-
Paglilimbag ng Literatura sa Bibliya Upang Gamitin sa MinisteryoMga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
-
-
Kabanata 26
Paglilimbag ng Literatura sa Bibliya Upang Gamitin sa Ministeryo
MAHALAGA ang papel na ginagampanan ng nasusulat na salita sa tunay na pagsamba. Ibinigay ni Jehova ang Sampung Utos sa Israel, una nang bibigan at pagkatapos ay sa anyong nakasulat. (Ex. 20:1-17; 31:18; Gal. 3:19) Upang tiyakin na ang kaniyang Salita ay maihahatid nang may kawastuan, inutusan ng Diyos si Moises at ang isang mahabang hanay ng mga propeta at apostol na kasunod niya na sumulat.—Ex. 34:27; Jer. 30:2; Hab. 2:2; Apoc. 1:11.
Ang karamihan ng unang pagsulat na iyon ay ginawa sa mga balumbon. Gayunman, pagsapit ng ikalawang siglo C.E., ang paggamit ng codex, o aklat na may mga pahina, ay pinasimulan. Ito’y mas matipid at mas madaling gamitin. At ang mga Kristiyano ang unang gumamit nito, sapagkat nakita nila ang bentaha nito sa pagpapalaganap ng mabuting balita tungkol sa Mesianikong Kaharian ng Diyos. Si Propesor E. J. Goodspeed, sa kaniyang aklat na Christianity Goes to Press, ay nagsasabi ng ganito may kinalaman sa pagiging mga tagapaglathala ng aklat ng unang mga Kristiyanong iyon: “Sila’y hindi lamang umaalinsabay sa mga kapanahon nila sa mga bagay na ito, kundi nauuna pa sila, at sila’y sinunod ng mga tagapaglathala nang kasunod na mga siglo.”—1940, p. 78.
Dahil dito, hindi kataka-taka na ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon, bilang mga tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, sa ilang bahagi ay kabilang sa mga nangunguna sa larangan ng pag-iimprenta.
Paglalaan ng Literatura Para sa Naunang mga Estudyante ng Bibliya
Ang isa sa unang mga artikulong isinulat ni C. T. Russell ay inilathala, noong 1876, sa Bible Examiner, na pinatnugutan ni George Storrs ng Brooklyn, New York. Matapos makasama ni Brother Russell si N. H. Barbour ng Rochester, New York, si Russell ay naglaan ng salapi upang ilimbag ang aklat na Three Worlds at ang publikasyong kilala sa tawag na Herald of the Morning. Siya’y naging kasamang patnugot ng publikasyong iyon at, noong 1877, ay gumamit ng mga pasilidad ng Herald upang ilathala ang buklet na The Object and Manner of Our Lord’s Return. Matalas ang isip ni Brother Russell sa espirituwal na mga bagay, gayundin sa pangangasiwa, ngunit si Barbour ang siyang may karanasan sa typesetting at komposisyon.
Subalit, nang itakwil ni Barbour ang tumatakip-sa-kasalanang halaga ng haing pantubos ni Jesu-Kristo, pinutol ni Brother Russell ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa kaniya. Kaya, noong 1879 nang pasimulan ni Russell ang paglalathala sa Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence, napilitan siyang gumamit ng komersiyal na mga manlilimbag.
Nang sumunod na taon inihanda para sa paglalathala ang una sa isang mahabang serye ng mga tract na dinisenyong pukawin ang interes ng mga tao sa katotohanan ng Bibliya. Di-nagtagal ang gawaing ito ay naging ubod nang laki. Upang mapangasiwaan ito, ang Zion’s Watch Tower Tract Society ay inorganisa noong Pebrero 16, 1881, na si W. H. Conley ang presidente at si C. T. Russell ang sekretaryo at tesorero. Isinaayos na ang paglilimbag ay gagawin ng komersiyal na mga kompanya sa iba’t ibang lunsod sa Pennsylvania, New York, at Ohio, gayundin sa Britanya. Noong 1884, ang Zion’s Watch Tower Tract Societya ay naging legal na inkorporada, na si C. T. Russell ang presidente, at ipinakikita ng karta nito na ito’y higit kaysa isang samahan na nagpapalimbag lamang. Ang tunay na layunin nito ay relihiyoso; ito’y ininkorporada para sa “pagpapalaganap ng mga Katotohanan ng Bibliya sa iba’t ibang wika.”
Kaylaking sigasig ang ginamit nila sa pagtataguyod ng layuning ito! Noong 1881, sa loob ng apat na buwan, 1,200,000 tract na naglalaman ng kabuuang 200,000,000 pahina ang inilathala. (Marami sa mga “tract” na ito ay aktuwal na parang maliliit na aklat.) Pagkatapos nito, ang paglalathala ng mga tract sa Bibliya upang ipamahagi nang libre ay umabot sa sampu-sampung milyon taun-taon. Ang mga tract na ito ay nilimbag sa mga 30 wika at ipinamahagi hindi lamang sa Amerika kundi maging sa Europa, Timog Aprika, Australia, at iba pang mga lupain.
Isa pang pitak ng gawain ang nabuksan noong 1886, nang matapos ni Brother Russell ang pagsulat niya sa The Divine Plan of the Ages, ang una sa isang serye ng anim na tomo na personal niyang isinulat. Para sa paglalathala ng unang apat na tomo sa seryeng iyon (1886-97), gayundin ng mga tract at ng Watch Tower mula 1887 hanggang 1898, ginamit niya ang Tower Publishing Company.b Nang maglaon, ang typsetting at komposisyon ay ginawa ng mga kapatid sa Bible House sa Pittsburgh. Upang magtipid, sila’y bumili rin ng papel para sa paglilimbag. Tungkol sa aktuwal na paglilimbag at pagbabalat ng mga aklat, madalas na ito’y ipinagagawa ni Brother Russell sa mahigit sa isang kompanya. Maingat siyang nagpaplano, na pumipidido nang patiuna upang makakuha ng mabababang halaga. Mula sa panahon ng paglalathala ng unang aklat na sulat ni C. T. Russell hanggang 1916, isang kabuuang 9,384,000 ng anim na tomong iyon ang inilimbag at ipinamahagi.
Ang paglalathala ng literatura sa Bibliya ay hindi huminto pagkamatay ni Brother Russell. Nang sumunod na taon ang ikapitong tomo ng Studies in the Scriptures ay nilimbag. Ito’y unang inilabas sa pamilyang Bethel noong Hulyo 17, 1917. Gayon na lamang ang kasabikan dito anupat pagsapit ng katapusan ng taóng iyon, ang Samahan ay nakapidido na ng 850,000 kopya sa Ingles mula sa mga komersiyal na manlilimbag at mga tagapagbalat ng aklat. Ang mga edisyon sa ibang wika ay inilalathala sa Europa. Karagdagan pa, noong taóng iyon may mga 38 milyong tract na nilimbag.
Ngunit pagkatapos nito, sa panahon ng matinding pag-uusig noong 1918, samantalang walang-katarungang nakabilanggo ang mga opisyal ng Samahan, ang kanilang punong-tanggapan (na nasa Brooklyn, New York) ay inalisan ng mga kagamitan. Ang mga platong ginagamit sa pag-iimprenta ay sinira. Ang opisina ay inilipat ng iilang tauhang natira pabalik sa Pittsburgh sa ikatlong palapag ng isang gusali sa 119 Federal Street. Dito na kaya magwawakas ang kanilang paglalathala ng literatura sa Bibliya?
Dapat Kayang Sila na Mismo ang Mag-imprenta?
Matapos mapalaya sa bilangguan ang presidente ng Samahan, si J. F. Rutherford, at ang kaniyang mga kasamahan, nagtipon ang mga Estudyante ng Bibliya sa Cedar Point, Ohio, noong 1919. Isinaalang-alang nila ang mga bagay na ipinahintulot ng Diyos na maganap nitong nakalipas na taon at kung ano ang ipinakikita ng kaniyang Salita na dapat nilang gawin sa dumarating na mga araw. Ipinatalastas na isang bagong magasin, The Golden Age, ang ilalathala bilang instrumentong gagamitin sa pag-akay sa mga tao tungo sa Kaharian ng Diyos bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan.
Katulad noong nakaraan, isinaayos ng Samahan na ang pag-iimprenta ay gawin ng isang komersiyal na kompanya. Ngunit nagbago ang mga kalagayan. Nagkaroon ng mga suliranin sa pagitan ng mga manggagawa at pampangasiwaan sa industriya ng pag-iimprenta at nagkaproblema sa pagkuha ng papel. Kinailangan ang isang mas maaasahang kaayusan. Ipinanalangin ito ng mga kapatid at pinakiramdaman nila ang pag-akay ng Panginoon.
Una sa lahat, saan kaya nila ilalagay ang mga opisina ng Samahan? Dapat ba nilang ibalik sa Brooklyn ang punong-tanggapan? Ang bagay na ito ay isinaalang-alang ng lupon ng mga direktor ng Samahan, at isang komite ang inatasan upang suriin ang situwasyon.
Inutusan ni Brother Rutherford si C. A. Wise, ang bise-presidente ng Samahan, na tumungo sa Brooklyn upang tingnan kung maaaring muling mabuksan ang Bethel at umupa ng gusali na doo’y mapasisimulan ng Samahan ang gawaing pag-iimprenta. Dahil sa ibig niyang malaman kung aling landasin ang pagpapalain ng Diyos, sinabi ni Brother Rutherford: “Pumunta ka at tingnan mo kung kalooban pa ng Panginoon na tayo’y bumalik sa Brooklyn.”
“Papaano ko matitiyak kung ang pagbabalik natin doon ay kalooban ng Panginoon o hindi?” ang tanong ni Brother Wise.
“Ang kabiguan nating makakuha ng suplay ng karbon na panggatong noong 1918 ang siyang dahilan kung bakit tayo’y napilitang lumipat mula sa Brooklyn pabalik sa Pittsburgh,”c ang sagot ni Brother Rutherford. “Gawin nating pagsubok ang karbon. Humayo ka at pumidido ng suplay ng karbon.”
“Ilang tonelada sa palagay mo ang dapat kong pididuhin bilang pagsubok?”
“Buweno, pagbutihin mo ang pagsubok,” ang rekomendasyon ni Brother Rutherford. “Pumidido ka ng 500 tonelada.”
Iyon nga ang ginawa ni Brother Wise. At ano ang kinalabasan? Nang hiniling niya ito sa mga awtoridad, siya’y pinagkalooban ng sertipiko upang makakuha ng 500 tonelada ng karbon—sapat na para sa kanilang mga pangangailangan sa maraming taon! Subalit saan nila ilalagay ito? Ang malalaking bahagi ng silong ng Tahanang Bethel ay ginawang bodega ng karbon.
Ang resulta ng pagsubok na ito ay itinuring na di-mapagkakamalang kapahayagan ng kalooban ng Diyos. Sa pagsisimula ng Oktubre 1919, sila’y muli na namang gumanap ng kanilang gawain mula sa Brooklyn.
Ngayon, dapat kayang sila na mismo ang mag-imprenta? Pinagsikapan nilang makabili ng isang rotary magazine press ngunit sinabihan sila na may iilan lamang nito sa Estados Unidos at kailangan ang maraming buwan bago makakuha ng isa. Gayunman, may pananalig sila na kung ito’y kalooban ng Panginoon, kaya niyang buksan ang daan. At iyon nga ang kaniyang ginawa!
Ilang buwan lamang matapos nilang bumalik sa Brooklyn, nakuha nilang mabili ang isang rotary press. Walong bloke mula sa Tahanang Bethel, sa 35 Myrtle Avenue, umupa sila ng tatlong palapag sa isang gusali. Sa pagsisimula ng 1920 ang Samahan ay may sarili nang palimbagan—maliit, ngunit may mahuhusay na kagamitan. Mga kapatid na may sapat na karanasan sa pagpapatakbo ng mga makina ang kusang naghandog ng kanilang sarili upang tumulong sa gawain.
Ang Pebrero 1 na labas ng The Watch Tower noong taóng iyon ay nilimbag sa sariling imprentahan ng Samahan. Pagsapit ng Abril, ang The Golden Age ay inilathala rin sa sarili nilang palimbagan. Sa katapusan ng taon, malugod na iniulat ng The Watch Tower na: “Sa kalakhang bahagi ng taóng ito ang lahat ng gawaing pag-iimprenta sa THE WATCH TOWER, THE GOLDEN AGE, at marami sa mga buklet, ay ginagawa na ng nakatalagang mga kamay, ngunit iisa ang motibong nagpapakilos sa kanila, at ang motibong iyon ay ang pag-ibig sa Panginoon at sa kapakanan ng kaniyang katuwiran. . . . Nang ang ibang mga peryodiko at mga publikasyon ay napilitang tumigil pansamantala dahil sa kakulangan ng papel o mga suliranin sa mga manggagawa, ang ating mga publikasyon ay nagpatuloy nang walang sagabal.”
Ang espasyo sa palimbagan ay limitado lamang, ngunit kamangha-mangha ang dami ng kanilang naiimprenta. Ang regular na naiimprenta sa The Watch Tower ay 60,000 kopya bawat isyu. Ngunit ang The Golden Age ay doon din iniimprenta, at noong unang taon nito, ang isyu ng Setyembre 29 ay pantangi. Ito’y naglalaman ng detalyadong paglalantad ng mga tagapagsulsol ng pag-uusig sa mga Estudyante ng Bibliya mula 1917 hanggang 1920. Apat na milyong kopya ang inimprenta! Nang bandang huli ay sinabi ng isa sa mga nagtatrabaho sa pag-iimprenta: ‘Sa buong Bethel ang tagapagluto lamang ang hindi kasali sa pagpapalabas ng isyung iyon.’
Noong unang taon ng paggamit nila ng rotary magazine press, tinanong ni Brother Rutherford ang mga kapatid kung kaya rin nilang imprentahin ang mga buklet sa press na iyan. Nang pasimula, para bang hindi ito magagawa. Sinabi mismo ng mga gumawa ng press na hindi ito talaga maaaring gawin. Subalit sinubukan ng mga kapatid at mahusay ang kinalabasan. Nag-imbento rin sila ng kanilang sariling makinang tagatiklop at sa gayo’y nabawasan ang pangangailangan para sa mga manggagawa sa bahaging ito ng gawain mula sa 12 hanggang sa 2 na lamang. Ano ang dahilan ng kanilang tagumpay? “Karanasan at ang pagpapala ng Panginoon” ang maikling sinambit ng tagapangasiwa ng palimbagan.
Subalit hindi lamang sa Brooklyn nagtatatag ang Samahan ng palimbagan. Ang bahagi ng pag-iimprenta sa mga wikang banyaga ay pinangasiwaan mula sa isang opisina sa Michigan. Upang sapatan ang mga pangangailangan may kaugnayan sa gawaing iyon, noong 1921 ang Samahan ay naglaan ng isang makinang Linotype, mga imprenta, at iba pang mga kinakailangang kasangkapan sa Detroit, Michigan. Doon ang literatura ay nililimbag sa Polako, Ruso, Ukrainyano, at iba pang mga wika.
Noong taon ding iyon, inilabas ng Samahan ang aklat na The Harp of God, na isinulat sa paraang angkop na angkop sa mga baguhang nag-aaral ng Bibliya. Hanggang noong 1921 hindi pa nasusubukan ng Samahan na maglimbag at magpabalat ng sariling mga aklat. Dapat ba nilang sikapin ding kayanin ang gawaing ito? Muli, sila’y umasa sa Panginoon ukol sa patnubay.
Naaalay na mga Kapatid ang Nag-imprenta at Nagpabalat ng mga Aklat
Noong 1920, iniulat ng The Watch Tower na maraming colporteur ang napilitang tumigil sa paglilingkod sapagkat hindi kayang punan ng mga tagapaglimbag at mga tagapagpabalat ng aklat ang mga pidido ng Samahan. Ang katuwiran ng mga kapatid sa punong-tanggapan ay na kung sila’y hindi na magiging depende sa komersiyal na mga pagawaan lakip na ang lahat ng mga suliranin nito sa mga manggagawa, higit na malaking pagpapatotoo ang maisasagawa tungkol sa layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Kapag sila na mismo ang naglilimbag at nagpapabalat ng sariling mga aklat, magiging mas mahirap din para sa mga mananalansang na hadlangan ang gawain. At sa dakong huli ay inaasahan nilang makapagtitipid sila sa halaga ng mga tomo at sa gayon ay maaaring maging mas madali ang pamamahagi ng mga ito sa madla.
Subalit mangangailangan ito ng higit na espasyo at mga kagamitan, at kailangang matuto sila ng bagong mga kakayahan. Makakaya ba nilang gawin ito? Si Robert J. Martin, ang tagapangasiwa ng palimbagan, ay nakagunita na noong kaarawan ni Moises, ‘sina Bezalel at Oholiab ay pinuspos [ni Jehova] ng karunungan ng puso sa lahat ng gawain’ na kinakailangan sa pagtatayo ng banal na tabernakulo. (Ex. 35:30-35) Taglay sa isipan ang ulat na iyon ng Bibliya, may pananalig si Brother Martin na gagawin din ni Jehova ang anumang kailangan upang mailimbag ng kaniyang mga lingkod ang literaturang nag-aanunsiyo ng Kaharian.
Pagkatapos ng maraming pagbubulay-bulay at pananalangin, unti-unting nabuo ang tiyak na mga plano. Sa paggunita sa nangyari, si Brother Martin ay sumulat kay Brother Rutherford nang dakong huli: “Ang pinakadakilang araw sa lahat ay nang tinanong mo ako kung may anumang mabuting dahilan kung bakit hindi tayo dapat maglimbag at magpabalat ng lahat ng ating sariling mga aklat. Ito’y nakapananabik na idea, sapagkat mangangahulugan ito ng pagbubukas ng isang buong planta na may pasilidad sa typesetting, electroplating, paglilimbag at pagpapabalat ng mga aklat, at paggamit ng mahigit na dalawampung makinang bagung-bago sa amin, karamihan ay mga makinang noon lamang namin narinig, at ang pangangailangang matuto ng mahigit na isang dosenang bagong uri ng gawain. Subalit tila ito ang pinakamabuting paraan upang mabawasan ang matataas na presyong sinisingil para sa mga aklat pagkatapos ng digmaan.
“Inupahan mo ang anim-na-palapag na gusali sa 18 Concord Street (na may nangungupahan sa dalawang palapag); at noong Marso 1, 1922, kami’y lumipat doon. Ibinili mo kami ng kumpletong kasangkapan sa typesetting, electroplating, makinarya para sa pag-iimprenta at pagpapabalat ng aklat, karamihan sa mga ito ay bago, ang iba’y segunda-mano; at nagsimula kaming magtrabaho.
“Nabalitaan ng isa sa malalaking kompanya sa paglilimbag na dati’y nag-iimprenta para sa atin kung ano ang aming ginagawa at dumating ang presidente nila upang kami’y dalawin. Nakita niya ang bagong mga kasangkapan at malungkot niyang sinabi, ‘Taglay ninyo ang primera-klaseng gusali sa paglilimbag, gayunman ay wala kayong anumang alam tungkol dito. Sa loob ng anim na buwan lahat ng ito ay magiging isang malaking bunton ng basura lamang; at makikita ninyo na ang mga taong dapat gumawa ng paglilimbag para sa inyo ay yaong dati nang nakagagawa nito, yaong mga marunong talaga sa gawaing paglilimbag.’
“Parang makatuwiran naman ito, ngunit hindi nito isinaalang-alang ang patnubay ng Panginoon; at siya’y laging sumasaatin. Nang sinimulan ang pagpapabalat ng mga aklat ay isinugo niya ang isang kapatid na lalaki na nakagugol ng buong buhay niya sa pagpapabalat ng aklat. Siya’y tunay na naging malaking tulong sa panahon ng pinakamalaking pangangailangan. Sa tulong niya, at taglay ang espiritu ng Panginoon na kumikilos sa mga kapatid na nagsisikap na matuto, hindi nagtagal at kami’y gumagawa na nga ng mga aklat.”
Yamang maluwang ang palimbagan sa Concord Street, ang pag-iimprentang dating ginagawa sa Detroit ay isinama na sa mga pasilidad sa Brooklyn. Pagsapit ng pangalawang taon sa lugar na ito, ang mga kapatid ay naglilimbag na ng 70 porsiyento ng lahat ng mga aklat at buklet na kinakailangan, bukod pa sa mga magasin, mga tract, at mga pulyeto. Nang sumunod na taon, dahil sa pagsulong sa gawain ay kinailangang gamitin ang nalalabing dalawang palapag sa palimbagan.
Maaari bang pabilisin nila ang paggawa ng mga aklat? Nagpasadya sila sa Alemanya ng isang makinang pang-imprenta, ipinadala ito sa Amerika, at pinasimulang gamitin noong 1926 tanging sa layuning ito. Sa abot ng kanilang alam, ito ang kauna-unahang rotary press na ginamit sa Amerika upang maglimbag ng mga aklat.
Gayunman, ang gawang paglilimbag na pinangangasiwaan ng mga Estudyante ng Bibliya ay hindi lamang sa Amerika ginawa.
Naunang Pag-iimprenta sa Ibang mga Lupain
Sa paggamit ng komersiyal na mga kompanya, nagpaimprenta si Brother Russell sa Britanya sing-aga ng 1881. Ito’y ginagawa na sa Alemanya noong 1903, sa Gresya noong 1906, sa Pinlandya noong 1910, at maging sa Hapón noong 1913. Sa mga taon na kasunod ng unang digmaang pandaigdig, napakaraming pag-iimprenta—ng mga aklat, mga buklet, mga magasin, at mga tract—ang ginawa sa Britanya, sa mga lupain sa Scandinavia, sa Alemanya, at sa Polandya, at may ilang ginawa rin sa Brazil at India.
Pagkatapos, noong 1920, ang taon ding iyon ng pagsisimula ng Samahan ng sariling paglilimbag ng mga magasin sa Brooklyn, gumawa ng mga kaayusan upang ang ilan sa gawaing ito ay magawa rin ng ating mga kapatid sa Europa. Isang grupo sa kanila sa Switzerland ang nag-organisa ng isang palimbagan sa Bern. Ito’y kanilang sariling kompanya sa negosyo. Ngunit silang lahat ay mga Estudyante ng Bibliya, at sila’y naglimbag ng literatura para sa Samahan sa mga wikang Europeo sa napakababang mga halaga. Nang maglaon, ang Samahan ay nakakuha ng titulo sa palimbagang iyan at pinalaki ito. Upang masapatan ang apurahang pangangailangan sa maralitang mga lupain sa Europa noong panahong iyon, napakaraming walang-bayad na literatura ang nailimbag doon. Sa huling bahagi ng dekada ng 1920, mga publikasyon sa mahigit na isang dosenang wika ang ipinadala mula sa palimbagang ito.
Kasabay nito, malaking interes sa mensahe ng Kaharian ang ipinakikita sa Romania. Sa kabila ng matinding pag-uusig sa ating gawain doon, itinatag ng Samahan ang isang palimbagan sa Cluj, upang pababain ang halaga ng literatura at nang mas madali itong makuha ng mga taong gutom sa katotohanan sa Romania at sa karatig na mga bansa. Noong 1924 ang palimbagang iyon ay nakapag-imprenta ng halos sangkapat na bahagi ng isang milyong aklat, bukod pa sa mga magasin at mga buklet, sa wikang Romaniano at Hungaryano. Ngunit isa sa nangangasiwa sa gawain doon ay hindi naging tapat sa ipinagkatiwala sa kaniya at siya’y gumawa ng mga bagay na naging dahilan ng pagkawala ng ari-arian at mga kagamitan ng Samahan. Sa kabila nito, ang tapat na mga kapatid sa Romania ay patuloy na gumawa ng makakaya nila upang ibahagi ang mga katotohanan ng Bibliya sa iba.
Sa Alemanya pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, maraming tao ang dumaragsa sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya. Subalit lubhang nahihirapan sa kabuhayan ang mga taga-Alemanya. Upang pababain ang halaga ng literatura sa Bibliya bilang tulong sa kanila, pinasimulan din ng Samahan ang sarili nitong paglilimbag doon. Sa Barmen, noong 1922, ang pag-iimprenta ay ginawa sa isang flatbed press na nakalagay sa may itaas ng hagdanan sa Tahanang Bethel at sa isa pa na nasa silungan ng kahoy. Nang sumunod na taon lumipat ang mga kapatid sa Magdeburg na mas naaangkop na mga pasilidad. May matitibay silang gusali roon, at may mga idinagdag pa, at inilagay ang mga kagamitan sa pag-iimprenta at pagpapabalat ng aklat. Pagsapit ng katapusan ng 1925, ayon sa ulat, ang maiimprenta ng palimbagang ito ay magiging katumbas niyaong ginagamit noon sa punong-tanggapan sa Brooklyn.
Ang karamihan ng pag-iimprenta na ginawa mismo ng mga kapatid ay nagsimula sa maliit na antas lamang. Totoo ito sa Korea, kung saan noong 1922 itinatag ng Samahan ang isang maliit na palimbagan na may hustong kagamitan upang makapag-imprenta ng literatura sa Koreano gayundin sa Hapones at Intsik. Makalipas ang ilang taon, ang mga kagamitan ay inilipat sa Hapón.
Pagsapit ng 1924 inililimbag din ang maliliit na imprentahin sa Canada at sa Timog Aprika. Noong 1925 isang maliit na imprenta ang inilagay sa Australia at isa pa sa Brazil. Di-nagtagal at ginamit na ng mga kapatid sa Brazil ang kanilang mga kagamitan upang maglimbag ng edisyon ng The Watch Tower sa Portuges. Ang sangay ng Samahan sa Inglatera ay unang bumili ng mga kagamitan sa paglilimbag noong 1926. Noong 1929 ang espirituwal na pagkagutom ng simpleng mga tao sa Espanya ay binigyang-kasiyahan ng paglalathala ng The Watch Tower sa isang maliit na imprentahan doon. Dalawang taon pagkaraan isang imprenta ang nagsimulang umandar sa silong ng tanggapang pansangay sa Pinlandya.
Samantala, may pagpapalawak na nagaganap sa pandaigdig na punong-tanggapan.
Sarili Nilang Palimbagan sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan
Mula noong 1920 ang Samahan ay umuupa na ng gusali para sa palimbagan sa Brooklyn. Maging ang gusaling ginamit mula 1922 patuloy ay wala sa mabuting kondisyon; ang buong gusali ay yumayanig pagka umaandar sa silong ang rotary press. Hindi lamang iyon, mas malaking espasyo ang kailangan dahil sa patuluyang paglago ng gawain. Nangatuwiran ang mga kapatid na magagamit nang higit na mabuti ang mga nakahandang pondo kung may sarili silang gusali para sa palimbagan.
May lote na mga ilang bloke lamang ang layo mula sa Tahanang Bethel na tila totoong kanais-nais na lugar, kaya nag-alok sila ng halaga upang ito’y bilhin. Nagkataon na mas mataas ang halagang inialok ng Squibb Pharmaceutical Corporation kaysa kanila; ngunit nang magtayo ang mga ito sa loteng iyon kinailangan nilang magbaón ng 1,167 haligi upang magkaroon ng matibay na pundasyon. (Maraming taon pagkaraan nito, binili ng Samahang Watch Tower ang mga gusaling iyon mula sa Squibb, na nakalatag na sa mahusay na pundasyong iyan!) Gayunman, ang loteng binili ng Samahan noong 1926 ay may matatag na lupang maaaring pagtayuan.
Noong Pebrero 1927 sila’y lumipat na sa kanilang bagong-tayóng gusali sa 117 Adams Street sa Brooklyn. Halos doble ang espasyo nito kaysa sa gusaling ginagamit nila hanggang sa panahong iyon. Mahusay ang pagkadisenyo nito, na ang takbo ng trabaho ay nagsisimula sa matataas na palapag at dumaraan pababa sa iba’t ibang mga departamento hanggang sa makarating sa Shipping Department sa unang palapag.
Gayunman, hindi pa tapos ang paglago. Makalipas ang sampung taon ang palimbagang ito’y kinailangang palakihin; at ito’y sinundan sa dakong huli ng marami pang mga pagpapalaki. Bukod pa sa paglilimbag ng milyun-milyong sipi ng magasin at buklet taun-taon, ang palimbagan ay nag-iimprenta ng mga 10,000 pinabalatang aklat araw-araw. Nang ang buong Bibliya ay pinasimulang isama sa mga aklat na iyon noong 1942, muling binuksan ng Samahang Watch Tower ang isang bagong larangan sa gawaing paglilimbag. Nag-eksperimento ang mga kapatid hanggang sa magawa nilang patakbuhin ang manipis na papel na ginagamit sa Bibliya sa mga rotary press—bagay na hindi sinubukan ng ibang mga manlilimbag kundi pagkaraan lamang ng ilang taon.
Habang ginagawa ang ganitong malawakang paglilimbag, ang mga grupong may pantanging mga pangangailangan ay hindi nakaligtaan. Sing-aga ng 1910, isang Estudyante ng Bibliya sa Boston, Massachusetts, at isa pa sa Canada ang nagtulong upang ilathala ang literatura ng Samahan sa Braille. Pagsapit ng 1924, mula sa isang opisina sa Logansport, Indiana, ang Samahan ay naglalathala na ng mga publikasyon para sa mga bulag. Gayunman, dahil sa kakaunti ang naging tugon noong panahong iyon, ang paglalathala sa Braille ay itinigil noong 1936, at itinuon ang pansin sa pagtulong sa mga bulag sa pamamagitan ng mga plaka ng ponograpo gayundin ng personal na atensiyon. Nang maglaon, noong 1960, muling inilathala ang literatura sa Braille—ngayon ay may higit na pagkasari-sari, at unti-unting naging mas mahusay ang pagtugon.
Pagharap sa Hamon ng Matinding Pag-uusig
Sa ilang bansa, ang paglilimbag ay ginawa sa kabila ng lubhang mahirap na mga kalagayan. Ngunit nagtiyaga ang mga kapatid, yamang naunawaan nila na ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ay gawaing ipinag-utos ng Diyos na Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang Anak. (Isa. 61:1, 2; Mar. 13:10) Sa Gresya, halimbawa, ang mga kapatid ay nagtatag ng sarili nilang palimbagan noong 1936 at pinaandar ito ng ilang buwan lamang hanggang sa magkaroon ng pagbabago sa gobyerno at ipinasara ng mga awtoridad ang kanilang planta. Gayundin, sa India, noong 1940, si Claude Goodman ay nagtrabaho ng ilang buwan upang maitatag ang isang imprenta at matutuhang patakbuhin ito, subalit di-nagtagal at lumusob ang mga pulis na isinugo ng maharaja, kinuha ang pang-imprenta, at itinapon ang lahat ng isinaayos na tipo sa malalaking mga balde.
Sa maraming iba pang lugar, dahil sa mga batas na pumipigil sa importasyon ng literatura napilitan ang mga kapatid na magpaimprenta sa lokal na komersiyal na mga manlilimbag, bagaman may palimbagan ang Samahan sa isang karatig na bansa na may mga kagamitan upang gawin ito. Totoo ito noong kalagitnaan ng dekada ng 1930 sa mga lugar tulad ng Denmark, Latvia, at Hungarya.
Noong 1933 ang gobyerno sa Alemanya, na sinulsulan ng mga klero, ay kumilos upang isara ang gawaing paglilimbag ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Sinakop ng mga pulis ang palimbagan ng Samahan sa Magdeburg at isinara ito noong Abril ng taóng iyon, subalit wala silang masumpungang ebidensiya laban sa kanila, kaya umatras sila. Gayunpaman, nanghimasok silang muli noong Hunyo. Upang maipagpatuloy ang pamamahagi ng mensahe ng Kaharian, itinatag ng Samahan ang isang palimbagan sa Prague, Czechoslovakia, at maraming kagamitan ang inilipat doon mula sa Magdeburg. Dahil dito, ang mga magasin sa dalawang wika at mga buklet sa anim na wika ay inilathala sa Czechoslovakia nang sumunod na ilang taon.
Saka, noong 1939, ang mga sundalo ni Hitler ay lumusob sa Prague, kaya madaling pinagkakalas ng mga kapatid ang kagamitan nila at itinakas ito sa labas ng bansa. Ang ilang bahagi nito ay napapunta sa Netherlands. Ito’y napapanahon. Ang komunikasyon sa Switzerland ay nagiging lalong mahirap para sa mga kapatid na Olandes. Kaya ngayon sila’y umupa ng gusali at, taglay ang bagong datíng na mga imprenta, gumawa sila ng sariling pag-iimprenta. Gayunman, ito’y di-gaanong nagtagal, sapagkat ang planta ay sinamsam ng mga lumulusob na Nazi. Subalit ang mga kasangkapang iyon ay ginamit ng mga kapatid hanggang sa huling sandali.
Nang dahil sa di-makatuwirang opisyal na pagkilos sa Pinlandya pinahinto ang paglalathala ng Ang Bantayan noong panahon ng digmaan, ang mga kapatid doon ay nag-mimeograph ng pangunahing mga artikulo at ipinadala ang mga ito sa pamamagitan ng kanilang mga tagapaghatid. Pagkatapos masakop ng Nazi ang Austria noong 1938, inilimbag Ang Bantayan sa isang mimeograph machine na kinailangang laging ilipat-lipat upang hindi ito masamsam ng Gestapo. Gayundin, sa Canada noong panahong ipinagbawal ang mga Saksi noong digmaan, kinailangang paulit-ulit na ilipat ang kanilang mga kagamitan upang patuloy na makapaglaan ng espirituwal na pagkain para sa kanilang mga kapatid.
Sa Australia noong panahong ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, naglimbag ang mga kapatid ng sarili nilang mga magasin at nag-imprenta at nagpabalat pa ng mga aklat—bagay na hindi nila nagawa roon kahit noong wala pang pagbabawal sa gawain. Kinailangang ilipat nila ang kanilang pabalatan ng aklat nang 16 na beses upang huwag makumpiska ang mga kagamitan, subalit nakuha nilang mailimbag ang 20,000 pinabalatang aklat upang ang mga ito’y mailabas sa isang kombensiyon na idinaos noong 1941 sa kabila ng gabundok na mga hadlang!
Pagpapalawak Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II
Pagkatapos ng digmaan, nagtipon ang mga Saksi ni Jehova sa isang internasyonal na asamblea sa Cleveland, Ohio, noong 1946. Doon si Nathan H. Knorr, presidente noon ng Samahang Watch Tower, ay nagpahayag tungkol sa pagtatayong-muli at pagpapalawak. Mula nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, ang bilang ng mga Saksi ay dumami nang 157 porsiyento, at ang gawain ay mabilis na binubuksan ng mga misyonero sa bagong mga larangan. Upang punan ang pandaigdig na pangangailangan para sa literatura sa Bibliya, binalangkas ni Brother Knorr ang mga plano upang palakihin pa ang mga pasilidad ng pandaigdig na punong-tanggapan. Bilang resulta ng binalak na pagpapalaking ito, magiging higit sa doble ang espasyo sa palimbagan kaysa yaong nasa orihinal na gusali noong 1927, at isang higit pang pinalaking Tahanang Bethel ang ilalaan para sa boluntaryong mga manggagawa. Ang karagdagang mga gusaling ito ay natapos at pinasimulang gamitin noong 1950.
Ang mga pasilidad ng palimbagan at opisina sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn ay paulit-ulit na pinalaki mula noong 1950. Hanggang noong 1992 ang mga ito’y sumasaklaw sa walong bloke ng siyudad at may kabuuang lawak ng suwelo na 230,071 metro kuwadrado. Ang mga ito’y hindi lamang basta mga gusali sa paggawa ng mga aklat. Ang mga ito’y inialay kay Jehova, upang gamitin sa paglalathala ng literaturang dinisenyo upang ituro sa mga tao ang kaniyang mga kahilingan ukol sa buhay.
Sa ilang lugar naging mahirap ang muling pagpapasimula ng pag-iimprenta ng Samahan pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig. Ang pasilidad ng palimbagan at opisina na pag-aari ng Samahan sa Magdeburg, Alemanya, ay napasama sa sonang sinasakop ng mga Komunista. Lumipat muli rito ang mga Saksing Aleman, subalit sandali lamang nila itong napaandar bago ito muling nakumpiska. Upang punan ang pangangailangan sa Kanlurang Alemanya, kinailangang magtatag ng isang palimbagan doon. Ang mga lunsod ay lubusang nawasak dahil sa pambobomba. Gayunman, nakakuha kaagad ang mga Saksi ng isang maliit na palimbagan sa Karlsruhe na dating pinangangasiwaan ng mga Nazi. Pagsapit ng 1948 mayroon na silang dalawang flatbed press na umaandar araw at gabi sa isang gusaling pinagamit sa kanila sa Wiesbaden. Nang sumunod na taon ay pinalaki nila ang mga pasilidad sa Wiesbaden at pinarami nang apat na ulit ang bilang ng mga imprenta upang tugunin ang pangangailangan ng mabilis na dumaraming mga tagapaghayag ng Kaharian sa bahaging iyon ng larangan.
Nang muli na namang makapag-imprenta nang hayagan ang Samahan sa Gresya noong 1946, naging suliranin ang suplay ng kuryente. Kung minsan ay napuputol ito nang ilang oras. Sa Nigeria noong 1977, isang nakakatulad na problema ang hinarap ng mga kapatid. Hangga’t wala pang sariling generator ang sangay sa Nigeria, ang mga manggagawa sa palimbagan ay bumabalik sa trabaho kahit anong oras, araw o gabi, pagka mayroon nang kuryente. Taglay ang gayong espiritu, wala silang nalaktawan kahit isa mang isyu ng Ang Bantayan.
Pagkatapos ng pagdalaw ni Brother Knorr sa Timog Aprika noong 1948, may biniling lupa sa Elandsfontein; at sa unang bahagi ng 1952, ang sangay ay lumipat sa isang bagong palimbagan doon—ang unang-unang itinayo mismo ng Samahan sa Timog Aprika. Sa paggamit ng isang flatbed press, sila’y nagsimulang maglimbag ng mga magasin sa walong wika na ginagamit sa Aprika. Noong 1954 ang sangay sa Sweden ay pinaglaanan ng mga kagamitan upang maglimbag ng mga magasin nito sa isang flatbed press, gaya ng sangay sa Denmark noong 1957.
Habang lumalaki ang pangangailangan para sa literatura, inilaan ang mabibilis na rotary letterpress, una sa isang sangay, pagkatapos ay sa iba naman. Tumanggap ang Canada ng una nito noong 1958; ang Inglatera noong 1959. Pagsapit ng 1975 ang Samahang Watch Tower ay mayroon nang 70 malalaking rotary press na umaandar sa mga palimbagan nito sa buong daigdig.
Isang Pandaigdig na Kaayusan sa Paglalathala ng Katotohanan sa Bibliya
Nang huling bahagi ng dekada ng 1960 at pagkaraan nito, puspusang pagsisikap ang ginawa upang higit pang ipamahagi sa ibang lugar ang gawaing pag-iimprenta ng Samahang Watch Tower. Ang paglago sa bilang ng mga Saksi ni Jehova ay napakabilis. Mas maraming espasyo sa mga palimbagan ang kailangan upang maglaan ng literatura sa Bibliya para sa kanilang sariling gamit at para sa pamamahagi sa madla. Subalit mabagal ang pagpapalaki sa Brooklyn dahil sa limitado ang ipinagbibiling lupa gayundin dahil sa masalimuot na mga kahilingan ng mga awtoridad. Ang mga plano ay binuo upang gumawa ng higit na pag-iimprenta sa ibang mga lugar.
Kaya, noong 1969 nagsimula ang pagdidisenyo ng isang bagong palimbagan na itatayo malapit sa Wallkill, New York, mga 150 kilometro sa hilagang-kanluran ng Brooklyn. Daragdagan at palalawakin nito ang mga pasilidad ng punong-tanggapan, at sa bandang huli halos lahat ng magasing Bantayan at Gumising! sa Estados Unidos ay magmumula sa Wallkill. Pagkaraan ng tatlong taon, ang ikalawang palimbagan sa Wallkill ay pinaplano na, at ito’y mas malaki kaysa una. Pagsapit ng 1977 ang mga rotary letterpress doon ay naglilimbag ng mahigit na 18 milyong magasin isang buwan. Noong 1992, malalaking MAN-Roland at Hantscho offset press (4 lamang na offset press sa halip na 15 dating letterpress) ang ginagamit, at ang kaya nilang imprentahin ay mahigit pa sa isang milyong magasin isang araw.
Nang unang gawin ang mga plano para sa pag-iimprenta sa Wallkill, Ang Bantayan ay inililimbag sa Brooklyn sa 32 wika ng kabuuang 72 wika nito noon; ang Gumising! ay sa 14 na wika ng kabuuang 26 na wika nito. Mga 60 porsiyento ng kabuuang nililimbag na sipi sa buong daigdig ay iniimprenta roon sa pandaigdig na punong-tanggapan. Magiging higit na kapaki-pakinabang kung lalong marami sa gawaing ito ang magagawa sa mga bansa sa labas ng Estados Unidos at ng ating mga kapatid sa halip na mga komersiyal na kompanya. Sa gayon, kung sa hinaharap ay hahadlangan ang pag-iimprenta sa alinmang bahagi ng lupa dahil sa mga krisis sa daigdig o panghihimasok ng mga pamahalaan sa gawain ng mga Saksi ni Jehova, ang kinakailangang espirituwal na pagkain ay patuloy pa ring mailalaan.
Kaya noong 1971, halos dalawang taon matapos magsimulang mag-imprenta ang unang palimbagan sa Wallkill, nagsimula ang trabaho upang maglaan ng mainam na bagong palimbagan sa Numazu, Hapón. Ang mahigit na limang ulit na pagdami ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa Hapón sa sinundang dekada ay nagpapahiwatig na kakailanganin doon ang napakaraming literatura sa Bibliya. Kasabay nito, ang mga pasilidad ng sangay sa Brazil ay pinalaki. Totoo rin ito sa Timog Aprika, kung saan may inililimbag na literatura sa Bibliya sa mahigit na dalawang dosenang wikang Aprikano. Nang sumunod na taon, 1972, ang mga pasilidad sa pag-iimprenta ng Samahan sa Australia ay pinalaki nang apat na ulit, sa layuning makapaglaan ng bawat isyu ng Ang Bantayan at Gumising! sa bahaging iyon ng daigdig nang hindi naaantala dahil sa pagpapadala mula sa ibang bansa. Karagdagang mga palimbagan ang itinayo rin sa Pransya at sa Pilipinas.
Noong unang bahagi ng 1972, si N. H. Knorr at ang tagapangasiwa ng palimbagan sa Brooklyn, si M. H. Larson, ay naglakbay sa buong daigdig upang suriin ang gawain, sa layuning maorganisa ang mga bagay-bagay anupat magagamit na mabuti ang mga pasilidad na ito at mailalatag ang pundasyon para sa higit na paglawak sa hinaharap. Kasama sa kanilang pagdalaw ay 16 na bansa sa Timog Amerika, Aprika, at Dulong Silangan.
Di-nagtagal pagkatapos nito, ang sangay sa Hapón mismo ay nagsimulang maglathala ng mga magasin sa wikang Hapones na kailangan sa bahaging iyon ng larangan, sa halip na umasa sa isang komersiyal na manlilimbag. Nang taon ding iyon, 1972, ang sangay sa Ghana ay nagsimulang mag-imprenta ng Ang Bantayan sa tatlong lokal na wika nito, sa halip na maghintay sa mga ipinadadala ng Estados Unidos at Nigeria. Sumunod, ang sangay sa Pilipinas ay nagsimulang gumawa ng komposisyon at paglilimbag ng Ang Bantayan at Gumising! sa walong lokal na wika (bukod pa sa pag-iimprenta ng kinakailangang mga magasin sa Ingles). Ito’y isa pang malaking hakbang upang ipamahagi sa ibang bansa ang ilan sa gawaing pag-iimprenta ng Watch Tower.
Pagsapit ng katapusan ng 1975, ang Samahang Watch Tower ay naglalathala na ng literatura sa Bibliya sa sariling pasilidad nito sa 23 bansa sa palibot ng globo—mga aklat sa tatlong bansa; mga buklet o magasin o ang dalawang ito sa lahat ng 23 lugar. Sa 25 iba pang lupain, ang Samahan ay nag-iimprenta ng maliliit na bagay sa sariling mga kagamitan nito.
Ang kapasidad ng Samahan sa paggawa ng mga aklat ay pinalaki rin. May kaunting pagpapabalat ng aklat na ginawa sa Switzerland at sa Alemanya sing-aga ng kalagitnaan ng dekada ng 1920. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, noong 1948 ang mga kapatid sa Pinlandya ay nagsimulang gumawa ng pagpapabalat ng mga aklat (noong una, ang karamihan ay sa pamamagitan ng kamay) lalo na upang sapatan ang pangangailangan sa bansang iyon. Dalawang taon pagkaraan nito ay pinaandar muli ng sangay sa Alemanya ang isang pabalatan ng aklat, at nang maglaon ay kinuha nito ang lahat ng pagpapabalat ng aklat na ginagawa sa Switzerland.
Pagkatapos, noong 1967, palibhasa’y may mahigit na isang milyong Saksi sa buong daigdig at pinasimulan na ang paggamit ng mga pambulsang aklat sa kanilang ministeryo, ang pangangailangan para sa ganitong uri ng literatura sa Bibliya ay lumaki nang gayon na lamang. Sa loob ng siyam na taon, dumami nang anim na ulit ang mga linyang pabalatan ng aklat sa Brooklyn. Noong 1992 ang Samahang Watch Tower ay may kabuuang 28 linyang pabalatan ng aklat sa walong iba’t ibang bansa.
Noong taon ding iyon, 1992, ang Samahang Watch Tower ay hindi lamang naglilimbag ng literatura sa 180 wika sa Estados Unidos kundi ang apat sa pangunahing mga palimbagan nito sa Latin Amerika ay naglalaan ng karamihan ng literaturang kinakailangan sa lokal at sa ibang mga bansa sa bahaging iyon ng daigdig. Labing-isa pang palimbagan ang naglalathala ng literatura sa Europa, at lahat ng mga ito ay tumutulong upang sapatan ang pangangailangan para sa literatura ng ibang mga lupain. Sa mga ito, ang Pransya ay regular na naglalaan ng literatura sa 14 na bansa, at ang Alemanya, na naglilimbag sa mahigit na 40 wika, ay nagpapadala nang maramihan sa 20 bansa at kaunti lamang sa iba pang lupain. Sa Aprika, anim na palimbagan ng Watch Tower ang naglilimbag ng literatura sa Bibliya sa kabuuang 46 wika. May 11 pang palimbagan—ang iba’y malalaki, ang iba’y maliliit—na nagsusuplay sa Gitnang Silangan at sa Dulong Silangan, sa mga kapuluan ng Pasipiko, sa Canada, at sa ibang mga lugar ng literaturang magagamit sa pagpapalaganap ng apurahang mensahe ng Kaharian ng Diyos. Sa 27 iba pang lupain, ang Samahan ay nag-iimprenta ng maliliit na bagay na kailangan ng mga kongregasyon upang maging maayos ang takbo ng kanilang paglilingkuran.
Bagong mga Pamamaraan, Bagong mga Kagamitan
Noong mga dekada ng 1960 at 1970, malalaking pagbabago ang naganap sa larangan ng pag-iimprenta. Sa pambihirang bilis, ang letterpress ay pinapalitan ng pag-iimprenta na offset.d Hindi kaagad sumunod ang Samahang Watch Tower sa bagong mga pamamaraang ito. Ang mga platong nakukuha noon ay hindi mahusay gamitin sa pangmaramihang paglilimbag na kailangan ng Samahan sa literatura nito. Isa pa, ang gayong uri ng pagbabago ay mangangailangan ng lubusang bagong pamamaraan ng typesetting at komposisyon. Kakailanganin ang bagong mga makina sa pag-iimprenta. Kailangang matutuhan ang bagong teknolohiya. Halos lahat ng mga kagamitan sa mga palimbagan ng Samahan ang kakailanganing palitan. Ang magiging halaga ay waring di-makakayanan.
Gayunman, kaagad ay naging maliwanag na hindi na magtatagal at ang mga suplay na ginagamit sa paglilimbag na letterpress ay hindi na mabibili. Ang tibay ng mga platong ginagamit sa offset ay mabilis na sumusulong. Kailangan nang gawin ang pagbabago.
Sing-aga ng 1972, dahil sa masidhi nilang interes sa pagsulong sa paglilimbag na offset, tatlong miyembro ng pamilyang Bethel sa Timog Aprika ang bumili ng isang maliit na segunda-manong sheetfed offset press. Nagtamo sila rito ng kaunting karanasan sa paglilimbag ng maliliit na imprentahin. Pagkatapos, noong 1974, ang imprentang iyon ay ginamit upang limbagin Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang Hanggan, isang pambulsang aklat, sa wikang Ronga. Ang mabilis na paggawa nila nito ay nagpangyaring ipaabot ang mahalagang edukasyon sa Bibliya sa libu-libong taong nagugutom sa katotohanan bago muling ipagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na tinitirhan ng mga taong ito. Isa pang sheetfed offset press, na ipinagkaloob sa sangay ng Samahan sa Timog Aprika di-nagtagal matapos bilhin ng ating mga kapatid ang una, ay ipinadala sa Zambia at ginamit doon.
Ang palimbagan ng Samahan sa Alemanya ay maaga ring nagsimula sa paglilimbag na offset. Noong Abril 1975 ang mga kapatid doon ay nagsimulang gumamit ng isang sheetfed press upang limbagin ang mga magasin sa papel na ginagamit sa Bibliya para sa mga Saksi ni Jehova sa Silangang Alemanya, kung saan ipinagbabawal noon ang mga Saksi. Nang sumunod na taon, ito’y sinundan ng paglalathala ng mga aklat sa offset press na iyon para sa mga kapatid doon na pinag-uusig.
Halos kasabay nito, noong 1975, pinasimulang paandarin ng Samahang Watch Tower ang kauna-unahan nitong web offset press para sa mga magasin sa Argentina. Gayunman, ito’y umandar nang mahigit lamang sa isang taon, bago ipinagbawal ng gobyerno ng Argentina ang gawain ng mga Saksi at ipinasara ang kanilang palimbagan. Subalit ang gawaing paglilimbag na offset sa ibang mga bansa ay patuloy na lumawak. Noong unang bahagi ng 1978, sa planta ng punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Brooklyn, New York, isang web offset press ang nagsimulang maglimbag ng tatlong-kulay na pag-iimprenta para sa mga aklat.e Noong taon ding iyon ang ikalawang press ay binili. Gayunman, higit pang mga kagamitan ang kakailanganin upang lubusang maganap ang pagbabago.
Ang Lupong Tagapamahala ay may pananalig na maglalaan si Jehova ng anumang kailangan upang isakatuparan ang gawaing ibig niyang tapusin. Noong Abril 1979 at Enero 1980, ang mga sulat ay ipinadala sa mga kongregasyon sa Estados Unidos na ipinaliliwanag ang situwasyong ito. Nagsimulang dumating ang mga donasyon—mabagal nang pasimula, subalit nang bandang huli ay nakasapat na rin upang paglaanan ang lahat ng mga palimbagan ng Watch Tower sa buong globo ng mga kagamitan para sa paglilimbag na offset.
Samantala, upang mapakinabangan ang dating mga kagamitan at upang pabilisin ang pagbabago, kumontrata ang Samahang Watch Tower na ang pinakabagong modelong mga MAN press ay baguhin upang magamit sa paglilimbag na offset. Labindalawang bansa ang pinaglaanan ng mga imprentang ito, kasama na rin ang anim na dati’y hindi naglilimbag ng kanilang mga magasin sa lokal.
Apat-na-Kulay na Pag-iimprenta
Ang sangay sa Pinlandya ang unang gumamit ng offset upang mag-imprenta ng bawat labas ng mga magasin sa apat na kulay, na nagsisimula sa simpleng paraan sa mga isyu noong Enero 1981 at pagkatapos ay pasulong na gumagamit ng pinagbuting mga pamamaraan. Sumunod, ginamit ng Hapón ang apat-na-kulay na pag-iimprenta para sa isang pinabalatang aklat. Iba pang mga palimbagan ng Watch Tower ang gumawa rin nito habang may nakukuhang mga kagamitan. Ang ilan sa mga imprenta ay binili at ipinadala ng pandaigdig na punong-tanggapan. Ang iba’y binili dahil sa pagtangkilik ng mga Saksi ni Jehova sa bansang kinaroroonan ng palimbagan. Sa iba namang kaso, ang mga Saksi sa isang bansa ay nagkaloob ng kinakailangang mga kagamitan sa kanilang mga kapatid sa ibang bansa.
Pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II, ang daigdig ay higit na naging mahilig sa mga babasahing may mga larawan, at malaki ang nagagawa ng natural na kulay upang gawing higit na kaakit-akit sa mata ang mga publikasyon. Dahil sa paggamit na ito ng kulay ang nakalimbag na mga lathalain ay naging higit na kaakit-akit anupat marami ang nahihikayat na magbasa. Sa maraming lugar nasumpungan na mabilis na dumami ang pamamahagi ng Ang Bantayan at Gumising! matapos higit na mapaganda ang mga ito.
Bumubuo ng Angkop na mga Computer System
Upang suportahan ang paglilimbag sa apat na kulay, isang computerized prepress system ang kailangang buuin; at ang pasiya upang pasimulan ito ay ginawa noong 1977. Mga Saksing dalubhasa sa larangang ito ang nagboluntaryong gumawa sa pandaigdig na punong-tanggapan upang tulungan ang Samahan na mabilis na matugunan ang mga pangangailangang ito. (Di-nagtagal pagkatapos nito, noong 1979, isang grupo sa Hapón na nang dakong huli ay binuo ng mga 50 Saksi ang nagsimulang gumawa ng mga computer program na kailangan para sa wikang Hapones.) Ang ginamit ay ang mabibiling komersiyal na hardware sa computer, at ang mga programa ay inihanda ng mga Saksi upang matugunan ang mga pangangailangan ng Samahan sa administrasyon at sa paglilimbag sa maraming wika. Upang mapanatili ang matataas na pamantayan at tiyaking ito’y may maraming mapaggagamitan, kinailangang bumuo ng pantanging mga programa para sa typesetting at photocomposition. Walang makukuhang komersiyal na mga programa upang ipasok sa computer at igawa ng phototypesetting ang marami sa 167 wika na noo’y inililimbag ng Samahang Watch Tower, kaya napilitan ang mga Saksi na bumuo ng kanilang sarili.
Noong panahong iyon walang makitang pakinabang ang mga komersiyante sa mga wikang ginagamit ng maliliit na grupo ng mga tao o ng mga taong kakaunti lamang ang kinikita, subalit ang mga Saksi ni Jehova ay interesado sa mga buhay. Sa loob ng maikling panahon, ang mga typsetting program na nabuo nila ay ginagamit na upang maglathala ng literatura sa mahigit na 90 wika. Tungkol sa kanilang gawain ang iginagalang na Seybold Report on Publishing Systems ay nagsabi: “Wala kaming magagawa kundi purihin ang kasigasigan, pagkukusa at malayong pananaw ng mga tauhan ng Watchtower. Bihira ngayon ang may sapat na ambisyon o tibay ng loob upang maglunsad ng gayong uri ng proyekto, lalo na yamang ito’y pulos bago at hindi sila umasa sa gawa ng iba.”—Tomo 12, Blg. 1, Setyembre 13, 1982.
Magiging lalong mahusay ang takbo ng pag-iimprenta at pagkukumpuni ng mga kagamitan kung ang mga kasangkapang ginagamit sa buong daigdig ay lubos na magkakasuwato. Kaya noong 1979 gumawa ng pasiya na bubuuin ng Samahang Watch Tower ang sarili nitong sistema sa phototypesetting. Ang grupong bumubuo nito ang siyang gumawa ng pangunahing hardware, sa halip na lubusang umasa sa komersiyal na mga kagamitan.
Kaya, noong 1979 isang grupo ng mga Saksi ni Jehova na nakasentro sa Watchtower Farms, Wallkill, New York, ang nagsimulang magdisenyo at yumari ng Multilanguage Electronic Phototypesetting System (MEPS). Pagsapit ng Mayo 1986 ang grupong gumagawa sa proyektong ito ay hindi lamang nakapagdisenyo at nakayari ng mga MEPS computer, phototypesetter, at mga graphics terminal kundi, higit na mahalaga, nakapagbuo sila ng kinakailangang software upang ihanda ang materyal para sa paglalathala sa 186 na wika.
Kasabay ng pagbuong ito ng software ay isang malaking proyekto sa font-digitizing. Ito’y nangangailangan ng isang masinsinang pag-aaral sa partikular na mga katangian ng bawat wika. Kailangang iguhit ang bawat titik sa isang wika (halimbawa, bawat titik kapuwa malaki at maliit, gayundin ang mga tuldik at bantas—lahat ay nasa iba’t ibang laki), na may hiwalay na mga guhit para sa bawat uri ng typeface (tulad ng lightface, italic, bold, at extra bold), at maaaring sa iba’t ibang natatanging mga font, o istilo ng tipo. Ang bawat roman font ay nangangailangan ng 202 karakter. Kung gayon, ang 369 na roman font ay nangangailangan ng kabuuang 74,538 karakter. Ang paghahanda ng mga font na Intsik ay nangangailangan ng pagguhit ng 8,364 karakter sa bawat isa, na may mga karakter na idaragdag sa dakong huli.
Matapos magawa ang pagguhit, dinisenyo ang software na magpapangyaring maimprenta ang mga titik sa malinis, malinaw na anyo. Kailangang tiyakin na makakaya ng software hindi lamang ang abakadang Roman kundi gayundin ang Bengali, Cambodian, Cyrillic, Griego, Hindi, at Koreano bukod pa sa Arabic at Hebreo (na kapuwa binabasa mula sa kanan pakaliwa) at Hapones at Intsik (na hindi gumagamit ng abakada). Noong 1992 mayroon nang software upang ilathala ang materyal sa mahigit na 200 wika, at binubuo pa ang mga programa para sa ibang mga wika na ginagamit ng milyun-milyong tao.
Upang maisakatuparan ang pagbabago sa mga sangay, kailangang gumamit ng bagong mga pamamaraan at matuto ng bagong mga kakayahan. Ang mga tauhan ay ipinadala sa pandaigdig na punong-tanggapan upang matuto kung papaano itatayo, paaandarin, at kukumpunihin ang malalaking web offset press. Ang ilan ay tinuruan ng paghihiwalay ng mga kulay na ginagamit ang laser scanner. Karagdagang mga tauhan ang sinanay sa paggamit at pagkukumpuni ng mga kagamitan sa computer. Kaya, ang lumilitaw na mga problema sa produksiyon saanman sa daigdig ay madaling malulutas upang magtuluy-tuloy ang gawain.
Natalos ng Lupong Tagapamahala na kung ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay mag-aaral ng iyon ding materyales sa kanilang mga pulong linggu-linggo at mamamahagi ng iyon ding literatura sa ministeryo sa larangan, ito’y magiging makapangyarihang puwersa ukol sa pagkakaisa. Noong nakaraan, ang literaturang inilalathala sa Ingles ay lumalabas sa ibang mga wika pagkaraan lamang ng di-kukulangin sa apat na buwan; para sa maraming wika ito’y pagkaraan ng isang taon, o madalas na kung ilang taon pa. Subalit ngayon may posibilidad na baguhin ito. Ang pagkakaroon ng lubos na nagkakasuwatong kagamitan sa mga sangay na naglilimbag ay isang mahalagang salik sa kakayahang ilathala ang literatura nang sabay-sabay sa iba’t ibang mga wika. Pagsapit ng 1984, nagawa nang mailathala ang Ang Bantayan nang sabay-sabay sa 20 wika. Noong 1989, nang ang makapangyarihang mensaheng nilalaman ng aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! ay ipamahagi sa madla mga ilang buwan lamang paglabas nito, ang aklat na iyon ay nailathala na sa 25 wika. Pagsapit ng 1992, lumawak na ang sabay-sabay na paglalathala ng Ang Bantayan anupat nakaabot na ito sa 66 na wika, yaong mga ginagamit ng kalakhan ng populasyon sa daigdig.
Mula nang sinimulan ang proyekto ng MEPS noong 1979, nagkaroon ng pambihirang pagsulong sa industriya ng computer. May magagamit ngayon na mabibisang personal na computer na marami ang napaggagamitan sa mas mababang halaga kaysa naunang mga modelo. Upang umalinsabay sa pangangailangan nito sa paglalathala, nagpasiya ang Samahang Watch Tower na gamitin din ang mga personal computer na ito, kasabay ng sariling software nito. Ito’y nagpabilis nang malaki sa produksiyon. Ito’y nagpangyari rin na mapaglaanan ang lalong marami sa mga sangay ng Samahan ng mga kapakinabangan ng mga programa sa paglalathala, at ang bilang ng mga sangay na gumagamit nito ay dumami kaagad tungo sa 83. Noong 1992 taglay na ng Samahang Watch Tower, sa buong daigdig, ang mahigit na 3,800 terminal na gumagamit ng sarili nitong mga programa sa computer. Hindi lahat ng mga sangay na may ganitong mga kagamitan ay gumagawa ng pag-iimprenta, subalit alinmang sangay na may isang maliit na computer at ang software ng Samahan, kasama ng isang maliit na laser printer, ang may kakayahang ihanda para sa pag-iimprenta ang materyales sa mga tract, magasin, aklat, at anumang iba pang kailangang imprentahin.
Higit na Tulong ng Computer Para sa mga Tagapagsalin
Maaari bang gamitin ang mga computer upang magbigay ng higit na tulong sa mga gumagawa ng pagsasalin? Kadalasan, ang mga tagapagsalin ng mga publikasyon ng Watch Tower ngayon ay gumagawa ng kanilang pagsasalin sa mga terminal ng computer. Marami sa mga ito ang nasa mga tanggapang pansangay ng Samahan. Ang iba, na maaaring nagsasalin sa bahay at marami nang taóng gumagamit ng mga makinilya o maging sulat-kamay, ay natulungang gumawa ng kanilang pagsasalin sa mga terminal ng computer o sa mga computer na laptop (yaong maliliit at kombinyente) na binili ng Samahan. Ang anumang mga pagbabago sa salin ay madaling magagawa doon mismo sa screen ng computer. Kung ang pagsasalin ay ginagawa sa ibang lugar at hindi sa opisina ng sangay kung saan ito aktuwal na lilimbagin, ang kailangan lamang ay ilipat ang salin sa isang manipis, malambot na disk at ipadala ito sa sangay na naglilimbag upang mapasimulan na ang paggawa.
Noong 1989-90, samantalang mabilis na nababago ang mga pamahalaan sa maraming lupain, ang internasyonal na komunikasyon ay naging higit na madali. Kaagad, nag-organisa ang mga Saksi ni Jehova ng isang seminar ng kanilang mga tagapagsalin mula sa Silangang Europa. Dinisenyo ito upang tulungan silang mapasulong ang uri ng kanilang gawain, lubusang mapakinabangan ang mga kagamitan sa computer, at pangyarihin ang sabay-sabay na paglalathala ng Ang Bantayan sa kanilang mga wika. Karagdagan pa, ang mga tagapagsalin sa Timog-silangang Asia ay binigyan din ng kahawig na tulong.
Ngunit maaari bang gamitin ang computer upang pabilisin ang gawain ng pagsasalin o pasulungin ang kaurian nito? Oo. Pagsapit ng 1989, mabibisang mga sistema sa computer ang ginagamit na ng mga Saksi ni Jehova upang tumulong sa pagsasalin ng Bibliya. Pagkatapos ng malawakang patiunang paghahanda, mga electronic file ang inilaan na tumutulong sa tagapagsalin upang palitawin sa screen ng computer ang anumang salita sa orihinal na wika kasama ng isang talaan ng lahat ng paraan ng pagkakasalin nito sa Ingles, ayon sa konteksto, sa New World Translation. Maaari rin niyang piliin ang isang susing salita sa Ingles at palitawin sa screen ang lahat ng mga salita sa orihinal na wika (at maaaring pati na ng mga salitang may kahawig na kahulugan) na pinagkunan nito. Madalas itong nagpapakita na may grupo ng mga salita na ginagamit sa Ingles upang ihatid ang idea na kinapapalooban ng iisang salita sa orihinal na wika. Ito’y maglalaan kaagad sa tagapagsalin ng isang malalim na pagkaunawa sa kaniyang isinasalin. Tutulong ito sa kaniya na makuha ang natatanging diwa ng saligang pangungusap sa orihinal na wika gayundin ang eksaktong kahulugan na hinihingi ng konteksto at sa gayon ay maipahahayag niya ito nang may kawastuan sa kaniyang sariling wika.
Sa paggamit ng mga computer file na ito, susuriin ng mga bihasang tagapagsalin ang lahat ng lugar na doon lumilitaw ang alinmang salita sa Bibliya at maglalagay ng katumbas sa lokal na wika para sa bawat isa sa mga lugar na ito ayon sa hinihingi ng konteksto. Titiyakin nito ang mahusay na pagkakasuwato ng bawat salita. Ang gawain ng bawat tagapagsalin ay rerepasuhin ng iba na kabilang sa kanilang grupo upang mapahusay ang pagsasalin dahil sa pagsasaliksik at karanasan ng lahat sa kanila. Matapos magawa ito, magagamit ang computer upang palitawin sa screen ang isang talata sa Kasulatan, na ipinakikita ang bawat salita sa tekstong Ingles, isang giya sa kung ano ang lumitaw sa orihinal na wika, at ang katumbas sa lokal na wika na pinili. Hindi nagtatapos dito ang gawain. Kailangan pang ayusin ang daloy ng pangungusap at tiyaking ito’y madaling basahin sa kaniyang sariling wika. Subalit habang ginagawa ito, napakahalaga na taglayin ang isang malinaw na pagkaunawa sa kahulugan ng kasulatan. Upang siya’y matulungan, may kaayusang ginawa sa computer upang madali siyang makahanap ng inilathalang mga komentaryo ng Watch Tower sa talata sa Bibliya o sa anumang pananalitang naroroon.
Dahil dito mababawasan ang panahong ginugugol sa pagsasaliksik, at matitiyak ang mahusay na pagkakasuwato sa pagsasalin. Kapag higit na napasulong pa ang potensiyal na ito, inaasahan na lalong maraming mahahalagang publikasyon ang madaling magagawa kahit sa mga wikang limitado lamang ang mga tagapagsalin. Ang paggamit ng kasangkapang ito upang maglaan ng literatura bilang pagsuporta sa paghahayag ng mensahe ng Kaharian ay nagbukas ng napakalawak na larangan sa paglalathala.
Kaya, katulad ng sinaunang mga Kristiyanong kapareho nila, ang mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon ay gumagamit ng pinakabagong mga paraan upang palaganapin ang Salita ng Diyos. Upang marating ang pinakamaraming tao hangga’t maaari ng mabuting balita, hindi sila natatakot na tumanggap ng bagong mga hamon sa larangan ng paglalathala.
-
-
Pag-iimprenta at Pamamahagi ng Sariling Banal na Salita ng DiyosMga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
-
-
Kabanata 27
Pag-iimprenta at Pamamahagi ng Sariling Banal na Salita ng Diyos
SA MAY labas ng pangunahing palimbagan sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan, sa loob ng ilang dekada ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita ng isang nakapintang mensahe na humihimok sa bawat isa na: “Basahin ang Salita ng Diyos ang Banal na Bibliya Araw-Araw.”
Sila mismo ay masusugid na estudyante ng Salita ng Diyos. Sa paglipas ng mga taon ay nakagamit na sila ng sampu-sampung iba’t ibang salin ng Bibliya sa pagsisikap na matiyak ang eksaktong kahulugan ng orihinal na kinasihang Kasulatan. Ang bawat Saksi ay pinasisiglang magkaroon ng personal na programa ng pang-araw-araw na pagbabasa ng Bibliya. Bilang karagdagan sa kanilang topikong pag-aaral ng Salita ng Diyos, binabasa at tinatalakay nila ang Bibliya mismo nang tuluy-tuloy sa kanilang mga pulong sa kongregasyon. Ang layunin nila ay hindi ang hanapin ang mga teksto upang suhayan ang kanilang idea. Kinikilala nila ang Bibliya bilang sariling kinasihang Salita ng Diyos. Natatalos nila na ito’y nagbibigay ng saway at disiplina, at may kataimtiman silang nagsisikap na iayon ang kanilang pag-iisip at paggawi sa sinasabi nito.—2 Tim. 3:16, 17; ihambing ang 1 Tesalonica 2:13.
Sapagkat sila’y kumbinsido na ang Bibliya ang siyang sariling banal na Salita ng Diyos at sapagkat nalalaman nila ang maluwalhating mabuting balitang nilalaman nito, ang mga Saksi ni Jehova ay masisigasig din na tagapaglathala at tagapamahagi ng Bibliya.
Isang Samahang Naglalathala ng Bibliya
Noong 1896 ang tuwirang pagtukoy sa Bibliya ay opisyal na inilakip sa pangalan ng legal na korporasyon na ginagamit noon ng mga Estudyante ng Bibliya sa kanilang gawaing paglalathala. Noong panahong iyon ang Zion’s Watch Tower Tract Society ay legal na nakilala bilang ang Watch Tower Bible and Tract Society.a Ang Samahan ay hindi karaka-rakang naging isang tagapaglimbag at tagapagbalat ng mga Bibliya, subalit naging isang aktibong tagapaglathala ng mga ito, na nagbabalangkas ng kinakailangang mga detalye, nagdaragdag ng mahahalagang katangian, at pagkatapos ay nakikipag-ayos sa lokal na mga kompanya upang gawin ang paglilimbag at pagpapabalat.
Kahit bago ng 1896, marami na ang nagagawa ng Samahan bilang isang tagapamahagi ng Bibliya. Hindi dahil sa komersiyal na pakinabang kundi bilang serbisyo sa mga mambabasa nito, itinawag-pansin nito ang iba’t ibang mga salin ng Bibliya na makukuha, binili ang mga ito nang pakyawan upang maging mababa ang halaga, at pagkatapos ay inialok ang mga ito sa halagang kung minsa’y 35 porsiyento lamang ng presyo sa mga tindahan. Kalakip sa mga ito ay ang maraming edisyon ng King James Version na madaling dalhin at gamitin, gayundin ang mas malalaking ‘Teachers’ Bibles’ (King James Version na may mga tulong tulad ng isang konkordansiya, mga mapa, at panggilid na reperensiya), ang The Emphatic Diaglott na may saling interlinear mula sa Griego tungo sa Ingles, ang salin ni Leeser na naglagay ng tekstong Ingles na kaagapay ng Hebreo, ang salin ni Murdock mula sa sinaunang Syriac, ang The Newberry Bible na may mga panggilid na reperensiya na tumatawag-pansin sa mga paggamit sa banal na pangalan sa orihinal na wika gayundin ang ibang mahahalagang detalye may kinalaman sa tekstong Hebreo at Griego, ang New Testament ni Tischendorf na may mga reperensiyang talababa na nagbibigay ng iba’t ibang mga salin ng tatlo sa pinakakumpletong sinaunang Griegong manuskrito ng Bibliya (ang Sinaitic, Vatican, at Alexandrine), ang Variorum Bible na may mga talababa na hindi lamang nagbibigay ng iba’t ibang mga salin ng sinaunang mga manuskrito kundi ng iba’t ibang mga salin din ng mga bahagi ng teksto ng kilalang mga iskolar, at ang literal na salin ni Young. Ang Samahan ay nag-alok din ng mga pantulong tulad ng Cruden’s Concordance at ng Analytical Concordance ni Young na may mga komento sa orihinal na mga salitang Hebreo at Griego. Nang sumunod na mga taon, sa buong globo madalas na kumukuha ang mga Saksi ni Jehova mula sa ibang mga samahan ng Bibliya ng libu-libong Bibliya sa anumang wika na mayroon at ipinamamahagi ang mga ito.
Sing-aga ng 1890, ayon sa makukuhang ebidensiya, isinaayos ng Samahan ang isang pantanging pag-iimprenta, na taglay ang sariling pangalan nito, ng Ikalawang Edisyon ng The New Testament Newly Translated and Critically Emphasised, gaya ng inihanda ng tagapagsalin ng Bibliya na taga-Britanya na si Joseph B. Rotherham. Bakit ang saling ito ang pinili? Dahil sa pagiging literal nito at sa pagsisikap nito na lubusang makinabang mula sa pagsasaliksik na ginawa upang magtatag ng isang tekstong Griego na may higit na kawastuan at sapagkat ang mambabasa ay tinulungan ng mga pamamaraan na ginamit ng tagapagsalin upang ipakita kung aling mga salita o pangungusap ang binigyan ng pantanging pagdiriin sa tekstong Griego.
Noong 1902 isang pantanging pag-iimprenta ng Holman Linear Parallel Edition ng Bibliya ang ipinagawa ng Samahang Watch Tower. Ito’y may malalapad na mardyin na kinalalagyan ng inimprentang mga reperensiya sa mga lugar sa mga publikasyon ng Watch Tower kung saan ipinaliliwanag ang iba’t ibang mga talata, gayundin isang indise na nagtatala ng maraming paksa kasama ang pagbanggit ng mga teksto sa Kasulatan at nakatutulong na mga reperensiya sa mga publikasyon ng Samahan. Ang Bibliyang ito ay kinalalamnan ng dalawang salin—ang King James ay nakalagay sa may itaas ng Revised Version kapag nagkakaiba ang dalawa. May kalakip ding isang malawakang konkordansiya na nagpapabatid sa gumagamit ng iba’t ibang kahulugan ng mga salita sa orihinal na wika.
Noong taon ding iyon, naging pag-aari ng Samahang Watch Tower ang mga platong ginagamit sa pag-iimprenta ng The Emphatic Diaglott, na gumagamit ng Griegong teksto ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ni J. J. Griesbach (edisyon ng 1796-1806) kasama ng isang interlinear na salin sa Ingles. Sa may gilid nito ay ang salin ng teksto ni Benjamin Wilson, isang taga-Britanya na noo’y naninirahan sa Geneva, Illinois, E.U.A. Ang mga platong iyon at ang natatanging karapatan sa paglalathala ay binili at pagkatapos ay ipinagkaloob bilang regalo sa Samahan. Nang maipadala na ang mga kopyang dating naimprenta, ang Samahan ay nagsaayos para sa higit pang pag-iimprenta, at ang mga iyon ay nakuha simula noong 1903.
Apat na taon pagkaraan, noong 1907, ang Bible Students Edition ng King James Version ay inilathala. Ang “Berean Bible Teachers’ Manual” ay kasama sa pagpapabalat nito, bilang isang apendise. Ito’y naglalaan ng maiikling komento sa mga talata mula sa lahat ng bahagi ng Bibliya, gayundin ng mga reperensiya sa mga publikasyon ng Watch Tower para sa higit na paliwanag. Isang edisyong may pinalaking apendise ang inilathala mga isang taon pagkaraan nito.
Ang mga Bibliyang ito ay kinuha mula sa mga manlilimbag at mga tagapagpabalat ng aklat sa pangmaramihang pidido mula 5,000 hanggang 10,000 sa bawat pagkakataon, upang pababain ang halaga. Ibig ng Samahan na iparating ang sari-saring mga salin ng Bibliya at mga pantulong sa pagsasaliksik sa pinakamaraming tao hangga’t maaari.
Pagkatapos, noong 1926 ang Samahang Watch Tower ay gumawa ng malaking hakbang sa patuloy na paglalathala nito ng mga Bibliya.
Naglimbag ng Bibliya sa Sarili Nating mga Imprenta
Lumipas ang 36 na taon mula nang unang maglathala ito ng mga Bibliya bago ang Watch Tower Bible and Tract Society ay naglimbag at nagpabalat ng Bibliya sa sarili nitong palimbagan. Ang unang nilimbag ay ang The Emphatic Diaglott, na ang mga plato nito ay naging pag-aari ng Samahan sa loob ng 24 na taon. Noong Disyembre 1926 ang Bibliyang ito ay inimprenta sa isang flatbed press sa palimbagan ng Samahan sa Concord Street sa Brooklyn. Hanggang sa panahong ito, 427,924 ng mga ito ang nalimbag.
Labing-anim na taon pagkaraan nito, sa kalagitnaan ng Digmaang Pandaigdig II, sinimulang limbagin ng Samahan ang buong Bibliya. Upang magawa ito, ang mga plato para sa King James Version na may panggilid na mga reperensiya ay binili noong 1942 mula sa A. J. Holman Company, ng Philadelphia, Pennsylvania. Ang pagsasaling ito ng buong Bibliya sa Ingles ay ginawa, hindi mula sa Latin Vulgate, ng mga iskolar na nakapaghambing ng naunang salin sa orihinal na Hebreo, Aramaiko, at Griego. Isang maingat na dinisenyong konkordansiya, na inihanda ng mahigit na 150 nagtutulungang mga lingkod ni Jehova, ang idinagdag. Ito’y tanging sinadya upang tumulong sa mga Saksi ni Jehova na madaling hanapin ang angkop na mga teksto kapag nasa ministeryo sa larangan at sa gayo’y mabisang magamit ang Bibliya bilang “tabak ng espiritu,” upang alisin at ilantad ang relihiyosong kabulaanan. (Efe. 6:17) Upang maipamahagi ang Bibliya sa mga tao saanman sa mababang halaga, ito’y inilimbag sa isang web rotary press—bagay na hindi man lamang sinubukan ng ibang mga manlilimbag ng Bibliya. Hanggang noong 1992, isang kabuuang 1,858,368 ng mga Bibliyang ito ang nailimbag.
Ang gusto ng mga Saksi ni Jehova ay higit pa kaysa pagpapasakamay ng mga kopya ng Bibliya, ng aklat lamang, sa mga tao. Ibig ng mga Saksi na tulungan ang mga taong makilala ang personal na pangalan, gayundin ang layunin, ng banal na awtor nito, ang Diyos na Jehova. May isang salin sa Ingles—ang American Standard Version ng 1901—na gumamit ng banal na pangalan sa mahigit na 6,870 lugar kung saan lumilitaw ito sa mga tekstong pinagkunan ng mga tagapagsalin. Noong 1944, pagkaraan ng ilang buwang negosasyon, ang Samahang Watch Tower ay bumili ng karapatan na gumawa ng kopya ng mga plato para sa Bibliyang ito mula sa mga plato at tipo na inilaan ng Thomas Nelson and Sons, ng New York. Sa loob ng sumunod na 48 taon, 1,039,482 kopya ang inilimbag.
Si Steven Byington, ng Ballard Vale, Massachusetts, E.U.A., ay gumawa rin ng isang salin ng Bibliya sa modernong Ingles na naglagay ng pangalan ng Diyos sa wastong dako. Ang Samahang Watch Tower ay naging may-ari ng kaniyang di-pa-nailalathalang manuskrito noong 1951 at nakuha ang tanging karapatan sa paglalathala noong 1961. Ang kumpletong saling ito ay inilimbag noong 1972. Magpahanggang sa 1992, mayroon nang 262,573 na nailimbag.
Gayunman, samantalang ginagawa ito, isa pang mahalagang pangyayari ang naganap.
Paglalathala ng New World Translation
Noo’y unang bahagi ng Oktubre 1946 nang si Nathan H. Knorr, noo’y presidente ng Samahang Watch Tower, ay unang nagmungkahi na ang Samahan ay gumawa ng isang bagong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang aktuwal na gawain sa saling ito ay nagpasimula noong Disyembre 2, 1947. Ang kumpletong teksto ay maingat na nirepaso ng buong komiteng tagapagsalin, na lahat sa kanila’y mga Kristiyanong pinahiran-ng-espiritu. Pagkatapos, noong Setyembre 3, 1949, tinipon ni Brother Knorr sa isang pinagsamang miting ang mga lupon ng mga direktor ng korporasyon ng Samahan kapuwa sa New York at Pennsylvania. Ipinatalastas niya sa kanila na tinapos na ng New World Bible Translation Committee ang isang modernong-wikang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan at ipinagkaloob ito sa Samahan upang ito’y ilathala.b Ito’y isang lubusang bagong salin mula sa orihinal na Griego.
Talaga bang kailangan ang isa pang salin? Noong panahong iyon, ang buong Bibliya ay nailathala na sa 190 wika, at ang bahagi nito ay naisalin na sa 928 karagdagang wika at diyalekto. Madalas na nagagamit din ng mga Saksi ni Jehova ang marami sa mga saling ito. Subalit ang totoo, ang karamihan ng mga ito ay ginawa ng mga klerigo at misyonero ng mga sekta ng Sangkakristiyanuhan, at sa iba’t ibang antas ang kanilang mga salin ay naimpluwensiyahan ng paganong mga pilosopiya at di-maka-Kasulatang mga tradisyon na minana ng kanilang mga sistemang relihiyoso mula sa sinaunang panahon at gayundin ng pagkiling nila sa “higher criticism.” Karagdagan pa, dumarami noon ang makukuhang mas matanda at higit na maaasahang mga manuskrito ng Bibliya. Ang wikang Griego ng unang siglo ay higit na nauunawaan bunga ng mga tuklas ng arkeolohiya. Gayundin, ang mga wikang ginagamit sa pagsasalin ay nagkakaroon din ng mga pagbabago sa paglipas ng mga taon.
Nais ng mga Saksi ni Jehova ang isang salin na nakikinabang mula sa pinakabagong pagsasaliksik ng mga iskolar, isa na hindi hinaluan ng mga kredo at tradisyon ng Sangkakristiyanuhan, isang literal na salin na buong-katapatang naghaharap kung ano ang nasa orihinal na kasulatan at sa gayo’y makapaglalaan ng saligan para sa patuloy na pagsulong sa kaalaman hinggil sa banal na katotohanan, isang salin na magiging malinaw at madaling mauunawaan ng modernong-panahong mga mambabasa. Pinunan ng New World Translation of the Christian Greek Scriptures, na inilabas noong 1950, ang pangangailangang ito—para sa bahagi man lamang na iyon ng Bibliya. Nang sinimulang gamitin ito ng mga Saksi ni Jehova, gayon na lamang ang tuwa nila hindi lamang dahil sa madaling basahin ang modernong wika nito kundi dahil sa natalos nila na nakakukuha sila ng isang lalong malinaw na pagkaunawa ng kahulugan ng kinasihang Salita ng Diyos.
Isa sa kapansin-pansing mga katangian ng saling ito ay ang pagsasauli ng banal na pangalan, ang personal na pangalan ng Diyos, si Jehova, nang 237 ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Hindi ito ang unang salin na nagsauli ng pangalan.c Subalit maaaring ito ang unang gumawa nito nang patuluyan mula sa Mateo hanggang sa Apocalipsis. Isang malawakang pagtalakay sa bagay na ito sa paunang salita ang nagpakita ng matibay na saligan sa nagawang ito.
Pagkatapos nito, ang Hebreong Kasulatan ay isinalin sa Ingles at sunud-sunod na inilabas, sa limang magkakahiwalay na tomo, simula noong 1953. Katulad ng ginawa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, maingat nilang sinikap na ihatid sa literal na paraan hangga’t maaari ang nasa teksto sa orihinal na wika. Binigyan ng pantanging pansin ang pagkakasuwato ng mga salin, na wastong ipinararating ang aksiyon o kalagayang ipinakikita ng mga pandiwa, at gumagamit ng simpleng pananalita na madaling mauunawaan ng makabagong-panahong mga mambabasa. Saanman lumilitaw ang Tetragrammaton sa tekstong Hebreo, ito’y angkop na isinalin bilang ang personal na pangalan ng Diyos, sa halip na halinhan ito ng ibang termino gaya ng nakaugalian sa ibang mga salin. Mga artikulo sa apendise at mga talababa sa mga tomong ito ang nagpangyaring masiyasat ng masusugid na estudyante ang saligan para sa mga saling ginamit.
Noong Marso 13, 1960, tinapos ng New World Bible Translation Committee ang pangwakas na pagbasa ng teksto para sa bahagi ng Bibliyang ilalagay sa ikalimang tomo. Iyon ay 12 taon, 3 buwan, at 11 araw matapos simulan ang aktuwal na pagsasalin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ilang buwan pagkaraan nito, ang huling tomong iyon ng Hebreong Kasulatan ay nakalimbag na at inilabas upang maipamahagi.
Sa halip na maghiwa-hiwalay nang matapos ang proyektong iyon, ang komiteng tagapagsalin ay nagpatuloy sa gawain nito. Isang malawakang pagrerepaso ng buong salin ang ginawa. Pagkatapos, ang kumpletong New World Translation of the Holy Scriptures, isang rebisadong edisyon sa iisang tomo, ay inilathala ng Samahang Watch Tower noong 1961. Ito’y ipinamahagi sa halagang isang dolyar lamang (E.U.) upang ang sinuman, anuman ang pinansiyal na kalagayan niya, ay makakukuha ng kopya ng Salita ng Diyos.
Dalawang taon pagkaraan isang pantanging edisyon para sa mga estudyante ang inilathala. Pinagsama-sama nito sa isang tomo ang lahat ng orihinal na mga tomo, nang walang rebisyon, taglay ang libu-libong mahahalagang talababa sa teksto, gayundin ang mga pagtalakay sa paunang salita at sa apendise. Pinanatili rin nito ang mahahalagang kaugnay na reperensiya na umakay sa mga mambabasa sa kaparehong mga salita, kaugnay na mga diwa o pangyayari, impormasyon sa talambuhay, mga detalye sa heograpiya, mga katuparan ng mga hula, at tuwirang pagsipi sa Bibliya o mula sa ibang bahagi nito.
Mula nang ilathala ang nag-iisang tomong edisyon ng 1961, apat pang napapanahong rebisyon ang inilabas. Ang pinakabago sa mga ito ay noong 1984, nang ilathala ang isang malaking-titik na edisyon na may malawakang apendise, 125,000 panggilid na reperensiya, 11,400 nagbibigay-liwanag na talababa, at isang konkordansiya. Ang mga katangian ng edisyong ito ay tumutulong sa mga estudyante na maunawaan kung bakit kailangang maging gayon ang pagkakasalin sa iba’t ibang mga teksto upang maging wasto, gayundin kung kailan maaaring wastong isalin ang mga teksto sa iba pang paraan. Ang mga kaugnay na reperensiya ay tumutulong din sa kanila upang higit na pahalagahan ang lubos na pagkakasuwato sa pagitan ng iba’t ibang mga aklat ng Bibliya.
Bilang bahagi ng taimtim na pagsisikap ng New World Bible Translation Committee na tulungan ang mga umiibig sa Salita ng Diyos na makilala ang mga nilalaman ng orihinal na tekstong Koine (karaniwang Griego) ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, inilabas ng komite ang The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures. Ito’y unang inilathala ng Samahang Watch Tower noong 1969 at pagkatapos ay nirebisa noong 1985. Naglalaman ito ng The New Testament in the Original Greek, gaya ng binuo nina B. F. Westcott at F. J. A. Hort. Nasa gawing kanan ng pahina ang teksto ng New World Translation (ang rebisyon ng 1984 sa pinakabagong edisyon). Subalit, bukod dito, sa pagitan ng mga linya ng tekstong Griego, may isa pang salin, isang napakaliteral, salita-por-salitang salin ng aktuwal na sinasabi ng Griego ayon sa saligang kahulugan at gramatika ng bawat salita. Ito’y tumutulong kahit sa mga estudyanteng hindi nakababasa ng Griego na malaman kung ano ang aktuwal na naroroon sa tekstong Griego.
Ang gawain bang ito sa New World Translation ay para sa kapakinabangan lamang ng mga makababasa ng Ingles? Sa maraming lugar ang mga misyonero ng Watch Tower ay nahihirapang makakuha ng sapat na mga Bibliya sa lokal na wika upang ipamahagi sa mga taong gustong magkaroon ng personal na sipi ng Salita ng Diyos. Kadalasan, sa ibang bahagi ng daigdig, ang mga misyonerong ito ang siyang pangunahing tagapamahagi ng mga Bibliyang iniimprenta ng ibang mga samahan ng Bibliya. Subalit hindi ito laging minamabuti ng mga tauhang relihiyoso na kumakatawan sa mga samahan ng Bibliyang iyon. Karagdagan pa, ang ilan sa mga Bibliyang ito ay hindi siyang pinakamahusay na mga salin.
Pagsasalin sa Ibang mga Wika
Nang taóng unang lumabas ang kumpletong New World Translation sa nag-iisang tomo, alalaong baga’y 1961, isang grupo ng bihasang mga tagapagsalin ang tinipon upang isalin ang tekstong Ingles sa anim pang wika na malawakang ginagamit—Olandes, Pranses, Aleman, Italyano, Portuges, at Kastila. Ang muling pagsasalin mula sa Ingles, na may kasaling paghahambing sa Hebreo at Griego, ay hindi mahirap gawin dahil sa pagiging literal ng mismong saling Ingles. Ang mga tagapagsalin ay gumawa bilang isang internasyonal na komite na kaugnay ng New World Bible Translation Committee, sa punong-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn, New York. Noong 1963 ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay nilimbag at inilabas sa lahat ng anim na wikang ito.
Pagsapit ng 1992 ang kumpletong New World Translation of the Holy Scriptures ay makukuha na sa 12 wika—Czech, Danes, Olandes, Ingles, Pranses, Aleman, Italyano, Hapones, Portuges, Slovak, Kastila, at Sweko. Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay makukuha sa dalawa pang wika. Nangangahulugan iyan na ang saling ito ay makukuha sa katutubong wika ng mga 1,400,000,000 katao, o mahigit na sangkapat na bahagi ng populasyon ng daigdig, at marami pa ang nakikinabang dahil sa pagsasalin ng mga bahagi nito sa 97 iba pang wika sa Ang Bantayan. Gayunman, yaong mga nagbabasa ng 97 wikang ito ay nananabik na magkaroon ng buong New World Translation sa kanilang sariling wika. Pagsapit ng 1992, may mga kaayusang ginagawa upang ilathala ang saling ito sa 16 na mga wikang ito at kumpletohin ang Hebreong Kasulatan sa 2 wika na ang taglay lamang noon ay ang Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Yamang ang paglalathala ng mga Bibliyang ito ay ginawa sa sariling mga palimbagan ng Samahan ng mga boluntaryong manggagawa, ang mga ito’y maaaring ipamahagi sa mababang halaga. Noong 1972 nang ang New World Translation sa Aleman ay ipinakita ng isang Saksing taga-Austria sa isang nagpapabalat ng aklat at tinanong siya kung magkano sa palagay niya ang magiging halaga nito, ang lalaki ay namangha nang malaman na ang iminungkahing kontribusyon ay sampung porsiyento lamang ng halagang binanggit niya.
Ipinakikita ng ilang halimbawa ang bisa ng saling ito. Sa Pransya sa loob ng maraming siglo ang mga lego ay pinagbawalan ng Iglesya Katolika na magkaroon ng Bibliya. Ang mga saling Katoliko na makukuha ay mataas ang halaga, at kakaunti lamang ang mga tahanang mayroon nito. Ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures ay inilabas sa Pranses noong 1963, na sinundan ng kumpletong Bibliya noong 1974. Pagsapit ng 1992 isang kabuuang 2,437,711 kopya ng New World Translation ang naipadala upang ipamahagi sa Pransya; at ang bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Pransya ay sumulong nang 488 porsiyento noong panahon ding iyon, na umaabot sa kabuuang 119,674.
Nakakatulad din ang nangyari sa Italya. Ang mga tao ay matagal nang pinagbawalang magkaroon ng kopya ng Bibliya. Matapos ilabas ang edisyong Italyano ng New World Translation at hanggang noong 1992, may 3,597,220 kopya na ipinamahagi; ang kalakhang bahagi nito ay ang kumpletong Bibliya. Gustong suriin mismo ng mga tao kung ano ang nilalaman ng Salita ng Diyos. Kapansin-pansin, sa loob ng panahon ding iyon, ang bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Italya ay mabilis na sumulong—mula sa 7,801 tungo sa 194,013.
Nang inilabas ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures sa Portuges, mayroon lamang 30,118 Saksi sa Brazil at 1,798 sa Portugal. Nang sumunod na mga taon, magpahanggang 1992, isang kabuuang bilang na 213,438 kopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan at 4,153,738 kopya ng buong Bibliya sa Portuges ang ipinadala sa mga indibiduwal at mga kongregasyon sa mga lupaing ito. Ano ang naging bunga? Sa Brazil, nag-ibayo nang mahigit sa 11 ulit ang aktibong mga tagapuri kay Jehova; at sa Portugal ay 22 ulit. Sampu-sampung libong tao na kailanma’y hindi nagkaroon ng Bibliya ang nalugod nang magkaroon ng isa, at ang iba’y nasisiyahan na magkaroon ng Bibliya na gumagamit ng mga salitang madali nilang maunawaan. Nang inilabas ang New World Translation of the Holy Scriptures—With References sa Brazil, binanggit ng mga pahayagan na ito ang pinakakumpletong bersiyon (alalaong baga’y, may higit na mga kaugnay na reperensiya at mga talababa) na makukuha sa buong bansa. Pinansin din nito na ang unang bilang na inimprenta ay mas malaki nang sampung ulit kaysa niyaong sa karamihan ng pambansang mga edisyon.
Ang edisyong Kastila ng New World Translation of the Christian Greek Scriptures ay inilabas din noong 1963, na sinundan noong 1967 ng buong Bibliya. May 527,451 kopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na inilathala, at pagkatapos nito, magpahanggang 1992, ay isang kabuuang bilang na 17,445,782 kopya ng buong Bibliya sa Kastila. Ito’y nagpangyari sa kapansin-pansing pagsulong sa bilang ng mga tagapuri kay Jehova sa mga lupaing nagsasalita ng Kastila. Kaya, mula 1963 hanggang 1992, sa mga lupaing pangunahing nagsasalita ng Kastila kung saan ginaganap ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang ministeryo, ang bilang nila ay sumulong mula sa 82,106 tungo sa 942,551. At sa Estados Unidos, noong 1992, may karagdagan pang 130,224 na Saksi ni Jehova na nagsasalita ng Kastila.
Hindi lamang sa mga lupaing sakop ng Sangkakristiyanuhan tinanggap nang buong sigla ang New World Translation. Nang unang taon matapos ilathala ang edisyong Hapones, ang tanggapang pansangay sa Hapón ay tumanggap ng mga pidido para sa kalahating milyong kopya.
Hanggang noong 1992 ang inimprentang kumpletong New World Translation of the Holy Scriptures, sa 12 wikang makukuha noon, ay may bilang na 70,105,258 kopya. Karagdagan pa rito, 8,819,080 kopya ng mga bahagi ng salin ang inilimbag.
Inilabas ang Bibliya sa Iba’t Ibang mga Anyo
Ang paggamit ng computer sa gawain ng Samahang Watch Tower, simula noong 1977, ay tumulong sa paglilimbag ng Bibliya, tulad sa ibang mga bahagi ng gawaing paglalathala. Tumulong ito sa mga tagapagsalin na magkaroon ng higit na pagkakasuwato sa kanilang salin; pinadali rin nito ang pag-iimprenta ng Bibliya sa iba’t ibang anyo.
Pagkatapos na maipasok sa computer ang buong teksto ng Bibliya, hindi na mahirap na gumamit ng electronic phototypesetter upang limbagin ang teksto sa iba’t ibang laki at anyo. Una, noong 1981, ay ang edisyong regular ang laki sa Ingles na may konkordansiya at iba pang nakatutulong na mga katangian sa apendise. Ito ang unang edisyon na nilimbag ng Samahang Watch Tower sa isang web offset press. Pagkatapos na maipasok sa tekstong nasa computer ang kabutihang dulot ng pagrerebisa, isang edisyong malalaki ang titik sa Ingles ang inilabas noong 1984; kasama rito ang maraming mahahalagang bahagi para sa pagsasaliksik. Isang edisyong Ingles ng rebisyon ding iyon na regular ang laki ang inilabas din nang taóng iyon; kasama rin ang mga kaugnay na mga reperensiya at isang konkordansiya, ngunit walang mga talababa; at ang apendise nito ay dinisenyo para sa ministeryo sa larangan sa halip na sa mas masinsinang pag-aaral. Pagkatapos, para sa kapakinabangan ng mga nagnanais ng isang napakaliit na pambulsang edisyon, ito’y inilathala sa Ingles noong 1987. Lahat ng mga edisyong ito ay inilathala rin kaagad sa ibang mga wika.
Karagdagan pa, pinag-ukulan din ng pansin ang pagtulong sa mga may pantanging pangangailangan. Upang tulungan ang mga nakakakita subalit nangangailangan ng malaki-laking mga letra, ang buong Ingles na New World Translation sa apat na malalaking tomo ang inilathala noong 1985. Di-nagtagal at ang edisyon ding iyon ay nilimbag sa Aleman, Pranses, Kastila, at Hapones. Bago nito, noong 1983, ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures, sa apat na tomo, ay inilabas sa ikalawang grado na Braille sa Ingles. Pagkaraan ng limang taon pa, ang buong New World Translation ay nailathala na sa Braille sa Ingles sa 18 tomo.
Matutulungan kaya ang ilang tao kung mayroon silang mapakikinggang rekording ng Bibliya? Tiyak iyan. Kaya ito rin ang pinasimulang gawin ng Samahang Watch Tower. Ang unang rekording sa audiocassette ay ang The Good News According to John, sa Ingles, na inilabas noong 1978. Nang maglaon ang buong New World Translation sa Ingles ay inilabas sa 75 audiocassette. Ang nagsimula bilang maliit na gawain lamang ay mabilis na lumago hanggang sa naging napakalaking proyekto. Di-natagalan, ito’y inilabas din sa ibang mga wika. Pagsapit ng 1992 ang New World Translation, maging buo o bahagi lamang, ay makukuha na sa audiocassette sa 14 na wika. Nang pasimula, ipinagawa ng ilang sangay ang gawaing ito sa komersiyal na mga kompanya. Magpahanggang sa 1992, sa sariling kagamitan nito, ang Samahang Watch Tower ay nakapaglabas na ng mahigit sa 31,000,000 ng gayong mga audiocassette.
Ang kapakinabangan ng mga audiocassette ng Bibliya at ang mga paraan ng paggamit nito ay makapupung higit kaysa inaasahan noong una. Sa lahat ng panig ng lupa, ang mga tao ay gumagamit ng mga cassette player. Marami na hindi marunong bumasa ang natulungan sa paraang ito upang personal na makinabang mula sa banal na Salita ng Diyos. Napakikinggan ng mga maybahay ang mga audiocassette habang gumagawa ng kanilang gawaing-bahay. Pinakikinggan ng mga lalaki ang mga ito sa mga tape deck habang nakasakay sa kotse papunta sa kanilang trabaho. Napasulong ang kakayahang magturo ng indibiduwal na mga Saksi habang regular nilang pinakikinggan ang Salita ng Diyos at pinapansin ang pagbigkas ng mga pangalan sa Bibliya at ang paraan ng pagbasa ng mga sinisiping bahagi ng Kasulatan.
Noong 1992, iba’t ibang mga edisyon ng New World Translation ang nililimbag sa mga press ng Samahan sa Hilaga at Timog Amerika, sa Europa, at sa Silangan. Isang kabuuang bilang na 78,924,338 tomo ang nailathala na at inilabas upang maipamahagi. Sa Brooklyn lamang, may tatlong malalaki, mabibilis na web offset press na halos walang ibang ginagawa kundi ang paglalathala ng Bibliya. Kung pagsasamaha-samahin, ang mga press na ito ay makapag-iimprenta ng katumbas sa 7,900 Bibliya bawat oras, at kung minsan ay kailangang gumamit ng karagdagang panahon sa pagpapaandar ng mga ito.
Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aalok sa mga tao ng higit kaysa isang Bibliya na maaaring ilagay na lamang nila sa aklatan. Sila’y nag-aalok sa kaninumang interesado sa Bibliya—kumuha man siya ng kopya mula sa mga Saksi ni Jehova o hindi—ng isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ang mga pag-aaral na ito ay hindi nagpapatuloy nang walang katapusan. Dinidibdib ng ilang estudyante ang kanilang natututuhan, nagiging bautisadong mga Saksi, at pagkatapos ay nakikibahagi sa pagtuturo sa iba. Pagkaraan ng ilang buwan, kung walang nagawang makatuwirang pagsulong sa pagkakapit ng natutuhan, madalas na inihihinto ang mga pag-aaral upang matulungan pa ang ibang tao na may tunay na interes. Noong 1992, ang mga Saksi ni Jehova ay naglalaan sa 4,278,127 indibiduwal o mga sambahayan nang walang-bayad na paglilingkod na ito sa pag-aaral sa Bibliya, karaniwa’y linggu-linggo.
Kaya, sa paraan na hindi matutularan ng alinmang ibang organisasyon, ang mga Saksi ni Jehova ay mga tagapaglathala at tagapamahagi ng Bibliya at mga tagapagturo ng banal na Salita ng Diyos.
-