-
Nang Wala Pang KrimenGumising!—1998 | Pebrero 22
-
-
Nang Wala Pang Krimen
MAGUGUNIGUNI mo ba ang isang daigdig na walang krimen? Malamang na hindi kung nabasa mo na ang mga balita na gaya niyaong lumabas sa pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung: “Ang mga dalubhasa sa krimen ay nag-uusap tungkol sa bagong saklaw ng krimen. Ang kanilang mga pahayag ay punô ng agam-agam at ang larawang ipinipinta nila ay kakila-kilabot.”
Ayon sa isang surbey noong 1995 sa libu-libong Europeo, halos lahat ay nag-aalala na mabiktima ng krimen. Sa Alemanya, Netherlands, Poland, Russia, at sa United Kingdom, ang krimen ang nangunguna sa listahan ng lubhang kinatatakutan ng mga tao. Ang takot sa krimen ay pumangalawa sa Denmark, Finland, at Switzerland at pumangatlo sa Pransiya, Gresya, at Italya. Sa 12 bansang sinurbey, ang Espanya lamang ang hindi nagtala sa krimen sa unang tatlong dahilan ng takot.
Ang dami ng krimen ay lubhang tumaas sa Silangang Europa. Sa ilan sa mga bansang ito, ang pagdami ay sa pagitan ng 50 at 100 porsiyento, samantalang sa iba pang bansa, ito’y mula pa nga sa 193 hanggang 401 porsiyento!
Gayunman, noon, may isang daigdig na walang krimen. Kailan iyon, at paano napahamak ang daigdig na iyon?
Saan Nagsimula ang Krimen?
Ang krimen, na binibigyang-kahulugan bilang “isang malubhang paglabag sa batas,” ay nagsimula sa dako ng mga espiritu. Ang unang mga tao, sina Adan at Eva, ay hindi nilalang na may hilig na gumawa ng krimen, ni sila man ang tanging may pananagutan sa pagpapasimula ng krimen sa lipunan ng tao. Pinahintulutan ng isang sakdal na espiritung anak ng Diyos ang maling mga kaisipan na mag-ugat sa kaniyang puso, na, nang lumaki, ay humantong sa krimen. Ang isang iyon ang may pananagutan sa pagpapasama sa daigdig na dati’y walang krimen. Sa pamamagitan ng paglabag sa batas ng Diyos, ginawa niya ang kaniyang sarili na isang kriminal, at siya’y ipinakilala sa Bibliya bilang si Satanas na Diyablo.—Santiago 1:13-15; Apocalipsis 12:9.
Palibhasa’y tumahak sa landasin ng pagsalansang sa Diyos sa di-nakikitang kalangitan, si Satanas ay determinadong palaganapin ang kaniyang kriminal na mga paraan sa mga tao sa lupa. Ang ulat ng Bibliya tungkol sa kung paano ginawa ito ng Diyablo ay maikli at payak, subalit totoo. (Genesis, kabanatang 2-4) Dahil sa nailigaw ng tuso at nakahihigit-sa-taong kriminal na ito, sina Adan at Eva ay hindi sumunod sa mga pamantayan ng Diyos. Naging mga kriminal sila nang suwayin nila ang Diyos. Nang maglaon, walang alinlangan na nasindak sila nang magpakalabis pa ang kanilang panganay na anak, si Cain, nang kunin niya sa kaniyang kapatid na si Abel ang pinakamahalagang pag-aari nito, ang buhay mismo!
Kaya nga, sa unang apat na taong nanirahan sa lupa, tatlo ang naging mga kriminal. Sa gayon ay naiwala nina Adan, Eva, at Cain ang kanilang pagkakataong mabuhay sa isang daigdig na walang krimen. Sa tinagal-tagal ng panahon, bakit tayo nakatitiyak na malapit na ngayon ang gayong daigdig?
-
-
Bigong Pakikibaka Laban sa KrimenGumising!—1998 | Pebrero 22
-
-
Bigong Pakikibaka Laban sa Krimen
“ANG krimen ay masusugpo sa magdamag kung ang lahat ay kusang magsisikap,” isang dating hepe ng Metropolitan Police ang siniping nagsabi sa Liverpool Daily Post ng Inglatera. Oo, kung lahat ay susunod sa batas, mawawala ang krimen.
Gayunman, sa karamihan ng mga lugar ay dumarami ang krimen. Ang mga salitang binigkas libu-libong taon na ang nakalipas ay kumakapit sa ating panahon: “Nasira ang lupa sa paningin ng tunay na Diyos at napuno ng karahasan ang lupa.” (Genesis 6:11)—Tingnan ang kahon sa kabilang pahina.
Nagsisimula sa Maliliit na Bagay ang Krimen
Sa pamamagitan ng paglabag sa batas sa maliliit na bagay, ang isa ay maaaring makondisyon na lumabag dito sa mas malalaking bagay. Upang itimo ang bagay na ito sa kaniyang mga estudyante, isang guro ang nagpaliwanag: “Ang mga manloloob ng bangko ay nagsisimula sa pagnanakaw ng mga lapis sa paaralan.”
Nang maglaon, ano ang kadalasang nangyayari sa dako ng trabaho? Ang mga tao’y hindi pumapasok sa trabaho dahil sa sinasabing pagkakasakit at pagkatapos ay tumatanggap ng mga benepisyo na hindi naman nararapat sa kanila. Ang pandarayang ito ay higit na karaniwan kaysa sa maaaring isipin ng isa. Halimbawa, sa Alemanya, 6 na porsiyento ng mga araw na iniuulat ng mga manggagawa na sila’y maysakit ay pumapatak kung Miyerkules, 10 porsiyento kung Martes, at 16 na porsiyento kung Huwebes, subalit biglang taas na 31 porsiyento ang pumapatak kung Lunes, na nahihigitan ng 37 porsiyento kung Biyernes! Talaga bang mas nagkakasakit ang mga tao kung Lunes at Biyernes, o ito ay isa lamang anyo ng pagnanakaw?
Sino ang mga Kriminal?
Mangyari pa, ang krimen na ginagawa ng ordinaryong mga tao ay karaniwan nang may ibang epekto kaysa roon sa ginagawa ng mga taong nasa kapangyarihan. Noong mga unang taon ng 1970, ang Estados Unidos ay niyanig ng isang pulitikal na krimen na gayon na lamang katindi anupat ang pangalang naugnay dito ay naging bahagi pa nga ng wikang Ingles.
Ang “Watergate,” ayon sa Barnhart Dictionary of New English, ay isang “iskandalo, lalo na yaong nagsasangkot sa isang pagsisikap na ikubli ang nakapipinsalang impormasyon o ilegal na mga gawain.”a Saka idinagdag nito: “Ang suliranin sa Watergate ay nag-iwan ng matinding impluwensiya sa wika noong dekada ng 1970. Ang salita ay lumikha ng iba’t ibang imbentong salita at ang panlagom na anyong -gate, ay idinurugtong sa ibang salita upang magpahiwatig ng iskandalo o katiwalian.”
Mula noon ang anumang dami ng mga Watergate ay nagpakita na laganap ang krimen, kahit na doon sa mga dapat ay maging huwaran sa pagsunod sa batas. Sa Hapón ang katiwalian sa pulitika ay naging palasak anupat kailangang magpasa ng bagong mga batas noong unang mga taon ng 1990 upang labanan ito. Noong 1992 ang pangulo ng Brazil ay ibinagsak dahil sa mga paratang na katiwalian.
Hindi ba maliwanag na ang paggawa ng kamalian niyaong mga nasa posisyon ng kapangyarihan, pati na ng mga magulang, mga guro, at mga tagapagpatupad ng batas, ay nakaiimpluwensiya sa kriminal na gawain ng masa?
Hindi Sapat ang Mabubuting Intensiyon
Karamihan ng mga tao ay sasang-ayon na gustong alisin ng mga pamahalaan ang krimen. Subalit, isang retiradong opisyal ang nagsabi ng ganito tungkol sa kaniyang bansa: “Kakaunti ang nagawa ng pamahalaan upang kumilos nang mabilis at mahusay ang sistema ng hustisya. Walang sapat na mga hukom, kaya ang kakaunting mayroon tayo ay sobrang dami ang trabaho. Ang puwersa ng pulisya ay kulang ng mga tauhan at kulang ng kagamitan. Ang mga pulis kung minsan ay hindi nasusuwelduhan sa panahon, anupat lubhang nakatutukso para sa kanila na tumanggap ng mga suhol.”
Ang pahayagan sa Italya na La Civiltà Cattolica ay dumaraing dahil sa “kawalang-kakayahan ng Estado na lutasin ang organisadong krimen” at pagkatapos ay binanggit nito: “Ang pananagutan ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas at hukuman upang labanan ang krimen ay kinikilala, subalit maliwanag na wala itong epekto sa organisadong krimen; sa kabaligtaran, ang lakas at kapangyarihan nito ay tumitindi.”
Ang mabubuting intensiyon ng pamahalaan upang labanan ang krimen ay maliwanag na hindi sapat. Ganito ang angkop na sinabi ni Anita Gradin, komisyonado sa Europa para sa pandarayuhan at hudisyal na mga bagay: “Kailangan natin ang mas mahusay at mas mabisang mga paraan ng pagtutulungan sa pakikibaka laban sa pagpupuslit at ilegal na pagbebenta ng droga, sa pagpupuslit ng mga tao sa isang bansa at sa ilegal na pandarayuhan, organisadong krimen, pandaraya at katiwalian.”
Hanggang Saan ang Pananagutan ng mga Opisyal ng Batas?
Kinukuwestiyon ng ilan kung hanggang saan ang pananagutan ng mga awtoridad sa pakikibaka sa krimen. Ang dating inspektor heneral ng pulisya sa isang bansa ay nagsabi na ang lahat, kahit sa hayagan man lamang, “ay kumokondena sa katiwalian at sa mga krimen sa kabuhayan.” Gayunman, ang sabi niya, wala namang tunay na pagnanais ang lahat na alisin ang krimen at katiwalian. Maliwanag na minamalas ng parami nang paraming tao—pati na ng mga opisyal ng batas—ang panunuhol, pandaraya, at pagnanakaw bilang katanggap-tanggap na paraan upang umasenso.
Ang bagay na ang marami “na gumagawa ng krimen ay nakalulusot,” gaya ng pagkakasabi rito ng isang opisyal ng adwana, ay walang alinlangang isang dahilan sa pagdami ng krimen. Halimbawa, binabanggit ng lathalaing Ruso ang tungkol sa “walang kahirap-hirap na paglusot ng mga kriminal.” Ito, sabi pa ng lathalain, “ay waring nagpapalakas sa loob ng ordinaryong mga mamamayan na gawin ang pinakamalupit na mga krimen.” Ito ay gaya ng sinabi ng manunulat ng Bibliya mga 3,000 taon na ang nakalipas: “Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi isinasagawa agad, kaya’t ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubos na nagagalak sa paggawa ng kasamaan.”—Eclesiastes 8:11.
Hindi pagmamalabis na sabihing ang mga pamahalaan ay bigo sa pakikibaka laban sa krimen. Ang pahayagang Aleman na Rheinischer Merkur ay nagkokomento: “Ang takot ng publiko sa pagdami ng mararahas na krimen ay napakatindi at hindi maiibsan ng karaniwang awayan ng pulitikal na partido ni sa pamamagitan ng mga estadistika na nagsasabing ang kalagayan ay hindi naman gaanong masama na gaya ng inaakala.”
Sa halip na ang krimen ay hindi naman gaanong masama na gaya ng inaakala, waring ang kabaligtaran ang siyang mas totoo. Subalit, may pag-asa pa. Palapit na nang palapit ang isang daigdig na walang krimen, at maaaring patuloy kang mabuhay upang makita ito. Ipakikita sa iyo ng susunod na artikulo kung bakit namin sinasabi ito.
[Talababa]
a Ito ang ipinangalan sa suliranin sa Watergate sapagkat sa gusaling ito na may gayong pangalan nabunyag ang anomalya nang ito’y pasukin. Ang iskandalo sa wakas ay humantong sa pagbibitiw sa tungkulin ni Pangulong Richard Nixon ng Estados Unidos at sa pagkabilanggo ng ilan sa kaniyang mga punong tagapayo.
[Blurb sa pahina 6]
Minamalas ng maraming tao ang krimen bilang isang katanggap-tanggap na paraan upang umasenso
[Kahon sa pahina 5]
Isang Lupang Punô ng Karahasan
BRAZIL: “Bilang reaksiyon sa lumalaking daluyong ng karahasan, daan-daang libong tao ang pumuno sa mga lansangan sa bayan [ng Rio de Janeiro], na nagpapahayag ng takot at galit sa krimen na bumihag sa kanilang lunsod.”—International Herald Tribune.
TSINA: “Ang mga gangster ay nagbabalik sa Tsina at ang malalaking krimen ay tila hindi masawata. . . . Sinasabi ng mga dalubhasang Tsino na ang bilang ng mga gang at ‘mga lihim na samahan’ ay mabilis na dumarami anupat di na mabilang ito ng mga pulis.”—The New York Times.
ALEMANYA: “Ang agwat sa pagitan ng pagiging handang gumawa ng karahasan at ng kalagayan na nagtutulak sa isa na gawin ito ay lumiliit. Kaya hindi kataka-taka na ang karahasan ay naging pang-araw-araw na pangyayari.”—Rheinischer Merkur.
GRAN BRITANYA: “Ang antas ng karahasan ay tumaas at mas malamang na gamitin ng manlalabag ang karahasan bilang unang hakbang.”—The Independent.
IRELAND: “Ang mga sindikatong istilong-Mafia ay nag-ugat na sa mataong Dublin at sa mas mahihirap na karatig-pook nito sa kanluran. Ang mga gang ay lalong lubhang nasasandatahan.”—The Economist.
MEXICO: “Mabilis na dumami ang krimen sa napakaikling panahon anupat ito’y nakatatakot.”—The Wall Street Journal.
NIGERIA: “Ang yunit ng pamilya, mga simbahan, moske, paaralan at mga samahan ay nabigo sa kanilang tungkulin na hadlangan ang mga kabataan na masangkot sa krimen, ayon sa tagapagsalita ng pulisya, si G. Frank Odita.”—Daily Champion.
PILIPINAS: “Anim sa bawat sampung pamilya sa Pilipinas ang nagsasabing hindi sila ligtas sa kani-kanilang tahanan o sa mga lansangan.”—Asiaweek.
RUSSIA: “Binago ng mga gang na tulad-Mafia ang isang lunsod na noong mga panahong Sobyet ay isa sa pinakaligtas sa daigdig tungo sa isang tunay na lunsod ng krimen. . . . ‘Sa aking 17 taon sa pagpapatrol,’ ang sabi ng tenyente ng pulisya na si Gennadi Groshikov, ‘ngayon lamang ako nakakita ng ganitong karaming krimen sa Moscow, at ng ganitong kasamang bagay.’”—Time.
TIMOG APRIKA: “Ang di-mapigil at talagang di-masugpong karahasan ay nagbabanta sa bawat isa sa atin, at sa lahat ng ating ginagawa—at dapat na tayong kumilos.”—The Star.
TAIWAN: “Sa Taiwan . . . ang mabilis na pagdami ng panloloob, pagsalakay at pagpaslang ay unti-unting pumasok sa lipunan . . . Sa katunayan, ang krimen ay parami nang parami at sa ilang kaso ay nahihigitan pa yaong sa mga bansa sa Kanluran.”—The New York Times.
ESTADOS UNIDOS: “Ang E.U. ang pinakamarahas na bansa sa industriyalisadong daigdig. . . . Walang ibang industriyalisadong bansa ang katulad nito.”—Time.
-
-
Malapit Na ang Isang Daigdig na Walang Krimen!Gumising!—1998 | Pebrero 22
-
-
Malapit Na ang Isang Daigdig na Walang Krimen!
KAPAG sinuri natin ang kalagayan ng daigdig sa ngayon, maliwanag na napakahirap maiwasan ang maimpluwensiyahang gumawa ng masama. Ang totoo, tayong lahat ay isinilang na di-sakdal, may hilig na gumawa ng masasamang bagay. (1 Hari 8:46; Job 14:4; Awit 51:5) At mula nang palayasin sa langit si Satanas na Diyablo, lalo siyang nagsisikap na lumikha ng gulo.—Apocalipsis 12:7-12.
Kakila-kilabot ang ibinunga. Halimbawa, isiniwalat ng isang surbey sa 4,000 bata sa Scotland na dalawang katlo ng mga may edad na nasa pagitan ng 11 at 15 ang nakagawa na ng mga krimen. Ipinakita ng isang surbey sa buong Britanya na halos bawat ikatlong tin-edyer ay walang pagkatigatig ng budhi tungkol sa pang-uumit sa mga tindahan. At mahigit sa kalahati ang umamin na kung sila’y bibigyan ng sobrang sukli, itatago nila iyon.
Ipinakikita ng Italyanong aklat na Lʹoccasione e lʹuomo ladro (Ang Pagkakataon at ang Magnanakaw) kung bakit nagnanakaw ang mga tao. Sinabi ng aklat na ang mga magnanakaw ay may “mahinang kakayahan na pigilan ang sarili” at na sila’y “walang kakayahang ipagpaliban ang kasiyahan.” Sinabi pa ng aklat na karamihan sa mga magnanakaw ay hindi mga propesyonal kundi “mga oportunista [lamang] na handang magsamantala sa situwasyon.”
Kapansin-pansin, binanggit din ng aklat kung bakit maraming tao ang “umiiwas sa paglabag sa batas.” Ito’y naghinuha na ang dahilan ay hindi ang kanilang “takot sa legal na mga parusa kundi dahil sa mayroon silang mga pamantayang moral na humahadlang sa kanila sa paggawa nito.” Saan matututuhan ng mga tao ang gayong wastong mga pamantayang moral?
Ang Kailangang Edukasyon
Buweno, isaalang-alang kung ano ang natututuhan mula sa maraming pinagmumulan ng komunikasyon. Halimbawa, ang mensahe na karaniwang inihahatid ng mga pelikula at telebisyon ay na ang karahasan, pangangalunya, at abusadong paggawi ay katanggap-tanggap. Kung gayon, hindi kataka-taka na ang mga tao ay halos wala nang pagpipigil sa sarili. Sa kabilang dako, ang Bibliya ay may katalinuhang nagtuturo: “Siyang mabagal magalit ay mas maigi kaysa isang taong makapangyarihan, at siyang nagpipigil ng kaniyang diwa ay mas maigi kaysa isang sumasakop sa isang siyudad.”—Kawikaan 16:32.
Kung isasaalang-alang ang propaganda sa ngayon, hindi dapat ipagtaka na marami ang “walang-kakayahang iantala ang pagbibigay-kasiyahan.” Paulit-ulit, naririnig ng mga tao: “Bumili ngayon at saka na magbayad.” “Maging mabait ka sa iyong sarili.” “Karapat-dapat ka sa pinakamabuti.” “Dapat na ikaw muna.” Ang pagbibigay-kasiyahan sa sarili ay inihaharap na kapuwa normal at wasto. Subalit ang gayong makasariling pangmalas ay salungat sa turo ng Bibliya na “itinutuon ang mata, hindi sa personal na interes ng inyong sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba.”—Filipos 2:4.
Hindi ka ba sasang-ayon na ang karamihan sa mandaraya ay mga oportunista? Nakalulungkot nga, parami nang paraming tao ang handang samantalahin ang mga kalagayan para sa kanilang sariling pakinabang. Hindi sila nagtatanong kung ang isang gawa ay tama sa moral na paraan. Ang ikinababahala lamang nila ay, ‘Malusutan ko kaya ito?’
Ano ang kinakailangan? Gaya ng nabanggit kanina, kailangan ang mga pamantayang moral. Hahadlangan nito ang mga tao sa paggawa ng krimen, sa di-pagpansin sa kabanalan ng buhay, sa paglapastangan sa pagiging sagrado ng pag-aasawa, sa paglampas sa mga hangganan ng tamang paggawi, at sa pakikialam sa mga karapatan ng iba. Yaong mga hindi natuto ng mga pamantayang ito, gaya ng sinasabi ng Bibliya, ay “nawalan ng lahat ng pakiramdam sa kabutihang-asal.” (Efeso 4:19) Ang kriminal na paggawi ng hindi makadiyos na mga taong ito ang humahadlang sa atin sa pagtatamasa ng isang daigdig na walang krimen.
Kung Paano Darating ang Isang Bagong Sanlibutan
Mangyari pa, sinisikap ng maraming tao na gawin ang kanilang buong makakaya upang maging tapat, mapakitunguhan ang kanilang kapuwa tao nang may paggalang at konsiderasyon, at maiwasan ang mga gawang labag sa batas. Subalit hindi makatuwirang isipin na ang lahat sa daigdig ay gagawa ng ganitong pagsisikap. Marami ang hindi magsisikap, kung paanong ang karamihan na nabuhay noong kaarawan ng matuwid na taong si Noe ay ayaw gumawa ng kung ano ang tama. Sa daigdig na iyon na punô ng karahasan, tanging si Noe at ang kaniyang pamilya ang umiwas sa hindi makadiyos na paggawi, sa gayo’y nakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa pamamagitan ng paglipol sa mga hindi makadiyos noong pangglobong Delubyo, pinangyari ng ating Maylalang na umiral ang isang daigdig na pansamantalang walang krimen.
Mahalagang tandaan na ang ulat ng Bibliya tungkol sa Baha at sa pagkalipol ng mga taong hindi makadiyos ay hindi lamang isang kawili-wiling kuwento. Si Jesu-Kristo ay nagpaliwanag: “Kung paanong naganap nang mga araw ni Noe, magiging gayundin sa mga araw ng Anak ng tao.” (Lucas 17:26; 2 Pedro 2:5; 3:5-7) Kung paanong pinuksa ng Diyos ang marahas na daigdig na iyon bago ang Baha, pupuksain din niya ang daigdig na ito na punô ng krimen.
Taglay natin ang sumusunod na katotohanan mula sa isang mapagkakatiwalaang awtoridad, gaya ng ipinahayag ng minamahal na apostol ni Jesus na si Juan: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Ang wakas ng sanlibutang ito ay magbibigay-daan sa isang bagong sanlibutan kung saan, sinasabi ng Bibliya, “[Ang Diyos] ay tatahang kasama [ng sangkatauhan], at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Sa paglalarawan kung paano darating ang bagong sanlibutang iyon, sinasabi rin ng Bibliya: “Kung tungkol sa mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa; at ang mga magdaraya, sila’y bubunutin dito.” (Kawikaan 2:22) Palibhasa’y ang mga matuwid lamang ang matitira sa lupa, matutupad ang hulang ito ng Bibliya: “Ang maaamo mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
Sa bagong sanlibutan ng Diyos, maging ang mga hayop ay hindi na magiging marahas. Ganito ang hula ng Bibliya: “Ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabaing hayop na magkakasama; at isa lamang munting batang lalaki ang papatnubay sa kanila. . . . Hindi sila gagawa ng anumang pinsala o magpapangyari ng anumang pagkasira sa aking buong bundok na banal; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova kung paanong ang mga katubigan ay tumatakip sa mismong dagat.”—Isaias 11:6-9; 65:17; 2 Pedro 3:13.
Malapit Na ang Bagong Sanlibutan ng Diyos
Ang mabuting balita ay na ang mapayapang mga kalagayang ito ay malapit nang magkatotoo sa buong lupa. Bakit tayo nakatitiyak? Dahil sa inihula ni Jesus na mangyayari sandaling panahon bago ang wakas ng sanlibutan. Kabilang sa mga bagay na ito, inihula niya: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako.” Isinusog pa niya: “Dahil sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.”—Mateo 24:7, 12.
Inihula rin ng isang apostol ni Jesus: “Sa mga huling araw [ng sanlibutang ito] ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, . . . mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, . . . mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-5) Tunay, tayo’y nabubuhay na sa “mga huling araw” ng sanlibutang ito! Samakatuwid, malapit nang palitan ito ng matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos!
Nakumbinsi ang milyun-milyon sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya na posible nga ang isang daigdig na walang krimen, at sila’y tumutugon sa paanyaya na paturo sa mga daan ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. (Isaias 2:3) Gusto mo bang sumama sa kanila? Handa ka bang gumawa ng pagsisikap na matamo ang buhay sa isang bagong sanlibutang walang krimen?
Ipinakita ni Jesus kung ano una sa lahat ang kailangan. Siya’y nagpaliwanag: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” Kaya nga, ang iyong walang-hanggang kapakanan ay depende sa iyong pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagkilos ayon sa iyong natutuhan.—Juan 17:3.
-