Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Sino ang Nagtuturo sa Kanila Tungkol sa Sekso?
    Gumising!—1992 | Pebrero 22
    • Sino ang Nagtuturo sa Kanila Tungkol sa Sekso?

      ANONG laking kagalakan ang dala ng isang bagong sanggol! Ang mga magulang ay nagagalak dito, nakikipaglaro rito, at sinasabi sa kanilang mga kaibigan ang halos lahat ng bagay na ginagawa nito. Subalit hindi nagtatagal ay natatanto nila na ito rin ay nagdadala sa kanila ng malaking bagong mga pananagutan. Isa sa mas mahalagang pananagutan ay ang pangangailangan na turuan ito na pangalagaan ang kaniyang sarili sa isang sumisidhing imoral na daigdig.

      Paano matutulungan ng mga magulang ang isang minamahal na musmos na lumaki tungo sa isang maygulang na adulto na magtatamasa ng isang mainit at maligayang buhay pampamilya at marahil ay magpalaki ng sarili nitong mga anak na may takot sa Diyos? Maaaring malasin ito ng ilang magulang bilang isang halos napakalaking atas, kaya walang alinlangang ang ilang mungkahi ay pahahalagahan.

      Malamang na tinuturuan mo ang iyong mga anak na gaya ng pagtuturo sa iyo ng iyong mga magulang. Subalit maraming magulang ang bahagyang naturuan, kung mayroon man, tungkol sa sekso. Kahit na kung ikaw ay naturuang mainam, ang daigdig ay nagbago, at gayundin ang mga pangangailangan ng mga bata. Isa pa, maraming mambabasa ng magasing ito ang mayroong mas mataas na mga pamantayan at mas mabuting paraan ng buhay. Kaya, dapat mong tanungin ang iyong sarili: ‘Ang paraan ba ng pagtuturo ko sa aking mga anak ay kaagapay ng kasalukuyang mga palagay at dumaraming pangangailangan ng aking mga anak?’

      Ang ilang magulang ay hinahayaan ang kanilang mga anak na alamin ang gayong impormasyon sa ganang sarili nila. Subalit ang paggawa ng gayon ay nagbabangon ng nakatatakot na mga katanungan: Ano ang matututuhan nila? Kailan? Mula kanino, at sa ilalim ng anong mga kalagayan?

      Kung Ano ang Itinuturo ng mga Paaralan

      Maraming magulang ang nagsasabi: “Oh, matututuhan nila iyan sa paaralan.” Maraming paaralan ang nagtuturo nga tungkol sa sekso, subalit kakaunti lamang sa mga ito ang nagtuturo tungkol sa moral. Ang dating Kalihim ng Edukasyon sa E.U. na si William J. Bennett ay nagsabi noong 1987 na ang mga paaralan ay nagpakita ng “sadyang pag-ayaw na gumawa ng moral na mga pagkakaiba.”

      Si Tom, ama ng dalawang kaibig-ibig na mga anak na babae, ay nagtanong sa kinatawan ng kanilang paaralan: “Bakit ayaw ninyong sabihin na ang pagtatalik sa labas ng pag-aasawa ay mali?” Sinabi niya na gusto niyang sabihin iyon ngunit hindi maaaring saktan ng paaralan ang damdamin ng hindi kasal na mga ina ng mga bata at ng live-in na mga boyfriend ng kanilang mga ina. Kaya, sasabihin ng paaralan sa mga estudyante na mayroon silang mapagpipilian subalit bihira nitong sasabihin kung aling pagpili ang tama.

      ‘Bibili Ako ng Isang Aklat’

      Ang ibang magulang ay maaaring magsabi: “Ibibili ko sila ng isang aklat.” Marahil ang isang mabuting aklat ay makatutulong, subalit dapat na maingat na pakatiyakin mo na ikaw ay sumasang-ayon sa sinasabi nito. Kakaunting aklat tungkol sa paksang ito ang bumabanggit tungkol sa moral o binabanggit man ang tama at mali. Aktuwal na inirerekomenda ng ilan ang imoral na mga gawain. At pambihirang aklat nga ang nagsasabi na ang pagtatalik ay dapat lamang sa mag-asawa.

      Kaya, ang pananagutan sa pagtuturo tungkol sa moral sa mga bata ay nasasalalay kung saan unang inilagay ito ng Diyos​—sa kanilang maibiging mga magulang. Ang Bibliya ay nagsasabi sa mga ama: “Iyong ituturo nang buong sikap [ang mga kautusan ng Diyos] sa iyong anak at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at pagka ikaw ay lumakad sa daan at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.”​—Deuteronomio 6:7.

      Sa katunayan, ang mga magulang ay maaaring maging ang pinakamahusay na mga guro ng kanilang mga anak. Walang aklat o paaralan ang maaaring humalili sa lakas ng kanilang matibay na paniniwala o ng isang mahusay na halimbawa sa pamilya. Gaya ng pagkakasabi rito ni William Bennett: “Ipinakikita ng mga pag-aaral na kapag ang mga magulang ang pangunahing pinagmumulan ng edukasyon sa sekso, ang mga bata ay malamang na hindi magsagawa ng pagtatalik. . . . Ang mga magulang, higit kaninuman, ay gumaganap ng mahalagang bahagi.”

      Gayunman, ang ilang magulang ay natatakot na ang kaalaman ay maaaring humantong sa pag-eeksperimento. Maliwanag na ito’y depende sa kung ano ang itinuro at kung paano ito itinuro. Ang totoo ay na matututuhan ng mga kabataan ang tungkol sa sekso. Hindi ba’t mas mabuti na matutuhan nila ito sa wasto at marangal na paraan mula sa moral at maibiging mga magulang kaysa mula sa isang tao sa lansangan o sa paaralan o mula sa mga adultong marurumi ang isip?

      Subalit ang tanong ay nananatili: Paano mo ituturo ang mga bagay na ito sa isang maka-Diyos at magalang na paraan? Kapag narinig ng mga kabataan na “ginagawa ito ng lahat,” paano mo sila makukumbinsi na hindi ito ginagawa ng pinakamabuti at pinakamaligayang mga tao? Paano mo sila matutulungan na matalos na ang pamumuhay ayon sa tuntunin ng Bibliya na “umiwas sa pakikiapid” ay hindi lamang umaakay sa pinakamabuti at pinakamaligayang buhay kundi ito rin ang tanging paraan na kinalulugdan ng Diyos? Ang sumusunod na artikulo ay magmumungkahi ng mahahalagang sagot sa mahahalagang katanungang ito.​—1​Tesalonica 4:3.

  • Kailan Magsisimula at Kung Gaano ang Sasabihin
    Gumising!—1992 | Pebrero 22
    • Kailan Magsisimula at Kung Gaano ang Sasabihin

      MARAMING maingat na magulang ang waring may akala na ang edukasyon sa sekso ay maaaring pangasiwaan sa panahon ng nakahihiyang sampung-minutong usapan sa kakahuyan tungkol sa sekso at panganganak kasama ng kanilang 13-anyos na anak. Subalit ito ay kadalasang napatunayang hindi lamang kakaunti kundi huling-huli na. Karaniwan na para sa isang maibiging magulang na magkomento: “Halos lahat ng bagay na sinabi ko sa kanila, para bang alam na nila.”

      Mayroon bang mas mabuting paraan upang ituro ang mahahalagang bagay na ito? Kung gayon, kailan dapat magsimula ang mga magulang, at ano ang maaari nilang gawin at sabihin?

      Matalino, halos mula sa pagsilang ng sanggol, dapat mong simulang maglatag ng pundasyon para ibahagi ang mahalagang pagtuturong ito. Kung sisimulan mo ito sa pagkabata, maaari kang magbigay ng impormasyon nang mahinahon, paunti-unti sa paraang madaling maunawaan ng bata ayon sa kakayahan ng iyong anak upang makinabang.

      Habang pinaliliguan ng mga magulang ang kanilang mumunting anak, maaari nilang ituro rito ang mga bahagi ng kanilang katawan: “Ito ang iyong dibdib . . . ang iyong tiyan . . . ang iyong tuhod.” Bakit lalaktawan ang mula sa tiyan hanggang sa tuhod? Nakahihiya ba kung ano ang nasa pagitan nito? O ito ba ay basta pribado? Mangyari pa, hindi natin gagamitin ang bulgar na mga salitang lansangan para sa pribadong mga bahaging ito. Kundi bakit hindi basta sabihing “ari ng lalaki” o “ari ng babae”? Ito man ay bahagi ng paglalang na tinawag ng Diyos na “napakabuti.”​—Genesis 1:31; 1 Corinto 12:21-24.

      Pagkatapos, marahil kapag nakikita ng bata ang pagpapalit ng lampin, may paggalang na masasabi mong ang mga lalaki’t babae ay may kani-kaniyang ari. Mahinahon mong maipaliliwanag na ang mga bagay na ito ay personal. Ito ay dapat lamang pag-usapan sa loob ng pamilya, hindi sa ibang mga bata o sa mga tao sa labas ng pamilya.

      Sa gayon, maipaliliwanag mo ang maraming bagay bago pa ito maaaring maging kahiya-hiya, nagsisimulang maaga at sumusulong na kaagapay ng pagsulong ng kakayahan ng bata na umunawa.

      Pagpapaliwanag Tungkol sa Panganganak

      Kapag tatlo hanggang limang taóng gulang,a ang isang bata ay maaaring magtanong tungkol sa panganganak at magsabi: “Saan galing ang mga beybi?” Maaari mong sagutin nang payak na: “Ikaw ay lumaki sa isang mainit, ligtas na dako sa loob ni nanay.” Malamang na ito ay makasapat na sa kasalukuyan. Pagkatapos ay maaaring itanong ng bata: “Paano lumalabas ang beybi?” Maaari kang sumagot: “Ang Diyos ay gumawa ng pantanging puerto na labasan ng beybi.” Ang haba ng atensiyon ng mga bata ay maikli, kaya ang pinakamabuting mga sagot ay payak at tuwiran. Ibigay ang kinakailangang impormasyon nang unti-unti, ilaan ang higit pa sa hinaharap.

      Kung alisto ang mga magulang, makasusumpong sila ng maraming pagkakataon upang magturo. Kung isang malapit na kamag-anak ay nagdadalang-tao, maaaring sabihin ng isang ina: “Si Tita Susan ay malamang na malapit nang manganak​—halos gayon ako kalaki mga ilang linggo bago ka isilang.” Ang inaasahang kapanganakan ng isang kapatid na lalaki o babae ay maaaring maglaan ng mga buwan ng nakatutuwa at kasiya-siyang edukasyon.

      Pagkaraan ang bata ay maaaring magtanong: “Paano nagsisimula ang beybi?” Ang payak na sagot ay: “Isang binhi buhat sa tatay ay nakakatagpo ng isang itlugan ng nanay at ang beybi ay nagsisimulang lumaki, kung paanong ang isang binhi sa lupa ay lumalaki at nagiging isang bulaklak o isang punungkahoy.” Sa ibang pagkakataon ang bata ay maaaring magtanong: “Paano napupunta ang binhi ni tatay kay nanay?” Maaari mong sabihin, na may paggalang: “Alam mo kung paano ang pagkakagawa sa isang lalaki. Mayroon siyang ari. Ang nanay ay may puerto sa kaniyang katawan kung saan pumapasok ang ari ng lalaki, at ang binhi ay itinatanim. Gayon ang pagkakagawa sa atin ng Diyos upang ang mga beybi ay lumaki sa isang maganda, mainit na dako hanggang sa sila’y lumaki upang makapamuhay sa kanilang sarili. Pagkatapos isang magandang beybi ay isinisilang!” Maaari kang magsalita sa diwa ng pagkamangha sa kagila-gilalas na paraan ng pagkakaayos ng Diyos sa mga bagay na ito.b

      Huwag na huwag mong iantala ang pagsagot sa mga tanong na may pagkahiyang sinasabing: “Saka ko na lamang sasabihin sa iyo kapag malaki ka na.” Maaari lamang pasidhiin nito ang pagkausyoso ng mga bata at maaaring ugyukan sila na hanapin ang impormasyon mula sa di-wastong pinagmumulan sa ibang dako. Ang batang may sapat nang gulang upang magtanong ay may sapat ding gulang na tumanggap ng payak at magalang na sagot. Ang hindi pagbibigay ng sagot ay maaaring magpahina ng loob ng inyong mga anak na sa inyo magtanong para sa gusto nilang impormasyon.

      Gaano Kaaga?

      Inaakala ng maraming magulang na ang kanilang mga anak ay dapat magkaroon ng isang pangunahing pagkaunawa sa mga bagay na ito bago sila pumasok sa eskuwela, kung saan maaaring marinig nila ang hindi gaanong tumpak na impormasyon mula sa ibang bata.

      Isang lolo ang nagsabi: “Hindi ako nagtatanong, ngunit nang ako ay anim na taóng gulang, ipinasiya ng aking tatay na panahon na upang ipaliwanag kung saan galing ang mga beybi. Sinabi niya na ang pagtatalik ng isang lalaki at ng isang babae na maaaring gumawa ng isang bata ay natural lamang na bagay na gaya ng pagkain, subalit sinabi ng Diyos na ito ay para lamang sa mga taong mag-asawa. Kaya, mayroong isang ina at isang ama na magmamahal sa bata at mangangalaga nito.” Ito pa ang isinusog ni lolo: “Ang paliwanag na ibinigay niya ay napapanahon. Nakakita na ako ng mga anim-na-taóng-gulang na tumatawa sa imoral na mga larawan na iginuhit nila na hindi ko maunawaan.”

      Mangyari pa, ang gayong mga paliwanag ay dapat iharap, hindi bilang isang bagay na kahiya-hiya, kundi bilang isang bagay na pribado. Maaari mong banggitin muli na ito ay isang sekreto ng pamilya na hindi dapat banggitin sa ibang mga bata o sa ibang tao sa labas ng pamilya. Kung madulas ang bibig ng inyong anak sa bagay na ito, mahinahong sabihin: “Shhh! Tandaan mo, sekreto natin iyan. Pinag-uusapan lamang natin ito sa loob ng pamilya.”

      Hindi Nakasisindak

      Kung ang pangangailangan sa pagtalakay na ito ay nakasisindak sa kaninumang mambabasa, isipin lamang kung gaano karaming maingat na may kabataang mga magulang ang naghahanap ng magalang na paraan upang ipaliwanag ang mga bagay na ito sa kanilang mga anak. Hindi ba’t ang prangkang mga paliwanag sa isang maibiging sambahayan ay mas maigi kaysa paraan na unang nalaman ng maraming magulang ang mga bagay na ito, mula sa maruming pinagmumulan sa labas ng pamilya?

      Kung ikaw ay talagang nakikinig at kung sinasagot mo ang mga taong sa isang payak at magalang na paraan, ginagawa mong mas madali para sa iyong mga anak na lumapit sa iyo kapag may iba pa silang katanungan sa paglipas ng mga taon at ang kanilang pangangailangan para sa impormasyon ay lumalago.

      [Mga talababa]

      a Ang bawat bata ay naiiba. Kaya, ang anumang pagtukoy sa edad sa mga artikulong ito ay nilayon sa pangkalahatang paraan, upang ipakita ang progresibong kalikasan ng pagtuturong ito.

      b Tinatalakay ito ng aklat na Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya at ang marami pang moral na aspekto ng pagpapalaki sa bata at sa buhay pampamilya. Maaari mong hilingin ito mula sa mga taong nagdala sa iyo ng magasing ito o mula sa mga tagapaglathala nito sa direksiyon na nasa pahina 5.

      [Larawan sa pahina 6]

      Ang nalalapit na pagsilang ay nagbibigay ng pagkakataon para sa mahalagang instruksiyon

  • Mahalagang Magsimula Nang Maaga
    Gumising!—1992 | Pebrero 22
    • Mahalagang Magsimula Nang Maaga

      ANG mga bata ay may karapatan sa makatuwirang ganap na paliwanag sa kung paano kumikilos ang kanilang mga katawan at kung paano nila pangangalagaan ang kanilang sarili mula sa imoral na mga tao. Subalit kailan dapat magsimula ang pagtuturo? Mas maaga kaysa inaakala ng marami.

      Ang adolesens ay nagsisimula sa pagbibinata at pagdadalaga, ang panahon kung kailan nagsisimulang lumitaw ang mga tanda ng seksuwal na paggulang. Ang isang babae ay maaaring magsimulang magregla sa gulang na 10 o mas maaga pa nga o huli na sa gulang na 16 o higit pa. Ang isang lalaki ay maaaring labasan ng tamod o semen sa pagtulog na kasing-aga ng 11 o 12 anyos. Ang inyo bang mga anak ay magiging handa bago ang panahong iyon, sabihin pa sa gulang na siyam?a Malalaman din kaya nila sa murang gulang na iyon ang kahalagahan ng pag-iingat ng kanilang pagkabinata o pagkadalaga?

      Ipaalam sa Kanila ang mga Pagbabago sa Katawan

      Ang inyong anak na babae ay may karapatang malaman ang bigay-Diyos na mga pagbabago na mangyayari sa kaniyang katawan. Maaaring banggitin ng ina ang kaniyang regla at ipakita sa kaniyang anak na babae kung anong uri ng proteksiyon ang ginagamit niya. Dapat niyang ipaliwanag na ang mga pagbabagong ito ay normal na mga proseso ng katawan. Sa isang napakapositibong paraan, maaaring ipaliwanag ng isang ina na ang katawan ng kaniyang anak na babae ay maghahanda na sa ganang sarili para sa panahong ito, mga ilang taon mula ngayon, kapag siya ay mag-asawa at maging ina mismo. Maaaring ipaliwanag ng isang ina sa kaniyang anak na babae na ang katawan ay naghahanda sa matris para sa bata ng isang pantanging malambot, tulad-isponghang sapin na sagana sa mga daluyan ng dugo. Kapag ang isang sanggol ay hindi naipaglihi, ang sapin ay ilalabas at daraan sa kaluban, at ang prosesong ito ay tinatawag na regla.

      Sa kahawig na paraan, dapat ding malaman nang patiuna ng inyong anak na lalaki ang tungkol sa paglalabas ng tamód sa pagtulog, o wet dreams. (Deuteronomio 23:10, 11) Dapat niyang maunawaan na ang paglalabas ng madulas na likido, kung minsan kapag siya’y nananaginip, ay paraan lamang ng katawan ng paglalabas ng naipong tamód. Dapat malaman kapuwa ng inyong mga anak na lalaki at babae na walang masama sa mga pagbabagong ito sa kanilang katawan. Ang kanilang mga katawan ay naghahanda lamang para sa posibleng pag-aasawa at pagiging magulang sa hinaharap.b

      Bilang mga magulang, dapat ninyong pakadibdibin ang mga bagay na ito, sapagkat ito’y mga bagay na banal. At kayo ang mga guro na inatasan ng Diyos.

      Ano ang Ligtas na Pagtatalik?

      Habang ang mga taon ay mabilis na lumilipas at ang inyong mga anak ay pumapasok na sa pagiging tin-edyer, dapat ninyong tiyakin na alam nila na ang pagtatalik sa pagitan ng hindi mag-asawa ay mapanganib, anuman ang naririnig nila sa kabaligtaran. Ang mga sakit na naililipat sa pagtatalik, pati na ang AIDS, ay naging isang pambuong-daigdig na salot. Ang mga sakit na iyon ay maaaring pagmulan ng pagkabaog, mga depekto sa panganganak, kanser, at kamatayan pa nga. Isa pa, maaari itong ilipat ng mga taong walang kabatiran na mayroon sila nito.

      Dapat matanto ng inyong mga anak na walang pamamaraan ng kontrasepsiyon ang napatunayang mabisa sa paghadlang sa pagdadalang-tao o sa paghinto sa paglilipat ng sakit. Sa katunayan, isang nakagugulat na bilang ng mga kabataan na nagsasagawa ng iba’t ibang uri ng kontrasepsiyon ang nabuntis. At bagaman ang mga condom ay iniaanunsiyo bilang isang depensa laban sa pagkakaroon ng AIDS mula sa isang katalik na mayroon nito, iniuulat ng The New England Journal of Medicine na hindi nahahadlangan ng mga condom ang paglilipat ng virus ng AIDS sa dalas na 17 porsiyento ng panahon.

      Kaya, pinasinungalingan ng kolumnista sa New York Post na si Ray Kerrison ang pag-aangkin na ‘binabawasan [ng mga condom] sa pinakakaunti ang panganib na magkaroon ng AIDS’ sa pagsulat: “Lubhang kakaunti. Kung ilalagay mo ang isang bala sa isang baril, paiikutin ang lalagyan ng bala at maglalaro ka ng tinatawag na Russian roulette, mayroon kang isa-sa-anim na tsansa na mapatay mo ang iyong sarili. Sa condom, ikaw ay may halos isa-sa-limang tsansa na magkaroon ng AIDS. Mabibigyan na namin ngayon ng tunay na pangalan ang kasinungalingan na ang condom ay humahadlang sa pagkakaroon ng isa ng AIDS. Ito ang seksuwal na roulette.”

      Dapat malaman ng inyong mga anak na ang lunas sa problema tungkol sa mga sakit na naililipat ng pagtatalik ay simple. Ito ay ang tanggapin ang kaayusan ng Diyos sa paggamit ng banal na kaloob ng pag-aanak. Oo, ang ligtas na paggamit ng iyong seksuwalidad ay sa loob ng pag-aasawa, huwaran sa isang habang-buhay na pagsasama sa isang minamahal na wala ring ibang katalik.

      Isang Proteksiyon ang mga Tagubilin ng Diyos

      Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang lalaki . . . ay makikipisan sa kaniyang asawa.” “Huwag kang mangangalunya.” “Hayaang ang pakikiapid . . . ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo.” “Walang mapakiapid . . . ang may anumang mana sa kaharian ni Kristo at ng Diyos.”​—Genesis 2:24; Mateo 5:27; Efeso 5:3, 5.

      Ang mga tagubiling ito ay hindi mapaniil. Bagkus, ang pagsunod sa mga ito ay aakay sa isang maligaya, malapít ang ugnayan na pamilya. Ang ipinagbubuntis na bata ay mapaglalaanan ng isang bagay na may karapatan ito​—dalawang magulang, isang ina at isang ama. Ang bawat isa ay may naiibang mga katangian, at ang bawat isa’y makatutulong sa buhay ng bata ng mga bagay na hindi taglay ng isa.

      Bilang mga magulang, kapuwa sa inyong pagtuturo at sa inyong halimbawa, dapat ninyong ikintal sa puso at isipan ng inyong anak ang mga simulaing salig-Bibliya. Dapat kayong magtayo na ang gamit ay matatag na mga materyales​—mga materyales na hindi natutupok ng apoy. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang araw ang magsasaysay, dahil sa iyon ay mapapalantad sa pamamagitan ng apoy; at ang apoy rin ang susubok sa gawa ng bawat isa kung anong uri iyon.” Kung ikaw ay magtatayo nang matatag at ang iyong gawa ay manatili, ikaw ay saganang pagpapalain.​—1 Corinto 3:13.

      Subalit ang mahalagang tanong ay nananatili: Paano mo mapatitibay ang pagsasanay na ito habang ang iyong mga anak ay lumalaki mula sa mga taon ng tin-edyer tungo sa pagkaadulto?

      [Mga talababa]

      a Si Dr. Leon Rosenberg ng Johns Hopkins University, Baltimore, Maryland, E.U.A., ay nagsabi: “Pagsapit ng bata sa gulang na 9, dapat ay nakausap na ng mga magulang at lubusang napaliwanagan ang bata tungkol sa mga detalye sa sekso at moralidad. Mientras mas maraming impormasyon ang nakukuha ng mga bata sa kanilang mga magulang, mas mabuti.”

      b Higit pang impormasyon ang masusumpungan sa mga kabanatang “Pagbibinata” at “Pagdadalaga” sa Ang Iyong Kabataan​—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito, isang aklat na makukuha mo sa mga tagapaglathala ng magasing ito.

      [Larawan sa pahina 8]

      Mahalaga na ihanda ang inyong anak sa mga pagbabago ng katawan

  • Ang Maligalig na Panahon ng mga Tin-edyer
    Gumising!—1992 | Pebrero 22
    • Ang Maligalig na Panahon ng mga Tin-edyer

      ANG mga tin-edyer ay napaliligiran ng erotikong mga mensahe. Ang sekso ay ginagamit upang mag-anunsiyo ng lahat ng bagay mula sa sapatos hanggang sa mga jeans. Ang modernong musika ay punô ng seksuwal na mga pasaring. Sa telebisyon ang kaakit-akit na mga adulto ay palipat-lipat mula sa isang seksuwal na karanasan tungo sa isa. Subalit wasto ba ito?

      Isang pangunahing pahayagan sa Amerika ang nagsabi na ang “saganang pagpapasok ng seksuwal na mensahe” sa mga programa sa TV sa oras na karamihan ng mga tao ay nanonood nito ay isang “nakababalisa at lubhang iresponsableng hilig sa pagpoprograma.” Tinawag ito ng The Journal of the American Medical Association na ang “pagsasamantala sa mga adolesens sa pamamagitan ng libangan at media sa pag-aanunsiyo.”

      Dapat na tiyakin ninyo na nalalaman ng inyong mga anak na hindi lahat ay namumuhay nang gayon. Gaya ng sinasabi, kahit na kung kalahati ng mga 17-anyos na babae sa Amerika ay nakipagtalik na, nangangahulugan pa rin iyan na ang kalahati ay hindi nakipagtalik. Gaya ng sinabi ng dating Kalihim ng Edukasyon ng E.U. na si William J. Bennett: “Hindi ito ginagawa ng ‘lahat,’ at marahil ay nanaisin natin na bigyan ang mga kabataang iyon​—kalahati ng ating mga disisiete-anyos—​ng suporta at pampatibay.”

      Binanggit niya na sa isang surbey na isinagawa sa Grady Memorial Hospital sa Atlanta, Georgia, E.U.A., 9 sa 10 mga babae na wala pang 16 anyos “ay nagnanais malaman kung paano tatanggihan ang pagtatalik.” Matutulungan ba ninyo ang inyong mga anak na maging kumbinsido na, hindi lamang isang mahina at di-tiyak na reaksiyon, kundi isang positibo at maliwanag na hindi ang tamang sagot sa anumang imoral na mungkahi? Matutulungan ba ninyo sila na matalos na igagalang sila ng karapat-dapat na mga tao dahil dito? Gaya ng sinabi ng isang tin-edyer na nagngangalang Emily sa isang pahayagan sa California, E.U.A.: “Ang mga taong higit na iginagalang ay hindi imoral.”

      Dapat ninyong tulungan ang inyong mga anak na tin-edyer na matanto na ang sekso ay isang malakas na puwersa​—napakalakas anupa’t nagawa nito ang buong lahi ng sangkatauhan. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na hindi ito maaaring supilin. Bagkus, ito’y nangangahulugan na tulad ng isang matulin na isports car, dapat itong gamitin nang wasto, ayon sa mga tuntunin sa daan. Ang pagwawalang-bahala sa mga tuntunin sa isang paliku-likong daan sa bundok ay maaaring humantong sa sakuna. Ang pagwawalang-bahala sa mga tuntuning bigay-Diyos tungkol sa seksuwal na paggawi ay magkakaroon din ng gayong resulta. Paano ninyo matutulungan ang inyong mga anak, na mahal na mahal ninyo, na makilala ang katotohanang ito?

      Turuan Sila na ang Kalinisan sa Moral ay Mahalaga

      Ipakipag-usap sa inyong anak na tin-edyer ang mahusay na halimbawa sa Bibliya tungkol sa magandang dalagang Shulamita. May pagmamalaking masasabi niya: “Ako’y isang kuta, at ang aking dibdib ay parang mga moog.” Sa moral na paraan siya ay tulad ng isang di-masasampang pader ng isang kuta na may di-mapapasok na mga tore. At sa paningin ng kaniyang mapapangasawa, siya ay gaya ng isa “na nakasusumpong ng kapayapaan.” Oo, kapayapaan ng isip na hindi binabagabag ng pagsisisi ay isang mayamang pakinabang ng pagiging malinis sa moral.​—Awit ni Solomon 8:10.

      Subalit paanong ang isang kabataan ay makapananatiling matatag sa moral, tulad ng isang pader? Bago pa bumangon ang mga bagay na iyon, dapat ninyong tiyakin na nalalaman ng inyong nagkakaisip na mga anak ang pangangailangang maging maingat sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga kalagayan na maaari, at kadalasan, ay humahantong sa imoralidad. Halimbawa, dapat nilang malaman na kung paanong ang pagmamaneho nang lasing ay maaaring humantong sa sakuna, maaari ring mapahamak ang isa sa isang parti ng mga tin-edyer kung saan ang iba ay nagdadala ng inuming nakalalasing o kung saan walang responsableng adulto ang naroroon.

      Gayundin naman, tulungan silang pahalagahan na ang pag-iisa sa bahay (o sa isang apartment) na kasama ng isang kabataan na hindi kasekso ay tulad ng pagbubukas ng pinto sa tukso. Dapat na makitang malinaw ng mga kabataan ang moral na panganib kung hahayaan nila ang sinuman na hindi nila asawa na ilagay ang kamay nito sa kanilang pribadong bahagi ng katawan, pati na sa dibdib. Ipaliwanag sa kanila na ang pang-aakit ay kadalasang nagsisimula sa seksuwal na nakapupukaw na paghipo sa maseselang bahaging iyon ng katawan.​—Ihambing ang 1 Corinto 7:1.

      Dapat ninyong tulungan ang inyong minamahal na mga anak na matanto na ang tunay na pag-ibig ay nangangahulugan ng higit pa kaysa pagtatalik at na ang pagtatalik sa labas ng pag-aasawa ay masama. Ang ibang mga kabataan ay nakikipagtalik bago pa gumawa ng pangako o commitment ng pag-aasawa. Nakikipagtalik sila sa marami nang hindi nag-aasawa. Pagkatapos, sa paglipas ng panahon ay natatanto nila na talagang kailangan nila ng isang kabiyak, nasusumpungan nila ang kanilang sarili na nag-iisa at abandonado. Totoo, walang sinuman ang humiling sa kanila ng pangako, subalit wala rin namang nangako sa kanila.

      Dapat malaman ng inyong mga anak na lalaki at babae na ang kanilang pagkabinata o pagkadalaga ay napakahalaga upang itapon na parang tubig na walang halaga. Tulungan ang inyong anak na maunawaan na ang ganap na kasiyahan sa pagtatalik ay maaari lamang kamtin sa loob ng sagradong kaayusan ng pag-aasawa. Sa maganda, makatang wika, ang Bibliya ay nagsasabi: “Uminom ka ng tubig sa iyong sariling tipunan ng tubig, at sa mga tulo ng tubig na nanggagaling sa iyong sariling balon. Mananabog ba ang iyong mga bukal sa kaluwangan, ang iyong mga agos ng tubig sa mga lansangan? Pagpalain nawa ang iyong bukal, at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan.”​—Kawikaan 5:15, 16, 18.

      Bilang maibiging mga magulang, dapat kayong gumawa ng partikular na pagsisikap na ituro ang mga katotohanang ito. Ito ay isang pantanging hamon ngayon, sapagkat ang pagdadalang-tao sa gitna niyaong mga hindi kasal ay karaniwang tinatanggap. Si Lillian, isang obstetric na nars, ay nagsasabi na siya ay hindi na nagugulat na makita ang takot sa mga mata ng isang 15-anyos na binatang ama kapag inilalagay ng isang nagmamalaking lolo sa kaniyang mga bisig ang isang bagong silang na anak na lalaki na hindi niya handa, kusa, o kayang tanggapin.

      Binanggit ng isang komentarista sa telebisyon na maraming “dalagita na may mga anak subalit walang asawa” ang kadalasang hindi nakukuhang magtapos ng pag-aaral, magtrabaho, o bigyan ng wastong pagpapalaki ang kanilang mga anak. Ang mga inang tin-edyer na ito, sabi niya, ay “nasilo sa kanilang sariling personal na mga trahedya. . . . Ang karukhaan ay halos hindi maiwasan at ang batang isinilang ay malamang na manatili ring dukha.”

      Ang Inyong Mismong Halimbawa

      Ang inyo mismong paggawi ay magkakaroon ng malakas na epekto sa inyong mga anak. Kung minsan ito ay totoo sa mas tusong paraan kaysa inaakala ninyo. Ano ang nangyayari kapag ang isang ama ay ugali nang titingin-tingin sa kaakit-akit na mga babae? O kapag sinasabi ng isang ina, “Ang guwapo!” sa nagdaraang makisig na lalaki? Pinasisigla ba ng mga magulang na iyon ang kanilang tin-edyer na mga anak na maging malinis sa moral? Kung ang pisikal na hitsura ang partikular na hinahangaan ninyo, dapat ba kayong magtaka kung higit na hangaan ng inyong mga anak ang makalamang mga katangian kaysa moral, kabaitan, tunay na pag-ibig, o ang pag-aalay ng tao sa Diyos?

      Samakatuwid ang pagtuturo sa inyong mga anak ng kung ano ang kailangan nilang malaman tungkol sa sekso ay higit pa ang saklaw kaysa inyong inaakala. Kasali rito ang inyong saloobin, ang espiritu na nililikha ninyo sa sambahayan, ang inyong pagkukusa na turuan nang maaga ang inyong mga anak, gayundin ang halimbawang inyong ipinakikita. Maliwanag, lahat ng ito ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap, subalit malaki ang gantimpala!

      Hindi Pa Ninyo Sila Naturuan?

      Ngunit kumusta kung ang inyong mga anak ay halos malaki na, at hindi pa ninyo natalakay ang mga bagay na ito sa kanila? Maaaring sabihin mo: “Talagang nagkamali ako sa paghintay nang napakatagal upang ipakipag-usap sa iyo ang tungkol sa mga bagay na ito, ngunit kung maaari’y hangad kong magkaroon ka ng pinakamahusay na buhay anupa’t sisikapin kong gawin ito ngayon.”

      Tunay, mas mabuting talakayin ang mga bagay na ito sa inyong mga anak kapag sila’y mas malaki na kaysa hindi ito ipakipag-usap sa kanila. Ang pagtuturo sa inyong mga anak tungkol sa moral ay isang mahalagang pananagutan at isang pribilehiyo. Si Ron Moglia ng New York University ay nagsabi: “Ang sinumang magulang na tinatalikuran ang karapatang kausapin ang kanilang anak tungkol sa sekso ay isinusuko ang isa sa kahanga-hangang karanasan na maaaring maranasan niya.”

      Kung kamakailan mo lamang napahalagahan ang moral na mga kahilingan ng Diyos at alam ng iyong mga anak na hindi ka namuhay ayon dito noon, tiyak na nauunawaan nila kung bakit nagbago ka na ngayon. Maaaring imungkahi mo na basahin nila ang magasing ito at saka magsaayos na pag-usapan ang impormasyong ito. Hindi mo dapat isaisang-tabi ito kapag sinabi ng isang kabataan na: “Oh, alam ko nang lahat iyan!” Ang mga katha-kathang nakukuha sa ibang mga kaklase o mga kuwento ng mga kaedad kahit na nga ang karanasan tungkol sa mga gawain ng sekso ay hindi maihahalili sa matinong moral na patnubay. Ang totoo ay na ang kawalang-alam ay maaaring humantong sa kapahamakan.

      Ang pagsasanay sa inyong mga anak ay maaaring humiling ng malaking pagsisikap, subalit ang gantimpala ay maaaring maging kahanga-hanga! Gaya ng pagkakasabi ng Bibliya, payak at malinaw: “Ang matuwid na tao ay lumalakad sa kaniyang pagtatapat. Maligaya ang kaniyang mga anak na susunod sa kaniya.”​—Kawikaan 20:7.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share