Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Kontrolado Mo Ba ang Iyong Buhay?
    Gumising!—2015 | Hulyo
    • Lalaking di-masaya sa kaniyang trabaho

      TAMPOK NA PAKSA

      Kontrolado Mo Ba ang Iyong Buhay?

      ANO ang mga tunguhin mo noong bata ka pa? Siguro gusto mong mag-asawa, maging mahusay sa isang bagay, o magkaroon ng magandang trabaho. Pero hindi laging nasusunod ang mga plano natin. Dahil sa di-inaasahang problema, baka biglang magbago ang buhay natin. Ganiyan ang nangyari kina Anja, Delina, at Gregory.

      Sina Anja, Delina, at Gregory
      • Si Anja na taga-Germany ay na-diagnose na may kanser sa edad na 21, at ngayon ay nasa bahay na lang.

      • Si Delina na taga-Estados Unidos ay may neuromuscular disorder na tinatawag na dystonia. Siya rin ang nag-aalaga sa kaniyang tatlong kapatid na may kapansanan.

      • Si Gregory na taga-Canada ay may malubhang anxiety disorder.

      Sa kabila ng kanilang kalagayan, nagawang makontrol nina Anja, Delina, at Gregory ang kanilang buhay. Paano?

      Sinasabi ng Bibliya: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” (Kawikaan 24:10) Tandaan: Mahalaga ang pananaw mo sa mga bagay-bagay. Kung panghihinaan ka ng loob, hindi ka makagagawa ng matatalinong desisyon. Pero kung magiging positibo ka, mas magiging madali sa iyo na gumawa ng magagandang pasiya at magiging masaya ka sa kabila ng iyong kalagayan.

      Tingnan kung paano iyan naging totoo kina Anja, Delina, at Gregory.

  • Ang Hamon: Di-mababagong mga Kalagayan
    Gumising!—2015 | Hulyo
    • Si Anja habang nagbi-video call sa kaniyang mga kaibigan

      TAMPOK NA PAKSA | KONTROLADO MO BA ANG IYONG BUHAY?

      Ang Hamon: Di-mababagong mga Kalagayan

      MAY pinagdaraanan ka ba ngayon gaya ng malubhang sakit? hiwalayan? pagkamatay ng mahal sa buhay? Kapag napaharap ka sa kalagayang hindi na magbabago, baka isipin mong wala ka nang magagawa kundi mangarap na lang. Paano mo muling makokontrol ang buhay mo?

      HALIMBAWA SA BIBLIYA: PABLO

      Bilang isang masigasig na misyonero noong unang siglo, maraming ginawang paglalakbay si apostol Pablo. Pero nahinto ang mga ito nang siya ay di-makatarungang arestuhin at ikulong sa isang bahay habang binabantayan ng kawal sa loob ng dalawang taon. Sa halip na mawalan ng pag-asa, nagpokus si Pablo sa mga bagay na puwede niyang gawin. Ginamit niya ang Bibliya para tulungan at alalayan ang mga dumadalaw sa kaniya. Nakapagsulat pa nga siya ng ilang liham na bahagi na ngayon ng Bibliya.—Gawa 28:30, 31.

      KUNG ANO ANG GINAGAWA NI ANJA

      Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, nasa bahay na lang si Anja. “Nang ma-diagnose na may kanser ako, nagbago ang buhay ko,” ang sabi niya. “Dahil hindi ako puwedeng mahawa ng sakit, hindi muna ako nagtatrabaho at umiiwas akong makihalubilo.” Paano ito nakakayanan ni Anja? “Nakatulong sa akin ang paggawa ng bagong rutin,” ang sabi niya. “Inuuna kong gawin ang mga bagay na pinakaimportante at sa paggawa ng iskedyul, isinasaisip ko ang aking mga limitasyon. Kaya kahit paano, nadama kong kontrolado ko ang buhay ko.”

      “Natutuhan ko, anuman ang kalagayan ko, na masiyahan sa sarili.”—Ang sabi ni Pablo sa Filipos 4:11

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Kung parang kinokontrol ng di-mababagong mga kalagayan ang buhay mo, subukan ito:

      • Magpokus sa mga bagay na puwede mong kontrolin. Halimbawa, maaaring hindi mo talaga kontrolado ang kalusugan mo, pero puwede kang mag-ehersisyo, kumain ng masustansiyang pagkain, at magkaroon ng sapat na pahinga.

      • Pagpasiyahan kung ano ang tunguhin mo sa buhay. Isipin kung ano ang puwede mong gawin, kahit maliliit na bagay, para maabot iyon. Maglaan ng kahit kaunting panahon araw-araw para maabot ang tunguhin mo.

      • Gumawa ng kahit maliliit na bagay para madama mong kontrolado mo ang iyong buhay. Maglinis ng mesa sa kusina, at maghugas ng mga pinggan. Manamit nang maayos. Unahin ang pinakamahahalagang gawain sa umaga.

      • Hanapin ang posibleng mga pakinabang sa kalagayan mo. Halimbawa, dahil kaya sa sitwasyon mo ay mas nauunawaan mo kung paano haharapin ang mga problema? Magagamit mo kaya ang kaalamang ito para tulungan ang iba?

      Tandaan: Maaaring hindi mo kontrolado ang iyong kalagayan, pero puwede mong kontrolin ang reaksiyon mo.

  • Ang Hamon: Napakaraming Gawain
    Gumising!—2015 | Hulyo
    • Si Delina habang naghahalaman

      TAMPOK NA PAKSA | KONTROLADO MO BA ANG IYONG BUHAY?

      Ang Hamon: Napakaraming Gawain

      KAILANGAN ka ng iyong mga anak. Kailangan ka rin ng employer mo. May ipinagagawa sa iyo ang asawa mo. Kasabay nito, nag-aalaga ka rin ng magulang na may sakit. Hindi ito ang buhay na gusto mo, pero sinasaid nito ang lakas mo araw-araw. “Ano’ng gagawin ko?” ang tanong mo. “Kailangan nila ako!” Pero hindi makabubuti sa iyo—kahit sa kanila—kung pagbibigyan mo ang bawat kahilingan nila. Paano mo muling makokontrol ang buhay mo?

      HALIMBAWA SA BIBLIYA: MOISES

      Si Moises ang nag-iisang hukom ng Israel noong panahon ng Bibliya, at maaaring nadama niya na ginagawa lang niya ang dapat niyang gawin. Pero sinabi ng biyenan niya: “Hindi mabuti ang paraang ginagawa mo. Ikaw ay tiyak na hahapuin.” Iminungkahi niya na ipaubaya ni Moises sa mga lalaking may kakayahan ang paghatol, at ang mahihirap na kaso lang ang dadalhin nila kay Moises. Sinabi ng biyenan ni Moises: “Tiyak na mababata mo iyon at, bukod dito, ang bayang ito ay uuwing lahat sa kanilang sariling dako nang payapa.”—Exodo 18:17-23.

      KUNG ANO ANG GINAGAWA NI DELINA

      Gaya ng nabanggit sa unang artikulo, si Delina ay may dystonia, isang neuromuscular disorder. Nag-aalaga rin siya ng tatlong kapatid niya na may kapansanan. “Nakita kong nakakabawas ng stress kung gagawin ko lang ang kaya ko sa maghapon at iiwasan ang pagpapaliban-liban,” ang sabi niya. “Dahil sinasabi ko sa iba ang sitwasyon ko, nakakatanggap ako ng tulong, pati na sa asawa ko. Naglalaan din ako ng kaunting panahon tuwing umaga para sa paghahalaman—na talagang nakakapagpasaya sa akin.”

      “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon.”—Eclesiastes 3:1

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Kung kinokontrol ng napakaraming gawain ang buhay mo, subukan ito:

      • Maghanap ng mga puwedeng tumulong sa iyo. Halimbawa, may mga anak ka pa bang kasama sa bahay? May mga kapamilya ka ba o kaibigan na nakatira malapit sa inyo?

      • Sabihin sa iba ang kalagayan mo. Halimbawa, kausapin ang employer mo kung masyadong marami ang ipinagagawa niya sa iyo. Hindi ibig sabihin nito na pinagbabantaan mo siyang magbibitiw ka na. Pero sabihin sa kaniya ang mga hamong kinakaharap mo. Baka bawasan niya ang dami ng trabaho mo.

      • Isulat kung gaano karami ang gawain mo sa isang linggo. Sa mga ito, mayroon ka bang puwedeng ipaubaya sa iba?

      • Maging palaisip kapag may nag-iimbita sa iyo. Kung hindi mo kayang pumunta dahil wala ka nang lakas o panahon, matutong tumanggi sa mabait na paraan.

      Tandaan: Kung pipilitin mong gawin ang lahat ng bagay, wala ka nang magagawang anuman.

  • Ang Hamon: Negatibong Damdamin
    Gumising!—2015 | Hulyo
    • Si Gregory na nag-e-enjoy sa kalikasan

      TAMPOK NA PAKSA | KONTROLADO MO BA ANG IYONG BUHAY?

      Ang Hamon: Negatibong Damdamin

      NADARAIG ka ba ng matitinding damdamin—marahil ng kalungkutan, galit, o hinanakit? Kung oo, baka nasasaid na ang iyong panahon at lakas para sa mga bagay na talagang importante sa iyo. Ano ang puwede mong gawin?a

      HALIMBAWA SA BIBLIYA: DAVID

      Nakaranas si Haring David ng iba’t ibang emosyon—kasama na ang pagkabalisa at kalungkutan. Ano ang nakatulong sa kaniya? Ipinaubaya ni David ang mga bagay-bagay sa Diyos. (1 Samuel 24:12, 15) Isinulat din niya ang kaniyang mga nadama. At bilang isang lalaking may pananampalataya, madalas siyang manalangin.b

      KUNG ANO ANG GINAGAWA NI GREGORY

      Gaya ng nabanggit sa unang artikulo, si Gregory ay may anxiety disorder. “Hindi ko na makayanan at mapigilan ang sobrang pag-aalala ko,” ang sabi niya. Paano muling nakontrol ni Gregory ang buhay niya? “Para maka-recover,” ang sabi niya, “nagpatulong ako sa misis ko at mga kaibigan ko. Kumonsulta rin ako sa isang doktor, kaya mas naintindihan ko ang kondisyon ko. Matapos gumawa ng ilang pagbabago sa aking pamumuhay, nadama kong kontrolado ko na ang aking kondisyon, at hindi na ito ang kumokontrol sa akin. Kahit nababalisa pa rin ako paminsan-minsan, mas naiintindihan ko na ngayon ang sanhi nito, at alam ko na kung ano ang gagawin ko.”

      “Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.”—Kawikaan 17:22

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Kung kinokontrol ng negatibong damdamin ang buhay mo, subukan ito:

      • Isulat ang nadarama mo.

      • Sabihin sa isang malapít na kapamilya o kaibigan ang nadarama mo.

      • Huwag agad magpadala sa iyong nadarama. Halimbawa, tanungin ang sarili, ‘Talaga bang may dahilan para maging negatibo ang tingin ko sa sarili ko?’

      • Huwag magpadaig sa kabalisahan, galit, o hinanakit. Gamitin ang lakas mo sa mas kapaki-pakinabang na mga gawain.c

      Tandaan: Kadalasan, ang negatibong damdamin ay hindi resulta ng ating mga kalagayan kundi ng pananaw natin sa mga ito.

      a May ilang negatibong emosyon na baka resulta ng sakit at nangangailangan ng tulong ng doktor. Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggamot. Dapat pag-aralang mabuti ng bawat indibiduwal ang mga mapagpipilian niya bago magdesisyon.

      b Maraming awit sa Bibliya ay mga panalangin ni David, na isinulat niya.

      c Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang “Paano Mo Haharapin ang Kabalisahan?,” sa Ang Bantayan, Hulyo 1, 2015.

  • Makokontrol Mo Ba ang Iyong Buhay?
    Gumising!—2015 | Hulyo
    • TAMPOK NA PAKSA | KONTROLADO MO BA ANG IYONG BUHAY?

      Makokontrol Mo Ba ang Iyong Buhay?

      Lalaking kalmado at kontrolado ang kaniyang bangka

      SA NGAYON, walang sinuman ang may perpektong kalagayan. Kadalasan, ang sekreto ay ang matutong tanggapin ang ating kalagayan at pakibagayan ito. Kung makokontrol mo kahit paano ang iyong buhay sa kabila ng di-magagandang sitwasyon, mabuti iyan. At kung gumanda naman ang iyong kalagayan, mas mabuti. Pero maaasahan mo na lalo pang bubuti ang iyong kalagayan.

      Ipinapangako ng Bibliya na darating ang panahong makokontrol na ng mga tao ang kanilang buhay. Maaabot na nila ang kanilang buong potensiyal—malaya sa nakapanlulumong sitwasyon, araw-araw na panggigipit, at negatibong mga damdamin. (Isaias 65:21, 22) Tinutukoy ito ng Bibliya bilang “tunay na buhay.”—1 Timoteo 6:19.

      “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.”—Isaias 65:21, 22.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share