Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Baka Magbabago Na Siya Ngayon”
    Gumising!—2001 | Nobyembre 8
    • “Baka Magbabago Na Siya Ngayon”

      SI Roxanaa ay isang masigla at kaakit-akit na ina ng apat na anak, asawa ng isang lubhang iginagalang na siruhano sa Timog Amerika. “Ang aking asawa ay kaakit-akit sa mga babae at kagalang-galang sa mga lalaki,” aniya. Subalit may hindi kanais-nais na ugali ang asawa ni Roxana, isa na hindi nakikita kahit ng kanilang matatalik na kaibigan. “Sa bahay, siya’y nakatatakot. Masyado siyang seloso.”

      Bakas na bakas sa mukha ni Roxana ang pagkabalisa habang ipinagpapatuloy niya ang kaniyang kuwento. “Nagsimula ang problema mga ilang linggo pa lamang kaming nakakasal. Dumalaw sa amin ang aking mga kapatid na lalaki at ang aking ina, at masaya kaming nag-uusap at nagtatawanan. Subalit nang umalis na sila, marahas akong itinulak ng aking asawa sa sopa at nagwawala sa pagngangalit. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari.”

      Nakalulungkot, pasimula lamang iyan ng mapait na karanasan ni Roxana, sapagkat sa nakalipas na mga taon, siya’y paulit-ulit na binubugbog. Ang pang-aabuso ay waring sumusunod sa isang mahuhulaang siklo. Binubugbog si Roxana ng kaniyang asawa, pagkatapos, ito ay labis-labis na hihingi ng patawad at nangangakong hinding-hindi na ito uulitin. Bumubuti ang kaniyang ugali​—sa paano man kahit sandali. Pagkatapos ay nagsisimula na naman ang nakatatakot na karanasan. “Palagi kong iniisip na baka magbabago na siya ngayon,” ang sabi ni Roxana. “Kahit na lumalayas ako, bumabalik at bumabalik ako sa kaniya.”

      Ikinatatakot ni Roxana na isang araw ay sumidhi pa ang karahasan ng kaniyang asawa. “Nagbanta na siyang papatayin ako, ang mga bata, at ang kaniyang sarili,” ang sabi niya. “Minsan ay tinutukan niya ako ng gunting sa aking lalamunan. Noong minsan naman ay pinagbantaan niya ako sa pamamagitan ng isang baril, itinutok ito sa aking tainga, at kinalabit ang gatilyo! Mabuti na lamang at wala itong bala, subalit halos mamatay ako sa takot.”

      Ang Nakaugalian Nang Pananahimik

      Tulad ni Roxana, milyun-milyong kababaihan sa buong daigdig ang nagdurusa sa mga kamay ng mararahas na lalaki.b Marami sa kanila ang nananatiling tahimik hinggil sa kanilang mapait na karanasan. Nangangatuwiran sila na ang pagsusumbong ng bagay na ito ay magiging walang-saysay. Tutal, ikinakaila ng maraming mapang-abusong asawang lalaki ang mga paratang sa pagsasabing “Napakasensitibo ng asawa ko,” o “Pinalalaki niya ang mga bagay-bagay.”

      Nakalulungkot na maraming babae ang palaging namumuhay sa takot na sila’y salakayin sa isang lugar na dapat sana’y makadama sila ng lubos na kaligtasan​—sa kanilang sariling tahanan. Subalit, ang simpatiya ay kadalasang ipinakikita sa nanakit sa halip na sa biktima. Tunay, ang ilan ay hindi makapaniwala na bubugbugin ng isang lalaking mukhang kagalang-galang na mamamayan ang kaniyang kabiyak. Isaalang-alang ang nangyari sa isang babaing nagngangalang Anita nang ipagtapat niya ang tungkol sa pang-aabusong tinatanggap niya mula sa kaniyang lubhang iginagalang na asawa. “Isa sa aming kakilala ang nagsabi sa akin: ‘Paano mo mapaparatangan ang gayong kagalang-galang na tao?’ Sinabi naman ng isa pa na malamang na ginagalit ko ang asawa ko! Kahit na pagkatapos mabunyag ang aking asawa, sinimulan akong iwasan ng ilan sa aking mga kaibigan. Inaakala nila na dapat sana’y tiniis ko na lamang ito dahil ‘ganiyan talaga ang mga lalaki.’”

      Gaya ng ipinakikita ng karanasan ni Anita, nahihirapan ang marami na maunawaan ang malungkot na katotohanan hinggil sa pag-abuso sa asawa. Ano ang nagtutulak sa isang lalaki na maging napakalupit sa babaing sinasabi niyang mahal niya? Paano matutulungan ang mga biktima ng karahasan?

  • Bakit Binubugbog ng mga Lalaki ang mga Babae?
    Gumising!—2001 | Nobyembre 8
    • Bakit Binubugbog ng mga Lalaki ang mga Babae?

      SINASABI ng ilang dalubhasa na mas malamang na mapatay ang mga babae ng kani-kanilang kinakasamang lalaki kaysa sa lahat ng pinagsama-samang uri ng mga gumagawa ng masama. Sa pagsisikap na ihinto ang hilig na ito ng pag-abuso sa asawa, isinagawa ang maraming pagsusuri. Anong uri ng lalaki ang nambubugbog sa kaniyang asawa? Paano mailalarawan ang kaniyang pagkabata? Marahas ba siya noong panahon ng ligawan? Paano tumutugon ang nambubugbog sa paggamot?

      Ang isang bagay na natutuhan ng mga dalubhasa ay na hindi magkakatulad ang lahat ng nambubugbog. Ang isang uri ng nambubugbog ay isang lalaki na pabugsu-bugso ang karahasan. Hindi siya gumagamit ng isang sandata at wala siyang rekord ng pang-aabuso sa kaniyang kabiyak. Para sa kaniya, ang isang marahas na pangyayari ay di-pangkaraniwan at waring udyok ng panlabas na mga kalagayan sa kaniyang kapaligiran. Ang isang uri naman ay isang lalaki na nagkaroon na ng paulit-ulit na ugali ng pambubugbog. Ang kaniyang pag-abuso ay walang-tigil, at kaunti lamang ang palatandaan ng pagsisisi kung mayroon man.

      Subalit, ang bagay na may iba’t ibang uri ng mga nambubugbog ay hindi nangangahulugan na ang ilang anyo ng pambubugbog ay hindi malubha. Tunay, ang anumang uri ng pisikal na pag-abuso ay maaaring makapinsala​—makamatay pa nga. Kaya, ang bagay na ang karahasan ng isang tao ay hindi gaanong madalas o hindi gaanong matindi kaysa sa iba ay hindi nangangahulugang ito’y mapalalampas. Maliwanag na walang pambubugbog na maituturing na “katanggap-tanggap.” Gayunman, anu-anong salik ang maaaring magpangyari sa isang lalaki na pisikal na abusuhin ang babaing pinangakuan niyang pakamamahalin sa buong buhay niya?

      Ang Kaugnayan ng Pamilya

      Hindi kataka-taka, maraming mapang-abusong lalaki ang lumaki mismo sa mapang-abusong mga pamilya. “Karamihan ng mga nambubugbog ay lumaki sa mga sambahayan na parang ‘mga sona ng digmaan,’” ang sulat ni Michael Groetsch, na gumugol ng mahigit na dalawang dekada sa pagsasaliksik may kinalaman sa pag-abuso sa asawa. “Bilang mga sanggol at mga bata, lumaki sila sa isang palaaway na kapaligiran kung saan ‘normal’ ang emosyonal at pisikal na karahasan.” Ayon sa isang dalubhasa, “maaaring matutuhan [ng isang lalaking lumaki sa gayong kapaligiran] ang paghamak ng kaniyang ama sa mga babae sa napakaagang yugto ng buhay. Natututuhan ng batang lalaki na dapat ay laging supilin ng isang lalaki ang mga babae at na ang paraan upang manupil ay takutin sila, saktan sila, at hamakin sila. Kasabay nito, natututuhan niya na ang isang tiyak na paraan upang makamit ang pagsang-ayon ng kaniyang ama ay ang gumawi na gaya ng kaniyang ama.”

      Nililiwanag ng Bibliya na ang paggawi ng isang magulang ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa isang bata, sa ikabubuti o sa ikasasama. (Kawikaan 22:6; Colosas 3:21) Mangyari pa, hindi maaaring gawing dahilan ang kapaligiran ng pamilya upang palampasin ang pambubugbog ng isang lalaki, subalit maaaring makatulong ito upang ipaliwanag kung saan nagmula ang marahas na ugali.

      Impluwensiya ng Kultura

      Sa ilang lupain ang pambubugbog sa babae ay itinuturing na katanggap-tanggap, normal pa nga. “Lubhang naniniwala ang maraming lipunan na may karapatan ang isang asawang lalaki na bugbugin o pisikal na takutin ang kaniyang asawa,” sabi ng isang ulat ng United Nations.

      Kahit sa mga lupain kung saan ang pang-aabuso ay hindi itinuturing na katanggap-tanggap, maraming indibiduwal ang nagtataguyod ng marahas na paggawi. Ang di-makatuwirang pag-iisip ng ilang kalalakihan hinggil sa bagay na ito ay nakagigitla. Ayon sa Weekly Mail and Guardian ng Timog Aprika, natuklasan ng isang pagsusuri sa Cape Peninsula na ang karamihan ng mga lalaking nagsasabing hindi nila inaabuso ang kani-kanilang kabiyak ay nag-aakalang ang pananakit sa isang babae ay katanggap-tanggap at na ang gayong paggawi ay hindi matatawag na karahasan.

      Maliwanag, ang gayong pilipit na pangmalas ay kadalasang nagsisimula sa pagkabata. Halimbawa, ipinakikita ng isang pagsusuri sa Britanya na 75 porsiyento ng mga batang lalaki na may edad 11 at 12 ang may palagay na katanggap-tanggap para sa isang lalaki na saktan ang isang babae kung ginagalit ang lalaki.

      Hindi Dahilan Upang Palampasin ang Pambubugbog

      Ang mga nabanggit na salik ay makatutulong upang ipaliwanag ang pag-abuso sa asawa, subalit hindi ito maaaring gawing dahilan upang palampasin ang pambubugbog. Sa simpleng pananalita, ang pambubugbog sa kabiyak ay isang malaking kasalanan sa paningin ng Diyos. Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, mababasa natin: “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon.”​—Efeso 5:28, 29.

      Malaon nang inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay, marami ang magiging “mapang-abuso,” “walang katutubong pagmamahal,” at “mababangis.” (2 Timoteo 3:1-3; The New English Bible) Ang pag-iral ng pag-abuso sa asawa ay isa lamang pahiwatig na tayo ay nabubuhay na sa mismong yugto ng panahon na sinasabi ng hulang ito. Subalit ano ba ang magagawa upang tulungan ang mga biktima ng pisikal na pang-aabuso? May pag-asa ba na mababago ng mga nambubugbog ang kanilang landasin ng paggawi?

      [Blurb sa pahina 5]

      “Ang isang nambubugbog na nanakit sa kaniyang asawa ay gaya ng isang kriminal na lalaking nanuntok ng isang estranghero.”​—When Men Batter Women

      [Kahon sa pahina 6]

      Machismo​—Isang Pandaigdig na Problema

      Nakuha ng mga nagsasalita ng Ingles ang salitang “machismo” mula sa Latin Amerika. Tumutukoy ito sa agresibong pagmamataas ng lalaki at nagpapahiwatig ng mapang-abusong saloobin sa mga babae. Subalit ang machismo ay hindi lamang sa Latin Amerika, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga ulat.

      Ehipto: Ipinahihiwatig ng isang tatlong-buwang pagsusuri sa Alexandria na ang karahasan sa sambahayan ang pangunahing sanhi ng mga pinsala sa kababaihan. Ito ang dahilan ng 27.9 porsiyento ng lahat ng pagdalaw ng mga babae sa lokal na mga pasilidad para sa dumaranas ng trauma.​—Résumé 5 of the Fourth World Conference on Women.

      Thailand: Sa pinakamalaking arabal ng Bangkok, 50 porsiyento ng mga babaing may-asawa ay regular na binubugbog.​—Pacific Institute for Women’s Health.

      Hong Kong: “Ang bilang ng mga babaing nagsasabi na sila’y binugbog ng kani-kanilang kinakasama ay lubhang dumami nang mahigit sa 40 porsiyento noong nakaraang taon.”​—South China Morning Post, Hulyo 21, 2000.

      Hapón: Ang bilang ng mga babaing naghahanap ng kanlungan ay tumaas mula sa 4,843 noong 1995 tungo sa 6,340 noong 1998. “Mga sangkatlo ang nagsabi na sila’y naghahanap ng kanlungan dahil sa marahas na paggawi ng kani-kanilang asawa.”​—The Japan Times, Setyembre 10, 2000.

      Britanya: “Isang panghahalay, panggugulpi o pananaksak ang nangyayari sa isang tahanan sa buong Britanya sa bawat anim na segundo.” Ayon sa isang ulat ng Scotland Yard, “ang pulisya ay nakatatanggap ng 1,300 tawag sa telepono mula sa mga biktima ng karahasan sa sambahayan araw-araw​—mahigit na 570,000 sa isang taon. Walumpu’t isang porsiyento ay mga biktimang babae na sinaktan ng mga lalaki.”​—The Times, Oktubre 25, 2000.

      Peru: Pitumpong porsiyento ng lahat ng krimen na iniulat sa pulisya ay nagsasangkot sa mga babaing ginulpi ng kani-kanilang asawa.​—Pacific Institute for Women’s Health.

      Russia: “Sa loob ng isang taon, 14,500 babaing Ruso ang pinatay ng kani-kanilang asawa, at 56,400 pa ang nagkaroon ng kapansanan o malubhang nasugatan sa mga pag-aaway sa loob ng sambahayan.”​—The Guardian.

      Tsina: “Isa itong bagong problema. Mabilis itong dumarami, lalo na sa mga lunsod,” ang sabi ni Propesor Chen Yiyun, direktor ng Jinglun Family Center. “Hindi na nasasawata ng malakas na impluwensiya ng mga kapitbahay ang karahasan sa sambahayan.”​—The Guardian.

      Nicaragua: “Dumarami ang karahasan laban sa kababaihan sa Nicaragua. Sinasabi ng isang surbey na noon lamang nakaraang taon, 52 porsiyento ng mga babae sa Nicaragua ang dumanas ng isang anyo ng karahasan sa sambahayan sa kamay ng kanilang mga kasambahay na lalaki.”​—BBC News.

      [Kahon sa pahina 7]

      Mga Palatandaan ng Panganib

      Ayon sa isang pagsusuri na pinangasiwaan ni Richard J. Gelles sa University of Rhode Island, E.U.A., ang sumusunod ay mga palatandaan ng panganib para sa pisikal at emosyonal na pag-abuso sa kapaligiran ng sambahayan:

      1. Ang lalaki ay nasangkot na noon sa karahasan sa sambahayan.

      2. Wala siyang trabaho.

      3. Gumagamit siya ng bawal na gamot nang di-kukulanging minsan sa isang taon.

      4. Nang nakatira siya sa kanilang bahay, nakita niyang sinaktan ng kaniyang ama ang kaniyang ina.

      5. Ang lalaki’t babae ay hindi kasal; nagsasama lamang sila.

      6. Kung may trabaho, mababa ang suweldo niya.

      7. Hindi siya nakapagtapos sa haiskul.

      8. Siya ay nasa pagitan ng 18 at 30 taóng gulang.

      9. Ang isa o kapuwa magulang ay naging marahas sa mga anak sa loob ng tahanan.

      10. Ang kita ay mas mababa sa antas ng karukhaan.

      11. Ang lalaki’t babae ay nagmula sa magkaibang kultura.

      [Larawan sa pahina 7]

      Maaaring lubhang maapektuhan ng karahasan sa sambahayan ang mga bata

  • Tulong Para sa mga Babaing Binubugbog
    Gumising!—2001 | Nobyembre 8
    • Tulong Para sa mga Babaing Binubugbog

      ANO ang magagawa upang matulungan ang mga babaing biktima ng karahasan? Una, kailangang maunawaan ng isa kung ano ang nararanasan nila. Kadalasang higit pa sa pisikal ang pinsalang dulot ng mga nambubugbog. Karaniwang kasangkot dito ang berbal na mga pagbabanta at pananakot, anupat ipinadarama sa biktima na siya’y walang halaga at walang magagawa.

      Isaalang-alang si Roxana, na ang kuwento ay isinalaysay sa panimulang artikulo. Kung minsan ay ginagamit ng kaniyang asawa ang mga salita bilang mga sandata. “Binabansagan niya ako ng mapandustang mga pangalan,” ang pagtatapat ni Roxana. “Sinasabi niya: ‘Hindi ka man lamang nagtapos ng pag-aaral. Paano mo mapangangalagaan ang mga bata nang wala ako? Ikaw ay tamad at inutil na ina. Akala mo ba’y ipagkakaloob sa iyo ng mga awtoridad ang pangangalaga sa mga bata kung iiwan mo ako?’”

      Pinananatili ng asawa ni Roxana ang kaniyang pagsupil sa pamamagitan ng mahigpit na paghawak sa pera. Hindi nito pinagagamit sa kaniya ang kotse, at buong araw na tumatawag ito sa telepono upang alamin kung ano ang ginagawa niya. Kung nagpapahayag siya ng kaniyang opinyon sa kung ano ang gusto niya, bigla itong nagngangalit. Bunga nito, natutuhan ni Roxana na huwag magpahayag ng opinyon kailanman.

      Gaya ng makikita mo, ang pag-abuso sa asawa ay isang masalimuot na paksa. Upang makatulong, makinig taglay ang pagkamahabagin. Tandaan, karaniwan nang napakahirap para sa isang biktima na magsalita tungkol sa nangyayari sa kaniya. Ang dapat na maging tunguhin mo ay patibayin ang biktima habang pinakikitunguhan niya ang kalagayan ayon sa kaniyang kakayahan.

      Ang ilang babaing binubugbog ay baka kailangang humingi ng tulong mula sa mga awtoridad. Kung minsan, sa panahon ng krisis​—gaya halimbawa kapag namagitan ang pulisya​—maaaring makita ng mapang-abusong lalaki ang kalubhaan ng kaniyang mga pagkilos. Subalit, walang alinlangan na anumang pangganyak upang magbago ay karaniwang naglalaho pagkalampas ng krisis.

      Dapat bang iwan ng binubugbog na asawang babae ang kaniyang asawa? Hindi itinuturing ng Bibliya ang paghihiwalay ng mag-asawa nang gayun-gayon lamang. Gayunman, hindi nito inuubliga ang isang binubugbog na asawang babae na manatiling kasama ng isang lalaki na isinasapanganib ang kaniyang kalusugan at marahil ang kaniya pa ngang buhay. Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay sumulat: “Kung talaga ngang hihiwalay siya, manatili siyang walang asawa o kaya ay makipagkasundong muli sa kaniyang asawa.” (1 Corinto 7:10-16) Yamang hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang paghihiwalay sa sukdulang mga kalagayan, ang gagawin ng isang babae sa bagay na ito ay isang personal na desisyon. (Galacia 6:5) Walang sinuman ang dapat na humikayat sa asawang babae na iwan ang kaniyang asawa, ni dapat mang gipitin ng sinuman ang isang babaing binubugbog na manatiling kasama ng isang mapang-abusong lalaki kung nanganganib ang kaniyang kalusugan, buhay, at espirituwalidad.

      May Pag-asa ba Para sa mga Nambubugbog?

      Ang pag-abuso sa asawa ay isang tahasang paglabag sa mga simulain ng Bibliya. Sa Efeso 4:29, 31, ating mababasa: “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig . . . Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan.”

      Walang asawang lalaki na nag-aangking isang tagasunod ni Kristo ang talagang makapagsasabing iniibig niya ang kaniyang asawa kung inaabuso niya ito. Kung pagmamalupitan niya ang kaniyang asawang babae, ano ang magiging halaga ng lahat ng iba pa niyang mabubuting gawa? Ang isang “nambubugbog” ay hindi kuwalipikado para sa pantanging mga pribilehiyo sa kongregasyong Kristiyano. (1 Timoteo 3:3; 1 Corinto 13:1-3) Tunay, ang sinumang nag-aangking Kristiyano na paulit-ulit at walang pagsisising nagbibigay-daan sa mga silakbo ng galit ay maaaring itiwalag mula sa kongregasyong Kristiyano.​—Galacia 5:19-21; 2 Juan 9, 10.

      Mababago ba ng mararahas na lalaki ang kanilang paggawi? Nagawa iyon ng ilan. Gayunman, karaniwan nang hindi magbabago ang isang nambubugbog malibang (1) aminin niya na ang kaniyang paggawi ay hindi tama, (2) gusto niyang baguhin ang kaniyang landasin, at (3) humingi siya ng tulong. Nasumpungan ng mga Saksi ni Jehova na ang Bibliya ay maaaring maging isang malakas na impluwensiya para magbago. Maraming interesado na nakikipag-aral ng Bibliya sa kanila ay nagkaroon ng isang matinding pagnanais na palugdan ang Diyos. Tungkol sa Diyos na Jehova, natutuhan ng bagong mga estudyanteng ito sa Bibliya na “sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.” (Awit 11:5) Mangyari pa, higit pa sa hindi pananakit ang nasasangkot upang mabago ng isang nambubugbog ang kaniyang paggawi. Nangangailangan din ito ng pagkatuto ng isang bagong saloobin sa kaniyang asawa.

      Kapag ang isang lalaki ay nagtamo ng kaalaman ng Diyos, natututuhan niyang malasin ang kaniyang asawa hindi bilang isang utusan kundi bilang isang “katulong” at hindi isa na nakabababa kundi isa na dapat ‘parangalan.’ (Genesis 2:18; 1 Pedro 3:7) Natututuhan din niya ang pagkamahabagin at ang pangangailangang makinig sa pangmalas ng kaniyang asawang babae. (Genesis 21:12; Eclesiastes 4:1) Ang programa ng pag-aaral sa Bibliya na iniaalok ng mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa maraming mag-asawa. Walang dako para sa isang naghahari-harian, malupit na pinuno, o maton sa loob ng pamilyang Kristiyano.​—Efeso 5:25, 28, 29.

      “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Kaya ang karunungang nasa Bibliya ay makatutulong sa mga mag-asawa na suriin ang mga problemang nakakaharap nila at magbibigay sa kanila ng lakas ng loob na lutasin ang mga ito. Higit pa riyan, ang Bibliya ay naglalaman ng tiyak at nakaaaliw na pag-asa na makita ang isang daigdig na walang karahasan kapag namahala na ang makalangit na Hari ni Jehova sa lahat ng masunuring sangkatauhan. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.”​—Awit 72:12, 14.

      [Blurb sa pahina 12]

      Walang dako para sa isang naghahari-harian, malupit na pinuno, o maton sa loob ng pamilyang Kristiyano

      [Kahon sa pahina 8]

      Pagtutuwid sa mga Maling Palagay

      • Ang mga asawang babaing binubugbog ang may pananagutan sa mga iginagawi ng kani-kanilang asawa.

      Ikinakaila ng maraming nambubugbog ang pananagutan sa kanilang mga paggawi, anupat sinasabing ginalit sila ng kani-kanilang asawang babae. Maaaring tanggapin maging ng ilang kaibigan ng pamilya ang ideya na ang asawang babae ay mahirap pakitunguhan, kaya hindi kataka-taka na paminsan-minsan ay hindi nakapagpipigil ang lalaki. Subalit ito’y katumbas ng pagsisi sa biktima at pagbibigay-katuwiran sa nananakit. Tunay, ang mga asawang babae na binubugbog ay kadalasang gumagawa ng higit sa karaniwang pagsisikap na pahinahunin ang kani-kanilang asawa. Isa pa, ang pambubugbog sa kabiyak ay hindi kailanman binibigyang-katuwiran sa ilalim ng anumang kalagayan. Ang aklat na The Batterer​—A Psychological Profile ay nagsasabi: “Ang mga lalaking pinag-uutusan ng hukuman na magpagamot dahil sa pananakit sa asawa ay nahirati na sa karahasan. Ginagamit nila ito upang mailabas ang galit at panlulumo, isang paraan upang manupil at malutas ang mga alitan, at mabawasan ang tensiyon. . . . Kalimitan, hindi pa nga nila kinikilala ang kanilang pananagutan sa karahasan o sineseryoso ang problema.”

      • Pinangyayari ng alkohol na bugbugin ng lalaki ang kaniyang asawa.

      Ipagpalagay na ang ilang lalaki ay mas marahas kapag sila’y nakainom. Subalit makatuwiran bang sisihin ang alkohol? “Ang pagiging lasing ay nagbibigay sa nambubugbog ng isang bagay na masisisi, maliban sa kaniyang sarili, para sa kaniyang paggawi,” sulat ni K. J. Wilson sa kaniyang aklat na When Violence Begins at Home. Sabi pa niya: “Lumilitaw na sa ating lipunan, ang karahasan sa sambahayan ay mas nauunawaan kung ito ay isinagawa ng isang taong lasing. Maaaring iwasang ituring ng inabusong babae ang kaniyang kabiyak na mapang-abuso, sa halip ay ituring siya bilang isa na malakas uminom o isang alkoholiko.” Ang gayong pag-iisip, sabi ni Wilson, ay maaaring magbigay sa isang babae ng maling pag-asa na “kung ihihinto lamang ng lalaki ang kaniyang pag-inom, hihinto ang karahasan.”

      Sa kasalukuyan, isinasaalang-alang ng maraming mananaliksik ang pag-inom at pambubugbog bilang dalawang magkaibang problema. Kung sa bagay, ang karamihan sa mga lalaki na may problema sa pag-abuso sa droga o alkohol ay hindi nambubugbog ng kanilang kabiyak. Ganito ang sinabi ng mga manunulat ng When Men Batter Women: “Ang pambubugbog ay karaniwang nagpapatuloy dahil sa tagumpay nito sa panunupil, pananakot, at panlulupig sa babaing binubugbog. . . . Ang pag-abuso sa alkohol at sa droga ay bahagi ng istilo sa buhay ng nambubugbog. Subalit magiging isang pagkakamali na ipalagay na ang drogang ginamit ang dahilan ng karahasan.”

      • Ang mga nambubugbog ay marahas sa lahat ng tao.

      Kadalasan, ang nambubugbog ay maaaring maging isang kalugud-lugod na kaibigan sa iba. Nagpapamalas siya ng doble-karang personalidad. Ito ang dahilan kung bakit hindi makapaniwala ang mga kaibigan ng pamilya sa mga kuwento hinggil sa kaniyang karahasan. Subalit, ang totoo ay pinipili ng nambubugbog ng asawa ang kalupitan bilang isang paraan upang supilin ang kaniyang asawang babae.

      • Hindi tinututulan ng mga babae ang pagmamalupit.

      Malamang, ang ideyang ito ay mula sa hindi pagkaunawa sa kaawa-awang kalagayan ng isang babae na walang mapupuntahan. Ang binubugbog na asawang babae ay maaaring may mga kaibigan na magpapatuloy sa kaniya sa loob ng isa o dalawang linggo, subalit ano ang gagawin niya pagkatapos niyan? Ang paghahanap ng trabaho at pagbabayad ng upa samantalang nag-aalaga sa mga anak ay mga hinaharap na nakasisira ng loob. At maaaring ipagbawal ng batas ang paglayas na kasama ng mga bata. Sinubok ng ilan na lumayas subalit sila’y hinanap at pinabalik, sa pamamagitan ng pamimilit o panghihikayat. Maaaring may kamaliang maniwala ang mga kaibigang hindi nakauunawa na hindi naman tinutulan ng mga babaing iyon ang pagmamalupit.

  • “Kung Minsan Akala Ko’y Nananaginip Ako!”
    Gumising!—2001 | Nobyembre 8
    • “Kung Minsan Akala Ko’y Nananaginip Ako!”

      Pinagmamasdang mabuti ni Lourdes ang lunsod mula sa bintana ng kaniyang apartment, habang tinatakpan ng kaniyang mga daliri ang kaniyang nanginginig na bibig. Siya’y isang babaing taga-Latin Amerika na nagdusa sa mga kamay ni Alfredo, ang kaniyang marahas na asawa, sa loob ng mahigit na 20 taon. Si Alfredo ay naganyak na magbago. Gayunman, mahirap pa rin para kay Lourdes na magsalita hinggil sa pisikal at emosyonal na kirot na tiniis niya.

      “Nagsimula ito dalawang linggo lamang pagkatapos ng aming kasal,” ang sabi ni Lourdes sa mahinang tinig. “Minsan, natanggal ang dalawang ngipin ko sa suntok niya. Noong minsan naman ay umilag ako, at sumalpok ang kaniyang kamao sa isang aparador. Ngunit mas masakit ang mga panlalait. Tinawag niya akong ‘walang-silbing basura’ at pinakitunguhan ako na parang wala akong isip. Gusto kong lumayas, subalit paano ko magagawa iyon na kasama ang tatlong bata?”

      Magiliw na hinawakan ni Alfredo ang balikat ni Lourdes. “Ako’y isang propesyonal na may mataas na ranggo,” ang sabi niya. “Nanliit ako nang bigyan ako ng notisya na humarap sa hukuman at bigyan ng isang utos laban sa pananakit at pagbabanta. Sinikap kong magbago, subalit di-nagtagal at ako’y nagbalik sa dating gawi.”

      Paano nagbago ang mga bagay-bagay? “Ang babaing nasa tindahan sa kanto ay isang Saksi ni Jehova,” ang paliwanag ni Lourdes, na ngayo’y makikitang mas kalmado. “Nag-alok siya ng tulong upang maunawaan ko ang Bibliya. Natutuhan ko na pinahahalagahan ng Diyos na Jehova ang mga babae. Nagsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, bagaman sa simula ay lubhang nakagalit ito kay Alfredo. Isang bagong karanasan ito para sa akin na gumugol ng panahon na kasama ng mga kaibigan sa Kingdom Hall. Namangha akong matuklasan na maaari akong magkaroon ng aking sariling mga paniniwala, maipahayag ang mga ito nang may kalayaan, at ituro pa nga ang mga ito sa iba. Natalos ko na pinahahalagahan ako ng Diyos. Ito ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob.

      “May isang malaking pagbabago na hinding-hindi ko malilimutan. Si Alfredo ay dumadalo pa rin ng Misang Katoliko tuwing Linggo, at tinututulan niya ang ginagawa ko na kasama ng mga Saksi ni Jehova. Tinitigan ko siya sa mata at mahinahon subalit may pagtitiwala kong sinabi: ‘Alfredo, ang pangmalas mo ay hindi ko pangmalas.’ At hindi niya ako binugbog! Di-nagtagal pagkatapos niyan, ako’y nabautismuhan, at hinding-hindi na niya ako muling binugbog sa loob ng limang taon mula noon.”

      Subalit higit pang mga pagbabago ang dumating. Ganito ang paliwanag ni Alfredo: “Mga tatlong taon pagkatapos mabautismuhan si Lourdes, inanyayahan ako ng isang kasamahan na isang Saksi ni Jehova sa kaniyang bahay, at ipinaliwanag niya sa akin ang kamangha-manghang mga bagay mula sa Bibliya. Nagsimula akong mag-aral ng Bibliya na kasama niya nang hindi ko sinasabi sa aking asawa. Di-nagtagal, sinasamahan ko na si Lourdes sa mga pulong. Marami sa mga pahayag na narinig ko roon ay tungkol sa buhay pampamilya, at ang mga ito ay kadalasang nagpadama sa akin ng pagkapahiya.”

      Humanga si Alfredo na makita ang mga miyembro ng kongregasyon, pati na ang mga lalaki, na nagwawalis ng sahig pagkatapos ng mga pulong. Nang dumalaw siya sa kanilang mga tahanan, nakita niyang tumutulong ang mga asawang lalaki sa kani-kanilang asawa na maghugas ng pinggan. Ipinakita ng maliliit na insidenteng ito kay Alfredo kung paano gumagawi ang tunay na pag-ibig.

      Di-nagtagal pagkatapos niyan, si Alfredo ay nabautismuhan, at silang mag-asawa ay naglilingkod ngayon bilang mga buong-panahong ministro. “Madalas na tinutulungan niya akong magligpit ng mesa pagkatapos kumain at mag-ayos ng higaan,” sabi ni Lourdes. “Pinupuri niya ako sa aking pagluluto, at hinahayaan niya akong pumili​—gaya ng kung anong musika ang gusto kong pakinggan o kung anong mga bagay ang bibilhin namin para sa bahay. Ito ang mga bagay na hindi kailanman gagawin ni Alfredo noon! Kamakailan, sa kauna-unahang pagkakataon, binilhan niya ako ng isang pumpon ng mga bulaklak. Kung minsan akala ko’y nananaginip ako!”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share