Kung Paano Bibili ng Segunda Manong Kotse
SINO ang hindi magnanais na bumili ng isang kotse na ang halaga ay kalahati ng dating presyo ng kotse o mas mababa pa? ‘Talaga bang posible ito?’ maitatanong mo. Oo—kung ito ay isang dating pag-aaring kotse, kilala bilang segunda manong kotse. Ang problema ay, nangangamba ang marami na ang isang segunda manong kotse ay hindi isang kapaki-pakinabang na pagbili. Ang mga kotse, gaya ng iba pang makinarya, ay nasisira sa kagagamit. Kaya nga, ang halaga ng isang kotse ay bumababa dahil sa tagal, milyahe, at pagkagamit nito.
Maaari bang ipakilala ko ang aking sarili? Ako’y naging isang mekaniko ng kotse sa loob ng mahigit na 15 taon. Kaya hayaan mong sabihin ko sa iyo ang ilan sa mga bagay na natutuhan ko. Ang sumusunod ay ilang katanungan na itatanong mo sa iyong sarili bago bumili ng isang segunda manong kotse.
Magkano ang Kaya Kong Gugulin?
Una, kalkulahin kung magkano sa iyong badyet ang gugugulin mo sa isang kotse. Ang mga anunsiyo sa pahayagan ay maaari na ngayong magbigay sa iyo ng idea tungkol sa taon at modelo ng mga kotse na nakatutugon sa presyo na kaya mo. Sa ilang bansa, ang mga bangko, mga institusyong nagpapautang, at ilang aklatan ay may buwanang giya na nagtatala ng mga presyo ng segunda manong mga kotse. Tiyaking kalkulahin hindi lamang ang presyo ng kotse kundi rin naman ang gagastusin para sa mga buwis, pagpaparehistro, at seguro. Planuhin din na magkaroon ng pera para sa di-inaasahang mga pagkumpuni ng kotse na maaaring kailanganin pagkabili mo nito.
Anong Uri ng Kotse ang Kailangan Ko?
Kapag nagpapasiya kung ano ang kailangan mo, tiyakin kung ano ang mahalaga sa iyo. Isaalang-alang ang laki ng iyong pamilya at kung sa anu-anong gawain gagamitin ang kotse, gaya ng pagmamaneho patungo sa trabaho, paghahatid ng mga bata sa paaralan, at pagtungo sa ministeryong Kristiyano. Ang kotse ba ay gagamitin para sa lokal na mga paglalakbay o para sa malalayong paglalakbay? Huwag takdaan ang iyong sarili sa isang espesipikong marka at modelo; bagkus, humanap ng isang kotse na mainam na namantiní at nasa mabuting kondisyon. Bumili ng kotseng madaling kumpunihin at imantiní. Lahat ng kotse ay mangangailangan ng mga piyesa sa dakong huli. Mayroon bang mapagkukunan ng angkop na mga piyesa sa inyong lugar? Ang mga piyesa ng kotse na mahigit nang sampung taon ay maaaring mahirap makuha. Kung ikaw ay may limitadong badyet, iwasang bumili ng maluho o inangkat na pantanging mga kotse, yamang ang mga piyesa at serbisyo ay tiyak na magiging mas magastos. Bagaman ang gayong mga kotse ay maaaring lubhang maaasahan, ang pagkakaroon naman nito ay maaari rin namang maging napakagastos.
Isa ba Itong Mahusay na Kotse?
Ang isang mahusay na kotse ay isa na namantining mainam. Karaniwan na, makabubuting iwasan ang mga kotseng may lubhang mataas na milyahe—lalo na kung ito’y dahil sa pagmamaneho sa lungsod sa halip na sa mga haywey. Kung ano ang dahilan ng mataas na milyahe ay maaaring iba-iba sa bawat dako. Walang segunda manong kotse ang magiging napakahusay. Subalit, kaya mo bang bayaran ang mga pagkumpuni na kailangan ng kotse? Karaniwan nang hindi patataasin ng mga pagkumpuni ang halaga ng kotse. Halimbawa, kung ikaw ay bumili ng isang kotse sa halagang $3,000 at pagkatapos ay gumugol ka ng $1,000 sa kinakailangang mga pagkumpuni, ang kotse ay hindi naman nangangahulugang magkakahalaga ng $4,000. Karaniwan na, hindi gaanong magastos na bumili ng isang kotseng nasa mabuting kondisyon kaysa bumili ng isang kotse na hindi mahusay ang kondisyon at saka ayusin ito.
Narito ang ilang tip sa pagpili ng isang mahusay na kotse:
• Tingnan nang husto ang kotse bago bilhin ito. Upang matantiya ang tunay na halaga ng kotse, iwasang tingnan ang kotse sa gabi o kapag umuulan. Lumakad sa palibot ng kotse. Ano ang palagay mo rito? Ang loob at labas ba ay nagpapakita na inalagaan ito nang husto ng dating may-ari ng kotse? Mahusay ba ang pagkamantiní nito? Maibibigay ba ng nagbebenta ang isang rekord ng pagmamantiní na ginawa sa sasakyan? Kung hindi, malamang na ang kotse ay pinabayaan. Maaaring hindi mo na titingnan pa ang kotseng ito.
• Subukin mong patakbuhin ang kotse. Patakbuhin mo nang matulin ang kotse sa bilis na ipinahihintulot sa haywey sa isang pagsubok na pagmamaneho. Magsagawa rin ng hinto-at-andar na pagmamaneho sa maburol na lugar at sa patag na mga kalye.
Makina:
Madali bang mapaandar ang makina?
Hindi ba mausok ang tambutso?
Mahusay ba ang takbo ng makina?
Suwabe ba ang andar nito?
Wala bang ingay ang makina?
Ang makina ba ay may sapat na lakas para sa pagtakbong matulin?
Kung ang sagot ay hindi sa anumang tanong na nasa itaas, kung gayon ang makina ay maaaring nangangailangan ng tune-up na gawain o mas maselang mga pagkumpuni. Ang mga kondisyong ito ay maaari ring mga tanda ng isang gastadong makina. Mag-ingat kung sinasabi ng nagbebenta na nangangailangan lamang ito ng isang tune-up. Ang mga tune-up ay dapat na maging isang bahagi ng regular na pagmamantiní ng kotse.
Transmisyon:
Bumibitiw ba o hindi kumakagat ang awtomatik transmisyon kapag ikinakambiyo?
Ito ba’y hindi suwabe kung ikambiyo?
May mga ingay ba na parang gumigiling sa anumang kambiyo?
Kung oo ang sagot sa alinman sa mga tanong na ito, maaaring nangangailangan ng pagkumpuni ang transmisyon.
Preno at suspensiyon:
Ang kotse ba ay kumakabig sa isang tabi kapag ikaw ay nagmamaneho o nagpepreno?
Ang kotse ba ay yumayanig sa isang partikular na bilis o kapag ikaw ay nagpepreno?
May mga ingay ba kapag ikaw ay nagpepreno o lumiliko o dumadaan sa baku-bako?
Kung oo ang sagot sa alinman sa mga tanong na ito, ang kotse ay maaaring nangangailangan ng pagkumpuni sa preno o sa suspensiyon.
• Hanapin ang iba pang dako na nangangailangan ng kumpuni. Magsuot ng damit na magpapangyari sa iyo na tingnan ang kotse sa loob, labas, at sa ilalim.
• Tingnan kung may kalawang ang kaha ng kotse. Iwasan ang mga kotseng may kalawang. Karamihan ng mas bagú-bagóng kotse ay ginawa na “unibody.” Ang mga bahagi ng kaha ay ginagamit para sa tibay ng kabuuang kayarian sa ilang dako. Kapag ang mga bahaging ito ay kinalawang, karaniwang napakamahal na ipakumpuni ang mga ito nang lubusan. Ang kalawang sa fender ay maaaring maging panlabas lamang subalit karaniwang ito’y isang tanda na ang mga dako ng buong kayarian ay kinakalawang din. Tingnan kung may kalawang sa ilalim ng kotse. Mag-ingat kung ang kotse ay bagong pinta; ang kotse ay maaaring isang pinaputing libingang-dako.
• Hanapin ang sira dahil sa aksidente. Tingnan ang natatagong sira dahil sa aksidente sa ilalim ng hood at sa trunk o likuran. Lapat ba ang mga pinto, hood, at trunk? May mga palatandaan ba ng inisprey na pintura kung saan hindi ito nararapat, gaya sa mga doorjamb? May mga tagas ba sa trunk o sa mga dako na may alpombra? Ang mga tagas na ito ay maaaring pagmulan ng kalawang.
• Tingnan ang langis ng makina. Tingnan ang panukat ng langis. Mababa ba ang antas ng langis? Maaaring ito ay bunga ng labis-labis na pagkonsumo ng langis o tagas. Ang langis ba ay napakarumi o maitim? Ito ba’y maligasgas? Hanapin ang mga palatandaan ng basang langis sa palibot ng mga takip ng balbula. Pumasok sa kotse, at isusi ang ignisyon swits, subalit huwag paaandarin ang kotse. Sumisindi ba ang nagbababalang ilaw ng low-oil-pressure? Kung ang kotse ay nasasangkapan ng isang oil pressure gauge, ito ay dapat na nasa sero. Ngayon ay paandarin mo ang makina, pinananatili ang makina sa menor na pag-andar, at pansinin kung gaano katagal bago maglaho ang ilaw sa oil pressure o bago maging normal ang presyon ng makina. Kung mahigit pa sa dalawang segundo bago mamatay ang ilaw o bago umabot ang gauge sa normal na pressure ay maaaring magpahiwatig na masyado nang gastado ang makina. Sa ilang bagú-bagóng kotse sa Estados Unidos, isang “Check Engine” o “Service Engine Soon” ang iilaw kapag sinusian mo subalit ang makina ay hindi tumatakbo. Ang ilaw ay dapat na mamatay kapag tumatakbo na ang makina. Kung ang ilaw ay nananatiling nakasindi kapag tumatakbo ang makina, ito ay karaniwan nang nagpapahiwatig ng problema sa makina, marahil sa sistema na nagbabawas ng polusyon sa hangin o sa sistema ng paghahatid ng gasolina o krudo.
• Tingnan ang “automatic transmission fluid.” Ito ba’y mababa o sunog? Hanapin ang mga tagas sa ilalim ng transmisyon. Ang mga kalagayang ito ay maaaring magpahiwatig ng pangangailangan para sa malaking pagkumpuni sa transmisyon. Kung ang kotse ay may maniobrang unahang gulong (front-wheel drive), tingnan ang ilalim nito upang makita kung sira ang goma na tumatakip sa constant velocity joints. Kung ito’y sira, ang grasa ay maaaring tumapon, at ito’y maaaring pagmulan ng mabilis na pagkasira sa mga joint, na magastos palitan.
• Tingnan ang lahat ng apat na gulong. Kung ang mga ito ay pudpod na, asahan mong magpapalit ka ng mga gulong. Kung mayroong di-pangkaraniwang pagkapudpod sa gulong, baka kailanganin ang alignment o pagpapalit ng mga piyesa ng steering system.
• Tingnan ang sistema ng maniobrang de presyon (power-steering system). Ang fluid ba ay sunog o nasa mababang antas? Paandarin ang kotse at kabigin ang manibela nang ilang ulit sa magkabi-kabila. Ito’y mangangailangan ng magkatulad na presyon upang kabigin ito sa kanan o sa kaliwa. Wari bang lumalaban ang manibela kapag kinakabig mo ito? Ang pag-andar ng maniobrang de presyon ay dapat na tahimik. Ang anumang problema sa pagpapaandar nito ay maaaring mangahulugan ng magastos na mga pagkumpuni.
• Iba pang mga pagsusuri.
Tingnan ang kondisyon ng mga belt at mga hose.
Subukin ang parking brake sa isang burol.
Tingnan ang di-karaniwang dami ng sira sa pedal ng preno.
Tingnan ang kondisyon ng sistema ng tambutso. Maingay ba ito? Maluwag ba ito?
Tingnan ang mga shock absorber at mga spring. Ang kotse ba ay halos sumayad sa lupa, o kapag idiniin mo sa bawat dulo, ito ba’y tumatalbog nang higit sa tatlong ulit?
Kung may air conditioner, gumagana ba ito sa lahat ng bilis ng blower?
Gumagana ba ang mga ilaw, mga wiper, busina, mga seat belt, at mga bintana?
Tingnan ang ilalim ng hulihang bahagi ng sasakyan para sa anumang palatandaan na isang treyler ang ikinabit. Kung gayon nga, iminumungkahing mag-ingat, yamang ang paghila ay maaaring naglagay ng labis na pahirap sa transmisyon.
Kung hindi mo tiyak ang anuman sa mga pagsusuring nabanggit sa artikulong ito, makabubuting ipatasa ang kotse sa isang propesyonal na mekaniko bago bilhin ito. Hilingin mo siya na tingnan ang kotse at gumawa ng listahan ng sumusunod:
1. Mga pagkumpuning kailangan kaagad ng kotse at isang tantiya ng halaga ng mga piyesa at paggawa.
2. Mga pagkumpuni na maaaring kailanganin ng kotse sa susunod na taon at isang tantiya ng halaga ng mga piyesa at paggawa.
Ang pagsisiyasat na ito ng isang propesyonal na mekaniko ay wala pang isang oras. Bagaman maaaring magbayad ka ng halaga na para sa isang oras na paggawa, ang gastos ay maliit lamang kung ihahambing sa di-alam na halaga ng kinakailangang mga pagkumpuni. Alamin mula sa nagbebenta kung ano ang ginawa kamakailan sa kotse. Hilinging makita ang mga rekord ng pagkumpuni dito. Ang langis ba at ang pansala ng langis ay regular na pinapalitan? Na-service na ba kailanman ang awtomatik transmisyon? Kailan huling na-tune up ang kotse? Tandaan, ang isang mahusay na kotse ay isa na mahusay ang pagkamantiní at hindi nangangailangan ng maraming pagkumpuni.
Maupo at kalkulahin muna ang gastos—taglay ang lahat ng impormasyon tungkol sa kotse. Pagkatapos ay magpasiya kung ang kotse ba ay sulit at kung mayroon ka bang sapat na badyet hindi lamang para sa pambayad kundi rin naman para sa iba pang mga gastusin.—Isinulat ng isang mekaniko ng kotse.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Paano ka makatitiyak na ang segunda manong kotse na binibili mo ay mahusay? Nakalarawan dito ang ilan sa maraming bagay na dapat mong isaalang-alang
Ipasuri mo sa isang mekaniko ang kotse bago mo bilhin ito
Ang langis ba at ang pansala ng langis ay regular na pinapalitan?
Tingnan ang anumang sira dahil sa aksidente. Lapat ba ang mga pinto, hood, at trunk?
Ang di-pangkaraniwang pudpod sa gulong ay maaaring magpahiwatig ng malubhang problema sa alignment o sa steering system