Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Gumagamit ba ng Internet ang Iyong Anak?
    Gumising!—2008 | Oktubre
    • Gumagamit ba ng Internet ang Iyong Anak?

      MILYUN-MILYONG kabataan ang gumagamit ng Internet anumang oras, sa bahay man, sa paaralan, sa bahay ng isang kaibigan, o​—kung may gadyet sila o cell phone na nakakokonekta sa Internet​—halos kahit saan. Kung isa kang magulang, napapaharap ka sa isang nakapangangambang realidad: Malamang na mas maraming alam sa Internet ang mga anak mo kaysa sa iyo, at maaaring kaya nilang itago sa iyo ang ginagawa nila sa Internet.

      Dapat ka bang mangamba? Siyempre. Pero wala ka na bang magagawa? Mayroon. Baka iniisip mong napakahirap gumamit ng Internet, pero maaari ka pa ring matuto. At hindi mo naman kailangang maging eksperto sa elektroniks para maipagsanggalang ang iyong anak.

      Ang serye ng mga artikulong ito ay magbibigay sa iyo ng ilang praktikal na impormasyon hinggil sa bagay na iyan. Pero suriin muna natin ang ilang panganib na maaaring mapaharap sa iyong anak sa paggamit ng Internet.

  • Mga Bata at Internet—Ang Dapat Malaman ng mga Magulang
    Gumising!—2008 | Oktubre
    • Mga Bata at Internet​—Ang Dapat Malaman ng mga Magulang

      NOON, tila sapat nang pag-iingat sa paggamit ng Internet ang paglalagay ng computer sa tamang lokasyon sa bahay. Inakala na kung nasa sala ang computer, malamang na hindi na mangangahas ang mga bata na pumasok sa mapanganib na mga site sa Internet. Totoo naman iyon​—isang katalinuhan pa rin na huwag maglagay sa silid ng bata ng computer na makakokonekta sa Internet​—pero hindi lamang iyon ang pag-iingat na kailangan. Mayroon na ngayong wireless na mga gadyet, kaya puwede nang makapag-Internet ang mga kabataan saanman sila pumunta. Marami nang cell phone na makakokonekta sa Internet. Nandiyan din ang mga Internet café, Internet kiosk, aklatan, at ang matagal nang tambayan, ang bahay ng kabarkada. Sa dami ng mapagpipilian, madali nang maitatago ng mga kabataan ang pinaggagagawa nila sa Internet.

      Alamin ang ilan sa mga bagay na kinawiwilihang gawin ng maraming kabataan sa Internet at kung ano ang posibleng mga panganib nito.

      E-MAIL

      Ano ito? Mga liham na ipinadadala sa elektronikong paraan.

      Bakit nakakaengganyo? Ang e-mail ay mabilis at matipid na paraan para makipagsulatan sa mga kaibigan at kapamilya.

      Ang dapat mong malaman. Hindi lamang nakaaabala ang mga e-mail na galing sa mga hindi kakilala, na karaniwan nang tinatawag na spam. Kadalasan, naglalaman ang mga ito ng pasaring tungkol sa sex o ng lantarang kabastusan. Ang mga link na nasa mga mensaheng ito ay maaaring humingi​—maging sa inosenteng bata​—ng personal na impormasyong magagamit ng masasamang tao para nakawin ang kaniyang pagkakakilanlan. Kung sasagutin ng gumagamit ng Internet ang gayong mga e-mail​—kahit pa mariin niyang sinasabi na itigil na ang pagpapadala ng mga e-mail​—matitiyak lamang ng nagpadala na aktibo pa ang kaniyang e-mail address, kaya maaaring paulanan pa siya ng gayong mga e-mail.

      WEB SITE

      Ano ito? Koleksiyon ng mga impormasyon sa Internet na ginawa at ginagamit ng mga organisasyon, institusyong pang-edukasyon, negosyo, at mga indibiduwal.

      Bakit nakakaengganyo? Milyun-milyong site ang mapupuntahan ng mga kabataan para mamilí, magsaliksik, makipag-usap sa mga kaibigan, at maglaro o mag-download ng mga laro at musika.

      Ang dapat mong malaman. Sinasamantala ng maraming walang-prinsipyong mga tao ang Web. Marami sa mga Web site ang nagpapakita ng mga taong nagse-sex, at kung hindi maingat ang gumagamit ng Internet, baka mabuksan niya ang mga site na ito nang di-sinasadya. Halimbawa, sa Estados Unidos, 90 porsiyento ng mga kabataang sinurbey na edad 8 hanggang 16 ang nagsabing nakakita sila ng pornograpya sa Internet nang di-sinasadya​—karaniwan na, samantalang gumagawa ng takdang-aralin!

      May mga Web site din na madaling puntahan ng mga kabataan na gustong magsugal. Sa isang surbey sa Canada, halos 1 sa 4 na mga batang lalaki na nasa ika-10 at ika-11 grado ang umamin na pumunta sila sa gayong mga site, at natural lamang na mabahala ang mga eksperto dahil talagang nakakaadik ang mga sugal sa Internet. May tinatawag ding mga pro-ana Web site. Pinalilitaw ng mga site na ito na wala namang masama sa “pagiging anorectic.”a May mga site naman na nagsusulsol ng pagkapoot sa minoryang mga relihiyon at etnikong grupo. Ang ilang site ay nagtuturo kung paano gumawa ng bomba at lason, at kung paano magsasagawa ng terorismo. Kahindik-hindik na mga karahasan at madudugong sagupaan naman ang mga eksenang makikita sa maraming laro sa Internet.

      CHAT ROOM

      Ano ito? Site sa Internet kung saan puwedeng mag-usap sa pamamagitan ng text message, karaniwan na tungkol sa isang espesipikong paksa o kawili-wiling bagay.

      Bakit nakakaengganyo? Puwedeng makausap ng iyong anak ang mga indibiduwal na hindi niya kakilala pero kapareho niya ng hilig.

      Ang dapat mong malaman. Karaniwang nagbababad sa mga chat room ang masasamang tao para akitin ang mga bata na makipag-sex sa Internet o makipagkita sa kanila para mapagsamantalahan ang mga ito. Kuning halimbawa ang nangyari sa isa sa mga awtor ng aklat na What in the World Are Your Kids Doing Online? noong nagsasaliksik siya hinggil sa ligtas na paggamit ng Internet. Bilang bahagi ng kaniyang pananaliksik, nagkunwari siyang 12-anyos sa Internet. “Halos isang iglap lang,” ang ulat ng aklat, “may nag-anyaya sa kaniya na pumasok sa isang pribadong chat room. Nagkunwari ang babaing ito na hindi niya alam kung paano ito gagawin, kaya tinulungan siya ng kaniyang matulunging bagong kaibigan. Saka ito nagtanong kung gusto niyang makipag-sex [sa Internet].”

      INSTANT MESSAGE

      Ano ito? Pag-uusap ng dalawa o higit pang indibiduwal sa pamamagitan ng text message.

      Bakit nakakaengganyo? Sa instant messaging, puwedeng piliin ng gumagamit ng Internet kung sino sa mga kaibigan niya ang gusto niyang kausapin mula sa ginawa niyang contact list. Hindi kataka-taka, iniulat ng isang pag-aaral sa Canada na 84 na porsiyento ng mga kabataang 16 at 17 anyos ang nakikipagpalitan ng mga instant message sa kanilang mga kaibigan sa loob ng mahigit isang oras sa isang araw.

      Ang dapat mong malaman. Ang pag-uusap sa pamamagitan ng instant message ay makaaabala sa iyong anak kung nag-aaral siya o may ginagawa na nangangailangan ng pagbubuhos ng pansin. Bukod diyan, paano mo malalaman kung sino talaga ang kausap ng iyong anak, hindi mo naman naririnig ang kanilang pag-uusap?

      BLOG

      Ano ito? Mga talaarawan sa Internet.

      Bakit nakakaengganyo? Sa blog, maisusulat ng mga kabataan ang kanilang naiisip, kinahihiligan, at pinagkakaabalahan. Sa karamihan ng mga blog, puwedeng maglagay ng komento ang ibang mga nagbabasa, at maraming kabataan ang tuwang-tuwa kapag may nagkokomento sa kanilang mga isinulat.

      Ang dapat mong malaman. Puwedeng mabasa ng lahat ang blog. Ang ilang kabataan ay basta-basta na lamang naglalagay ng impormasyon tungkol sa kanilang pamilya, paaralan, o adres ng bahay. Isa pa: Puwedeng makasira ng reputasyon ang mga blog, pati na ng reputasyon ng mismong gumawa ng blog. Halimbawa, binabasa ng ilang nagpapatrabaho ang blog ng isang aplikante para gawin ding batayan kung tatanggapin siya sa trabaho o hindi.

      ONLINE SOCIAL NETWORK

      Ano ito? Mga site sa Internet kung saan puwedeng gumawa ang mga kabataan ng Web page na maaari nilang lagyan ng mga larawan, video, at blog.

      Bakit nakakaengganyo? Sa pagbuo at pagpapaganda ng Web page, maipakikilala ng isang kabataan ang kaniyang sarili. Sa online social network, maraming nagiging bagong “kaibigan” ang mga kabataan.

      Ang dapat mong malaman. “Parang parti sa Internet ang social networking site,” ang sabi ng kabataang si Joanna. “Puwedeng may pumasok na mga taong talaga namang nakakatakot.” Ang personal na mga impormasyong inilalagay sa mga social network ay maaaring samantalahin ng walang-prinsipyong mga kabataan at adulto. Kaya nga sinabi ng safety expert sa Internet na si Parry Aftab na sa gayong mga site, “pipili na lamang ng bibiktimahin ang seksuwal na mga mang-aabuso.”

      Bukod diyan, mababaw ang mga pagkakaibigang nabubuo sa Internet. Ang ilang kabataan ay naglalagay sa kanilang Web page ng mahabang listahan ng mga kontak nila sa Internet kahit na hindi pa nila nakikita ang mga ito nang mukhaan, para lamang magtinging sikat sila sa mga pumapasok sa kanilang site. Sa kaniyang aklat na Generation MySpace, isinulat ni Candice Kelsey na nagiging kalakaran sa mga kabataan na “sukatin ang halaga ng isang tao bilang kaibigan sa dami ng mga taong humahanga sa kaniya.” Idinagdag pa niya na dahil sa kalakarang ito, “bumababa ang pagkatao ng ating mga anak at nagigipit sila na gawin ang lahat para lamang bumango ang kanilang pangalan at magkaroon sila ng mas maraming kaibigan.” Kaya ganito ang makatuwirang tanong ng babasahing What in the World Are Your Kids Doing Online?: “Paano mo ituturo sa mga bata na kailangan nilang magpakita ng empatiya at malasakit, kung sa Internet naman ay nagkakaroon sila ng mga kakilala na maaari nilang ibasura kailanma’t maisipan nila?”

      Anim na halimbawa lamang ito ng mga bagay na kinawiwilihang gawin ng mga kabataan ngayon sa Internet. Kung isa kang magulang, ano ang puwede mong gawin para maprotektahan ang iyong mga anak sa mga panganib sa paggamit ng Internet.

      [Talababa]

      a Maraming mga organisasyon at site na pro-ana ang nagsasabing hindi naman nila itinataguyod ang anorexia. Pero pinalilitaw ng ilan sa mga ito na hindi disorder ang anorexia kundi ito lamang ang buhay na gusto ng isa. Ang mga forum sa mga site na ito ay nagbibigay ng impormasyon kung ano ang puwedeng gawin ng isang kabataan para hindi mahalata ng kaniyang mga magulang na pumapayat siya at hindi kumakain nang regular.

      [Blurb sa pahina 4]

      Sa India, biglang dumami ang mga gumagamit ng Internet​—tumaas nang 54 na porsiyento sa loob lamang ng isang taon​—pangunahin na dahil sa mga kabataang nahihilig dito

      [Blurb sa pahina 7]

      ◼ “Para sa isang magulang, ang Web cam ay isang kumbinyente at matipid na paraan para makipag-ugnayan ang isang bata sa kaniyang mga kaibigan o sa kanilang mga kamag-anak, pero para sa isang masamang tao, isa itong bukás na bintana sa silid ng bata.”

      ​—Robert S. Mueller III, direktor ng Federal Bureau of Investigation

  • Mga Bata at Internet—Ang Magagawa ng mga Magulang
    Gumising!—2008 | Oktubre
    • Mga Bata at Internet​—Ang Magagawa ng mga Magulang

      KUNG isa kang magulang, saan ka mas kakabahan​—kapag hawak ng anak mo ang susi ng inyong kotse o kapag nakagagamit siya ng Internet nang walang limitasyon? Parehong may panganib dito, kaya kailangan niyang maging responsable. Hindi naman puwedeng habang-buhay na pagbawalan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagmamaneho, pero maaari nilang tiyakin na naturuan ang kanilang mga anak kung paano magiging maingat sa pagmamaneho. Sa katulad na paraan, maraming magulang ang nagtuturo sa kanilang mga anak kung paano magiging maingat sa paggamit ng Internet. Makatutulong ang sumusunod na mga simulain ng Bibliya.

      “Ang bawat matalino ay gagawi nang may kaalaman.” (Kawikaan 13:16) Ang mga magulang na may mga anak na gumagamit ng Internet ay kailangang may alam din tungkol dito at kung ano ang ginagawa ng kanilang mga anak kapag nagpapadala ng mga instant message, tumitingin-tingin sa mga Web page, o iba pa. “Huwag mong isiping matanda ka na o walang gaanong pinag-aralan para matuto,” ang sabi ni Marshay na may dalawang anak. “Sumabay ka sa teknolohiya.”

      “Magtayo ka ng maliit na pader sa paligid ng iyong [patag na] bubungan, sapagkat baka may mahulog mula roon.” (Deuteronomio 22:8, Biblia ng Sambayanang Pilipino) May mga Internet service provider at mga programa sa computer na naglalaan ng mga filter na maaaring magsilbing “pader” upang hindi makapasok ang mga mensaheng bigla na lamang lumilitaw at upang hindi rin mapasok ng gumagamit ng Internet ang mapanganib na mga site. May ilang programa pa nga na maaaring gamitin para hindi maibigay ng mga bata ang personal na mga impormasyon, gaya ng kanilang pangalan o adres. Pero tandaan, may limitasyon din ang mga filter na ito. Bukod diyan, maraming bata ang magaling sa computer at alam nila kung paano malulusutan ang mga ito.

      “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.” (Kawikaan 18:1) Ipinakikita ng isang pag-aaral sa United Kingdom na halos 1 sa bawat 5 kabataan na edad 9 hanggang 19 ang may computer sa kanilang kuwarto na nakakonekta sa Internet. Kung nasa sala ang computer, masusubaybayan ng mga magulang ang ginagawa ng kanilang mga anak sa Internet at hindi mangangahas ang mga bata na pumasok sa mapanganib na mga site.

      “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.” (Efeso 5:15, 16) Gumawa ng iskedyul kung kailan at kung gaano katagal maaaring gumamit ng Internet ang mga bata, at sabihin sa kanila kung anu-anong uri ng site ang puwede at hindi nila puwedeng puntahan. Bigyan sila ng mga tagubilin at tiyaking nauunawaan nila ang mga ito.

      Siyempre hindi mo masusubaybayan ang iyong mga anak kapag wala sila sa bahay. Kaya mahalagang ikintal mo sa kanila ang wastong mga pamantayan para makapagpasiya sila nang tama kahit na hindi ka nila kasama.a (Filipos 2:12) Liwanagin sa kanila ang magiging parusa kung susuwayin nila ang mga tuntunin mo sa paggamit ng Internet. Saka ipatupad ang mga tuntuning iyon.

      “Binabantayan [ng isang mabuting ina] ang mga lakad ng kaniyang sambahayan.” (Kawikaan 31:27) Subaybayan ang inyong mga anak sa paggamit nila ng Internet, at ipaalam sa kanila na gagawin mo ito. Hindi ito panghihimasok. Tandaan, puwedeng buksan ng sinuman ang Internet. Inirerekomenda ng Federal Bureau of Investigation ng Estados Unidos na alamin ng mga magulang ang user name at password ng mga online account ng kanilang mga anak at tingnan ang ilan sa kanilang e-mail at ang mga Web site na pinupuntahan nila.

      “Ang kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan ay mag-iingat sa iyo, upang iligtas ka mula sa masamang daan, mula sa taong nagsasalita ng tiwaling mga bagay.” (Kawikaan 2:11, 12) Hindi masusubaybayan ng mga magulang ang lahat ng ginagawa ng kanilang mga anak sa Internet. Pero malaki ang magagawa ng mga pamantayang itinuturo mo​—at ng halimbawang ipinakikita mo​—para maipagsanggalang ang iyong mga anak. Kaya maglaan ng panahon para kausapin ang iyong mga anak hinggil sa mga panganib sa paggamit ng Internet. Ang prangkahang pakikipag-usap sa iyong mga anak ang pinakamagaling na depensa para maipagsanggalang mo sila sa mga panganib sa paggamit ng Internet. “Kinausap namin ang dalawa naming anak na lalaki hinggil sa ‘masasamang’ tao sa Net,” ang sabi ni Tom, isang Kristiyanong ama. “Ipinaliwanag din namin sa kanila kung ano ang pornograpya, kung bakit ito dapat iwasan, at kung bakit hindi sila dapat makipag-usap sa mga hindi nila kilala.”

      Maipagsasanggalang Mo ang Iyong mga Anak

      Kailangan ang pagsisikap upang maipagsanggalang mo ang iyong mga anak sa mga panganib sa paggamit ng Internet, lalo na’t patuloy na nagbabago at sumusulong ang teknolohiyang ito. May malaking bentaha sa mga bagong teknolohiya, pero may kaakibat din itong matitinding panganib. Paano maihahanda ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga panganib na ito? “Ang karunungan ay pananggalang kung paanong ang salapi ay pananggalang,” ang sabi ng Bibliya.​—Eclesiastes 7:12.

      Tulungan ang iyong mga anak na maging marunong. Tulungan din silang maintindihan kung paano iiwasan ang mga panganib sa Internet at kung paano ito gagamitin sa tamang paraan. Sa gayon, magagamit ang Internet sa kapaki-pakinabang na paraan sa halip na magsapanganib sa iyong mga anak.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share