Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 2/22 p. 10-16
  • Kalahating Siglo sa Ilalim ng Totalitaryong Kalupitan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kalahating Siglo sa Ilalim ng Totalitaryong Kalupitan
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Napilitang Magpasiya
  • Muntik Nang Hindi Makatakas
  • Gawain Pagkatapos ng Digmaan
  • Ang Aming Protesta kay Stalin
  • Tumindi ang Pag-uusig
  • Mahirap na Buhay sa Siberia
  • Mga Pagbabago sa Buhay sa Bilangguan
  • Isang Tapat na Saksi
  • Paglaya at Paglalakbay Pauwi
  • Panggigipit sa Estonia
  • Pinupuntirya ng KGB
  • Nasapatan ang Espirituwal na Pagkagutom
  • Isang Kasiya-siyang Buhay Kristiyano
  • Natuto Akong Magtiwala sa Diyos
    Gumising!—2006
  • Napagtagumpayan Ko ang Hamon ng Paglilingkod sa Diyos
    Gumising!—2005
  • Isang Tudlaan ng Pagsalakay ng Sobyet
    Gumising!—2001
  • Isang Pangakong Ipinasiya Kong Tuparin
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 2/22 p. 10-16

Kalahating Siglo sa Ilalim ng Totalitaryong Kalupitan

Ayon sa salaysay ni Lembit Toom

Noong 1951, ako’y nahatulang magtrabaho bilang alipin sa Siberia sa loob ng sampung taon. Dinala kami sa isang kampo sa bandang itaas ng Arctic Circle na ang layo ay libu-libong kilometro. Nakapapagod ang trabaho, matindi ang klima, at napakahirap ng kalagayan. Hayaan mong ipaliwanag ko kung paano ako napunta roon at kung bakit hindi nawalan ng saysay ang aming pagdurusa.

ANG aking ama ay itinuring na isang taong matalino sa Estonia, ang bansang Baltic kung saan ako isinilang noong Marso 10, 1924. Subalit nang tumanda na siya, pinamahalaan niya ang bukid ng pamilya sa Järvamaa sa gitnang Estonia. Kami ay isang malaking pamilyang Lutherano na may siyam na anak, tatlo sa kanila ang namatay nang bata pa sila. Ako ang bunso. Namatay si Itay noong ako’y 13.

Nang sumunod na taon, nagtapos ako sa paaralang elementarya. Noong Setyembre 1939, nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, kinalap para sa hukbo ang aking kapatid na si Erich, at ako naman ay hindi na nakapagpatuloy sa aking pag-aaral. Pagkatapos, noong 1940, ang Estonia ay idinagdag sa Unyong Sobyet, at makaraan ang isang taon ay sinakop ng mga Aleman ang Estonia. Ibinilanggo nila si Erich ngunit pinalaya naman at nakabalik sa Estonia noong Agosto 1941. Noong 1942, nakapasok ako sa isang paaralang pang-agrikultura.

Umuwi ako noon para sa Pasko ng 1943 nang banggitin sa akin ng aking kapatid na si Leida na kinausap siya ng aming doktor tungkol sa Bibliya. Binigyan siya nito ng ilang buklet na inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society. Binasa ko ang mga iyon at agad kong hinanap si Dr. Artur Indus, na noo’y nakipag-aral sa akin ng Bibliya.

Napilitang Magpasiya

Samantala, tumindi ang labanan sa pagitan ng Alemanya at Unyong Sobyet. Pagsapit ng Pebrero 1944, nakaabante na ang mga Ruso malapit sa hangganan ng Estonia. Si Erich ay kinalap para sa hukbong Aleman at nakatanggap din ako ng mga papeles para magpatala. Naniniwala akong ipinagbabawal ng Diyos ang pagpatay sa ating kapuwa, at sinabi ni Dr. Indus na tutulungan niya akong makakita ng mapagtataguan hanggang sa matapos ang digmaan.

Isang araw, dumating sa aming bukid ang isang kustable at ang lider ng tanggulang sibilyan sa aming lugar. Inutusan sila na dakpin ako sa hinalang umiiwas ako sa pagseserbisyo sa hukbo. Noon ko nabatid na kailangan kong tumakas, kung hindi’y hahantong ako sa isang kampong piitan ng mga Aleman.

Nakasumpong ako ng kanlungan sa bukid ng isa sa mga Saksi ni Jehova. Upang patibayin ang aking pananampalataya, nagbasa ako nang nagbasa ng Bibliya at ng literatura ng Samahang Watch Tower habang ako’y nagtatago. Isang gabi, pumuslit ako sa amin upang kumuha ng pagkain. Ang bahay ay punung-puno ng mga sundalong Aleman, yamang ang kapatid kong si Erich ay nagbalik kasama ng ilan sa kaniyang mga kaibigan para sa ilang araw na pagbabakasyon. Nakausap ko nang palihim si Erich sa sahig-giikan nang gabing iyon. Iyon na ang huli naming pagkikita.

Muntik Nang Hindi Makatakas

Nang gabi ring iyon, pagkabalik ko sa bukid na aking pinagtataguan, ito ay sinalakay. Kumilos ang lokal na kustable at mga tauhan ng tanggulang sibilyan dahil sa report na may nagtatago sa bukid. Sumiksik ako sa guwang sa ilalim ng sahig, at di-nagtagal ay narinig ko ang yabag ng mga botang may boston sa aking ulunan. Habang nakaumang sa magsasaka ang isang riple, sumigaw ang opisyal: “May lalaking nagtatago sa bahay na ito! Paano namin mapapasok ang guwang sa ilalim ng sahig?” Nakikita ko ang sumisipat na mga sinag ng ilaw mula sa kanilang flashlight. Umurong ako nang kaunti pa at humiga roon at naghintay. Pagkaalis nila, nanatili ako sa guwang nang sandaling panahon pa upang matiyak na wala nang panganib.

Bago mag-umaga, nilisan ko ang bahay, anupat nagpapasalamat kay Jehova na hindi ako nakita. Tinulungan ako ng Kristiyanong mga kapatid upang makakita ng isa pang lugar na mapagtataguan kung saan nanatili ako hanggang sa matapos ang pananakop ng mga Aleman. Nang dakong huli, nabalitaan ko na ang kustable at ang lider ng tanggulang sibilyan sa aming lugar ay lumilitaw na napatay ng mga Rusong kapanalig. Noong Hunyo 19, 1944, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, at ang aking kapatid na si Leida ay naging isa ring Saksi ni Jehova.

Ang muling pananakop ng Sobyet sa Estonia ay nagsimula noong Hunyo 1944, at pagkaraan ng ilang buwan, malaya na akong nakauwi upang tumulong sa gawain sa bukid. Ngunit noong Nobyembre, hindi pa natatagalan mula nang makauwi ako, inutusan akong magreport sa hukbong Ruso. Punô ng lakas ng loob, buong-tapang akong nagpatotoo sa komite sa pangangalap. Sinabi nila sa akin na ang sistemang Sobyet ay hindi interesado sa aking mga paniniwala at na ang lahat ay dapat magserbisyo sa hukbo. Gayunman, sa nalalabing panahon ng digmaan, nanatili akong malaya, at ibinuhos ko ang aking sarili sa pagtulong na makapaglaan ng literatura sa Bibliya sa aking mga kapuwa Saksi.

Gawain Pagkatapos ng Digmaan

Nang matapos ang digmaan noong Mayo 1945 at nagkaloob ng amnestiya sa mga tumututol dahil sa budhi, nag-aral akong muli. Sa pagsisimula ng 1946, naipasiya ko na wala akong kinabukasan sa pagsasaka sa Estonia, yamang ang sistema sa pagbuo ng Sobyet ay sumaklaw na sa pribadong sektor. Kaya huminto ako ng pag-aaral at nagsimulang makibahagi nang lubusan sa gawaing pangangaral ng Kaharian.

Sa ilalim ng pamamahala ng Sobyet, hindi na maisagawa nang hayagan ang aming ministeryo. Ang totoo, naputol na ang pakikipag-ugnayan sa Samahang Watch Tower bago pa ang Digmaang Pandaigdig II. Kaya naman, sa tulong ng isang luma nang makinang pang-mimeograph, tumulong ako sa pagkopya ng literatura na naingatan namin. Ginawa rin namin ang aming makakaya upang magdaos ng mga pulong ng kongregasyon.

Nagsimula ang pag-uusig ng KGB (Komiteng Panseguridad ng Estadong Sobyet) sa mga Saksi ni Jehova noong Agosto 1948. Lima sa mga nangunguna sa gawain ang inaresto at ibinilanggo, at hindi nagtagal ay naging maliwanag na nais ng KGB na arestuhin ang lahat. Binuo namin ang isang komite na may apat na miyembro upang organisahin ang gawaing pangangaral, patibaying-loob ang aming mga kapatid na Kristiyano, at tulungan yaong mga nakakulong. Yamang medyo malaya pa ako para makalibot, ginamit ako upang makipag-alam sa mga kapuwa Saksi.

Isang pormal na liham-protesta na may petsang Setyembre 22, 1948, ang ipinadala sa mga opisyal na Sobyet sa Estonia. Inilarawan nito ang ating organisasyon at ang layunin ng ating gawain, at hiniling nito ang pagpapalaya sa ating nakabilanggong mga kapananampalataya. Ang tugon? Higit pang mga pag-aresto. Noong Disyembre 16, 1948, nagpadala kami ng isa pang deklarasyon ng protesta sa Estonian SSR Supreme Court Council na humihiling ng pagpapawalang-sala at pagpapalaya sa ating mga kapatid. Ang mga kopya nito at iba pang petisyon ay nasa salansan pa rin ng mga artsibo sa lunsod ng Tallinn.

Lubhang mapanganib ang paglalakbay, yamang hindi kami makakuha ng angkop na mga dokumento. Gayunman, dinalaw namin ang mga kongregasyon sa Aravete, Otepää, Tallinn, Tartu, at Võru sakay ng isang matulin na four-cylinder block-engine na motorsiklo na may sidecar na binili mula sa isang Rusong opisyal. May pagmamahal naming tinawag iyon na Chariot.

Ang Aming Protesta kay Stalin

Noong Hunyo 1, 1949, isa pang petisyon ang ipinadala sa pinakamataas na tanggapan ng Estonian Socialist Republic gayundin kay Nikolay Shvernik, kalihim ng USSR Supreme Soviet Executive Committee. Ang dokumentong ito, na ang isang kopya ay nabawi namin mula sa mga artsibo sa Tallinn, ay may tatak ni Nikolay Shvernik, na nagpapakitang natanggap niya ito at nagpadala siya ng isang kopya kay Joseph Stalin, presidente ng Unyong Sobyet. Ang huling bahagi ng petisyon ay kababasahan ng ganito:

“Hinihiling namin na palayain ang mga Saksi ni Jehova mula sa bilangguan at itigil na ang pag-uusig sa kanila. Ang organisasyon ng Diyos na Jehova, sa pamamagitan ng Watchtower Bible and Tract Society, ay dapat pahintulutang mangaral, nang walang hadlang, ng mabuting balita ng Kaharian ni Jehova sa lahat ng naninirahan sa Unyong Sobyet; kung hindi, lubusang pupuksain ni Jehova ang Unyong Sobyet at ang Partido Komunista.

“Ito ang hinihiling namin sa ngalan ng Diyos na Jehova at ng Hari ng kaniyang Kaharian, si Jesu-Kristo, at gayundin sa ngalan ng lahat ng nakabilanggong kapananampalataya.

“Nilagdaan: Mga Saksi ni Jehova sa Estonia (Hunyo 1, 1949).”

Tumindi ang Pag-uusig

Maaga noong 1950, nakatanggap kami ng tatlong isyu ng Ang Bantayan mula sa isa na nanggaling sa Alemanya. Upang makinabang sa espirituwal na pagkaing ito ang lahat ng ating kapatid na Kristiyano, naipasiya na magsasaayos kami ng isang asamblea sa Hulyo 24, 1950, sa kamalig ng isang estudyante ng Bibliya malapit sa nayon ng Otepää. Subalit nalaman ng KGB ang tungkol sa aming mga plano, at naghanda sila para sa isang maramihang pag-aresto.

Dalawang trak na puno ng mga sundalo ang ipinuwesto sa istasyon ng tren sa Palupera, kung saan magsisibaba ang mga kapatid. Bukod dito, isang sundalo na may radyo ang nakaabang sa kahabaan ng daan ng Otepää/Palupera, na malapit lamang sa dako ng asamblea. Nang hindi dumating sa takdang oras ang ilang kapatid na inaasahan naming darating nang maaga, naghinala kami na ang aming mga plano ay natuklasan.

Isinama ko si Ella Kikas na isang kapuwa Saksi at mabilis na nagmotorsiklo kami patungo sa istasyon ng tren na dalawang hinto pa bago ang Palupera. Kahihinto lamang ng tren, kaya kami ni Ella ay sumakay rito sa magkabilang dulo at nagtatakbo sa mga kotse ng tren habang isinisigaw sa lahat na bumaba na sila. Nang makababa na ang mga Saksi, nagsaayos kami na idaos ang aming asamblea sa ibang kamalig sa kinabukasan. Kaya, nabigo ang plano ng KGB para sa maramihang pag-aresto sa mga Saksi.

Subalit dalawang buwan pagkatapos ng asamblea, nagsimula ang malawakang pag-aresto. Dinala ako upang pagtatanungin noong Setyembre 22, 1950, at gayundin ang tatlong iba pang miyembro ng komite na nangangasiwa sa gawain sa Estonia. Walong buwan kaming ikinulong sa bilangguan ng KGB sa Tallinn sa Pagari Street. Pagkaraan, inilipat kami sa pangkalahatang bilangguan sa Kalda Street, na tinatawag na Battery. Ikinulong kami roon ng tatlong buwan. Kung ihahambing sa bilangguan ng KGB kung saan kami’y nasa isang silong, ang isang ito sa Baltic Sea ay tulad ng isang bakasyunan.

Mahirap na Buhay sa Siberia

Di-nagtagal, ako’y nahatulan ng sampung taon sa isang kampo sa malayong Noril’sk, Siberia, kasama nina Harri Ennika, Aleksander Härm, Albert Kose, at Leonhard Kriibi. Doon, ang araw ay hindi lumulubog sa loob ng dalawang buwan kapag tag-araw, at kung taglamig, hindi ito sumisikat sa loob ng dalawang buwan.

Noong Agosto 1951, sinimulan namin ang unang yugto ng aming biyahe mula Tallinn patungong Noril’sk sakay ng tren. Naglakbay kami ng mga 6,000 kilometro, na dumaraan sa Pskov, St. Petersburg (dating Leningrad), Perm’, Yekaterinburg (dating Sverdlovsk), Novosibirsk, at Krasnoyarsk, sa Yenisey River. Sa wakas, sa pagsisimula ng Oktubre, sumakay kami sa isang balsa sa Krasnoyarsk at hinila pahilaga nang mahigit na 1,000 milya. Pagkaraan ng dalawang linggo, nakarating kami sa bayan ng Dudinka, sa gawi pa roon sa itaas ng Arctic Circle. Sa Dudinka, inilipat na naman kami sa isang tren para sa susunod na 120 kilometrong biyahe patungo sa Noril’sk. Mula sa istasyon ng Noril’sk, naglakad kami sa makapal na niyebe sa huling labinlimang kilometro patungo sa kampo ng pagtatrabaho sa labas ng bayan.

Dahil sa ninakaw ang aking damit na pantaglamig nang kami’y nasa balsa, mayroon lamang akong manipis na Amerikana, isang gora, at sandalyas. Nanghina kami dahil sa maraming sanlinggo ng paglalakbay mula sa Tallinn, at hindi kami nabigyan ng aming kaunting rasyon ng pagkain sa araw-araw. Kaya hinimatay ang ilan sa mga bilanggo. Tinulungan namin sila hanggang sa makakuha ng mga kabayo, at saka namin sila isinakay sa mga paragos na hinihila ng kabayo.

Pagdating sa kampo, kami’y inirehistro, dinala sa isang sauna, at binigyan ng aming rasyon ng pagkain sa araw na iyon. Mainit ang mga kuwartel, at nakatulog agad ako nang mahimbing. Subalit nang bandang hatinggabi, nagising ako dahil sa matinding kirot na bunga ng pamamaga ng aking mga tainga. Kinabukasan, ginamot ako at hindi pinagtrabaho. Ngunit nagalit ang mga opisyal ng bilangguan dahil hindi ako makapagtrabaho kaya binugbog nila ako. Inilagay ako sa bartolina sa loob ng isang buwan, dahil ayon sa kanila, aking “sinisira ang kapayapaan ng kampo.” Mabuti na lamang, may inilaang medikasyon mula sa pagamutan, at ang panahong ginugol sa bartolina ay nagbigay sa akin ng pagkakataong manumbalik sa kalusugan.

Ang unang taglamig sa kampo ang siyang pinakamahirap. Ang trabaho, kadalasan sa minahan ng nikel, ay nakapapagod, at hindi masustansiya ang kakaunting pagkain na natatanggap namin. Kapag marami ang kinakikitaan ng mga sintomas ng scurvy, tinuturukan kami ng bitamina C para maibsan ang karamdaman. Subalit mabuti na lamang, nakilala namin sa kampo ang maraming Saksi, na mula sa Moldova, Poland, at Ukraine.

Mga Pagbabago sa Buhay sa Bilangguan

Noong tagsibol ng 1952, ang mga bilanggo ay nagsimulang tumanggap ng maliit na sahod, kung kaya nakabili kami ng pagkain upang madagdagan ang aming kinakain. Gayundin, ang ilang Saksi ay nakatatanggap ng pagkain sa mga kahong binago ang pang-ilalim na doo’y may nakakubling literatura sa Bibliya. Minsan, isang Saksing taga-Moldova ang nakatanggap ng isang lata ng mantika. Nang maubos ang mantika, may lumitaw na sapin ng tiyan ng baboy. Sa loob nito ay may tatlong isyu ng Ang Bantayan!

Nang mamatay si Stalin, noong Marso 5, 1953, malaki ang ipinagbago ng buhay sa bilangguan. Sa simula, sumiklab ang mga welga at pag-aalsa dahil gusto nang makalaya ng mga bilanggo. Nagpadala ng mga sundalo upang sawatain ito. Sa Noril’sk, 120 bilanggo ang napatay sa isang pag-aalsa; ngunit hindi nakibahagi ang mga Saksi, at walang isa man sa kanila ang namatay o nasugatan. Noong tag-araw ng 1953, nahinto ang gawain sa minahan ng nikel sa loob ng dalawang linggo. Pagkaraan, naging mas maalwan ang buhay sa bilangguan. Pinalaya ang ilang bilanggo, at pinaikli naman ang sentensiya ng iba.

Isang Tapat na Saksi

Pagkatapos ng panahong ito ng kaguluhan sa kampo, inilipat ako sa isang kampo sa gawing timog malapit sa lunsod ng Tayshet, sa lalawigan ng Irkutsk. Doon ay nakatagpo ko si Artur Indus, na unang nakipag-aral ng Bibliya sa akin. Tumanggi siyang magtrabaho sa kampo bilang isang doktor, anupat pinili ang mas mabibigat na trabaho. Ganito ang paliwanag niya: “Hindi makapapayag ang aking budhi na bigyan ng sick leave ang malulusog na bilanggo na pinagkalooban ng mga posisyong may pananagutan, samantalang ang talagang may sakit na mga bilanggo ay pinipilit magtrabaho.”

Noon ay payat na payat na at may sakit pa si Brother Indus, yamang hindi siya dating nagtatrabaho ng mabigat. Subalit sinabi niya sa akin na nadarama niyang dinalisay ng pagdurusa ang kaniyang puso sa espirituwal na paraan. Magkasama kami sa loob ng halos tatlong buwan. Pagkatapos ay dinala siya sa ospital ng kampo, kung saan siya namatay noong Enero 1954. Sa isang lugar sa walang-katapusang kagubatan sa sub-artiko ay naroroon ang kaniyang walang-pangalang libingan. Namatay siya na isang tapat na Kristiyano at naghihintay ng pagkabuhay-muli.

Paglaya at Paglalakbay Pauwi

Noong 1956, isang Komisyon ng Kataas-taasang Unyong Sobyet ang ipinadala sa aming kampo upang repasuhin ang salansan ng mga rekord ng mga bilanggo. Nang humarap ako sa komisyon, nagtanong ang nangangasiwang heneral: “Ano ang gagawin mo pagkalaya mo?”

“Malalaman natin pagdating ng panahon,” ang sagot ko.

Pinalabas ako sa silid, at nang ako’y muling papasukin, sinabi ng heneral: “Ikaw ang pinakamahigpit na kaaway ng Unyong Sobyet​—isa kang kaaway sa ideolohiya.” Subalit idinagdag niya: “Palalayain ka namin, pero susubaybayan ka namin.” Pinalaya ako noong Hulyo 26, 1956.

Dalawang araw akong dumalaw sa mga Saksing taga-Ukraine sa Suyetikha, isang nayon malapit sa Tayshet, na pinagtapunan sa kanila noong 1951. Sumunod ay tumigil ako ng apat na araw sa distrito ng Tomsk, malapit sa lugar kung saan ipinatapon si Inay. Mula sa istasyon ng tren, naglakad ako ng 20 kilometro patungo sa nayon ng Grigoryevka. Doon ay nakita ko ang mga kalagayan na masahol pa sa naranasan ng marami sa amin sa mga kampo! Ang aking kapatid na si Leida ay pinalaya mula sa isang kampong bilangguan sa Kazakhstan at nagpunta sa lugar na iyon mga ilang buwan na ang nakaraan upang makasama si Inay. Ngunit dahil sa kinumpiska ang kaniyang pasaporte, hindi pa siya makabalik sa Estonia.

Panggigipit sa Estonia

Nang maglaon, nakauwi ako sa Estonia at dumeretso ako sa bukid ng aking mga magulang. Gaya ng napabalita sa Siberia, natuklasan ko na sinira ng pamahalaan ang lahat ng aming gusali! Makaraan ang ilang araw, nagkasakit ako ng polio. Naospital ako nang mahabang panahon at nagpa-therapy pagkatapos nito. Hanggang ngayon, iika-ika pa rin ako sa paglalakad.

Di-nagtagal at nakakuha ako ng trabaho sa isang kompanya na pinagtrabahuhan ko noong tag-araw ng 1943, ang Lehtse Peat Company. Sa pamamagitan nila ay nabigyan ako ng apartment, at nang makabalik na si Inay at Leida noong Disyembre 1956 mula sa pagkakatapon, nakitira sila sa akin sa Lehtse.

Noong Nobyembre 1957, pinakasalan ko si Ella Kikas, na kababalik din lamang mula sa isang kampong bilangguan sa Siberia. Pagkaraan ng dalawang buwan ay lumipat kami sa Tartu, kung saan nakakuha kami ng isang munting apartment sa isang pribadong bahay. Sa wakas ay nakakuha ako ng trabaho bilang isang tsuper sa District Consumers’ Cooperative sa Tartu.

Samantalang nasa Siberia, nagsalin ako sa wikang Estonian ng sampung araling artikulo sa Bantayan sa Ruso at iniuwi ko ang mga ito. Pagkaraan, natanggap namin ang aklat na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo Muling Paraiso, na isinalin din namin sa Estonian. Saka kami gumawa ng makinilyadong mga kopya ng aklat. Samantala, nagpatuloy ang KGB sa kanilang pagsubaybay. Yamang pamilyar kami sa kanilang pamamaraan sa paghahanap, lagi kaming nagbabantay at nag-iingat, tulad ng mga hayop na tinutugis.

Pinupuntirya ng KGB

Noong mga unang taon ng 1960, sinimulan ng KGB ang kampanya ng paninirang-puri laban sa mga Saksi. Kaming mag-asawa ang pangunahing tudlaan. Ang mga pahayagan ay naglabas ng mapanirang-puring mga artikulo, at kami’y tinuligsa sa radyo at telebisyon. Dalawang beses na nagdaos ang KGB ng mga pampublikong miting sa aking pinagtatrabahuhan. Gayundin, isang mapang-uyam na komedya tungkol sa akin ang isinadula ng propesyonal na mga artista sa Estonia Theater sa Tallinn. Ang situwasyon ay nagpaalaala sa akin sa mga salita ni David: “Yaong mga nakaupo sa pintuang daan ay nagsimulang magsang-usapan tungkol sa akin, at ako ang paksa ng mga awit ng mga manginginom ng nakalalangong inumin.”​—Awit 69:12.

Ang ganitong mga pagsisikap na hiyain kami ay nagpatuloy hanggang noong 1965 nang maganap ang huling miting, sa Worker’s Public Health Building sa Tartu. Kami ni Ella ay naroon, at naroon din ang mga ahente ng KGB at isang malaki-laking pulutong. Sa ilang beses na pagtatanong kay Ella, ang mga tagapakinig ay nagpalakpakan. Maliwanag na ang mga tagapakinig ay panig sa amin. Ang mga ahente ng KGB ay nabigo at nagalit sa nangyari.

Nasapatan ang Espirituwal na Pagkagutom

Kahit na tinangka ng mga Komunista na pahintuin ang pamamahagi ng aming literatura, pagkatapos ng mga 1965 ay nagawa naming paglaanan ng sapat na suplay ang aming mga Kristiyanong kapatid. Gayunman, ang palihim na gawain ng pagsasalin at saka paglilimbag sa mga lihim na lugar ay nangailangan ng malaking panahon at lakas. Sa pagtukoy sa aking palihim na gawain at pamamaraan ng paghahatid ng literatura, ganito ang sabi minsan sa akin ng isang ahente ng KGB: “Ikaw, Toom, ay tulad ng isang maleta na may binagong pang-ilalim.”

Sabihin pa, ang aming mga pulong ay kinailangang idaos nang palihim at sa maliliit na grupo. At nangangaral kami sa di-pormal na paraan. Kailangang handa ang aming mga kapatid kapag hinalughog ang kanilang apartment anumang oras. Kaya ang mga literatura ng Samahang Watch Tower ay kinailangang itagong mabuti. Gayunman, kahit sa ganitong mga kalagayan, marami na umiibig sa katotohanan ng Bibliya ang nasumpungan at nanindigan sa panig ng Kaharian.

Nang simulan ni Soviet Premier Mikhail Gorbachev ang kaniyang mga reporma noong mga taon ng 1980, nagtamo kami ng higit na kalayaan upang paglingkuran ang Diyos. Nang bandang huli, noong 1991, nabuwag ang Unyong Sobyet, at legal na kinilala ang mga Saksi ni Jehova. Sa kasalukuyan, mayroon kaming apat na kongregasyon sa Tartu, at inaasam namin ang pagtatapos ng konstruksiyon ng aming sariling mga gusali ng Kingdom Hall. Mayroon na ngayong mahigit na 3,800 Saksi na nakikibahagi sa ministeryo sa Estonia, kung ihahambing sa marahil 40 o 50 nang magsimula akong mangaral mahigit nang kalahating siglo ang nakaraan.

Isang Kasiya-siyang Buhay Kristiyano

Hindi ako kailanman nag-alinlangan na tama ang aking naging pasiya nang manindigan ako upang maglingkod kay Jehova. Nagbabalik-tanaw ako taglay ang pusong labis na nasisiyahan, anupat maligaya na makitang patuloy na sumusulong nang puspusan ang organisasyon ni Jehova at na maraming-marami pa ang nagnanais na maglingkod kay Jehova.

Labis akong nagpapasalamat kay Jehova dahil kaming mag-asawa ay inalalayan ng kaniyang pag-ibig at proteksiyon sa loob ng mga taóng ito. Nagbigay sa amin ng espirituwal na lakas ang pag-iingat sa isipan na malapit na ang matuwid na sistema ni Jehova. Tiyak, habang isinasaalang-alang namin ang kamangha-manghang pagsulong ng bilang ng mga sumasamba kay Jehova, kumbinsido kami na hindi nawalan ng saysay ang naranasan naming pagdurusa.​—Hebreo 6:10; 2 Pedro 3:11, 12.

[Mapa sa pahina 12, 13]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mapa na nagpapakita ng dalawang-buwang biyahe mula sa Tallinn hanggang sa kasumpa-sumpang kampo sa Noril’sk

Tallinn

Pskov

St. Petersburg

Perm’

Yekaterinburg

Novosibirsk

Krasnoyarsk

Dudinka

Noril’sk

ARCTIC CIRCLE

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 14]

Si Artur Indus, isang matatag na Kristiyanong martir

[Larawan sa pahina 14]

Mga bilanggo sa Siberia, 1956. Ako ang ikaapat mula sa kaliwa sa hanay sa likuran

[Larawan sa pahina 15]

Kasama ng aking asawa, sa harap ng dating punong-himpilan ng KGB kung saan madalas kaming pagtatanungin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share