-
Bahagi 1—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng LupaMga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
-
-
Kabanata 22
Bahagi 1—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
Ito ang una sa limang bahagi sa isang kabanata na nagsasalaysay kung papaano lumaganap sa buong lupa ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Ang Bahagi 1, na sumasaklaw sa yugto mula dekada ng 1870 hanggang 1914, ay nasa mga pahina 404 hanggang 422. Ang lipunan ng tao ay hindi na nakaahon pagkatapos ng kapighatiang dulot ng Digmaang Pandaigdig I, na nagsimula noong 1914. Iyan ang taon na matagal nang tinukoy ng mga Estudyante ng Bibliya bilang katapusan ng Panahon ng mga Gentil.
BAGO siya umakyat sa langit, inatasan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga apostol, na nagsasabi: “Kayo’y magiging mga saksi ko . . . hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Inihula rin niya na “ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.” (Mat. 24:14) Ang gawaing iyon ay hindi natapos noong unang siglo. Ang kalakhang bahagi nito ay ginawa sa modernong panahon. At ang ulat tungkol sa pagsasagawa nito mula noong dekada ng 1870 hanggang sa kasalukuyan ay tunay na nakapananabik.
Bagaman kilalang-kilala si Charles Taze Russell dahil sa kaniyang malawak ang pagkaanunsiyong mga pahayag sa Bibliya, ang kaniyang interes ay hindi lamang sa malalaking grupo ng mga tagapakinig kundi sa mga indibiduwal. Kaya, matapos niyang simulang ilathala ang Watch Tower noong 1879, siya’y malimit na naglalakbay para dalawin ang maliliit na grupo ng mga mambabasa ng magasin upang talakayin ang Kasulatan na kasama nila.
Hinimok ni C. T. Russell ang mga naniniwala sa natatanging mga pangako ng Salita ng Diyos na ibahagi ang mga ito sa iba. Ang mga taong naantig ang puso dahil sa kanilang natututuhan ay naging masigasig sa paggawa nito. Upang tumulong sa gawain, ang nilimbag na materyal ay inilaan. Maaga noong 1881, lumabas ang ilang mga tract. Pagkatapos ay nilakipan ng karagdagang impormasyon ang materyal mula sa mga ito upang bumuo ng lalong malawak na Food for Thinking Christians, at 1,200,000 sipi nito ang inihanda upang ipamahagi. Subalit papaano maipamamahagi ang lahat ng ito ng maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya (na marahil noo’y may bilang lamang na 100)?
Inaabot ang mga Palasimba
Ang ilan ay ipinamigay sa mga kamag-anak at mga kaibigan. Ang ilang mga pahayagan ay pumayag na magpadala ng kopya sa bawat isa sa kanilang mga suskritor. (Ang ginamit lalo na ay ang lingguhan at buwanang mga pahayagan upang ang Food for Thinking Christians ay makarating sa maraming tao na nakatira sa may kabukiran.) Ngunit ang kalakhan ng pamamahagi ay ginawa sa ilang sunud-sunod na Linggo sa harapan ng mga simbahan sa Estados Unidos at Britanya. Kulang ang mga Estudyante ng Bibliya upang personal nilang gawin ang lahat ng ito, kaya inupahan nila ang iba upang tumulong.
Isinugo ni Brother Russell ang dalawang kasama niya, sina J. C. Sunderlin at J. J. Bender, sa Britanya upang pangasiwaan ang pamamahagi ng 300,000 sipi roon. Si Brother Sunderlin ay nagtungo sa London, samantalang si Brother Bender ay naglakbay pahilaga patungo sa Scotland at naglilingkod habang pabalik sa katimugan. Ang pangunahing binigyan ng pansin ay ang malalaking lunsod. Sa pamamagitan ng mga anunsiyo sa pahayagan, naghanap sila ng may-kakayahang mga lalaki, at gumawa ng mga kontrata sa kanila na organisahin ang sapat na mga katulong upang ipamahagi ang itinoka sa kanilang mga kopya. Halos 500 tagapamahagi ang kinalap sa London lamang. Mabilis na natapos ang gawain, sa dalawang magkasunod na Linggo.
Noong taon ding iyon, isinaayos na ang mga Estudyante ng Bibliya na maaaring mag-ukol ng kalahati o higit pa sa kanilang panahon sa gawain ng Panginoon ay maging mga colporteur, na namamahagi ng literatura para sa pag-aaral ng Bibliya. Ang unang mga kabilang na ito sa tinatawag ngayon na mga payunir ay nakagawa ng tunay na kamangha-manghang pamamahagi ng mabuting balita.
Nang sumunod na dekada, naghanda si Brother Russell ng sari-saring tract na madaling magagamit sa pagpapalaganap ng ilan sa pangunahing mga katotohanang natutuhan mula sa Bibliya. Siya’y sumulat din ng ilang tomo ng Millennial Dawn (na nang maglaon ay tinawag na Studies in the Scriptures). Pagkatapos ay nagsimula siyang maglakbay nang personal upang mag-ebanghelyo sa ibang lupain.
Naglakbay si Russell sa Ibang Lupain
Noong 1891 siya’y dumalaw sa Canada, na doon marami ang naging interesado mula noong 1880 anupat ang isang asambleang dinaluhan ng 700 ay nairaos sa Toronto. Siya’y naglakbay rin sa Europa noong 1891 upang tingnan kung ano ang magagawa upang mapabilis ang paglaganap ng katotohanan doon. Sa paglalakbay na ito siya’y nagtungo sa Irlandya, Scotland, Inglatera, marami sa mga lupain sa kontinente ng Europa, Rusya (ang bahaging tinatawag ngayon na Moldova), at ang Gitnang Silangan.
Ano ang komento niya sa mga nakausap niya sa paglalakbay na iyon? “Wala kaming nakitang handang makinig ng katotohanan sa Rusya . . . Wala kaming nakitang pag-asa ng anumang pag-aani sa Italya o Turkiya o Austria o Alemanya,” ang ulat niya. “Subalit ang Norway, Sweden, Denmark, Switzerland, at lalo na ang Inglatera, Irlandya at Scotland, ay mga bukiring hinog na at naghihintay na upang anihin. Ang mga bukiring ito ay waring nananawagan, Pumarito kayo at tulungan ninyo kami!” Noong panahong iyon ay ipinagbabawal pa ng Iglesya Katolika ang pagbabasa ng Bibliya, iniiwan ng maraming mga Protestante ang kanilang mga simbahan, at marami, palibhasa’y wala na silang tiwala sa mga iglesya, ay lubusang nagtatakwil sa Bibliya.
Upang matulungan ang mga taong nagugutom sa espirituwal, pagkatapos ng paglalakbay ni Brother Russell noong 1891 gumawa ng masidhing pagsisikap na isalin ang literatura sa mga wika ng Europa. Gayundin, gumawa ng kaayusan upang ilimbag at ibodega ang literatura sa London upang ito’y madaling magamit sa Britanya. Totoo nga na ang bukirin sa Britanya ay napatunayang hinog na upang anihin. Pagsapit ng 1900, mayroon nang siyam na kongregasyon at 138 Estudyante ng Bibliya lahat-lahat—kabilang na rin ang ilang masigasig na colporteur. Nang muling dumalaw si Brother Russell sa Britanya noong 1903, isang libo ang nagtipon sa Glasgow upang makinig sa pahayag niyang “Mga Inaasahan at Inaasam sa Milenyo,” 800 ang dumalo sa London, at may nakinig na 500 hanggang 600 sa iba pang mga bayan.
Gayunman, bilang patunay sa napansin ni Brother Russell, lumipas muna ang 17 taon mula ng dalaw niya bago natatag ang unang kongregasyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Italya, sa Pinerolo. At kumusta naman ang Turkiya? Noong huling bahagi ng dekada ng 1880, si Basil Stephanoff ay nangaral sa Macedonia, na noo’y Europeong bahagi ng Turkiya. Bagaman ang ilan ay tila may interes, ang ilan na nagpanggap na mga kapatid ay gumawa ng maling bintang laban sa kaniya, na humantong sa pagkabilanggo niya. Noong 1909 saka lamang iniulat ng isang liham mula sa isang taga-Gresya sa Smyrna (ngayo’y Izmir), Turkiya, na may grupo roon na malugod na nag-aaral sa mga publikasyon ng Watch Tower. Tungkol naman sa Austria, si Brother Russell mismo ay bumalik noong 1911 upang magsalita sa Vienna, subalit ang pulong ay ginulo ng mga mang-uumog. Sa Alemanya din, mabagal ang naging tugon. Subalit higit na gising ang mga taga-Scandinavia sa kanilang espirituwal na pangangailangan.
Ang mga Taga-Scandinavia ay Nagtulung-tulong
Maraming taga-Sweden ang naninirahan noon sa Amerika. Noong 1883 isang sipi ng Watch Tower na isinalin sa Sweko ang ipinamahagi sa kanila. Di-nagtagal at ang mga ito’y nakarating sa mga kaibigan at kamag-anak sa Sweden sa pamamagitan ng koreo. Wala pang nailimbag noon na literaturang Norwego. Gayunman, noong 1892, isang taon pagkaraan ng paglalakbay ni Brother Russell sa Europa, si Knud Pederson Hammer, isang taga-Norway na natuto ng katotohanan sa Amerika, ay personal na bumalik sa Norway upang magpatotoo sa kaniyang mga kamag-anak.
Pagkatapos, noong 1894, nang simulang ilathala ang literatura sa Dano-Norwego, si Sophus Winter, isang 26-na-taóng-gulang na Dano-Amerikano, ay isinugo sa Denmark upang ipamahagi ito. Pagsapit ng kasunod na tagsibol, siya’y nakapamahagi na ng 500 tomo ng Millennial Dawn. Hindi naman nagtagal, ang ilan sa nakabasa ng mga publikasyong iyon ay nakibahagi sa gawain na kasama niya. Nakalulungkot, nang dakong huli nawala ang kaniyang pagpapahalaga sa mayamang pribilehiyong taglay niya; ngunit ang iba’y patuloy na nagpasikat ng liwanag.
Gayunman, bago niya iniwan ang paglilingkod, si Winter ay gumawa bilang colporteur sa Sweden. Di-nagtagal pagkatapos nito, sa tahanan ng isang kaibigan sa isla ng Sturkö, nakita ni August Lundborg, isang kabataang kapitan sa Salvation Army, ang dalawang tomo ng Millennial Dawn. Hiniram niya ang mga ito, sabik na binasa, nagbitiw sa simbahan, at nagsimulang ibahagi sa iba ang kaniyang natutuhan. Isa pang binata, si P. J. Johansson, ay naliwanagan nang mabasa niya ang isang tract na pinulot niya sa isang upuan sa parke.
Habang lumalaki ang grupong Sweko, ang ilan ay lumipat sa Norway upang mamahagi ng literatura sa Bibliya. Maging bago pa nito, ang ilang literatura ay ipinadala na sa Norway ng mga kamag-anak mula sa Amerika sa pamamagitan ng koreo. Sa ganitong paraan nagsimula si Rasmus Blindheim sa paglilingkod kay Jehova. Bukod pa sa ibang mga taga-Norway, si Theodor Simonsen, isang tagapangaral ng Free Mission, ay tumanggap ng katotohanan nang naunang mga taóng iyon. Sinimulan niyang pabulaanan ang turo ng apoy ng impiyerno sa kaniyang mga pahayag sa Free Mission. Napalukso sa tuwa ang mga tagapakinig sa kamangha-manghang balitang ito; subalit nang malaman na siya’y napaugnay sa “Millennial Dawn,” siya’y pinaalis sa simbahan. Gayunpaman, patuloy siyang nagsalita tungkol sa mabubuting bagay na kaniyang natutuhan. Isa pang kabataang lalaki na tumanggap ng ilang literatura ay si Andreas Øiseth. Nang makumbinsing taglay niya ang katotohanan, iniwan niya ang sakahan ng kaniyang pamilya at pumasok sa gawain bilang colporteur. Naglingkod siya sa sunud-sunod na mga lugar patungong hilaga, pagkatapos ay patimog sa baybayin ng mga lawa, na walang komunidad na nakaligtaan. Kapag taglamig ay nagdadala siya ng mga gamit—pagkain, damit, at literatura—na nakakarga sa isang paragos na pinadudulas sa yelo, at ang mga taong mapagpatuloy naman ang naglalaan ng kaniyang matutulugan. Sa isang paglalakbay na may habang walong taon, halos sinaklaw niya ang buong bansa na dala ang mabuting balita.
Ang asawa ni August Lundborg, si Ebba, ay lumipat mula sa Sweden tungo sa Pinlandya upang maglingkod bilang colporteur noong 1906. Halos kasabay nito, ang ilang lalaking bumabalik mula sa Estados Unidos ay nag-uwi ng ilang literaturang Watch Tower at nagsimulang ibahagi ang kanilang natututuhan. Kaya sa loob ng ilang taon, si Emil Österman, na naghahanap nang higit kaysa iniaalok ng mga simbahan, ay nakakuha ng The Divine Plan of the Ages. Ibinahagi niya ito sa kaniyang kaibigan na si Kaarlo Harteva, na naghahanap din. Yamang kinikilala niya ang kahalagahan nito, isinalin ito ni Harteva sa Pinlandes at, sa tulong ni Österman sa pinansiyal, ay ipinalimbag niya ito. Humayo silang dalawa upang ipamahagi ito. Taglay ang tunay na espiritu ng pag-eebanghelyo, nakipag-usap sila sa mga tao sa publiko, dumalaw sa bahay-bahay, at nagbigay ng mga pahayag sa malalaking awditoryum na halos umaapaw sa dami. Sa Helsinki, pagkatapos ilantad ang huwad na mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan, inanyayahan ni Brother Harteva ang mga tagapakinig na gamitin ang Bibliya upang ipagtanggol ang paniniwala sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, kung kaya nila. Ang lahat ay napatingin sa klerigong naroroon. Natigilan sila; walang nakasagot sa malinaw na pangungusap na nasa Ezekiel 18:4. Ang ilan sa tagapakinig ay nagsabi na hindi sila nakatulog nang gabing iyon dahil sa kanilang narinig.
Hamak na Hardinero Naging Ebanghelisador sa Europa
Samantala, si Adolf Weber, dahil sa paghimok ng isang may-edad nang kaibigang Anabaptist, ay umalis sa Switzerland patungong Estados Unidos upang humanap ng higit na kaunawaan sa mga Kasulatan. Doon, bilang tugon sa isang anunsiyo, siya’y naging hardinero ni Brother Russell. Sa tulong ng The Divine Plan of the Ages (na makukuha noon sa Aleman) at ng mga pulong na pinangasiwaan ni Brother Russell, natamo ni Adolf ang kaalaman sa Bibliya na kaniyang hinahanap, at siya’y nabautismuhan noong 1890. Ang ‘mga mata ng kaniyang puso ay naliwanagan,’ anupat lubos niyang pinahalagahan ang magandang pagkakataong binuksan para sa kaniya. (Efe. 1:18) Pagkatapos ng panandaliang masigasig na pagpapatotoo sa Estados Unidos, siya’y bumalik sa sinilangan niyang lupain upang maglingkod doon “sa ubasan ng Panginoon.” Kaya, pagsapit ng kalagitnaan ng dekada ng 1890, siya’y nandoon na sa Switzerland upang ipamahagi ang katotohanan ng Bibliya sa mga may pusong tumatanggap.
Si Adolf ay naghanapbuhay bilang hardinero at manggugubat, ngunit ang pangunahing interes niya ay ang pag-eebanghelyo. Nagpatotoo siya sa mga kamanggagawa niya, gayundin sa mga tao sa karatig na mga bayan at nayon sa Switzerland. May alam siyang ilang wika, at ginamit niya ang kaalamang ito upang isalin ang mga publikasyon ng Samahan sa Pranses. Pagsapit ng taglamig ay pinunô niya ang kaniyang napsak ng literatura sa Bibliya at naglakad patungong Pransya, at may panahon na naglakbay siya sa hilagang-kanluran patungong Belgium at sa timog patungong Italya.
Upang marating ang mga taong hindi niya personal na makausap, nagpalagay siya ng mga anunsiyo sa mga pahayagan at mga magasin, na tumatawag-pansin sa makukuhang literatura para sa pag-aaral sa Bibliya. Si Elie Thérond, sa bahaging sentral ng Pransya, ay sumagot sa isa sa mga anunsiyo, nakilala ang taginting ng katotohanan sa kaniyang nabasa, at agad ay nagsimula ring mamahagi ng mensahe. Sa Belgium, si Jean-Baptiste Tilmant, Sr., ay nakakita rin ng isa sa mga anunsiyo noong 1901 at kumuha ng dalawang tomo ng Millennial Dawn. Anong laking tuwa niya sa malinaw na paghaharap ng katotohanan ng Bibliya! Papaanong hindi niya sasabihin ito sa kaniyang mga kaibigan! Nang sumunod na taon, ang isang grupo ng pag-aaral ay regular na nagpupulong sa kaniyang tahanan. Di-nagtagal pagkatapos nito ang gawain ng maliit na grupong iyon ay nagbunga kahit sa hilagang Pransya. Si Brother Weber ay laging nakikipag-alam sa kanila, na dinadalaw ang lahat ng bagong mga grupo sa pana-panahon, upang patibayin sila sa espirituwal at bigyan ng mga tagubilin sa pamamahagi ng mabuting balita sa iba.
Nang Marating ang Alemanya ng Mabuting Balita
Di-nagtagal matapos simulang lumabas sa wikang Aleman ang ilan sa mga publikasyon, noong kalagitnaan ng dekada ng 1880, ang mga Alemang-Amerikano na nagpahalaga rito ay nagpadala ng kopya sa mga kamag-anak sa sinilangan nilang lupain. Isang nars na nagtrabaho sa isang ospital sa Hamburg ang nagbigay ng mga kopya ng Millennial Dawn sa ibang nasa ospital. Noong 1896, si Adolf Weber, sa Switzerland, ay naglagay ng mga anunsiyo sa mga pahayagang Aleman ang wika at nagpadala ng mga tract sa Alemanya sa pamamagitan ng koreo. Nang sumunod na taon binuksan ang isang bodega ng literatura sa Alemanya upang madaling ipamahagi ang edisyon ng Watch Tower sa wikang Aleman, ngunit hindi ito kaagad nagkaroon ng bunga. Gayunman, noong 1902, si Margarethe Demut, na natuto ng katotohanan sa Switzerland, ay lumipat sa Tailfingen, sa may silangan ng Black Forest. Ang kaniyang masigasig na personal na pagpapatotoo ay tumulong upang ilatag ang pundasyon para sa isa sa naunang grupo ng mga Estudyante ng Bibliya sa Alemanya. Si Samuel Lauper, taga-Switzerland, ay lumipat sa Bergisches Land, sa hilagang-silangan ng Cologne, upang palaganapin ang mabuting balita roon. Pagsapit ng 1904, idinaos ang mga pulong doon sa Wermelskirchen. Kasama sa mga dumalo ay isang 80-taóng-gulang na lalaki, si Gottlieb Paas, na naghahanap ng katotohanan. Nang malapit na siyang mamatay, di-nagtagal matapos simulan ang mga pulong na iyan, si Paas ay nagtaas ng Watch Tower at nagsabi: “Ito ang katotohanan; manghawakan kayo rito.”
Ang bilang ng mga interesado sa mga katotohanang ito ng Bibliya ay unti-unting lumaki. Bagaman ito’y magastos, gumawa ng kaayusan na isingit ang libreng mga kopya ng Watch Tower sa mga pahayagan sa Alemanya. Isang ulat na inilathala noong 1905 ay nagsabi na mahigit sa 1,500,000 sipi ng mga libreng Watch Tower na ito ang ipinamahagi. Tunay na kamangha-manghang gawain ito para sa gayong napakaliit na grupo.
Hindi inisip ng mga Estudyante ng Bibliya na kapag naabot na nila ang mga taong malapit sa kanilang tahanan ay magiging sapat na. Sing-aga ng 1907, si Brother Erler, mula sa Alemanya, ay naglakbay patungo sa Bohemia sa tinawag noon na Austria-Hungarya (nang malao’y naging bahagi ng Czechoslovakia). Namahagi siya ng literaturang nagbababala hinggil sa Armagedon at nagbabalita ng mga pagpapalang tatamasahin ng sangkatauhan pagkatapos. Noong 1912 isa pang Estudyante ng Bibliya ang namahagi ng literatura sa Bibliya sa lugar ng Memel, sa tinatawag ngayon na Lithuania. Naging maganda ang tugon ng marami sa pabalita, at ilang malaki-laking grupo ng mga Estudyante ng Bibliya ang madaling naorganisa. Gayunman, nang mapag-alaman nilang dapat ding maging mga saksi ang tunay na mga Kristiyano, nagsimulang umunti ang kanilang bilang. Sa kabila nito, may ilan na napatunayang tunay na mga tagatulad ni Kristo, “ang saksing tapat at totoo.”—Apoc. 3:14.
Nang si Nikolaus von Tornow, isang tituladong Aleman na may malawak na ari-arian sa Rusya, ay nasa Switzerland noong mga 1907, siya’y binigyan ng isa sa mga tract ng Samahang Watch Tower. Dalawang taon pagkaraan siya’y dumalo sa Kongregasyon ng Berlin, sa Alemanya, na nagagayakan ng pinakamaringal niyang kasuotan at kasama ang kaniyang personal na katiwala. Hindi niya agad naunawaan kung bakit ang tulad-hiyas na mga katotohanan ay ipagkakatiwala ng Diyos sa mga taong mabababang-loob tulad nila, ngunit ang nabasa niya sa 1 Corinto 1:26-29 ay nakatulong: “Masdan ninyo ang pagkatawag sa inyo, mga kapatid, na hindi ang maraming marunong ayon sa laman ang tinawag, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming marangal na tao . . . , upang walang laman na magmapuri sa paningin ng Diyos.” Palibhasa’y kumbinsido na natagpuan na niya ang katotohanan, ipinagbili ni von Tornow ang kaniyang mga ari-arian sa Rusya at iniukol niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang mga tinatangkilik sa pagpapaunlad ng kapakanan ng dalisay na pagsamba.
Noong 1911, nang magpakasal ang magkasintahang kabataang Aleman, na ang apelyido’y Herkendell, humiling ang kasintahang babae sa kaniyang ama, bilang dote, ng salapi para sa isang pambihirang pulot-gata. Nasa isip ng mag-asawa na gumawa ng mahirap na paglalakbay sa loob ng ilang buwan. Ang kanilang pulot-gata ay isang paglalakbay sa Rusya upang mangaral sa mga taong naroroon na nagsasalita ng Aleman. Kaya sa maraming paraan ipinamahagi ng iba’t ibang uri ng mga tao ang kanilang natutuhan tungkol sa maibiging layunin ng Diyos.
Paglago sa Larangan sa Britanya
Pagkatapos ng masinsinang pamamahagi ng literatura sa Britanya noong 1881, nakita ng ilang mga palasimba na kailangan silang kumilos ayon sa kanilang natutuhan. Si Tom Hart ng Islington, London, ay isa sa mga naantig ng maka-Kasulatang payo ng Watch Tower, “Magsilabas kayo sa kaniya, bayan ko”—alalaong baga’y, lumabas mula sa maka-Babilonyang mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan at sumunod sa turo ng Bibliya. (Apoc. 18:4) Nagbitiw siya mula sa kapilya noong 1884, at may ilan na rin na sumunod sa kaniya.
Marami sa mga nakisama sa mga grupo ng pag-aaral ang naging mabisang mga ebanghelisador. Ang ilan ay nag-alok ng literatura sa Bibliya sa mga parke ng London at sa iba pang mga dakong pinapasyalan ng mga tao. Ang iba’y nagbigay-pansin lalo na sa mga bahay kalakal. Gayunman, karaniwan na’y nagbabahay-bahay sila.
Si Sarah Ferrie, isang suskritor ng Watch Tower, ay sumulat kay Brother Russell na nagsasabi na siya at ang ilang kaibigan niya sa Glasgow ay nagnanais na magboluntaryo sa pamamahagi ng tract. Kaylaki ng kaniyang pagkamangha nang tumigil sa pinto niya ang isang trak na may dalang 30,000 pulyeto, na ipamamahaging lahat nang walang bayad! Sila’y kumilos agad. Si Minnie Greenlees, kasama ang kaniyang tatlong kabataang anak na lalaki, at sakay ng isang “pony and trap” (karuwaheng hila ng kabayo), ay masigasig na namahagi ng literatura sa Bibliya sa mga kabukiran ng Scotland. Nang dakong huli, habang sakay ng mga bisikleta, sina Alfred Greenlees at Alexander MacGillivray, ay namahagi ng mga tract sa kalakhang bahagi ng Scotland. Sa halip na bayaran ang iba upang ipamahagi ang literatura, ang gawain ngayon ay ginagawa ng tapat-pusong mga boluntaryo mismo.
Pinakilos Sila ng Kanilang Puso
Sa isa sa kaniyang mga talinghaga, sinabi ni Jesus na ang mga tao na ‘nakarinig ng salita ng Diyos na may pusong matimtiman at mabuti’ ay magbubunga. Ang taimtim na pagpapahalaga sa maibiging mga paglalaan ng Diyos ang magpapakilos sa kanila na ibahagi sa iba ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Luc. 8:8, 11, 15) Anuman ang kanilang mga kalagayan, maghahanap sila ng paraan upang gawin ito.
Dahil dito ang isang manlalakbay na taga-Argentina ay nakakuha ng bahagi ng tract na Food for Thinking Christians mula sa isang Italyanong marinero. Samantalang nakadaong ang barko sa Peru, ang manlalakbay ay sumulat upang humingi ng higit pa, at dahil sa lumalaking interes siya’y muling sumulat, mula sa Argentina, noong 1885, sa patnugot ng Watch Tower upang humingi ng literatura. Nang taon ding yaon isang kaanib ng Hukbong-Dagat ng Britanya, na ipinadala sa Singapore kasama ng kaniyang yunit, ang may dalang kopya ng Watch Tower. Natuwa siya sa natutuhan niya sa magasin at madalas niyang ginamit ito upang ipaalam ang pangmalas ng Bibliya sa mga paksang pinag-uusapan ng madla. Noong 1910 isang barko na sinasakyan ng dalawang Kristiyanong babae ang tumigil sa daungan sa Colombo, Ceylon (ngayo’y Sri Lanka). Sinamantala nila ang pagkakataon upang magpatotoo kay G. Van Twest, ang nangangasiwa sa mga marinero, sa daungan. Buong-kataimtiman nila siyang kinausap hinggil sa mabubuting bagay na kanilang natutuhan sa aklat na The Divine Plan of the Ages. Bilang bunga, si G. Van Twest ay naging Estudyante ng Bibliya, at ang pangangaral ng mabuting balita ay napasimulan sa Sri Lanka.
Kahit yaong mga hindi makapaglakbay ay naghanap ng paraan upang ibahagi ang nakapupukaw-pusong mga katotohanan ng Bibliya sa mga tao sa ibang bansa. Tulad ng ipinakikita sa isang sulat ng pasasalamat na inilathala noong 1905, may isang tao sa Estados Unidos na nagpadala ng The Divine Plan of the Ages sa isang lalaki sa St. Thomas, sa tinatawag noon na Danish West Indies. Matapos basahin ito, ang tumanggap nito ay lumuhod at nagpahayag ng kaniyang taimtim na pagnanais na gamitin siya ng Diyos sa paggawa ng kaniyang kalooban. Noong 1911, tinukoy ni Bellona Ferguson ang kaniyang karanasan sa Brazil bilang “isang positibo, buháy na katunayan na walang tao gaano mang kalayo ang hindi maaabot” ng mga tubig ng katotohanan. Waring tumatanggap na siya ng mga publikasyon ng Samahan sa koreo mula pa noong 1899. Bago ang Digmaang Pandaigdig I, nasumpungan ng isang dayuhang Aleman sa Paraguay ang isa sa mga tract ng Samahan sa kaniyang buson. Pumidido siya ng karagdagang literatura at di-nagtagal ay pinutol ang kaniyang kaugnayan sa mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan. Walang iba sa lupaing iyon ang makagagawa nito, kung kaya sila ng kaniyang bayaw ang siyang nagbautismo sa isa’t isa. Tunay nga, isang patotoo ang ibinibigay sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa, at nagbubunga ito.
Napukaw ang iba pang mga Estudyante ng Bibliya na maglakbay sa dakong sinilangan nila o ng kanilang mga magulang upang ibalita sa mga kaibigan at kamag-anak ang kamangha-manghang layunin ni Jehova at kung papaano sila maaaring makibahagi rito. Kaya, noong 1895, si Brother Oleszynski ay bumalik sa Polandya taglay ang mabuting balita tungkol sa “pantubos, pagsasauli sa kasakdalan at makalangit na pagtawag”; bagaman, nakalulungkot, hindi siya nakapagtiis sa paglilingkurang iyon. Noong 1898 isang dating propesor, isang taga-Hungarya, ang umalis sa Canada upang ibalita ang mahalagang mensahe ng Bibliya sa kaniyang sariling bayan. Noong 1905 isang lalaki na naging isang Estudyante ng Bibliya sa Amerika ang umuwi sa Gresya upang magpatotoo. At noong 1913 isang kabataang lalaki ang nagdala ng mga binhi ng katotohanan ng Bibliya mula sa New York pauwi sa sariling bayan ng kaniyang pamilya, ang Ramallah, na hindi kalayuan sa Jerusalem.
Binubuksan ang Dakong Caribeano
Samantalang lumalaki ang bilang ng mga ebanghelisador sa Estados Unidos, Canada, at Europa, ang katotohanan ng Bibliya ay nagsisimula ring tumubo sa Panama, Costa Rica, Dutch Guiana (ngayo’y Suriname), at British Guiana (ngayo’y Guyana). Si Joseph Brathwaite, na nasa British Guiana nang siya’y matulungang makaunawa sa layunin ng Diyos, ay umalis patungong Barbados noong 1905 upang gumugol ng buo niyang panahon sa pagtuturo nito sa mga tagaroon. Sina Louis Facey at H. P. Clarke, na nakarinig ng mabuting balita habang nagtatrabaho sa Costa Rica, ay umuwi sa Jamaica noong 1897 upang ibahagi sa kanilang mga kababayan ang bagong-tuklas nilang pananampalataya. Ang mga tumanggap ng katotohanan doon ay naging masisigasig na manggagawa. Noong 1906 lamang, ang grupo sa Jamaica ay nakapamahagi ng mga 1,200,000 tract at iba pang literatura. Isa pang dayuhang manggagawa, na natuto ng katotohanan sa Panama, ang nagdala ng mensahe ng pag-asa ng Bibliya pauwi sa Grenada.
Ang rebolusyon sa Mexico noong 1910-11 ay naging paraan din upang makarating sa mga taong nagugutom sa katotohanan ang mensahe ng Kaharian ng Diyos. Maraming tao ang tumakas pahilaga tungo sa Estados Unidos. Doon ang ilan sa kanila’y nakausap ng mga Estudyante ng Bibliya, natuto hinggil sa layunin ni Jehova na magdulot ng namamalaging kapayapaan sa sangkatauhan, at nagpadala ng literatura pabalik sa Mexico. Subalit, hindi ito ang unang pagkakataon upang abutin ang Mexico ng mensaheng ito. Sing-aga ng 1893, inilathala ng Watch Tower ang isang liham mula kay F. de P. Stephenson, ng Mexico, na nakabasa ng ilang publikasyon ng Samahang Watch Tower at gusto pa ng higit upang ibahagi sa mga kaibigan niya kapuwa sa Mexico at sa Europa.
Upang buksan ang higit pang mga lupaing Caribeano sa pangangaral ng katotohanan ng Bibliya at organisahin ang regular na mga pulong para sa pag-aaral, isinugo ni Brother Russell si E. J. Coward sa Panama noong 1911 at pagkatapos ay sa mga pulo. Si Brother Coward ay isang matatag at masiglang tagapagpahayag, at madalas ay may daan-daang tagapakinig na dumaragsa upang pakinggan ang kaniyang mga pahayag na nagpapabulaan sa mga doktrina ng apoy ng impiyerno at pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, gayundin nagbabalita hinggil sa maluwahating kinabukasan para sa lupa. Palipat-lipat siya sa bayan-bayan, at sa iba’t ibang mga pulo—St. Lucia, Dominica, St. Kitts, Barbados, Grenada, at Trinidad—na inaabot hangga’t maaari ang pinakaraming tao. Siya’y nagsalita rin sa British Guiana. Samantalang nasa Panama, nakilala niya si W. R. Brown, isang masigasig na kabataang kapatid na taga-Jamaica, na pagkatapos ay naglingkod kasama ni Brother Coward sa ilang mga pulo ng Caribeano. Nang dakong huli, si Brother Brown ay tumulong upang mabuksan ang iba pang mga larangan.
Noong 1913, nagsalita si Brother Russell mismo sa Panama, Cuba, at Jamaica. Sa isang pahayag pangmadla na ibinigay niya sa Kingston, Jamaica, napunô ang dalawang awditoryum, at may 2,000 pa na hindi nakapasok. Nang walang sinabi ang tagapagsalita hinggil sa salapi at walang koleksiyong kinuha, pinansin ito ng mga pahayagan.
Umabot sa Aprika ang Liwanag ng Katotohanan
Noong panahong ito ang Aprika ay narating din ng liwanag ng katotohanan. Isang liham na ipinadala mula sa Liberia noong 1884 ang nagpakita na ang isang mambabasa ng Bibliya roon ay nakakuha ng kopya ng Food for Thinking Christians at gusto niya ng karagdagan pa upang ibahagi sa iba. Ilang taon pagkaraan nito, iniulat na isang klerigo sa Liberia ang nagbitiw sa kaniyang pulpito upang malaya niyang maipangaral ang katotohanan ng Bibliya na natututuhan niya sa tulong ng Watch Tower at na may regular na mga pulong na idinaraos doon ang isang grupo ng mga Estudyante ng Bibliya.
Isang ministro ng Dutch Reformed Church mula sa Olandiya ang nagdala ng ilang publikasyon ni C. T. Russell nang siya’y isugo sa Timog Aprika noong 1902. Bagaman hindi siya nagpatuloy na makinabang mula sa mga ito, sina Frans Ebersohn at Stoffel Fourie, na nakakita sa literaturang ito sa aklatan niya, ang siyang nakinabang. Pagkalipas ng ilang taon, naragdagan ang bilang sa bahaging iyon ng larangan nang ang dalawang masigasig na Estudyante ng Bibliya ay dumayo mula sa Scotland tungo sa Durban, Timog Aprika.
Nakalulungkot nga, ang ilan sa kabilang sa mga kumuha ng literaturang isinulat ni Brother Russell at nagturo nito sa iba, tulad nina Joseph Booth at Elliott Kamwana, ay naghalo ng kanilang sariling mga idea, sa layuning mag-udyok ng isang panlipunang pagbabago. Sa ilang mga tagamasid sa Timog Aprika at Nyasaland (nang huli’y Malawi), ito’y nagdulot ng pagkalito kung sino talaga ang tunay na mga Estudyante ng Bibliya. Gayunman, marami ang nakikinig at nagpapahalaga sa mensaheng umaakay ng pansin sa Kaharian ng Diyos bilang lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan.
Subalit, kung ang pag-uusapan ay ang malawakang pangangaral sa Aprika, ito’y nasa hinaharap pa.
Patungong Silangan at sa mga Pulo ng Pasipiko
Di-natagalan matapos unang ipamahagi ang mga publikasyon ni C. T. Russell sa Britanya, nakarating din ang mga ito sa Silangan. Noong 1883, si Binibining C. B. Downing, isang misyonerang Presbiteryano sa Chefoo (Yantai), Tsina, ay tumanggap ng kopya ng Watch Tower. Pinahalagahan niya ang kaniyang natutuhan tungkol sa pagsasauli sa kasakdalan at ibinahagi niya ang literatura sa ibang mga misyonero, kabilang dito si Horace Randle, na kaanib ng Baptist Mission Board. Nang malaunan, higit na pinukaw ang interes niya dahil sa isang anunsiyo para sa Millennial Dawn na lumabas sa Times ng London, at sinundan pa ito ng mga kopya mismo ng aklat—isa mula kay Binibining Downing at isa na ipinadala ng kaniyang ina sa Inglatera. Sa pasimula, siya ay nabigla sa kaniyang nabasa. Subalit dahil nakumbinse siya na ang Trinidad ay hindi turo ng Bibliya, siya’y nagbitiw sa Baptist Church at ibinahagi sa ibang mga misyonero ang kaniyang natutuhan. Noong 1900 siya’y nag-ulat na nagpadala siya ng 2,324 na liham at mga 5,000 tract sa mga misyonero sa Tsina, Hapon, Korea, at Siam (Thailand). Noong panahong iyon ang pagpapatotoo sa Silangan ay pangunahing ginagawa sa mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan.
Noong panahon ding iyon, ang mga binhi ng katotohanan ay inihasik din sa Australia at New Zealand. Ang una sa “mga binhing” ito na dumating sa Australia ay maaaring dinala roon noong 1884 o hindi nagtagal pagkatapos nito ng isang lalaking unang nilapitan ng isang Estudyante ng Bibliya sa isang parke sa Inglatera. Ang ibang “mga binhi” ay nakarating sa pamamagitan ng koreo mula sa mga kaibigan at kamag-anak sa ibayong dagat.
Sa loob ng ilang taon pagkatapos maitatag ang Commonwealth of Australia noong 1901, ang daan-daang tao roon ay naging mga suskritor ng Watch Tower. Bilang bunga ng gawain niyaong mga nakakita ng pribilehiyong ibahagi ang katotohanan sa iba, libu-libong tract ang ipinadala sa mga taong nasa talaan ng mga botante. Marami pa ang naipamahagi sa mga lansangan, at mga pake-paketeng tract ang inihagis mula sa bintana ng tren sa mga manggagawa at paisa-isang naninirahan sa liblib na mga lugar sa tabi ng riles ng tren. Ang mga tao ay pinatatalastasan hinggil sa nalalapit nang katapusan ng Panahon ng mga Gentil sa 1914. Si Arthur Williams, Sr., ay nagsalita tungkol dito sa lahat ng parokyano sa kaniyang tindahan sa Western Australia at inanyayahan ang mga interesado sa kaniyang tahanan ukol sa higit pang mga pag-uusap.
Kung sino ang unang nakarating sa New Zealand na may dalang katotohanan ng Bibliya ay hindi nalalaman ngayon. Subalit noong 1898, si Andrew Anderson, isang taga-New Zealand, ay nakabasa ng sapat na mga publikasyon ng Watch Tower anupat napukaw siya na palaganapin ang katotohanan doon bilang colporteur. Ang kaniyang mga pagsisikap ay dinagdagan noong 1904 ng ibang mga colporteur na nanggaling sa Amerika at sa tanggapang pansangay ng Samahan na itinatag noong taóng iyon sa Australia. Si Gng. Thomas Barry, sa Christchurch, ay kumuha ng anim na tomo ng Studies in the Scriptures mula sa isa sa mga colporteur. Binasa ito ng kaniyang anak na si Bill noong 1909 habang nasa anim-na-linggong paglalakbay sa barko papuntang Inglatera at nakilala niya ang katotohanan ng nilalaman nito. Pagkalipas ng maraming taon ang kaniyang anak na si Lloyd ay naging miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.
Isa sa masisigasig na manggagawa noong mga araw na iyon ay si Ed Nelson, na, bagaman hindi gaanong mataktika, ay gumugol ng buong panahon sa loob ng 50 taon sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian mula sa dulong hilaga ng New Zealand hanggang sa timog. Pagkalipas ng ilang taon, sinamahan siya ni Frank Grove, na naghasang mabuti sa kaniyang memorya yamang malabo ang kaniyang paningin at nagpayunir din ng mahigit sa 50 taon hanggang sa kaniyang kamatayan.
Paglibot sa Daigdig sa Ikauunlad ng Pangangaral ng Mabuting Balita
Isang malaking hakbang ang kinuha noong 1911-12 upang tulungan ang mga tao sa Silangan. Isinugo ng International Bible Students Association ang isang komite ng pitong lalaki, na pinangunahan ni C. T. Russell, upang personal na suriin ang mga kalagayan doon. Saanman sila pumaroon sila’y nagsalita hinggil sa layunin ng Diyos na magdala ng mga pagpapala sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Mesianikong Kaharian. Kung minsan kakaunti lamang ang nakikinig, pero sa Pilipinas at sa India, umabot sa ilang libo. Hindi nila itinaguyod ang popular na kampanya noong panahong iyon na mangulekta ng pondo upang kumbertihin ang buong daigdig. Napansin nila na ang karamihan ng pagsisikap ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay upang magpaunlad ng sekular na edukasyon. Ngunit naniwala si Brother Russell na ang kailangan ng mga tao ay “ang Ebanghelyo ng maibiging paglalaan ng Diyos sa darating na Kaharian ng Mesiyas.” Sa halip na umasang kumbertihin ang sanlibutan, naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya mula sa Kasulatan na ang dapat gawin ay ang magpatotoo at na ito’y magpapangyaring tipunin “ang ilang pinili mula sa lahat ng bansa, bayan, angkan at wika upang maging miyembro ng uring Kasintahan [ni Kristo]—upang umupong kasama Niya sa Kaniyang luklukan sa loob ng isang libong taon, na tumutulong sa pagpapasakdal ng buong lahi ng sangkatauhan.”a—Apoc. 5:9, 10; 14:1-5.
Pagkatapos na gumugol ng panahon sa Hapón, Tsina, Pilipinas, at iba pang mga lugar, ang mga miyembro ng komite ay naglakbay pa ng 6,400 kilometro sa India. Ang ilang indibiduwal sa India ay nakabasa na ng literatura ng Samahan at nakaliham na upang ipahayag ang kanilang pasasalamat noon pang 1887. Isang aktibong pagpapatotoo sa mga nagsasalita ng wikang Tamil mula noong 1905 ang naisagawa ng isang binata na, bilang estudyante sa Amerika, ay nakilala si Brother Russell at natuto ng katotohanan. Ang binatang ito ay tumulong upang maitatag ang 40 grupo ng pag-aaral sa Bibliya sa timog ng India. Subalit, matapos mangaral sa iba, siya mismo ay inalisan ng pagsang-ayon dahil sa pagtatakwil niya sa mga pamantayang Kristiyano.—Ihambing ang 1 Corinto 9:26, 27.
Gayunman, halos kasabay nito, si A. J. Joseph, ng Travancore (Kerala), bilang tugon sa isang tanong na ipinakoreo niya sa isang prominenteng Adbentista, ay pinadalhan ng tomo ng Studies in the Scriptures. Nasumpungan niya rito ang kasiya-siyang maka-Kasulatang sagot sa kaniyang mga tanong tungkol sa Trinidad. Di-nagtagal siya at ang kaniyang mga kasambahay ay humayo sa mga palayan at niyugan ng timog India upang ibahagi ang bagong-tuklas nilang mga paniniwala. Pagkatapos ng dalaw ni Brother Russell noong 1912, si Brother Joseph ay pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Sa pamamagitan ng tren, karetong hila ng baka, bangka, at paglalakad, siya’y naglakbay upang ipamahagi ang literatura sa Bibliya. Nang magpahayag siya sa madla, madalas ay ginugulo ito ng mga klero at ng kanilang mga tagasunod. Sa Kundara, habang sinusulsulan ng isang klerigong “Kristiyano” ang kaniyang mga tagasunod na guluhin ang gayong miting at batuhin ng dumi ng baka si Brother Joseph, isang may impluwensiyang lalaking Hindu ang lumapit upang alamin kung bakit maingay. Tinanong niya ang klerigo: ‘Iyan ba ang halimbawang iniwan ni Kristo para sundin ng mga Kristiyano, o iyan kaya ay katulad ng ginawa ng mga Fariseo noong panahon ni Jesus?’ Umatras ang klerigo.
Bago natapos ang apat-na-buwang paglibot sa daigdig ng komite ng IBSA, isinaayos ni Brother Russell na si R. R. Hollister ang gawing kinatawan ng Samahan sa Silangan at ipagpatuloy ang pagpapalaganap ng mensahe ng maibiging paglalaan ng Diyos na Mesianikong Kaharian sa mga tagaroon. May inihandang pantanging mga tract sa sampung wika, at angaw-angaw ang ipinamahagi sa India, Tsina, Hapón, at Korea ng lokal na mga tagapamahagi. Pagkatapos ay isinalin ang mga aklat sa apat sa mga wikang ito upang maglaan ng karagdagang espirituwal na pagkain sa mga nagpakita ng interes. Narito ang isang malawak na larangan, at marami pa ang kailangang gawin. Ngunit, ang naisagawa na hanggang sa panahong iyon ay tunay na kamangha-mangha.
Kapansin-pansing Patotoo ang Ibinigay
Bago sumiklab ang nakapangwawasak na unang digmaang pandaigdig, isang malawakang pagpapatotoo ang naibigay na sa buong daigdig. Si Brother Russell ay naglakbay upang magsalita sa daan-daang lunsod sa Estados Unidos at Canada, naglakbay ng ilang beses sa Europa, nakapagsalita sa Panama, Jamaica, at Cuba, bukod pa sa pangunahing mga lunsod ng Silangan. Sampu-sampung libong tao ang personal na nakarinig ng kaniyang nakapupukaw na mga pahayag sa Bibliya at nakapagmasid habang sinasagot niya sa publiko mula sa Kasulatan ang mga tanong na ibinangon ng kapuwa kaibigan at kaaway. Dahil dito malaking interes ang napukaw, at libu-libong pahayagan sa Amerika, Europa, Timog Aprika, at Australia ang regular na naglimbag ng mga sermon ni Brother Russell. Milyun-milyong aklat, gayundin daan-daang milyong tract at iba pang literatura sa 35 wika, ang naipamahagi ng mga Estudyante ng Bibliya.
Bagaman namumukud-tangi ang papel na ginampanan niya, hindi lamang si Brother Russell ang nangangaral noon. Ang iba rin, na nakakalat sa buong globo, ay nagkakaisa ng kanilang tinig bilang mga saksi ni Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Hindi lahat ng mga nakibahagi ay mga tagapagpahayag sa madla. Sila’y nagmula sa lahat ng antas ng buhay, at ginamit nila ang bawat angkop na pamamaraan na mayroon sila upang palaganapin ang mabuting balita.
Noong Enero 1914, wala pang isang taon bago dumating ang katapusan ng Panahon ng mga Gentil, isa pang masinsinang patotoo ang inilunsad. Ito’y ang “Photo-Drama of Creation,” na sa isang bagong pamamaraan ay nagpatingkad ng layunin ng Diyos para sa lupa. Ginawa ito sa pamamagitan ng magagandang de-kulay na slides at pelikula, na sinasabayan ng tunog. Iniulat ng mga pahayagan sa Estados Unidos na ito’y pinanonood linggu-linggo ng daan-daang libong mga tao. Sa katapusan ng unang taon nito, ang kabuuang bilang ng mga nanood sa Estados Unidos at Canada ay umabot sa halos walong milyon. Sa London, Inglatera, umapaw ang mga tao sa Opera House at sa Royal Albert Hall upang panoorin ang presentasyon na binubuo ng apat na bahagi na may tig-2 oras. Sa loob lamang ng kalahating taon, mahigit sa 1,226,000 ang dumalo sa 98 lunsod sa British Isles. Napunô ng mga tao sa Alemanya at Switzerland ang ginamit na mga bulwagan doon. Napanood din ito ng maraming mga mánonóod sa Scandinavia at sa Timog Pasipiko.
Tunay na isang kapansin-pansin, masinsinan, at pambuong-daigdig na pagpapatotoo ang naibigay sa unang mga dekada ng modernong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova! Subalit, ang totoo, ito’y pasimula pa lamang ng gawain.
Iilang daan lamang ang aktibong nakikibahagi sa pagpapalaganap ng katotohanan ng Bibliya noong unang bahagi ng dekada ng 1880. Pagsapit ng 1914, ayon sa mga ulat na makukuha, mga 5,100 ang nakibahagi sa gawain. Ang iba ay maaaring paminsan-minsang namahagi ng ilang tract. Kakaunti pa ang mga manggagawa.
Pinalawak ng maliit na grupong ito ng mga ebanghelisador, sa iba’t ibang paraan, ang paghahayag ng Kaharian ng Diyos sa 68 lupain hanggang sa huling bahagi ng 1914. At ang gawain nila bilang mángangarál at tagapagturo ng Salita ng Diyos ay natatag na at may regular na kaayusan sa 30 lupaing ito.
Milyun-milyong aklat at daan-daang milyong tract ang naipamahagi bago nagtapos ang Panahon ng mga Gentil. Bukod pa rito, noong 1913 halos 2,000 pahayagan ang regular na naglilimbag ng mga sermon na inihanda ni C. T. Russell, at noong taóng 1914 ang mga tagapanood na may kabuuang mahigit na 9,000,000 katao sa tatlong kontinente ay nakapanood ng “Photo-Drama of Creation.”
Tunay nga, isang kamangha-manghang pagpapatotoo ang naibigay! Subalit may mas malaki pang darating.
-
-
Bahagi 2—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng LupaMga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
-
-
Kabanata 22
Bahagi 2—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
Ang gawaing paghahayag ng Kaharian mula 1914 hanggang 1935 ay sinasaklaw sa mga pahina 423 hanggang 443. Tinutukoy ng mga Saksi ni Jehova ang 1914 bilang panahon ng pagkaluklok kay Jesu-Kristo bilang makalangit na Hari na may kapamahalaan sa mga bansa. Nang nasa lupa, inihula ni Jesus na ang pambuong-daigdig na pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa kabila ng matinding pag-uusig ay magiging bahagi ng tanda ng kaniyang pagkanaririto taglay ang pang-Kahariang kapangyarihan. Ano ba talaga ang nangyari noong mga taon pagkaraan ng 1914?
MADALING sinakmal ng unang digmaang pandaigdig ang Europa noong 1914. Pagkatapos ito’y lumaganap upang idamay ang tinatayang 90 porsiyento ng populasyon ng daigdig. Papaano nakaapekto sa gawaing pangangaral ng mga lingkod ni Jehova ang mga naganap may kaugnayan sa digmaan?
Ang Malagim na mga Taon ng Digmaang Pandaigdig I
Noong unang mga taon ng digmaan, may kakaunting hadlang lamang maliban sa Alemanya at Pransya. Malayang naipamahagi ang mga tract sa maraming lugar, at patuloy na ginamit ang “Photo-Drama,” bagaman naging mas limitado ito pagkaraan ng 1914. Habang umiigting ang damdaming dulot ng digmaan, ipinamalita ng mga klero sa British West Indies na si E. J. Coward, na kumakatawan sa Samahang Watch Tower, ay isang tiktik diumano ng Aleman, kung kaya siya’y pinaalis. Nang magsimula ang pamamahagi ng aklat na The Finished Mystery noong 1917, lumaganap ang pagsalansang.
Ang publiko ay sabik na makakuha ng aklat na iyan. Ang unang pidido ng Samahan sa mga manlilimbag ay kinailangang dagdagan ng sampung ulit sa loob lamang ng ilang buwan. Subalit gayon na lamang ang pagkapoot ng mga klero ng Sangkakristiyanuhan dahil sa paghahantad nito sa kanilang huwad na mga doktrina. Sinamantala nila ang kaigtingang dulot ng digmaan upang isumbong ang mga Estudyante ng Bibliya sa mga opisyal ng pamahalaan. Sa buong Estados Unidos, ang mga lalaki at babae na may bahagi sa pamamahagi ng literatura ng mga Estudyante ng Bibliya ay inumog, binuhusan din ng alkitran at saka nilagyan ng mga balahibo. Sa Canada, hinalughog ang mga tahanan, at ang mga taong nasumpungang may partikular na mga publikasyon ng International Bible Students Association ay pinagmulta nang malaki o ipinabilanggo. Gayunman, iniulat ni Thomas J. Sullivan, na noo’y nasa Port Arthur, Ontario, na minsan, nang siya’y magdamag na mabilanggo, ang mga pulis sa lunsod na iyon ay nag-uwi ng mga kopya ng ipinagbabawal na literatura para sa kanilang sarili at sa mga kaibigan nila, sa gayo’y naipamahagi ang lahat ng natirang suplay—mga 500 o 600 sipi.
Ang punong-tanggapan mismo ng Samahang Watch Tower ay sinalakay, at ang mga tauhan sa pangasiwaan ay sinintensiyahan ng mahabang pagkabilanggo. Sa pangmalas ng kanilang mga kaaway ay waring napatay na ang mga Estudyante ng Bibliya. Ang kanilang malaganap na pagpapatotoo na dati’y nakatatawag ng pansin ng madla ay halos huminto na.
Gayunman, kahit ang mga Estudyante ng Bibliya na nabilanggo ay nakasumpong ng pagkakataon upang kausapin ang kapuwa bilanggo hinggil sa layunin ng Diyos. Pagdating ng mga opisyal ng Samahan at ng kanilang matalik na mga kasamahan sa bilangguan sa Atlanta, Georgia, sila’y pinagbawalang mangaral sa pasimula. Ngunit sila-sila na lamang ang nag-usap hinggil sa Bibliya, at ang iba’y naakit dahil sa kanilang mga kilos, sa paraan ng kanilang pamumuhay. Pagkalipas ng ilang buwan, inatasan sila ng katulong na warden na magturo ng relihiyon sa ibang mga bilanggo. Lumaki ang bilang hanggang sa umabot sa mga 90 ang dumalo sa mga klase.
Ang iba pang tapat na mga Kristiyano ay gumawa ng paraan upang magpatotoo noong mga taóng iyon ng digmaan. Kung minsan ito’y nagbunga ng pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian sa mga lupaing hindi pa napangangaralan ng mabuting balita. Kaya, noong 1915 isang Estudyante ng Bibliya sa New York, isang taga-Colombia, ay nagpakoreo ng Kastilang edisyon ng The Divine Plan of the Ages sa isang lalaki sa Bogotá, Colombia. Pagkaraan ng mga anim na buwan, dumating ang sagot mula kay Ramón Salgar. Pinag-aralan niyang mabuti ang aklat, ikinalugod niya ito, at gusto niya ng 200 sipi upang ipamahagi sa iba. Si Brother J. L. Mayer, mula sa Brooklyn, New York, ay nagpakoreo rin ng maraming kopya ng Bible Students Monthly sa wikang Kastila. Marami sa mga ito ang ipinadala sa Espanya. At nang si Alfred Joseph, na noo’y nasa Barbados, ay kumontratang magtrabaho sa Sierra Leone, Kanlurang Aprika, sinamantala niya ang mga pagkakataon upang magpatotoo roon tungkol sa katatapos lamang niyang natutuhan na mga katotohanan sa Bibliya.
Para sa mga colporteur, na ang ministeryo ay ang pagdalaw sa mga tahanan at mga bahay kalakal, kadalasan ito’y naging mas mahirap. Ngunit ang ilan na nagtungo sa El Salvador, Honduras, at Guatemala ay naging abala roon noong 1916 sa pamamahagi ng nagbibigay-buhay na katotohanan sa mga tao. Noong panahong ito si Fanny Mackenzie, isang colporteur na taga-Britanya, ay naglakbay ng dalawang beses sa Silangan sa pamamagitan ng barko, na dumaraan sa Tsina, Hapón, at Korea upang mamahagi ng literatura sa Bibliya, at pagkatapos ay sinubaybayan niya ang interes sa pamamagitan ng pagsulat ng mga liham.
Gayunpaman, ayon sa makukuhang mga rekord, ang bilang ng mga Estudyante ng Bibliya na iniulat na may bahagi sa pangangaral ng mabuting balita sa iba noong 1918 ay bumaba ng 20 porsiyento sa buong daigdig kung ihahambing sa ulat noong 1914. Pagkatapos ng malupit na pagtrato sa kanila sa mga taon ng digmaan, magtitiyaga kaya sila sa kanilang ministeryo?
Pinuspos ng Panibagong Buhay
Noong Marso 26, 1919, ang presidente ng Samahang Watch Tower at ang kaniyang mga kasama ay pinalaya mula sa walang katarungang pagkabilanggo sa kanila. Agad ay gumawa ng plano upang paunlarin ang pambuong-daigdig na paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
Sa isang panlahatang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong Setyembre ng taóng iyon, si J. F. Rutherford, presidente noon ng Samahan, ay nagbigay ng pahayag na nagdiriin sa paghahayag ng maluwalhating pagdating ng Mesianikong Kaharian ng Diyos bilang siyang pinakamahalagang gawain para sa mga lingkod ni Jehova.
Subalit, ang bilang ng aktuwal na nakikibahagi noon sa gawaing iyan ay kakaunti. Ang ilan na umurong dahil sa takot noong 1918 ay naging aktibong muli, at may iba pa na nakisama sa kanila. Ngunit ipinakikita ng makukuhang mga ulat na noong 1919 mayroon lamang mga 5,700 aktibong nagpapatotoo, sa 43 lupain. Gayunman inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mat. 24:14) Papaano kaya maisasagawa ito? Hindi nila alam, at hindi rin nila alam kung hanggang kailan magpapatuloy ang pagpapatotoo. Magkaganito man, yaong mga tapat na lingkod ng Diyos ay nakahanda at sabik na ipagpatuloy ang gawain. May tiwala sila na ang mga bagay-bagay ay papatnubayan ni Jehova ayon sa kaniyang kalooban.
Yamang pinuspos ng sigasig sa kung ano ang malinaw na ipinahihiwatig ng Salita ng Diyos, sila’y nagsimulang gumawa. Sa loob ng tatlong taon ang bilang ng mga nakikibahagi sa pangmadlang paghahayag ng Kaharian ng Diyos ay halos natriple, ayon sa makukuhang mga ulat, at noong 1922 sila’y abala sa pangangaral sa 15 karagdagang lupain kaysa noong 1919.
Isang Nakatatawag-pansing Paksa
Tunay na nakapananabik ang paksang inihayag nila—“Angaw-angaw na ngayo’y nabubuhay ay hindi na mamamatay kailanman!” Nagbigay na si Brother Rutherford ng pahayag sa paksang ito noon pang 1918. Ito rin ang pamagat ng isang 128-pahinang buklet na inilathala noong 1920. Mula 1920 hanggang 1925, ang paksa ring iyan ay paulit-ulit na itinampok sa buong daigdig sa mga pahayag pangmadla sa lahat ng lugar na may makukuhang tagapagsalita at sa mahigit na 30 wika. Sa halip na sabihin, tulad ng ginagawa ng Sangkakristiyanuhan, na lahat ng mabubuting tao ay aakyat sa langit, itinawag-pansin ng pahayag na ito ang salig-Bibliyang pag-asa ng walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa para sa masunuring sangkatauhan. (Isa. 45:18; Apoc. 21:1-5) At nagpahayag ito ng paniniwala na ang panahon ng katuparan ng pag-asang iyan ay napakalapit na.
Ginamit ang mga patalastas sa pahayagan at mga paskilan upang ianunsiyo ang mga pahayag. Ang paksa ay nakatatawag ng pansin. Noong Pebrero 26, 1922, mahigit sa 70,000 ang dumalo sa 121 lugar sa Alemanya lamang. Madalas na umaabot sa libu-libo ang dumadalo sa isang pahayag lamang. Sa Cape Town, Timog Aprika, halimbawa, 2,000 ang dumalo nang ibigay ang pahayag sa Opera House. Sa awditoryum ng unibersidad sa kabiserang lunsod ng Norway, hindi lamang napunô ang bawat upuan, kundi napakarami pa ang hindi nakapasok anupat kinailangang ulitin ang programa pagkaraan ng isang oras at kalahati—at napunô uli ang awditoryum.
Sa Klagenfurt, Austria, sinabi ni Richard Heide sa kaniyang ama: “Makikinig ako sa pahayag na iyan anuman ang sabihin ng iba. Gusto kong malaman kung ito’y panlilinlang lamang o kung may anumang katotohanan doon!” Naantig siya ng kaniyang narinig, at di-natagalan siya at ang kapatid niyang babae, kasama ang kanilang mga magulang, ay nagbabalita na rin nito sa iba.
Ngunit ang mensahe ng Bibliya ay hindi lamang para sa mga taong dumadalo sa isang pahayag pangmadla. Dapat na ipaalam din ito sa iba. Dapat na marinig ito hindi lamang ng publiko sa pangkalahatan kundi ng pulitikal at relihiyosong mga lider din naman. Papaano maisasagawa ito?
Pamamahagi ng Mapuwersang mga Kapahayagan
Nilimbag na impormasyon ang ginamit upang maabot ang angaw-angaw na mga tao na dati’y ang alam lamang nila tungkol sa mga Estudyante ng Bibliya at sa mensaheng inihahayag nila ay ang narinig nila sa iba. Mula 1922 hanggang 1928, isang mabisang patotoo ang ibinigay sa pamamagitan ng pitong mapuwersang mga kapahayagan, mga resolusyon na pinagtibay sa taunang mga kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya. Ang bilang ng nilimbag na sipi ng halos bawat resolusyon na ipinamahagi pagkatapos ng mga kombensiyong iyon ay umabot sa 45 hanggang 50 milyon—tunay na kamangha-manghang bagay para sa maliit na grupo ng mga tagapaghayag ng Kaharian na naglilingkod noon!
Ang resolusyon noong 1922 ay pinamagatang “Isang Hamon sa mga Pinunò ng Daigdig”—oo, isang hamon na patunayan ang kanilang pag-aangkin na maitatatag nila ang kapayapaan, kasaganaan, at kaligayahan para sa sangkatauhan o, kung mabigo, aminin nila na tanging ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyas ang makagagawa ng mga bagay na ito. Sa Alemanya, ang resolusyong iyan ay ipinadala sa desteradong kaiser ng Alemanya, sa presidente, at sa lahat ng miyembro ng Parlamentong Aleman sa pamamagitan ng rehistradong liham; at mga apat at kalahating milyong kopya ang ipinamahagi sa madla. Sa Timog Aprika, si Edwin Scott, na pasan ang bag ng literatura at may baston sa isang kamay upang itaboy ang mababagsik na aso, ay dumalaw sa 64 na bayan, personal na namamahagi ng 50,000 sipi. Pagkatapos nito, nang dumalaw sa mga tahanan ng kanilang miyembro ang mga klerong Olandes sa Timog Aprika upang humingi ng abuloy, iniwagwag ng marami sa mga miyembro ang resolusyon sa mukha ng kanilang klerigo at nagsabi: “Dapat ninyong basahin ito at nang hindi na kayo muling pumunta rito upang mangilak ng pera sa amin.”
Noong 1924 ang resolusyong pinamagatang “Ecclesiastics Indicted” ay nagbunyag sa di-makakasulatang mga turo at gawain ng mga klero, inilantad ang kanilang papel noong digmaang pandaigdig, at hinimok ang mga tao na mag-aral ng Bibliya upang personal nilang alamin ang kamangha-manghang mga paglalaan ng Diyos sa ikapagpapala ng sangkatauhan. Sa Italya noong panahong iyan, ang mga manlilimbag ay hinilingang maglagay ng pangalan nila sa anumang nililimbag nila, at may pananagutan sila sa mga nilalaman nito. Ang Estudyante ng Bibliyang nangangasiwa sa gawain sa Italya ay nagbigay ng kopya ng resolusyon sa mga kinatawan ng pamahalaan, na nagsuri nito at kaagad ay nagbigay ng permiso upang ito’y ilimbag at ipamahagi. Sumang-ayon din ang mga manlilimbag na ito’y ilathala. Ang mga kapatid sa Italya ay namahagi ng 100,000 sipi. Pinakátiyak nila na ang papa at iba pang matataas na opisyal sa Batikano ay tumanggap ng tig-iisang kopya.
Sa Pransya, ang pamamahagi ng resolusyong ito ay nagbunsod ng mapusok at kadalasa’y marahas na reaksiyon mula sa mga klero. Dahil sa pagkadesperado isang klerigo sa Pomerania, Alemanya, ang nagsampa ng demanda laban sa Samahan at sa tagapangasiwa nito, ngunit natalo ang klerigo sa kasong ito nang marinig ng hukuman ang nilalaman ng buong resolusyong ito. Upang ang kanilang gawain ay huwag mapigilan niyaong mga ayaw ipaalam sa mga tao ang katotohanan, ang mga Estudyante ng Bibliya sa lalawigan ng Quebec sa Canada, ay nag-iwan ng mga resolusyon sa mga tahanan sa madaling araw, simula sa ika–3:00 n.u. Tunay na kapana-panabik ang mga panahong yaon!
Nagpapasalamat Dahil sa Kasiya-siyang mga Kasagutan
Noong Digmaang Pandaigdig I, maraming taga-Armenia ang walang-awang itinaboy sa kanilang mga tahanan at sa kanilang lupang sinilangan. Dalawang dekada lamang bago nito, daan-daan libong taga-Armenia ang pinaslang, at ang iba’y tumakas upang makaligtas. Ang ilan sa mga taong ito ay nakabasa ng mga publikasyon ng Samahang Watch Tower sa kanilang sariling bayan. Subalit lalong marami ang nabigyan ng patotoo sa mga lupaing tinakasan nila.
Pagkatapos ng malulupit na karanasang napagtiisan nila, marami ang taimtim na nagtanong kung bakit pinapayagan ng Diyos ang kasamaan. Hanggang kailan pa kaya ito magpapatuloy? Kailan kaya ito magwawakas? Ang ilan sa kanila’y nagpasalamat nang malaman nila ang kasiya-siyang mga sagot mula sa Bibliya. Mabilis na nagkaroon ng mga grupo ng taga-Armeniang Estudyante ng Bibliya sa iba’t ibang mga lunsod sa Gitnang Silangan. Ang sigasig nila sa katotohanan ng Bibliya ay nakaapekto sa buhay ng iba. Sa Ethiopia, Argentina, at Estados Unidos, ang kasama nilang taga-Armenia ay yumakap sa mabuting balita at buong-lugod na tumanggap ng pananagutang ibahagi ito sa iba. Ang isa sa mga ito ay si Krikor Hatzakortzian, na bilang kaisa-isang payunir ay nagpalaganap ng mensahe ng Kaharian sa Ethiopia noong kalagitnaan ng dekada ng 1930. Sa isang okasyon, nang siya’y maling pagbintangan ng mga mananalansang, nagkaroon pa man din siya ng pagkakataon na magpatotoo sa emperador, kay Haile Selassie.
Nagdadala ng Mahahalagang Katotohanan Pabalik sa Kanilang Sariling Lupain
Isang nagniningas na hangaring ibahagi ang mahahalagang katotohanan ng Bibliya ang nagpakilos sa marami na bumalik sa kanilang lupang sinilangan upang mag-ebanghelyo. Ang kanilang tugon ay kagaya ng mga tao mula sa maraming lupain na nasa Jerusalem noong 33 C.E. at siyang naging mananampalataya nang pakilusin ng banal na espiritu ang mga apostol at ang kanilang mga kasamahan na salitain sa maraming wika “ang kagila-gilalas na mga bagay ng Diyos.” (Gawa 2:1-11) Kung papaano ang unang-siglong mga mananampalatayang iyon ay nagdala ng katotohanan pabalik sa sarili nilang bayan, gayon din ang ginawa ng modernong-panahong mga alagad na ito.
Kapuwa mga lalaki at mga babae na natuto ng katotohanan sa ibang bansa ay bumalik sa Italya. Sila’y nanggaling sa Amerika, Belgium, at Pransya at masigasig na naghayag ng mensahe ng Kaharian saanman sila nakatira. Ang mga colporteur mula sa nagsasalita-ng-Italyanong lalawigan ng Ticino sa Switzerland ay lumipat din sa Italya upang ipagpatuloy ang kanilang gawain. Bagaman iilan lamang sila, bilang bunga ng kanilang sama-samang paggawa hindi nagtagal at halos naabot nila ang lahat ng pangunahing mga lunsod at marami sa mga nayon sa Italya. Hindi nila binibilang ang oras na ginugol nila sa gawaing ito. Palibhasa’y kumbinsido sila na ang ipinangangaral nila ay mga katotohanang ibig ng Diyos na ipaalam sa mga tao, sila’y madalas na naglilingkod mula umaga hanggang gabi upang marating ang pinakamaraming tao hangga’t maaari.
Ang mga Griego na naging Estudyante ng Bibliya sa kalapit na Albania at sa malayong Amerika ay nagbigay-pansin din sa kanilang sariling bayan. Gayon na lamang ang tuwa nila nang malaman na ang pagsamba sa mga imahen ay hindi makakasulatan (Ex. 20:4, 5; 1 Juan 5:21), na ang mga makasalanan ay hindi sinusunog sa apoy ng impiyerno (Ecles. 9:5, 10; Ezek. 18:4; Apoc. 21:8), at na ang Kaharian ng Diyos ang tunay at tanging pag-asa ng sangkatauhan (Dan. 2:44; Mat. 6:9, 10). Sabik silang ibahagi ang mga katotohanang ito sa mga kababayan nila—nang personal o sa pamamagitan ng pagsulat. Dahil dito, may nabuong mga grupo ng mga Saksi ni Jehova sa Gresya at sa mga islang sakop ng Gresya.
Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, libu-libong mga Polako ang lumipat sa Pransya upang magtrabaho sa minahan ng karbón. Hindi sila kinaligtaan ng mga kongregasyon sa Pransya dahil sa iba ang kanilang wika. Sila’y gumawa ng paraan upang ibahagi ang mga katotohanan ng Bibliya sa mga minerong ito at sa kanilang mga pamilya, at di-nagtagal ang bilang ng tumugon ay mas malaki kaysa sa mga Saksing Pranses. Nang, dahil sa utos ng pamahalaan na sila’y pauwiin, ang 280 ay napilitang umuwi sa Polandya noong 1935, pinag-ibayo lamang nito ang paglaganap ng mensahe ng Kaharian doon. Kaya, noong 1935, may 1,090 tagapaghayag ng Kaharian na nakikibahagi sa pagpapatotoo sa Polandya.
Ang iba’y tumugon sa mga paanyaya na iwanan ang kanilang sariling lupain upang maglingkod sa ibang mga bansa.
Ang Masisigasig na Ebanghelisador sa Europa ay Tumulong sa Ibang mga Lupain
Dahil sa tulong mula sa ibang bansa, ang Baltic States (Estonia, Latvia, at Lithuania) ay nakarinig ng nakapagpapasiglang katotohanan hinggil sa Kaharian ng Diyos. Noong mga dekada ng 1920 at 1930, masisigasig na mga kapatid na lalaki at babae mula sa Denmark, Inglatera, Pinlandya, at Alemanya ang malawakang nagpatotoo sa dakong ito. Maraming literatura ang ipinamahagi, at libu-libo ang nakinig sa mga pahayag mula sa Bibliya na ibinigay. Mula sa Estonia ang regular na pagsasahimpapawid sa radyo ng mga programa sa Bibliya sa iba’t ibang wika ay nakarating kahit hanggang sa tinatawag noon na Unyon Sobyet.
Mula sa Alemanya ang kusang-loob na mga manggagawa noong mga dekada ng 1920 at l930 ay tumanggap ng mga atas sa mga dakong tulad ng Austria, Belgium, Bulgaria, Czechoslovakia, Pransya, Luxembourg, Netherlands, Espanya, at Yugoslavia. Si Willy Unglaube ay isa sa mga ito. Matapos maglingkod sumandali sa Bethel sa Magdeburg, sa Alemanya, ginampanan niya ang mga atas bilang buong-panahong ebanghelisador sa Pransya, Algeria, Espanya, Singapore, Malaysia, at Thailand.
Nang humingi ng tulong ang Pransya noong dekada ng 1930, pinatunayan ng mga colporteur mula sa Britanya na batid nila na ang Kristiyanong atas na mangaral ay hindi lamang sa sariling lupain kundi sa ibang bahagi ng lupa rin naman. (Mar. 13:10) Si John Cooke ang isa sa masisigasig na manggagawa na tumugon sa panawagan mula sa Macedonia. (Ihambing ang Gawa 16:9, 10.) Sa susunod na anim na dekada, gumanap siya ng mga atas ng paglilingkod sa Pransya, Espanya, Irlandya, Portugal, Angola, Mozambique, at Timog Aprika. Ang kaniyang kuya na si Eric ay nag-iwan ng kaniyang trabaho sa Barclay’s Bank at sumama kay John sa buong-panahong ministeryo sa Pransya; pagkatapos ay naglingkod din siya sa Espanya at Irlandya at nakibahagi sa gawaing misyonero sa Southern Rhodesia (ngayo’y Zimbabwe) at Timog Aprika.
Noong Mayo 1926, sina George Wright at Edwin Skinner, sa Inglatera, ay tumugon sa paanyaya na tumulong sa ikalalawak ng gawaing pang-Kaharian sa India. Napakalaki ng atas nila! Saklaw nito ang buong Afghanistan, Burma (ngayo’y Myanmar), Ceylon (ngayo’y Sri Lanka), India, at Persia (ngayo’y Iran). Pagdating nila sa Bombay, sinalubong sila ng malakas na ulan. Subalit, yamang hindi labis na nababahala hinggil sa personal na kaginhawahan o kaalwanan, di-natagalan sila’y naglalakbay sa lahat ng sulok ng lupain upang hanapin at pasiglahin ang kilalang mga Estudyante ng Bibliya. Sila’y namahagi rin ng maraming literatura upang magpasigla ng interes sa iba. Isinagawa ang gawain nang buong kasigasigan. Kaya, noong 1928 ang 54 na tagapaghayag ng Kaharian sa Travancore (Kerala), sa timog India, ay nag-organisa ng 550 pahayag pangmadla na dinaluhan ng mga 40,000 katao. Noong 1929 apat pang mga payunir mula sa Britanya ang lumipat sa India upang tumulong sa gawain. At noong 1931 tatlo pa mula sa Inglatera ang dumating sa Bombay. Paulit-ulit, sinikap nilang abutin ang iba’t ibang bahagi ng malawak na lupaing ito, na namamahagi ng literatura hindi lamang sa Ingles kundi sa mga wikang Indian din naman.
Samantala, ano ang nangyayari sa Silangang Europa?
Isang Espirituwal na Anihin
Bago ang unang digmaang pandaigdig, ang mga binhi ng katotohanan ng Bibliya ay naihasik na sa Silangang Europa, at ang ilan ay nag-ugat. Noong 1908, si Andrásné Benedek, isang mababang-loob na babaing Hungaryano, ay bumalik sa Austria-Hungarya upang ibahagi sa iba ang mabubuting bagay na kaniyang natutuhan. Dalawang taon pagkaraan nito, sina Károly Szabó at József Kiss ay bumalik din sa lupaing iyan at nagpalaganap ng katotohanan ng Bibliya lalo na sa mga lugar na nang maglao’y tinawag na Romania at Czechoslovakia. Sa kabila ng marahas na pagsalansang mula sa galít na mga klero, itinatag ang mga grupo sa pag-aaral, at isang malawakang pagpapatotoo ang ibinigay. May iba pang nakisama sa kanila sa pangmadlang pagpapahayag ng kanilang pananampalataya, at noong 1935 ang bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa Hungarya ay umabot sa 348.
Halos nadoble ang laki ng Romania nang muling ayusin ang mapa ng Europa ng mga nagtagumpay matapos ang Digmaang Pandaigdig I. Iniulat na sa pinalaking lupaing ito, noong 1920, may mga 150 grupo ng mga Estudyante ng Bibliya, na binubuo ng 1,700 katao. Nang sumunod na taon, sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon, halos 2,000 ang nakibahagi sa mga emblema sa Memoryal, na nagpapahiwatig na sila’y naniniwalang kabilang sila sa pinahiran-ng-espiritung mga kapatid ni Kristo. Mabilis na dumami ito sa sumunod na apat na taon. Noong 1925, may 4,185 na dumalo sa Memoryal, at gaya ng kinagawian noon, karamihan sa kanila’y walang salang nakibahagi sa mga emblema. Gayunman, ang pananampalataya ng lahat ng ito ay malalagay sa pagsubok. Mapatutunayan kaya silang tunay na “trigo” o mga nagpapanggap lamang? (Mat. 13:24-30, 36-43) Talaga bang makikibahagi sila sa gawaing pagpapatotoo na iniatas ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod? Magtitiyaga kaya sila rito sa kabila ng matinding pagsalansang? Mananatili kaya silang tapat kahit magpakita ang iba ng espiritung gaya ng kay Judas Iscariote?
Ang ulat para sa 1935 ay nagpapakita na hindi lahat ay may sapat na pananampalataya upang makapagtiis. Nang taóng iyon, may 1,188 lamang na nakibahagi sa pagpapatotoo sa Romania, bagaman halos doble ang nakikibahagi noon sa mga emblema sa Memoryal. Gayunpaman, nanatiling abala ang mga mapagtapat sa paglilingkod sa Panginoon. Ibinahagi nila sa ibang taong maaamo ang mga katotohanan ng Bibliya na nagpagalak sa kanilang sariling mga puso. Ang isang kapansin-pansing paraan ng paggawa nito ay sa pamamagitan ng pamamahagi ng literatura. Sa pagitan ng 1924 at 1935, nakapamahagi na sila sa mga taong interesado ng mahigit sa 800,000 aklat at buklet, bukod pa sa mga tract.
Kumusta naman ang Czechoslovakia, na naging isang bansa noong 1918 matapos bumagsak ang Imperyo ng Austro-Hungarya? Dito ang ibayo pang kasigasigan sa pagpapatotoo ay nagbunga ng espirituwal na anihin. Nagawa ang naunang pangangaral sa mga wikang Hungaryo, Ruso, Romaniano, at Aleman. Pagkatapos, noong 1922, ang ilang Estudyante ng Bibliya ay bumalik mula sa Amerika upang bigyang-pansin ang mga taong nagsasalita ng Slovak, at nang sumunod na taon isang mag-asawa mula sa Alemanya ang nagsimulang mangaral lalo na sa teritoryong Czech. Ang regular na mga asamblea, bagaman maliit lamang, ay nagpatibay at nagbuklod sa mga kapatid. Nang maging higit na organisado ang mga kongregasyon para sa pag-eebanghelyo sa bahay-bahay noong 1927, lalo pang nakita ang pagsulong. Noong 1932 nagdulot ng malaking pampasigla sa gawain ang isang internasyonal na kombensiyon sa Prague, na dinaluhan ng mga 1,500 mula sa Czechoslovakia at mga karatig na lupain. Karagdagan pa rito, malalaking pulutong ang nanood sa apat-na-oras na bersiyon ng “Photo-Drama of Creation” na pinalabas mula sa isang dulo ng bansa hanggang sa kabilang dulo. Sa loob lamang ng isang dekada, mahigit sa 2,700,000 babasahin sa Bibliya ang ipinamahagi sa mga taong may iba’t ibang mga wika sa lupaing ito. Lahat ng espirituwal na pagtatanim, paglinang, at pagdidilig na ito ay nagpangyaring dumami ang anihin anupat 1,198 tagapaghayag ng Kaharian ang nakibahagi noong taóng 1935.
Ang Yugoslavia (na nang una’y tinawag na Kaharian ng mga Serb, Croat, at Slovene) ay umiral dahil sa muling pag-aayos ng mapa ng Europa pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig. Sing-aga ng 1923, iniulat na may grupo ng mga Estudyante ng Bibliya na nagpapatotoo sa Belgrade. Nang dakong huli ang “Photo-Drama of Creation” ay pinalabas sa malalaking pulutong sa buong bansa. Nang matinding usigin ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya, lalong dumami ang bilang sa Yugoslavia nang lumipat doon ang mga payunir na Aleman. Hindi inaalintana ang personal na kaalwanan, nakarating sila sa pinakaliblib na mga bahagi ng bulubunduking lupaing ito upang mangaral. Ang ibang mga payunir ay nagtungo sa Bulgaria. Gumawa rin ng pagsisikap na ipangaral ang mabuting balita sa Albania. Sa lahat ng mga dakong ito, inihasik ang mga binhi ng katotohanan ng Kaharian. Ang ilan sa mga binhi ay nagkabunga. Subalit pagkalipas ng ilang taon saka lamang nagkaroon ng lalong malaking pag-aani sa mga lugar na ito.
Sa gawing katimugan, sa kontinente ng Aprika, pinalalaganap din ang mabuting balita niyaong mga may mataas na pagpapahalaga sa pribilehiyong maging mga saksi ng Kataas-taasan.
Sumisikat ang Espirituwal na Liwanag sa Kanlurang Aprika
Mga pitong taon pagkatapos unang magtungo sa Kanlurang Aprika upang magtrabaho ang isang Estudyante ng Bibliya mula sa Barbados, siya’y sumulat sa tanggapan ng Samahang Watch Tower sa New York upang ipaalam sa kanila na marami-rami ring tao ang nagpapakita ng interes sa Bibliya. Pagkalipas ng ilang buwan, noong Abril 14, 1923, dahil sa imbitasyon ni Brother Rutherford, si W. R. Brown, na dating naglilingkod sa Trinidad, ay nakarating sa Freetown, Sierra Leone, kasama ang kaniyang pamilya.
Karaka-raka, gumawa ng mga kaayusan upang magpahayag si Brother Brown sa Wilberforce Memorial Hall. Noong Abril 19, may mga 500 na dumalo, kasali na rin ang karamihan ng mga klero sa Freetown. Nagsalita siyang muli nang sumunod na Linggo. Ang paksa niya ay isa na madalas gamitin ni C. T. Russell—“Tumungo sa Impiyerno at Nagsibalik. Sino ang mga Naroroon?” Ang mga pahayag ni Brother Brown ay laging sinasabayan ng mga siniping Kasulatan na itinatanghal sa tagapakinig sa pamamagitan ng lantern slides. Habang nagsasalita, paulit-ulit niyang sinasabi: “Hindi ang sinasabi ni Brown, kundi ang sinasabi ng Bibliya.” Dahil dito, siya’y nakilala bilang “Bible Brown.” At dahil sa kaniyang may-lohika, maka-Kasulatang presentasyon, ang ilang prominenteng miyembro ng simbahan ay nagbitiw at nagsimulang maglingkod kay Jehova.
Malawakan siyang naglakbay upang itatag ang gawaing pang-Kaharian sa bagong mga lugar. Dahil dito siya’y nagbigay ng maraming pahayag sa Bibliya at namahagi ng napakaraming babasahin, at pinasigla niya ang iba na gumawa rin ng gayon. Ang pag-eebanghelyo niya ay umabot pa sa Gold Coast (ngayo’y Ghana), Liberia, Ang Gambia, at Nigeria. Mula sa Nigeria ang iba’y nagdala ng mensahe ng Kaharian sa Benin (na noo’y tinawag na Dahomey) at Cameroon. Alam ni Brother Brown na hindi gaanong iginagalang ng publiko ang tinatawag nilang “relihiyon ng mga puti,” kaya sa Glover Memorial Hall sa Lagos, siya’y nagsalita hinggil sa kabiguan ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Pagkatapos ng miting ang natutuwang mga tagapakinig ay kumuha ng 3,900 aklat upang basahin at ipamahagi sa iba.
Nang unang magtungo si Brother Brown sa Kanlurang Aprika, iilan lamang doon ang nakarinig ng mensahe ng Kaharian. Nang siya’y umalis pagkaraan ng 27 taon, mahigit sa 11,000 ang aktibong mga Saksi ni Jehova sa dakong iyon. Inilalantad na ang mga relihiyosong kamalian; nag-uugat na ang tunay na pagsamba at ito’y mabilis na lumalago.
Sa Buong Silangang Baybayin ng Aprika
Maaga pa sa ika-20 siglo, ang ilan sa mga publikasyon ni C. T. Russell ay ipinamahagi sa timog-silangang bahagi ng Aprika ng mga indibiduwal na gumamit ng ilang idea sa mga aklat ngunit pagkatapos ay hinaluan ang mga ito ng sarili nilang pilosopiya. Ang resulta’y iba’t ibang tinatawag na kilusang Watchtower na walang anumang kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova. Ang ilan sa mga ito ay nakikialam sa pulitika, na nagsusulsol ng gulo sa gitna ng mga Aprikano. Sa loob ng maraming taon ang masamang reputasyon ng mga grupong ito ay nagsilbing hadlang sa gawain ng mga Saksi ni Jehova.
Magkaganito man, natalos ng ilang Aprikano ang kaibahan ng tunay sa di-tunay. Ang naglalakbay na mga manggagawa ay naghatid ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa karatig na mga lupain at ibinahagi ito sa mga taong nagsasalita ng mga wikang Aprikano. Ang mga nagsasalita ng Ingles sa timog-silangang Aprika ay tumanggap ng pabalita, karaniwan na, mula sa mga kakilala sa Timog Aprika. Gayunman, sa ilang lupain, ang matinding opisyal na pagsalansang, na sinulsulan ng klero ng Sangkakristiyanuhan, ay humadlang sa pangangaral ng mga Saksing Europeo sa mga grupong nagsasalita ng wikang Aprikano. Sa kabila nito, lumaganap ang katotohanan, bagaman marami na nagpakita ng interes sa mensahe ng Bibliya ang kinailangan pang tulungan upang wastong ikapit ang kanilang natututuhan.
May ilang walang-kinikilingang mga opisyal ng pamahalaan na hindi kaagad naniwala sa malisyosong mga bintang ng klero ng Sangkakristiyanuhan laban sa mga Saksi. Totoo ito sa isang komisyonado ng pulis sa Nyasaland (ngayo’y Malawi) na nagdamit-sibilyan at dumalo sa mga pulong ng mga Saksing Aprikano upang alamin kung anong uri ng tao sila. Nagkaroon siya ng mabuting impresyon. Nang sang-ayunan ng pamahalaan na magkaroon ng residenteng kinatawang Europeo, si Bert McLuckie at sa dakong huli ang kapatid niyang si Bill ay isinugo roon noong kalagitnaan ng dekada ng 1930. Sila’y laging nakikipag-ugnayan sa pulis at sa mga komisyonadong pandistrito upang maging malinaw sa mga ito ang gawain nila at nang hindi mapagkamalan ang mga Saksi ni Jehova na kasama sa anumang kilusan na maling tinawag na Watchtower. Kasabay nito, sila’y matiyagang gumawa, kasama ni Gresham Kwazizirah, isang maygulang na lokal na Saksi, upang tulungan ang daan-daan na gustong makisama sa mga kongregasyon na makilala na ang seksuwal na imoralidad, pag-aabuso sa inuming de alkohol, at pamahiin ay walang dako sa buhay ng mga Saksi ni Jehova.—1 Cor. 5:9-13; 2 Cor. 7:1; Apoc. 22:15.
Noong 1930, mga isang daan lamang ang mga Saksi ni Jehova sa buong katimugang Aprika. Gayunman, may atas sila na, humigit-kumulang, ay sumasaklaw sa buong Aprika na nasa timog ng ekwador at sa ilang teritoryong lampas dito pahilaga. Ang pagsaklaw sa ganiyang kalawak na teritoryo sa mensahe ng Kaharian ay nangailangan ng tunay na mga payunir. Sina Frank at Gray Smith ay gayong uri ng mga payunir.
Sila’y naglayag ng 4,800 kilometro sa silangan at sa hilaga mula sa Cape Town saka naglakbay sa pamamagitan ng kotse sa baku-bakong mga daan upang marating ang Nairobi, Kenya (sa British East Africa). Wala pang isang buwan, naipamahagi nila ang 40 karton ng literatura sa Bibliya. Ngunit, nakalulungkot, nang papauwi na sila, namatay si Frank dahil sa malarya. Sa kabila nito, di-nagtagal at sina Robert Nisbet at David Norman ay naglakbay—ngayo’y may dalang 200 karton ng literatura—upang mangaral sa Kenya at Uganda, gayundin sa Tanganyika at Zanzibar (ngayo’y kapuwa Tanzania), na nararating ang pinakamaraming tao hangga’t maaari. Iba pang kahawig na mga paglalakbay ang nagpalaganap ng mensahe ng Kaharian sa mga pulo ng Mauritius at Madagascar sa Indian Ocean at sa St. Helena sa Karagatang Atlantiko. Naihasik ang mga binhi ng katotohanan, subalit hindi agad umusbong at lumago sa lahat ng lugar.
Mula sa Timog Aprika ang pangangaral ng mabuting balita ay lumaganap din sa Basutoland (ngayo’y Lesotho), Bechuanaland (ngayo’y Botswana), at Swaziland, noon pang 1925. Makalipas ang mga walong taon, nang muling mangaral ang mga payunir sa Swaziland, sila’y buong-lugod na tinanggap ni Haring Sobhuza II. Tinipon niya ang kaniyang mga tanod na binubuo ng isang daang mandirigma, nakinig sa isang masinsinang pagpapatotoo, saka kumuha ng lahat ng mga publikasyon ng Samahan na dala ng mga kapatid.
Unti-unting dumami ang mga Saksi ni Jehova sa bahaging ito ng pandaigdig na larangan. Ang iilan na nagpasimuno ng gawain sa Aprika noong pasimula ng ika-20 siglong ito ay sinamahan ngayon ng iba, at pagsapit ng 1935 may 1,407 sa kontinente ng Aprika na nag-ulat na may bahagi sa gawaing pagpapatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos. Karamihan sa mga ito ang nasa Timog Aprika at Nigeria. Ang iba pang malalaking grupo na kilala bilang mga Saksi ni Jehova ay nasa Nyasaland (ngayo’y Malawi), Northern Rhodesia (ngayo’y Zambia), at Southern Rhodesia (ngayo’y Zimbabwe).
Sa panahon ding iyon, pinag-uukulan din ng pansin ang mga lupaing nagsasalita ng Kastila at Portuges.
Paglinang sa mga Bukiring Kastila at Portuges
Habang pinaglalabanan pa ang Digmaang Pandaigdig I, ang The Watch Tower ay unang inilathala sa Kastila. Nakasulat dito ang direksiyon ng isang opisina sa Los Angeles, California, na itinatag upang magbigay ng pantanging pansin sa lugar na Kastila ang wika. Ang mga kapatid mula sa opisinang iyan ang personal na nagbigay ng malaking tulong sa mga interesado kapuwa sa Estados Unidos at sa mga lupain sa timog.
Si Juan Muñiz, na naging isa sa mga lingkod ni Jehova noong 1917, ay pinasigla ni Brother Rutherford noong 1920 na lisanin ang Estados Unidos at bumalik sa Espanya, ang kaniyang lupang tinubuan, upang organisahin doon ang gawaing pangangaral ng Kaharian. Subalit naging limitado lamang ang resulta, hindi dahil sa kakulangan niya ng sigasig, kundi sapagkat siya’y laging sinusubaybayan ng mga pulis; kaya pagkaraan ng ilang taon, siya’y inilipat sa Argentina.
Sa Brazil may ilang mananamba kay Jehova na nangangaral na. Walong maamong marinero ang natuto ng katotohanan nang dumaong ang bapor nila sa New York. Nang bumalik sa Brazil sa pagsisimula ng 1920, masigasig nilang ibinahagi ang mensahe ng Bibliya sa iba.
Si George Young, isang taga-Canada, ay isinugo sa Brazil noong 1923. Tiyak na tumulong siya upang mapasigla ang gawain. Sa pamamagitan ng maraming mga pahayag pangmadla sa tulong ng mga tagapagsalin, ipinakita niya kung ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa kalagayan ng mga patay, inilantad ang espiritismo bilang demonismo, at ipinaliwanag ang layunin ng Diyos sa ikapagpapala ng lahat ng sambahayan sa lupa. Higit na nakakukumbinse ang kaniyang mga pahayag sapagkat kung minsan ay itinatanghal niya sa isang telon ang mga teksto sa Bibliya na pinag-uusapan upang makita ang mga ito ng tagapakinig sa kanilang sariling wika. Habang siya’y nasa Brazil, si Bellona Ferguson, ng São Paulo, sa wakas ay nabautismuhan, kasama ng apat sa kaniyang mga anak. Naghintay siya ng 25 taon para sa pagkakataong ito. Kabilang sa mga tumanggap ng katotohanan ang ilan na noo’y nagboluntaryong tumulong sa pagsasalin ng literatura sa Portuges. Di-nagtagal at nagkaroon ng maraming publikasyon sa wikang iyan.
Mula sa Brazil, si Brother Young ay nagtungo sa Argentina noong 1924 at isinaayos ang walang-bayad na pamamahagi ng 300,000 babasahin sa Kastila sa 25 pangunahing mga bayan at lunsod. Nang taon ding iyon siya’y personal na nagtungo sa Chile, Peru, at Bolivia upang mamahagi ng mga tract.
Di-natagalan at si George Young ay patungo na naman sa isang bagong atas. Sa pagkakataong ito’y ang Espanya at Portugal. Matapos siyang ipakilala ng embahador ng Britanya sa lokal na mga opisyal ng pamahalaan, nakapagsaayos siya na magpahayag si Brother Rutherford sa mga tagapakinig sa Barcelona at Madrid, gayundin sa kabisera ng Portugal. Pagkatapos ng mga pahayag na ito, mahigit sa 2,350 tao ang nagbigay ng kanilang pangalan at direksiyon upang humingi ng karagdagang impormasyon. Pagkatapos nito, ang pahayag ay inilathala sa isa sa malalaking pahayagan sa Espanya, at bilang isang tract ito’y ipinakoreo sa mga tao sa buong lupain. Lumabas din ito sa mga pahayagan sa Portugal.
Sa pamamagitan ng pamamaraang ito ang mensahe ay nakarating sa mga dakong lampas pa sa mga hangganan ng Espanya at Portugal. Sa pagtatapos ng 1925, ang mabuting balita ay nakapasok na sa Cape Verde Islands (ngayo’y Republika ng Cape Verde), Madeira, Portuguese East Africa (ngayo’y Mozambique), Portuguese West Africa (ngayo’y Angola), at sa mga isla ng Indian Ocean.
Nang sumunod na taon gumawa ng mga kaayusan na ipalimbag ang mapuwersang resolusyon na “Isang Patotoo sa mga Pinunò ng Daigdig” sa pahayagang Kastila na La Libertad. Ang mga pagsasahimpapawid sa radyo at pamamahagi ng mga aklat, buklet, at tract, gayundin ang pagpapalabas ng “Photo-Drama of Creation,” ay higit pang nagpatindi sa pagpapatotoo. Noong 1932 tumugon ang ilang payunir na Ingles sa panawagang tumulong sa larangang ito, at sistematikong nilaganapan nila ng literatura sa Bibliya ang malaking bahagi ng lupain hanggang sa napilitan silang umalis dahil sa Gera Sibil sa Espanya.
Samantala, pagdating sa Argentina, si Brother Muñiz ay nagsimulang mangaral kaagad, habang sinusuportahan ang sarili sa pagkukumpuni ng mga relo. Bukod sa kaniyang gawain sa Argentina, siya’y nagbigay-pansin sa Chile, Paraguay, at Uruguay. Dahil sa kahilingan niya ang ilang kapatid ay dumating mula sa Europa upang magpatotoo sa mga taong nagsasalita ng Aleman. Pagkaraan ng maraming taon sinabi ni Carlos Ott na sila’y nagsisimula tuwing ika–4:00 n.u. sa paglalagay ng tract sa ilalim ng bawat pinto sa teritoryo. Sa bandang hapon, sila’y dumadalaw upang magbigay ng karagdagang pagpapatotoo at mag-alok ng higit na literatura sa Bibliya sa interesadong mga maybahay. Mula sa Buenos Aires ang mga nakibahagi sa buong-panahong ministeryo ay kumalat sa buong bansa, una sa pagsunod sa riles ng tren na nagsasanga nang daan-daang kilometro mula sa kabisera katulad ng nakabukang daliri sa iyong kamay, saka sa paggamit ng anumang ibang sasakyang masumpungan nila. Wala silang gaano sa materyal at nagtiis sila ng maraming hirap, subalit mayaman sila sa espirituwal.
Isa sa masisigasig na manggagawang ito sa Argentina ay si Nicolás Argyrós, isang Griego. Noong unang bahagi ng 1930, nang siya’y nakakuha ng literaturang limbag ng Samahang Watch Tower, higit siyang natawagan ng pansin ng isang buklet na pinamagatang Impiyerno, na may mga subtitulong nagtatanong “Ano ba Ito? Sino ang mga Naroroon? Makalalabas Kaya Sila?” Nagtaka siya na hindi sinabi ng buklet na ito na ang mga makasalanan ay iniihaw sa isang ihawan. Kaylaki ng pagkamangha niya nang malaman niya na ang apoy ng impiyerno ay isang relihiyosong kabulaanan na inimbento upang takutin ang mga tao, kung papaanong siya’y tinakot din! Humayo siya agad upang ibahagi ang katotohanan—una sa mga Griego; saka sa mga iba, nang sumulong ang kaniyang pagsasalita ng Kastila. Bawat buwan ay gumugol siya ng 200 hanggang 300 oras upang ibahagi ang mabuting balita sa iba. Sa pamamagitan ng paglalakad at anumang ibang makuhang transportasyon, pinalaganap niya ang mga katotohanan ng Bibliya sa 14 sa 22 lalawigan ng Argentina. Habang palipat-lipat siya sa iba’t ibang dako, natutulog siya sa kama kapag ito’y inialok ng mapagpatuloy na mga tao, madalas ay sa labas, at maging sa isang kamalig na kasama ng isang buriko bilang alarmang orasan!
Ang isa pang may espiritu ng tunay na payunir ay si Richard Traub, na natuto ng katotohanan sa Buenos Aires. Gustung-gusto niyang ibahagi ang mabuting balita sa mga tao sa ibayo ng Andes, sa Chile. Noong 1930, limang taon pagkatapos ng kaniyang bautismo, siya’y nakarating sa Chile—ang kaisa-isang Saksi sa isang lupaing may 4,000,000 katao. Noong pasimula, wala siyang magamit kundi ang Bibliya, ngunit nagsimula siyang magbahay-bahay. Walang madadaluhang mga pulong, kaya kung Linggo, sa pangkaraniwang oras ng pulong, siya’y pumapasyal sa Bundok San Cristóbal, umuupo sa lilim ng isang punungkahoy, at ibinubuhos ang kaniyang pag-iisip sa personal na pag-aaral at panalangin. Pagkatapos na umupa ng apartment, niyaya niya ang mga tao sa mga pulong doon. Walang ibang taong dumating sa unang pulong kundi si Juan Flores, na nagtanong: “At yaong mga iba, kailan ba sila darating?” Sagot lamang ni Brother Traub: “Darating din sila.” At dumating nga sila. Wala pang isang taon pagkaraan, 13 ang naging bautisadong mga lingkod ni Jehova.
Apat na taon pagkatapos nito, dalawang babaing Saksi na hindi dating magkakilala ang nagsama upang ipangaral ang mabuting balita sa Colombia. Pagkatapos ng isang mabungang taon doon, si Hilma Sjoberg ay kailangang umuwi sa Estados Unidos. Ngunit si Kathe Palm ay sumakay ng bapor patungong Chile, na ginamit ang 17 araw sa dagat upang magpatotoo kapuwa sa tripulante at sa mga pasahero. Nang sumunod na dekada, siya’y nangaral mula sa dulong-hilagang daungan ng Chile, ang Arica, hanggang sa dulong-timog ng nasasakupan nito, ang Tierra del Fuego. Dumalaw siya sa mga bahay kalakal at nagpatotoo sa mga opisyal ng pamahalaan. May nakakarga sa balikat niyang isang bag para sa literatura, at kinalalagyan din ng mga pangangailangan niya tulad ng kumot na tinutulugan, narating niya ang pinakamalalayong kampong minahan at mga rantso ng tupa. Ito’y buhay ng isang tunay na payunir. At mayroon pang iba na may gayunding espiritu—ang iba’y binata’t dalaga, ang iba’y may asawa, bata’t matanda.
Noong taóng 1932, may pantanging pagsisikap na ginawa upang palaganapin ang mensahe ng Kaharian sa mga lupain sa Latin Amerika na hindi pa gaanong napangangaralan. Noong taóng iyan bukod-tanging ipinamahagi ang buklet na The Kingdom, the Hope of the World. Ang buklet na ito ay naglaman ng isang pahayag na dati nang napakinggan sa pambuong-daigdig na pagsasahimpapawid sa radyo. Ngayon mga 40,000 sipi ng nakalimbag na pahayag ang ipinamahagi sa Chile, 25,000 sipi sa Bolivia, 25,000 sa Peru, 15,000 sa Ecuador, 20,000 sa Colombia, 10,000 sa Santo Domingo (ngayo’y Dominican Republic), at 10,000 pa sa Puerto Rico. Tunay nga, ang mensahe ng Kaharian ay inihahayag na, at ginagawa ito nang buong kasigasigan.
Pagsapit ng 1935, sa Timog Amerika ay may 247 lamang na nagtataas ng kanilang tinig upang ihayag na tanging ang Kaharian ng Diyos lamang ang magdadala ng tunay na kaligayahan sa sangkatauhan. Ngunit kaylaking patotoo ang ibinibigay nila!
Nararating ang mga Tao Kahit sa Liblib na mga Lugar
Hindi ipinagpalagay ng mga Saksi ni Jehova na tapos na ang kanilang pananagutan sa Diyos basta makipag-usap lamang sila sa ilan sa kanilang mga kapitbahay. Sila’y nagsikap na ipaabot sa lahat ang mabuting balita.
Ang mga taong nakatira sa mga dakong hindi personal na mararating noon ng mga Saksi ay maaaring abutin sa ibang mga paraan. Kaya, noong dakong huli ng dekada ng 1920, ang mga Saksi sa Cape Town, Timog Aprika, ay naghulog ng 50,000 buklet sa koreo sa lahat ng mga magsasaka, mga katiwala ng parola, mga tanod-gubat, at iba pa na nakatira sa liblib na mga lugar. Isang kumpletong direktoryo ng koreo para sa buong Timog-Kanlurang Aprika (ngayo’y tinawag na Namibia) ang nakuha rin, at isang kopya ng buklet na The People’s Friend ang ipinadala sa bawat pangalang nakatala sa direktoryong iyon.
Noong 1929, si F. J. Franske ay inilagay na tagapangasiwa sa barko ng Samahang Watch Tower na ang pangala’y Morton at inatasan,kasama si Jimmy James, upang abutin ang mga tao sa Labrador at sa lahat ng malalayong daungan ng Newfoundland. Kapag taglamig naglalakbay si Brother Franske sa baybayin na ang gamit ay paragos na hila ng mga aso. Upang matakpan ang halaga ng literatura sa Bibliyang iniiwan sa kanila, ang mga Eskimo at taga-Newfoundland ay nagbigay sa kaniya ng mga bagay na yari sa katad at ng mga isda. Makalipas ang ilang taon, pinagsikapan niyang dalawin ang mga minero, mga magtotroso, mga manghuhuli ng hayop, mga rantsero, at mga Indian sa mahirap-puntahang lugar ng Cariboo sa British Columbia. Habang naglalakbay, nangaso siya upang magkaroon ng karne, pumitas ng ligaw na mga beri, at nagluto ng kaniyang tinapay sa isang kawali sa ibabaw ng siga. Saka, minsan, siya at ang kaniyang kasama ay sumakay sa isang bangkang ginagamit sa panghuhuli ng salmon upang ihatid ang mensahe ng Kaharian sa bawat isla, loók, trosohan, parola, at nayon sa kanlurang baybayin ng Canada. Isa lamang siya sa marami na gumagawa ng pantanging pagsisikap upang abutin ang mga taong nakatira sa liblib na mga lugar sa lupa.
Pasimula sa huling bahagi ng dekada ng 1920, si Frank Day ay naglakbay patungong hilaga sa mga nayon ng Alaska, nangangaral, namamahagi ng literatura, at nagtitinda ng salamin ng mata para sa kaniyang materyal na mga pangangailangan. Bagaman paika-ikâ siya dahil sa isang artipisyal na paa, nasaklawan niya ang teritoryo mula sa Ketchikan hanggang sa Nome, isang distansiyang may 1,900 kilometro. Sing-aga ng 1897, isang minero ng ginto ang nakakuha ng mga kopya ng Millennial Dawn at Watch Tower noong siya’y nasa California at binalak niyang iuwi ang mga ito sa Alaska. At noong 1910, si Kapitan Beams, ang lider ng isang barkong nanghuhuli ng balyena, ay namahagi ng literatura sa mga dinadaungan niya sa Alaska. Ngunit higit na pinalawak ang gawaing pangangaral dahil sa paulit-ulit na paglalakbay ni Brother Day sa Alaska tuwing tag-araw sa loob ng mahigit sa 12 taon.
Dalawa pang Saksi, na ginagamit ang isang 12-metrong lantsa na may pangalang Esther, ay gumawa sa buong baybayin ng Norway hanggang sa Arctic. Sila’y nagpatotoo sa mga isla, sa mga parola, sa mga nayon sa baybayin, at sa liblib na mga lugar sa malalayong kabundukan. Maraming tao ang malugod na tumanggap sa kanila, at sa loob ng isang taon, sila’y nakapamahagi ng 10,000 hanggang 15,000 aklat at buklet na nagpapaliwanag ng layunin ng Diyos para sa sangkatauhan.
Naririnig ng mga Isla ang mga Papuri kay Jehova
Hindi lamang mga islang malapit sa mga kontinente ang binigyan ng patotoo. Doon sa kalagitnaan ng Karagatang Pasipiko, nang unang bahagi ng dekada ng 1930, si Sydney Shepherd ay gumugol ng dalawang taon sa paglalayag sa Cook Islands at Tahiti. Sa bandang kanluran naman, si George Winton ay dumalaw sa New Hebrides (ngayo’y Vanuatu) na dala ang mabuting balita.
Halos kasabay nito, si Joseph Dos Santos, isang Portuges-Amerikano, ay naglakbay rin upang abutin ang teritoryong hindi pa napangangaralan. Una’y nagpatotoo siya sa mga isla sa may labas ng Hawaii; pagkatapos ay nagsimulang lumibot sa buong daigdig upang mangaral. Gayunman, nang siya’y dumating sa Pilipinas, tumanggap siya ng sulat mula kay Brother Rutherford na humihiling sa kaniya na manatili roon upang patibayin at organisahin ang pangangaral ng Kaharian. Ginawa niya ito, sa loob ng 15 taon.
Noong panahong iyon ang sangay ng Samahan sa Australia ay nagbibigay-pansin sa gawain sa loob at palibot ng Timog Pasipiko. Dalawang payunir na isinugo mula roon ang nagbigay ng malawakang patotoo sa Fiji noong 1930-31. Ang Samoa ay tumanggap ng patotoo noong 1931. Ang New Caledonia ay inabot noong 1932. Isang mag-asawang payunir mula sa Australia ang naglingkod pa man din sa Tsina noong 1933 at nagpatotoo sa 13 sa pangunahing mga lunsod nito sa loob ng sumunod na ilang taon.
Natalos ng mga kapatid sa Australia na higit ang magagawa kung mayroon silang magagamit na barko. Nang malaunan ay nakakuha sila ng 16-na-metrong barko na tinawag nilang Lightbearer at, simula noong kaagahan ng 1935, ginamit ito nang ilang taon bilang sentro ng gawain ng isang grupo ng masisigasig na kapatid samantalang nagpapatotoo sila sa Netherlands East Indies (ngayo’y Indonesia), Singapore, at Malaya. Ang pagdating ng barko ay laging nakatatawag ng pansin, at madalas na ito’y nagbubukas ng daan para sa mga kapatid upang mangaral at mamahagi ng maraming literatura.
Samantala, sa kabilang panig ng lupa, dalawang payunir na babae mula sa Denmark noong 1935 ang nagpasiyang maglakbay sa kanilang bakasyon patungo sa Faeroe Islands sa Hilagang Karagatang Atlantiko. Subalit ang nasa isip nila’y hindi pagliliwaliw lamang. Dala nila ang libu-libong mga babasahin, at ginamit nilang mabuti ang mga ito. Pinaglabanan nila ang hangin at ulan at ang pagkapoot ng mga klero, nilaganapan nila ang lahat ng maaabot nilang tinatahanang mga isla habang naroon sila.
Sa dakong kanluran naman, si Georg Lindal, isang taga-Iceland na nakatira sa Canada, ay tumanggap ng atas na lalong tumagal. Bilang pagsunod sa mungkahi ni Brother Rutherford, siya ay lumipat sa Iceland upang magpayunir noong 1929. Kaylaking pagtitiis ang kaniyang ipinakita! Sa kalakhang bahagi ng sumunod na 18 taon, siya’y naglingkod nang walang kasama. Muli’t muli niyang dinalaw ang mga bayan at mga nayon. Sampu-sampung libong babasahin ang naipamahagi, ngunit noong panahong iyon walang taga-Iceland ang nakisama sa kaniya sa paglilingkod kay Jehova. Maliban lamang sa iisang taon, wala siyang makasalamuhang mga Saksi sa Iceland hanggang noong 1947, nang dumating ang dalawang misyonerong sinanay sa Gilead.
Kapag Ipinagbawal ng Tao ang Iniuutos ng Diyos
Samantalang nakikibahagi sa kanilang pangmadlang ministeryo, lalo na mula sa mga dekada ng 1920 hanggang 1940, karaniwan nang napapaharap ang mga Saksi sa pagsalansang, na kadalasa’y inuudyukan ng lokal na mga klerigo at kung minsan ng mga opisyal ng pamahalaan.
Sa isang lugar sa may kabukiran sa bandang hilaga ng Vienna, Austria, napaharap ang mga Saksi sa isang masungit na pulutong ng mga taganayon na sinulsulan ng lokal na pari, na tinangkilik naman ng pulis. Determinado ang mga pari na walang Saksi ni Jehova ang makapangangaral sa kanilang mga nayon. Subalit ang mga Saksi, na determinadong gumanap ng kanilang bigay-Diyos na atas, ay nagbago ng daan at bumalik sa ibang araw, na paikot na pinapasok ang mga nayon.
Sa kabila ng mga banta at utos ng mga tao, natalos ng mga Saksi ni Jehova na pananagutan nila sa Diyos ang ihayag ang kaniyang Kaharian. Pinili nilang sumunod sa Diyos bilang pinunò kaysa sa mga tao. (Gawa 5:29) Kung saan ang lokal na mga opisyal ay nagkakait ng relihiyosong kalayaan sa mga Saksi ni Jehova, dinagsaan na lamang ng maraming mga Saksi ang lugar na iyon.
Pagkatapos na ilang ulit na arestuhin ang mga kapatid sa isang bahagi ng Bavaria, sa Alemanya, noong 1929, sila’y umarkila ng dalawang pantanging tren—isa na magsisimula sa Berlin at ang isa sa Dresden. Ang mga ito’y pinagsanib sa Reichenbach, at noong ika–2:00 n.u. ang pinag-isang tren ay nakarating sa Regensburg na may 1,200 pasaherong nananabik na makibahagi sa pagpapatotoo. Mahal ang pamasahe, at bawat isa’y nagbayad ng kaniyang sarili. Sa bawat istasyon ng tren, ang ilan ay bumaba. Ang ilan ay nagdala ng bisikleta upang mapuntahan nila ang bukid. Ang buong distrito ay nalaganapan sa loob lamang ng isang araw. Nang masdan nila ang resulta ng kanilang sama-samang pagsisikap, hindi maaaring hindi nila maalaala ang pangako ng Diyos sa kaniyang mga lingkod: “Walang sandatang ginawa laban sa iyo ang magtatagumpay.”—Isa. 54:17.
Gayon na lamang ang sigasig ng mga Saksi sa Alemanya anupat sa pagitan ng 1919 at 1933, tinataya na namahagi sila ng di-kukulangin sa 125,000,000 aklat, buklet, at magasin, bukod pa sa milyun-milyong tract. Ngunit noong panahong iyon, mayroon lamang halos 15,000,000 pamilya sa Alemanya. Noong mga taóng iyon tumanggap ang Alemanya ng masinsinang patotoo na kagaya ng ibinigay sa alinmang bansa sa lupa. Nasa dakong yaon ng lupa ang pinakamalaking grupo ng mga taong nagpapakilalang pinahirang mga tagasunod ni Kristo. Subalit nang sumunod na mga taon, nakaranas din sila ng pinakamabigat na pagsubok sa kanilang katapatan.—Apoc. 14:12.
Noong taóng 1933, lalong sumidhi ang opisyal na pagsalansang sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Paulit-ulit na hinalughog ng Gestapo ang mga tahanan ng mga Saksi at ang tanggapang pansangay ng Samahan. Ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi sa karamihan ng mga estadong Aleman, at ang ilan ay inaresto. Tone-tonelada ng kanilang mga Bibliya at literatura sa Bibliya ang sinunog sa harap ng madla. Noong Abril 1, 1935, pinagtibay ang isang pambansang batas na nagbabawal sa Ernste Bibelforscher (ang Taimtim na mga Estudyante ng Bibliya, o mga Saksi ni Jehova), at puspusang pagsisikap ang ginawa upang pagkaitan sila ng hanapbuhay. Bilang tugon, inilipat ng mga Saksi ang lahat ng kanilang mga pulong sa maliliit na grupo, isinaayos na malimbag ang materyal sa pag-aaral ng Bibliya sa paraang hindi agad makikilala ng Gestapo, at ginamit ang mga pamamaraan sa pangangaral na hindi gaanong nakatatawag ng pansin.
Kahit bago pa nito, mula noong 1925, ang mga kapatid sa Italya ay nabubuhay na sa ilalim ng diktadurang Pasista, at noong 1929 nilagdaan ang isang kasunduan sa pagitan ng Iglesya Katolika at ng Estadong Pasista. Ang tunay na mga Kristiyano ay tinugis nang walang awa. Ang ilan ay nagtagpo sa mga kamalig at bangan ng dayami upang iwasan ang pag-aresto. Kakaunti lamang ang mga Saksi ni Jehova sa Italya noong panahong iyon; gayunman, lalong pinatibay ang kanilang mga pagsisikap na palaganapin ang mensahe ng Kaharian noong 1932 nang 20 Saksi mula sa Switzerland ang tumawid sa Italya at gumawa ng tulad-kidlat na pamamahagi ng 300,000 sipi ng buklet na The Kingdom, the Hope of the World.
Sa Malayong Silangan din naman, nagiging higit na maigting ang kalagayan. Inaresto ang mga Saksi ni Jehova sa Hapón. Marami sa kanilang literatura sa Bibliya ang sinira ng mga opisyal sa Seoul (na ngayo’y nasa Republika ng Korea) at Pyongyang (na ngayo’y nasa Republika ng Demoktratikong Bayan ng Korea).
Sa panahong ito ng sumisidhing kaigtingan, noong 1935, nagtamo ang mga Saksi ni Jehova ng malinaw na pagkaunawa mula sa Bibliya hinggil sa pagkakakilanlan ng “lubhang karamihan,” o “malaking pulutong,” ng Apocalipsis 7:9-17. (KJ, NW) Ang pagkaunawang ito ay nagpagising sa kanila sa isang di-inaasahan at apurahang gawain. (Isa. 55:5) Hindi na nila iniisip na lahat ng hindi kabilang sa “munting kawan” ng mga tagapagmana sa makalangit na Kaharian ay sa hinaharap pa bibigyan ng pagkakataon upang iayon ang kanilang mga buhay sa mga kahilingan ni Jehova. (Luc. 12:32) Napagtanto nila na sumapit na ang panahon upang ang gayong mga tao ay gawing alagad ngayon sa layuning maligtas sila tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos. Kung hanggang kailan magpapatuloy ang pagtitipong ito ng malaking pulutong mula sa lahat ng bansa ay hindi nila alam, bagaman nadama nilang napakalapit na ang katapusan ng balakyot na sistema. Kung papaano maisasagawa ang gawain sa kabila ng pag-uusig na noo’y lumalaganap na at nagiging higit na malupit, hindi nila matiyak. Subalit, may pagtitiwala sila sa bagay na ito—yamang ‘hindi maigsi ang kamay ni Jehova,’ siya’y magbubukas ng daan upang maisagawa nila ang kaniyang kalooban.—Isa. 59:1.
Noong taóng 1935, kakaunti pa ang mga Saksi ni Jehova—sa buong daigdig ay 56,153 lamang.
Sila’y nangangaral sa 115 lupain noong taóng iyon; subalit sa halos kalahati ng mga lupain, wala pang sampung Saksi. Dalawa lamang sa mga lupain ang may 10,000 o higit pang aktibong Saksi ni Jehova (ang Estados Unidos, na may 23,808; Alemanya, na tinatayang may 10,000 mula sa 19,268 na nakapag-ulat dalawang taon bago nito). Pito pang lupain (Australia, Britanya, Canada, Czechoslovakia, Pransya, Polandya, at Romania) ang nag-ulat ng mahigit sa tig-1,000 subalit wala pang 6,000 Saksi. Ang ulat ng gawain sa 21 ibang lupain ay nasa pagitan ng 100 at 1,000 Saksi ang bawat isa. Sa kabila nito, sa loob ng taóng iyon, ang masigasig na pulutong na ito ng mga Saksi sa buong daigdig ay gumugol ng 8,161,424 oras sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan.
Bukod pa sa mga lupain kung saan sila abala noong 1935, sila’y nakapagpalaganap na ng mabuting balita sa ibang mga dako, anupat 149 lupain at kapuluan ang naabot na noon ng mensahe ng Kaharian.
-