-
Paghahayag ng Pagbabalik ng Panginoon (1870-1914)Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
-
-
[Kahon sa pahina 60]
“Abangan ang 1914!”
Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914, ang “The World,” na noon ay isang pangunahing pahayagan sa lunsod ng New York, ay nagsabi sa seksiyon ng magasin nito: “Ang kakila-kilabot na pagsiklab ng digmaan sa Europa ay tumupad ng isang di-pangkaraniwang hula. . . . ‘Abangan ang 1914!’ ang palagiang sigaw ng daan-daang naglalakbay na mga mángangarál ng ebanghelyo, na, bilang kinatawan ng kakaibang paniniwalang ito [kasamahan ni Russell], ay nagparoo’t parito sa bansa habang ipinahahayag ang doktrinang ‘ang Kaharian ng Diyos ay malapit na.’”—“The World Magazine,” Agosto 30, 1914.
-
-
Isang Panahon ng Pagsubok (1914-1918)Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
-
-
Kabanata 6
Isang Panahon ng Pagsubok (1914-1918)
“Alalahanin natin na tayo’y nasa panahon ng pagsubok. . . . Kung may anumang dahilan na aakay sa isa upang bumitaw sa Panginoon at sa Kaniyang Katotohanan at huminto ng pagsasakripisyo para sa Layunin ng Panginoon, kung gayon hindi lamang ang pag-ibig sa Diyos na nasa puso ang nag-udyok upang maging interesado sa Panginoon, kundi mayroon pa; marahil ang pag-asang maikli na ang panahon; ang pagtatalaga niya ay sa isang limitadong panahon lamang. Kung gayon, ngayon na ang tamang panahon para bumitaw.”
ANG mga salitang iyan, na lumabas sa The Watch Tower ng Nobyembre 1, 1914, ay angkop na angkop. Ang mga taon mula 1914 hanggang 1918, ay napatunayan nga na siyang “panahon ng pagsubok” para sa mga Estudyante ng Bibliya. Ang ilang pagsubok ay galing sa loob; ang iba ay galing sa labas. Gayunman, ang lahat ng ito ay sumubok sa mga Estudyante ng Bibliya sa paraang magbubunyag kung talagang taglay nila ‘ang pag-ibig sa Diyos sa kanilang mga puso.’ Manghahawakan ba sila sa “Panginoon at sa Kaniyang Katotohanan” o bibitaw?
Malalaking Inaasahan
Noong Hunyo 28, 1914, si Archduke Francis Ferdinand ng Austria-Hungary ay pataksil na binaril ng isang mamamatay-tao. Ang pataksil na pagpatay na iyon ang nagpasimula ng pagsiklab ng Malaking Digmaan, na siyang dating tawag sa Digmaang Pandaigdig I. Nagsimula ang paglalabanan noong Agosto 1914 nang lusubin ng Alemanya ang Belgium at Pransiya. Pagsapit ng taglagas ng taon ding iyon, lumaganap na ang pagdanak ng dugo.
“Tapos na ang Panahon ng mga Gentil; naganap na ang araw ng kanilang mga hari”! Ganiyan ang bulalas ni Brother Russell sa pagpasok niya sa silid kainan sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Brooklyn noong umaga ng Biyernes, Oktubre 2, 1914. Gayon na lamang ang kanilang pananabik. Karamihan sa naroroon ay kung ilang taon nang hinihintay ang 1914. Subalit ano ang idudulot ng katapusan ng Panahon ng mga Gentil?
Patuloy na nananalanta ang Digmaang Pandaigdig I, at nang panahong iyon ay may paniwalang ang digmaan ay humahantong sa isang panahon ng pandaigdig na kaguluhan na tatapos sa kasalukuyang sistema ng mga bagay. Mayroon pa ring ibang inaasahan may kinalaman sa 1914. Si Alexander H. Macmillan, na nabautismuhan noong Setyembre 1900, ay nakaalaala: “Ang ilan sa amin ay taimtim na nag-akalang aakyat na kami sa langit noong unang linggo ng Oktubre na iyon.”a Sa katunayan, habang ginugunita ang umagang iyon nang ipatalastas ni Russell ang katapusan ng Panahon ng mga Gentil, inamin ni Macmillan: “Kami’y tuwang-tuwa noon at hindi ako magtataka kung nang mga sandaling iyon ay magsimula na kaming pumaitaas, anupat iyon na ang hudyat upang umakyat sa langit—pero siyempre pa walang nangyaring gayon.”
Ang nabigong mga inaasahan tungkol sa pagbabalik ng Panginoong Jesus ay naging dahilan upang maglaho ang pananampalataya ng marami sa mga tagasunod ni William Miller at ng iba’t ibang grupo ng mga Adventista noong ika-19 na siglo. Subalit kumusta naman ang mga Estudyante ng Bibliya na kasama ni Russell? Ang ilan kaya ay naakit lamang dahil sa iniisip nila ang kanilang sariling maagang pagkaligtas sa halip na magtaglay ng pag-ibig sa Diyos at ng matinding pagnanais na gawin ang kaniyang kalooban?
‘Brother Russell, Hindi Ka ba Nabigo?’
Patuloy na pinasisigla ni Brother Russell ang mga Estudyante ng Bibliya na manatiling nagbabantay at magpasiyang ipagpatuloy ang gawain sa Panginoon kahit hindi dumating agad ang kanilang inaasahan.
At lumipas ang Oktubre 1914, at si C. T. Russell at ang kaniyang mga kasama ay nasa lupa pa rin. Nagdaan na rin ang Oktubre 1915. Nabigo ba si Russell? Sa The Watch Tower ng Pebrero 1, 1916, isinulat niya: “‘Pero, Brother Russell, ano ba talaga ang nasa isip mo tungkol sa panahon ng ating pagbabago? Hindi ka ba nabigo na ito’y hindi nangyari sa panahong inaasahan natin?’ maitatanong mo. Hindi, ang sagot namin, hindi kami nabigo. . . . Mga kapatid, tayong may tamang saloobin sa Diyos ay hindi nabibigo sa anumang kaayusan Niya. Hindi natin ninanais na ang ating kalooban ang mangyari; kaya kung nakita man natin na nagkamali tayo sa ating inaasahan noong Oktubre, 1914, nagagalak naman tayo at hindi binago ng Panginoon ang Kaniyang Plano para sa atin. Hindi natin nais na gawin Niya iyon. Nais lamang natin na maunawaan ang Kaniyang mga plano at mga layunin.”
Hindi, ang mga Estudyante ng Bibliya ay hindi ‘iniuwi’ sa langit noong Oktubre 1914. Gayunpaman, ang Panahon ng mga Gentil ay totoong natapos sa taóng iyan. Maliwanag na marami pang dapat matutuhan ang mga Estudyante ng Bibliya hinggil sa kahalagahan ng 1914. Samantala, ano ang dapat nilang gawin? Gumawa! Gaya ng pagkasabi ng The Watch Tower ng Setyembre 1, 1916: “Inakala natin na ang gawaing Pag-aani upang tipunin ang Iglesya [ng mga pinahiran] ay matatapos bago magwakas ang Panahon ng mga Gentil; subalit wala namang sinasabing gayon sa Bibliya. . . . Nalulungkot ba tayo at ang gawaing Pag-aani ay patuloy? Hinding-hindi . . . Ang dapat na madama natin sa ngayon, mahal na mga kapatid, ay matinding pasasalamat sa Diyos, higit pang pagpapahalaga sa kaakit-akit na Katotohanan na ipinagkaloob Niyang maunawaan at taglayin natin bilang pribilehiyo na ipinagkaloob Niya sa atin, at higit na sigasig sa pagpapabatid ng Katotohanang iyon sa iba.”
Subalit mayroon pa bang higit na gawaing pag-aani? Maliwanag na iyon ang nasa isip ni Brother Russell. Ipinakita iyon sa kaniyang pakikipag-usap kay Brother Macmillan noong taglagas ng 1916. Nang ipatawag si Macmillan sa kaniyang opisina sa Brooklyn Bethel, sinabi sa kaniya ni Russell: “Mabilis na lumalaki ang gawain, at ito’y patuloy na lálakí pa, sapagkat may isang pandaigdig na gawain na isasagawa sa pangangaral ng ‘ebanghelyo ng kaharian’ sa buong daigdig.” Gumugol si Russell ng tatlong oras at kalahati sa pagbalangkas kay Macmillan ng kaniyang naunawaan mula sa Bibliya na magiging isang dakilang gawain sa hinaharap.
Dumanas ng isang mahirap na pagsubok ang mga Estudyante ng Bibliya. Subalit sa tulong ng The Watch Tower, sila’y pinalakas upang mapagtagumpayan ang kabiguan. Gayunman, ang panahon ng pagsubok ay hindi pa rin tapos.
“Ano Kaya ang Mangyayari Ngayon?”
Noong Oktubre 16, 1916, sina Brother Russell at ang kaniyang sekretaryong si Menta Sturgeon ay umalis para sa patiunang isinaayos na mga pahayag palibot sa kanluran at timog-kanlurang bahagi ng Estados Unidos. Subalit, si Russell ay may malubhang karamdaman na noon. Sa kanilang paglalakbay ay una nilang pinuntahan ang Detroit, Michigan, na ang dinaanan ay ang Canada. Pagkatapos, pagkaraang dumaan sa Illinois, Kansas, at Texas, ang dalawang lalaki ay dumating sa California, kung saan binigkas ni Russell ang kaniyang huling pahayag noong Linggo, Oktubre 29, sa Los Angeles. Pagkalipas ng dalawang araw, maaga nang kinahapunan ng Martes, Oktubre 31, ang 64-na-taóng gulang na si Charles Taze Russell ay binawian ng buhay sakay ng isang tren sa Pampa, Texas. Ang paunawa tungkol sa kaniyang kamatayan ay lumabas sa The Watch Tower ng Nobyembre 15, 1916.
Ano kaya ang naging epekto sa pamilyang Bethel nang ipatalastas ang kamatayan ni Brother Russell? Si A. H. Macmillan, ang naglilingkod bilang kawaní ni Russell sa opisina kapag wala si Russell, ay nakagunita ng umagang iyon nang basahin
-