Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Walang Trabaho—Ano ang mga Kalutasan?
    Gumising!—1991 | Agosto 8
    • Walang Trabaho​—Ano ang mga Kalutasan?

      “Ito’y magiging brutal. Maraming negosyo ang walang pera, subalit ayaw pa nitong aminin.”​—Mamumuhunan sa E.U.

      NARANASAN na ng marami ang marahas na katotohanan ng nakatatakot na hulang iyan, ginawa noong dakong huli ng 1990. Sa ilang kompaniya, ang “natitirang” mga empleado ay nagtatanong kung sila naman ang susunod na matatanggal sa trabaho.

      Ano ang gagawin mo kung mawalan ka ng trabaho ngayon? Isang landasin ng katalinuhan na maging handa. Gaya ng binanggit ng naunang artikulo, ang mawalan ng trabaho ay nagdadala ng pinansiyal gayundin ng emosyonal na epekto. Kaya nga, higit pa ang nasasangkot kaysa pagbabayad lamang ng mga utang. Ang sumusunod ay ilan sa mga panuntunan na nakatulong sa iba upang maging matatag sa pinansiyal at emosyonal na paraan kapag napaharap sa kawalan ng trabaho.

      1. Huwag Mataranta

      Nang si Dominick ay mawalan ng trabaho, kailangang ibalik niya sa bangko ang kaniyang bahay at ilipat ang kaniyang pamilya na kapisan ng kaniyang nanay. Ang payo niya ay manatiling mahinahon, gaano man kagrabe sa wari ang kalagayan. “May trabaho o walang trabaho, hindi ka naman matutuyo at liliparin,” aniya. “ Talagang kailangan kong matutuhan na hindi kami mamamatay na lahat.” Sa halip na punuin ang isip ng pinakagrabeng mga tanawin, mahinahong pagsikapan ang produktibong mga kalutasan.

      2. Mag-isip Nang Positibo

      Sina Jim at Donna ay may apat na trabahong part-time sa pagitan nilang dalawa. Gayunman, mas maliit ang kinikita nila kaysa dating kita lamang ni Jim sa kaniyang buong-panahong trabaho. Sa kabila nito, tinanggap nila ito bilang isang nakapagtuturong karanasan para sa kanilang limang anak. Sabi ni Donna: “Kung hindi dahil sa problemang ito ay mas mabuti sana sila sa materyal na paraan. Subalit nakinabang naman sila buhat sa karanasang ito.”

      3. Buksan ang Iyong Isip sa Bagong Uri ng Trabaho

      Maaaring piliin kahit na ng mga manggagawang nagtatrabaho sa opisina na magpalit ng propesyon at magsimula sa bagong trabaho. “Ang mga tao’y hindi humahanap ng mga mapagpipilian hanggang sa sila’y mapilitan,” sabi ni Laura, na naalis sa isang trabahong pampangasiwaan. “Sa mga taóng ’90,” sabi niya, “ang mga tao ay kailangang matutong mas makibagay.” Ang paghanap ng iyunding uri ng trabahong nakasanayan mo​—o iyunding sahod—​ay maaari lamang magpahina ng iyong mga tsansang nakasumpong ng trabaho. Sa paano man ay bahagyang ipinaliliwanag nito kung bakit mas natatagalang makahanap ng trabaho ang mga manggagawang nagtatrabaho sa opisina kaysa mga obrero. Kaya buksan ang iyong isip sa posibilidad ng bagong uri ng trabaho. Marami ang matagumpay sa pag-aalok ng ilang uri ng paglilingkod sa iba, gaya ng paglilinis ng bahay.

      4. Mamuhay Ayon sa Iyong Kita​—Hindi Ayon sa Kita ng Iba

      Isang malakas na kagamitan sa pag-aanunsiyo ay lumikha ng isang “pangangailangan” na hindi dating umiiral. Kadalasan ay ipinadarama sa iyo na ang lahat (maliban sa iyo) ay may kabatiran at kumikilos ayon sa pangangailangang iyon. ‘Ito ang istilo na isinusuot ng lahat [maliban sa iyo].’ ‘Ang pelikula na pinag-uusapan ng lahat [kaya bakit hindi mo napanood ito?].’ ‘Ang kotse na minamaneho ng lahat [kailan ka bibili nito?].’

      Ang katulad na pangganyak ay maaari ring makaapekto sa kung paano natin minamalas at ginagasta ang salapi. Isang kaibigan ang kumuha ng isang magastos na paglalakbay. Walang anu-ano kailangan mo ng bakasyon. Isa namang kaibigan ay bumili ng isang bagong kotse. Walang anu-ano ang kotse mo ay waring luma na, hindi na sapat. Ang pagkainggit sa kung ano ang ginagawa ng lahat ay magpapangyari lamang sa iyo na gumasta ng perang hindi mo taglay, binibili ang mga bagay na hindi mo naman talagang kailangan. Iwasan ang gayong dumadaig-sa-sarili na mga paghahambing.

      Si Jim, ang manggagawang natanggal sa trabaho na nabanggit kanina, ay nagsabi: “Ang mga tao ay emosyonal na nawawasak kapag hindi nila napananatili ang istilo ng buhay na iniisip nilang gusto nila. Dapat ka lamang mabahala sa pagkain at tirahan. Ang iba pa ay talagang walang kaugnayan.” Gaya ng iminumungkahi ng Bibliya sa 1 Timoteo 6:8, ‘masiyahan sa pagkain at sa pananamit.’

      5. Mag-ingat sa Utang

      Ang isang credit card ay maaaring maging isang bagay na mahalaga, ngunit maaari rin itong maging iyong pinakamalaking sagutin. Ginagamit ng iba ang credit card bilang isang suporta. Ginagamit nila ito upang ganap na huwag pansinin ang tanong na ‘kaya ko ba ito? ’ Ang card ay nagiging pampamanhid na nagpapahintulot sa iyong gumasta nang hindi iniisip o madama ang mga epekto ng pagkawala ng salapi.

      Nitong nakalipas na mga taon isang tunay na pagkahibang sa credit-card ang ganap na lumaganap sa maraming bansa. Ano ang mga resulta? Ganito binuod ng isang ahente ng computer sa Korea na bumili ng isang bagong kotse sa pamamagitan ng isang credit card ang bagay na ito: “Nang panahon na upang bayaran ang aking utang, terible ang nadarama ko sa tuwina. Para bang itinapon ko ang perang iyon.” Sa Hapón halos kalahati ng lahat ng naghahangad ng pinansiyal na payo ay nasa mga edad 20. Ang 140 milyong credit card sa bansang iyon ay may malaking pananagutan sa pagkalaki-laking utang ng mga kabataan.

      Kaya mag-ingat sa paggamit ng credit card. Gamitin ito, subalit huwag mong hayaang gamitin ka nito. Huwag mong hayaang bulagin ka nito sa iyong tunay na katayuan sa pananalapi. Makadaragdag lamang ito sa kaigtingan ng kawalan ng trabaho.

      6. Panatilihing Nagkakaisa ang Pamilya

      Sa isang surbey ng 86,000 katao, mahigit na sangkatlo ang nagsabi na ang salapi ang numero unong problema sa kanilang pag-aasawa. Nasumpungan ng isa pang pag-aaral na ang salapi ang dahilan ng karamihan ng mga away. “Ang iba’t ibang saloobin sa pera ay maaaring makapinsala sa mga kaugnayan,” sabi ng konsultant sa pananalapi na si Grace Weinstein.

      Kahit na ang mag-asawang malapit ang ugnayan sa isa’t isa ay maaaring may magkaibang pangmalas sa salapi at kung paano ito gagastusin. Ang isa ay maaaring napakatipid, ang isa naman ay gastador.

      Kung hindi pag-uusapan, ang mga bagay na may kaugnayan sa salapi ay maaaring mauwi sa mga away. “Kung saan walang kompidensiyal na pag-uusap ay nabibigo ang mga panukala,” sabi ng Bibliya sa Kawikaan 15:22. At samantalang pinag-uusapan ang pinansiyal na mga bagay, sikaping unawain at isaalang-alang ang pangmalas ng iyong asawa.

      7. Panatilihin ang Iyong Pagpapahalaga-sa-Sarili

      Si Grace Weinstein ay nagsabi: “Para sa lalaki o sa babae na hindi na kumikita, naroon ang emosyonal na suliranin ng humihinang kalagayan at nababawasang pagsasarili, kapuwa nagbubunga ng pagkawala ng pagpapahalaga-sa-sarili.”

      Huwag agad maghinuha na ikaw ay natanggal sa trabaho dahil sa ikaw ay hindi pinahahalagahan bilang isang manggagawa. Ang 29-anyos na si Rani ay natanggal sa trabaho tatlong linggo lamang pagkatapos niyang tanggapin ang pinakamataas na umentong maaabot sa kaniyang antas sa kaniyang taunang pagsusuri. Bagaman ang pagiging tapat, mapagkakatiwalaang manggagawa ay maaaring hindi matanggal sa trabaho, hindi laging ganito. Kaya hindi dapat isipin ng isa ang pagkatanggal sa trabaho bilang isang personal na paghamak sa kaniyang halaga. Ang mahalaga, maaasahang mga manggagawa ay maaaring maapektuhan din.

      8. Gumawa ng Isang Badyet

      Hindi naiibigan ng marami ang ideya ng isang badyet. Inaakala nilang ito’y kumakatawan ng paghihigpit, isang bagay na hahadlang sa kanila sa pagbili ng nais nila. Hindi gayon. Ang isang badyet ay isang kasangkapan na tutulong sa iyo na makamit ang iyong mga tunguhin, hindi ang higpitan ka. Isa lamang itong sistema ng pagsupil, isang detalyadong plano na magsasabi sa iyo kung saan napupunta ang iyong pera at kung paano ito mapupunta kung saan mo gustong magtungo ito.

      Kataka-taka, marami ang walang kaalam-alam kung saan napupunta ang kanilang pera. Sa halip, sila’y nagiging biktima ng pabigla-biglang pagbili at saka mananangis: “Saan napunta itong lahat?” Ang pangangailangan upang iwasan ang gayong paggasta ay mahalaga lalo na kapag panahon na mahirap ang pananalapi. Ang Bibliya ay may katalinuhang nagsasabi sa Kawikaan 21:5: “Maingat na magplano at ikaw ay magkakaroon ng sagana; kung ikaw ay magmamadali, kailanman ay hindi ka magkakaroon ng sapat.”​—Today’s English Version.

      Upang masunod ang payong ito, mag-ingat ng isang nasusulat na rekord. Isulat ang lahat ng ginagasta mo sa isang buong buwan, inuuri ang iyong mga gastos. At, mag-ingat din ng rekord ng kung magkanong pera ang pumapasok. Kung mapansin mong mas marami ang lumalabas kaysa pumapasok, tingnan mo ang iyong gastos upang malaman mo ang pinagmumulan ng problema. Minsang malaman mo kung ano ang ginugugol mo at kung saan mo ito ginugugol, masusupil mo ang iyong pananalapi.

      Ibagay mo ang iyong badyet. Sa unang mga buwan, matutuklasan mo ang mga pagkakamali, at ang ilang gastos ay maaaring hindi mapansin. Gumawa ka ng mga pagbabago at pagtutuwid hanggang sa ang badyet ay umangkop sa iyong mga pangangailangan. Ang mabuting badyet sa gayon ay nagiging lingkod mo, hindi ang panginoon mo.a

      Ang mga tuntunin sa itaas ay maaaring tumulong sa isang tao na maligtasan ang panahon ng kawalang trabaho. Subalit upang maging mabisa, ang mga puntong ito ay dapat na timbangan ng wastong pagtantiya sa tunay na halaga ng salapi. Oo, gaano ba ito kahalaga? Dapat bang mauna ang salapi sa lahat ng bagay, kahit na ang isa ay mawalan ng trabaho? Susuriin natin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.

  • Mas Mahalaga Kaysa Salapi
    Gumising!—1991 | Agosto 8
    • Mas Mahalaga Kaysa Salapi

      “Ang ating sistema ng pangganyak hanggang sa ngayon ay halos lubusang nasasalig sa mga gantimpalang salapi.”​—Psychology Today.

      SINA Nancy at Howard ay maraming plano pagkatapos nilang makasal noong 1989. Nais nila ng isang bahay, magkaroon ng anak, bagong mga kotse, at isang eksotikong bakasyon. Mayroon silang kita upang makayanan ito. Subalit walang anu-ano sila kapuwa ay nawalan ng trabaho. Ang perang naipon nila para sa ihuhulog sa bahay ay kailangang gamitin para sa upa.

      Nininerbiyos sa hinaharap, kailangang ipagpaliban nila ang lahat ng kanilang plano​—pati na ang pagsisimula ng isang pamilya. “Limang taon mula ngayon,” sabi ni Nancy, “sa palagay ko’y hindi pa rin kami makababalik sa dati naming kalagayan. Wala nang lahat iyon, at hindi ko alam kung babalik pa ito.”

      Anong inam na inilalarawan nito ang mapangwasak na epekto ng pagkawala ng trabaho! Subalit inilalantad din nito ang guniguning kapangyarihan ng salapi. Kung ano ang narito ngayon ay maaaring mawala bukas. Gaya ng makatotohanang babala ng Bibliya: “Ang iyong salapi ay maaaring mawala sa isang saglit, parang nagkapakpak at lumipad na gaya ng isang agila.”​—Kawikaan 23:5, Today’s English Version.

      Ang pagtanggap sa pansamantalang katangian ng salapi ay mas madaling sabihin kaysa gawin. “Ang salapi ang pansansinukob na panukat,” sabi ng Psychology Today tungkol sa karaniwang mga saloobin sa salapi. “Sinusukat natin ang mga bagay sa pamamagitan ng salapi, kadalasang tinutuos pa nga sa isipan kaysa nota.” Ang labis-labis na paghahangad sa salapi ay humantong pa nga sa talamak na pagkabalisa, panlulumo, at iba pang karamdaman na nakatatawang isinama sa ilalim ng pangalang sakit ng mayaman.

      Ang Kahalagahan ng Karunungan

      Subalit mayroon pang mas mahalaga kaysa salapi. Ipinakikilala ito ng Bibliya sa Eclesiastes 7:12: “Ang karunungan ay pananggalang na gaya ng salapi na pananggalang.” Pagkatapos ay idinagdag pa ng talata ang katotohanan tungkol sa karunungan na ipinakikitang ito’y nakahihigit sa salapi: “Iniingatan ng karunungan ang buhay ng mga nagtataglay niyaon.”

      Kasali sa karunungan ang kakayahang magsagawa ng matinong pagpapasiya kapag napaharap sa humahamong mga kalagayan. Kapag tayo ay napaharap sa pagkawala ng trabaho, dapat sabihin sa atin ng matinong pagpapasiya na ang tunay na halaga ng buhay ay hindi nasusukat sa piso at sentimos. Ang matinong pagpapasiya ay tutulong din sa atin na panatilihing nasa wastong ayos ang ating mga prayoridad, binibigyan ito ng tamang pansin.

      Ano ang Iyong mga Prayoridad?

      Ano ang inuuna mo sa buhay? Ang iyo bang trabaho ay mas mahalaga kaysa iyong pag-aasawa? Ang iyo bang tahanan ay mas mahalaga kaysa iyong mga anak? Ang salapi ba ang mas mahalaga kaysa iyong kalusugan? Araw-araw tayo’y gumagawa ng mga pasiya salig sa ating sistema ng pangganyak, sa ating mga prayoridad. Kapag napaharap sa mga suliranin sa pananalapi, ang mga prayoridad na iyon ang magdidikta sa ating landas ng pagkilos. Saan nakasentro ang iyong mga prayoridad?

      Sabi ni Jesu-Kristo: “Maligaya yaong palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Pansinin na ipinakita ni Jesus na ang espirituwalidad ay isang pangangailangan, isang prayoridad, hindi lamang isang katangian na dapat hangarin kapag ang lahat ng iba pang bagay sa buhay ng isa ay matatag na.

      Isang hamon na unahin ang espirituwal na pangangailangan samantalang nasa ilalim ng panggigipit na paglaanan ang materyal na pangangailangan ng pamilya. Gayunman, yaong gumagawa ng gayon, gaya ng sabi ni Jesus, ay maligaya. Bagaman nababahala kung paano pagkakasiyahin ang kinikita, sila ay malaya sa “katakut-takot na hirap ng isipan” na nararanasan ng isa kapag inuuna ang salapi. (1 Timoteo 6:10, Phillips) Sila rin ay nakasusumpong ng kaaliwan sa mga salita ni David na nakaulat sa Awit 37:25: “Ako’y naging bata, at ngayo’y matanda na, gayunma’y hindi ko nakitang pinabayaan ang sinumang matuwid, ni ang kaniyang supling man ay nagpapalimos ng tinapay.”

      Sapatan ang Iyong Espirituwal na Pangangailangan

      Likas sa tao ang espirituwal na pangangailangan. Siya’y nangangailangan ng higit pa kaysa pagkain, pananamit, at tirahan. Ang espirituwalidad ay nakahihigit pa, sinasagot ang mga tanong na gaya ng, ‘Bakit ako naririto?’ at, ‘Saan patungo ang daigdig na ito​—at ang aking buhay?’

      Ang pagkatakot sa isang “apocalipsis ng ekonomiya” ay nag-udyok sa marami na makilala ang kanilang espirituwal na pangangailangan. Ang Newsweek ay nag-uulat: “Ang benta ng mga aklat tungkol sa mga hula​—yaong nagbibigay-kahulugan sa kasalukuyang mga pangyayari bilang mga tanda ng katapusan ng sanlibutan ayon sa Bibliya​—ay umabot sa 50 hanggang 70 porsiyento kaysa nakaraang taon.” Gayunman, upang masapatan ang espirituwal na pangangailangang iyon, dapat hanapin ng isa ang tumpak na kaalaman, hindi ang basta kuru-kuro ng tao.

      Inaanyayahan ka naming suriin ang Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya. Ito’y naglalaman ng praktikal na karunungan upang tulungan kang mapagtagumpayan ang mga kabalisahan sa buhay. Higit pa riyan, ang Bibliya ay maaaring magbigay sa iyo ng tumpak na kaalaman tungkol sa kahulugan ng “mapanganib na panahong mahirap pakitunguhan” sa ngayon. (2 Timoteo 3:1) Sa pagsulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito, maaaring isaayos ang isang libreng pag-aaral sa Bibliya. Ngayon higit kailanman ang panahon upang hanapin ang praktikal na karunungan sa kasalukuyan​—at tumpak na kaalaman sa hinaharap—​mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share