Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Kung Papaano Pinili at Inakay ng Diyos
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
    • araw at oras ng katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. (Mat. 24:36) Noong pasimula ay hindi naunawaan ng mga apostol na ang Kaharian ni Jesus ay magiging makalangit, na hindi ito itatatag sa unang siglo, at na ito’y maaari pa ring manahin kahit na ng mga Gentil.​—Luc. 19:11; Gawa 1:6, 7; 10:9-16, 34, 35; 2 Tim. 4:18; Apoc. 5:9, 10.

      Hindi natin dapat pagtakhan na sa modernong panahon din naman madalas na inaakay ni Jehova ang kaniyang bayan bilang isang pasulong na organisasyon, na unti-unti silang binibigyan ng liwanag may kaugnayan sa mga katotohanan ng Bibliya. Hindi ang mismong mga katotohanan ang siyang nagbabago. Ang katotohanan ay laging nananatiling katotohanan. Ang kalooban at layunin ni Jehova, gaya ng binabalangkas sa Bibliya, ay di-nagbabago. (Isa. 46:10) Subalit ang kanilang pagkaunawa sa mga katotohanang ito ay nagiging higit at higit na maliwanag “sa wastong kapanahunan,” sa takdang panahon ni Jehova. (Mat. 24:45; ihambing ang Daniel 12:4, 9.) Kung minsan, dahil sa pagkakamali ng tao o di-wastong sigasig, baka kailangang baguhin ang kanilang pangmalas.

      Halimbawa, sa iba’t ibang panahon sa makabagong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova, ang kanilang sigasig at sigla para sa pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova ay umakay sa wala-sa-panahong mga pag-asa tungkol sa kung kailan darating ang katapusan ng balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas. (Ezek. 38:21-23) Subalit hindi isiniwalat ni Jehova nang una pa ang eksaktong panahon. (Gawa 1:7) Kaya, kinailangang baguhin ng bayan ni Jehova ang kanilang mga pangmalas sa bagay na ito.

      Ang gayong mga pagbabago ng pangmalas ay hindi nangangahulugan na nagbago ang layunin ng Diyos. Ni ipinahihiwatig ng mga ito na ang katapusan ng sistemang ito ay nasa malayong hinaharap pa. Sa kabaligtaran nito, ang katuparan ng mga hula ng Bibliya tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay nagpapatunay na malapit na ang katapusan. (Mat. 24:3) Buweno, ang pagkakaroon ba ng mga Saksi ni Jehova ng ilang wala-sa-panahong mga pag-asa ay nangangahulugan na hindi sila inaakay ng Diyos? Hindi, kung papaanong ang pagtatanong ng mga alagad hinggil sa kalapitan ng Kaharian noong kanilang kaarawan ay hindi nangangahulugan na hindi sila pinili at inakay ng Diyos!​—Gawa 1:6; ihambing ang Gawa 2:47; 6:7.

      Bakit natitiyak ng mga Saksi ni Jehova na taglay nila ang tunay na relihiyon? Sapagkat kanilang pinaniniwalaan at tinatanggap ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga pagkakakilanlan ng tunay na mga mananamba. Ang kanilang makabagong-panahong kasaysayan, gaya ng tinalakay sa naunang mga kabanata ng publikasyong ito, ay nagpapakita na, hindi lamang bilang mga indibiduwal kundi bilang isang organisasyon, sila’y tumutugon sa mga kahilingan: Kanilang buong-katapatang itinataguyod ang Bibliya bilang banal na Salita ng katotohanan ng Diyos (Juan 17:17); sila’y nananatiling lubusang hiwalay mula sa mga bagay sa sanlibutan (Sant. 1:27; 4:4); sila’y nagpapatotoo sa banal na pangalan, Jehova, at naghahayag ng Kaharian ng Diyos bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan (Mat. 6:9; 24:14; Juan 17:26); at sila’y may tunay na pag-ibig sa isa’t isa.​—Juan 13:34, 35.

      Bakit ang pag-ibig ay isang namumukud-tanging pagkakakilanlan ng mga mananamba ng tunay na Diyos? Anong uri ng pag-ibig ang nagpapakilala sa tunay na mga Kristiyano?

  • “Sa Ganito’y Makikilala ng Lahat na Kayo’y Aking mga Alagad”
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
    • Kabanata 32

      “Sa Ganito’y Makikilala ng Lahat na Kayo’y Aking mga Alagad”

      NOON ay Nisan 14, 33 C.E., huling gabi ng makalupang buhay ni Jesus. Alam niya na malapit na ang kaniyang kamatayan, subalit hindi niya iniisip ang kaniyang sarili. Sa halip, kaniyang sinamantala ang pagkakataong ito upang patibayin ang loob ng kaniyang mga alagad.

      Alam ni Jesus na hindi magiging madali para sa kanila pagkaalis niya. Sila’y magiging “tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa” dahil sa kaniyang pangalan. (Mat. 24:9) Sisikapin ni Satanas na sila’y pagwatak-watakin at parumihin. (Luc. 22:31) Bilang bunga ng apostasya, mga huwad na Kristiyano ang sisibol. (Mat. 13:24-30, 36-43) At ‘dahil sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng marami ay lalamig.’ (Mat. 24:12) Sa harap ng lahat ng ito, ano ang magbubuklod sa kaniyang tunay na mga alagad? Higit sa lahat, ang kanilang pag-ibig kay Jehova ang siyang tali na magbubuklod sa kanila. (Mat. 22:37, 38) Subalit kailangan ding ibigin nila ang isa’t isa at gawin ito sa paraan na magtatangi sa kanila mula sa mga iba sa sanlibutan. (Col. 3:14; 1 Juan 4:20) Anong uri ng pag-ibig ang sinabi ni Jesus na malinaw na magpapakilala sa kaniyang tunay na mga tagasunod?

      Noong huling gabing iyon, inutusan sila ni Jesus nang ganito: “Binibigyan ko kayo ng bagong utos, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; na kung papaanong inibig ko kayo, ay mag-ibigan naman kayo sa isa’t isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Binanggit ni Jesus ang pag-ibig nang mahigit na 20 ulit noong gabing iyon. At tatlong ulit na binanggit niya ang utos na sila’y “mag-ibigan sa isa’t isa.” (Juan 15:12, 17) Maliwanag na ang nasa isip ni Jesus ay hindi lamang ang kaniyang 11 tapat na apostol na kasama niya noong gabing iyon kundi ang lahat ng iba pa na sa kalaunan ay yayakap sa tunay na Kristiyanismo. (Ihambing ang Juan 17:20, 21.) Ang utos na mag-ibigan sa isa’t isa ay kapit sa tunay na mga Kristiyano “sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”​—Mat. 28:20.

      Subalit ibig bang sabihin ni Jesus na sinumang indibiduwal saanman sa daigdig na nagpakita ng kabaitan at pag-ibig sa kaniyang kapuwa-tao ay makikilala dahil dito bilang isa sa tunay na mga alagad ni Jesus?

      “Mag-ibigan Kayo sa Isa’t Isa”

      Noong gabi ring iyon, marami ring sinabi si Jesus hinggil sa pagkakaisa. “Manatili kayong kaisa ko,” ang sinabi niya sa kaniyang mga alagad. (Juan 15:4) Nanalangin siya tungkol sa kaniyang mga tagasunod na “silang lahat ay maging isa,” at idinagdag pa niya, “kung papaanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako’y kaisa mo, upang sila rin ay maging kaisa natin.” (Juan 17:21) Sa kontekstong ito ay inutusan niya sila: “Mag-ibigan kayo sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Kaya ang kanilang pag-ibig ay ipahahayag hindi lamang sa ilang matatalik na kaibigan o sa loob ng iisa lamang kongregasyon. Bilang pag-uulit sa utos ni Jesus, si apostol Pedro ay sumulat nang dakong huli: “Ibigin ninyo ang buong samahan ng magkakapatid [o, ‘ang pagkakapatiran’].” (1 Ped. 2:17, Kingdom Interlinear; ihambing ang 1 Pedro 5:9.) Kaya sila’y mabibigkis bilang isang pambuong-daigdig na magkakapatid. Natatanging pag-ibig ang nararapat na iukol sa lahat sa loob ng pangglobong sambahayan ng mga mananampalataya sapagkat sila’y mamalasin bilang magkakapatid.

      Papaano ipamamalas ang gayong pag-ibig? Ano ang nagpapaging bukod-tangi at kakaiba ng kanilang pag-ibig sa isa’t isa anupat dahil dito’y makikita ng iba ang malinaw na katibayan ng tunay na Kristiyanismo?

      “Kung Papaanong Inibig Ko Kayo”

      “Iibigin ninyo ang inyong kapuwa na gaya ng sa inyong sarili,” ang sabi ng Batas ng Diyos sa Israel mahigit na 1,500 taon bago namuhay si Jesus sa lupa. (Lev. 19:18) Subalit, ang gayong pag-ibig sa kapuwa ay hindi ang pag-ibig na magpapakilala sa mga tagasunod ni Jesus. Nasa isip ni Jesus ang isang uring pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig lamang sa iba na gaya ng sarili.

      Ang utos na mag-ibigan sa isa’t isa, gaya ng sinabi ni Jesus, ay “isang bagong utos.” Bago, hindi sapagkat kabibigay lamang nito kung ihahambing sa Batas Mosaiko, kundi bago sa lawak ng pagsasakatuparan ng pag-ibig na iyon. Mag-ibigan sa isa’t isa “kung papaanong inibig ko kayo,” ang paliwanag ni Jesus. (Juan 13:34) Ang kaniyang pag-ibig para sa kaniyang mga alagad ay matibay, hindi nagbabago. Ito’y isang mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig. Ipinamalas niya ito sa pamamagitan ng paggawa ng higit pa kaysa ilang mabubuting gawa para sa kanila. Pinakain niya sila sa espirituwal at, nang kinailangan, inasikaso ang kanilang pisikal na pangangailangan. (Mat. 15:32-38; Mar. 6:30-34) At bilang sukdulang katunayan ng kaniyang pag-ibig, ibinigay niya ang kaniyang buhay alang-alang sa kanila.​—Juan 15:13.

      Gayon ang katangi-tanging uri ng pag-ibig na hinihiling ng “bagong utos,” ang pag-ibig na tataglayin ng tunay na mga tagasunod ni Jesus para sa isa’t isa. (1 Juan 3:16) Sino sa ngayon ang nagpapatunay na sila’y sumusunod sa “bagong utos”? Ang katibayang iniharap sa unang bahagi ng publikasyong ito ay walang-alinlangang tumutukoy sa iisang pambuong-daigdig na samahan ng mga Kristiyano.

      Sila’y kilala, hindi dahil sa isang pantanging uri ng kasuutan o ilang natatanging mga kostumbre, kundi dahil sa matibay at matalik na ugnayan nila sa isa’t isa. Sila’y nakikilala dahil sa pagpapamalas ng isang pag-ibig na hindi napipigilan ng kaibahan ng mga lahi at hangganan ng mga bansa. Sila’y kilala dahil sa pagtangging makipagbaka laban sa isa’t isa kahit kung ang mga bansang tinitirhan nila ay lumalahok sa digmaan. Natawagan ng pansin ang iba dahil sa paraan ng pagtulong nila sa isa’t isa sa panahon ng kabagabagan, katulad ng kapag biglang sumapit ang likas na mga kalamidad o kapag pinag-usig ang ilang miyembro ng kapatiran nila dahil sa kanilang katapatan sa Diyos. Sila’y handang magbata ng kahirapan o humarap sa panganib upang tulungan ang kanilang mga kapatid na dahil sa kanila’y ibinigay ni Kristo ang kaniyang buhay. At oo, sila’y handang mamatay alang-alang sa isa’t isa. Ang pag-ibig na kanilang ipinamamalas ay namumukud-tangi sa isang sanlibutan ng lumalagong kaimbutan. Sila ang mga Saksi ni Jehova.a

      Isang halimbawa ng pagkilos ng pag-ibig na ito ay nakita pagkatapos ng Buhawing Andrew, na sumalanta sa baybayin ng Florida, E.U.A., noong madaling araw ng Lunes, Agosto 24, 1992. Pagkalipas nito may mga 250,000 tao ang naiwang walang tahanan. Kabilang sa mga biktima ay libu-libong mga Saksi ni Jehova. Kaagad ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay kumilos sa pamamagitan ng paghirang ng isang komite sa pagtulong at pagsasaayos upang makakuha ng mga pondong magagamit. Ang mga tagapangasiwang Kristiyano sa nasalantang lugar ay dali-daling nakipag-ugnayan sa indibiduwal na mga Saksi upang alamin ang kanilang mga pangangailangan at maglaan ng tulong. Kaagad, noong umaga ring iyon ng Lunes, ang araw mismo ng bagyo, ang mga Saksi sa South Carolina, daan-daang milya ang layo, ay nagpadala ng isang trak na may lulan na mga generator, mga lagaring de-motor, at tubig na maiinom. Noong Martes, bukod pa sa higit pang mga suplay na iniabuloy, daan-daang mga boluntaryo mula sa labas ng bayan ang dumating upang tulungan ang lokal na mga kapatid sa pagkukumpuni ng mga Kingdom Hall at pribadong mga tahanan. Tungkol sa kaayusan sa pagtulong na ginawa, isang babaing di-Saksi na nakatira malapit sa isang Kingdom Hall ang nagsabi: “Walang-salang ito na nga ang pag-ibig Kristiyano na binabanggit sa Bibliya.”

      Ang gayong pag-ibig ba ay lumalamig pagkatapos ng isa o dalawang pagpapamalas ng kabaitan? Iyon ba’y para lamang sa mga kalahi o kababayan? Tiyak na hindi! Bilang resulta ng pabagu-bagong kalagayan sa pulitika at ekonomiya sa Zaire, noong 1992 mahigit sa 1,200 Saksi roon ang nawalan ng kanilang mga tahanan at lahat ng kanilang ari-arian. Ang ibang Saksi sa Zaire ay mabilis na tumulong sa kanila. Kahit na sila mismo ay hirap din, tumulong din sila sa mga nagsilikas sa Zaire mula sa Sudan. Di-nagtagal, dumating ang tulong mula sa Timog Aprika at Pransya; may mais, daing na isda, at mga gamot​—mga bagay na talagang magagamit nila. Muli’t muli, inilaan ang tulong, batay sa pangangailangan. At samantalang ito’y nagpapatuloy, gayunding tulong ang inilaan sa iba pang mga lupain.

      Gayunman, hindi pa kampante ang mga Saksi ni Jehova dahil sa pagtataglay nila ng ganitong pag-ibig. Talos nila na, bilang mga tagasunod ni Jesu-Kristo, kailangang patuloy silang maging mapagbantay.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share