-
Buhay ng May Kapansanan sa PagkatutoGumising!—1997 | Pebrero 22
-
-
Idiniriin ng mga dalubhasa na dapat mong purihin ang iyong anak sa anumang nagawa nito, gaano man kaliit iyon. Laging magbigay ng komendasyon. Kasabay nito, huwag kalilimutan ang disiplina. Kailangan ng mga bata ang pagkakaroon ng kaayusan, at lalo nang kailangan ito ng mga may kapansanan sa pagkatuto. Ipaalam sa iyong anak ang iyong inaasahan, at manghawakan sa mga pamantayang iyong inilagay.
Bilang pangwakas, pag-aralan mong malasin ang iyong kalagayan sa makatotohanang paraan. Ganito ang pagkakalarawan ng aklat na Parenting a Child With a Learning Disability: “Isipin mong ikaw ay nasa paborito mong restawran at umorder ka ng maliliit na hiwa ng karne ng baka. Nang ilagay ng weyter ang pinggan sa iyong harapan, napansin mong ito pala’y tadyang ng tupa. Kapuwa masasarap na pagkain ang mga ito, ngunit ang inaasahan mo’y karne ng baka. Maraming magulang ang nangangailangang magbago ng kanilang pag-iisip. Baka hindi mo nga inaasahan ang karne ng tupa, ngunit natuklasan mong ito pala’y masarap din naman. Gayundin kapag nagpapalaki ka ng mga anak na may pantanging pangangailangan.”
-
-
“Maupong Tahimik at Makinig!”Gumising!—1997 | Pebrero 22
-
-
“Maupong Tahimik at Makinig!”
Buhay ng May Attention Deficit Hyperactivity Disorder
“Matagal nang sinasabi ni Jim na si Cal ay laki lang sa layaw at na kapag kami—sa totoo’y ako—ay naghigpit sa kaniya, siya’y titino rin. Ngayon ay heto ang isang doktor na sinasabi sa amin na hindi ako, hindi kami, hindi ang guro ni Cal ang dapat sisihin: talaga lamang na may diperensiya ang aming anak.”
SI CAL ay may Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD), isang kalagayang nakikita sa pagiging madaling magambala, pabigla-bigla, at sobrang-likot. Ang apektado ng karamdamang ito ay tinatayang mula 3 hanggang 5 porsiyento ng lahat ng mga batang husto na sa edad para pumasok sa paaralan. “Ang kanilang isip ay parang TV na sira ang pihitan,” sabi ng espesyalista sa pagkatuto na si Priscilla L. Vail. “Pabagu-bago ang isip, walang kaayusan o disiplina.”
Maigsi nating isaalang-alang ang tatlong pangunahing sintoma ng ADHD.
Madaling Magambala: Ang batang may ADHD ay hindi marunong magsaisantabi ng mga detalyeng di-mahalaga at magbuhos ng isip sa isang bagay. Kaya nga, madali siyang magambala ng mga nakikita, naririnig, at naaamoy sa labas. Siya ay nakikinig naman, ngunit walang nag-iisang bagay sa paligid niya ang nakatatawag ng kaniyang pansin. Hindi niya matukoy kung alin doon ang dapat muna niyang harapin.
Pabigla-bigla: Ang batang may ADHD ay kumikilos muna bago mag-isip, anupat hindi isinasaalang-alang ang mga kalagayan. Nakikita sa kaniya ang kahinaan sa pagpaplano at pagpapasiya, at kung minsan ay mapanganib ang kaniyang mga paggawi. “Bigla siyang humahagibis sa daan, sa ibabaw ng pasamano, sa itaas ng puno,” ang sulat ni Dr. Paul Wender. “Bilang resulta, nagkakaroon siya ng mas maraming hiwa, pasa, galos, at palaging nasa doktor.”
Sobrang-Likot: Ang mga batang sobrang-likot ay malimit na di-mapakali. Hindi sila mapapaupo nang tahimik. “Kahit na magsilaki na sila,” isinulat ni Dr. Gordon Serfontein sa kaniyang aklat na The Hidden Handicap, “mapapansin pa rin mula sa matamang pagmamatyag ang ilang anyo ng walang tigil na pagkilos na ginagamitan ng mga binti, paa, bisig, kamay, labi o dila.”
Gayunman, may mga batang di-nakikinig at pabigla-bigla pero hindi naman sobrang-likot. Ang kanilang karamdaman ay kung minsan tinutukoy bilang simpleng Attention Deficit Disorder, o ADD. Ipinaliwanag ni Dr. Ronald Goldberg na ang ADD “ay maaaring lumitaw nang wala naman ang pagiging sobrang-likot. O maaari itong lumitaw taglay ang alinmang antas ng pagiging sobrang-likot—mula sa halos hindi mapansin, tungo sa pagiging nakaiinis, hanggang sa ito’y nagiging sakit na.”
Ano ang Nagiging Dahilan ng ADHD?
Sa nakalipas na mga taon, ang mga problema hinggil sa atensiyon ay isinisi sa lahat ng bagay mula sa maling paraan ng mga magulang sa pagpapasunod hanggang sa ilaw na fluorescent. Sa ngayon ay ipinalalagay na ang ADHD ay kaugnay ng mga problema sa ilang gamit ng utak. Noong 1990 sinuri ng National Institute of Mental Health ang 25 adulto na may mga sintoma ng ADHD at natuklasan na ang glukosa ay dumadaan sa metabolismo nang mas mabagal sa mismong lugar sa utak na kumokontrol sa pagkilos at sa pagtutuon ng atensiyon. Sa mga 40 porsiyento ng mga kaso ng ADHD, ang henetikong kayarian ng indibiduwal ay waring may ginagampanang papel. Sang-ayon sa The Hyperactive Child Book, ang iba pang salik na maaaring iugnay sa ADHD ay ang paggamit ng alkohol o droga ng ina sa panahon ng pagdadalang-tao, pagkalason sa tingga, at, sa ilang kaso, ang pagkain.
Ang mga Kabataan at mga Adultong May ADHD
Nitong nakalipas na mga taon natuklasan ng mga doktor na ang ADHD ay hindi lamang para sa mga bata. “Pinagkaugalian na,” sabi ni Dr. Larry Silver, “na ipinagagamot ng mga magulang ang kanilang anak at sinasabi, ‘Ganiyan din ako noong bata pa ako.’ Pagkatapos ay aaminin nilang hindi pa rin sila makapaghintay sa pila, makatagal sa pag-upo sa mga pulong, makatapos ng mga bagay-bagay.” Sa ngayon ay pinaniniwalaang dala pa rin kahit paano ng halos kalahati ng lahat ng mga batang may ADHD ang ilang sintoma nito hanggang sa pagiging tin-edyer at adulto.
Sa panahon ng pagiging tin-edyer, yaong mga may ADHD ay baka magbago mula sa pagkakaroon ng peligrosong paggawi tungo sa pagiging delingkuwente. “Lagi akong nababahala noon na baka hindi siya makapagkolehiyo,” sabi ng ina ng isang tin-edyer na may ADHD. “Ngayon ang panalangin ko lang ay huwag sana siyang mabilanggo.” Ipinakikita na maaaring magkatotoo ang pangambang ito sa pamamagitan ng isang pagsusuri na pinaghahambing ang 103 kabataang sobrang-likot at ang isang kontroladong grupo ng 100 bata na walang ganitong karamdaman. “Pagsapit nila ng mga edad 20,” ulat ng Newsweek, “ang mga bata mula sa grupo ng mga sobrang-likot ay dalawang ulit na malamang na maaresto, limang ulit na malamang na mahatulan dahil sa krimen at siyam na ulit na malamang na mabilanggo.”
Para sa isang adulto, ang ADHD ay naghaharap ng isang bukod-tanging bunton ng problema. Sabi ni Dr. Edna Copeland: “Ang isang batang sobrang-likot ay maaaring lumaki tungo sa isang adulto na palipat-lipat ng trabaho, laging natatanggal sa trabaho, di-mapakali sa buong maghapon at walang-katigil-tigil.” Kapag hindi naunawaan ang dahilan, ang mga sintomang ito ay makasisira sa pagsasama ng mag-asawa. “Sa mga simpleng pag-uusap,” sabi ng asawa ng isang lalaking may ADHD, “hindi man lamang niya naririnig ang lahat ng aking sinasabi. Parang wala akong kausap.”
Mangyari pa, ang mga ugaling ito ay karaniwan sa maraming tao—sa isang antas sa paano man. “Dapat mong itanong kung noon pa’y mayroon na ng mga sintomang ito,” sabi ni Dr. George Dorry. Halimbawa, sinabi niya na kung ang isang lalaki ay naging malilimutin mula lamang nang mawalan siya ng trabaho o nang manganak ang kaniyang asawa, hindi iyan isang sakit.
Isa pa, kung talagang ang isa’y may ADHD, ang mga sintoma ay laganap—alalaong baga’y, naaapektuhan nito ang halos lahat ng pitak ng buhay ng taong iyon. Ganiyan ang naging kaso ng 38-taóng-gulang na si Gary, isang matalino, masigasig na lalaki na waring di-makatapus-tapos ng isang trabaho nang hindi naaabala. Nakahawak na siya ng mahigit na 120 trabaho. “Natanggap ko na ang katotohanang hindi talaga ako magtatagumpay,” sabi niya. Subalit si Gary at ang maraming iba pa—mga bata, tin-edyer, at adulto—ay natulungan upang mapaglabanan ang ADHD. Paano?
-
-
Pagharap sa HamonGumising!—1997 | Pebrero 22
-
-
Pagharap sa Hamon
SA NAKALIPAS na mga taon ay napakarami nang iminungkahing paraan ng paggamot sa ADHD. Ang ilan dito ay itinuon sa pagkain. Gayunman, ipinakikita ng ilang pagsusuri na ang mga nakukuha sa pagkain ay hindi naman karaniwang nagiging dahilan ng pagiging sobrang-likot at na ang mga tinimplang sustansiya ay madalas na walang epekto. Ang iba pang paraan ng paggamot sa ADHD ay ang medikasyon, pagbabago sa paggawi, at pagsasanay ng kaunawaan.a
Medikasyon. Yamang ang ADHD ay waring may kaugnayan sa maling paggana ng utak, ang medikasyon upang maibalik ang tamang pagkakatimbang ng kimiko ay napatunayang nakatulong sa marami.b Gayunman, ang medikasyon ay hindi kapalit ng pagkatuto. Tumutulong lamang ito sa bata upang maituon ang kaniyang pansin, anupat nagkakaroon siya ng pundasyon upang matuto ng mga bagong kasanayan.
Maraming adulto na may ADHD ang natulungan din ng medikasyon. Gayunman, kailangan ang pag-iingat—sa mga kabataan at adulto—yamang ang ilang nakapagpapasiglang medikasyon na ipinanggagamot sa ADHD ay nakapagpapasugapa.
Pagbabago ng paggawi. Ang ADHD ng isang bata ay hindi nag-aalis ng obligasyon ng mga magulang na dumisiplina. Bagaman maaaring may pantanging pangangailangan ang bata hinggil dito, ang Bibliya ay nagpapayo sa mga magulang: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.” (Kawikaan 22:6) Sa kaniyang aklat na Your Hyperactive Child, sinabi ni Barbara Ingersoll: “Ang magulang na sumuko na at hinahayaan nang ‘magwala’ ang kaniyang sobrang-likot na anak ay walang naitutulong sa bata. Gaya rin ng ibang bata, ang batang sobrang-likot ay nangangailangan ng di-nagbabagong disiplina na may kalakip na paggalang sa bata bilang isang tao. Ito’y nangangahulugan ng malilinaw na limitasyon at angkop na mga gantimpala at parusa.”
Samakatuwid ay mahalaga para sa mga magulang na maglaan ng tiyak na kaayusan. Isa pa, dapat magkaroon ng isang mahigpit na rutin sa pang-araw-araw na gawain. Maaaring naisin ng mga magulang na bigyan ang bata ng kaunting kalayaan sa paggawa ng ganitong iskedyul, lakip na ang panahon para sa gawaing-bahay, pag-aaral, paliligo, at iba pa. Saka maging palagian sa pagsubaybay. Tiyaking nasusunod ang pang-araw-araw na rutin. Sabi ng Phi Delta Kappan: “Ang mga doktor, sikologo, opisyal ng paaralan, at mga guro ay may obligasyon sa bata at sa mga magulang ng bata na ipaliwanag na ang pagkakaroon ng ADD o ADHD ay hindi lisensiya upang magawa nila ang lahat ng magustuhan nila, kundi sa halip ay isang pagpapaliwanag na maaaring umakay sa angkop na tulong sa batang mayroon nito.”
Pagpapaunawa. Kalakip dito ang pagtulong sa bata na baguhin ang kaniyang pangmalas sa sarili at sa kaniyang karamdaman. “Ang mga taong may attention-deficit disorder ay nag-aakalang sila’y ‘pangit, mahina ang isip, at walang-kuwenta’ gayong sila nama’y kaakit-akit, matalino, at mabait,” sabi ni Dr. Ronald Goldberg. Samakatuwid, ang batang may ADD o ADHD ay dapat magkaroon ng tamang pangmalas sa kaniyang halaga, at kailangang malaman niyang magagawan pa ng paraan ang kaniyang problema sa pagtutuon ng atensiyon. Ito’y lalong mahalaga sa panahon ng pagiging tin-edyer. Sa pagsapit ng isang may ADHD sa pagiging tin-edyer, maaaring nakaranas na siya ng maraming pagpuna mula sa mga kasamahan, guro, kapatid, at marahil mula sa mga magulang pa nga. Kailangan na niya ngayong gumawa ng makatotohanang mga tunguhin at may-kainamang suriin ang kaniyang sarili sa halip na sa paraang nakasasakit.
Ang nabanggit na mga paraan sa paggamot ay maaari ring gawin ng mga adultong may ADHD. “Ang pagbabago ay kailangan batay sa edad,” ayon sa isinulat ni Dr. Goldberg, “ngunit ang saligan ng paggamot—medikasyon saanman angkop, pagbabago ng paggawi, at pagpapaunawa—ay nananatiling mabibisang paraan sa buong siklo ng buhay.”
Paglalaan ng Suporta
Ganito ang sabi ni John, ang ama ng isang tin-edyer na may ADHD, sa mga magulang na may katulad na kalagayan: “Alamin ang lahat ng maaaring pag-aralan hinggil sa problemang ito. Magpasiya ayon sa pinag-aralan. Higit sa lahat, mahalin mo ang iyong anak, patatagin mo siya. Ang kakulangan ng pagpapahalaga sa sarili ay pumapatay.”
Upang magkaroon ng hustong suporta ang isang batang may ADHD, dapat makipagtulungan ang parehong magulang. Isinulat ni Dr. Gordon Serfontein na kailangan ng isang batang may ADHD na “malamang siya’y mahal sa loob ng tahanan at na ang pagmamahal ay nagmumula sa pagmamahal na umuugit kapuwa sa pagitan ng mga magulang.” (Amin ang italiko.) Nakalulungkot sabihin, ang pagmamahal na iyan ay hindi palaging naipadarama. Nagpatuloy si Dr. Serfontein: “Matagal nang napatunayan na sa pamilyang may [anak na may ADHD], halos makaitlong beses na mas mataas ang bilang ng sigalot at pagguho ng mag-asawa kaysa sa normal na pamilya.” Upang maiwasan ang gayong sigalot, kailangang gampanan ng ama ang isang mahalagang papel sa pagpapalaki sa anak na may ADHD. Hindi dapat na sa ina lamang iatang ang responsibilidad.—Efeso 6:4; 1 Pedro 3:7.
Ang matatalik na kaibigan, bagaman hindi bahagi ng pamilya, ay maaaring maging napakalaking suporta. Paano? “Maging mabait,” sabi ni John, na binanggit kanina. “Huwag lamang panlabas ang iyong tingnan.” Kilalanin mong mabuti ang bata. Kausapin din ang mga magulang. Kumusta na sila? Ano ang kanilang pinaghihirapan sa araw-araw?”—Kawikaan 17:17.
Ang mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ay may malaking magagawa upang sumuporta kapuwa sa batang may ADHD at sa mga magulang. Paano? Sa pamamagitan ng pagiging makatuwiran sa kanilang mga inaasahan. (Filipos 4:5) Kung minsan, ang batang may ADHD ay magulo. Sa halip na buong-tigas na sabihing, “Hindi mo ba kayang sawayin ang iyong anak?” o “Bakit hindi mo siya madisiplina?” mapagtatanto ng isang nakauunawang kapananampalataya na ang mga magulang marahil ay sagad na rin sa araw-araw na hirap sa pagpapalaki sa isang batang may ADHD. Mangyari pa, kailangang gawin ng mga magulang ang kanilang magagawa upang malimitahan ang panggugulo ng bata. Magkagayunman, sa halip na mambulyaw dahil sa inis, yaong mga kapatid sa pananampalataya ay dapat magsikap na ipakita ang “damdaming pakikipagkapuwa” at ‘maggawad ng pagpapala.’ (1 Pedro 3:8, 9) Oo, madalas na sa pamamagitan ng madamaying kapananampalataya na ang Diyos ay “umaaliw doon sa mga ibinaba.”—2 Corinto 7:5-7.
Nauunawaan ng lahat ng mga estudyante ng Bibliya na lahat ng di-kasakdalan ng tao, lakip na ang ADHD, ay namana mula sa unang tao, si Adan. (Roma 5:12) Alam din nila na ang Maylalang, si Jehova, ay tutupad sa kaniyang pangako na gagawa ng isang matuwid na bagong sanlibutan na doo’y wala nang nagpapahirap na mga sakit. (Isaias 33:24; Apocalipsis 21:1-4) Ang katiyakang ito ay isang maaasahang suporta para sa mga apektado ng gayong mga karamdaman na gaya ng ADHD. “Ang edad, pagsasanay, at karanasan ay tumutulong sa aming anak na maunawaan at mapangasiwaan ang kaniyang karamdaman,” sabi ni John. “Ngunit siya’y hindi lubusang gagaling sa sistemang ito ng mga bagay. Ang aming kaaliwan sa araw-araw ay na sa bagong sanlibutan, gagamutin ni Jehova ang karamdaman ng aming anak at matatamasa niya ang buhay hanggang sa kasukdulan nito.”
-