Ang “Alpha at Omega” sa Aklat ng Apocalipsis
ITO ang mga pangalan ng una at huling mga titik ng alpabetong Griego at tatlong ulit na ginamit bilang titulo sa aklat ng Apocalipsis. Gayunman, ang karagdagang paglitaw ng pariralang ito sa salin ng King James sa Apocalipsis 1:11 ay hindi sinusuportahan ng ilan sa pinakamatatandang manuskritong Griego, kalakip na ang Alexandrine, Sinaitic, at Codex Ephraemi na isinulat muli. Kaya wala ito sa maraming makabagong mga salin.
Bagaman ikinakapit ng maraming komentarista ang titulong ito sa Diyos at kay Kristo, ang mas masusing pagsusuri sa gamit nito ay nagtatakda na walang dapat pagkapitan nito kundi ang Diyos na Jehova lamang. Ipinakikita ng unang talata ng Apocalipsis 1:1 na ang pagsisiwalat ay orihinal na ibinigay ng Diyos at sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, kaya kung minsan ang nagsasalita (sa pamamagitan ng isang kinatawang anghel) ay ang Diyos mismo, at kung minsan naman ay si Kristo Jesus. (Apocalipsis 22:8) Sa gayon ang Apocalipsis 1:8 (Revised Standard Version) ay nagsasabi: “ ‘Ako ang Alpha at ang Omega,’ sabi ng Panginoong Diyos [“Diyos na Jehova,” Bagong Sanlibutang Salin], ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan-sa-lahat.” Bagaman ang naunang talata ay bumabanggit kay Kristo Jesus, maliwanag na sa talata 8 ang titulo ay tumutukoy sa Diyos na “Makapangyarihan-sa-lahat.” May kinalaman dito, ganito ang sabi ng Barnes’ Notes on the New Testament (1974): “Hindi lubusang matiyak na ang espesipikong tinutukoy rito ng manunulat ay ang Panginoong Jesus . . . Wala rin naman talagang pagkakasalungatan kung ipagpapalagay na ang tinutukoy rito ng manunulat ay ang Diyos.”
Ang titulo ay muling lumilitaw sa Apocalipsis 21:6, at ipinakikilala ng sumusunod na talata ang nagsasalita sa pagsasabing: “Mamanahin ng sinumang nananaig ang mga bagay na ito, at ako ay magiging kaniyang Diyos at siya ay magiging aking anak.” Yamang tinukoy ni Jesus yaong mga makakasama niyang tagapagmana sa kaniyang Kaharian bilang “mga kapatid,” hindi “mga anak,” ang nagsasalita ay tiyak na ang makalangit na Ama ni Jesus, ang Diyos na Jehova.—Mateo 25:40; ihambing ang Hebreo 2:10-12.
Ang huling paglitaw ng titulo ay sa Apocalipsis 22:13, na nagsasabing: “Ako ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.” Maliwanag na marami ang kinakatawan na nagsasalita sa talatang ito ng Apocalipsis; ipinakikita ng mga talata 8 at 9 na isang anghel ang nagsalita kay Juan, maliwanag na ang talata 16 ay tumutukoy kay Jesus, ang unang bahagi ng talata 17 ay tumutukoy sa “espiritu at sa kasintahang babae,” at ang isa naman na nagsasalita sa huling bahagi ng talata 20 ay maliwanag na si Juan mismo. Samakatuwid, “ang Alpha at ang Omega” ng talata 12-15 ay wastong maipakikilala bilang siya ring nagtataglay ng titulo sa dalawa pang paglitaw nito: ang Diyos na Jehova. Ang ekspresyong, “Narito! Ako ay dumarating nang madali,” sa talata 12, ay hindi nangangahulugang ang nabanggit na mga talata ay palaging kumakapit kay Jesus, yamang tinutukoy rin ng Diyos ang kaniyang sarili na “dumarating” upang maggawad ng hatol. (Ihambing ang Isaias 26:21.) Ang Malakias 3:1-6 ay bumabanggit hinggil sa magkasamang pagdating ni Jehova at ng kaniyang “mensahero ng tipan” para sa paghatol.
Ang titulong “ang Alpha at Omega” ay kasingkahulugan ng “ang una at ang huli” at “ang pasimula at ang wakas” kapag ang mga terminong ito ay ipinatutungkol kay Jehova. Bago siya ay walang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, at hindi na magkakaroon pa pagkatapos niya. Dadalhin niya sa isang matagumpay na wakas ang usapin tungkol sa pagka-Diyos, anupat naipagbangong-puri magpakailanman bilang ang nag-iisa at tanging Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.—Ihambing ang Isaias 44:6.