Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Mga Asawang Lalaki at Babae—Talaga bang Magkaiba Silang Mangusap?
    Gumising!—1994 | Enero 22
    • Mga Asawang Lalaki at Babae​—Talaga bang Magkaiba Silang Mangusap?

      IPAGPALAGAY mong si Bill ay pahilahód na pumasok sa opisina ni Jerry, bagsak ang kaniyang mga balikat dahil sa bigat ng kaniyang mga problema. Magiliw na minasdan ni Jerry ang kaniyang kaibigan at hinintay siyang magsalita. “Hindi ko alam kung matagumpay kong matatapos ang kasunduang ito sa negosyo,” buntong-hininga ni Bill. “Napakaraming di-inaasahang problema, at talagang ginigipit ako ng punong tanggapan.” “Ano ba ang inaalalá mo, Bill?” may pagtitiwalang tanong ni Jerry. “Alam mong ikaw ang pinakakuwalipikadong tao sa trabahong iyon, at nalalaman din nila iyan sa punong tanggapan. Huwag kang mag-alalá. Inaakala mo bang problema ito? Aba, noon ngang nakaraang buwan . . . ” Ikinuwento ni Jerry ang nakatatawang detalye ng kaniya mismong munting pagkakamali at di-nagtagal ang kaniyang kaibigan ay lumabas sa opisina na tumatawa at naginhawahan. Si Jerry ay natutuwang tumulong.

      At ipagpalagay rin na pagdating niya sa bahay nang hapong iyon, masasabi agad ni Jerry na ang kaniyang asawa, si Pam, ay balisá rin. Binati niya ito nang higit sa karaniwang kasiglahan at saka naghintay sa kaniya na sabihin kung ano ang bumabalisa sa kaniya. Pagkatapos ng isang maigting, nakabibinging katahimikan, siya’y bumulalas: “Hindi ko na kaya ito! Napakalupit ng bagong boss na ito!” Pinaupo siya ni Jerry, inakbayan siya, at ang sabi: “Mahal, huwag kang mabalisa. Alam mo, trabaho lamang iyan. Ganiyan talaga ang mga boss. Narinig mo sana ang boss ko na humihiyaw kanina. Gayunman, kung hindi mo kaya ay huminto ka na lang sa trabaho.”

      “Walang halaga sa iyo kung ano ang nadarama ko!” sabad ni Pam. “Kailanma’y hindi mo ako pinakinggan! Hindi ako maaaring huminto sa trabaho! Hindi sapat ang kinikita mo!” Tumakbo siya sa kuwarto at nag-iiyak nang husto. Si Jerry ay tumayo sa labas ng nakapinid na pinto na gulat na gulat, nagtataka kung ano ang nangyari. Bakit may gayong baligtad na reaksiyon sa mga salita ng kaaliwan ni Jerry?

      Kaibhan Dahil Lamang sa Kasarian?

      Maaaring ipalagay ng ilan ang pagkakaiba sa mga halimbawang ito sa isang payak na katotohanan: si Bill ay isang lalaki; si Pam ay isang babae. Ang mga mananaliksik sa wika ay naniniwala na ang mga problema sa komunikasyon sa pagitan ng mag-asawa ay kadalasang dahil sa kasarian. Itinataguyod ng mga aklat na gaya ng You Just Don’t Understand at Men Are From Mars, Women Are From Venus ang teoriya na ang mga lalaki at babae, bagaman nagsasalita ng iisang wika, ay may magkaibang istilo ng komunikasyon.

      Walang alinlangan, nang lalangin ni Jehova ang babae mula sa lalaki, siya ay hindi lamang isang binagong modelo. Ang lalaki at babae ay kalugud-lugod at pinag-isipang mabuti na dinisenyo upang maging kapupunan ng isa’t isa​—sa pisikal, emosyonal, mental, espirituwal. Idagdag mo pa rito sa katutubong mga pagkakaiba ang mga kasalimuutan ng pagpapalaki at karanasan sa buhay ng isa at ang paghubog sa tao ng kultura, kapaligiran, at ang pangmalas ng lipunan sa kung ano ang panlalaki o pambabae. Dahil sa mga impluwensiyang ito, posibleng ibukod ang ilang huwaran sa paraan ng pakikipag-usap ng mga lalaki at mga babae. Subalit ang mahirap ilarawang “tipikal na lalaki” o “tipikal na babae” ay maaari lamang umiral sa mga pahina ng mga aklat sa sikolohiya.

      Ang mga babae ay karaniwang kilala sa kanilang pagiging madamdamin, gayunman maraming lalaki ang kahanga-hangang magiliw sa kanilang pakikitungo sa mga tao. Ang makatuwirang pag-iisip ay maaaring higit na ipalagay sa mga lalaki, ngunit kadalasang ang mga babae ay may matalas, mapanuring unawa. Kaya bagaman imposibleng tawagin ang anumang katangian na para lamang sa lalaki o para lamang sa babae, isang bagay ang tiyak: Ang matalinong unawa sa pangmalas ng isa ay malaki ang nagagawa sa pagitan ng mapayapang pagsasama at tahasang sigalutan, lalo na sa pag-aasawa.

      Ang araw-araw na hamon ng komunikasyon ng lalaki-babae sa pag-aasawa ay isang mahirap na hamon. Mapatutunayan ng maraming nakauunawang asawang lalaki na ang nakalilinlang na wari bang simpleng tanong na “Nagugustuhan mo ba ang aking bagong ayos ng buhok?” ay maaaring lipos ng panganib. Natutuhan ng maraming mataktikang asawang babae na huwag paulit-ulit na magtanong, “Bakit hindi ka na lang magtanong ng direksiyon?” kapag ang kanilang asawa ay naligaw samantalang nagbibiyahe. Sa halip na maliitin ang waring kakatuwaan ng kabiyak at may katigasang manghawakan sa sariling kakatuwaan dahil sa “ganiyan talaga ako,” inaalam ng maibiging mag-asawa kung ano ang nasa likuran nito. Ito ay hindi isang malamig na pagsisiyasat ng istilo ng komunikasyon ng isa’t isa kundi isang mainit na pagtanaw sa puso at isipan ng isa’t isa.

      Yamang ang bawat tao ay walang-katulad, gayundin ang pagsasama ng dalawang indibiduwal sa pag-aasawa. Ang tunay na pagtatagpo ng mga isipan at puso ay hindi nagkataon lamang kundi nangangailangan ng pagpapagal dahil sa ating di-sakdal na katangian bilang tao. Halimbawa, napakadaling ipalagay na minamalas ng iba ang mga bagay-bagay na gaya ng pangmalas natin. Kadalasang pinupunan natin ang mga pangangailangan ng iba sa paraan na nais nating punan nila ang pangangailangan natin, marahil ay sinisikap na sundin ang Ginintuang Tuntuning, “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Gayunman, hindi ibig sabihin ni Jesus na kung ano ang ibig mo ay dapat na mabuti rin sa iba. Bagkus, nais mo na ibigay ng iba kung ano ang iyong kailangan o gusto. Kaya dapat mo ring ibigay kung ano ang kailangan nila. Mahalaga ito lalo na sa pag-aasawa, sapagkat ang bawat isa ay sumumpang hangga’t maaari ay lubusang ibibigay ang mga pangangailangan ng kaniyang kabiyak.

      Sina Pam at Jerry ay sumumpa sa isa’t isa ng gayon. At ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa sa loob ng dalawang taon ay isang maligayang pagsasama. Gayunman, kahit na inaakala nilang nakikilala nila nang husto ang isa’t isa, kung minsan ay lumilitaw ang mga kalagayan na nagsisiwalat ng lumalaking agwat sa komunikasyon na hindi malulutas ng mabuting mga intensiyon lamang. “Ang puso ng pantas ay nagtuturo sa kaniyang bibig upang magpakita ng unawa,” sabi ng Kawikaan 16:23. Oo, ang unawa sa komunikasyon ang mahalagang susi. Tingnan natin kung anong mga pinto ang bubuksan nito para kina Jerry at Pam.

      Ang Pangmalas ng Isang Lalaki

      Si Jerry ay naglalayag sa isang makompetensiyang daigdig kung saan dapat panagutan ng bawat tao ang kaniyang dako sa isang kaayusan ng lipunan, ito man ay isang nakabababa o isang nakatataas na kalagayan. Ang komunikasyon ay nakatutulong upang maitatag ang kaniyang puwesto, kakayahan, kahusayan, o halaga. Ang kaniyang kasarinlan ay mahalaga sa kaniya. Kaya kapag pinag-utusan sa isang pautos na paraan, nasusumpungan ni Jerry ang kaniyang sarili na tumututol. Ang tusong mensahe na “Hindi mo ginagawa ang trabaho mo” ay nagpapahimagsik sa kaniya, kahit na kung ang kahilingan ay makatuwiran.

      Si Jerry ay karaniwang nakikipag-usap upang makipagpalitan ng impormasyon. Gusto niyang pag-usapan ang tungkol sa mga bagay, mga idea, at bagong mga bagay na natutuhan niya.

      Kapag nakikinig, bihirang sumabad si Jerry sa nagsasalita, kahit ng mumunting mga tugon, gaya ng “uh-huh, oo,” sapagkat tinatanggap niya ang impormasyon. Subalit kapag siya’y hindi sang-ayon, hindi siya mangingiming sabihin iyon, lalo na sa isang kaibigan. Ito’y nagpapakita na siya ay interesado sa sinasabi ng kaniyang kaibigan, inaalam ang lahat ng posibilidad.

      Kung may problema si Jerry, pinipili niyang lutasin ito sa ganang sarili. Kaya maaari siyang lumayo sa lahat ng tao at sa lahat ng bagay. O maaari siyang magrelaks sa pamamagitan ng ilang libangan upang pansamantalang makalimutan ang kaniyang problema. Ipakikipag-usap niya lamang ito kung siya ay humihingi ng payo.

      Kung isang taong may problema ay lalapit kay Jerry na gaya ng ginawa ni Bill, batid ni Jerry na tungkulin niyang tumulong, nag-iingat na ang kaniyang kaibigan ay makadama ng kawalang-kaya. Karaniwan nang ibinabahagi niya ang ilan sa mga problema niya pati na ang payo upang huwag isipin ng kaniyang kaibigan na siya ay nag-iisa.

      Nais ni Jerry na makibahagi sa mga gawain na kasama ng mga kaibigan. Ang pagiging kasama para sa kaniya ay nangangahulugan ng paggawa ng mga bagay-bagay na magkasama.

      Ang tahanan para kay Jerry ay isang kanlungan mula sa dako ng trabaho o iba pang dako sa labas ng tahanan, isang dako kung saan hindi na niya kailangang magsalita upang patunayan ang kaniyang sarili, kung saan siya ay tinatanggap, pinagkakatiwalaan, minamahal, at pinahahalagahan. Gayunman, nasusumpungan ni Jerry paminsan-minsan na kailangan niyang mapag-isa. Maaaring wala itong kaugnayan kay Pam o sa anumang bagay na ginawa niya. Nais niya lamang mapag-isa. Nasusumpungan ni Jerry na mahirap isiwalat ang kaniyang mga pangamba, kawalan ng kapanatagan, at mga kirot sa kaniyang asawa. Ayaw niyang mag-alalá siya. Tungkulin niya na pangalagaan siya at ipagsanggalang siya, at kailangan niyang pagkatiwalaan siya ni Pam na gawin iyon. Bagaman nais ni Jerry ng alalay, ayaw niyang siya’y kahabagan. Ipinadarama nitong siya’y walang kakayahan o walang silbi.

      Ang Pangmalas ng Isang Babae

      Nakikita ni Pam ang kaniyang sarili bilang isang indibiduwal sa isang daigdig ng pakikipag-ugnayan sa iba. Para sa kaniya mahalagang itatag at palakasin ang mga buklod na ito ng mga kaugnayan. Ang pag-uusap ay isang mahalagang paraan upang maging malapít at pagtibayin ang pagkakalapit.

      Natural kay Pam ang pagtitiwala. Nadarama niyang siya’y minamahal kung inaalam ni Jerry ang kaniyang mga pangmalas bago gumawa ng isang desisyon, bagaman nais niyang si Jerry ang manguna. Kapag si Pam ay magpapasiya, nais niyang sumangguni sa kaniyang asawa, hindi lamang upang sabihin sa kaniya kung ano ang gagawin niya, kundi upang ipakita kay Jerry ang kaniyang pagiging malapit at pagtitiwala sa kaniya.

      Napakahirap para kay Pam na magsalita nang tahasan at sabihin na mayroon siyang kailangan. Hindi niya gustong yamutin si Jerry o ipadama sa kaniya na siya ay hindi maligaya. Sa halip, hinihintay niyang siya’y mapansin o nagpapahiwatig.

      Kapag si Pam ay nakikipag-usap, siya ay naiintriga ng maliliit na detalye at nagtatanong ng maraming tanong. Natural ito sa kaniya dahil sa kaniyang pagiging madamdamin at matinding interes sa mga tao at mga kaugnayan.

      Kapag nakikinig si Pam, pinuputol niya ang mga salita ng nagsasalita sa pamamagitan ng mga pagsabad, pagtangô, o mga tanong upang ipakita na sinusundan niya ang nagsasalita at interesado siya sa sasabihin nito.

      Pinagsisikapan niyang malaman sa pamamagitan ng kutob ng loob kung ano ang kailangan ng tao. Ang pagtulong nang hindi na hinihilingan ay isang magandang paraan upang ipakita ang pag-ibig. Lalo nang nais niyang tulungan ang kaniyang asawa na umunlad at sumulong.

      Kapag si Pam ay may problema, maaaring madama niyang siya’y napuspos nito. Kailangan niyang magsalita, hindi upang humanap ng lunas, kundi upang ipahayag ang kaniyang mga damdamin. Kailangan niyang malaman na may nakauunawa at nagmamalasakit. Kapag napukaw ang kaniyang mga damdamin, si Pam ay nagsasalita ng masaklaw, madulang pananalita. Hindi naman literal ang ibig niyang sabihin kapag sinasabi niyang: “Hindi ka kailanman nakikinig!”

      Ang pinakamatalik na kaibigan ni Pam sa pagkabata ay hindi isa na kasa-kasama niya sa paggawa ng mga bagay kundi isa na kinakausap niya tungkol sa lahat ng bagay. Kaya sa pag-aasawa ay hindi siya gaanong interesado sa mga gawain sa labas ng bahay na di-gaya ng interes niya sa isang nakikiramay na tagapakinig na maaari niyang bahaginan ng kaniyang mga damdamin.

      Ang tahanan ay isang dako kung saan si Pam ay maaaring magsalita nang hindi hinahatulan. Hindi siya nag-aatubiling isiwalat ang kaniyang mga pangamba at problema kay Jerry. Kung kailangan niya ng tulong, hindi siya nahihiyang aminin ito, sapagkat nagtitiwala siya na ang kaniyang asawa ay naroroon upang tulungan siya at sapat na nagmamalasakit upang pakinggan siya.

      Si Pam ay karaniwang nakadaramang siya’y minamahal at tiwasay sa kaniyang pag-aasawa. Subalit paminsan-minsan, sa walang kadahilanan, siya’y nakadarama ng kawalang kapanatagan at hindi minamahal at agad na nangangailangan ng katiyakan at pakikisama.

      Oo, sina Jerry at Pam, mga kapupunan ng isa’t isa, ay lubhang magkaiba. Ang pagkakaiba sa pagitan nila ay lumilikha ng posibleng malaking di-pagkakaunawaan, bagaman sila kapuwa ay may pinakamabuting intensiyon na maging maibigin at mapagtaguyod. Kung maririnig natin ang pangmalas ng bawat isa hinggil sa nabanggit na kalagayan, ano kaya ang sasabihin nila?

      Kung Ano ang Natalos Nila Ayon sa Kanilang Sariling Pagkaunawa

      “Pagdating na pagdating ko ng bahay galing sa trabaho, nakikita kong balisá si Pam,” sabi ni Jerry. “Ipinalagay ko na kapag handa na siya, sasabihin niya sa akin ang dahilan. Para sa akin ang problema ay waring hindi naman napakalaki. Akala ko kung matutulungan ko lamang siya na maunawaan na hindi niya kailangang mabalisa at na madali lang ang solusyon, bubuti ang pakiramdam niya. Talagang masakit, pagkatapos kong makinig sa kaniya, nang sabihin niya, ‘Kailanma’y hindi mo ako pinakinggan!’ Para bang sinisisi niya ako sa lahat ng kaniyang mga kabiguan!”

      “Naging napakasama ng maghapon,” paliwanag ni Pam. “Alam kong hindi ito kasalanan ni Jerry. Subalit pag-uwi niya ng bahay na masayang-masaya, pakiwari ko ba’y niwawalang-bahala niya ang bagay na ako ay balisá. Bakit hindi niya ako tinanong kung ano ang problema? Nang sabihin ko sa kaniya ang problema, para bang sinabi niyang pambihira naman ako, na napakaliit lamang ng bagay ng iyon. Sa halip na sabihing nauunawaan niya ang aking nadarama, sinabi sa akin ni Jerry, ang taga-ayos ng mga problema, kung paano aayusin ang problema. Ayaw ko ng mga solusyon, nais ko ng simpatiya!”

      Sa kabila ng paglitaw ng pansamantalang pagkakasirang ito, sina Jerry at Pam ay labis na nagmamahalan sa isa’t isa. Anong mga matalinong unawa ang tutulong sa kanila upang maliwanag na ipahayag ang pag-ibig na iyon?

      Pag-unawa sa Pamamagitan ng Pangmalas ng Isa’t Isa

      Inaakala ni Jerry na magiging mapanghimasok siya kung tatanungin niya si Pam kung ano ba ang problema, kaya natural lamang na ginawa niya kung ano ang nais niyang gawin sa kaniya ng iba. Hinintay niya si Pam na magsalita. Ngayon si Pam ay balisá hindi lamang sa problema kundi sa bagay na para bang hindi pinapansin ni Jerry ang kaniyang pagsamo para sa alalay niya. Hindi niya naunawaan na ang pagtahimik ni Jerry ay isang pagpapahayag ng magiliw na paggalang​—ipinalagay niya itong hindi pagmamalasakit. Nang sa wakas ay magsalita si Pam, si Jerry ay nakinig nang hindi sumasabad. Subalit inakala naman ni Pam na hindi niya talaga pinakikinggan ang kaniyang mga damdamin. Pagkatapos ay nagbigay siya, hindi ng empatiya, kundi ng isang solusyon. Ang dating nito kay Pam ay: ‘Wala namang kabuluhan ang iyong mga damdamin; sobra lang ang reaksiyon mo. Nakita mo ba kung gaano kadaling lutasin ang maliit na problemang ito?’

      Anong laki nga ng pagkakaiba ng mga bagay kung inunawa ng bawat isa ang mga bagay-bagay mula sa pangmalas ng isa! Maaaring ganito sana ang nangyari:

      Si Jerry ay umuwi ng bahay at nadatnan niyang balisá si Pam. “Ano ang problema, mahal?” magiliw niyang tanong. Dumaloy na ang mga luha, at siya’y malayang nagsalita tungkol sa problema. Hindi sinasabi ni Pam, “Kasalanan mong lahat ito!” o ipinahihiwatig man na hindi sapat ang ginagawa ni Jerry. Niyayapos siyang mahigpit ni Jerry at matiyagang nakikinig. Nang siya’y matapos, sabi ni Jerry: “Ikinalulungkot ko na hindi mabuti ang pakiramdam mo. Nauunawaan ko kung bakit ka masyadong balisá.” Ang sagot ni Pam: “Maraming salamat sa iyong pakikinig. Mas mabuti na ang aking pakiramdam dahil nalalaman kong nauunawaan mo.”

      Nakalulungkot naman, sa halip na lutasin ang kanilang mga di-pagkakaunawaan, basta pinipili ng maraming mag-asawa na wakasan ang kanilang pag-aasawa sa pamamagitan ng diborsiyo. Ang kawalan ng komunikasyon ang kontrabida na nagwawasak sa maraming tahanan. Ang mga pagtatalo ay sumasabog anupa’t nayayanig ang pinaka-pundasyon mismo ng pag-aasawa. Paano ito nangyayari? Sasabihin sa atin ng susunod na artikulo kung paano ito nangyayari at kung paano ito iiwasan.

  • Pagsusuri sa Isang Pagtatalo
    Gumising!—1994 | Enero 22
    • Pagsusuri sa Isang Pagtatalo

      KAILANGAN ng babaing ihinga ang kaniyang mga damdamin. Nais naman ng lalaking magbigay ng mga solusyon. Ang milyun-milyong pagtatalo ng mag-asawa sa lahat ng panahon ay maaaring maraming iba’t ibang himig, subalit kadalasang ito’y pagkakaiba-iba lamang ng ilang pangunahing tema. Ang pag-unawa sa pangmalas o istilo ng komunikasyon ng iyong kabiyak ay maaaring tumulong sa pagsubá sa nagliliyab na mga sunog na ito sa gubat tungo sa namumulang baga sa apuyan ng isang maligayang tahanan.

      “Huwag Mong Pamahalaan ang Aking Buhay!”

      Ang katangian ng dominante, palasising asawang babae ay maaaring totoo sa kaso ng maraming asawang lalaki na nasusumpungan ang kaniyang sarili na lubhang nahahadlangan ng payo, mga kahilingan, at mga pagpuna. Kinikilala ng Bibliya ang mga damdaming iyon, na ang sabi: “Ang mga pakikipagtalo ng asawang babae ay mistulang isang tumutulong bubong na nilalayuan.” (Kawikaan 19:13) Ang isang asawang babae ay maaaring humiling na tahimik na tinututulan ng kaniyang asawa sa mga kadahilanang hindi niya alam. Inaakalang hindi siya narinig ng lalaki, sa pagkakataong ito ay sinasabi ng babae sa lalaki kung ano ang gagawin. Ang kaniyang pagtutol ay sumisidhi. Isang palasising asawang babae at talu-talunang asawang lalaki? O dalawang tao na basta hindi nagkakaunawaan?

      Mula sa pangmalas ng asawang babae, naipahahayag niya nang pinakamahusay ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang asawa kapag siya ay nagbibigay ng kapaki-pakinabang na payo. Sa pangmalas ng kaniyang asawang lalaki, inuutusan niya siya at ipinahihiwatig na siya ay walang kaya. Ang pagsasabing, “Huwag mong kalimutan ang iyong portpolyo” para sa babae ay isang kapahayagan ng pagmamalasakit, tinitiyak na taglay niya ang mga kailangan niya. Ipinagugunita naman nito sa lalaki ang kaniyang ina na sumisigaw sa may pintuan, “Dala mo ba ang sumbrero mo?”

      Ang isang pagód na asawang babae ay maaaring magsabi, “Gusto mo bang kumain tayo sa labas mamayang gabi?” pero ang talagang ibig niyang sabihin ay, “Pakakanin mo ba ako sa labas mamayang gabi? Pagód na pagód na ako upang magluto.” Subalit maaaring samantalahin ng kaniyang mapagmahal na asawa ang pagkakataong iyon upang purihin ang kaniyang luto at igiit na mas gusto niya ang luto ni misis kaysa kaninumang iba. O maaaring akalain ng lalaki, ‘Minamaneobra niya yata ako!’ Samantala, maaaring may hinanakit na sabihin ng asawang babae sa kaniyang sarili, ‘Bakit kailangan ko pang magtanong?’

      “Hindi Mo Ako Mahal!”

      “Paano niya maiisip iyan?” bulalas ng isang bigo, nalilitong asawang lalaki. “Nagtatrabaho ako, naglalaan ng pera upang ibayad sa aming mga gastusin, dinadalhan ko pa nga siya ng bulaklak kung minsan!”

      Bagaman lahat ng tao ay nangangailangang mahalin, ang isang babae ay may pantanging pangangailangan na paulit-ulit na tiyakin na siya’y minamahal. Maaaring hindi niya sabihin nang malakas, ngunit sa loob niya maaaring nadarama niyang siya’y hindi naiibigang pabigat, lalo na kung siya’y nakadarama ng pansamantalang panlulumo dahil sa kaniyang buwanang regla. Sa gayong mga okasyon ang kaniyang asawang lalaki ay maaaring lumayo, iniisip na nais ng babae na mapag-isa. Maaaring bigyan-kahulugan ng babae ang kaniyang hindi pagiging malapit bilang pagpapatunay ng kaniyang pinangangambahan​—hindi na siya minamahal ng lalaki. Maaari siyang magalit sa lalaki, pinipilit ang lalaki na mahalin at alalayan siya.

      “Anong Problema, Mahal?”

      Ang tugon ng isang lalaki sa isang maigting na problema ay maaaring humanap ng isang tahimik na dako upang pag-isipan ito. Ang isang babae naman ay maaaring kutubán ng loob na may tensiyon at kusang kikilos sa pamamagitan ng paghimok sa lalaki na makipag-usap. Gaano man kahusay ang mga pagsisikap na ito, maaaring ipalagay ng asawang lalaki ang mga ito na panghihimasok at paghamak. Habang siya ay namamahinga upang pag-isipan ang kaniyang problema, sumusulyap siya sa kaniyang balikat at nakikita niyang bubuntut-buntot ang asawa niyang babae sa kaniya. Naririnig niya ang walang-lubay at magiliw na tinig: “Mahal, mabuti ba ang pakiramdam mo? Ano ang problema? Pag-usapan natin ito.”

      Kapag walang tugon, ang asawang babae ay maaaring masaktan. Kapag siya ay may problema, nais niyang ipakipag-usap ito sa asawang lalaki. Subalit ayaw sabihin sa kaniya ng lalaking kaniyang minamahal ang kaniyang mga damdamin. “Hindi na niya ako mahal” ang maaaring maging konklusyon ng babae. Kaya kapag sa wakas ay lumabas na ang hindi nagsususpetsang lalaki mula sa kaniyang panloob na daigdig, nasisiyahan sa solusyon na kaniyang nasumpungan, nasusumpungan din niya, hindi ang nababahalang maibiging kabiyak na hindi niya isinama sa kaniyang proseso ng paglutas sa problema, kundi isang yamot na asawang handang hamunin siya dahil sa pagpuwera sa kaniya.

      “Kailanma’y Hindi Mo Ako Pinakinggan!”

      Ang paratang ay tila katawa-tawa. Sa lalaki para bang wala na siyang ginawa kundi makinig. Subalit kapag nagsasalita ang kaniyang asawang babae, inaakala ng babae na ang kaniyang mga salita ay hinaharang at sinusuri ng isang computer na lumulutas ng isang problema sa matematika. Ang kaniyang mga hinala ay pinatutunayan kapag, sa gitna ng isang pangungusap, sabi ng lalaki: “Buweno, bakit hindi ka na lamang . . . ?”

      Kapag ang isang asawang babae ay lumapit sa kaniyang asawa na may problema, kadalasang hindi niya sinisisi ang lalaki o naghahanap man ng lunas mula sa lalaki. Gusto lamang niya ng isang nakikiramay na tainga na makikinig, hindi lamang sa mga katotohanan, kundi sa kaniyang mga damdamin tungkol dito. Pagkatapos ay nais niya, hindi ng payo, kundi ng pagpapatunay sa kaniyang mga damdamin. Iyan ang dahilan kung bakit maraming asawang lalaki na wala namang masamang intensiyon ay pinagmulan ng matinding galit nang sabihin niya lamang: “Mahal, hindi ka dapat makadama ng ganiyan. Hindi naman ito grabe.”

      Kadalasan, inaasahan ng mga tao ang kanilang mga kabiyak na nakababasa ng kanilang iniisip. “Mga 25 taon na kaming kasal,” sabi ng isang lalaki. “Kung hanggang ngayon ay hindi pa niya alam kung ano ang gusto ko, wala siyang pagmamahal o hindi siya nagbibigay pansin.” Ganito ang sabi ng isang awtor sa kaniyang aklat tungkol sa kaugnayan sa pag-aasawa: “Kapag hindi sinasabi ng mag-asawa sa isa’t isa kung ano ang nais nila at laging pinipintasan ang isa’t isa dahil sa hindi pagsamantala sa pagkakataon para sa angkop na pagkilos, hindi kataka-taka na ang diwa ng pag-ibig at pagtutulungan ay naglalaho. Humahalili rito . . . ang pagpapaligsahan, kung saan sinisikap ng bawat isa na ipilit sa isa na tugunin ang kaniyang mga kahilingan.”

      “Napakairesponsable Mo!”

      Maaaring hindi tuwirang sabihin ito ng asawang babae sa kaniyang asawa, subalit maaari niyang maliwanag na ipahiwatig ito sa tono ng kaniyang boses. Ang pagsasabing “Bakit gabing-gabi ka na?” ay maaaring unawain bilang isang paghiling ng impormasyon. Gayunman, malamang na ang kaniyang nagpaparatang na tingin at pamamaywang ay nagsasabi sa kaniyang asawang lalaki: “Ikaw na iresponsableng lalaki, pinag-alalá mo ako. Bakit hindi ka tumawag sa telepono? Wala ka namang konsiderasyon! Ngayon sira na ang hapunan!”

      Mangyari pa, tama siya tungkol sa hapunan. Subalit kapag sumiklab ang isang pagtatalo, nanganganib rin ba ang kanilang kaugnayan? “Karamihan ng mga pagtatalo ay nangyayari hindi dahilan sa hindi magkasundo ang dalawang tao, kundi dahilan sa inaakala ng lalaki na hindi sinasang-ayunan ng babae ang kaniyang punto de vista o na hindi sinasang-ayunan ng babae ang paraan ng pagsasalita niya sa kaniya,” sabi ni Dr. John Gray.

      Ang ilan ay may palagay na sa tahanan ang isa ay dapat na malayang magsabi kung ano ang ibig niya. Subalit ang isang mahusay sa pakikipagtalastasan ay naghahangad ng isang kasunduan at nagkakamit ng kapayapaan, isinasaalang-alang ang mga damdamin ng tagapakinig. Maaari nating ihambing ang gayong pag-uusap sa pagsisilbi mo sa iyong asawa ng isang baso ng malamig na tubig na kabaligtaran ng pagbubuhos nito sa kaniyang mukha. Masasabi natin na ang kaibhan ay nasa paraan ng pagsasalita.

      Ang pagkakapit ng mga salita sa Colosas 3:12-14 ay papawi sa mga pagtatalo at aakay sa isang maligayang tahanan: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Subalit, bukod pa sa lahat ng mga bagay na ito, damtan ninyo ang inyong mga sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”

      [Larawan sa pahina 9]

      Ipinagtatanggol ng lalaki ang mga katotohanan, ipinagtatanggol naman ng babae ang mga damdamin

  • Isang Maligayang Tahanan—Kung Saan ang Dalawa ay Nagkakaisa
    Gumising!—1994 | Enero 22
    • Isang Maligayang Tahanan​—Kung Saan ang Dalawa ay Nagkakaisa

      KUNG ikaw ay magtatayo ng isang matibay, matatag, komportableng tahanan, anong materyales ang gagamitin mo? Kahoy? Ladrilyo? Bato? Narito ang iminumungkahi ng aklat ng Bibliya na Kawikaan: “Sa pamamagitan ng karunungan ay titibay ang isang sambahayan, at sa pamamagitan ng unawa ay magiging matatag. At sa pamamagitan ng kaalaman ang mga silid ay mapupuno ng lahat ng mahalaga at nakalulugod na mga kayamanan.” (Kawikaan 24:3, 4) Oo, nangangailangan ng karunungan, unawa, at kaalaman upang magtayo ng isang maligayang tahanan.

      Sino ang nagtatayo? “Ang talagang marunong na babae ay nagpapatibay ng kaniyang sambahayan, ngunit ang mangmang ay nagwawasak niyaon ng kaniyang sariling mga kamay.” (Kawikaan 14:1) Totoo rin ito sa matalinong lalaki na nakauunawa na nasa kaniyang mga kamay upang ang kaniyang pag-aasawa ay maging matibay at maligaya o mahina at miserable. Anong mga salik ang gumagawa ng pagkakaiba? Kawili-wili nga na ang mga mungkahi ng ilang makabagong mga tagapayo sa pag-aasawa ay kahawig na kahawig ng walang-hanggang karunungan ng Salita ng Diyos, naisulat libu-libong taon na ang nakalipas.

      Pakikinig: “Tunay na ang pakikinig ay isa sa pinakadakilang papuri na maibibigay mo sa isang tao at mahalaga sa pagtatayo at pagpapanatili ng isang matalik na kaugnayan,” sabi ng isang manwal sa pag-aasawa. “Ang pakinig ng pantas ay humahanap upang makasumpong ng kaalaman,” sabi ng Kawikaan. (Kawikaan 18:15) Yamang ang bukás na mga tainga ay hindi nakikita gaya ng bukás na mga mata o ng isang bukás na bibig, paano mo maipakikita sa iyong kabiyak na ikaw ay talagang nakikinig? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagsasalamin, o aktibong pakikinig.​—Tingnan ang kahon sa pahina 11.

      Pagiging tapat at kapalagayang-loob: “Ang ating kultura ay laban sa pagiging tapat,” sabi ng aklat na One to One​—Understanding Personal Relationships. “Tayo’y naturuan mula sa pagkabata na huwag makikialam sa iba​—maging malihim tungkol sa pera, idea, damdamin, . . . anumang personal. Ang aral na ito ay hindi basta naglalaho, kahit kapag tayo ay ‘umibig.’ Malibang may patuloy na pagsisikap sa pagiging tapat, hindi maaaring umunlad ang kapalagayang-loob.” “Nabibigo ang mga plano kung saan walang pag-uusap na may pagtitiwala,” sabi ng Kawikaan, “ngunit karunungan ang nasa mga nagsasanggunian.”​—Kawikaan 13:10; 15:22.

      Katapatan at pagtitiwala: Ang asawang lalaki at babae ay sumumpa sa harap ng Diyos na magiging tapat. Kapag ang mag-asawa ay nagtitiwala na ang bawat isa ay tapat na nakapangako sa isa, ang pag-ibig ay hindi pinahihirapan ng paghihinala, pagmamataas, diwa ng pagpapaligsahan, abala sa pagkuha ng kung ano ang inaakala ng isa na karapatan niya.

      Pakikibahagi: Ang kaugnayan ay tumitindi kapag ang mga karanasan ay ibinabahagi. Balang araw maihahabi ng mag-asawa ang isang napakahalagang tapestri ng kasaysayan na pakamamahalin ng bawat isa. Ang isipin na sirain ang buklod na iyon ng pagkakaibigan ay malayung-malayo sa kanilang isipan. “May kaibigan na mahigit pa sa isang kapatid.”​—Kawikaan 18:24.

      Kabaitan at pagiging magiliw: Binabawasan ng mga gawang kabaitan ang mga alitan sa buhay at binabantuan ang pagmamataas. Ang mga huwaran ng kabaitan, kapag naitanim, ay nananatili kahit na tumindi ang mga damdamin sa panahon ng mga pagtatalo, sa gayo’y binabawasan ang pinsala. Ang pagiging magiliw ay lumilikha ng isang masiglang kapaligiran kung saan maaaring lumago ang pag-ibig. Bagaman ang pagiging magiliw ay lalo nang mahirap para sa isang lalaki na ipahayag, ang Bibliya ay nagsasabi: “Yaong nakagagawa sa isang tao upang siya’y maging kanais-nais ay ang kaniyang kagandahang-loob.” (Kawikaan 19:22) Kung tungkol sa isang mabuting asawang babae, “ang kautusan ng kagandahang-loob ay nasa kaniyang dila.”​—Kawikaan 31:26.

      Kapakumbabaan: Isang gamot para sa lason ng pagmamataas, ang kapakumbabaan ay nag-uudyok ng handang mga paghingi ng tawad at madalas na mga kapahayagan ng pasasalamat. Ano kung ikaw ay talagang walang kasalanan sa isang nasabing pagkakamali? Bakit hindi magiliw na sabihin, “Ikinalulungkot ko na ikaw ay nabalisá nang husto”? Magpakita ng pagkabahala sa pagiging madamdamin ng iyong kabiyak, pagkatapos magkasamang tingnan kung paano itutuwid ang pagkakamali. “Karangalan sa tao na mag-ingat sa pakikipagkaalit.”​—Kawikaan 20:3.

      Paggalang: “Ang susing salita sa pagkilala sa pagkakaiba ng isa’t isa at magkasamang paglutas dito ay paggalang. Ang mahalaga sa isang kabiyak ay maaaring hindi mahalaga sa isa. Gayunpaman, maaaring igalang sa tuwina ng bawat isa ang pangmalas ng isa.” (Keeping Your Family Together When the World Is Falling Apart) “Sa kapalaluan ay pagtatalo lamang ang dumarating, ngunit karunungan ang nasa mga nagsasanggunian.”​—Kawikaan 13:10.

      Pagpapatawa: Ang pinakamadilim na mga ulap ng problema ay maaaring maglaho sa pamamagitan ng masarap na pagtawa na magkasama. Ito’y umaalun-alon sa mga buklod ng pag-ibig at pinagiginhawa ang tensiyon na kadalasang sumusugpo sa malinaw na pag-iisip. “Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha.”​—Kawikaan 15:13.

      Pagbibigay: Humanap ng positibong mga bagay na mapahahalagahan mo tungkol sa iyong kabiyak at saganang papurihan. Ang pinakahahangad na mga bagay na ito ay higit na nakapagpapagalak sa puso kaysa isang sedang kurbata o pumpon ng mga bulaklak. Mangyari pa, maaari ka ring bumili o gumawa ng magagandang bagay para sa isa’t isa. Subalit “ang pinakamagandang regalong maibibigay mo,” sabi ng aklat na Lifeskills for Adult Children, “ay hindi ang materyal na mga bagay. Ito’y ang mga kapahayagan ng iyong pag-ibig at pagpapahalaga, ang iyong pampatibay-loob, at ang iyong tulong.” “Salitang sinalita sa kaukulan ay gaya ng mga mansanas na ginto sa mga bilaong pilak.”​—Kawikaan 25:11.

      Kung ang mga katangiang ito ay maihahambing sa mga bloke ng pagtatayo ng kaugnayang pangmag-asawa, kung gayon ang komunikasyon ang argamasang kinakailangan upang masemento ang mga ito. Kaya, ano ang magagawa ng mag-asawa kapag bumangon ang mga di-pagkakaunawaan? “Sa halip na malasin ang kakaibang pangmalas ng iyong kabiyak bilang isang pinagmumulan ng away, . . . malasin ito bilang isang pinagmumulan ng kaalaman. . . . Ang mga detalye ng araw-araw na buhay ay nagiging isang minahang ginto ng impormasyon,” sabi ng aklat na Getting the Love You Want.

      Kaya nga, malasin ang bawat okasyon ng di-pagkakaunawaan hindi bilang pampagalit, kundi bilang isang mahalagang pagkakataon upang magkaroon ng matalinong unawa sa isang ito na iyong minamahal. Magkasamang tanggapin ang hamon na lutasin ang pagkakaiba at maglayag tungo sa mapayapang mga daungan ng pagkakasundo, sa gayo’y pinatitibay ang mga buklod, pinatitindi ang pag-ibig na gumagawa sa inyong dalawa na maging isa.

      Nakikita ng Diyos na Jehova ang kagandahan sa pagtutulungan kaya inilakip niya ito sa kaniyang mga nilikha​—sa pagbibigayan ng siklo ng oksiheno na nagaganap sa pagitan ng mga halaman at ng mga hayop, ang mga orbita ng makalangit na mga bagay, ang simbayotikong kaugnayan sa pagitan ng mga insekto at mga bulaklak. Gayundin sa pagsasama ng mag-asawa, doon ay maaaring umiral ang isang masiglang siklo kung saan tinitiyak ng asawang lalaki, sa salita at sa gawa, sa kaniyang asawang babae ang kaniyang pag-ibig at ang isang nagtitiwala, maibiging asawang babae ay nasisiyahang sumusunod sa kaniyang pangunguna. Sa gayon, ang dalawa ay talagang nagiging isa, na nagdadala ng kagalakan sa isa’t isa at sa Pinagmulan ng pag-aasawa, ang Diyos na Jehova.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share