Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Isang Traidor na Kaibigan
    Gumising!—2010 | Mayo
    • Isang Traidor na Kaibigan

      Bata ka pa lang, “kaibigan” mo na siya. Dahil sa kaniya, pakiramdam mo’y malaki ka na at “in” ka sa mga kaedad mo. Kapag nai-stress ka, sa kaniya ka lumalapit para “guminhawa.” Talagang lagi mo siyang maaasahan.

      Pero nang maglaon, lumabas din ang kaniyang tunay na kulay. Ang gusto niya, lagi mo siyang kasama, kahit mangahulugan pa ito na hindi ka maging katanggap-tanggap sa ilang lugar. Maaari ngang naipadama niya sa iyo na malaki ka na, pero ang totoo, unti-unti ka niyang pinapatay. At hindi lang iyan. Hinuhuthot pa niya ang suweldo mo.

      Kamakailan, sinubukan mong kumalas sa kaniya, pero ayaw ka niyang pakawalan. Para bang alipin ka na niya. Sising-sisi ka na nakilala mo siya.

      GANIYAN ang ugnayan sa pagitan ng sigarilyo at ng maraming naninigarilyo. Matapos maging alipin ng sigarilyo sa loob ng 50 taon, naalala ng babaing si Earline: “Mas nakakatulong pa sa akin ang sigarilyo kaysa ang ibang tao. Hindi lang siya isang matagal nang kaibigan​—minsan, siya lang ang kaibigan ko.” Pero gaya ng napag-isip-isip ni Earline, ang sigarilyo ay isa palang traidor at malupit na kaibigan. Talagang tamang-tama sa kaniya ang nakasulat sa itaas. Ang ipinagkaiba lang, nang matutuhan niya na masama sa paningin ng Diyos ang paninigarilyo dahil dinurumhan nito ang katawang ibinigay Niya sa atin, inihinto niya ang kaniyang bisyo.​—2 Corinto 7:1.

      Isang lalaking nagngangalang Frank ang nagpasiya ring huminto sa paninigarilyo dahil gusto niyang mapaluguran ang Diyos. Pero mahigit isang araw pa lang siyang humihinto, heto’t gumagapang na siya sa ilalim ng kaniyang bahay para maghanap ng mga upos ng sigarilyo na nahulog sa mga siwang ng sahig. “Noon ako natauhan,” ang sabi ni Frank. “Isipin mo, nagkakalkal ako ng dumi para lang maghanap ng mga upos. Nakakadiri talaga. Mula noon, hindi na ako nanigarilyo.”

      Bakit kaya napakahirap huminto sa paninigarilyo? Natuklasan ng mga mananaliksik ang ilang dahilan: (1) Tulad ng ipinagbabawal na gamot, ang mga produktong may tabako ay nakakaadik. (2) Ang nalalanghap na nikotina ay nakakarating sa utak sa loob lang ng pitong segundo. (3) Ang paninigarilyo ay kadalasan nang nagiging bahagi ng buhay ng isang tao​—lagi itong kasama sa kainan, inuman, kuwentuhan, at iba pa; ginagawa pa nga itong pantanggal ng stress.

      Pero gaya ng naging karanasan nina Earline at Frank, posibleng ihinto ang bisyong ito. Kung naninigarilyo ka at gusto mo nang huminto, maaari kang matulungan ng sumusunod na mga artikulo na makalaya sa bisyong ito.

  • Pasidhiin ang Iyong Determinasyon
    Gumising!—2010 | Mayo
    • Pasidhiin ang Iyong Determinasyon

      “Ang masidhing determinasyon na huminto sa paninigarilyo ang pinakamahalagang bagay na taglay ng mga matagumpay na nakahinto sa paninigarilyo.”​—“Stop Smoking Now!”

      KUNG gusto mong huminto sa paninigarilyo, dapat mong pasidhiin ang iyong determinasyon na gawin ito. Paano? Isipin ang mga kapakinabangan kapag huminto ka sa paninigarilyo.

      Makakatipid ka. Ang isang kaha bawat araw ay magkakahalaga ng libu-libong piso bawat taon. “Hindi ko akalaing malaki pala ang nagagastos ko sa tabako.”​—Gyanu, Nepal.

      Tiyak na mas masisiyahan ka sa buhay. “Na-enjoy ko lang ang buhay nang huminto ako sa paninigarilyo, at habang tumatagal, lalong gumaganda ang buhay ko.” (Regina, Timog Aprika) Kapag humihinto sa paninigarilyo ang mga tao, bumubuti ang panlasa at pang-amoy nila, at karaniwan nang mas masigla sila at mas maganda ang hitsura.

      Bubuti ang kalusugan mo. “Ang paghinto sa paninigarilyo ay may malaki at kagyat na mga pakinabang sa kalusugan para sa mga lalaki at babae, anuman ang edad.”​—U.S. Centers for Disease Control and Prevention.

      Madaragdagan ang kumpiyansa mo sa sarili. “Huminto ako sa paninigarilyo dahil ayokong maging alipin ng tabako. Gusto kong ako ang may kontrol sa katawan ko.”​—Henning, Denmark.

      Makikinabang ang iyong pamilya at mga kaibigan. “Pinipinsala ng paninigarilyo . . . ang kalusugan ng mga nasa paligid mo. . . . Ipinakikita ng mga pag-aaral na libu-libong tao . . . ang namamatay sa kanser at sakit sa puso taun-taon dahil sa nalalanghap nilang usok ng sigarilyo.”​—American Cancer Society.

      Matutuwa sa iyo ang iyong Maylalang. “Mga minamahal, linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman.” (2 Corinto 7:1) “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na . . . banal, kaayaaya sa Diyos.”​—Roma 12:1.

      “Nang malaman kong hindi sang-ayon ang Diyos sa mga bagay na nagpaparumi sa katawan, huminto ako sa paninigarilyo.”​—Sylvia, Espanya.

      Pero kadalasan nang hindi sapat ang basta determinasyon lang. Baka kailangan din natin ang tulong ng iba, kasama na ang mga kapamilya at kaibigan. Ano kaya ang maitutulong nila?

  • Humingi ng Tulong
    Gumising!—2010 | Mayo
    • Humingi ng Tulong

      “Kung may makapananaig sa nag-iisa, ang dalawang magkasama ay makapaninindigan laban sa kaniya.”​—Eclesiastes 4:12.

      KAPAG may tumutulong sa atin, malaki ang tsansa nating magtagumpay sa sinuman o anumang kalaban. Kaya kung gusto mong magtagumpay laban sa bisyo ng paninigarilyo, makabubuting humingi ng tulong sa iyong mga kapamilya at kaibigan​—o sa sinumang tunay na nagmamalasakit.

      Baka puwede kang humingi ng payo sa mga huminto na sa bisyong ito. Bukod sa mauunawaan ka nila, makakatulong din sila. “Malaking bagay sa akin ang suporta ng iba,” ang sabi ni Torben, isang Kristiyano sa Denmark. Si Abraham, na nagtatrabaho sa India, ay sumulat: “Ang tunay na pagmamahal na ipinakita ng pamilya ko at ng mga kapuwa Kristiyano ay nakatulong sa akin na huminto sa paninigarilyo.” Pero kung minsan, hindi pa rin sapat ang suporta ng mga kapamilya at kaibigan.

      “Nanigarilyo ako sa loob ng 27 taon,” ang sabi ng lalaking si Bhagwandas, “pero dahil nalaman ko ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa maruruming bisyo, nagpasiya akong huminto. Una, binawasan ko ang hinihithit kong sigarilyo. Nagbago rin ako ng mga kasama. Pagkatapos, humingi ako ng payo. Pero walang umubra. Hanggang isang gabi, ibinulalas ko sa Diyos na Jehova ang laman ng puso ko at nagmakaawa sa kaniya na tulungan akong huminto. Sa wakas, nagtagumpay rin ako!”

      Ang isa pang mahalagang bagay na dapat gawin ay maghanda para sa mga posibleng balakid. Anu-ano ang mga ito? Nasa susunod na artikulo ang sagot.

      [Kahon sa pahina 5]

      DAPAT KA BANG GUMAMIT NG GAMOT?

      Bilyun-bilyong dolyar ang kinikita ng mga gumagawa ng gamot, gaya ng nicotine patch, na tumutulong sa mga naninigarilyo na huminto. Pero bago ka magpasiyang gumamit ng gamot, tingnan ang sumusunod na mga tanong:

      Ano ang mga pakinabang? Maraming terapi ang sinasabing makakatulong nang malaki sa paghinto sa paninigarilyo dahil binabawasan nito ang mga withdrawal symptom. Pero hindi pa rin tiyak kung magiging pangmatagalan ang bisa ng mga ito.

      Ano ang mga panganib? Ang ilang gamot ay maaaring may mga side effect gaya ng pagduduwal, depresyon, at pag-iisip na magpatiwakal. Tandaan din na ang mga nicotine-replacement therapy ay nagbibigay rin ng nikotina​—sa ibang anyo nga lang​—kaya naroon pa rin ang mga panganib sa kalusugan. Ang totoo, ang mga gumagamit nito ay naaadik pa rin.

      Ano ang mga alternatibo? Sa isang surbey, 88 porsiyento ng mga nakahinto agad sa paninigarilyo ang nagsabing nagtagumpay sila nang hindi gumagamit ng gamot.

  • Paghandaan ang mga Balakid
    Gumising!—2010 | Mayo
    • Paghandaan ang mga Balakid

      “Ipinasiya kong huminto sa paninigarilyo alang-alang sa anak namin na kasisilang pa lang. Kaya naglagay ako ng ‘No Smoking’ sign sa aming bahay. Pero isang oras pa lang ang nakalilipas, heto’t naghahanap na ng nikotina ang katawan ko. Hindi ko mapigil kaya nagsindi ako ng sigarilyo.”​—Yoshimitsu, Japan.

      GAYA ng ipinakikita ng karanasan ni Yoshimitsu, may mga balakid sa paghinto sa paninigarilyo. Bukod diyan, ipinakikita ng mga pag-aaral na halos 90 porsiyento ng mga “nadapa” ay tuluyan nang bumalik sa dati nilang bisyo. Kaya kung gusto mong huminto sa paninigarilyo, mas malaki ang tsansa mong magtagumpay kung handa ka sa mga balakid. Anu-ano ba ang karaniwang balakid?

      Ang paghahanap ng nikotina: Kadalasan nang pinakamatindi ang paghahanap na ito tatlong araw matapos ang huli mong sigarilyo, at saka humuhupa pagkalipas ng mga dalawang linggo. Sa panahong iyon, “pasumpung-sumpong ang paghahanap,” ang sabi ng isang dating naninigarilyo. Pero kahit lumipas ang mga taon, maaaring biglang bumalik ang pagnanasang manigarilyo. Kung mangyari ito, huwag magpadala. Palipasin ang limang minuto o higit pa, at tiyak na huhupa rin iyon.

      Iba pang withdrawal symptom: Sa simula, nagiging antukin ang isa o nahihirapang magpokus at maaaring mas mabilis siyang tumaba. Baka makaranas din siya ng kirot, pangangati, pamamawis, at pag-ubo, pati na ang pagbabagu-bago ng mood​—madaling mawalan ng pasensiya, mainitin ang ulo, o nadedepres pa nga. Pero karaniwan nang nawawala ang mga sintomas sa loob ng apat hanggang anim na linggo.

      Sa mahirap na panahong ito, may ilang praktikal na hakbang na puwede mong gawin. Halimbawa:

      ● Habaan ang iyong tulog.

      ● Uminom ng maraming tubig o juice. Kumain ng masustansiyang pagkain.

      ● Mag-ehersisyo nang katamtaman.

      ● Huminga nang malalim, at gunigunihing may pumapasok na malinis na hangin sa iyong bagà.

      Mga Tukso: May mga gawain o pakiramdam na puwedeng tumukso sa iyo na manigarilyo. Halimbawa, malamang na madalas mong pagsabayin ang sigarilyo at anumang inumin. Kaya kung gusto mong huminto sa paninigarilyo, huwag gumugol ng mahabang oras sa pag-inom. Siyempre pa, darating din ang panahon na puwede ka nang magtagal sa pag-inom ng anumang inumin.

      Pero kahit wala nang nikotina sa katawan mo, puwede ka pa ring matuksong manigarilyo kasabay ng isang partikular na gawain. “Labinsiyam na taon na akong huminto sa paninigarilyo, pero natutukso pa rin akong manigarilyo kapag nagkakape,” ang pag-amin ni Torben, na binanggit sa pasimula. Gayunpaman, karaniwan nang nawawala sa paglipas ng panahon ang pagnanais na manigarilyo kasabay ng isang espesipikong gawain.

      Iba naman kapag alkohol ang pinag-uusapan. Habang sinisikap mong huminto sa paninigarilyo, baka kailangan mo ring umiwas sa alkohol at sa mga lugar na may ganitong mga inumin, dahil ang pag-inom ay madalas na nauuwi sa muling paninigarilyo. Bakit?

      ● Nadaragdagan ng kahit kaunting alkohol lang ang kasiyahang idinudulot ng nikotina.

      ● Kadalasan nang kasama sa inuman ang paninigarilyo.

      ● Apektado ng alkohol ang pagpipigil sa sarili at katinuan ng isa. Tama ang sinasabi ng Bibliya: “Alak ang siyang nag-aalis ng mabuting motibo.”​—Oseas 4:11.

      Kasama: Maging mapamili. Halimbawa, iwasang makisama sa mga taong naninigarilyo o nag-aalok sa iyo na manigarilyo. Iwasan mo rin ang mga taong nagpapahina ng loob mo​—marahil ay tumutuya sa iyo na hindi mo kayang huminto sa paninigarilyo.

      Emosyon: Ipinakikita ng isang pag-aaral na halos dalawang-katlo ng mga nanigarilyo uli ang natuksong gawin ito dahil sa stress o galit. Kung nakadarama ka ng tulad nito at natutukso kang manigarilyo, gumawa ng ibang bagay​—puwede kang uminom ng tubig, mag-chewing gum, o maglakad-lakad. Mag-isip ng positibong mga bagay. Maaari kang manalangin sa Diyos o magbasa ng ilang pahina ng Bibliya.​—Awit 19:14.

      Mga Pagdadahilan na Dapat Iwasan

      ● Isang hithit lang.

      Ang totoo: Isang hithit lang ang kailangan para magising ang 50 porsiyento ng ilang nicotine receptor sa iyong utak sa loob ng tatlong oras. Ang resulta? Balik sa dating bisyo.

      ● Nawawala ang stress ko kapag naninigarilyo.

      Ang totoo: Ipinakikita ng mga pag-aaral na pinararami ng nikotina ang mga stress hormone. Ang waring pagkawala ng stress ay malamang na dulot lang ng pansamantalang pagkawala ng mga withdrawal symptom.

      ● Sa tagal ko nang naninigarilyo, wala na akong pag-asa.

      Ang totoo: Ang pagiging negatibo ay nakakasira ng determinasyon. Sinasabi ng Bibliya: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” (Kawikaan 24:10) Kaya huwag mong isiping hindi mo kaya. Puwedeng magtagumpay kahit sino, basta’t gusto niya talagang huminto at sinusunod niya ang praktikal na mga payo, gaya ng binabanggit sa magasing ito.

      ● Hindi ko makakayanan ang mga withdrawal symptom.

      Ang totoo: Hindi nga biru-biro ang mga withdrawal symptom, pero huhupa rin ang mga ito sa loob lang ng ilang linggo. Kaya manatiling determinado! Kung makaramdam ka uli ng pagnanasang manigarilyo pagkaraan ng mga buwan o taon, lilipas din iyan, marahil sa loob lang ng ilang minuto​—kung hindi ka magsisindi ng sigarilyo.

      ● May sakit ako sa isip.

      Ang totoo: Kung ginagamot ka dahil may karamdaman ka sa isip, gaya ng depresyon o schizophrenia, tanungin ang iyong doktor kung paano ka makakahinto sa paninigarilyo. Handa ka niyang tulungan at puwede niyang imonitor ang paggamot sa iyo o ang medikasyon para hindi lumala ang sakit mo dahil sa paghinto sa paninigarilyo.

      ● Kapag nanigarilyo ako uli, madarama ko lang na bigo ako.

      Ang totoo: Kung madapa ka at matukso muling manigarilyo​—gaya ng nararanasan ng ibang gustong huminto sa paninigarilyo​—hindi pa huli ang lahat. Bumangon ka at huwag sumuko. Hindi komo nadapa ka, ibig sabihin ay bigo ka na. Bigo ka kung hindi ka babangon. Kaya huwag sumuko. Magtatagumpay ka rin!

      Tingnan ang karanasan ni Romualdo, na nanigarilyo sa loob ng 26 na taon at huminto mahigit 30 taon na ang nakalilipas. “Hindi ko na mabilang kung ilang beses ako muling nanigarilyo,” ang isinulat niya. “Sa tuwing nangyayari iyon, nasisiraan ako ng loob. Pakiramdam ko, wala na akong pag-asa. Pero nang ipasiya kong magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos na Jehova at paulit-ulit na nanalangin, nagawa ko ring huminto.”

      Sa huling artikulo ng seryeng ito, tatalakayin natin ang ilan pang praktikal na mungkahi na makakatulong sa iyo na magtagumpay sa paghinto sa paninigarilyo.

      [Kahon/Larawan sa pahina 7]

      NAKAMAMATAY ANG LAHAT NG ANYO NITO

      Ang tabako ay ginagamit sa maraming paraan. Ang ilang produkto ng tabako ay ipinagbibili pa nga sa mga tindahan ng herbal at ng mga food supplement. Gayunman, “lahat ng anyo ng tabako ay nakamamatay,” ang sabi ng World Health Organization. Nakamamatay ang mga sakit na nauugnay sa tabako, gaya ng kanser at sakit sa puso. Kapag naninigarilyo ang isang ina, maaari itong makasamâ sa kaniyang hindi-pa-naisisilang na sanggol. Anu-ano ba ang karaniwang produkto ng tabako?

      Bidi: Ito ay maliit na sigarilyo na inirolyo ng kamay at kadalasan nang ginagamit sa Asia. Kumpara sa karaniwang sigarilyo, mas marami ang tar, nikotina, at carbon monoxide nito.

      Tabako: Ito ay dinurog na dahon ng tabako na binalot sa dahon ng tabako o papel na gawa sa tabako. Dahil may alkaline ito, nasisipsip ng bibig ang nikotina kahit hindi ito sindihan.

      Kretek, o sigarilyong gawa sa clove: Binubuo ito ng mga 60 porsiyentong tabako at 40 porsiyentong clove. Mas marami ang tar, nikotina, at carbon monoxide nito kumpara sa karaniwang sigarilyo.

      Pipa: Hindi rin ligtas ang paggamit ng pipa dahil posible rin itong maging sanhi ng kanser at ng iba pang sakit.

      Tabakong walang usok: Kasama na rito ang tabakong nangunguya, snuff, at tinimplahang gutkha, na ginagamit sa Timog-Silangang Asia. Ang nikotina ay pumupunta sa daluyan ng dugo sa pamamagitan ng bibig. Mapanganib din ang mga tabakong walang usok.

      Water pipe (bong, hookah, narghile, shisha): Sa mga anyong ito, ang usok ng tabako ay dumaraan sa tubig bago malanghap. Gayunman, hindi nito nababawasan ang lason​—kasama na ang mga partikulang nagiging sanhi ng kanser​—na pumupunta sa baga.

      [Kahon/Larawan sa pahina 8]

      PAGTULONG SA ISA NA HUMINTO SA PANINIGARILYO

      ● Maging positibo. Mas epektibo ang papuri kaysa sa sermon. Mas mabuting sabihin, “Kaya mo iyan. Huwag kang susuko” kaysa “Bigo ka na naman!”

      ● Maging mapagpasensiya. Sikaping huwag pumatol kapag nagagalit sa iyo o nadidismaya ang isang gustong huminto sa paninigarilyo. Maging mabait sa iyong pananalita. Puwede mong sabihin, “Alam kong mahirap iyan, pero hanga ako sa iyo.” Huwag na huwag sasabihin, “Mas mabuti pang manigarilyo ka na lang uli!”

      ● Maging tunay na kaibigan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Oo, maging matiisin at maibigin sa “lahat ng panahon” sa isang nagsisikap na huminto sa paninigarilyo​—anumang oras o anuman ang mood ng taong iyon.

  • Puwede Kang Magtagumpay!
    Gumising!—2010 | Mayo
    • Puwede Kang Magtagumpay!

      PANAHON na para “magpakalakas-loob ka at kumilos.” (1 Cronica 28:10) Anu-ano pang hakbang ang puwede mong gawin para lumaki ang tsansa mong magtagumpay?

      Magtakda ng petsa. Inirerekomenda ng U.S. Department of Health and Human Services na kapag desidido ka nang huminto sa paninigarilyo, dapat na hindi lalampas sa dalawang linggo ang itatakda mong petsa ng paghinto. Sa gayo’y hindi hihina ang determinasyon mo. Markahan ang petsang iyon sa kalendaryo, sabihin sa mga kaibigan, at pangatawanan ito kahit magbago pa ang mga kalagayan.

      Gumawa ng nota sa maliit na papel. Puwedeng isulat dito ang sumusunod na mga impormasyon, pati na ang iba pang bagay na magpapasidhi sa iyong determinasyon:

      ● Mga dahilan kung bakit ka hihinto

      ● Numero ng telepono ng mga taong tatawagan mo kapag natutukso kang manigarilyo

      ● Mga simulain​—kasama na marahil ang mga teksto sa Bibliya gaya ng Galacia 5:22, 23​—na tutulong sa iyo na maabot ang tunguhin mo

      Dalhin lagi ang papel na ito, at basahin nang ilang beses bawat araw. Kahit huminto ka na, repasuhin ang notang ito tuwing natutukso kang manigarilyo.

      Unti-unting kumalas. Bago pa ang itinakda mong petsa ng paghinto, unti-unti nang alisin ang mga bagay na nauugnay sa paninigarilyo mo. Halimbawa, kung naninigarilyo ka pagkagising sa umaga, ipagpaliban nang isang oras o higit pa ang paninigarilyo. Kung naninigarilyo ka habang kumakain o agad-agad pagkakain, iwasan na ito. Umiwas sa mga lugar na may naninigarilyo. At sabihin nang malakas kapag nag-iisa ka: “Salamat, pero hindi na ako naninigarilyo.” Ang gayong mga hakbang ay malaking tulong habang hinihintay mo ang petsa ng paghinto mo. Magsisilbi rin itong paalaala na kaunting panahon na lang at malaya ka na sa bisyong ito.

      Maghanda. Habang papalapit ang petsa ng paghinto mo, maghanda ng mga pamalit sa sigarilyo: karot, gum, mani, at iba pa. Ipaalaala sa iyong mga kaibigan at kapamilya ang petsa ng paghinto mo at kung paano ka nila matutulungan. Isang araw bago ang petsang iyon, itapon ang mga ashtray, lighter, at iba pang bagay na maaaring makatukso sa iyo na manigarilyo​—gaya ng sigarilyo sa iyong bahay, kotse, bulsa, o sa iyong pinagtatrabahuhan. Siyempre pa, mas madali kang matutuksong manigarilyo kung nasa drower lang ang sigarilyo kaysa kung manghihingi ka pa o bibili! Bukod diyan, huwag magsawa sa pananalangin sa Diyos, lalo na kapag huminto ka na.​—Lucas 11:13.

      Napakarami nang “kumalas” sa kanilang traidor at malupit na kaibigan, ang sigarilyo. Magagawa mo rin iyan. Mas mabuting kalusugan at maginhawang pakiramdam ang naghihintay sa iyo.

      [Larawan sa pahina 9]

      Dalhin lagi ang papel na ito, at basahin nang madalas sa maghapon

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share