-
Kapag Nagkaroon ng TrahedyaGumising!—2014 | Hulyo
-
-
TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAGKAROON NG TRAHEDYA—PAANO MO ITO HAHARAPIN?
Kapag Nagkaroon ng Trahedya
HALOS lahat ng tao ay dumaranas ng trahedya sa buhay. Kasama na riyan ang mga taong parang nasa kanila na ang lahat.
SINASABI NG BIBLIYA:
“Ang takbuhan ay hindi sa matutulin, ni ang pagbabaka ay sa mga makapangyarihan, ni ang pagkain man ay sa marurunong, ni ang kayamanan man ay sa mga may-unawa, ni ang lingap man ay sa mga may kaalaman; sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.”—Eclesiastes 9:11.
Kung gayon, ang pinag-uusapan dito ay hindi kung mapapaharap ka sa sakuna kundi kung ano ang gagawin mo kapag napaharap ka rito. Halimbawa:
Ano ang gagawin mo kapag nawala ang lahat ng ari-arian mo dahil sa kalamidad?
Ano ang gagawin mo kapag nalaman mong mayroon kang malubhang sakit?
Ano ang gagawin mo kapag namatay ang isang mahal sa buhay?
Ang mga Saksi ni Jehova, tagapaglathala ng magasing ito, ay naniniwalang makatutulong sa iyo ang Bibliya hindi lang para makayanan ang trahedya kundi para magkaroon ng matibay na pag-asa sa hinaharap. (Roma 15:4) Tingnan natin ang tatlong karanasan.
-
-
Pagkawala ng Ari-arianGumising!—2014 | Hulyo
-
-
TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAGKAROON NG TRAHEDYA—PAANO MO ITO HAHARAPIN?
Pagkawala ng Ari-arian
Noong Biyernes, Marso 11, 2011, isang 9.0 magnitude na lindol ang tumama sa Japan, na kumitil ng mahigit 15,000 katao at nagdulot ng pinsalang nagkakahalaga ng mahigit $200 bilyon (U.S.). Nang marinig ng 32-anyos na si Kei ang babalang magkakaroon ng tsunami, pumunta siya sa mas mataas na lugar. “Kinaumagahan, bumalik ako sa bahay para kunin ang anumang puwede kong makuha,” ang sabi niya, “pero natangay lahat ang gamit ko, pati apartment ko. Pundasyon na lang ang natira.
“Natigilan ako. Hindi lang pala paisa-isang bagay ang nawala, kundi lahat-lahat—ang kotse ko; mga computer na gamit ko sa trabaho; mga mesa, upuan, at sofa na ginagamit ko para sa mga bisita; ang keyboard ko, gitara, ukulele, at flute; ang mga gamit ko sa pagpipinta; lahat ng painting at drowing ko.”
PAGHARAP SA TRAHEDYA
Magpokus sa mga bagay na nasa iyo pa at hindi sa mga bagay na nawala na. Sinasabi ng Bibliya: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Sinabi ni Kei: “No’ng una, gumawa ako ng listahan ng lahat ng gusto ko, pero ipinaalaala lang nito ang mga nawala sa akin. Kaya inilista ko na lang y’ong mga bagay na talagang kailangan ko, at sa tuwing magkakaroon ako ng alinman sa mga ito, ina-update ko ang listahan ko. Nakatulong ito para maka-move on ako.”
Sa halip na magmukmok, gamitin ang karanasan mo para aliwin ang iba. “Ang dami kong natanggap na tulong mula sa gobyerno at mga kaibigan, pero dahil panay lang ang tanggap ko, nawala ang paggalang ko sa aking sarili,” ang sabi ni Kei. “Naalaala ko ang sinabi ng Bibliya sa Gawa 20:35 na ‘may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’ Dahil wala naman akong materyal na bagay na maibibigay, nakipag-usap na lang ako sa ibang biktima ng kalamidad, at pinatibay ko sila. Nakatulong ito sa akin nang malaki.”
Manalangin sa Diyos na bigyan ka ng praktikal na karunungan para maharap ang iyong sitwasyon. Nagtiwala si Kei sa sinasabi ng Bibliya na “babaling [ang Diyos] sa panalangin ng mga sinamsaman ng lahat ng bagay.” (Awit 102:17) Maaari mo ring gawin iyan.
Alam mo ba? Inihuhula ng Bibliya na darating ang panahon, wala nang sinuman ang mag-aalalang mawalan ng mga ari-arian dahil sa kalamidad.a—Isaias 65:21-23.
a Para malaman ang layunin ng Diyos sa lupa, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
-
-
PagkakasakitGumising!—2014 | Hulyo
-
-
TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAGKAROON NG TRAHEDYA—PAANO MO ITO HAHARAPIN?
Pagkakasakit
Si Mabel, taga-Argentina, ay napakaaktibo at nagtatrabaho bilang physical-rehabilitation therapist. Noong 2007, nagsimula siyang makaramdam ng sobrang pagkapagod at matinding pananakit ng ulo araw-araw. “Ilang doktor ang pinuntahan ko at sinubukan ang lahat ng uri ng gamot,” ang sabi niya, “pero walang nangyari.” Nang bandang huli, nagpa-MRI scan si Mabel at natuklasang may tumor siya sa utak. Sinabi niya: “Natigilan ako. Hindi ako makapaniwala!
“Nalaman ko lang kung gaano kalubha ang sakit ko nang magpaopera ako. Nang magising ako sa intensive care, hindi ako makagalaw. Nakatitig lang ako sa kisame. Bago ako maoperahan, napakaaktibo ko at independent. ‘Tapos ngayon, hindi na ako makakilos. Habang nasa intensive care, litong-lito ako at walang naririnig kundi ingay ng mga aparato, alarm, at daing ng ibang mga pasyente. Pakiramdam ko, punong-puno ng paghihirap ang paligid ko.
“Medyo magaling na ako ngayon. Nakakapaglakad na ako nang walang alalay at nakakaalis na rin ako ng bahay nang mag-isa kung minsan. Pero doble pa rin ang paningin ko at wala pa ring koordinasyon ang mga kalamnan ko.”
PAGHARAP SA TRAHEDYA
Maging positibo. Sinasabi ng Bibliya sa Kawikaan 17:22: “Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling, ngunit ang bagbag na espiritu ay tumutuyo ng mga buto.” Naaalaala pa ni Mabel: “Habang nagpapagaling ako, naranasan ko ang dinanas ng mga pasyente ko noon. Napakasakit ng mga ehersisyong ipinagagawa sa akin, at kung minsan parang gusto ko nang sumuko. Pilit kong inaalis sa isip ang pagiging negatibo dahil alam kong maganda ang kahihinatnan ng pagsisikap ko.”
Magpokus sa mga bagay na magbibigay sa iyo ng pag-asa para matiis mo ang kalagayan mo. “Nalaman ko mula sa Bibliya kung bakit may mga trahedya,” ang sabi ni Mabel. “Pero alam ko rin na sa bawat araw na lumilipas, palapít tayo nang palapít sa panahong mawawala na ang kirot magpakailanman.”a
Tandaan na ang Diyos ay nagmamalasakit sa iyo bilang indibiduwal. (1 Pedro 5:7) Naaalaala pa ni Mabel kung paano ito nakatulong sa kaniya: “Nang ipasok ako sa operating room, napatunayan ko ang sinabi ng Diyos sa Isaias 41:10: ‘Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo.’ Napanatag ako dahil alam kong may malasakit sa akin ang Diyos na Jehova.”
Alam mo ba? Itinuturo ng Bibliya na darating ang panahon, hindi na magkakasakit ang mga tao.—Isaias 33:24; 35:5, 6.
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
-
-
Pagkamatay ng Mahal sa BuhayGumising!—2014 | Hulyo
-
-
TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAGKAROON NG TRAHEDYA—PAANO MO ITO HAHARAPIN?
Pagkamatay ng Mahal sa Buhay
Si Ronaldo, taga-Brazil, ay naaksidente sa kotse kasama ng pamilya niya. Lima ang namatay, kasama na ang kaniyang mga magulang. “Dalawang buwan na ako sa ospital nang sabihin sa akin na namatay sila sa aksidente,” ang sabi niya.
“Sa umpisa, hindi ako makapaniwalang wala na sila. Paano nangyari iyon? Lahat sila? Nang matiyak kong totoo nga, na-shock ako. Sobrang sakit! Nang sumunod na mga araw, parang wala nang halaga sa akin ang buhay. Araw-araw akong umiiyak sa loob ng ilang buwan! Sinisisi ko ang sarili ko dahil ipinamaneho ko sa iba ang kotse. Kung ako sana ang nagmaneho, baka buháy pa sila.
“Labing-anim na taon na ang nakalipas, at balik na sa dati ang buhay ko. Pero nangungulila pa rin ako.”
PAGHARAP SA TRAHEDYA
Huwag itago ang iyong kalungkutan. Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtangis.” (Eclesiastes 3:1, 4) Sabi ni Ronaldo: “Kapag gusto kong umiyak, umiiyak talaga ako. Tutal, wala naman akong mapapala kung pipigilin ko ‘yon. Nagiginhawahan pa nga ako pagkaiyak ko.” Siyempre pa, hindi pare-pareho ang tao. Kaya kung hindi mo man ipinakikita ang iyong pagdadalamhati, hindi ibig sabihin nito na pinipigil mo ang iyong emosyon o na dapat mong piliting umiyak.
Huwag ibukod ang sarili. (Kawikaan 18:1) “Kahit gusto kong ibukod ang sarili ko, hindi ko ‘yon ginawa,” ang sabi ni Ronaldo. “Kapag may dumadalaw sa akin, pinatutuloy ko sila. Sinasabi ko rin sa aking asawa at matatalik na kaibigan ang nasa loob ko.”
Manatiling kalmado kapag nakarinig ka ng mga bagay na hindi mo gusto. Baka may magsabing, “Mas mabuti na iyan.” Naaalaala pa ni Ronaldo, “May mga komentong sa halip na makaaliw ay nakakasakit pa.” Sa halip na isip-isipin ang mga iyon, sundin ang payo ng Bibliya: “Huwag mong ilagak ang iyong puso sa lahat ng salita na sinasalita ng mga tao.”—Eclesiastes 7:21.
Alamin ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay. Sabi ni Ronaldo: “Ipinakikita ng Bibliya sa Eclesiastes 9:5 na ang mga patay ay hindi nagdurusa, kaya naman panatag ang loob ko. Itinuturo din ng Bibliya na magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga patay. Kaya iniisip ko na lang na nasa bakasyon lang ang namatay kong mga mahal sa buhay.”—Gawa 24:15.
Alam mo ba? Nangangako ang Bibliya na darating ang panahon na “lalamunin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman.”a—Isaias 25:8.
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
-