-
Ano ba ang Tunay na Tagumpay?Gumising!—2014 | Oktubre
-
-
TAMPOK NA PAKSA
Ano ba ang Tunay na Tagumpay?
ANO ang mas masaklap kaysa sa kabiguan? Huwad na tagumpay. Kasi kapag nabigo ka sa iyong pinagsisikapang maabot, may magagawa ka pa para maitama ang sitwasyon. Kahit paano, matututo ka sa iyong karanasan at pagbubutihin mo na sa susunod.
Iba naman ang huwad na tagumpay, kung saan iniisip mong nananalo ka, pero natatalo ka na pala. At kapag nakita mong kailangan mong magbago, baka huli na ang lahat.
Tingnan natin ang isang halimbawa. Minsan, itinanong ni Jesu-Kristo: “Ano ang magiging pakinabang ng isang tao kung matamo niya ang buong sanlibutan ngunit maiwala naman ang kaniyang kaluluwa?” (Mateo 16:26) Ang ideyang iyan ay tamang-tama sa mga taong abala sa pagkakamal ng pera at ng lahat ng mabibili nito—ang mismong halimbawa ng huwad na tagumpay. “Ang pagpopokus sa pag-asenso, pagkakaroon ng maraming pera o ari-arian ay hindi nakapagpapabusog ng kaluluwa,” ang isinulat ng career counselor na si Tom Denham. “Kung pera lang ang magiging sukatan ng tagumpay, napakababaw nito at wala ring maidudulot na kasiyahan sa bandang huli.”
Malamang na marami ang sasang-ayon diyan. Sa isang surbey na ginawa sa Estados Unidos, “ang pagkakaroon ng maraming pera” ay pang-20 sa listahan ng 22 “dahilan ng matagumpay na buhay.” Nangunguna sa listahan ang mga bagay na gaya ng magandang kalusugan, magandang kaugnayan sa iba, at trabahong gustong-gusto mo.
Maliwanag, kapag tinanong ang mga tao, marami ang makapagsasabi kung alin ang tunay at kung alin ang huwad na tagumpay. Pero pagdating sa paggawa ng desisyong kaayon ng tamang pangmalas sa tagumpay, iyon ang mahirap.
-
-
Paano Mo Sinusukat ang Tagumpay?Gumising!—2014 | Oktubre
-
-
TAMPOK NA PAKSA | ANO BA ANG TUNAY NA TAGUMPAY?
Paano Mo Sinusukat Ang Tagumpay?
Para subukin ang sarili, pag-isipan ang sumusunod na mga senaryo.
Sino sa tingin mo ang talagang matagumpay?
ALEX
May negosyo si Alex. Siya ay tapat, masipag, at may respeto sa iba. Umasenso ang negosyo niya, kaya naman guminhawa ang buhay niya at ng kaniyang pamilya.
CAL
Ang negosyo ni Cal ay katulad din ng kay Alex, pero di-hamak na mas malaki ang kinikita ni Cal. Kaya lang, naging workaholic siya at nagkaroon ng maraming sakit.
JANET
Nag-aaral sa middle-school si Janet. Masipag siya at gustong-gustong matuto. Kaya naman matataas ang grade niya.
ELLEN
Mas matataas ang grade ni Ellen kaysa kay Janet at honor student pa siya—pero nandaraya siya sa mga test at hindi talaga interesado sa pag-aaral.
Kung sasabihin mong sina Cal at Ellen—o silang apat—ang matagumpay, baka sinusukat mo ang tagumpay batay lang sa mga resulta, anuman ang ginamit na paraan para maabot iyon.
Pero kung sina Alex at Janet lang ang pinili mo, malamang na sinusukat mo ang tagumpay batay sa mga katangian ng isang tao at sa dedikasyon niya sa trabaho. Dapat lang naman. Pag-isipan ang sumusunod na mga halimbawa:
Alin ang mas makapagbibigay kay Janet ng habambuhay na pakinabang—ang makakuha ng matataas na grade o ang ma-develop pa ang kagustuhang matuto?
Alin ang makabubuti sa mga anak ni Alex—ang magkaroon ng lahat ng bagay na mabibili ng pera o ng isang ama na natutuwang maglaan ng panahon sa kanila?
Tandaan: Ang huwad na tagumpay ay nakasalig sa nakikita ng tao; ang tunay na tagumpay ay nakasalig sa tamang pamantayan.
-
-
Kung Paano Makakamit ang Tunay na TagumpayGumising!—2014 | Oktubre
-
-
TAMPOK NA PAKSA | ANO BA ANG TUNAY NA TAGUMPAY?
Kung Paano Makakamit ang Tunay na Tagumpay
Itinataguyod ng Bibliya ang tamang pangmalas sa tagumpay. Hindi nito itinuturo na ang tagumpay ay makakamit lang ng iilan. Pero hindi rin nito sinusuportahan ang kuwentong pantasya na kung sisikapin mong ‘abutin ang iyong pangarap,’ lahat ng kahilingan mo ay magkakatotoo. Ang ganiyang kaisipan—na madalas ituro sa mga bata—ay malamang na mauwi sa kabiguan.
Ang totoo, ang tagumpay ay kayang abutin ng sinuman—pero kailangan ang pagsisikap. Talakayin natin ang sumusunod na mga simulain.
ANG SABI NG BIBLIYA:
“Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita.”—Eclesiastes 5:10.
ANG KAHULUGAN NITO. Ang maluhong pamumuhay ay hindi garantiya ng kasiyahan. Sa katunayan, kabaligtaran ang nangyayari. “Ang mga taong nagkukumahog sa pagkita ng pera ay mas balisa at nanlulumo kaysa sa mga taong nagpapahalaga sa matibay na kaugnayan sa iba,” ang isinulat ni Dr. Jean M. Twenge sa kaniyang aklat na Generation Me. Sinabi rin niya: “Laging natutuklasan ng mga mananaliksik na ang kaligayahan ay hindi nabibili ng salapi—kung nakakaraos ka naman, wala nang kaugnayan ang kinikita sa pagiging masaya.”
ANG PUWEDE MONG GAWIN. Magtakda ng tunguhing mas kapaki-pakinabang kaysa sa kayamanan at ari-arian. “Magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan,” ang sabi ni Jesus, “sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.”—Lucas 12:15.
ANG SABI NG BIBLIYA:
“Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.”—Kawikaan 16:18.
ANG KAHULUGAN NITO. Ang ambisyon at kayabangan ay hindi makatutulong sa iyo na makamit ang tunay na tagumpay. Ang totoo, sinasabi ng aklat na Good to Great na ang matatagumpay na lider ng kompanya ay “mapagpakumbaba, hindi mayabang, at simple lang. Samantala, dalawang-katlo ng pinagkumparahang mga kompanya ang may mga lider na masyadong mataas ang tingin sa sarili kaya naman bumagsak o hindi umunlad ang kompanya.” Ang aral? Kung masyadong mataas ang tingin mo sa iyong sarili, mas malamang na mabigo ka kaysa sa magtagumpay.
ANG PUWEDE MONG GAWIN. Sa halip na mangarap na maging popular, linangin ang kapakumbabaan. Sinasabi ng Bibliya: “Kung iniisip ng sinuman na siya ay mahalaga samantalang siya ay walang anuman, nililinlang niya ang kaniyang sariling isipan”—na malayong maging katibayan ng tagumpay!—Galacia 6:3.
ANG SABI NG BIBLIYA:
“Sa tao ay wala nang mas mabuti kundi ang . . . magdulot ng kabutihan sa kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang pagpapagal.”—Eclesiastes 2:24.
ANG KAHULUGAN NITO. Kung may dedikasyon ka sa trabaho, malamang na mas ma-enjoy mo ito. Sa aklat ni Dr. Madeline Levine na Teach Your Children Well, sinabi niya: “Para ka makadama ng tagumpay sa isang bagay, dapat kang maging mahusay rito, at para maging mahusay rito, kailangan ang sipag at tiyaga.” Kasama riyan ang pagiging matatag sa pagharap sa paminsan-minsang kabiguan.
ANG PUWEDE MONG GAWIN. Sikapin mong maging mahusay sa trabaho, at huwag sumuko kapag may mga hadlang. Kung may mga anak ka, bigyan mo sila (depende sa kanilang edad at kakayahan) ng pagkakataong lutasin ang kanilang sariling problema. Huwag agad-agad makialam at ayusin ang mga ito. Ang mga kabataan ay nakadarama ng tunay na kasiyahan—at tumatanggap ng magandang pagsasanay—kapag natututo silang maging matatag.
ANG SABI NG BIBLIYA:
“Ang buháy na aso ay mas mabuti pa kaysa sa patay na leon.”—Eclesiastes 9:4.
ANG KAHULUGAN NITO. Kung may trabaho ka, dapat na maging bahagi ito ng iyong buhay—pero hindi ito ang iyong buong buhay. Masasabi mo bang matagumpay ka kung umasenso ka nga sa propesyon mo pero nagkasakit ka naman o nawala ang respeto sa iyo ng pamilya mo? Ang mga taong tunay na matagumpay ay nagsisikap na maging timbang sa trabaho, kalusugan, at pamilya.
ANG PUWEDE MONG GAWIN. Alagaan ang iyong sarili. Magkaroon ng sapat na pahinga. Wala kang mapapala sa pagiging workaholic kung isasakripisyo mo naman ang lahat—kalusugan, pamilya, at kaibigan—para lang sa huwad na tagumpay.
ANG SABI NG BIBLIYA:
“Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3.
ANG KAHULUGAN NITO. Ang pag-aaral ng Bibliya at pagkakapit ng mga simulain nito ay napakahalaga sa pagkakamit ng tunay na tagumpay. Sa katunayan, nakita ng milyon-milyong Saksi ni Jehova na nabawasan ang kanilang pagkabalisa sa materyal nang unahin nila ang espirituwal na mga bagay sa kanilang buhay.—Mateo 6:31-33.
ANG PUWEDE MONG GAWIN. Alamin kung paano ka matutulungan ng Bibliya na makamit ang tunay na tagumpay. Para sa higit pang impormasyon, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o magpunta sa aming website na www.pr418.com/tl.
-