-
Kapag Apektado ng Karahasan ang TahananGumising!—1993 | Pebrero 8
-
-
Kapag Apektado ng Karahasan ang Tahanan
“Ang karahasan ng tao—ito man ay isang sampal o salya, pagsaksak o pagbaril—ay mas madalas mangyari sa loob ng pamilya kaysa saanmang dako sa ating lipunan.”—Behind Closed Doors.
MAGLAKAD ka sa alinmang lansangan sa Amerika. Sa isa sa bawat dalawang tahanan, ang ilang anyo ng karahasan sa pamilya ay mangyayari hindi kukulangin ng minsan sa taóng ito. At sa 1 sa bawat 4 na tahanan, ito ay paulit-ulit na mangyayari. Balintuna, marami na natatakot maglakad sa mga lansangan sa gabi ay mas nanganganib sa bahay.
Subalit ang karahasan sa pamilya ay hindi lamang sa Amerika. Ito ay nangyayari sa buong daigdig. Halimbawa, sa Denmark 2 sa 3 pagpatay ay nangyayari sa loob ng pamilya. Ipinakikita ng pananaliksik sa Aprika na 22 hanggang 63 porsiyento ng lahat ng pagpatay ay nangyayari sa loob ng pamilya, depende sa bansa. At sa Latin Amerika maraming tao, lalo na ang mga babae, ay hinahamak, binubugbog, o pinapatay ng mga lalaking macho.
Sa Canada halos sandaang babae ang namamatay taun-taon sa kamay ng kani-kanilang asawa o kinakasama. Sa Estados Unidos, na halos sampung ulit ng populasyon ng Canada, taun-taon mga 4,000 babae ang pinapatay ng abusadong mga asawa o nobyo. Higit pa riyan, sa bawat taon mga 2,000 bata ang pinapatay ng kanilang mga magulang, at kasindami ring mga magulang ang pinapatay ng kanilang mga anak.
Kaya nga, sa buong daigdig, binubugbog ng mga asawang lalaki ang mga babae, hinahampas ng mga asawang babae ang mga lalaki, binubugbog ng mga magulang ang mga anak, sinasalakay ng mga anak ang mga magulang, at ang mga bata ay marahas sa isa’t isa. “Ang karamihan ng galit at karahasan na nararanasan ng mga adulto sa kanilang buhay ay mula o para sa isang kamag-anak,” giit ng aklat na When Families Fight, “at na ang galit ay mas matindi kaysa yaong naranasan sa anumang ibang kaugnayan.”
Ang Away sa Pamilya
Pag-abuso sa asawa: Kadalasan, minamalas ng mga asawang lalaki ang lisensiya sa kasal bilang isang lisensiya upang bugbugin ang kani-kanilang asawa. Bagaman nananakit din ang mga babae sa mga lalaki, ang pinsala ay karaniwan nang hindi kasinlaki ng pinsalang ipinababata ng mga lalaki kapag binubugbog nila ang kanilang mga kabiyak. Ang magasing Parents ay nag-uulat: “Mahigit na 95 porsiyento ng iniulat na mga kaso ng [malubhang] pag-abuso sa asawa ay nagsasangkot ng isang lalaki na binubugbog ang isang babae.”
Ganito ang sabi ng isang district attorney sa New York: “Ang karahasan laban sa mga babae ay umiiral sa epidemikong lawak sa lipunan ng Amerika. Tinataya ng FBI na . . . kasindami ng 6 na milyong babae ay binubugbog sa bawat taon.” Bagaman ang bilang ng mga insidente ay iba-iba sa bansa at bansa, ipinakikita ng mga ulat na ang pambubugbog ng mga lalaki sa mga babae ay epidemiko sa marami, kung hindi man sa karamihan, ng mga bansa.
Sa Estados Unidos, tinatayang “isa sa 10 babae ang malubhang sasalakayin (susuntukin, sisipain, kakagatin o masahol pa) ng kaniyang asawa bukas-makalawa sa panahon ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa.” Nang isama ang hindi gaanong malubhang mga kaso, sabi ng magasing Family Relations, “isa sa dalawang babae sa Estados Unidos ang makararanas ng karahasan sa pamilya.”
Sa katunayan, isang district attorney sa New York ay nagsasabi na natiyak nang “ang pambubugbog sa asawang babae ay nagdudulot ng higit na pinsala sa mga babae na nangangailangang ipasok sa ospital kaysa lahat ng panghahalay, pambubugbog at mga aksidente sa kotse na pinagsama-sama.”
Si Dr. Lois G. Livezey ay nagsabi: “Maliwanag na ang karahasan laban sa mga babae at ang karahasan sa loob ng mga pamilya ay karaniwan, at na ang mga nagsasagawa nito . . . ay mga ordinaryong tao. . . . Ito’y isang malubhang problema sa gitna ng lahat ng uri at mga lahi ng populasyon.”
Kung minsan sinisisi ng mga biktima ang kanilang sarili sa abusong tinatanggap nila, na nagbubunga ng mababang pagpapahalaga-sa-sarili. Ang magasing Parents ay nagpapaliwanag: “Ang babaing kulang ng pagtitiwala-sa-sarili at may mababang pagpapahalaga-sa-sarili ay ginagawang tudlaan ang kaniyang sarili ng pag-abuso. . . . Ang karaniwang babaing inabuso ay takot magplano at kumilos alang-alang sa kaniyang sariling kapakanan.”
Ang karahasan ng mag-asawa ay may masamang epekto rin sa mga bata. Nalalaman nila na ang karahasan ay maaaring gamitin upang maneobrahin ang iba. Iniuulat pa nga ng ilang ina na ang kanilang mga anak ay gumagamit ng mga pagbabanta laban sa kanila, gaya ng, “Sasabihin ko kay Tatay na suntukin kayo,” upang masunod ang gusto nila.
Pag-abuso sa bata: Sa bawat taon nakakaharap ng angaw-angaw na mga bata ang matinding pisikal na parusa na maaaring makapinsala nang husto, makabalda, o makapatay sa kanila. Tinatayang sa bawat kaso ng pag-abusong iniulat, 200 kaso ay hindi iniuulat. “Para sa mga bata, ang tahanan ay kadalasang ang pinakamapanganib na dako,” sabi ng aklat na Sociology of Marriage and the Family.
Ang propesor sa unibersidad na si John E. Bates ay nagsasabi na ang pag-abuso ay siyang pinakamalakas na impluwensiyang pantahanang nakaaapekto sa kung paano gagawi ang isang bata sa dakong huli ng buhay. Si Dr. Susan Forward ay nagsasabi: “Nasumpungan ko na walang ibang pangyayari sa buhay ang lubhang nakasusugat sa pagpapahalaga-sa-sarili ng tao o nagpapangyari sa kanila na magkaroon ng malaking mga problema ng damdamin sa pagkaadulto.” Ang mga palatandaan ng pagkaagresibo ng bata sa mahihirap na kalagayan ay maaaring mapansin kahit sa mga bata na apat hanggang limang taóng gulang. Habang sila ay lumalaki, ang mga batang iyon ay mas malamang na maging sugapa sa droga, sugapa sa alkohol, magkaroon ng kriminal na paggawi, mga kabalisahan ng isip, at naantalang paglaki.
Mauunawaan naman, maraming minaltratong mga bata ang nagkikimkim ng galit sa magulang na nag-abuso sa kanila, subalit kadalasang galit din sila sa magulang na hindi nang-aabuso dahil sa pagpapahintulot na magpatuloy ang karahasan. Sa isip ng bata, ang magulang na nakakikita sa pag-abuso subalit walang ginagawa upang hadlangan ito ay maaaring malasin bilang isang kasabwat.
Pag-abuso sa mga may edad: Tinatayang 15 porsiyento ng mga may edad na tao sa Canada ay dumaranas ng pisikal at sikolohikal na pag-abuso sa mga kamay ng kanilang adultong mga anak. Hinuhulaan ng isang doktor na “ang kalagayan ay maaari lamang lumala habang parami nang parami sa mga mamamayan ay nagiging may edad, at ang pinansiyal at emosyonal na mga pasan sa kanilang mga anak ay bumibigat.” Kahawig ding mga pangamba ang nadarama sa buong daigdig.
Kadalasan, ang mga may edad ay nag-aatubiling ireport ang pag-abuso. Maaaring sila ay umaasa sa nang-aabuso at sa gayo’y pipiliin pa nilang patuloy na mabuhay sa ilalim ng kakila-kilabot na mga kalagayan. “Sa susunod na pagkakataon” ang sagot na ibinibigay ng isang may edad na babae kapag siya ay tinatanong kung kailan niya isusuplong ang kaniyang anak na lalaki at manugang na babae sa mga awtoridad. Binugbog nila siya nang husto anupat siya ay naospital sa loob ng isang buwan.
Pag-abuso sa mga kapatid: Ito ay laganap na anyo ng karahasan sa pamilya. Niwawalang-halaga ito ng iba, sa pagsasabing, “Normal lamang ito sa mga lalaki.” Gayunman, mahigit na kalahati ng mga kapatid sa isang surbey ang nakagawa ng malubhang mga gawa na karapat-dapat sa kriminal na pagsasakdal kung ang gawa ay ginawa sa isa sa labas ng pamilya.
Inaakala ng marami na ang pag-abuso sa mga kapatid ay nagtuturo ng isang huwaran na nadadala sa pagkaadulto. Sa iba ito ay maaaring isang mas malaking salik sa pag-abuso sa asawa sa dakong huli kaysa pagkakita lamang nila sa karahasan sa pagitan ng kanilang mga magulang.
Mapanganib na Larangan ng Labanan
Minsan ay tinaya ng isang legal na mananaliksik na ang mga pulis ay tinawag na pangasiwaan ang mga labanan ng pamilya nang higit kaysa lahat ng iba pang kriminal na mga pangyayari na pinagsama-sama. Sinabi rin niya na mas maraming pulis ang napapatay kapag tumutugon sa mga tawag ng pamilya dahil sa isang problema ng pamilya kaysa pagtugon sa anumang ibang uri ng pagtawag. “Sa paano man sa isang nakawan alam mo kung ano ang iyong inaasahan,” sabi ng isang pulis. “Ngunit ang pumasok sa bahay ng iba . . . Hindi mo alam kung ano ang mangyayari.”
Pagkatapos ng isang masusing pag-aaral tungkol sa karahasan sa pamilya, isang pangkat ng mananaliksik sa Amerika ay naghinuha na, maliban pa sa militar kung panahon ng gera, ang pamilya ang pinakamarahas na sosyal na yunit na umiiral.
Anu-ano ang dahilan ng karahasan sa pamilya? Magwakas pa kaya ito? Ito ba kailanman ay maaaring bigyang-matuwid? Susuriin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
-
-
Anu-ano ang Dahilan ng Karahasan sa Pamilya?Gumising!—1993 | Pebrero 8
-
-
Anu-ano ang Dahilan ng Karahasan sa Pamilya?
“Sa halip na maging isang kanlungan mula sa kaigtingan, hirap, at kawalan ng katuwiran sa lipunan sa labas ng tahanan, ang pamilya kadalasan na ay waring nagdadala o pinalulubha pa nga ang mga paghihirap na ito.”—The Intimate Environment—Exploring Marriage and the Family.
ANG pananaliksik sa paksang karahasan sa pamilya ay isang bagong pagsisikap. Malawakang mga surbey ang isinagawa nito lamang nakalipas na mga dekada. Ang mga resulta ng mga imbestigasyong iyon ay maaaring pabagu-bago, subalit ang ilang pangunahing salik sa karahasan sa pamilya ay natuklasan. Isaalang-alang natin ang ilan sa mga ito.
Anong Papel ang Ginagampanan ng Pinagmulan ng Pamilya?
Maraming mananaliksik ang nagsabi tungkol sa kanilang mga tuklas: “Mientras mas marahas ang mag-asawang aming kinapanayam, mas marahas ang kanilang mga anak sa isa’t isa, at sa kanilang mga magulang.”
Ang basta pagiging saksi sa karahasan sa pamilya ay may malaking epekto sa isang kabataan. “Ang isang bata na nakasasaksi sa kaniyang ina na binubugbog ay katumbas ng pagbugbog sa bata,” sabi ng terapist na si John Bradshaw. Isang kabataang nagngangalang Ed ay namumuhing makitang binubugbog ng kaniyang ama ang kaniyang ina. Gayumpaman, bagaman maaaring hindi niya natatalos ito, siya ay nakondisyong maniwala na dapat supilin ng mga lalaki ang mga babae at na upang gawin iyon, dapat takutin, saktan, at hamakin sila ng mga lalaki. Nang siya ay maging isang adulto, ginamit ni Ed ang mapagmalabis, marahas na mga taktikang ito sa kaniyang asawa.
Maingat na pinagbabawalan ng ilang magulang ang kanilang mga anak na manood ng karahasan sa telebisyon, at iyan ay isang mabuting bagay. Subalit ang mga magulang ay dapat higit na pakaingat pagdating sa pagsubaybay sa kanilang paggawi bilang mga huwaran para sa kanilang madaling maimpluwensiyahang mga anak.
Anong Papel ang Ginagampanan ng Kaigtingan?
Ang pagbubuntis, kawalan ng trabaho, kamatayan ng isang magulang, paglipat, sakit, at mga problema sa pananalapi ay nagdadala ng kaigtingan, gaya ng ibang bagay. Sinusupil ng karamihan ang kaigtingan nang hindi bumabaling sa karahasan. Sa ilan, gayunman, ang kaigtingan ay maaaring maging isang pambungad sa karahasan, lalo na kapag sinamahan ng iba pang salik. Halimbawa, ang pangangalaga sa may edad nang magulang—lalo na kung ang magulang ay maysakit—ay kadalasang humahantong sa pag-abuso kapag ang nag-aalaga ay labis na nabibigatan ng iba pang mga pananagutan sa pamilya.
Ang pagpapalaki ng mga anak ay nagbubunga ng kaigtingan. Bunga nito, ang probabilidad ng pag-abuso sa bata ay maaaring dumami sa laki ng pamilya. Ang mga anak ay maaari ring magdala ng higit na pag-abuso sa asawa, sapagkat “ang alitan tungkol sa mga bata ang pinakakaraniwang pinagmumulan ng mga away ng mag-asawa,” ulat ng Behind Closed Doors.
Di-wastong Pangmalas ng mga Sekso
Si Dan Bajorek, na nagpapatakbo ng isang pangkat ng mga tagapayo sa Canada, ay nagsasabi na ang abusadong mga lalaki ay may maling pangmalas sa mga babae: “Anumang kultura ang kanilang pinagmulan, sila’y pinalaki na maniwalang ang mga lalaki ang Numero 1.” Si Hamish Sinclair, na nangunguna sa isang programa sa paggamot sa abusadong mga lalaki, ay nagsasabi na ang mga lalaki’y nasanay na maniwala na sila ay nakahihigit sa mga babae at na karapatan nilang “parusahan, disiplinahin o takutin sila.”
Sa maraming bansa ang lalaki ay itinuturing na may karapatang tratuhin ang kaniyang asawa na parang isang bagay lamang, isang bahagi ng kaniyang ari-arian. Ang kaniyang pagsupil at pangingibabaw sa kaniyang asawa ay itinuturing na isang sukatan ng kaniyang pagkalalaki at karangalan. Kadalasan ang mga asawang babae ay binubugbog nang katakut-takot at inaabuso, at ang legal na mga sistema ay walang gaanong ginagawa tungkol dito sapagkat iyan ang kodigo sa mga bansang iyon. Ang lalaki ang nakahihigit, at ang babae ay nakabababa; ang babae ay dapat na lubusang sumunod sa lalaki gaano man kawalang dangal, karahas, kalisya, o kasakim ang lalaki.
Ang reporter ng CBS telebisyon na si Morley Safer ay nag-ulat tungkol sa isang bansa sa Timog Amerika: “Wala saanman sa Latin Amerika na halatang-halata ang kulto ng machismo . . . Ito ay palasak sa lahat ng lipunan, pati na sa mga hukuman kung saan sa pagtatanggol sa kaniyang dangal ay maaaring malusutan ng isang lalaki ang pagpatay, lalo na kung ang biktima ay ang kaniyang babae.” Sinabi niya na “walang dako sa lupa na humahamak sa mga babae” gaya ng ginagawa ng bansang iyon. Subalit ang pangingibabaw ng lalaki at ang paghamak sa mga babae ay malaganap. Hindi ito masusumpungan sa isang bansa lamang, gaano man kagrabe ito roon.
Binanggit ni Minna Schulman, patnugot ng isang ahensiya ng pamahalaan na nagpapatupad ng batas may kaugnayan sa karahasan sa pamilya sa New York, na ang karahasan ay isang kasangkapan na ginagamit ng mga lalaki upang panatilihin ang pagsupil at ipakita ang kapangyarihan at awtoridad sa isang babae. Susog pa niya: “Nakikita natin ang karahasan sa pamilya bilang isang maling paggamit ng kapangyarihan at pagsupil.”
Ang ilang nambubugbog ng asawang babae ay dumaranas ng mababang pagpapahalaga-sa-sarili, ang mismong katangian na hinihikayat nila sa kanilang mga biktima. Kung magagawa nila iyan, kung gayon ang kanilang pagpahalaga-sa-sarili ay nasisiyahan, at sila ay nakadarama ng isang sukat ng kahigitan at pagsupil sa ibang tao. Inaakala nila na napatutunayan nila ang kanilang pagkalalaki sa ganitong paraan. Gayunman, napatutunayan nga ba nila? Yamang isinasagawa nila ang kanilang karahasan sa mas mahinang katawan na mga babae, pinatutunayan ba nito na sila nga ay tunay na malalakas na lalaki, o sa halip, pinatutunayan ba nito na sila ay di-makatuwiran? Mas nakakalalaki ba para sa isang mas malakas na lalaki na bugbugin ang isang mas mahina, hindi gaanong makapagtanggol na babae? Ang isang lalaki na may malakas na moral na karakter ay magpapakita ng konsiderasyon at pagkahabag sa mas mahihina at sa mga hindi gaanong makapagtanggol, hindi sila pinagsasamantalahan.
Ang isa pang pagpapakita ng kawalang-katuwiran ng pag-iisip ng mang-aabuso ay ang bagay na kadalasang sinisisi niya ang kaniyang asawa sa pagpukaw ng mga pambubugbog. Maaaring ipahiwatig niya, o sabihin pa nga sa kaniya, ang mga bagay na gaya ng: ‘Hindi mo ito ginawa nang tama. Kaya kita ginugulpe.’ O: ‘Napakatagal ng hapunan, kaya nakukuha mo ang nararapat sa iyo.’ Sa isipan ng mang-aabuso, ito ay kasalanan ng babae. Gayunman, walang pagkukulang ng kabiyak ang nagbibigay-matuwid sa pambubugbog.
Binabago ba ng Alkohol ang Kalagayan?
Yamang binabawasan ng alkohol ang pagsupil at dinaragdagan nito ang potensiyal para kumilos nang padalus-dalos, hindi kataka-taka na inaakala ng ilan na maaari nitong simulan ang pag-abuso. Kadalasang makakaya ng isang tao na masupil ang mararahas na emosyon kapag siya ay matino, subalit pagkatapos ng ilang pag-inom, siya ay nagiging mapang-abuso. Sinisira ng alkohol ang kaniyang mental na mga kakayahan at binabawasan ang kaniyang kakayahang supilin ang kaniyang galit.
Gayunman, ang iba ay nagsasabi na ang problema ay higit na nag-uugat sa kaigtingan kaysa alkohol mismo. Sinasabi nila na ang isang tao na gumagamit ng alkohol upang mabata ang kaigtingan ay katulad din ng taong maaaring gumamit ng karahasan sa layuning iyan. Ito’y nangangahulugan na ang umiinom ay maaaring mapang-abuso rin kung matino ang isip na gaya ng kung siya ay lasing. Gayumpaman, anuman ang pangangatuwiran sa bagay na ito, ang alkohol ay tiyak na hindi nakatutulong upang supilin ang mga damdamin ng isa kundi karaniwang ginagawa ang kabaligtaran.
Kung Paano Hinuhubog ng Media ang mga Kilos
Ang telebisyon, gayundin ang pelikula, sabi ng iba, ay humihimok ng isang machong larawan para sa mga lalaki at nagtuturo na ang karahasan ang lehitimong paraan upang pakitunguhan ang alitan at galit. “Nabighani ako sa aking matinding pagtugon sa pelikulang Rambo,” amin ng isang tagapayo sa pamilya. “Bagaman ang aking masunurin-sa-batas na [panloob] na kaisipan at damdaming adulto ay nahihintakutan sa lansakang pagpatay ni Rambo, ang aking [panloob] na damdaming bata ay humihimok sa kaniya na patuloy na pumatay.”
Yamang maraming bata ay nalalantad sa libu-libong oras ng panonood ng telebisyon na may di-mabilang na mga gawa ng karahasan, panghahalay, at paghamak sa ibang tao, lalo na sa mga babae, hindi kataka-taka na marami ang maaaring lumaki na ginagawa ang mismong antisosyal na mga ugaling iyon sa iba. At hindi lamang ang mga bata ang apektado kundi ang mga adulto rin naman.
At, lalo na nitong nakalipas na mga taon, ang antas ng detalyadong karahasan, imoralidad, at paghamak sa mga babae na inilalarawan sa telebisyon at sa mga pelikula ay lubhang dumami. Tiyak na pinalulubha lamang nito ang marahas na tagpo sa pamilya. Gaya ng natuklasan ng isang pangkat na nagsisiyasat, may “isang maliwanag . . . na kaugnayan sa pagitan ng panonood ng karahasan sa telebisyon o sa pelikula sa agresibong paggawi.”
Ang Epekto ng Pagbubukod
Ang buhay ay panlahat at malungkot para sa marami sa ngayon. Ang mga tao ay namimili sa malalaking panlahat na mga tindahan para sa kanilang mga kailangan sa halip na mamili sa lokal na mga pamilihan kung saan nakikilala ng mga may-ari ang lahat ng mga suki sa pangalan at nakikipag-usap sa kanila. Dahil sa mga pagbabago sa mga lunsod, mga problemang pangkabuhayan, at kawalan ng trabaho ang mga pamilya ay napipilitang maging hindi pirmihan. Isang mataas na bilang ng karahasan sa pamilya ay nasumpungan sa gitna niyaong walang matibay na kaugnayang panlipunan.
Si James C. Coleman, sa kaniyang aklat na Intimate Relationships, Marriage, and the Family, ay nagpapaliwanag kung bakit inaakala niyang ito ang kalagayan. Inaakala niyang ang pagiging mapag-isa ay pumuputol ng makahulugang pag-uusap at ginagawang mahirap para sa isang mang-aabuso na makita ang kaniyang kalagayan nang makatuwiran at humingi ng tulong mula sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan. Dahil sa walang mga kaibigan at malapit na mga kamag-anak na maaaring kumilos bilang isang puwersang pipigil ay nagpapangyari sa isang tao na mas madaling isagawa ang kaniyang kasakiman, yamang ang kaniyang maling pag-iisip ay hindi nasasawata ng iba na malapit sa kaniya. Gaya ng sinasabi sa Kawikaan 18:1: “Ang isa na humihiwalay ay humahanap ng sariili niyang nasa; at nakikipagtalo laban sa lahat ng praktikal na karunungan.”
Tulong Para sa Marahas na Pamilya
Natalakay natin ang isa lamang bahagi ng mga paliwanag na ibinigay para sa karahasan sa pamilya. May mga iba pa. Dahil sa nakilala natin ang ilan sa mga dahilan, kailangang suriin natin ngayon ang mga solusyon. Kung ang isa ay nasa isang marahas na pamilya, paano maihihinto ang pag-abuso? Ano ang pangmalas ng Bibliya? Magwawakas pa kaya ang karahasan sa pamilya? Tatalakayin ng artikulo sa pahina 10 ang mga tanong na ito.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Emosyonal na Karahasan—Nakasasakit na mga Salita
SA PISIKAL na pag-abuso ang pagsalakay ay sa pamamagitan ng mga kamao; sa emosyonal na pag-abuso ang pagsalakay ay sa pamamagitan ng mga salita. Ang tanging pagkakaiba ay ang pagpili ng mga sandata. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 12:18: “Mayroong isa na nagsasalita nang walang pakundangan na gaya ng mga saksak ng isang tabak, ngunit ang dila ng mga pantas ay nagpapagaling.”
Gaano kapanganib ang emosyonal na karahasan, pati na ang “mga saksak ng isang tabak”? Si Dr. Susan Forward ay sumusulat: “Ang resulta ay katulad din [ng sa pisikal na pag-abuso]. Nakadarama ka rin ng takot, kawalang kaya, at nakadarama ka rin ng labis na kirot,” ng damdamin.
Ang emosyonal na karahasan sa isang asawa: “Ang karahasan sa pagitan ng mag-asawa ay hindi lamang pisikal. Sa kalakhang bahagi, marahil ang pinakamalaking bahagi pa nga nito, ay ang berbal at emosyonal na karahasan,” sabi ng isang malaon nang biktima. Maaaring kabilang sa pag-abuso ang pagbansag, pagsigaw, madalas na pagpuna, humahamak na mga insulto, at mga banta ng pisikal na karahasan.
Ang malisyosong mga komento na humahamak, humihiya, o nananakot ay maaaring gumawa ng malubhang pinsala. Tulad ng tubig na tumutulo sa isang bato, ang humahamak na mga pasaring ay maaaring tila hindi nakapipinsala sa simula. Subalit di-nagtatagal ang pagpapahalaga-sa-sarili ay naaagnas. “Kung papipiliin ako sa pagitan ng pisikal at berbal na pag-abuso, pipiliin ko pa ang pagbugbog anumang panahon,” sabi ng isang babae. “Makikita mo ang mga marka,” sabi niya, “kaya sa paano man nahahabag sa iyo ang mga tao. Sa berbal na pag-abuso, nililigalig ka nito. Ang mga sugat ay hindi nakikita. Walang nagmamalasakit.”
Emosyonal na karahasan sa isang bata: Maaaring kabilang dito ang palaging pagpuna at paghamak sa hitsura, talino, kakayahan, o halaga ng bata bilang isang tao. Ang pagtuyâ ay lalo nang nakapipinsala. Kadalasan nang tinatanggap ng mga bata ang mga pagtuyâ ayon sa kahulugan nito, hindi nakikita ang kaibhan sa pagitan ng kung ano ang sinabi nang tapat at kung ano ang sinabi nang “pabiro.” Ang terapist ng pamilya na si Sean Hogan-Downey ay nagsabi: “Ang bata ay nasasaktan, subalit ang lahat ay tumatawa, kaya natututuhan niyang huwag magtiwala sa kaniyang mga damdamin.”
Sa gayon, sa karamihan ng mga kaso, may katotohanan sa minsa’y sinabi ng mananalaysay at manunulat ng sanaysay na taga-Scotland na si Thomas Carlyle: “Sa pangkalahatan, ang pagtuyâ ay itinuturing ko ngayon na wika ng Diyablo; dahil dito, malaon ko nang itinakwil ito.”
Si Joy Byers, isang dalubhasa tungkol sa pag-abuso-sa-bata, ay nagsasabi: “Ang pisikal na pag-abuso ay maaaring pumatay sa isang bata, ngunit maaari mo ring patayin ang pagkatao at disposisyon ng bata, at iyan nga ang maaaring gawin ng paulit-ulit na negatibong mga komento ng magulang.” Ang magasing FLEducator ay nagkokomento: “Di-gaya ng pasâ na maaaring kilalanin at naglalaho, ang emosyonal na pag-abuso ay lumilikha ng di-nakikitang mga pagbabago sa isipan at personalidad ng bata na permanenteng bumabago sa kaniyang pagkatao at sa kaniyang kaugnayan sa iba.”
[Larawan sa pahina 7]
Ang pagkalantad sa karahasan ay may malakas na impluwensiya sa paggawi ng bata sa dakong huli
-
-
Wakas ng Karahasan sa PamilyaGumising!—1993 | Pebrero 8
-
-
Wakas ng Karahasan sa Pamilya
“Ang paghadlang sa karahasan sa tahanan at ang pagbawas sa karahasan sa pamilya ay nagsasangkot ng malaking pagbabago sa kayarian kapuwa ng lipunan at ng pamilya.”—Behind Closed Doors.
ANG unang pagpatay sa kasaysayan ng tao ay nagsangkot ng magkapatid na lalaki. (Genesis 4:8) Sa buong mga milenyo magbuhat noon, ang tao ay sinalot ng lahat ng uri ng karahasan sa pamilya. Maraming lunas ang iminungkahi, subalit maraming may balakid.
Halimbawa, ang pagpapanibagong-buhay ay nakararating lamang sa mga nagkasala na kinikilala ang kanilang problema. Ang isang pagaling na mang-aabuso sa asawang babae ay nanangis: “Para sa bawat isa sa amin [na pinaninibagong-buhay], may tatlong lalaki roon na nagsasabi, ‘Kailangang supilin mo ang matandang hukluban.’ ” Kaya kailangang harapin ng mang-aabuso ang kaniya mismong kalagayan. Bakit ba siya naging isang mang-aabuso? Sa paghingi ng tulong upang iwasto ang kaniya mismong mga pagkakamali, maaaring mapagtagumpayan niya ang problema.
Subalit ang mga programang panlipunan ay may kakaunting tauhan. Kaya, tinatayang sa 90 porsiyento ng mga kasong pagpatay-sa-anak sa Estados Unidos, ang mapanganib na mga kalagayan sa pamilya ay naiulat na bago ang pagpatay. Kaya nga, may hangganan lamang ang magagawa ng mga programang panlipunan at ng mga organisasyon ng pulisya. May isang bagay na lubhang kinakailangan.
“Ang Bagong Pagkatao”
“Ang kinakailangan ay ang muling pagtatayo ng mga ugnayan sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya,” sabi ng isang pangkat ng mananaliksik. Ang karahasan sa pamilya ay hindi lamang isang pisikal na pag-abuso; ito ay pangunahin nang isang problema ng isipan. Ito ay nagsisimula sa kung paano minamalas ng mga miyembro ng pamilya—asawa, anak, magulang, kapatid—ang isa’t isa. Ang muling pagtatayo ng mga ugnayang ito ay nangangahulugan ng pagsusuot ng tinatawag ng Bibliya na “bagong pagkatao.”—Efeso 4:22-24; Colosas 3:8-10.
Ating suriin ang ilang simulain sa Bibliya na nauugnay-sa-pamilya na tutulong sa atin na isuot ang bagong tulad-Kristong personalidad na lilikha ng mas mabuting kaugnayan sa mga miyembro ng pamilya.—Tingnan ang Mateo 11:28-30.
Pangmalas sa mga bata: Higit pa ang nasasangkot sa pagiging isang magulang kaysa pag-aanak lamang. Gayunman, nakalulungkot nga na marami sa ngayon ay minamalas ang kanilang mga anak bilang isang pasanin at samakatuwid ay kulang ng pangako sa kanilang papel bilang mga magulang. Ito ang potensiyal na mga mang-aabuso.
Tinatawag ng Bibliya ang mga anak na “isang mana buhat kay Jehova” at “isang gantimpala.” (Awit 127:3) Ang mga magulang ang may pananagutan sa Maylikha sa pangangalaga sa manang iyan. Kailangang magkaroon ng bagong pagkatao ang mga magulang na minamalas ang mga bata bilang isang pabigat.a
Makatotohanang mga inaasahan sa mga anak: Isinisiwalat ng isang pag-aaral na inaasahan ng maraming abusadong ina na malaman ng mga sanggol ang tama sa mali sa panahong ang bata ay isang taóng gulang. Sangkatlo ng abusadong mga inang sinurbey ay espesipikong tinukoy ang anim na buwan.
Ipinakikita ng Bibliya na ang lahat ay ipinanganak na di-sakdal. (Awit 51:5; Roma 5:12) Hindi nito sinasabi na ang pag-unawa ay nakukuha sa pagsilang. Bagkus, sinasabi nito na “sa pamamagitan ng kagagamit” ang pang-unawa ng isang tao ay “nasanay na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama.” (Hebreo 5:14) Isa pa, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “mga katangian ng isang sanggol,” ang “kamangmangan” ng kabataan, at ang “kawalang kabuluhan” ng kabinataan. (1 Corinto 13:11; Kawikaan 22:15; Eclesiastes 11:10) Dapat maunawaan ng mga magulang ang mga limitasyong ito, hindi umaasa ng higit kaysa nararapat sa gulang at kakayahan ng bata.
Pagdidisiplina sa mga anak: Sa Bibliya ang salitang Griegong isinaling “disiplina” ay nangangahulugang “turuan.” Kaya, ang tunguhin ng disiplina ay pangunahin nang, hindi upang manakit, kundi upang magsanay. Ang karamihan nito ay maisasagawa nang walang palo, bagaman kung minsan ay maaaring kailangan iyon. (Kawikaan 13:24) Ang Bibliya ay nagsasabi: “Makinig kayo sa disiplina at kayo’y magpakapantas.” (Kawikaan 8:33) Gayundin, si Pablo ay sumulat na dapat ingatan ng isa ang kaniyang sarili na “nagtitimpi laban sa kasamaan,” sumasaway nang may “pagpapahinuhod.” (2 Timoteo 2:24; 4:2) Hindi kasali rito ang galít na mga bulyaw at labis-labis na dahas kahit na kung kailangang paluin.
Dahil sa mga simulaing ito sa Bibliya, tanungin ang iyong sarili: ‘Ang akin bang disiplina ay nagtuturo, o ito ba ay basta sumusupil sa pamamagitan ng pananakit? Ang akin bang disiplina ay nagkikintal ng matuwid na mga simulain o ng takot lamang? ’
Mga hangganan sa paggawi para sa mga adulto: Isang mang-aabuso ay nagsabi na siya ay basta “nawawalan ng pagpipigil” at binubugbog ang kaniyang asawa. Tinanong ng isang tagapayo ang lalaki kung kaniya bang nasaksak kailanman ang kaniyang asawa. “Hindi ko kailanman magagawa iyan!” sagot ng lalaki. Ang lalaki ay natulungan na maunawaan na siya ay kumikilos sa loob ng mga hangganan, subalit ang problema ay na ang mga ito ay hindi wastong mga hangganan.
Saan nakatakda ang iyong mga hangganan? Ikaw ba ay humihinto bago mauwi ang isang pagtatalo sa isang pang-aabuso? O ikaw ba ay nag-iinit at nagsisimulang sumigaw, mang-insulto, manalya, maghagis ng mga bagay, o mambugbog?
Ang bagong pagkatao ay may mahigpit na hangganan, naitakdang mainam bago pa mangyari ang mental na pag-abuso o pisikal na karahasan. “Anumang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig,” sabi ng Efeso 4:29. Ang Efe 4 talatang 31 ay nagsasabi pa: “Lahat ng malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw at masamang bibig ay alisin ninyo kasama ang lahat ng kasamaan.” Ang salitang Griego para sa “poot” ay nagpapahiwatig ng “kapusukan.” Kawili-wili, ang aklat na Toxic Parents ay bumabanggit na isang karaniwang katangian sa mga mang-aabuso ng bata ay “ang nakatatakot na kawalan na pagpipigil sa kapusukan.” Sinusupil ng bagong pagkatao ang mga kapusukan, kapuwa pisikal at berbal.
Mangyari pa, ang bagong pagkatao ay kumakapit sa asawang babae gayundin sa asawang lalaki. Dapat pagsikapan ng babae na huwag pagalitin ang kaniyang asawa, nagpapahalaga sa mga pagsisikap ng lalaki na pangalagaan ang pamilya, nakikipagtulungan sa kaniya. At hindi nila dapat hilingin sa isa’t isa kung ano ang hindi maibibigay ng bawat isa—kasakdalan. Sa halip, dapat ikapit nilang dalawa ang 1 Pedro 4:8: “Higit sa lahat, kayo’y magkaroon ng matimyas na pag-iibigan sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”
Paggalang sa mga matanda na: “Pakundanganan ninyo ang matatanda at igalang sila,” sabi ng Levitico 19:32. (Today’s English Version) Ito ay maaaring maging isang hamon kapag ang isang matanda nang magulang ay maysakit at marahil ay labis na mapaghanap. Ang 1 Timoteo 5:3, 4 ay bumabanggit ng pagbibigay ng “galang” at “gumanti ng kaukulan” sa mga magulang. Maaaring kasama rito ang pinansiyal na mga paglalaan gayundin ng paggalang. Dahil sa lahat ng ginawa sa atin ng ating mga magulang nang tayo’y walang-kayang mga sanggol, dapat nating ibigay sa kanila ang katulad na konsiderasyon kung kinakailangan.
Sugpuin ang labanán ng mga kapatid: Bago nauwi ang poot ni Cain sa pagpatay sa kaniyang kapatid na si Abel, siya ay pinayuhan: “Nakahandusay ang kasalanan sa pintuan. Nais nitong magpuno sa iyo, subalit dapat mong daigin ito.” (Genesis 4:7, TEV) Ang mga damdamin ay maaaring supilin. Matutong maging matiisin sa isa’t isa, “saganang nagbibigay ng palugit sa isa’t isa sapagkat iniibig ninyo ang isa’t isa.”—Efeso 4:2, Phillips.
Matutong Magtapat
Maraming biktima ng karahasan sa pamilya ay hindi sinasabi kaninuman ang tungkol sa karahasan. Subalit si Dr. John Wright ay nagpapayo: “Ang binugbog na mga babae ay dapat na humingi ng emosyonal at pisikal na proteksiyon mula sa isang mapagkakatiwalaang tao na hindi kasangkot.” Totoo rin ito sa kaninumang inabusong miyembro ng pamilya.
Kung minsan ang biktima ay nahihirapang magtapat sa isang indibiduwal. Tutal, ang pagtitiwala sa pinakamalapit na yunit ng lipunan—ang pamilya—ay nagbunga ng kirot. Gayunman, “may kaibigan na mahigit kaysa isang kapatid,” sabi ng Kawikaan 18:24. Ang pagkasumpong ng kaibigang iyon at ang matutong maingat na magtapat ay isang mahalagang hakbang sa pagkuha ng kinakailangang tulong. Mangyari pa, ang mang-aabuso ay kailangan ding humingi ng tulong.
Sa bawat taon daan-daang libo katao ang nagiging mga Saksi ni Jehova. Tinatanggap ng mga ito ang hamon na pagsusuot ng bagong pagkatao. Kabilang sa kanila ang dating mga gumagawa ng karahasan sa pamilya. Upang hadlangan ang anumang hilig na bumalik sa rati, dapat na patuloy nilang hayaang ang Bibliya ay maging “mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay.”—2 Timoteo 3:16.
Para sa bagong mga Saksing ito, ang pagsusuot ng bagong pagkatao ay isang nagpapatuloy na proseso, sapagkat ang Colosas 3:10 ay nagsasabi na ito ay “ginagawang bago.” Kaya kailangan ang patuloy na pagsisikap. Mabuti na lamang, ang mga Saksi ni Jehova ay may alalay ng maraming espirituwal na “mga kapatid na lalaki at babae at mga ina at mga anak.”—Marcos 10:29, 30; tingnan din ang Hebreo 10:24, 25.
Isa pa, sa lahat ng mga 70,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, may maibiging mga tagapangasiwa na tulad ng “kublihang dako sa hangin at kanlungan sa bagyo.” Ang kanilang “mga mata at tainga ay bukas sa mga pangangailangan ng mga tao.” (Isaias 32:2, 3, TEV) Kaya ang bagong mga Saksi ni Jehova, gayundin ang mga may higit na karanasan na, ay may kahanga-hangang imbakan ng tulong na makukuha sa loob ng kongregasyong Kristiyano habang sila ay gumagawa at nagsusuot ng bagong pagkatao.
Mahabaging mga Tagapangasiwa
Kapag ang mga tao ay lumalapit sa mga tagapangasiwang Kristiyano sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova para sa payo, ang mga tagapangasiwang ito ay sinanay na makinig nang walang kinikilingan sa lahat. Sila ay hinihimok na magpakita sa lahat, lalo na sa mga biktima ng matinding pang-aabuso, ng malaking habag at pag-unawa.—Colosas 3:12; 1 Tesalonica 5:14.
Halimbawa, ang isang binugbog na asawang babae ay maaaring malubhang nasaktan. Sa maraming bansa ngayon, kung ang pambubugbog na iyon ay ginawa sa isa na hindi kapamilya, ang mang-aabuso ay maaaring makulong. Kaya ang biktima ay kinakailangang pakitunguhan na may di-pangkaraniwang kabaitan, gaya ng mga biktima ng lahat ng iba pang uri ng pang-aabuso, gaya ng seksuwal na pag-abuso.
Isa pa, ang mga gumagawa ng mga kasalanan laban sa mga kautusan ng Diyos ay kailangang managot. Sa ganitong paraan ang kongregasyon ay napananatiling malinis, at ang ibang walang salang tao ay naiingatan. At napakahalaga, ang daloy ng espiritu ng Diyos ay hindi mahahadlangan.—1 Corinto 5:1-7; Galacia 5:9.
Ang Pangmalas ng Diyos sa Pag-aasawa
Kapag ang mga tao ay nagiging mga Saksi ni Jehova, sila ay sumasang-ayon na susunod sa mga simulain ng Kristiyanong pamumuhay na masusumpungan sa Salita ng Diyos. Natututuhan nila na ang lalaki ay hinirang bilang ulo ng pamilya, upang patnubayan ito sa tunay na pagsamba. (Efeso 5:22) Subalit ang pagkaulo ay hindi kailanman nagbibigay karapatan na maging brutal sa asawa, nilulupig ang kaniyang pagkatao, o niwawalang-bahala ang kaniyang mga kagustuhan.
Sa kabaligtaran, nililinaw ng Salita ng Diyos na ang mga asawang lalaki ay dapat na “patuloy na ibigin ang [kani-kanilang] asawa, kung paano inibig din ni Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili alang-alang doon . . . Nararapat ibigin ng mga lalaki ang kani-kaniyang asawa na gaya ng kanilang sariling mga katawan. Ang umiibig sa kaniyang sariling asawa ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang sinuman na napoot kailanman sa kaniyang sariling katawan; kundi kinakandili at minamahal.” (Efeso 5:25, 28, 29) Oo, maliwanag na sinasabi ng Salita ng Diyos na ang mga asawang babae ay dapat na bigyan ng “pakundangan.”—1 Pedro 3:7; tingnan din ang Roma 12:3, 10; Filipos 2:3, 4.
Tiyak na walang Kristiyanong asawang lalaki ang totoong makapangangatuwiran na talagang iniibig niya ang kaniyang asawa o pinakukundanganan niya ang babae kung inaabuso niya ang babae sa berbal o pisikal na paraan. Iyan ay pagpapaimbabaw, sapagkat ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Kayong mga lalaki, patuluyang ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag silang pagbuhusan ng mapait na galit.” (Colosas 3:19) Sa sandaling panahon, kapag ang mga kahatulan ng Diyos ay sumapit laban sa balakyot na sistemang ito sa Armagedon, daranasin ng mga mapagpaimbabaw ang sasapitin ng mga mananalansang sa pamamahala ng Diyos.—Mateo 24:51.
Iibigin ng isang natatakot-sa-Diyos na asawang lalaki ang kaniyang asawa na gaya ng kaniyang sariling katawan. Bubugbugin ba niya ang kaniyang sariling katawan, susuntukin ang sarili niya sa mukha, o marahas na sasabunutan ang kaniya mismong buhok? Mamaliitin ba niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng paghamak at pagtuyâ sa harap ng iba? Sabihin pa, ang isa na gumagawa ng mga bagay na iyon ay maituturing na di-timbang ang pag-iisip.
Kung binubugbog ng isang Kristiyanong lalaki ang kaniyang asawa, ang lahat ng iba niyang mga gawang Kristiyano ay nagiging walang kabuluhan sa paningin ng Diyos. Tandaan, ang “isang nambubugbog” ay hindi kuwalipikado para sa mga pribilehiyo sa kongregasyong Kristiyano. (1 Timoteo 3:3; 1 Corinto 13:1-3) Mangyari pa, ang sinumang asawang babae na nakikitungo ng gayon sa kaniyang asawa ay lumalabag din sa kautusan ng Diyos.
Isinasama ng Galacia 5:19-21 ang “pagkakapootan, gulo, . . . silakbo ng galit” sa mga gawa na hinahatulan ng Diyos at binabanggit nito na “ang mga namimihasa sa ganitong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” Kaya nga, ang pambubugbog ng asawa o mga anak ay hindi kailanman binibigyan-katuwiran. Ito ay karaniwan nang labag sa kautusan ng bansa at tiyak na labag sa kautusan ng Diyos.
Ang Bantayan, isang magasin na lathala ng mga Saksi ni Jehova, ay nagbigay ng maka-Kasulatang pangmalas tungkol sa bagay na ito, na nagsasabi sa mga nag-aangking Kristiyano subalit nambubugbog: “Sinumang nag-aangking isang Kristiyano na paulit-ulit at hindi nagsisising napadadala sa marahas na silakbo ng galit ay maaaring itiwalag,” eskomulgado.—Mayo 1, 1975, pahina 287; ihambing ang 2 Juan 9, 10.
Kung Ano ang Ipinahihintulot ng Kautusan ng Diyos
Sa wakas ay hahatulan ng Diyos ang mga lumalabag sa kaniyang mga kautusan. Subalit samantala, ano ang ipinahihintulot ng kaniyang Salita para sa mga asawang Kristiyano na binugbog kung ang nambubugbog ay hindi nagbabago at patuloy sa kaniyang pambubugbog? Ang walang salang mga biktima ba ay obligadong patuloy na isapanganib ang kanilang pisikal, mental, at espirituwal na kalusugan, marahil pati pa nga ang kanilang buhay?
Binabanggit ng Ang Bantayan, na nagkokomento tungkol sa karahasan sa tahanan, kung ano ang ipinahihintulot ng Salita ng Diyos. Sabi nito: “Ang apostol Pablo ay nagpapayo: ‘Ang babae ay huwag humiwalay sa kaniyang asawa; datapuwat kung siya’y aktuwal na humiwalay, siya’y manatiling walang asawa o kaya’y makipagkasundo uli sa kaniyang asawa; at huwag hihiwalayan ng lalaki ang kaniyang asawa.’ ” Sabi pa ng artikulo: “Kung sakaling ang pang-aabuso ay maging matindi, o ang buhay mismo ay nanganganib, maaaring piliin ng sumasampalatayang kabiyak na ‘humiwalay.’ Subalit sikaping ‘magkasundong muli’ sa takdang panahon. (1 Corinto 7:10-16) Gayunman, ang ‘paghiwalay’ sa ganang sarili ay hindi nagbibigay ng maka-Kasulatang saligan para sa diborsiyo at pag-aasawang-muli; subalit, ang legal na diborsiyo o legal na paghihiwalay ay maaaring magbigay ng kaunting proteksiyon mula sa higit pang pag-abuso.”—Setyembre 15, 1983, pahina 20-2; tingnan din ang labas ng Nobyembre 1, 1988, pahina 22-3.
Kung ano ang pipiliing gawin ng biktima sa ilalim ng mga kalagayang ito ay dapat na maging isang personal na pasiya. “Bawat isa ay magpapasan ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:5) Walang iba ang makagagawa ng gayong pasiya para sa kaniya. At walang dapat gumipit sa kaniya na bumalik sa isang abusadong asawang lalaki kung ang kaniyang kalusugan, buhay, at espirituwalidad ay nanganganib. Dapat na iyan ay sarili niyang pagpili, mula sa kaniyang sariling malayang kalooban, hindi dahil sa ipinasusunod ng iba ang kanilang kagustuhan sa kaniya.—Tingnan ang Filemon 14.
Wakas ng Karahasan sa Pamilya
Natutuhan ng mga Saksi ni Jehova na ang karahasan sa pamilya ay karaniwan sa kung ano ang inihula ng Bibliya para sa mga huling araw na ito, kung saan ang marami ay magiging “abusado,” “walang katutubong pag-ibig,” at “mababangis.” (2 Timoteo 3:2, 3, The New English Bible) Ang Diyos ay nangangako na kasunod ng mga huling araw na ito, kaniyang dadalhin ang isang mapayapang bagong sanlibutan kung saan ang mga tao “ay aktuwal na maninirahan sa katiwasayan, at walang tatakot sa kanila.”—Ezekiel 34:28.
Sa kahanga-hangang bagong sanlibutang iyon, ang karahasan sa pamilya ay magiging isang lipas na bagay magpakailanman. “Ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
Hinihimok ka namin na alamin mo ang higit tungkol sa mga pangako ng Bibliya para sa hinaharap. Oo, maaari mong anihin ang mga pakinabang kahit na sa ngayon sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa kapaligiran ng inyong pamilya.
-