-
Ang mga Tunay na Kristiyano ay Gumagalang sa Matatanda Na!Ang Bantayan—1987 | Hunyo 1
-
-
Ang mga Tunay na Kristiyano ay Gumagalang sa Matatanda Na!
“ANG matatanda na,” ang sabi ng mananaliksik na si Suzanne Steinmetz, “ay nasa dulo na ng kanilang maunlad na buhay, na siyang saligan ng pagpapahalaga ng ating kultura sa mga indibiduwal at siyang nagbibigay sa kanila ng pakundangan, katayuan, respeto at mga kagantihan.” Ang pagkamalas ng modernong lipunan sa matatanda na ay kung gayon malungkot at negatibo. Hindi nga kataka-taka, kung gayon, na ating malimit na mabasa na sila’y napapabayaan at inaabuso.
Datapuwat, ano ang pangmalas ng Bibliya sa matatanda na? May katotohanang kinikilala ng Salita ng Diyos na ang pagtanda ay hindi madali. Ganito ang dalangin ng salmista: “Huwag mo akong itakwil sa panahon ng katandaan; pagka ang lakas ko’y nanlulupaypay na, huwag mo akong pabayaan.” (Awit 71:9) Sa kaniyang katandaan, higit kailanman ay nadama niya na noon niya lalong kailangan ang pag-alalay ni Jehova. At ang pangmalas ng Bibliya ay positibo sa pagpapakita na tayo rin naman ay dapat magbigay-pansin sa mga pangangailangan ng matatanda na.
Totoo, ang katandaan ay tinawag ni Solomon na “ang kapaha-pahamak na mga araw” na “hindi kalulugdan” ng isa. (Eclesiastes 12:1-3) Subalit “ang haba ng mga araw at mga taon ng buhay” ay iniuugnay rin naman ng Bibliya sa mga pagpapala buhat sa Diyos. (Kawikaan 3:1, 2) Bilang paghahalimbawa, ipinangako ni Jehova kay Abraham: “Sa ganang iyo, . . . ikaw ay malilibing sa mabuting katandaan.” (Genesis 15:15) Tiyak, hindi naman hinahatulan ng Diyos ang tapat na si Abraham para dumanas ng malungkot, na “kapaha-pahamak na mga araw” na doo’y hindi siya ‘magkakaroon ng kaluguran.’ Si Abraham ay nakasumpong ng kapayapaan at katahimikan sa kaniyang katandaan, at kaniyang ginunita nang may kasiyahan ang buhay na ginugol niya sa paglilingkod kay Jehova. Siya rin naman ay naghintay ng isang “lunsod na may tunay na mga pundasyon,” ang Kaharian ng Diyos. (Hebreo 11:10) Kaya naman siya’y namatay na “matanda na at nasisiyahan.”—Genesis 25:8.
Kung gayon, bakit nga tinawag ni Solomon ang katandaan na “ang kapaha-pahamak na mga araw”? Tinukoy ni Solomon ang patuluyang pag-urong ng kalusugan na nagaganap sa katandaan. Datapuwat, ang isa na hindi ‘nag-aalaala sa kaniyang Dakilang Manlalalang sa mga araw ng kaniyang kabataan’ ang nakakaranas na ang kaniyang mga taon ng katandaan ay maging lalong higit na kapaha-pahamak. (Eclesiastes 12:1) Dahilan sa kaniyang sinayang ang kaniyang buhay, ang gayong matanda na ay ‘walang kaluguran’ sa mga huling araw ng kaniyang buhay. Ang kaniyang walang Diyos na istilo ng buhay ay maaari pa ngang nagbunga ng mga problema na lalo lamang nagpapalubha sa mga kahirapan na dinaranas sa katandaan. (Ihambing ang Kawikaan 5:3-11.) Kaya’t sa pagmamasid sa hinaharap, siya’y walang nakikitang kinabukasan kundi ang libingan. Ang isang tao na gumamit ng kaniyang buhay sa paglilingkod sa Diyos ay dumaranas din ng “kapaha-pahamak na mga araw” habang humihina ang kaniyang katawan. Subalit tulad ni Abraham, siya’y may kagalakan at kasiyahan sa isang buhay na ginugol niya sa mabuti at sa paggamit ng kaniyang natitirang lakas sa paglilingkod sa Diyos. “Ang ulong may uban ay isang putong ng kagandahan pagka ito’y nasumpungan sa daan ng katuwiran,” ang sabi ng Bibliya.—Kawikaan 16:31.
Ang totoo, kahit na ang katandaan ay may mga ilang bentaha. “Ang kabataan at ang kasikatan ng buhay ay walang kabuluhan,” ang sabi ni Solomon. Bagaman ang mga kabataan ay maaaring may kasiglahan at kalusugan, malimit na kulang sila ng karanasan at mahusay na pagpapasiya. Subalit, ang katandaan ay may dalang isang habang-buhay na karanasan. Ang matatanda na ay ‘umiiwas sa kapahamakan,’ di-tulad ng mapusok na kabataan na kadalasan ay padalus-dalos na tumatalon doon. (Eclesiastes 11:10; 2 Timoteo 2:22) Kaya naman, nasabi ni Solomon: “Ang kagandahan ng matatandang lalaki ay ang kanilang ulong may uban.”—Kawikaan 20:29.
Iginagalang kung gayon ng Bibliya ang matatanda na. Papaano ito may epekto sa paraan ng pakikitungo sa kanila ng mga Kristiyano?
‘Pagtindig’ sa Harap ng Matatanda Na
Ang paggalang sa matatanda na ay ginawa ng Diyos na isang pambansang patakaran sa Israel. Ang Kautusang Mosaiko ay nagsasabi: “Titindig kayo sa harap ng may uban at inyong pakukundanganan ang katauhan ng isang matanda nang lalaki.” (Levitico 19:32) Nang may dakong huli ay maliwanag na literal na sinunod ng mga Judio ang kautusang ito. Ganito ang sabi ni Dr. Samuel Burder sa kaniyang aklat na Oriental Customs: “Sang-ayon sa mga manunulat na Judio ang alituntunin ay, tumindig sa harap nila pagka sila’y nasa layong apat na kubito; at pagkatapos na sila’y makalampas na, umupo uli, upang magtingin na sila’y tumindig dahil lamang sa paggalang sa kanila.” Ang gayong paggalang ay hindi lamang sa mga taong prominente kailangang gawin. “Igalang kahit na ang matanda nang lalaki na ang karunungan ay pumanaw,” ang sabi ng Talmud. Isang rabbi ang nangatuwiran na ang paggalang na ito ay dapat ding ipakita sa ignorante at walang pinag-aralang matatanda nang lalaki. “Ang mismong bagay na siya’y tumanda,” ang pangangatuwiran niya, “ito’y tiyak na dahil sa mayroon siyang isang katangian.”—The Jewish Encyclopedia.
Ang mga Kristiyano sa ngayon ay wala na sa ilalim ng mga tadhana ng Kautusang Mosaiko. (Roma 7:6) Subalit ito’y hindi nangangahulugan na sila’y hindi obligado na magpakita ng natatanging pagpapakundangan sa matatanda na. Ito’y malinaw buhat sa mga tagubilin ni apostol Pablo sa tagapangasiwang Kristiyanong si Timoteo: “Huwag mong pakapintasan ang isang nakatatandang lalaki. Kundi, pangaralan mo siyang tulad sa isang ama, . . . ang nakatatandang mga babae tulad sa mga ina.” (1 Timoteo 5:1, 2) Sinabi rin ni Pablo sa binatang si Timoteo na siya’y may awtoridad na “mag-utos.” (1 Timoteo 1:3) Gayumpaman, kung sakaling ang isang mas matanda sa kaniya—lalo na ang isang naglilingkod bilang isang tagapangasiwa—ay nagkamali sa pagpapasiya o nakapagsalita nang di-tama, siya’y hindi dapat “pakapintasan” ni Timoteo bilang isang nakabababa. Bagkus, kaniyang magalang na ‘pangangaralan siya tulad sa isang ama.’ Kailangan ding igalang ni Timoteo ang nakatatandang mga babae sa kongregasyon. Oo, sa katunayan, siya’y kailangan pa ring ‘tumindig sa harap ng may uban.’
Ang Kristiyanismo kung gayon ay isang relihiyon na gumagalang sa matatanda na. Subalit, balintuna na ang malaking bahagi ng di paggalang sa mga matatanda na ay nagaganap sa mga bansang namamaraling Kristiyano. Gayunman, may mga mananamba na sumusunod pa rin sa mga pamantayan ng Bibliya. Halimbawa, ang mga Saksi ni Jehova ay nasisiyahan na magkaroon ng pagkakataon na makasalamuha ang maraming libu-libong matatanda na; ang mga ito ay hindi nila itinuturing na isang pabigat o isang bagay na nakahahadlang sa kanila. Bagaman dahil sa mahinang kalusugan ang gayong matatanda na ay hindi na kasinsigla na gaya noong sila’y mga bata pa, marami ang may mahabang rekord ng paglilingkuran bilang tapat na mga Kristiyano, at ito’y nagpapatibay-loob sa mga nakababatang Saksi na tularan ang kanilang pananampalataya.—Ihambing ang Hebreo 13:7.
Gayunman, hindi inaasahan na ang matatanda na ay magiging naturingang mga miyembro lamang ng kongregasyon. Sila’y hinihimok na magpakita ng magagandang halimbawa sa pagiging “mahinahon, seryoso, mahusay ang isip, matatag sa pananampalataya, . . . kagalang-galang sa pagkilos,” at ang kanilang karunungan at karanasan ay saganang ibinabahagi sa iba. (Tito 2:2, 3) Inihula ni Joel na kabilang sa mga makikibahagi sa pangangaral ng pabalita ng Bibliya, ay “matatandang lalaki.” (Joel 2:28) Walang alinlangan na nasasaksihan mo ang maraming matatanda nang Saksi na nalulugod pa rin na makibahagi nang puspusan sa pangangaral sa bahay-bahay.
Paggalang sa Kanila “Nang Lalong Higit”
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na sa maraming paraa’y bigyan ng natatanging konsiderasyon ang matatanda na. Sa taunang mga kombensiyon sa relihiyon, halimbawa, malimit na sila’y nagsasaayos ng mga upuan na inilalaan sa matatanda na. Ang konsiderasyon ay ipinakikita rin sa kanila sa indibiduwal na paraan. Sa Hapón isang Saksi ang nagpaparaya ng kaniyang upuan sa kotse ng pamilya upang ang isang 87-taóng-gulang na babae ay maisakay para makadalo sa mga pulong ng kongregasyon. Paanong ang lalaking Saksi ay nakakarating sa mga pulong? Siya’y namimisikleta. Sa Brazil ay may isang buong-panahong ebanghelisador na 92 anyos ang edad. Sang-ayon sa ulat ng mga tagapagmasid ang mga Saksi roon ay “gumagalang sa kaniya, siya’y kinakausap nila . . . Isa siyang kapaki-pakinabang na bahagi ng kongregasyon.”
Hindi ibig sabihin nito na wala nang lugar para sa higit na pagpapahusay pa sa pagpaparangal sa matatanda na. Si Pablo ay sumulat sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Datapuwat, tungkol sa pag-iibigang pangmagkakapatid, . . . ginagawa na ninyo ito sa lahat ng mga kapatid sa buong Macedonia. Ngunit aming ipinapayo sa inyo, mga kapatid, na patuloy na gawin ninyo ito nang lalong higit.” (1 Tesalonica 4:9, 10) Ganiyan ding payo ang kinakailangan paminsan-minsan sa ngayon pagka tungkol na sa ating pakikitungo sa matatanda na. Isang 85-taóng-gulang na Kristiyano, halimbawa, ang totoong nasiraan ng loob nang hindi siya makakuha ng isang kopya ng isang bagong publikasyon na nakasalig sa Bibliya. Ang problema? Siya’y halos bingi at hindi narinig ang patalastas na nagpapaalaala sa lahat na pumidido ng aklat na iyon; at walang sinuman sa kongregasyon ang nakaisip na pumidido nito para sa kaniya. At mangyari pa, dagling nilunasan ang suliraning iyan. Gayunman ay ipinakikita lamang nito na kailangan na lalo nang maging palaisip sa mga pangangailangan ng matatanda na.
Maraming mga paraan na ito’y magagawa ng mga lingkod ng Diyos “nang lalong higit.” Ang mga pulong Kristiyano ay nagbibigay ng pagkakataon na “mapukaw” ang matatanda na “sa pag-ibig at mabubuting gawa.” (Hebreo 10:24, 25) At bagaman ang mga kabataan ay malayang nakikihalubilo sa matatanda na sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, baka lalong higit na mapahuhusay pa ito. Halimbawa, ang ibang mga magulang ay humihimok sa kanilang mga anak na magalang na lumapit sa matatanda nang miyembro ng kongregasyon at kausapin sila.
Patuloy na maigagalang din ang matatanda sa pamamagitan ng impormal na paraan. Kasuwato ng simulain na ibinigay ni Jesus sa Lucas 14:12-14, lalong mapag-iibayo ang pagsisikap na anyayahan ang matatanda na upang dumalo sa mga sosyal na pagtitipon. Kahit na kung sila’y hindi makakadalo, tunay na pasasalamatan nila ang inyong pag-aalaala sa kanila. Ang mga Kristiyano ay pinapayuhan din na “maging mapagpatuloy.” (Roma 12:13) Hindi naman humihiling na ito’y maging magarbo o maluho. Ganito ang mungkahi ng isang Saksi na taga-Alemanya: “Anyayahan ang mga matatanda na sa pag-inom ng tsa, at ipakuwento ninyo sa kanila ang kanilang mga karanasan noong nakaraan.”
Sinabi ni apostol Pablo: “Sa paggalang sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Sa mga Saksi ni Jehova, ang hinirang na mga tagapangasiwa sa kongregasyon lalo na ang siyang mga nangunguna sa pagpapakita ng paggalang sa matatanda nang Kristiyano. Kadalasan ang mga tagapangasiwa ay nakapag-aatas sa matatanda na ng angkop na mga gawain na kaya nila, tulad halimbawa ng pagsasanay sa mga baguhan bilang mga ebanghelista o pagtulong sa pagmamantener ng dakong pinagdarausan ng mga pulong Kristiyano. Ang mga nakababatang lalaki na nagsisilbing mga tagapangasiwa sa kongregasyon ay nagpapakita ng paggalang sa mga nakatatandang tagapangasiwa sa pamamagitan ng mapagpakumbabang paglapit sa kanila para humingi ng payo, na ginagamit ang pang-unawa upang makuha ang kanilang maygulang na mga punto-de-vista. (Kawikaan 20:5) Sa mga pulong ng gayong mga tagapangasiwa, kanilang sinusunod ang halimbawa sa Bibliya ng kabataang si Elihu at magalang na sumasangguni sa mas matatanda at mas may karanasang mga lalaki, upang bigyan sila ng ganap na pagkakataon na siyang unang magpahayag ng kanilang sarili.—Job 32:4.
Inaamin natin, na madaling mawalan ng pagtitiyaga sa pakikitungo sa mga matatanda na sapagkat sila’y baka hindi makakilos o makapag-isip na simbilis ng mga nasa kabataan. Mainam ang pagkasalaysay ni Dr. Robert N. Butler tungkol sa ilan sa mga problema na dala ng pagtanda: “Ang isa’y nawawalan ng sigla ng pangangatawan, ng abilidad na kumilos nang mabilis, at iyan sa ganang sarili ay totoong nakakasindak. Ang isa ay maaaring mawalan ng mahahalagang sangkap na pandama na gaya ng pakinig o paningin.” Sa pagkatanto nito, hindi baga ang mga nakababata ay dapat magpakita ng pagdamay at maging mahabagin?—1 Pedro 3:8.
Oo, ang mga Kristiyano sa ngayon ay obligado na magpakita ng tunay na pag-ibig, pagmamalasakit, at paggalang sa matatanda nang kasa-kasama nila. At sa mga Saksi ni Jehova, ito ay ginagawa sa isang ulirang paraan. Subalit, ano ang nangyayari pagka ang matatanda nang Kristiyano—o ang mga magulang ng mga Kristiyano—ay nagkasakit o naging dukha? Kanino bang responsabilidad ang mangalaga sa kanila? Ang sumusunod na mga artikulo ang tatalakay kung paano sinasagot ng Bibliya ang mga tanong na ito.
-
-
Pagtingin sa mga Kapakanan ng Matatanda NaAng Bantayan—1987 | Hunyo 1
-
-
Pagtingin sa mga Kapakanan ng Matatanda Na
“Tinitingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.”—FILIPOS 2:4.
1, 2. (a) Paanong ang lupong tagapamahala noong unang siglo ay nagpakita na sila’y interesado sa mga pangangailangan ng matatanda na? (b) Ano ang nagpapatunay na hindi naman pinabayaan noon ang gawaing pangangaral?
NOON ay katatapos lamang ng Pentecostes 33 C.E. nang “bumangon ang bulung-bulungan [sa kongregasyong Kristiyano] sa gitna ng mga Judiong Griego ang wika, laban sa mga Judiong Hebreo ang wika, sapagkat ang kanilang mga biyuda ay kinaliligtaan sa araw-araw na pamamahagi [ng pagkain sa mga dukha].” Walang alinlangan na ang ilan sa mga biyudang ito ay matatanda na at hindi na makapagsustento sa kanilang sarili. Kaya naman, ang mga apostol ay nakialam na, at nagsabi: “Magsihanap nga kayo sa inyo ng pitong lalaking may mabuting patotoo, puspos ng espiritu at ng karunungan, upang ating mailagay sa kinakailangang gawain na ito.”—Gawa 6:1-3.
2 Samakatuwid ang pag-asikaso sa mga dukha ay itinuturing ng mga sinaunang Kristiyano na “kinakailangang gawain.” Mga ilang taon ang nakaraan ay isinulat ng disipulong si Santiago: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang bahid-dungis sa paningin ng ating Diyos at Ama ay ito: tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.” (Santiago 1:27) Ito ba’y nangangahulugan, kung gayon, na ang pinakamahalagang gawaing pangangaral ay napabayaan? Hindi, sapagkat ang ulat sa Gawa ay nagsasabi na pagkatapos maorganisa nang husto ang gawaing pagtulong sa mga biyuda, “ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago, at ang mga alagad ay patuluyang dumaming lubha sa Jerusalem.”—Gawa 6:7.
3. Anong pampatibay-loob ang ibinibigay sa Filipos 2:4, at bakit lalo nang angkop ito sa ngayon?
3 Sa ngayon tayo ay nakaharap sa “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Dahil sa pag-asikaso sa pamilya at sa hanapbuhay ay baka tayo wala nang gaanong lakas—o pagnanasa—na asikasuhin pa ang mga pangangailangan ng matatanda na. Angkop, kung gayon, na nagpapayo sa atin ang Filipos 2:4 na ‘tingnan, hindi lamang ang [ating] sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.’ Paano nga magagawa ito sa isang timbang at praktikal na paraan?
Paggalang sa mga Babaing Balo
4. (a) Bakit at papaano ‘iginalang’ ng kongregasyon noong unang siglo ang mga biyuda? (b) Ang gayon bang mga paglalaan ay kailangan sa tuwina?
4 Sa 1 Timoteo kabanata 5, ipinakikita ni Pablo kung paanong ang mga unang Kristiyano ay nangalaga sa matatanda nang mga biyuda sa kongregasyon. Kaniyang ipinayo kay Timoteo: “Igalang mo ang mga babaing balo na talagang mga biyuda.” (1 Timoteo 5 Talatang 3) Ang matatanda nang biyuda ang partikular na binanggit bilang nangangailangan na tumanggap ng karangalan sa pamamagitan ng regular na sustentong salapi. Ang gayong mga tao ay walang anumang pinagkukunan ng sustento at walang magagawa kundi ‘ilagak ang kanilang pag-asa sa Diyos at laging nasa pagsusumamo at pananalangin gabi at araw.’ (1 Timoteo 5 Talatang 5) Paano ngang sinagot ang kanilang mga panalangin upang magkaroon sila ng ikabubuhay? Sa pamamagitan ng kongregasyon. Sa isang organisadong paraan, ang karapat-dapat na mga biyuda ay pinaglaanan ng isang katamtamang ikabubuhay. Mangyari pa, kung ang isang biyuda ay may pinagkukunan ng ikabubuhay, o may mga kamag-anak na maaaring sumustento sa kaniya, ang gayong mga paglalaan ay hindi na kailangan.—1 Timoteo 5 Talatang 4, 16.
5. (a) Paanong ang mga ibang biyuda ay marahil ‘nabuyó sa kalayawan’? (b) Ang kongregasyon ba ay obligado na sustentuhan ang gayong mga biyuda?
5 “Ngunit ang [biyuda] na nagpapakabuyó sa mga kalayawan,” ang paalaala ni Pablo, “ay patay [sa espirituwal] bagaman nabubuhay pa.” (1 Timoteo 5 Talatang 6) Hindi ipinaliliwanag ni Pablo kung paanong ang iba ay, gaya ng literal na pagkasalin dito ng Kingdom Interlinear, “behaving voluptuously” (gumagawi nang may kalayawan). Ang iba sa kanila ay baka nakikipagbaka sa kanilang “pita sa sekso.” (1 Timoteo 5 Talatang 11) Gayunman, ayon sa Liddell and Scott’s Greek-English Lexicon, ang ‘paggawi nang may kalayawan’ ay maaaring tumutukoy rin naman sa ‘pamumuhay nang maalwan o sa labis-labis na kaginhawahan o pagpapasasa.’ Marahil, noon, ibig ng iba na ang kongregasyon ay kumilos upang payamanin sila, tumustos ng salapi sa isang maluho, mapagpalayaw na buhay sa pagpapasasa. Anuman ang totoo riyan, ipinakikita ni Pablo na ang gayong mga tao ay diskuwalipikado sa pagtanggap ng sustento buhat sa kongregasyon.
6, 7, at talababa. (a) Ano ba ang “talaan”? (b) Bakit yaong mga wala pang 60 taon ay diskuwalipikado na tumanggap ng sustento? (c) Paano tinulungan ni Pablo ang mga bata pang biyuda upang makaiwas sa ‘hatol’ na laban sa kanila?
6 Pagkatapos ay sinabi ni Pablo: “Ilagay sa talaan [ng mga sustentado ng salapi] ang isang babaing balo na edad animnapung taon pataas.” Noong kaarawan ni Pablo ang isang babae na mahigit na 60 anyos ay maliwanag na itinuturing na hindi makasusuporta sa kaniyang sarili at malamang na hindi mag-asawang muli.a “Datapuwat,” ang sabi ni Pablo, “tanggihan mo ang mga nakababatang biyuda [ipuwera sa talaan], sapagkat ang kanilang mga pita sa sekso ay nangibabaw sa kanila higit sa Kristo, ibig nilang mag-asawa, anupa’t sila’y hinahatulan sapagkat di nila isinaalang-alang ang kanilang unang kapahayagan ng pananampalataya.”—1 Timoteo 5 Talatang 9, 11, 12.
7 Kung sakaling sa “talaan” ay maaaring maisali ang mga biyudang nasa kabataan, baka ang iba ay agad-agad magpapahayag ng intensiyon na manatiling walang asawa. Subalit, sa paglakad ng panahon, sila ay baka magkaroon ng problema sa pagsupil sa kanilang “mga pita sa sekso” at ibig nila na muling mag-asawa, ‘kaya’t sila’y hinahatulan sapagkat di nila isinaalang-alang ang kanilang unang kapahayagan ng pananampalataya’ na manatiling walang asawa. (Ihambing ang Eclesiastes 5:2-6.) Nahadlangan ni Pablo ang gayong mga problema, at sinabi pa niya, “ibig kong magsipag-asawa ang nakababatang mga biyuda, sila’y magsipag-anak.”—1 Timoteo 5 Talatang 14.
8. (a) Paanong ang ibinigay ni Pablong mga alituntunin ay proteksiyon sa kongregasyon? (b) Inalagaan ba rin ang nangangailangang mga biyudang kabataan o mga lalaking matatanda na?
8 Gayundin na sa talaan ang isinali ng apostol ay yaon lamang may mahabang rekord ng mabubuting gawang Kristiyano. (1 Timoteo 5 Talatang 10) Kaya naman ang kongregasyon ay hindi naging isang “welfare state” (estadong mapagkawanggawa) para sa mga tamad o masasakim. (2 Tesalonica 3:10, 11) Subalit kumusta naman ang mga lalaking matatanda na o ang mga biyudang kabataan? Kung ang gayong mga tao ay napaharap sa pangangailangan, walang alinlangan na ang bawat isa sa kongregasyon ay may bahagi na tulungan sila.—Ihambing ang 1 Juan 3:17, 18.
9. (a) Bakit ang mga kaayusan para sa pangangalaga sa matatanda na sa ngayon ay naiiba kaysa roon sa mga kaayusan noong unang siglo? (b) Ang pagtalakay ni Pablo ng tungkol sa mga biyuda sa 1 Timoteo kabanata 5 ay tumutulong sa atin na maunawaan ang ano sa ngayon?
9 Ang gayong mga kaayusan ay malamang na sadyang sapat na para sa mga pangangailangan ng mga kongregasyon noong unang siglo. Subalit gaya ng puna ng The Expositor’s Bible Commentary: “Sa ngayon, na may kita sa seguro, social security, at mga oportunidad sa trabaho, ang situwasyon ay ibang-iba.” Bilang resulta ng pagbabago sa lipunan at ekonomiya, bihira nang nangangailangan na ang mga kongregasyon sa ngayon ay magkaroon ng mga talaan ng mga pangalan ng tinutulungang mga matatanda na. Gayunman, ang mga salita ni Pablo kay Timoteo ay tumutulong sa atin na maunawaan: (1) Ang mga problema ng matatanda na ay nagdudulot ng pagkabahala sa buong kongregasyon—lalo na sa mga tagapangasiwa. (2) Ang pangangalaga sa matatanda na ay dapat na organisado sa wastong paraan. (3) Ang gayong pangangalaga ay limitado sa mga talagang nasa pangangailangan.
Tinitingnan ng mga Tagapangasiwa ang Kapakanan ng Matatanda Na
10. Paanong ang mga tagapangasiwa sa ngayon ay makapangunguna sa pagpapakita ng interes sa mga matatanda na?
10 Paanong ang mga tagapangasiwa ngayon ay nangunguna sa pagpapakita ng interes sa matatanda na? Manaka-naka maaari nilang isali ang pangangailangan ng matatanda na sa mga tatalakayin nila sa kanilang mga pulong. Pagka espisipikong tulong ang kinakailangan, maaaring isaayos nila ang pagbibigay niyaon. Baka kailangan na hindi sila mismo ang gumawa ng gayong pag-aasikaso, yamang kadalasan ay mayroong maraming mga handang tumulong—kasali na ang mga kabataan—sa kongregasyon. Gayunman, maaari nilang maingat na pamahalaan ang gayong pag-aasikaso, marahil sa pamamagitan ng pag-aatas sa isang kapatid na lalaki na pag-ugnay-ugnayin ang pag-asikaso sa isang indibiduwal.
11. Paanong ang mga tagapangasiwa ay makakaalam ng mga pangangailangan ng matatanda na?
11 Si Solomon ay nagpayo: “Narapat na alamin mo nang tiyakin ang kalagayan ng iyong kawan.” (Kawikaan 27:23) Sa gayo’y maaaring personal na dalawin ng mga tagapangasiwa ang matatanda na upang matiyak kung paano pinakamainam na “madadamayan sila . . . ayon sa kanilang pangangailangan.” (Roma 12:13) Ganito ang pagkasabi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa: “Ang ibang matatanda na ay napakamalasarili, at kung basta tatanungin mo sila kung ano ang kailangang gawin ay walang kabuluhan. Ang pinakamagaling ay unawain kung ano ang kinakailangang gawin at gawin na iyon!” Sa Hapón natuklasan ng mga ilang tagapangasiwa na ang isang 80-anyos na sister ay nangangailangan ng malaking atensiyon. Ganito ang pag-uulat nila: “Ngayon ay tinitiyak namin na mayroong nagpupunta roon sa kaniya nang makalawa isang araw, umaga at gabi, dinadalaw siya o tinatawagan sa telepono.”—Ihambing ang Mateo 25:36.
12. (a) Paanong ang mga tagapangasiwa ay makapag-aasikaso upang ang matatanda na ay makinabang sa mga pulong ng kongregasyon? (b) Paano magagamit ang mga tapes na inihanda ng Samahan?
12 Inaasikaso rin ng mga tagapangasiwa ang matatanda na upang matiyak na nakikinabang sila sa mga pulong ng kongregasyon. (Hebreo 10:24, 25) Ang iba ba ay nangangailangan ng masasakyan? Ang mga iba ba naman ay walang kakayahan na “makinig at umunawa sa” tinatalakay sa mga pulong dahilan sa kahinaan ng pandinig? (Mateo 15:10) Baka praktikal na magkabit ng mga headphones para sa kanila. Gayundin naman, ang mga ilang kongregasyon ngayon ay may mga pulong na pinararaan sa mga linya ng telepono upang ang mga may karamdaman ay makapakinig sa tahanan. Para sa iba ang mga miting ay inirerekord sa mga tapes para sa mga maysakit at hindi makadalo—sa mga ilang pagkakataon ay binibili ang mga tape recorder para sa kanila. At yamang napag-usapan ang mga tapes, ganito ang puna ng isang tagapangasiwa sa Alemanya: “Ako’y nakadalaw sa maraming matatanda na na basta nakaupo sa harap ng telebisyon at nanonood ng mga programa na hindi masasabing nakapagpapatibay sa espirituwalidad.” Bakit hindi sila himukin na makinig sa halip sa mga tapes na inihanda ng Samahan, gaya niyaong may mga awitin sa Kaharian at pagbasa sa Bibliya?
13. Paanong ang mga matatanda na ay matutulungan upang manatiling aktibo bilang mga mangangaral ng Kaharian?
13 Ang ibang matatanda nang miyembro ng kongregasyon ay naging iregular o inaktibo bilang mga mangangaral. Gayunman, ang edad ay hindi laging nakahahadlang sa isa sa pangangaral ng “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 24:14) Baka ang iba’y tumugon sa isang simpleng paanyaya na sila’y sumama sa iyo sa larangan ng paglilingkod. Baka naman muling mapaningas mo ang kanilang pag-ibig sa pangangaral sa pamamagitan ng pagkukuwento sa kanila ng mga karanasan mo sa larangan ng paglilingkod. Kung sakaling isang problema ang pag-akyat sa mga hagdanan, isaayos mong sila’y gumawa sa mga apartment na may mga elibeytor o sa mga lugar sa bayan na kung saan walang inaakyat. Ang mga matatanda na ay maaaring isama rin ng mga ibang mamamahayag sa kanilang mga pag-aaral sa Bibliya—o dili kaya ay doon sa tahanan ng matanda na ganapin ang pag-aaral.
14 at kahon. (a) Ano ang magagawa ng mga tagapangasiwa kung ang isang matanda nang kapatid na lalaki o babae ay mapalagay sa malaking kagipitan sa pananalapi? (b) Paanong ang mga ibang kongregasyon ay tumulong sa mga pangangailangan ng matatanda nang mamamahayag?
14 ‘Ang salapi ay isang pananggalang.’ (Eclesiastes 7:12) Gayunman marami sa matatanda nang kapatid na lalaki o babae ang nasa malaking kagipitan sa pananalapi at walang mga kamag-anak na handang tumulong sa kanila. Ang mga indibiduwal sa kongregasyon, bagaman gayon, ang karaniwan nang nagagalak na tumulong pagka nalaman nila ang gayong pangangailangan. (Santiago 2:15-17) Ang mga tagapangasiwa ay maaari ring magsuri sa kung anuman mayroon ang gobyerno na mapapakinabangan o dili kaya’y ng mga social services, mga polisa sa seguro, pensiyon, at iba pa. Datapuwat, sa mga ibang bansa ang ganiyang mga serbisyo ay mahirap na makuha, at baka walang anupamang ibang paraan kundi ang sundin ang kaayusan na tinutukoy sa 1 Timoteo kabanata 5 at isaayos na ang kongregasyon na ang maglaan ng tulong. (Tingnan ang Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, pahina 122-3.)
May mga mamamahayag sa Nigeria ang regular na tumulong sa isang 82-anyos na regular payunir at sa kaniyang maybahay sa pamamagitan ng materyal na mga kaloob. Pagkatapos na itakda ng gobyerno ang paggiba sa gusali na tinitirhan nila, sila’y inanyayahan ng kongregasyon na lumipat sa isang kuwarto na kakabit ng Kingdom Hall hanggang sa maisaayos ang ibang matitirhan nila.
Sa Brazil isang kongregasyon ang bumayad ng isang nars upang mag-alaga sa isang matanda nang mag-asawa. Kasabay nito, isang sister ang inatasan na maglinis ng kanilang bahay, maghanda ng kanilang pagkain, at mangalaga sa iba pang pisikal na mga pangangailangan. Buwan-buwan ang kongregasyon ay nagtatabi ng mga pondo para sa gamit nila.
15. (a) Mayroon bang mga limitasyon ang pagtulong na magagawa ng kongregasyon? (b) Paanong ang payo na nasa Lucas 11:34 ay magiging angkop para sa mga iba na nagiging labis na mapaghanap?
15 Tulad noong unang siglo, ang gayong mga paglalaan ay para sa mga karapat-dapat na talagang nangangailangan niyaon. Ang mga tagapangasiwa ay hindi obligado na tugunan ang maluluhong mga kahilingan o kaya ay paunlakan ang paghingi ng pansin tungkol sa walang katuwirang mga hinihiling. Ang matatanda na ay kailangan din naman na manatiling may ‘simpleng mata.’—Lucas 11:34.
Tinitingnan ng mga Indibiduwal ang Kapakanan ng Matatanda Na
16, 17. (a) Bakit mahalaga para sa iba bukod sa mga tagapangasiwa na maging interesado sa matatanda na? (b) Paanong ang magawaing mga mamamahayag ay ‘makapagsasamantala ng panahon’ para sa matatanda na?
16 Noong nakaraan isang matanda nang sister ang tinanggap sa isang ospital. Sa pagsusuri sa kaniya ay natuklasan na siya’y dumaranas ng malnutrisyon o kakapusan sa pagkain. “Kung higit pa sa mga miyembro ng kongregasyon ang nagkaroon ng personal na interes sa kaniya,” ang sabi sa sulat ng isang tagapangasiwa, “marahil ito ay hindi nangyari.” Oo, hindi lamang ang mga tagapangasiwa ang kailangang maging interesado sa matatanda na. Sinabi ni Pablo: “Tayo’y mga sangkap na nauukol sa isa’t isa.”—Efeso 4:25.
17 Walang alinlangan na ang iba sa inyo ay may mabibigat na pasanin na personal na mga responsabilidad. Subalit ‘tingnan, hindi lamang ang iyong sariling kapakanan.’ (Filipos 2:4) Sa pamamagitan ng wastong personal na organisasyon, malimit na iyong ‘masasamantala ang panahon.’ (Efeso 5:16) Halimbawa, puwede kayang dalawin mo ang isang matanda na pagkatapos ng paglilingkod sa larangan? Ang mga simpleng araw ang lalung-lalo nang malulungkot na panahon para sa iba. Ang mga tin-edyer man ay maaaring makasali sa mga dumadalaw sa mga matatanda na at gumagawa ng mga gawaing-bahay para sa kanila. Ganito ang dalangin ng isang sister na tinulungan ng isang kabataan: “Salamat sa iyo Jehova para sa kabataan na si Brother John. Anong pagkabait-bait niya.”
18. (a) Bakit ang pakikipag-usap sa isang matanda na ay nagiging mahirap kung minsan? (b) Paano mo magagawang ang isang pagdalaw o isang pakikipag-usap sa isang matanda na ay maging kapaki-pakinabang sa inyong dalawa?
18 Sa mga pulong, pahapyaw ba lamang na binabati mo ang matatanda na? Ipagpalagay natin, marahil ay hindi madali na makipag-usap sa kaninuman na mahina ang pandinig o nahihirapan na magpahayag ng kaniyang niloloob. At yamang ang matatanda na ay masasakitin, ang iba sa kanila ay hindi masayahin. Gayunman, “mas maigi ang isang matiisin.” (Eclesiastes 7:8) Sa kaunting pagsisikap, maaaring pairalin ang isang tunay na “pagpapatibay-loob sa isa’t isa.” (Roma 1:12) Subukan na magkuwento tungkol sa iyong mga karanasan sa paglilingkod sa larangan. Bahaginan mo sila tungkol sa iyong nabasa sa Ang Bantayan o Gumising! O mas mabuti pa, makinig ka sa kanila. (Ihambing ang Job 32:7.) Ang mga matatanda na ay maraming maibabahagi sa iyo kung tutulutan mo lang sila. Ganito ang inamin ng isang tagapangasiwa: “Ang pagdalaw sa matanda nang kapatid na iyon ay nakagawa sa akin ng malaking kabutihan.”
19. (a) Ang ating pagmamalasakit sa matatanda na ay umaabot hanggang kanino? (b) Ano ang mga ilang paraan na sa pamamagitan niyaon ay makatutulong tayo sa mga pamilya na nangangalaga ng kanilang matatanda nang magulang?
19 Hindi ba ang iyong pagmamalasakit sa matatanda na ay dapat ding umabot hanggang sa mga pamilyang nag-aasikaso sa kanila? Isang mag-asawa na nag-aasikaso sa kanilang matatanda nang mga magulang ang nag-ulat: “Imbis na patibayin-loob kami, ang mga iba sa kongregasyon ay naging totoong mapintasin. Isang sister ang nagsabi: ‘Kung patuloy na hindi kayo dadalo sa mga pulong, kayo’y magkakasakit sa espirituwal!’ Subalit ayaw naman niyang gumawa ng anuman upang tulungan kami na makadalo sa mga pulong.” Nakapagpapahina rin naman ng loob ang mga malalabong pangako gaya baga ng, Sakaling mangailangan kayo ng tulong, sabihin lamang ninyo sa akin. Kadalasa’y nakakatulad lamang ito ng pagsasabing, “Magpakainit ka at magpakabusog.” (Santiago 2:16) Anong laking kabutihan kung ang iyong pagmamalasakit ay lalakipan mo ng gawa! Ganito naman ang ulat ng isang mag-asawa: “Ang mga kaibigan ay totoong kahanga-hanga at madamayin! Ang iba sa kanila ay nag-aasikaso kay Inay sa loob ng mga dalawang araw upang kami’y makapahinga naman manaka-naka. Isinasama siya ng mga iba sa kanilang mga pag-aaral sa Bibliya. At tunay na nakapagpapalakas-loob pagka kinukumusta siya sa amin ng mga iba.”
20, 21. Ano naman ang magagawa ng matatanda na upang matulungan yaong nangangalaga sa kanila?
20 Sa pangkalahatan ang ating matatanda na ay binibigyan ng mainam na pangangalaga. Subalit, ano naman ang magagawa ng mga matatanda nang Saksi upang ang gayong gawain ay maisagawa nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntong-hininga? (Ihambing ang Hebreo 13:17.) Kayo’y makipagtulungan alang-alang sa mga kaayusan ng pag-aasikaso sa inyo na ginagawa ng mga tagapangasiwa. Kayo’y magpahayag ng pagpapasalamat at pagpapahalaga ukol sa anumang kagandahang-loob na ipinakita, at iwasan ang maging labis na mapaghanap o labis na mapintasin. At bagama’t ang mga kirot at hapdi ng katandaan ay talaga namang tunay, sikapin na maging masayahin, at magkaroon ng positibong saloobin.—Kawikaan 15:13.
21 ‘Kahanga-hanga ang mga kapatid. Ewan ko kung ano ang mangyayari sa akin kung wala sila,’ ang sabi ng maraming matatanda na. Datapuwat, ang may pangunahing pananagutan na mangalaga sa matatanda na ay ang kanilang mga anak. Ano ba ang kasangkot dito, at paano mahaharap sa pinakamagaling na paraan ang hamon na ito?
[Talababa]
a Ang tinutukoy sa Levitico 27:1-7 ay ang pagtubos sa mga indibiduwal na ‘inialay’ (sa pamamagitan ng isang panata) sa templo bilang mga manggagawa. Ang halagang pantubos ay nagkakaiba-iba ayon sa edad. Sa edad na 60 ang halagang ito ay bumababa nang malaki, maliwanag na dahil sa ang taong gayong katanda ay inaakalang hindi na makagagawa ng kasimbigat na trabaho na gaya ng nagagawa ng isang nakababata. Sinasabi pa ng The Encyclopædia Judaica: “Ayon sa Talmud, ang pagtanda . . . ay nagsisimula sa 60.”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong mga paglalaan ang ginawa noong unang siglo para sa matatanda nang biyuda?
◻ Paano makapagsasaayos ang mga tagapangasiwa upang maalagaan ang matatanda na sa kongregasyon?
◻ Paanong ang mga indibiduwal sa kongregasyon ay makapagpapakita ng interes sa matatanda nang mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae?
◻ Ano ang magagawa ng matatanda na upang makatulong naman sa mga nag-aasikaso sa kanila?
[Kahon sa pahina 11]
Pagtulong sa Matatanda Na—Ang Ginagawa ng Ilan
Isang kongregasyon sa Brazil ang nakasumpong ng isang maginhawang paraan ng pag-asikaso sa pangangailangan ng isang kapatid na nakatira sa malapit sa kanilang Kingdom Hall: Ang grupo sa pag-aaral ng aklat na naatasang maglinis ng bulwagan ay naglilinis din ng kaniyang tahanan.
Isa pang kongregasyon doon ang nakasumpong ng isang simpleng paraan upang ang isang kapatid na may karamdaman ay maging aktibo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Pagka turno niya na magpahayag, isang kapatid ang inaatasan na magsama ng dalawa o tatlong mamamahayag upang makadalaw sa kapatid na iyon. Isang maikling pulong ang pinasisimulan ng panalangin, at pagkatapos ay nagpapahayag ang kapatid na iyon ng kaniyang asainment. Siya’y binibigyan ng kinakailangang payo. Anong laking pampatibay-loob ang pagdalaw na ito!
Ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay nagpapakita rin ng magandang halimbawa sa pangunguna. Sa isang kongregasyon isang matanda nang kapatid na nakapirme na sa isang silyang de gulong ang naging totoong mayayamutin kaya naging madalang ang pagdalaw sa kaniya. Subalit, isang naglalakbay na tagapangasiwa ang nagsaayos na ang kaniyang pahayag sa pamamagitan ng mga slides ay sarilinang mapanood ng kapatid na iyon. Ang matanda nang kapatid ay napaluha dahil sa kaniyang nakita. Ganito ang sabi ng tagapangasiwa: “Nadama ko ang malaking kagantihan nang makita ko kung paanong ang kaunting atensiyon at pag-ibig ay nakapagdadala ng gayong resulta.”
Sa kanilang pagpapastol na pagdalaw sa isang matanda nang kapatid na lalaki natuklasan ng ilang mga tagapangasiwa sa Nigeria na siya’y may malubhang sakit. Kaagad na dinala siya sa ospital. Natuklasan na ang matanda nang kapatid ay nangangailangan ng malawak na gamutan, ngunit hindi niya kaya ang pagbabayad niyaon. Nang ipabatid sa kongregasyon ang kaniyang pangangailangan, ang mga mamamahayag ay nag-abuloy ng sapat na salapi upang matakpan ang kaniyang gastos. Dalawang tagapangasiwa ang naghali-halili ng paghahatid at pagsundo sa kaniya sa ospital, bagaman kinailangan na pumalya sila sa kani-kanilang trabaho. Gayunman, sila’y nagkaroon ng kagalakan na makita ang paggaling ng kapatid na iyon at ang kaniyang pag-aauxiliary payunir hanggang sa kaniyang kamatayan makalipas ang mga apat na taon.
Sa Pilipinas isang matanda nang kapatid na babae ang walang pamilya. Ang kongregasyon ay gumawa ng mga kaayusan sa pag-aasikaso sa kaniya sa loob ng tatlong taon na pagkakasakit niya. Kanilang pinaglaanan siya ng isang munting dako na matitirhan, dinalhan siya ng pagkain araw-araw, at kanilang inasikaso ang mga bagay na may kinalaman sa kalinisan.
[Larawan sa pahina 10]
Lahat ay maaaring makibahagi sa paggalang sa ating matatanda na sa kongregasyon
-
-
Pagsasagawa ng Makadiyos na Debosyon sa Matatanda Nang mga MagulangAng Bantayan—1987 | Hunyo 1
-
-
Pagsasagawa ng Makadiyos na Debosyon sa Matatanda Nang mga Magulang
“Ang [mga anak o mga apo] ay hayaang matuto muna na mamuhay ayon sa maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga ninuno, sapagkat ito’y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.—1 TIMOTEO 5:4.
1, 2. (a) Sino sang-ayon sa Bibliya ang may pananagutan sa pangangalaga sa matatanda nang mga magulang? (b) Bakit isang bagay na seryoso para sa isang Kristiyano na pabayaan ang tungkuling ito?
BILANG isang bata, ikaw ay pinalaki at ipinagsanggalang nila. Bilang isang nasa hustong edad na, sila’y hiningan mo ng kanilang payo at pagsuporta. Ngunit ngayon sila ay matatanda na at nangangailangan ng susuporta naman sa kanila. Ang sabi ni apostol Pablo: “Ngunit kung ang sinumang biyuda ay may mga anak o mga apo, ang mga ito’y hayaang matuto muna na mamuhay ayon sa maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga ninuno, sapagkat ito’y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Tunay na kung ang sinuman ay hindi naglalaan para sa mga sariling kaniya, at lalo na para sa kaniyang sariling sambahayan, kaniyang itinakwil ang pananampalataya at lalong masama kaysa isang taong walang pananampalataya.”—1 Timoteo 5:4, 8.
2 Libu-libong mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang nag-aalaga sa matatanda nang mga magulang. Ginagawa nila ito hindi lamang dahil sa “kabaitan” (The Living Bible) o “tungkulin” (The Jerusalem Bible) kundi dahil sa “maka-Diyos na debosyon,” samakatuwid nga, pagpapakundangan sa Diyos. Kanilang kinikilala na ang pagtalikod sa kanilang mga magulang sa panahon ng pangangailangan ay tulad sa ‘pagtatakwil sa [Kristiyanong] pananampalataya.’—Ihambing ang Tito 1:16.
‘Isabalikat ang Iyong Pasanin’ ng Pangangalaga
3. Bakit ang pangangalaga sa mga magulang ay maaaring maging isang tunay na hamon?
3 Ang pag-asikaso sa matatanda nang mga magulang ay naging isang hamon, lalo na sa mga bansang Kanluran. Ang mga pami-pamilya ay kadalasang kalat-kalat. Ang gastos ay patuloy na tumataas at hindi masupil ang pagtaas. Ang mga ginang ng tahanan ay malimit na naghahanapbuhay. Ang pangangalaga sa isang magulang na matanda na ay sa ganoon maaaring maging isang malaking trabaho, lalo na kung ang nag-aalaga ay may edad na rin. “Kami ngayon ay nasa edad na mahigit nang 50 taon, at may mga malalaki nang anak at mga apo na nangangailangan din ng tulong,” ang sabi ng isang sister na nakikipagpunyaging maalagaan ang magulang.
4, 5. (a) Sino ang sinasabi ng Bibliya na maaaring bumalikat na sama-sama sa pasanin ng pangangalaga? (b) Papaano iniwasan ng iba ang pananagutan sa kanilang mga magulang noong kaarawan ni Jesus?
4 Binanggit ni Pablo na ang responsabilidad ay maaaring balikatin na sama-sama ng “mga anak o mga apo.” (1 Timoteo 5:4) Subalit, kung minsan ang mga anak ay walang nais na ‘balikatin ang kanilang pasanin’ ng pangangalaga. (Ihambing ang Galacia 6:5.) “Ang aking ate ay katatalikod lamang sa kaniyang pananagutan,” ang reklamo ng isang tagapangasiwa. Subalit ang gayon kaya ay makalulugod kay Jehova? Alalahanin ang minsa’y sinabi ni Jesus sa mga Fariseo: “Sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina’ . . . Datapuwat sinasabi ninyo na mga tao, ‘Kung sabihin ng isang tao sa kaniyang ama o sa kaniyang ina: “Anumang mayroon ako na maaari mong pakinabangan sa akin ay korban, (samakatuwid baga, isang kaloob na inialay sa Diyos,)”’—hindi na ninyo siya pinababayaang gumawa ng isa mang bagay para sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, at sa gayo’y niwawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong tradisyon.”—Marcos 7:10-13.
5 Kung ayaw ng isang Judio na tulungan ang kaniyang dukhang-dukhang mga magulang, kailangan lamang na sabihin niya ang kaniyang ari-arian ay “korban”—isang kaloob na itinabi para gamitin sa templo. (Ihambing ang Levitico 27:1-24.) Maliwanag dito na siya’y hindi maaaring piliting agad-agad na ibigay ang kaniyang itinuturing na kaloob. Kaya naman maaari niyang hawakan (at walang alinlangang gamitin) ang kaniyang mga ari-arian hanggang sa kung kailan niya gusto. Subalit kung ang kaniyang mga magulang ay nangangailangan ng tulong na salapi, maaari siyang kumawag-kawag upang makaalpas sa kaniyang tungkulin sa pamamagitan ng may pagbabanal-banalang pagsasabi na lahat ng kaniyang ari-arian ay “korban.” Sinumpa ni Jesus ang ganitong pagdaraya.
6. Anong motibo ang maaaring mag-udyok sa iba sa ngayon na iwasan ang kanilang mga tungkulin sa kanilang mga magulang, at ito ba’y nakalulugod sa Diyos?
6 Ang isang Kristiyano na gumagamit ng walang kabuluhang mga pagdadahilan upang makaiwas sa kaniyang tungkulin ay sa ganoon hindi makalilinlang sa Diyos. (Jeremias 17:9, 10) Totoo naman, ang mga problema sa pananalapi, pagkamasasakitin, o katulad na mga kalagayan ay maaaring maglagay ng malaking limitasyon sa laki ng nagagawa ng isang tao para sa kaniyang mga magulang. Ngunit ang iba ay maaaring walang pahalagahan kundi mga ari-arian, panahon, at pagsasarili higit kaysa kapakanan ng kanilang mga magulang. Anong laking pagpapaimbabaw na ipangaral ang Salita ng Diyos ngunit ‘walaing-kabuluhan’ yaon sa hindi natin pagkilos sa kapakanan ng ating mga magulang!
Pagtutulungan ng Pamilya
7. Paanong ang mga pamilya ay makapagtutulungan sa pangangalaga sa isang matanda nang magulang?
7 Ang ibang mga eksperto ay nagrirekomenda na pagka nagkaroon ng isang suliranin tungkol sa isang matanda nang magulang, maaaring tumawag ng komperensiya ng pamilya. Ang isang miyembro ng pamilya ay maaaring magsabalikat ng malaking bahagi ng pananagutan. Subalit sa pamamagitan ng mahinahon at maingat na “de kompiyansang pag-uusap,” malimit na ang mga pami-pamilya ay makagawa ng mga paraan upang sama-samang bumalikat ng pasanin. (Kawikaan 15:22) Ang iba na doon sa malayo naninirahan ay maaaring mag-abuloy ng pera at dumalaw pana-panahon. Ang iba naman ay maaaring tumulong sa mga gawaing-bahay o maglaan ng transportasyon. Siyanga pala, kahit na lamang ang pagsang-ayon na dalawin nang regular ang mga magulang ay maaaring maging isang mahalagang abuloy. Sabi ng isang sister na mahigit na 80 anyos tungkol sa pagdalaw ng kaniyang mga anak, “Gaya ito ng mabuting gamot na pampalakas!”
8. (a) Ang mga miyembro ba ng pamilya na nasa buong-panahong paglilingkod ay malilibre sa pagkakaroon ng bahagi sa pangangalaga sa kanilang mga magulang? (b) Para sa mga ibang nasa buong-panahong paglilingkod hanggang saan sila nakarating upang maisagawa nila ang mga obligasyon nila sa mga magulang?
8 Datapuwat, ang mga pami-pamilya ay maaaring mapaharap sa isang maselang na problema pagka ang isang miyembro ay nasa buong-panahong paglilingkod. Ang buong-panahong mga ministro ay hindi nagdadahilan upang makaalpas sa gayong mga obligasyon, at marami ang gumawa ng pambihirang mga pagsisikap upang maalagaan ang kanilang mga magulang. Sabi ng isang tagapangasiwa ng sirkito: “Kailanma’y hindi namin naisip kung gaano kabigat sa pisikal at sa emosyon ang pangangalaga sa aming mga magulang, lalo na pagka sinisikap din naman na matugunan ang mga kahilingan ng buong-panahong paglilingkod. Tunay, naabot na namin ang sukdulan ng aming pagtitiis at nadama namin na kailangan ang ‘lakas na higit kaysa karaniwan.’” (2 Corinto 4:7) Sana’y patuloy na alalayan ni Jehova ang gayong mga tao.
9. Anong pampatibay-loob ang maaaring ibigay sa mga wala nang magagawa pa kundi huminto sa buong-panahong paglilingkod upang mangalaga sa kanilang mga magulang?
9 Subalit, kung minsan, pagkatapos na pag-isipan ang lahat ng mga iba pang posibilidad, ang isang miyembro ng pamilya ay walang ibang magagawa kundi huminto sa buong-panahong paglilingkod. Mauunawaan naman, na ang gayong tao ay maaaring mayroong magkahalong mga damdamin sa pag-urong sa kaniyang mga pribilehiyo sa paglilingkod. ‘Batid namin na aming pananagutang Kristiyano na mangalaga sa aming ina na matanda na at may sakit,’ sabi ng isang dating misyonero. ‘Ngunit kung minsan ay isang damdamin iyon na totoong kakatwa.’ Datapuwat, tandaan na ang ‘pagsasagawa ng maka-Diyos na debosyon sa tahanan ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.’ (1 Timoteo 5:4) Tandaan, din, na “hindi liko ang Diyos upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo sa kaniyang pangalan, sa paglilingkod ninyo sa mga banal at patuloy kayong naglilingkod.” (Hebreo 6:10) Isang mag-asawa na huminto pagkatapos ng maraming taon ng buong-panahong paglilingkod ang nagsasabi: “Ang pananaw namin dito, ay na kasinghalaga rin para sa amin ngayon na alagaan ang aming mga magulang gaya ng kung paano kami naglingkod nang buong-panahon.”
10. (a) Bakit ang ilan ay marahil huminto sa buong-panahong paglilingkod nang wala sa panahon? (b) Ano ang dapat na maging pangmalas ng mga pamilya sa buong-panahong paglilingkod?
10 Gayumpaman, marahil ang ilan ay huminto sa buong-panahong paglilingkod nang wala sa panahon sapagkat ang kanilang mga kamag-anak ay nangatuwiran nang ganito: ‘Kayo naman ay hindi natatalian sa paghahanapbuhay at pagpapamilya. Bakit hindi kayo maaaring mag-alaga kay Itay at kay Inay?’ Subalit, hindi baga ang gawaing pangangaral ang pinakaapurahang gawain na isinasagawa sa ngayon? (Mateo 24:14; 28:19, 20) Samakatuwid ang mga nasa buong-panahong paglilingkod ay gumagawa ng isang napakahalagang gawain. (1 Timoteo 4:16) Gayundin, ipinakita ni Jesus na, sa mga ilang katayuan, baka ang paglilingkod sa Diyos ang kailangan munang unahin higit kaysa mga bagay-bagay ng pamilya.
11, 12. (a) Bakit ipinayo ni Jesus sa isang lalaki na ‘pabayaang ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay’? (b) Anong mga kaayusan ang ginawa ng ilang pamilya kung ang isang miyembro ay nasa buong-panahong paglilingkod?
11 Halimbawa, nang isang lalaki ang tumanggi sa isang paanyaya na maging tagasunod ni Jesus, at ang sabi: “Tulutan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama,” si Jesus ay tumugon: “Pabayaan mong ilibing ng mga patay [sa espirituwal] ang kanilang mga patay, datapuwat yumaon ka at ibalita mong malaganap ang kaharian ng Diyos.” (Lucas 9:59, 60) Yamang inililibing ng mga Judio ang mga patay sa araw na sila’y mamatay, malamang na ang ama ng lalaki ay hindi aktuwal na patay. Ang gusto lamang ng lalaking iyon ay makapiling ang kaniyang matanda nang ama hanggang sa kamatayan ng kaniyang ama. Yamang maliwanag na may mga iba pang kamag-anak na naroroon upang gumanap ng gawaing iyon, hinimok ni Jesus ang lalaki na ‘ibalita nang malaganap ang kaharian ng Diyos.’
12 Napatunayan din ng mga ibang pamilya na pagka lahat ng mga miyembro ay nagtutulungan, kadalasan ay naisasaayos para sa isang nasa buong-panahong paglilingkod na magkaroon ng bahagi sa pangangalaga sa kaniyang magulang habang nagpapatuloy pa rin siya sa buong-panahong paglilingkod. Halimbawa, ang mga ibang nasa buong-panahong ministeryo ay tumutulong sa kanilang mga magulang kung mga dulo ng sanlinggo o sa mga panahon ng bakasyon. Kapuna-puna, iginiit ng mga ilang matatanda nang magulang na ang kanilang mga anak ay manatili sa buong-panahong paglilingkod, kahit na kapalit nito ang malaki-laki rin namang pagsasakripisyo ng mga magulang. Saganang pinagpapala ni Jehova yaong mga taong inuuna muna ang mga kapakanang pangkaharian.—Mateo 6:33.
“Karunungan” at “Unawa” Pagka Nakipisan ang mga Magulang
13. Anong mga problema ang maaaring bumangon pagka ang isang magulang ay inanyayahan na makipisan sa kaniyang mga anak?
13 Isinaayos ni Jesus na ang kaniyang nabiyudang ina ay makipisan sa sumasampalatayang mga kamag-anak nito. (Juan 19:25-27) Maraming mga Saksi ang nag-anyaya rin naman sa kanilang mga magulang na makipisan sa kanila—at magtamasa ng maraming kagalakan at pagpapala dahil doon. Gayunman, ang di-magkakatugmang mga istilo ng pamumuhay, limitadong pagsasarili, at ang pagkahapo dahil sa araw-araw na pag-aasikaso ay kadalasang isang sagabal para sa lahat ng kinauukulan pagka nakipisan sa mga anak ang isang magulang. “Dahil sa pag-aasikaso kay Inay ay naging lalong maigting ang aking kalooban,” ang sabi ni Ann, na ang biyenang babae ay may sakit ng Alzheimer’s disease. “Kung minsan ay nawawalan na rin ako ng pasensiya at napagsasalitaan ko ng padalus-dalos si Inay—pagkatapos ay saka ako nakadarama ng malaking pagkakasala.”
14, 15. Paanong ang “karunungan” at “unawa” ay tumutulong upang ‘mapatibay’ ang isang pamilya sa ilalim ng mga kalagayang ito?
14 Sinabi ni Solomon na “sa pamamagitan ng karunungan ay titibay ang isang sambahayan, at sa pamamagitan ng unawa ay magiging matatag.” (Kawikaan 24:3) Halimbawa, pinagsikapan ni Ann na maging higit na maunawain sa problema ng kaniyang biyenang babae. “Laging isinasaisip ko na siya ay may sakit at hindi naman niya sinasadya ang gayong pagkilos.” Gayumpaman, “tayong lahat ay malimit natitisod. Kung sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal.” (Santiago 3:2) Subalit kung may bumangong mga di-pagkakaunawaan, magpakita ng karunungan sa pamamagitan ng hindi pagiging mapagtanim laban sa iba o hindi pagpapadala sa silakbo ng galit. (Efeso 4:31, 32) Pag-usapan ninyo ang mga bagay-bagay bilang isang pamilya, at humanap ng mga paraan upang magkaayos kayo sa pamamagitan ng mga kompromiso.
15 Ang unawa ay tumutulong din upang ang isa’y mabisang makipagtalastasan. (Kawikaan 20:5) Baka ang isang magulang ay nahihirapan na makibagay sa rutina ng bagong tahanan. O baka dahil sa mahinang takbo ng kaisipan, malimit na siya’y hindi nakikipagtulungan. Sa ilalim ng mga ilang kalagayan, baka walang magagawa kundi ang magsalita na nang may katatagan. (Ihambing ang Genesis 43:6-11.) “Kung hindi ko pinahindian ang aking ina,” ang sabi ng isang sister, “kaniyang gagastahin ang lahat ng pera niya.” Napatunayan ng isang tagapangasiwa na maaari niyang samantalahin ang pagmamahal sa kaniya ng kaniyang nanay. “Malimit na kung hindi umubra ang pangangatuwiran, ay basta sasabihin ko, ‘Inay, puwede po bang gawin ninyo iyan alang-alang sa akin?’ at saka lamang siya nakikinig.”
16. Bakit ang isang mapagmahal na asawang lalaki ay kailangang magpakita ng “unawa” sa pakikitungo sa kaniyang asawa? Paano niya magagawa ang gayon?
16 Yamang ang asawang babae ang malimit na bumabalikat ng karamihan ng pasanin ng pangangalaga, titingnan ng maunawaing asawang lalaki na ito’y hindi naman nahahapo—sa paraang emosyonal, pisikal, o espirituwal. Ang sabi ng Kawikaan 24:10: “Ikaw ba’y nasisiraan ng loob sa araw ng kagipitan? Ang lakas ay uunti.” Ano ba ang magagawa ng isang asawang lalaki upang manumbalik ang sigla ng kaniyang asawa? “Ang mister ko ay uuwi sa amin,” ang sabi ng isang sister, “at yayakapin ako at sasabihin sa akin na ako’y mahal na mahal niya. Hindi manunumbalik ang sigla ko kung hindi sa kaniya!” (Efeso 5:25, 28, 29) Ang asawang lalaki ay maaari ring mag-aral ng Bibliya at regular na manalanging kasama ng kaniyang maybahay. Oo, kahit na sa ilalim ng mahihirap na mga kalagayang ito, ang isang pamilya ay “titibay.”
Pangangalaga na Ibinibigay ng mga “Nursing-Home”
17, 18. (a) Anong hakbang ang napilitan ang mga ibang pamilya na gawin? (b) Sa gayong mga kaso, paanong ang malalaki nang mga anak ay makatutulong sa kanilang mga magulang upang mapasaayos?
17 Ganito ang sabi ng isang gerontologist: “May punto na kung saan ang pamilya’y walang kasanayan o dili kaya’y salapi upang doon alagaan sa bahay [ang magulang].” Gaya ng sabi ng isang asawang lalaki: “Sumapit iyon sa punto na kung saan nasira ang kalusugan ng aking maybahay dahilan sa pagsisikap niya na pagsilbihan si Inay nang 24-oras. Wala kaming magagawa kundi ipasok si Inay sa isang nursing home o ampunan para sa matatanda na. Subalit sa paggawa nito ay wasak ang aming mga puso.”
18 Baka ang pangangalaga ng isang nursing home ang pinakamagaling na pangangalagang maibibigay sa ilalim ng gayong kalagayan. Subalit, ang mga matatanda nang ipinapasok sa gayong mga ampunan ay kadalasang naguguluhan ang isip at nalulumbay, sa pagkadama nila na sila’y abandonado. “Maingat na ipinaliwanag namin kay Inay kung bakit namin ginawa ito,” ang sabi ng isang sister na tatawagin nating Greta. “Siya’y natutong makibagay at ngayon ay itinuturing niyang tahanan ang dakong iyon.” Ang regular na mga pagdalaw ay nagpapagaang sa intindihin ng mga magulang sa pamamagitan ng kaayusang iyon at nagpapatunay sa pagiging tunay ng inyong pag-ibig para sa kanila. (Ihambing ang 2 Corinto 8:8.) Kung dahil sa kalayuan ay nagkakaroon ng problema, makipagtalastasan palagi sa pamamagitan ng telepono, ng mga liham, at pana-panahong mga pagdalaw. (Ihambing ang 2 Juan 12.) Gayumpaman, ang pamumuhay sa gitna ng mga taong makasanlibutan ay maliwanag na may mga sagabal. Maging ‘palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.’ (Mateo 5:3) “Binigyan namin si Inay ng mga mababasa, at sinikap naming talakayin sa kaniya ang espirituwal na mga bagay hangga’t maaari,” ang sabi ni Greta.
19. (a) Anong pag-iingat ang dapat gawin sa pagpili at pagsubaybay sa pangangalaga na ginagawa ng isang nursing home? (b) Paano nakikinabang ang isang Kristiyano kung ginagawa niya ang kaniyang buong kaya sa pangangalaga sa isang magulang?
19 Ang The Wall Street Journal ay nag-ulat tungkol sa pag-aaral na ginawa sa 406 na mga nursing home sa E.U. na kung saan “mga isang-kalima ang inakalang potensiyal na mapanganib sa mga naninirahan doon at halos kalahati lamang ang nakaabot sa pinakakakaunting mga pamantayan.” Malungkot sabihin, ang gayong mga ulat ay karaniwan na. Kaya kung kinakailangan ang pangangalaga ng nursing home, maging maingat ng pagpili. Personal na dalawin iyon upang mapatunayan kung iyon ay malinis, mainam ang pagkamantener, may kuwalipikadong mga tagapag-asikaso, may kapaligiran na tulad-tahanan, at nagbibigay ng sapat na pagkain. Subaybayan nang buong ingat ang pangangalaga na ibinibigay sa iyong mga magulang. Alalayan sila, tulungan sila na iwasan ang tiwaling mga situwasyon na maaaring bumangon, baka sa mga bagay na may kinalaman sa makasanlibutang mga kapistahan o paglilibang. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng iyong buong kaya upang mabigyan ang iyong mga magulang ng pinakamagaling na pangangalaga sa ilalim ng gayong mga kalagayan, maiiwasan mo ang ikaw ay makadama ng pagkakasala na liligalig sa iyo.—Ihambing ang 2 Corinto 1:12.
Masasayang Tagapagbigay, Masasayang Tagatanggap
20. Bakit mahalaga na ang mga anak ay maging masasayang mga tagapagbigay?
20 “Naging mahirap,” ang sabi ng isang babaing Kristiyano tungkol sa pangangalaga niya sa kaniyang mga magulang. “Ako’y nagluluto para sa kanila, naglilinis, nakikitungo sa kanilang mga pag-iyak-iyak, aking pinapalitan ang kanilang mga gamit sa higaan pagka sila’y napaihi na roon.” “Pero anuman ang nagawa namin para sa kanila,” ang sabi pa ng kaniyang asawa, “iyon ay ginawa namin nang may kagalakan—masayahin. Pinagsumikapan namin na huwag akalain ng aming mga magulang na kinayayamutan namin ang ginagawa namin na pag-aalaga sa kanila.” (2 Corinto 9:7) Ang mga matatanda na ay kadalasang atubili na tumanggap ng tulong at ayaw nila na maging isang pasanin sa iba. Ang saloobin na ipinakikita mo ay mahalaga kung gayon.
21. (a) Paanong ang mga magulang ay magiging masasayang tagatanggap? (b) Bakit isang karunungan para sa isang magulang na magplano nang patiuna para sa kaniyang pagtanda?
21 Gayundin naman, ang saloobin na ipinakikita ng mga magulang ay mahalaga rin. Ganito ang naalaala pa ng isang sister: “Anuman ang gawin ko para kay Inay, siya’y hindi nasisiyahan.” Samakatuwid, mga magulang, iwasan ang pagiging di-makatuwiran o ang pagiging labis na mapaghanap. Higit sa lahat, ang Bibliya ay nagsasabi na “hindi nararapat ipagtipon ng mga anak ang mga magulang, kundi ng mga magulang ang mga anak.” (2 Corinto 12:14) May mga magulang na bulagsak sa kanilang mga ari-arian at nagiging isang di-kinakailangang pabigat sa kanilang mga anak. Gayunman, ang Kawikaan 13:22 ay nagsasabi: “Ang mabuti ay nag-iiwan ng mana sa mga anak ng kaniyang mga anak.” Hangga’t maaari, ang mga magulang ay maaari kung gayon na magplano nang patiuna para sa kanilang pagtanda, at patiunang magtabi ng pondo at gumawa ng mga ilang kaayusan para dito.—Kawikaan 21:5.
22. Papaano dapat malasin ng isang tao ang pagsisikap na ginagawa niya upang alagaan ang kaniyang matatanda nang mga magulang?
22 Mainam ang pagkasabi ni Pablo nang sabihin niya na ang pangangalaga sa mga magulang ay kaukulang “kagantihan.” (1 Timoteo 5:4) Gaya ng pagkasabi ng isang kapatid na lalaki: “Ako’y inalagaan ni Inay nang may 20 taon. Ano ba ang aking nagawa kung ihahambing diyan?” Harinawang lahat ng mga Kristiyano na may matatanda nang mga magulang ay mapukaw din na ‘magsagawa ng maka-Diyos na debosyon sa tahanan,’ sa pagkaalam na sila’y gagantihing sagana ng Diyos na nangangako sa mga taong gumagalang sa kanilang mga magulang: “Ikaw [ay] mabubuhay ng matagal sa lupa.”—Efeso 6:3.
Mga Punto na Dapat Tandaan
◻ Paanong ang mga iba noong kaarawan ni Jesus ay naghangad na maiwasan ang pananagutan sa kanilang mga magulang?
◻ Sino ang dapat mangalaga sa matatanda nang mga magulang, at bakit?
◻ Anong mga problema ang maaaring maranasan ng mga pamilya pagka pumisan sa kanila ang isang magulang, at paano mapagtatagumpayan ang mga problemang ito?
◻ Bakit baka kailanganin ang pangangalaga na ibinibigay ng mga nursing home, at paano matutulungan ang mga magulang upang makibagay sa pamumuhay doon?
-