 40) Walang-pagsalang marami sa mga matuwid na ito na bubuhaying muli ay aatasan ng pantanging mga pribilehiyo ng pangangasiwa sa napakalaking gawain ng pagsasauli sa Paraiso.​—Awit 45:16; ihambing ang Isaias 32:1, 16-18; 61:5; 65:21-23.

      10. Sa mga bubuhaying muli, sino ang “mga di-matuwid”?

      10 Gayunman, sino ang “mga di-matuwid” na binabanggit sa Gawa 24:15? Makakabilang dito ang napakaraming taong namatay sa buong kasaysayan, lalung-lalo na yaong mga nabuhay sa ‘panahon ng kawalang-alam.’ (Gawa 17:30) Dahil sa lugar na kanilang sinilangan o sa panahong kinabuhayan nila, ang mga ito ay hindi nagkaroon ng pagkakataong matuto ng pagsunod sa kalooban ni Jehova. Bukod dito, maaaring may iba na nakarinig nga ng mensahe ng kaligtasan subalit hindi lubusang nakatugon nang panahong iyon o namatay bago sila sumapit sa pag-aalay at bautismo. Kapag binuhay-muli ang mga ito, dapat silang gumawa ng karagdagang mga pagbabago sa kanilang pag-iisip at landasin ng pamumuhay upang magkaroon sila ng pagkakataong magkamit ng buhay na walang hanggan.

      Ang Balumbon ng Buhay

      11. (a) Ano ang “balumbon ng buhay,” at kaninong mga pangalan ang nakatala sa balumbon na ito? (b) Bakit bubuksan ang balumbon ng buhay sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari?

      11 May binabanggit si Juan na “balumbon ng buhay.” Ito ay talaan ng mga pagkakalooban ni Jehova ng buhay na walang hanggan. Nakatala sa balumbon na ito ang mga pangalan ng pinahirang mga kapatid ni Jesus, ng malaking pulutong, at ng tapat na mga tao noong una, gaya ni Moises. (Exodo 32:32, 33; Daniel 12:1; Apocalipsis 3:5) Sa ngayon, hindi pa nakatala sa balumbon ng buhay ang pangalan ng sinumang “di-matuwid” na bubuhaying muli. Kaya ang balumbon ng buhay ay bubuksan sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari upang maisulat ang mga pangalan ng iba pa na magiging kuwalipikado. Yaong ang mga pangalan ay hindi mapapasulat sa balumbon, o aklat, ng buhay, ay ‘ihahagis sa lawa ng apoy.’​—Apocalipsis 20:15; ihambing ang Hebreo 3:19.

      12. Ano ang batayan upang mapasulat ang pangalan ng isa sa nakabukas na balumbon ng buhay, at paano nagpakita ng halimbawa ang Hukom na inatasan ni Jehova?

      12 Kung gayon, ano ang batayan upang mapasulat ang pangalan ng isa sa nakabukas na balumbon ng buhay sa panahong iyon? Tulad noong panahon nina Adan at Eva, ang pinakamahalagang salik ay: pagsunod kay Jehova. Gaya ng isinulat ni apostol Juan sa minamahal niyang mga kapuwa Kristiyano: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:4-7, 17) Hinggil sa pagkamasunurin, nagpakita ng halimbawa ang Hukom na inatasan ni Jehova: “Bagaman [si Jesus] ay Anak, natuto siya ng pagkamasunurin mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan; at pagkatapos na siya ay mapasakdal, siya ang nagkaroon ng pananagutan sa walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng sumusunod sa kaniya.”​—Hebreo 5:8, 9.

      Pagbubukas sa Iba Pang Balumbon

      13. Paano dapat ipakita ng mga binuhay-muli ang kanilang pagkamasunurin, at anu-anong simulain ang dapat nilang sundin?

      13 Paano dapat ipakita ng mga binuhay-muling ito ang kanilang pagkamasunurin? Binanggit mismo ni Jesus ang dalawang dakilang kautusan, sa pagsasabing: “Ang una ay, ‘Dinggin mo, O Israel, si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova, at iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.’ Ang ikalawa ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’” (Marcos 12:29-31) Dapat din nilang sundin ang dati nang umiiral na mga simulain ni Jehova gaya ng pag-iwas sa pagnanakaw, pagsisinungaling, pagpatay, at imoralidad.​—1 Timoteo 1:8-11; Apocalipsis 21:8.

      14. Anong iba pang balumbon ang bubuksan, at ano ang nilalaman ng mga ito?

      14 Gayunman, kababanggit pa lamang ni Juan ng iba pang balumbon na bubuksan sa panahon ng Milenyong Paghahari. (Apocalipsis 20:12) Anu-ano ang mga ito? Sa pana-panahon, nagbibigay si Jehova ng espesipikong mga tagubilin para sa partikular na mga kalagayan. Halimbawa, noong panahon ni Moises, naglaan siya ng detalyadong serye ng mga batas na mangangahulugan ng buhay para sa mga Israelita kung susundin nila ito. (Deuteronomio 4:40; 32:45-47) Noong unang siglo, nagbigay ng bagong mga tagubilin upang tulungan ang mga tapat na sundin ang mga simulain ni Jehova sa ilalim ng Kristiyanong sistema ng mga bagay. (Mateo 28:19, 20; Juan 13:34; 15:9, 10) Iniuulat ngayon ni Juan na ang mga patay ay ‘hahatulan batay sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa.’ Kung gayon, maliwanag na sa pagbubukas ng mga balumbong ito ay ihahayag ang detalyadong mga kahilingan ni Jehova para sa sangkatauhan sa panahon ng isang libong taon. Kung ikakapit nila sa kanilang buhay ang mga tuntunin at utos sa mga balumbong iyon, hahaba ang buhay ng masunuring sangkatauhan, hanggang kamtin nila sa wakas ang buhay na walang hanggan.

      15. Anong uri ng kampanya sa pagtuturo ang kakailanganin sa panahon ng pagkabuhay-muli, at paano malamang na magaganap ang pagkabuhay-muli?

      15 Isang malawakang kampanya nga ng teokratikong pagtuturo ang kakailanganin! Noong 2005, may aberids na 6,061,534 na pag-aaral sa Bibliya ang idinaos ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa iba’t ibang dako. Pero sa panahon ng pagkabuhay-muli, di-mabilang na milyun-milyong pag-aaral na salig sa Bibliya at sa bagong mga balumbon ang walang-pagsalang idaraos! Ang lahat ng kabilang sa bayan ng Diyos ay dapat maging guro at magpagal. Habang sumusulong sila, ang mga binuhay-muli ay walang-pagsalang makikibahagi rin sa malawakang programang ito ng pagtuturo. Ang pagkabuhay-muli ay malamang na magaganap sa paraang maaaring may-kagalakang salubungin at turuan ng mga nabubuhay ang mga dating kapamilya at kakilala, na sa kalaunan ay siya namang sasalubong at magtuturo sa iba. (Ihambing ang 1 Corinto 15:19-28, 58.) Ang mahigit anim na milyong Saksi ni Jehova na aktibo ngayong nagpapalaganap ng katotohanan ay nagtatatag ng mabuting pundasyon para sa mga pribilehiyong inaasahan nilang tanggapin sa pagkabuhay-muli.​—Isaias 50:4; 54:13.

      16. (a) Kaninong mga pangalan ang hindi mapapasulat sa balumbon, o aklat, ng buhay? (b) Sinu-sino ang makararanas ng pagkabuhay-muli “sa buhay”?

      16 Hinggil sa makalupang pagkabuhay-muli, sinabi ni Jesus na “lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga gumawa ng buktot na mga bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” Dito, magkasalungat ang “buhay” at “paghatol,” anupat ipinakikita na yaong mga binuhay-muli na “gumawa ng buktot na mga bagay” pagkatapos maturuan sa kinasihang Kasulatan at sa mga balumbon ay hahatulang hindi karapat-dapat sa buhay. Ang kanilang pangalan ay hindi mapapasulat sa balumbon, o aklat, ng buhay. (Juan 5:29) Ganiyan din ang mangyayari sa sinumang dating nagtataguyod ng tapat na landasin subalit lumihis dito sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari sa ilang kadahilanan. Ang mga pangalan ay maaaring mabura. (Exodo 32:32, 33) Sa kabilang dako, ang mga pangalan niyaong masunuring tumatalima sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon ay mananatiling nakasulat sa talaan, ang balumbon ng buhay, at patuloy na mabubuhay. Pagkabuhay-muli “sa buhay” ang mararanasan ng mga ito.

      Ang Wakas ng Kamatayan at ng Hades

      17. (a) Anong kagila-gilalas na pangyayari ang inilalarawan ngayon ni Juan? (b) Kailan mawawalan ng laman ang Hades? (c) Kailan ‘ihahagis sa lawa ng apoy’ ang Adanikong kamatayan?

      17 Pagkatapos, inilalarawan ni Juan ang isang bagay na talagang kagila-gilalas! “At ang kamatayan at ang Hades ay inihagis sa lawa ng apoy. Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy. Karagdagan pa, ang sinumang hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay ay inihagis sa lawa ng apoy.” (Apocalipsis 20:14, 15) Sa katapusan ng milenyong Araw ng Paghuhukom, lubusang aalisin “ang kamatayan at ang Hades.” Bakit kailangang umabot pa ito nang isang libong taon? Ang Hades, ang karaniwang libingan ng buong sangkatauhan, ay mawawalan ng laman kapag nabuhay nang muli ang lahat ng nasa alaala ng Diyos. Subalit habang may bahid pa ng minanang kasalanan ang mga tao, kakambal pa rin nila ang Adanikong kamatayan. Lahat niyaong bubuhaying muli sa lupa, pati na ang malaking pulutong na makaliligtas sa Armagedon, ay kailangang sumunod sa nakasulat sa mga balumbon hanggang sa lubusan nang maikapit ang halaga ng pantubos ni Jesus sa pag-aalis ng karamdaman, pagtanda, at iba pang minanang mga kapansanan. Pagkatapos nito, ang Adanikong kamatayan, kasama na ang Hades, ay ‘ihahagis sa lawa ng apoy.’ Mawawala na ang mga ito magpakailanman!

      18. (a) Paano inilalarawan ni apostol Pablo ang tagumpay ng pamamahala ni Jesus bilang Hari? (b) Ano ang gagawin ni Jesus sa pinasakdal na pamilya ng tao? (c) Anu-ano pa ang magaganap sa katapusan ng isang libong taon?

      18 Sa gayon, lubusang magaganap ang sunud-sunod na pangyayaring binabanggit ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto: ‘Sapagkat kailangang mamahala si Jesus bilang hari hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang huling kaaway, ang [Adanikong] kamatayan ay papawiin.’ Ano ang susunod na magaganap? “Kapag ang lahat ng bagay ay naipasakop na sa kaniya, kung magkagayon ay magpapasakop din mismo ang Anak sa Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya.” Sa ibang salita, ‘ibibigay ni Jesus ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama.’ (1 Corinto 15:24-28) Oo, palibhasa’y nadaig ni Jesus ang Adanikong kamatayan sa pamamagitan ng halaga ng kaniyang haing pantubos, maihaharap na niya ngayon sa kaniyang Ama, si Jehova, ang pinasakdal na pamilya ng tao. Maliwanag na sa panahong ito, sa katapusan ng isang libong taon, pakakawalan si Satanas at magaganap ang pangwakas na pagsubok upang matiyak kung kani-kaninong mga pangalan ang permanenteng mapapatala sa balumbon ng buhay. “Magpunyagi kayo nang buong-lakas” upang ang inyong pangalan ay mapabilang sa mga ito!​—Lucas 13:24; Apocalipsis 20:5.

      [Talababa]

      a Hindi kasama sa mga bubuhaying muli mula sa dagat ang balakyot na mga naninirahan sa lupa na nalipol sa Delubyo noong panahon ni Noe; ang pagpuksang iyon ay pangwakas, gaya rin ng paglalapat ng hatol ni Jehova sa malaking kapighatian.​—Mateo 25:41, 46; 2 Pedro 3:5-7.

      [Larawan sa pahina 298]

      Ang mga pangalan ng binuhay-muling “mga di-matuwid” na tatalima sa nakasulat sa mga balumbong bubuksan sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ay maaari ding mapasulat sa balumbon ng buhay

  • Isang Bagong Langit at Isang Bagong Lupa
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • Kabanata 42

      Isang Bagong Langit at Isang Bagong Lupa

      1. Ano ang inilalarawan ni Juan nang ibalik siya ng anghel sa pagsisimula ng Sanlibong Taóng Paghahari?

      ANG maluwalhating pangitaing ito ay patuloy na nahahayag samantalang ibinabalik ng anghel si Juan sa pagsisimula ng Sanlibong Taóng Paghahari. Ano ang inilalarawan niya? “At nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na, at ang dagat ay wala na.” (Apocalipsis 21:1) Isang nakabibighaning tanawin ang nakikita ngayon!

      2. (a) Paano natupad sa naisauling mga Judio noong 537 B.C.E. ang hula ni Isaias tungkol sa mga bagong langit at isang bagong lupa? (b) Paano natin nalaman na mayroon pang karagdagang katuparan ang hula ni Isaias, at paano matutupad ang pangakong ito?

      2 Daan-daang taon bago ang panahon ni Juan, sinabi ni Jehova kay Isaias: “Sapagkat narito, lumalalang ako ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.” (Isaias 65:17; 66:22) Ang hulang ito ay unang natupad nang bumalik sa Jerusalem ang tapat na mga Judio noong 537 B.C.E. pagkaraan ng kanilang 70-taóng pagkatapon sa Babilonya. Sa pagsasauling iyon, bumuo sila ng isang nilinis na lipunan, “isang bagong lupa,” sa ilalim ng isang bagong sistema ng pamamahala, ang “mga bagong langit.” Gayunman, isa pang karagdagang katuparan ng hulang ito ang tinukoy ni apostol Pedro, na sinasabi: “Ngunit may mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ipinakikita ngayon ni Juan na natutupad ang pangakong ito sa panahon ng araw ng Panginoon. Mawawala na “ang dating langit at ang dating lupa,” ang organisadong sistema ng mga bagay ni Satanas pati na ang kaayusan ng pamahalaan nito na kontrolado ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo. Mapaparam na ang maligalig na “dagat” ng balakyot at mapaghimagsik na sangkatauhan. Hahalinhan ito ng “isang bagong langit at isang bagong lupa”​—isang bagong makalupang lipunan sa ilalim ng bagong pamahalaan, ang Kaharian ng Diyos.​—Ihambing ang Apocalipsis 20:11.

      3. (a) Ano ang inilalarawan ni Juan, at ano ang Bagong Jerusalem? (b) Sa anong diwa ‘bumababang galing sa langit’ ang Bagong Jerusalem?

      3 Nagpapatuloy si Juan: “Nakita ko rin ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, na bumababang galing sa langit mula sa Diyos at nahahandang gaya ng isang kasintahang babae na nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki.” (Apocalipsis 21:2) Ang Bagong Jerusalem ang kasintahang babae ni Kristo, na binubuo ng mga pinahirang Kristiyano na nananatiling tapat hanggang kamatayan at na muling ibinabangon upang maging mga hari at saserdote na kasama ng niluwalhating si Jesus. (Apocalipsis 3:12; 20:6) Kung paanong ang makalupang Jerusalem ay naging sentro ng pamahalaan sa sinaunang Israel, ang maringal na Bagong Jerusalem at ang kaniyang Kasintahang Lalaki naman ang bumubuo sa pamahalaan ng bagong sistema ng mga bagay. Ito ang bagong langit. Ang ‘kasintahang babae ay bumababang galing sa langit,’ hindi sa literal na paraan, kundi sa diwa na ibabaling nito ang pansin sa lupa. Ang kasintahang babae ng Kordero ang magiging matapat na katulong niya sa pagpapatakbo ng isang matuwid na pamahalaan sa buong sangkatauhan. Tunay ngang isang pagpapala para sa bagong lupa!

      4. Ano ang ipinangako ng Diyos na nakakatulad niyaong ipinangako niya sa bagong-tatag na bansang Israel noon?

      4 Ganito pa ang sinasabi sa atin ni Juan: “Nang magkagayon ay narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila.’” (Apocalipsis 21:3) Nang itatag ni Jehova ang tipang Kautusan sa bagong bansang Israel noon, nangako siya: “Tiyak na ilalagay ko ang aking tabernakulo sa gitna ninyo, at hindi kayo kamumuhian ng aking kaluluwa. At ako ay lalakad nga sa gitna ninyo at magiging inyong Diyos, at kayo naman ay magiging aking bayan.” (Levitico 26:11, 12) Katulad din nito ang ipinangangako ngayon ni Jehova sa tapat na mga tao. Sa panahon ng sanlibong-taóng Araw ng Paghuhukom, sila ay magiging kaniyang katangi-tanging bayan.

      5. (a) Paano tatahan ang Diyos kasama ng sangkatauhan sa panahon ng Milenyong Paghahari? (b) Paano tatahan ang Diyos sa gitna ng sangkatauhan pagkaraan ng Sanlibong Taóng Paghahari?

      5 Sa panahon ng Milenyong Paghahari, si Jehova, na kinakatawan ng kaniyang maharlikang Anak na si Jesu-Kristo, ay “tatahan” sa gitna ng sangkatauhan bilang isang pansamantalang kaayusan. Gayunman, sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari, kapag ibinigay na ni Jesus ang Kaharian sa kaniyang Ama, hindi na kakailanganin pa ang isang maharlikang kinatawan o tagapamagitan. Si Jehova ay tatahan sa espirituwal na paraan na kasama ng “kaniyang mga bayan” sa permanente at tuwirang paraan. (Ihambing ang Juan 4:23, 24.) Napakadakilang pribilehiyo ito para sa naisauling sangkatauhan!

      6, 7. (a) Anong kagila-gilalas na mga pangako ang isinisiwalat ni Juan, at sino ang magtatamasa ng mga pagpapalang ito? (b) Paano inilalarawan ni Isaias ang isang paraiso na kapuwa espirituwal at pisikal?

      6 Patuloy pang sinasabi ni Juan: “At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Muli, ipinaaalaala sa atin ang naunang kinasihang mga pangako. Umasa rin si Isaias sa panahong mawawala na ang kamatayan at ang pagdadalamhati at ang kalungkutan ay hahalinhan ng kagalakan. (Isaias 25:8; 35:10; 51:11; 65:19) Tinitiyak ngayon ni Juan na magkakaroon ng kagila-gilalas na katuparan ang mga pangakong ito sa panahon ng sanlibong-taóng Araw ng Paghuhukom. Ang malaking pulutong ang unang-unang magtatamasa ng mga pagpapalang ito. “Ang Kordero, na nasa gitna ng trono,” ay patuloy na magpapastol sa kanila, at “aakay sa kanila sa mga bukal ng mga tubig ng buhay. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” (Apocalipsis 7:9, 17) Ngunit sa kalaunan, ang lahat ng bubuhaying muli at mananampalataya sa mga paglalaan ni Jehova ay mapapabilang sa kanila, na namumuhay sa isang paraiso na kapuwa espirituwal at pisikal.

      7 “Sa panahong iyon,” sabi ni Isaias, “madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan.” Oo, “sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.” (Isaias 35:5, 6) Sa panahon ding iyon, “tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.” (Isaias 65:21, 22) Kaya hindi sila mabubunot mula sa lupa.

      8. Ano ang sinasabi mismo ni Jehova tungkol sa pagkamaaasahan ng kamangha-manghang mga pangakong ito?

      8 Nalilipos tayo ng kamangha-manghang pag-asa habang binubulay-bulay natin ang mga pangakong ito! Kagila-gilalas na mga paglalaan ang naghihintay sa tapat na sangkatauhan sa ilalim ng maibiging pamahalaan ng langit. Mahirap bang paniwalaan ang mga pangakong ito? Panaginip lamang ba ito ng isang matandang lalaking ipinatapon sa isla ng Patmos? Si Jehova mismo ang sumasagot: “At ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ Gayundin, sinabi niya: ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ At sinabi niya sa akin: ‘Naganap na ang mga iyon! Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas.’”​—Apocalipsis 21:5, 6a.

      9. Bakit lubusan tayong makatitiyak na matutupad ang mga pagpapalang ito sa hinaharap?

      9 Para bang lumalagda si Jehova mismo sa isang garantiya, o titulo, sa mga pagpapalang ito para sa tapat na sangkatauhan sa hinaharap. May mangangahas bang kumuwestiyon sa ganitong Garantor? Aba, tiyak na matutupad ang mga pangako ni Jehova anupat sa kaniyang pananalita ay parang natupad na ang mga ito: “Naganap na ang mga iyon!” Hindi ba’t si Jehova ang “Alpha at ang Omega . . . , ang Isa na ngayon at ang nakaraan at ang darating, ang Makapangyarihan-sa-lahat”? (Apocalipsis 1:8) Siya nga! Siya mismo ang nagpapahayag: “Ako ang una at ako ang huli, at bukod pa sa akin ay walang Diyos.” (Isaias 44:6) Kaya naman maaari niyang kasihan ang mga hula at tuparin ang mga ito hanggang sa kaliit-liitang detalye. Talagang nakapagpapatibay ng pananampalataya! Kaya nga nangangako siya: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay”! Sa halip na pag-alinlanganan kung talaga ngang matutupad ang kamangha-manghang mga bagay na ito, dapat nating pag-isipan: ‘Ano ang dapat kong gawin upang magmana ng mga pagpapalang ito?’

      “Tubig” Para sa mga Nauuhaw

      10. Anong “tubig” ang iniaalok ni Jehova, at saan kumakatawan ito?

      10 Inihahayag mismo ni Jehova: “Sa sinumang nauuhaw ay magbibigay ako mula sa bukal ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 21:6b) Upang mapatid ang gayong uhaw, dapat na maging palaisip ang isang tao hinggil sa kaniyang espirituwal na pangangailangan at maging handang tanggapin ang “tubig” na inilalaan ni Jehova. (Isaias 55:1; Mateo 5:3) Anong “tubig”? Sinagot mismo ni Jesus ang tanong na ito noong nagpapatotoo siya sa isang babae sa tabi ng balon sa Samaria. Sinabi niya sa kaniya: “Ang sinumang uminom mula sa tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi na kailanman mauuhaw pa, kundi ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging isang bukal ng tubig sa kaniya na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan.” Ang “bukal ng tubig ng buhay” na iyon ay umaagos mula sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo bilang kaniyang paglalaan upang maisauli ang sakdal na buhay sa sangkatauhan. Gaya ng babaing Samaritana, dapat tayong manabik sa pag-inom mula sa bukal na iyon! At gaya ng babaing iyon, dapat tayong maging handa na isakripisyo ang makasanlibutang mga interes upang maibahagi sa iba ang mabuting balita!​—Juan 4:14, 15, 28, 29.

      Ang mga Mananaig

      11. Ano ang ipinangangako ni Jehova, at kanino pangunahing kumakapit ang mga salitang ito?

      11 Dapat ding manaig ang mga umiinom ng nakagiginhawang “tubig” na iyon, gaya ng patuloy na sinasabi ni Jehova: “Mamanahin ng sinumang nananaig ang mga bagay na ito, at ako ay magiging kaniyang Diyos at siya ay magiging aking anak.” (Apocalipsis 21:7) Nakakatulad ng pangakong ito ang mga pangakong masusumpungan sa mga mensahe sa pitong kongregasyon; kaya tiyak na pangunahing kumakapit sa pinahirang mga alagad ang mga salitang ito. (Apocalipsis 2:7, 11, 17, 26-28; 3:5, 12, 21) Sa paglipas ng panahon, buong-pananabik na inaasam ng espirituwal na mga kapatid ni Kristo ang pribilehiyong maging bahagi ng Bagong Jerusalem. Kung mananaig silang gaya ni Jesus, makakamit nila ang kanilang pag-asa.​—Juan 16:33.

      12. Paano matutupad sa malaking pulutong ang pangako ni Jehova sa Apocalipsis 21:7?

      12 Umaasa rin sa pangakong ito ang malaking pulutong mula sa lahat ng bansa. Dapat din silang manaig, at buong-katapatang maglingkod sa Diyos hanggang sa makatawid sila sa malaking kapighatian. Pagkatapos nito ay papasok na sila sa kanilang makalupang mana, ‘ang kahariang inihanda para sa kanila mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.’ (Mateo 25:34) Sila at ang iba pa sa makalupang mga tupa ng Panginoon na makapapasa sa pagsubok sa katapusan ng isang libong taon ay tatawaging “mga banal.” (Apocalipsis 20:9) Magkakaroon sila ng sagradong kaugnayan bilang mga anak ng kanilang Maylalang, ang Diyos na Jehova, at mga miyembro ng kaniyang pansansinukob na organisasyon.​—Isaias 66:22; Juan 20:31; Roma 8:21.

      13, 14. Upang magmana ng kamangha-manghang mga pangako ng Diyos, anu-anong gawain ang dapat na determinado nating iwasan, at bakit?

      13 Yamang may ganitong kamangha-manghang pag-asa, napakahalaga nga para sa mga Saksi ni Jehova na manatiling malinis ngayon mula sa nagpaparuming mga bagay ng sanlibutan ni Satanas! Kailangan tayong maging malakas, matatag, at determinado upang hindi tayo makaladkad ng Diyablo kasama ng grupong binabanggit dito ni Jehova mismo: “Ngunit kung tungkol sa mga duwag at sa mga walang pananampalataya at sa mga kasuklam-suklam sa kanilang karumihan at sa mga mamamaslang at sa mga mapakiapid at sa mga nagsasagawa ng espiritismo at sa mga mananamba sa idolo at sa lahat ng sinungaling, ang kanilang magiging bahagi ay sa lawa na nagniningas sa apoy at asupre. Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan.” (Apocalipsis 21:8) Oo, dapat iwasan ng nagnanais na maging tagapagmana ang mga gawain na nagparumi sa matandang sistemang ito ng mga bagay. Dapat siyang manaig sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa harap ng lahat ng panggigipit at tukso.​—Roma 8:35-39.

      14 Bagaman ang Sangkakristiyanuhan ay nag-aangking kasintahang babae ni Kristo, kilala siya sa kasuklam-suklam na mga gawain na inilalarawan dito ni Juan. Kaya daranas siya ng walang-hanggang pagkapuksa kasama ng iba pang bahagi ng Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 18:8, 21) Sinuman sa mga pinahiran o sa malaking pulutong na makikibahagi sa ganitong kasamaan, o kaya’y hihikayat sa iba na gumawa nito, ay tiyak na mapapaharap din sa walang-hanggang pagkapuksa. Kung patuloy nilang gagawin ito, hindi sila magmamana ng mga pangako. At sa bagong lupa, sinumang magtatangkang magpasok ng gayong mga gawain ay pupuksain kaagad, at daranas ng ikalawang kamatayan na wala nang pag-asa ukol sa pagkabuhay-muli.​—Isaias 65:20.

      15. Sinu-sino ang namumukod-tanging mga halimbawa ng mga nananaig, at sa anong pangitain sumasapit sa dakilang kasukdulan ang Apocalipsis?

      15 Ang Kordero, si Jesu-Kristo, at ang kaniyang kasintahang babae na 144,000, ang Bagong Jerusalem, ay namumukod-tanging mga halimbawa ng mga mananaig. Angkop lamang, kung gayon, na sumapit ang Apocalipsis sa dakilang kasukdulan nito sa pamamagitan ng isang pangwakas at walang-katulad na pangitain hinggil sa Bagong Jerusalem! Inilalarawan ngayon ni Juan ang kahuli-hulihang pangitain.

      [Mga larawan sa pahina 302]

      Sa lipunan ng bagong lupa, magkakaroon ng maligayang gawain at pagsasamahan para sa lahat

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share