Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Krimen Ba ay Isang Tunay na Panganib sa Iyo?
    Gumising!—1986 | Enero 8
    • Ang Krimen Ba ay Isang Tunay na Panganib sa Iyo?

      Naranasan mo na ba na ikaw ay saktan sa pagtatangkang pagnakawan, o may nakikilala ka ba na naranasan ang gayon?

      Natatakot ka bang lumabas sa mga lansangan minsang lumubog na ang araw? O kung ikaw ay natatakot, ikaw ba ay gumagawa ng mga pag-iingat?

      Iniiwasan mo ba ang sumakay sa subwey o sa sasakyang pampubliko sa tiyak na mga oras sa araw?

      Kung mayroon kang maliliit na anak, binabalaan mo ba sila tungkol sa pakikipag-usap sa mga estranghero?

      Ikaw ba ay nag-aalala na ang iyong mga anak ay maaaring salakayin sa paaralan?

      Mayroon ka bang mahigit sa isang kandado sa iyong pinto? Mayroon ka bang alarma sa magnanakaw o isang pantanging kandado sa iyong kotse? Ikinakandado mo ba ang iyong bisikleta kung ipinaparada mo ito sa kalye?

      Kung ang mga sagot mo ay oo sa alinman sa mga tanong na ito, kung gayon nahihiwatigan mo na ang krimen ay isang tunay na panganib sa iyo.

      SA NAKALIPAS na mga taon ang mga tao ay higit at higit na nabahala sa krimen. Bakit? Sapagkat naapektuhan nito ang kanilang lugar, mga kaibigan, pamilya, at sila mismo. Gaya ng paulong-balita rito ng The New York Times, “Takot sa Krimen ay Bahagi na Ngayon ng Pamumuhay sa Lunsod.” Ang artikulo ay nagpapatuloy sa pagsasabi: “Para sa mga maninirahan sa Lunsod ng New York, ang mayaman pati na ang mahirap, ang krimen ay hindi na isang bagay na nangyayari sa ibang tao. Laganap ito sa lunsod, at gumawa ng mga pagbabago​—ang ilan ay bahagya, ang ilan ay matindi​—sa pamumuhay ng mga tao.” At iyan ay hindi lamang kumakapit sa New York kundi sa maraming iba pang lunsod sa buong daigdig.

      Krimen​—Isang “Malaking Negosyo” sa Daigdig

      INDIA: Ang krimen ay hindi lamang isang suliraning Amerikano. Ito ay isang salot sa daigdig. Halimbawa, binanggit ng magasing India Today ang tungkol sa hilagang estado ng Bihar bilang isang “Kaharian ng mga Kidnaper.” Sabi ng isang kapatid na lalaki ng isang biktima ng pangingidnap: “May ganap na malaking takot. Kami ay hindi na lumalabas ng aming mga bahay paglubog ng araw. Nabubuhay kami sa takot.” Ang paulong-balita ng isa pang pahayagan ay, “Ang Organisadong Krimen ay Isang Malaking Negosyo sa India.”

      ITALYA: Ang Italya ay mayroon ding mga suliranin sa krimen​—hindi lamang sa Mafia. Nariyan din “ang Camorra, isang kriminal na imperyo na itinatag mahigit na isang siglo ang nakalipas na kahawig ng Sicilian Mafia, isang estado sa loob ng isang estado,” sang-ayon sa The Washington Post. Ang kriminal na lipunang ito “ay pinaniniwalaang siyang may pananagutan sa halos 1,000 mga sadyang pagpatay sa nakalipas na tatlong taon,” sabi ng pahayagan ding iyon.

      HAPON: Ang krimen ay isa ring suliranin sa lipunang Hapones. Isang pahayagan kamakailan ang nag-ulat na ang Hapon ay may 2,330 mga pangkat ng krimen na kilala ng mga pulis, na may kabuuang halos 100,000 mga maton.

      TSINA: Ang pamahalaan ay gumawa ng mahigpit na mga paraan sa pagsisikap na bawasan ang “dumaraming problema [nito] sa krimen,” sang-ayon sa Far Eastern Economic Review. Kung minsan ang mga mamamatay-tao at mga manggagahasa ay binibitay sa publiko, at ang iba pang mga kriminal ay ipinaparada sa mga lansangan na may mga nakabiting plakard sa kanilang mga leeg na nagsasabi ng kanilang pangalan at ng kanilang mga krimen.

      BRAZIL: Ipinakikita ng isang surbey na isinagawa sa São Paulo at Rio de Janeiro na 65 porsiyento ng populasyon ay sadyang iniiwasan ang kilalang mapanganib na mga dako; 85 porsiyento ang hindi na nagsusuot ng mga alahas o nagdadala ng mga mahahalagang bagay kapag sila ay umaalis ng bahay. Mahigit na 90 porsiyento ng mga tinanong ay nag-aakala na maaari silang salakayin sa anumang panahon.

      NIGERIA: Ang krimen ay bahagi rin ng buhay sa mga bansang Aprikano. Sumusulat sa New Nigerian, ang kabalitaang si A. Adamu ay nagpaliwanag: “Ang panloloob, armadong pagnanakaw, panununog, sadyang pagpatay at paglumpo, ang nakatatakot na kalupitan sa pagsasagawa nito sa bansang ito ngayon ay nag-iiwan sa isa na tulala at litô kung paano mailalarawan ang katayuan ng malaking takot at pagkabalisa na nilikha ng krimen sa isipan ng marami.”

      Ang katotohanan ay, ang takot sa krimen ay unti-unting lumalaganap sa karamihan ng malalaking lunsod. Ang malawakang pagkadama na ito sa krimen ay sumusugpo sa masunurin-sa-batas na bahagi ng lipunan. At ang mga tao ay sawà na sa pananakot at kakulangan ng proteksiyon. Kaya kapag ang isang mamamayan ay gumanti laban sa mga kriminal, marami ang nagkakaroon ng simpatiya sa kaniya.

      Subalit bakit ba napakaraming tao ang bumabaling sa krimen? Maaari kaya na, salungat sa dating kasabihan, may napapala nga sa krimen?

  • May Napapala Ba sa Krimen?
    Gumising!—1986 | Enero 8
    • May Napapala Ba sa Krimen?

      “Walang sinuman ang lumalabas at gumagawa ng krimen sapagkat sila ay nagugutom ngayon,” sabi ni Alkalde Koch ng New York. “Kaya nga bakit nagagapi ang mga tao na gumawa ng krimen?” Sabi pa niya: “Sapagkat mas malamang na hindi ka mahuli. Kung mayroon kang 500,000 o higit pa na nagawang krimen, mga 100,000 lamang nito ang nagwawakas sa mga pag-aresto at 2 porsiyento lamang ang nagtutungo sa bilangguan. Yaon . . . ang mga kalamangan.”

      MANGYARI pa, ang opinyon ni Alkalde Koch ay isa lamang aspekto ng napakamasalimuot na problema​—ang mga sanhi ng krimen. Gayumpaman, ito ay mahalagang punto. Kung ang uring kriminal sa anumang bansa ay naniniwala na may kaunting posibilidad na mahuli, mas malamang na sila ay magpatuloy sa kanilang pinakikinabangang karera.

      Kadalasan ang pangunahing pangganyak sa krimen ay ang pagnanasa sa salapi. Ang ninakaw na bagay ay madaling nagiging pera. At ano ang pinakamalaking pinagkakakitaan ng pera sa daigdig ngayon? Narito ang isang himaton: “Kung may isang korporasyon na nagbibili ng cocaine ngayon sa Estados Unidos, ang $30 bilyon [$30,000 milyon] na taunang buwis nito ay maglalagay rito na ikapito sa 500 mga korporasyon na itinala ng Fortune.” (The New York Times) At iyan ay kumakatawan lamang sa isang droga​—cocaine! Kung pagsasamahin natin ang lahat ng salapi na pumapasok sa lahat ng pangangalakal ng droga sa buong daigdig, ang bilang ay maaaring makalito sa isipan. Ang krimen at mga droga ay nagbabayad ng malaking ganansiya sa mga tao sa buong daigdig. Ang mga milyonaryo dahilan sa droga ay nagtatayo ng magastos na mga villa at maluhong mga tahanan para sa kanilang mga sarili. Para sa kanila, may napapala sa krimen. Ngunit paano nila nalulusutan ito?

      Bakit Umuunlad ang Krimen?

      Kabilang sa sarisaring kadahilanan sa pag-unlad ng krimen, isa ang pangunahin​—ang depekto sa sistema ng hustisya sa maraming bansa. Ano ito? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi isinasagawa agad kaya naman ang tao ay matapang sa paggawa ng masama.” (Eclesiastes 8:11, The New English Bible) Ang sinaunang kasabihang iyan marahil ay mas angkop sa ngayon, kung saan sa maraming dako ng daigdig ang mabagal na pamamaraan ng batas ay pabor sa mga kriminal. Isang abugado sa California ang nagsabi: “Ang isa sa pinakamabuting depensa ay ang pag-antala.” Ang mga alaala ay lumalabo at kung minsan ang pangganyak upang ipagpatuloy ang kaso ay naglalaho dahilan sa lahat ng problema na dulot nito sa mga biktima.​—Tingnan ang pahina 6, “Ang Kawalang Katarungan ng Sistema sa Krimen.”

      Para sa marami, may napapala sa krimen​—malaki. At sino ang nagbabayad ng halaga? Ang karaniwang tao ang nagbabayad, lalo na ang mahihirap sa lipunan na siyang hindi gaanong protektado. Binanggit ni Senador D’Amato ng E.U. sa isang liham sa kapuwa mga taga-New York na may “kaunting depekto sa dami ng krimen.” Subalit susog niya: “Ikinakandado pa natin nang husto ang ating mga pintuan. Namumuhay pa rin tayo sa takot na lumabas sa gabi, kahit na patungo sa groseri o sa simbahan o sa templo. Kapag tayo ay lumalabas, tinitiyak natin na lumakad kung saan maraming tao at, higit at higit, tinitiyak natin na tayo ay may dalang ‘pera na ibabayad sa mga nananakit.’ Napakaraming mga bagay na dapat pag-isipan ngayon, mga bagay na dati’y hindi natin kinatatakutan. Kung minsan tayo ay takot na takot anupa’t tayo’y nagiging mga bilanggo, samantalang yaong mga dapat na nakakulong ay nakakalaya.”

      Subalit ano’t ang ilan ay bumabaling sa krimen bilang isang paraan ng pamumuhay? Ang kahirapan, gutom, at kawalan ng trabaho ba ang pangunahing mga dahilan?

      [Kahon sa pahina 6]

      Ang Kawalang Katarungan ng Sistema sa Krimen

      Ang sumusunod na paghahambing ng mga epekto ng krimen sa isang kriminal at sa kaniyang biktima ay batay sa isang tsart na inilathala sa The Daily Oklahoman at inihanda ng attorney general ng Oklahoma, si Mike Turpin.

      ANG KRIMINAL

      May mapagpipilian​—gumawa ng krimen o hindi.

      Kung siya ay gagawa ng krimen, maaari siyang (1) mahuli at maaresto

      (ang posibilidad, halos isa sa lima sa Estados Unidos) (2) hindi

      mahuli at malamang na magpatuloy sa masamang buhay.

      Pag-aresto

      1. Dapat ipaalam ang kaniyang mga karapatan.

      2. Kung nasaktan samantalang isinasagawa ang krimen o sa panahon ng pag-aresto, siya ay agad na tumatanggap ng medikal na atensiyon.

      3. Pinaglalaanan ng abugado kung hindi niya kaya ang isa.

      4. Maaaring mapalaya sa piyansa.

      Bago Maglitis

      1. Pinaglalaanan ng pagkain at tuluyan.

      2. Pinaglalaanan ng mga aklat, TV, at paglilibang.

      3. Pinaglalaanan ng medikal na mga pasilidad, pati na ang pagpapayo tungkol sa droga at alkohol.

      Paglilitis

      1. Pinaglalaanan ng hinirang-estado na abugado.

      2. Maaaring makipagtawaran upang mabawasan ang sentensiya.

      3. Maaaring antalahin ang paglilitis at baguhin ang takbo nito.

      4. Maaaring gumamit ng iba’t ibang mga maneobra upang sugpuin

      ang katibayan o mapawalang-sala.

      5. Kung mahatulan (3 porsiyento lamang ng mga krimen ang nauuwi

      sa paghatol), maaari siyang mag-apela.

      Paghatol

      1. Maaaring hindi mabilanggo​—maraming mga mapagpipilian.

      Hatol

      1. Kung ibibilanggo, mayroon siya muling libreng pagkain at tuluyan.

      2. Maaari siyang tumanggap ng lahat ng uri ng medikal at

      sikolohikal na paggamot na sagot ng estado.

      3. Maaaring mapasulong ang edukasyon at magkaroon ng mga

      kasanayan sa trabaho.

      4. Maraming mga programa sa pagpapanibagong buhay ang makukuha.

      5. Dahil sa mabuting ugali at trabaho, maaaring maagang

      mapalaya.

      Pagkalaya

      1. May nakalaang mga programa sa pagtulong at mga pagpapautang.

      Wakas na Resulta

      Ang karamihan ay nagbabalik sa masamang buhay.

      ANG BIKTIMA

      Walang mapagpipilian​—hindi kusang biktima ng krimen.

      Pag-aresto

      1. Kung masaktan, nagbabayad ng sariling gastos sa medisina at

      ambulansiya. Marahil ay binabata ang sikolohikal na mga

      konsikuwensiya habang-buhay.

      2. May pananagutan sa paghahalili ng sariling ari-arian na

      nawala.

      3. May pananagutan sa mga suliraning pangkabuhayan dala ng

      krimen.

      4. Naaabala sa panahon sa pakikipagtulungan sa mga ahensiya na

      nagpapatupad ng batas.

      5. Karaniwan nang hindi pinagbibigyang-alam ng progreso ng kaso.

      Bago Maglitis

      1. Dapat magsaayos at magbayad ng sariling pamasahe patungo sa

      korte at mga tanggapan ng pulisya. Naaabala sa trabaho at

      marahil ay nawawalan ng suweldo.

      2. Hindi pa rin ipinaaalam ang progreso ng kaso.

      Paglilitis

      1. Minsan pang dapat magsaayos at bayaran ang sariling pasahe at

      pagpaparada.

      2. Dapat magbayad ng yaya o iba pang mga gastusin sa tahanan.

      3. Dapat isaysay na muli ang krimen at pasailalim sa napakahirap

      na cross-examination. Isa lamang siyang piraso ng ebidensiya.

      4. Kinakatawan ng prosecuting attorney ang estado, hindi ang

      biktima. Karaniwan nang walang bayad-pinsala sa biktima.

      5. Walang karapatang umapela, kahit na kung ang kriminal ay

      napalaya.

      Hatol

      1. Walang impluwensiya sa disisyon, ng mga pagsamo, o paghatol.

      2. Karaniwang hindi ipinatatawag para sa paghatol.

      Pagkalaya

      1. Kadalasang hindi nasisiyahan sa “katarungan” ng sistema sa

      krimen.

      2. Natatakot sa nakalayang (mga) kriminal at paghihiganti.

      3. Ang trauma ay maaaring magpatuloy habang-buhay.

      Wakas na Resulta

      Hindi iginagalang ang sistema na nakakiling sa paggalang sa mga

      karapatan ng kriminal subalit winawalang-bahala ang mga

      pangangailangan ng biktima.

      [Larawan sa pahina 5]

      Mga droga​—isa sa pinakamalaking pinagkakakitaan ng pera sa daigdig ngayon

  • Ano’t ang Isa’y Nagiging Kriminal?
    Gumising!—1986 | Enero 8
    • Ano’t ang Isa’y Nagiging Kriminal?

      “IPINALAGAY ko na ang kriminal na paggawi ay sintomas ng itinagong mga pagkakasalungatan na resulta ng maagang mga trauma at kaabahan . . . Inakala ko na ang mga tao na bumabaling sa krimen ay mga biktima ng isang sikolohikal na karamdaman, isang mapang-aping kapaligirang panlipunan, o kapuwa. . . . Nakita ko ang krimen na halos isang normal, kung hindi man maaaring ipagpaumanhin, na reaksiyon sa matinding karalitaan, kawalang-kasiguruhan, at pagkasiphayo na naranasan nila.” (Inside the Criminal Mind) (Amin ang italiko.) Iyan ang palagay ng saykayatris na si Stanton Samenow bago niya sinimulang kapanayamin ang daan-daan na mga kriminal.

      Sa isang pagsisikap na ipaliwanag kung bakit ang isang tao ay nagiging kriminal, ang mga saykayatris at iba pang mga dalubhasa ay nagbigay ng iba’t ibang kadahilanan​—kawalan ng trabaho, mahinang edukasyon, malupit na pinagmulang pamilya, di-timbang na pagkain, at sikolohikal na mga panggigipit, kabilang sa iba pang bagay. Bagaman ang mga salik na ito ay maaaring maging impluwensiya, isa pang katotohanan ang hindi maaaring walaing-bahala​—pinagtitiisan ng angaw-angaw na mga tao ang mga kalagayang ito sa araw-araw nang hindi bumabaling sa krimen bilang kalutasan.

      Mga Kriminal​—Mga Biktima o Nambibiktima?

      Pagkatapos ng mahabang pagsusuri, si Dr. Samenow ay nagkaroon ng ibang paglapit. Sulat niya: “Ang diwa ng paglapit na ito ay na pinipili ng mga kriminal na gumawa ng krimen. Ang krimen ay nananahan sa tao at ‘pinangyayari’ ng paraan ng kaniyang pag-iisip, hindi ng kaniyang kapaligiran.” (Amin ang italiko.) “Ang mga kriminal ang sanhi ng krimen​—hindi ang masamang lugar, di-sapat na mga magulang, telebisyon, paaralan, droga, o kawalan ng trabaho.”

      Umakay ito sa kaniya upang baguhin ang kaniyang palagay tungkol sa isipan ng kriminal. Sabi pa niya: “Sa pagturing sa mga kriminal bilang mga biktima nakita natin sa halip na sila ang mga nambibiktima na malayang pinili ang kanilang paraan ng pamumuhay.” Samakatuwid, sabi niya, sa halip na isubo ang mga pagdadahilan sa paggawi ng kriminal, dapat nating ipabatid sa kaniya ang kaniyang sariling pananagutan.​—Tingnan ang pahina 9, “Larawan ng Isang Pusakal na Kriminal.”

      Si Hukom Lois Forer ng Pennsylvania, na nagmumungkahi ng pagbabago sa sistema ng paghatol sa E.U., ay sumulat, “Ang aking mga konklusyon ay batay sa paniniwala na ang bawat tao ay may pananagutan sa kaniyang mga pagkilos.”​—Criminals and Victims, pahina 14.

      Unang-una Na’y Bakit Mo Pipiliin ang Mali?

      Tungkol sa tanong na ito, ganito ang payak na konklusyon ni Dr. Samenow: “Ang paggawi sa kalakhang bahagi ay isang produkto ng pag-iisip. Lahat ng ating ginagawa ay pinangungunahan, sinasamahan, at sinusundan ng pag-iisip.” Kaya, paano maaaring mabago ang kriminal na paggawi? Sagot niya: “Dapat matutuhan ng kriminal na makilala at saka talikdan ang mga huwaran ng pag-iisip na pumatnubay sa kaniyang paggawi sa loob ng maraming taon.” (Amin ang italiko.) Ang payak na konklusyong ito ay kasuwato ng turo sa Bibliya.

      Halimbawa, ang manunulat ng Bibliya na si Santiago ay nagpapaliwanag: “Ang bawat isa ay natutukso pagka nahihila at nahihikayat ng kaniyang sariling pita. Kung magkagayon ang pita, kapag naglihi na, ay nanganganak ng kasalanan.” (Santiago 1:14, 15) Sa ibang pananalita, ang paraan ng ating pagkilos ay nakasalalay sa kung paano tayo nag-iisip. Ang maling nasà o pita ay bunga ng pamamaraan ng kaisipan. Ang isang kasalanan o krimen ay resulta ng isang di-wastong pita at isang masamang pagpili.

      Itinutuon ni Pablo ang pansin sa pamamaraan ng kaisipan bilang saligan upang baguhin ang personalidad sa pamamagitan ng pagbanggit sa “puwersang nagpapakilos ng inyong isip.” (Efeso 4:23) Ganito ang pagkakasabi ng The Jerusalem Bible sa talatang iyan: “Inyong baguhin ang inyong isipan sa pamamagitan ng isang espirituwal na pagbabago.” Gayundin sa ngayon, kailangan ang lubusang pagbabago ng pag-iisip, yamang “ang mga krimen ay bunga ng paraan ng pag-iisip ng isang tao.”​—Inside the Criminal Mind.

      Nag-iiwan pa ito ng katanungang, Sa simula’y paano nakuha ng kriminal ang kaniyang antisosyal na mga huwaran ng pag-iisip?

      Kung Kailan Nahasik ang mga Binhi

      “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.” (Kawikaan 22:6) Sa sawikaing ito ng Bibliya nasasalalay ang bagay na iyan. Ang susi ay ‘sanayin ang bata,’ hindi ang binata, kundi mas maaga​—ang bata. Bakit mahalagang magsimula kapag ang anak ay napakabata pa? Sapagkat ang mga huwaran sa kaisipan at paggawi ay naitatatag sa pagkasanggol at sa kamusmusan.

      Totoo, ang ilang negatibong mga ugali ay likas mula sa pagsilang sapagkat tayong lahat ay ipinanganak na di-sakdal. (Roma 5:12) Gaya ng sabi ng Bibliya: “Ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng bata.” Gayunman, ang kasulatang iyon ay nagsasabi pa: “Ngunit aalisin iyon sa kaniya ng pamalong disiplina.”​—Kawikaan 22:15.

      Binibigyang-matuwid ng maraming kriminal ang kanilang paggawi sa pagbabalik sa mga impluwensiya ng kanilang kabataan, pagsisi sa kanilang mga magulang, mga guro, at iba pa. Kakaiba naman ang konklusyon ni Dr. Samenow: “Sinasabi ng mga kriminal na sila ay tinanggihan ng mga magulang, kapuwa, mga paaralan, at mga amo, subalit bibihirang sabihin ng kriminal kung bakit siya tinanggihan. Kahit na bilang isang munting bata, siya ay mapanubok at matigas ang ulo, at habang siya’y lumalaki, lalo siyang nagsinungaling sa kaniyang mga magulang, nagnakaw at sinira ang kanilang ari-arian, at pinagbantaan sila. Ginawa niyang mahirap batahin ang buhay sa tahanan . . . Ang kriminal ang nagtakwil sa kaniyang mga magulang sa halip na ang kabaligtaran.”​—Tingnan ang pahina 8, “Larawan ng Isang Sumisibol na Kriminal.”

      Oo, ang mga binhi ng kriminal na paggawi ay kadalasang naihahasik sa pagkabata at kung minsan ay di-matalinong pinalalaki ng mapagpalayaw na mga magulang. Si Dr. Patterson, sikologo sa Oregon Social Learning Center, ay naniniwala na “karamihan ng masamang kaasalan sa mga kabataan ay maaaring mangyari dahilan sa di-mabisang mga kasanayan ng magulang.” Tinutukoy niya ang mga magulang “na hindi nagpapanatili ng malinaw na mga tuntunin, hindi nagpapasunod at hindi pinangangasiwaan kahit na ang maliit na mga pagkakasala ng hindi pisikal na mga parusa.”

      Si Dr. Samenow ay naghihinuha: “Ang kriminal na pag-alis ng bata mula sa mga inaasahan ng magulang at lipunan ay nagsasangkot ng higit kaysa mga gawang pagbubukod. Bago pa man pumasok sa paaralan, lumilitaw ang mga huwaran na nagiging bahagi ng isang kriminal na istilo ng buhay.” (Amin ang italiko.) Bunga nito, ibinabaling ngayon ng ilang mga sikologo ang kanilang pansin sa larangan ng paghadlang sa krimen sa pagkabata sa pag-aalok ng tulong sa mga magulang at mga anak na may potensiyal na suliranin sa pagkadelingkuwente.

      Ang krimen, ang mga sanhi at posibleng mga kalutasan nito, ay isang masalimuot na paksa. Mabago kaya ng mas maraming trabaho at mas mabuting kapaligiran ang kalagayan ng ilan? Ang mas marami at mas malaking mga bilangguan ba ang kasagutan? Mabawasan kaya ng mas maraming pulis ang krimen? Sa katunayan, mayroon bang anumang praktikal na lunas sa krimen sa ating kasalukuyang lipunan ng tao?

      [Kahon/Mga larawan sa pahina 8]

      Larawan ng Isang Sumisibol na Kriminal

      Bilang isang bata, ang kriminal ay isang nilikha na may matigas na kalooban, inaasahan na ang iba ay sunud-sunuran sa kaniyang mga kapritso. Siya ay sumusuong sa panganib, nasasangkot sa mga kaguluhan, at saka hinihiling na siya ay piyansahan at patawarin.

      Ang mga magulang ang una sa mahabang talaan ng mga biktima ng kriminal.

      Ang bata ay gumagawa ng higit na di-matagusang hadlang sa komunikasyon. Namumuhay siya ng isang buhay na nais niyang ikubli sa kaniyang mga magulang. Ipinalalagay niya na wala silang pakialam sa kung ano ang kaniyang ginagawa.

      Ang delingkuwente ay madalas magsinungaling anupa’t ang kaniyang pagsisinungaling ay sumisidhi. Gayunman ang pagsisinungaling ay ganap na nasa ilalim ng kaniyang kontrol.

      Hinahamak ng bata hindi lamang ang payo at awtoridad ng kaniyang mga magulang kundi ang paraan ng kanilang pamumuhay, anuman ang kanilang sosyal at ekonomikong kalagayan. Sa kaniya, ang pagkakaroon ng good time ang siyang lahat sa buhay.

      Kapag may ibang bata sa pamilya, sila ay nabibiktima ng kanilang delingkuwenteng kapatid, na umaapi sa kanila, pinakikialaman ang kanilang mga gamit, at sinisisi sila kapag sila ay didisiplinahin.

      Pinipili ng delingkuwente na makisama sa mga kabataan na mahilig makipagsapalaran sa paggawa ng bawal.

      Ang delingkuwente ay tumatangging ipasakop ang kaniyang sarili sa anumang awtoridad. Pinipili niya sa halip na gumawa ng isang bagay na mas kapana-panabik, na kadalasan nang labag sa batas.

      Kadalasan nang hindi alam ng mga magulang ng mga batang ito kung nasaan ang kanilang mga anak, hindi dahilan sa kapabayaan kundi dahilan sa paglilihim ng kabataan ng kaniyang mga gawain.

      Ang delingkuwente ay kumukuha subalit bihirang magbigay. Hindi niya alam kung ano ang pakikipagkaibigan sapagkat ang pagtitiwala, katapatan, at pakikibahagi ay hindi kasuwato ng kaniyang paraan ng pamumuhay.

      Ang bahagi ng sosyal na tanawin ng delingkuwenteng kabataan ay paggamit ng alkohol, na nagsisimula bago pa man siya magbinata.

      Tinatanggihan ng kriminal ang paaralan bago pa man siya tanggihan nito. Sinasamantala niya ang paaralan, ginagamit ito bilang isang tanghalan ng krimen o kaya ay bilang panakip dito.

      Kung ano ang ipinalalagay ng iba na pagpasok sa gulo, itinuturing niya na pagbubunsod sa kaniyang sarili.

      (Pakisuyong pansinin na ang isa o dalawa lamang sa mga salik na ito ay maaaring hindi magpahiwatig na ang isang bata ay isang sumisibol na kriminal. Subalit kung marami ang nasasangkot, may dahilan upang mabahala.)

      [Kahon sa pahina 9]

      Larawan ng Isang Pusakal na Kriminal

      Ang mga kriminal ay karaniwan nang laban sa trabaho.

      Ang trabahong kailangang gawin agad ng kriminal ay krimen, hindi isang regular na trabaho.

      Siya ay positibo na ang kaniyang kahusayan at pambihirang talino ay nagtatangi sa kaniya sa ibang karaniwang pangkat.

      Pinahahalagahan niya lamang ang mga tao kung sila ay susunod sa kaniyang kalooban. Kahit ang kaniyang pagtingin sa kaniyang ina ay urong-sulong mula sa banal tungo sa makademonyo, depende kung paano siya handang sumunod sa kaniyang nais.

      Hindi itinuturing ng kriminal ang kaniyang sarili na obligado kaninuman at bihira niyang bigyang-matuwid sa kaniyang sarili ang kaniyang mga pagkilos.

      Gayon na lamang ang kaniyang kapalaluan na ayaw niyang tanggapin ang kaniyang sariling pagkakamali.

      Ayaw ng kriminal na inuusisa ng ibang membro ng pamilya ang kaniyang paggawi.

      Alam ng kriminal ang tama sa mali. Kung nagugustuhan niya, siya ay masunurin sa batas.

      Gaya ng anupamang bagay, pinagsasamantalahan ng kriminal ang relihiyon upang magsilbi sa kaniyang sariling mga layunin.

      Maingat na hinahabi ng kriminal ang kaniyang kuwento upang maglaan ng inaasahan niyang nakakukumbinsing ulat kung bakit ginawa niya ang kung ano ay ginawa niya.

      Hindi itinuturing ng kriminal ang biktima na isang biktima. Siya mismo ang biktima dahilan sa siya ay nahuli.

      (Ang mga larawan sa pahina 8 at 9 ay batay sa Inside the Criminal Mind.)

  • Krimen—Mayroon Bang Kalutasan?
    Gumising!—1986 | Enero 8
    • Krimen​—Mayroon Bang Kalutasan?

      YAMANG ang krimen ay nakakaapekto sa ating lahat, sa tuwiran o di-tuwirang paraan, ang katanungan ay nananatili, Mayroon bang kalutasan? Ganito ang mungkahi ni Hukom Richard Neely ng West Virginia Supreme Court of Appeals: “Ang pag-alam sa pinaka-ugat na sanhi ng krimen ay nagpapahiwatig ng isang napakalaking muling pagsasaayos ng lipunan na iilan lamang ang kusang magsasagawa.” (Amin ang italiko.) Ipinaliliwanag niya na “walang siyentipikong kaalaman ni pulitikal na kalooban ang makapag-aalis ng ugat na mga sanhi ng krimen.”

      Bakit gayon? Ikinakatuwiran niya na ang mga taong lubhang apektado ng krimen, yaong “namumuhay sa mga ghetto o mga pook ng gumuguhong uring-manggagawa,” ang siyang walang gaanong pulitikal na lakas. Sabi ni Hukom Neely: “Ang mga biktima ng krimen, dapat tandaan, ay hindi isang organisadong interesadong grupo.” Kaya sila ay may kaunti o walang pulitikal na impluwensiya. Yaong mga may pulitikal na lakas ay namumuhay sa labas ng daigdig ng karaniwang mga gawaing kriminal​—hindi sila gumagamit ng mga sasakyang pampubliko o namumuhay sa slum na mga tirahan. At sa ibang kaso, sabi niya, ang mas maraming pulisya ay magsasapanganib sa kanilang gawaing krimen. Totoo ito sa karamihang bahagi ng daigdig. Kaya ang mahihirap na karaniwang tao ang kadalasang mga biktima ng krimen at ng pulitikal na pagpapaimbabaw.

      Subalit isa pang mahalagang salik ang humahadlang sa pagsulong sa pagbaka laban sa krimen​—ang kalikasan mismo ng tao. “Ang katakawan, kasakiman, pagsalakay, at pagpapayaman sa sarili ay likas na bahagi ng kayarian ng tao,” sabi ni Hukom Neely. Ang bagay na iyan ay malinaw sapol nang patayin ni Cain ang kaniyang kapatid na si Abel.​—Genesis 4:3-11.

      Gayunman, ang salik ng kasamaan sa kalikasan ng tao ay isang problema na ayaw tanggapin ng modernong sikolohiya. Sa isang panayam sa Awake!, ganito ang sabi ni Dr. Samenow: “Sa pangkalahatan, maraming tao sa larangan ng kalusugang pangkaisipan ang talagang hindi pa hinarap ang suliranin ng kasamaan.”

      Gayunman, ayaw talikdan ng maraming kriminal ang kanilang ‘katakawan, kasakiman, at pagsalakay.’ Samakatuwid ayaw nilang tumugon sa terapi at sa mga programa sa pagpapanibagong-buhay. Halimbawa, sa California nilabanan ng mga bilanggo ang anumang terapi na isinagawa. “Ang katuwiran ng mga bilanggo ay na ang terapi ay isang ilusyon dahilan sa di-sapat na siyentipikong kaalaman tungkol sa rehabilitasyon . . . Anuman ang dahilan ng kanilang paghinto [sa pagiging kriminal], ang pangangatuwiran ay nagpapatuloy, hindi ito bunga ng anumang terapi sa bilangguan.” Sabi nila na “ang layunin ng bilangguan ay pagpaparusa, maikli at masarap. Kaya, nais nilang malaman ng bawat bilanggo kung gaano katagal siyang magsisilbi pagpasok niya sa piitan upang hindi na niya kailangan pang maglaro ng Kafkaesque [nakayayamot] na laro sa pagpapanibagong-buhay.”​—Why Courts Don’t Work, ni Hukom R. Neely.

      Maaari bang Magbago ang Isang Kriminal?

      Gayunman ang ibang kriminal ay handang makipagtulungan sa mga programa ng pagpapabuti. Sa programa nina Dr. Yochelson at Samenow, isang mahigpit na pamamaraan ang ginamit. Sila ay nag-ulat: “Nililiwanag namin na mula sa aming pangmalas walang anuman sa paraan ng pamumuhay ng kriminal ang dapat manatili. Ang pagbibihis ng bagong damit sa ibabaw ng luma at maruming damit ay hindi sapat; ang lumang kasuotan ay dapat ituring na marumi at sira na at dapat itapon at sirain. Dapat alisin ng kriminal ang kaniyang dating mga huwaran at maging responsable sa lahat ng paraan.”

      Sa gayunding paraan, si apostol Pablo ay nagpayo sa Bibliya: “Hubarin ninyo ang matandang pagkatao pati ang mga gawain nito, at magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.”​—Colosas 3:9, 10.

      Ang bagay na maaaring gumawa ng mga pagbabago ay pinatutunayan ng komento mismo ni Pablo pagkatapos itala ang mga uri ng tao na hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos​—mga mapakiapid, mga magnanakaw, mga manghuhuthot, at iba pa. Sabi niya: “At ganiyan ang iba sa inyo dati. Ngunit kayo’y nahugasan nang malinis . . . sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at taglay ang espiritu ng Diyos.” (1 Corinto 6:9-11) Ngayon halos tatlong milyong aktibong mga Saksi ni Jehova, ang karamihan ay kinailangang gumawa ng mga pagbabago sa kanilang paraan ng pag-iisip. Ang iba ay dating namuhay ng buhay kriminal hanggang sila ay nagbago.

      Ang isang halimbawa ay yaong dating magnanakaw ng brilyante na ang salaysay ay lumitaw sa labas ng Awake! ng Oktubre 8, 1983. Siya ay isang propesyonal na kriminal sa London, Inglatera. Nang sa wakas ay tanggapin niya ang isang pag-aaral sa Bibliya at magsuot ng “bagong pagkatao,” isinuko niya ang kaniyang sarili sa pulisya at ipinagtapat ang kaniyang mga krimen. Pagkatapos magsilbi ng limang taóng sentensiya sa piitan, lumabas siya upang magpanibagong-buhay. Madali ba ito para sa kaniya? Sagot niya:

      “Ang pagbabago sa aking pangmalas sa buhay ay hindi madali. Bukod sa pakikipag-away, ang pinakamahirap na trabahong nagawa ko ay ang paglilinis ng kotse. Ngayon ako ay kailangang pumirme at magtrabaho walong oras isang araw . . . Hinding-hindi ko pinagkaabalahan ang tungkol sa rutina ng aking buhay. Ngayon ang isang maayos na paraan ng pamumuhay ay mahalaga. Lagi kong hinahamak at tinatanggihan ang anumang uri ng disiplina. Ngayon kinakailangang tanggapin ko ang bagay na ang aking paraan ay maaaring hindi laging tama.”​—Ihambing ang “Larawan ng Isang Pusakal na Kriminal,” pahina 9.

      Subalit siya ay nagbago. Sulit ba ang pagsisikap? “Hindi ako nagkukunwa na ito ay madali,” sagot niya. “Subalit tiyak na sulit naman ito.”

      Subalit bakit nanaisin ng sinuman na baguhin ang kaniyang buhay upang iayon sa mga simulain ng Bibliya? Sapagkat may malakas na pangganyak​—ang pagkakataon para sa buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. Ipinangako iyan ni Jesus sa mamamatay na kriminal na nasa tabi niya nang sabihin Niya: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Mangyari pa, ang manggagawa ng masama ay hindi maaaring manatili sa makalupang Paraiso bilang isang kriminal kundi bilang isang nagsisi, nagbagong tao.

      Subalit gaano man katagumpay ang programa sa pagpapabuti, ang matandang kasabihan ay totoo pa rin: “Maaari mong akayin ang kabayo sa tubig, subalit hindi mo ito mapipilit na uminom.” Ang karamihan ng propesyonal na mga kriminal ay hindi interesadong magbago. Kung gayon wala na bang kalutasan ang suliranin ng daigdig sa krimen? May kalutasan​—mahigpit na kalutasan.

      Kung Paano Magwawakas ang Krimen

      Ipinakikita ng Bibliya na darating ang panahon na magkakaroon ng paglago ng kapahamakan sa lahi ng tao. Sa gayong kapahamakan, isinama ni Jesus ang “paglago ng katampalasanan.” (Mateo 24:12) Inihula ni apostol Pablo na “sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, . . . masuwayin sa mga magulang, . . . di-tapat, walang katutubong pagmamahal, . . . walang pagpipigil-sa-sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan.”​—2 Timoteo 3:1-5.

      Yamang ang sangkatauhan ay lagi nang pinahihirapan ng krimen at kasamaan, mula noong napakahalagang petsa ng 1914 na ang mga hula sa Bibliya may kaugnayan sa wakas ng bulok na sistema ng mga bagay ng sanlibutan ay nagkaroon ng kapansin-pansing katuparan. (Ihambing ang Mateo 24, Lucas 21, Marcos 13, at Apocalipsis 6:1-8.) Samakatuwid, ang panahon ay malapit na upang ang matuwid na Kaharian na pamahalaan ng Diyos ay kumilos laban sa kaniyang mga kaaway sa lupa. Kabilang dito ang mga kriminal na kusang pinipili ang krimen bilang paraan ng pamumuhay, sapagkat “ang di-matuwid na mga tao ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”​—1 Corinto 6:9.

      Kaya kung ang isang tao ay aayaw magbago, ano ang mapagpipilian? Ang Bibliya ay sumasagot: “Ang mga manggagawa mismo ng kasamaan ay mahihiwalay . . . Sapagkat sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na.” Oo, hindi magtatagal ang lupa ay malilinis sa lahat ng kriminal na mga elemento​—maging relihiyoso, pulitikal, o sosyal. Ititirang buháy sa lupa ng naglilinis na digmaan ng Diyos na Armagedon yaon lamang “umaasa kay Jehova . . . ang mga magmamana ng lupa. . . . At sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Awit 37:9-11; Apocalipsis 16:14, 16.

      Ito lamang ang tanging paraan, sapagkat sabi ng Bibliya: “Pagpakitaan man ng awa ang masama, hindi rin siya matututo ng katuwiran. Sa lupain ng katuwiran ay kikilos siya nang walang katarungan.” (Isaias 26:10) Ang “mga bagong langit at isang bagong lupa” ng Diyos na “tinatahanan ng katuwiran” ang tanging uubrang kalutasan sa mga suliranin ng tao sa krimen at kasalanan​—at yaon lamang mga pumipili sa katuwiran ang tatahan sa sistemang iyon.​—2 Pedro 3:13.

      [Blurb sa pahina 10]

      “Ang pag-alam sa pinaka-ugat na sanhi ng krimen ay nagpapahiwatig ng isang napakalaking muling pagsasaayos ng lipunan na iilan lamang ang kusang magsasagawa”

      [Blurb sa pahina 11]

      “Maraming tao sa larangan ng kalusugang pangkaisipan ang talagang hindi pa hinaharap ang suliranin ng kasamaan”

      ‘Walang anumang paraan sa pamumuhay ng kriminal ang dapat manatili. Dapat niyang alisin ang kaniyang dating mga huwaran at maging responsable sa lahat ng paraan’

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share