-
Mga Kasalang Marangal sa Paningin ng Diyos at ng TaoAng Bantayan—2006 | Oktubre 15
-
-
Mga Kasalang Marangal sa Paningin ng Diyos at ng Tao
“May piging ng kasalang naganap sa Cana . . . Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay inanyayahan din sa piging ng kasalan.”—JUAN 2:1, 2.
1. Ano ang gustong ipabatid sa atin ng ulat hinggil kay Jesus sa Cana?
ALAM ni Jesus, ng kaniyang ina, at ng iba niyang mga alagad ang kasiyahang idinudulot ng marangal na kasalan sa gitna ng bayan ng Diyos. Ginawa pa nga ni Kristo na katangi-tangi at lalong kasiya-siya ang isang kasalan sa pamamagitan ng isang himala. Iyon ang iniulat na unang himalang ginawa niya roon. (Juan 2:1-11) Marahil ay nakadalo ka na at nasiyahan din naman sa mga kasalan ng mga Kristiyano na nagnanais maglingkod kay Jehova bilang maligayang mag-asawa. O baka inaasam-asam mo na maging masaya rin ang iyo mismong kasal sa hinaharap o na matulungan mo ang isang kaibigan na maging matagumpay ang kaniyang kasal. Ano ang makatutulong para maging matagumpay ang kasalan?
2. Anong impormasyon hinggil sa mga kasalan ang binabanggit ng Bibliya?
2 Napatunayan ng mga Kristiyano na malaking tulong ang payo ng kinasihang Salita ng Diyos para sa mga nagpaplanong magpakasal. (2 Timoteo 3:16, 17) Totoo, walang sinasabi ang Bibliya hinggil sa detalyadong pamamaraan para sa isang kasalang Kristiyano. Mauunawaan naman ito dahil ang mga kaugalian at maging ang mga kahilingan ng batas ay magkakaiba depende sa lugar at panahon. Halimbawa, sa sinaunang Israel, walang pormal na seremonya ng kasal. Sa araw ng kasal, dinadala ng kasintahang lalaki ang kaniyang kasintahang babae sa sarili niyang bahay o sa bahay ng kaniyang ama. (Genesis 24:67; Isaias 61:10; Mateo 1:24) Ang hakbang na ito na nakikita ng madla ang siyang itinuturing na kasalan. Wala itong pormal na seremonya na karaniwang ginagawa sa maraming kasalan sa ngayon.
3. Anong okasyon sa Cana ang lalo pang naging masaya dahil kay Jesus?
3 Kinikilala ng mga Israelita ang hakbang na iyon bilang ang kasalan. Pagkatapos nito, maaari nila itong ipagdiwang sa pamamagitan ng isang piging gaya ng binabanggit sa Juan 2:1. Ganito ang pagkakasalin ng maraming bersiyon ng Bibliya sa tekstong iyan: “Nagkaroon ng kasalan sa Cana.” Subalit sa orihinal na wika, ito ay angkop na isinaling “piging ng kasalan.”a (Mateo 22:2-10; 25:10; Lucas 14:8) Malinaw na ipinakikita ng ulat na dumalo si Jesus sa piging na iniuugnay sa isang kasalang Judio at lalo pang naging masaya ang piging dahil sa kaniya. Gayunman, ang pangunahing punto ay na magkaiba ang ginagawa sa mga kasalan noon sa karaniwang mga kasalan ngayon.
4. Anong uri ng kasalan ang pinipili ng ilang Kristiyano, at bakit?
4 Sa maraming bansa sa ngayon, dapat matugunan ng mga Kristiyanong nagnanais magpakasal ang espesipikong mga kahilingan ng batas. Kapag natugunan nila ito, maaari na silang magpakasal sa anumang paraan na pinapayagan ng batas. Maaari itong gawin sa isang simpleng seremonya na pinangangasiwaan ng isang huwes, alkalde, o ministro ng relihiyon na awtorisado ng Estado. Pinipili ng ilan na magpakasal sa gayong paraan, marahil ay inaanyayahang dumalo ang ilang kamag-anak o Kristiyanong mga kaibigan bilang legal na mga saksi o para lamang makisaya sa mahalagang okasyong ito. (Jeremias 33:11; Juan 3:29) Sa katulad na paraan, maaaring ipasiya ng ibang mga Kristiyano na huwag nang magkaroon ng malaking piging ng kasalan o handaan na mangangailangan ng marami-raming pagpaplano at malaki-laking gastusin. Sa halip, maaari silang maghanda ng simpleng salu-salo kasama ang ilang malalapít na kaibigan. Anuman ang piliin natin hinggil sa bagay na ito, dapat nating tandaan na maaaring iba ang pananaw ng ibang may-gulang na mga Kristiyano.—Roma 14:3, 4.
5. Bakit nais ng maraming Kristiyano na magkaroon ng pahayag sa kasal kapag ikinasal sila, at ano ang itinatampok nito?
5 Pinipili ng karamihan ng magkasintahang Kristiyano na magkaroon ng salig-Bibliyang pahayag sa kanilang kasal.b Kinikilala nila na si Jehova ang nagpasimula ng pag-aasawa at naglalaan siya sa kaniyang Salita ng matalinong payo kung paano magtatagumpay ang pag-aasawa at kung paano ito magdudulot ng kaligayahan. (Genesis 2:22-24; Marcos 10:6-9; Efeso 5:22-33) At nais ng maraming magkasintahan na makasama ang mga kaibigang Kristiyano at mga kamag-anak sa masayang okasyong ito. Gayunman, ano ang dapat na maging pangmalas natin sa iba’t ibang kahilingan ng batas, pamamaraan, at maging sa sinusunod na lokal na mga kaugalian? Isasaalang-alang ng artikulong ito ang mga situwasyon sa iba’t ibang rehiyon. Posibleng ang ilan ay ibang-iba sa alam mo o sa ginagawa sa inyong lugar. Gayunpaman, maaaring may mapansin kang mga pagkakatulad sa simulain o aspekto na mahalaga sa mga lingkod ng Diyos.
Marangal na Pag-aasawa—Legal na Pag-aasawa
6, 7. Bakit tayo dapat maging interesado sa hinihiling ng batas tungkol sa pagpapakasal, at paano natin ito maipakikita?
6 Bagaman si Jehova ang nagpasimula ng pag-aasawa, may kontrol pa rin ang mga pamahalaan ng tao sa mga dapat gawin ng ikakasal. Angkop naman ito. Sinabi ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Marcos 12:17) Sa katulad na paraan, ipinag-utos ni apostol Pablo: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad, sapagkat walang awtoridad malibang sa pamamagitan ng Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.”—Roma 13:1; Tito 3:1.
7 Sa maraming lupain, si Cesar, o ang awtoridad ng pamahalaan, ang nagpapasiya kung sino ang puwedeng ikasal. Kaya kapag ang dalawang Kristiyano na malayang magpakasal ayon sa Kasulatan ay nagpasiyang magpakasal, buong-katapatan silang sumusunod sa batas sa kanilang lugar. Maaaring kasama rito ang pagkuha ng lisensiya, pagpapakasal sa pamamagitan ng isa na awtorisado ng Estado, at marahil ay pagpaparehistro ng kasal. Nang hilingin ni Cesar Augusto ang ‘pagpaparehistro,’ sumunod sina Maria at Jose, anupat naglakbay sila patungong Betlehem ‘upang magparehistro.’—Lucas 2:1-5.
8. Anong kaugalian ang hindi ginagawa ng mga Saksi ni Jehova, at bakit?
8 Kapag ang dalawang Kristiyano ay nagpakasal sa legal at kinikilalang paraan, ang pagsasamang iyon ay may bisa sa paningin ng Diyos. Kaya hindi inuulit ng mga Saksi ni Jehova ang kasal sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maraming legal na seremonya, at hindi rin nila inuulit ang mga panata sa kasal, halimbawa sa ika-25 o ika-50 anibersaryo ng kasal ng mag-asawa. (Mateo 5:37) (Hindi kinikilala ng ilang simbahan ang legal na seremonya ng kasal sa huwes, anupat sinasabing wala talaga itong bisa malibang isang pari o isang klerigo ang magsagawa ng ritwal o ang magdeklarang mag-asawa na ang dalawa.) Sa maraming lupain, binibigyan ng awtorisasyon ng pamahalaan ang isang ministro ng mga Saksi ni Jehova na magkasal. Kung posible iyan, malamang na naisin niyang samahan ito ng isang pahayag sa kasal sa Kingdom Hall. Iyon ang dako para sa tunay na pagsamba at angkop na lokasyon iyon para sa pahayag hinggil sa ganitong kaayusan, na Diyos na Jehova ang nagpasimula.
9. (a) Tungkol sa kasal sa huwes, ano ang maaaring naising gawin ng magkasintahang Kristiyano? (b) Paano nasasangkot ang mga elder sa mga plano sa kasal?
9 Sa ibang bansa, hinihiling ng batas na magpakasal ang magkasintahan sa isang tanggapan ng pamahalaan, gaya ng munisipyo, o sa harap ng itinalagang kinatawan ng pamahalaan. Karaniwan nang pinipili ng mga Kristiyano na sundan ang legal na hakbang na iyon ng isang pahayag sa kasal sa Kingdom Hall sa mismong araw ding iyon o kinabukasan. (Hindi nila nais na palipasin pa ang maraming araw pagkatapos ng kasal sa huwes bago magkaroon ng pahayag salig sa Bibliya, sapagkat kasal na sila sa harap ng Diyos at ng tao, pati na sa kongregasyong Kristiyano.) Kung ang magkasintahan na ikakasal sa huwes ay nagnanais na magkaroon ng pahayag sa isang Kingdom Hall, dapat muna silang humingi ng permiso sa mga elder na bumubuo sa Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon. Bukod sa pagtiyak ng mga tagapangasiwa na may mabuting reputasyon ang magkasintahan, titiyakin din ng mga tagapangasiwang ito na hindi maaapektuhan ng oras ng kasal ang mga pagpupulong at iba pang nakaiskedyul na mga programa sa Kingdom Hall. (1 Corinto 14:33, 40) Aalamin din nila kung ano ang plano ng magkasintahan sa pag-aayos sa bulwagan at pagpapasiyahan nila kung papayagan ito at kung ipatatalastas ba ang paggamit dito.
10. Kung hinihiling na magkaroon ng kasal sa huwes, paano nito maaapektuhan ang pahayag sa kasal?
10 Sisikapin ng elder na magpapahayag sa kasal na ang kaniyang pahayag ay magiliw, nakapagpapatibay sa espirituwal, at marangal. Kung ang mag-asawa ay kasal na sa huwes, lilinawin ng elder na sila ay ikinasal na ayon sa batas ni Cesar. Kung walang naganap na sumpaan sa kasal sa huwes, maaaring naisin ng mag-asawa na gawin ang sumpaan sa panahon ng pahayag.c Kung ang kasalang iyon sa huwes ay may kasamang sumpaan ngunit nais pa rin ng mag-asawa na magsumpaan sa harap ni Jehova at ng kongregasyon, maaari nila itong gawin gamit ang panata na nasa talababa. Subalit sa halip na pasimulan ito sa pananalitang “Ako si ___ ay kumukuha sa iyo ___ upang maging . . . ,” pasisimulan nila ito sa pagsasabing “Ako si ___ ay sumumpa at kumuha sa iyo ___ upang maging . . . ,” anupat ipinakikita na sila ay “pinagtuwang” na.—Mateo 19:6; 22:21.
11. Sa ilang lugar, paano nagpapakasal ang magkasintahan, at ano ang epekto nito sa pahayag sa kasal?
11 Sa ibang lugar, maaaring hindi hinihilingan ng batas ang magkasintahan na magkaroon ng anumang seremonya ng kasal, kahit sa harap ng isang kinatawan ng pamahalaan. Ituturing na kasal na ang magkasintahan kapag ipinakita na nila sa isang opisyal ng pamahalaan ang isang pirmadong form ng rehistro ng kasal. Sa gayon, narerehistro ang sertipiko ng kasal. Sa ganitong paraan, ang magkasintahan ay itinuturing nang mag-asawa. Ang petsa na nasa sertipiko ang araw ng kanilang kasal. Gaya ng nabanggit, maaaring naisin ng mag-asawang ikinasal sa gayong paraan na magkaroon ng salig-Bibliyang pahayag sa Kingdom Hall pagkatapos na pagkatapos ng pagpaparehistrong iyon. Ang may-gulang sa espirituwal na kapatid na napiling magpahayag ang magsasabi sa lahat ng dumalo na ang dalawa ay kasal na dahil nakapagparehistro na sila. Anumang panatang bibigkasin ng mag-asawa ay isasagawa kaayon ng binabanggit sa parapo 10 at sa talababa nito. Ang lahat ng dumalo sa Kingdom Hall ay makikigalak sa mag-asawa at makikinabang sa ibibigay na payo mula sa Salita ng Diyos.—Awit ni Solomon 3:11.
Kasal Ayon sa Kaugalian at Kasal sa Huwes
12. Ano ang kasal ayon sa kaugalian, at ano ang iminumungkahi pagkatapos ng gayong kasal?
12 Sa ilang bansa, ang magkasintahan ay ikinakasal ayon sa kaugalian (o, sa kaugalian ng tribo). Hindi ito tumutukoy sa dalawang indibiduwal na basta nagsasama lamang, ni tumutukoy man ito sa pakikipagrelasyon na maaaring tinatanggap sa ilang lugar ngunit hindi talaga kinikilala ng batas.d Ang tinutukoy natin dito ay ang kasal ayon sa kinikilalang kaugalian ng tribo o ng isang lugar. Maaaring kasangkot dito ang pagbabayad at pagtanggap ng kabuuang halaga ng dote, na kapag ginawa ito, ang magkasintahan ay ituturing nang kasal alinsunod sa batas at sa Kasulatan. Itinuturing ng pamahalaan na lehitimo, legal, at may bisa ang gayong kasal ayon sa kaugalian. Pagkatapos nito, karaniwan nang puwedeng ipatala o iparehistro ang ginanap na kasal ayon sa kaugalian, at sa paggawa nito, makatatanggap ang mag-asawa ng opisyal na sertipiko. Ang pagrerehistro ay proteksiyon sa mag-asawa o sa asawang babae kung sakaling mabalo siya at sa magiging mga anak nila. Hihimukin ng kongregasyon ang sinumang ikinasal ayon sa kaugalian na irehistro ang kanilang kasal sa lalong madaling panahon. Kapansin-pansin, waring sa Kautusang Mosaiko, ang mga kasal at kapanganakan ay opisyal na itinatala.—Mateo 1:1-16.
13. Pagkatapos ng kasal ayon sa kaugalian, ano ang naaangkop na gawin may kaugnayan sa pahayag sa kasal?
13 Ang magkasintahan na legal na pinagtuwang sa gayong kasal ayon sa kaugalian ay nagiging mag-asawa na kapag naganap ang kasal na iyon. Gaya ng binanggit sa itaas, ang mga Kristiyano na dumaan sa gayong legal na pagpapakasal ay maaaring magnais na magkaroon ng pahayag sa kasal, na may kasamang mga panata sa kasal, sa Kingdom Hall. Kung gagawin ito, ipababatid ng tagapagsalita na ang dalawa ay ikinasal na alinsunod sa mga batas ni Cesar. Isang pahayag lamang ang gagawin. Isang kasal lamang ang magaganap, sa kasong ito, ang legal at may-bisang kasal ayon sa kaugalian (sa tribo), at isang pahayag salig sa Bibliya. Kapag magkasunod na ginanap ang dalawang aspektong ito ng kasal, lalong mabuti kung sa iisang araw, napararangalan ang Kristiyanong pag-aasawa sa komunidad.
14. Ano ang maaaring gawin ng isang Kristiyano kung parehong kinikilala sa kanilang lugar ang kasal ayon sa kaugalian at ang kasal sa huwes?
14 Sa ilang lupain kung saan kinikilalang legal ang kasal ayon sa kaugalian, mayroon ding mga probisyon para sa kasal sa huwes. Ang kasal sa huwes ay karaniwan nang ginaganap sa harap ng isang kinatawan ng pamahalaan, at maaaring kasama rito ang panata sa kasal at pagpaparehistro ng kasal. Mas pinipili ng ilang Kristiyanong magkasintahan ang kasal sa huwes kaysa sa kasal ayon sa kaugalian. Hindi naman kailangang parehong gawin ang dalawang ito; bawat pamamaraan ay legal at may bisa. Ang binanggit sa parapo 9 at 10 hinggil sa pahayag at panata sa kasal ay kapit din sa kasal na ito. Ang mahalaga ay na makasal ang magkasintahan sa paraang marangal sa harap ng Diyos at ng tao.—Lucas 20:25; 1 Pedro 2:13, 14.
Panatilihing Marangal ang Pag-aasawa
15, 16. Paano nagiging mahalagang bahagi ng pag-aasawa ang karangalan?
15 Nang may bumangong suliranin sa pag-aasawa ng isang haring Persiano, ang punong tagapayo na nagngangalang Memucan ay nagbigay ng payo na maaaring magdulot ng kapakinabangan—‘na lahat ng mga asawang babae ay magbibigay ng karangalan sa kani-kanilang asawa.’ (Esther 1:20) Sa Kristiyanong pag-aasawa, hindi na kailangang ipag-utos pa ito ng sinumang taong hari; nais ng mga asawang babae na parangalan ang kanilang asawa. Sa katulad na paraan, ang mga Kristiyanong asawang lalaki ay nag-uukol ng karangalan sa kanilang kabiyak at pinapupurihan sila. (Kawikaan 31:11, 30; 1 Pedro 3:7) Ang pag-uukol ng karangalan sa ating pag-aasawa ay hindi dapat ipagpaliban hanggang sa makalipas ang maraming taon. Dapat itong ipakita sa simula pa lamang ng pag-aasawa, oo, sa mismong araw ng kasal patuloy.
16 Hindi lamang ang lalaki at babae—ang asawang lalaki at asawang babae—ang dapat magpakita ng karangalan sa araw ng kasal. Kung ang isang elder ay magbibigay ng pahayag sa kasal, iyon ay dapat ding kakitaan ng karangalan. Ang pahayag ay dapat ipatungkol sa magkasintahan. Bilang pagbibigay-parangal sa kanila, hindi magtatampok ang tagapagsalita ng pagpapatawa o mga kasabihan. Hindi niya ito dapat haluan ng mga obserbasyon na masyadong personal na maaaring maging dahilan ng pagkapahiya ng ikinakasal at ng mga dumalo. Sa halip, sisikapin niyang maging magiliw at nakapagpapatibay ang kaniyang pahayag, anupat itinatampok ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa at ang Kaniyang namumukod-tanging payo. Oo, ang marangal na pahayag ng elder sa kasal ay isang paraan upang ang kasal ay magdulot ng karangalan sa Diyos na Jehova.
17. Bakit kailangang isaalang-alang ang legal na aspekto sa mga kasalang Kristiyano?
17 Marahil ay napansin mo sa artikulong ito ang maraming punto hinggil sa legal na mga detalye ng pag-aasawa. Baka ang ilang aspekto ay hindi kapit sa inyong lugar. Subalit dapat na batid nating lahat kung gaano kahalaga sa mga Saksi ni Jehova ang paggalang sa mga batas sa kanilang lugar, sa mga kahilingan ni Cesar pagdating sa mga kaayusan sa pag-aasawa. (Lucas 20:25) Hinihimok tayo ni Pablo: “Ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis; sa kaniya na humihiling ng tributo, ang tributo; . . . sa kaniya na humihiling ng karangalan, ang gayong karangalan.” (Roma 13:7) Oo, angkop para sa mga Kristiyano, mula sa mismong araw ng kasal, na parangalan ang kasalukuyang kaayusan ng Diyos.
18. Anong opsyonal na bahagi ng kasalan ang dapat pagtuunan ng pansin, at saan tayo makasusumpong ng impormasyon hinggil dito?
18 Maraming kasalang Kristiyano ang sinusundan ng isang piging, salu-salo, o handaan. Pansinin na minsan ay dumalo si Jesus sa gayong piging. Kung may gayong handaan, paano makatutulong sa atin ang payo ng Bibliya para matiyak na ito rin ay magpaparangal sa Diyos at magdudulot ng mabuting impresyon sa bagong kasal at sa kongregasyong Kristiyano? Ang susunod na artikulo ang tatalakay sa mismong paksang iyan.e
-
-
Patunayan ang Iyong Pananampalataya sa Pamamagitan ng Iyong Paraan ng PamumuhayAng Bantayan—2006 | Oktubre 15
-
-
Patunayan ang Iyong Pananampalataya sa Pamamagitan ng Iyong Paraan ng Pamumuhay
“Ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ay patay sa ganang sarili.”—SANTIAGO 2:17.
1. Bakit binigyang-pansin ng unang mga Kristiyano kapuwa ang kanilang pananampalataya at ang kanilang mga gawa?
SA PANGKALAHATAN, pinatunayan ng unang mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kanila mismong paraan ng pamumuhay. Hinimok ng alagad na si Santiago ang lahat ng Kristiyano: “Maging mga tagatupad kayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang.” Idinagdag pa niya: “Kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayundin ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (Santiago 1:22; 2:26) Mga 35 taon matapos niyang isulat iyan, maraming Kristiyano ang patuloy na nagpatunay ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng angkop na mga gawa. Subalit nakalulungkot, may ilan na hindi gayon ang ginawa. Pinapurihan ni Jesus ang kongregasyon sa Smirna; subalit sinabi niya sa marami sa kongregasyon sa Sardis: “Alam ko ang iyong mga gawa, na taglay mo ang pangalan na ikaw ay buháy, ngunit ikaw ay patay.”—Apocalipsis 2:8-11; 3:1.
2. Ano ang dapat itanong ng mga Kristiyano sa kanilang sarili hinggil sa kanilang pananampalataya?
2 Alinsunod dito, pinasigla ni Jesus ang mga nasa Sardis—at pati na ang lahat ng makababasa ng kaniyang salita—na patunayan ang kanilang unang pag-ibig sa katotohanang Kristiyano at maging gising sa espirituwal. (Apocalipsis 3:2, 3) Maaaring itanong ng bawat isa sa atin: ‘Kumusta ang aking mga gawa? Ipinakikita ba ng lahat ng ginagawa ko, maging sa mga bagay na hindi naman tuwirang nauugnay sa gawaing pangangaral o sa mga pagpupulong ng kongregasyon, na ginagawa ko ang aking buong makakaya upang patunayan ang aking pananampalataya?’ (Lucas 16:10) Maraming aspekto ng buhay ang maaaring isaalang-alang, subalit isa lamang ang talakayin natin: ang mga salu-salo, kasama na yaong kadalasang ginaganap pagkatapos ng mga kasalang Kristiyano.
Maliit na mga Salu-salo
3. Ano ang pangmalas ng Bibliya sa mga pagsasalu-salo?
3 Natutuwa ang karamihan sa atin na maanyayahan sa pagtitipon ng maliligayang Kristiyano. Si Jehova ang “maligayang Diyos,” at nais niya na maging maligaya ang kaniyang mga lingkod. (1 Timoteo 1:11) Kinasihan niya si Solomon na isama sa Bibliya ang katotohanang ito: “Pinapurihan ko ang kasayahan, sapagkat wala nang mas mabuti sa mga tao sa ilalim ng araw kundi ang kumain at uminom at magsaya, at na iyon ay mapasakanila sa kanilang pagpapagal sa mga araw ng kanilang buhay.” (Eclesiastes 3:1, 4, 13; 8:15) Maaaring magkaroon ng gayong kasayahan sa pagsasalu-salo ng pamilya o sa iba pang maliit na pagtitipon ng tunay na mga mananamba.—Job 1:4, 5, 18; Lucas 10:38-42; 14:12-14.
4. Ano ang dapat isaalang-alang ng isa na nagsasaayos ng salu-salo?
4 Kung nagsasaayos ka ng gayong salu-salo at ikaw ang may pananagutan dito, dapat mo itong pagplanuhang mabuti, kahit na ilang kapananampalataya lamang ang aanyayahan mo para kumain at magkuwentuhan. (Roma 12:13) Nais mong makita na “maganap ang lahat ng bagay nang disente,” anupat pinapatnubayan ng “karunungan mula sa itaas.” (1 Corinto 14:40; Santiago 3:17) Sumulat si apostol Pablo: “Kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos. Iwasan ninyo ang maging mga sanhi ng ikatitisod.” (1 Corinto 10:31, 32) Anu-ano ang ilang aspekto na nangangailangan ng pantanging atensiyon? Ang patiunang pagsasaalang-alang sa gayong mga bagay ay makatutulong upang matiyak na ang ginagawa mo at ng iyong mga panauhin ay magpapatunay ng inyong pananampalataya.—Roma 12:2.
Anong Uri ng Salu-salo ang Gaganapin?
5. Bakit dapat pag-isipang mabuti ng punong-abala kung magsisilbi siya ng inuming de-alkohol o hindi at kung magpapatugtog ng musika o hindi?
5 Maraming punong-abala ang napaharap sa isyu kung sila ba’y magsisilbi ng inuming de-alkohol o hindi. Hindi naman kailangan ang gayong inumin para maging kasiya-siya ang pagtitipon. Tandaan na naglaan noon si Jesus ng pagkain para sa malaki-laking grupo na lumapit sa kaniya—pinarami niya ang tinapay at isda. Hindi sinasabi ng ulat na makahimala siyang gumawa ng alak nang pagkakataong iyon, bagaman alam natin na kaya niya itong gawin. (Mateo 14:14-21) Kung ipasiya mong magsilbi ng inuming de-alkohol sa isang salu-salo, gawing katamtaman ang dami nito, at tiyaking may ibang inumin din para sa ibang ayaw ng inuming de-alkohol. (1 Timoteo 3:2, 3, 8; 5:23; 1 Pedro 4:3) Huwag na huwag pilitin ang sinuman na uminom ng inumin na maaaring kumagat “tulad ng serpiyente.” (Kawikaan 23:29-32) Kumusta naman ang musika o awitan? Kung magpapatugtog ng musika sa inyong salu-salo, tiyak na maingat mong pipiliin ang mga awit, anupat isinasaalang-alang ang ritmo at liriko ng mga ito. (Colosas 3:8; Santiago 1:21) Napatunayan ng maraming Kristiyano na ang pagpapatugtog ng Kingdom Melodies o maging ang sama-samang pag-aawitan ng gayong mga awit ay nagpapasaya sa pagtitipon. (Efeso 5:19, 20) At siyempre pa, palaging tiyakin na katamtaman ang lakas ng pagpapatugtog upang hindi ito makaistorbo sa masayang kuwentuhan o kaya’y makabulahaw sa mga kapitbahay.—Mateo 7:12.
6. Paano maipakikita ng punong-abala na buháy ang kaniyang pananampalataya pagdating sa pakikipagkuwentuhan o iba pang mga aktibidad?
6 Sa mga salu-salo, posibleng pag-usapan ng mga Kristiyano ang iba’t ibang paksa, magbasa nang malakas ng ilang babasahin, o maglahad ng kawili-wiling mga karanasan. Kapag hindi na nagiging maganda ang usapan, maaaring mataktikang ibahin ng punong-abala ang paksa. Dapat din niyang bantayan na hindi lamang iisang tao ang nangingibabaw sa usapan. Kapag nakita niyang ganiyan ang nangyayari, maaaring mataktika siyang sumali sa usapan at isali niya ang iba sa kuwentuhan, marahil ay pagkuwentuhin niya ang mga kabataan o magbangon siya ng paksa na aakay sa iba’t ibang komento. Kapuwa ang mga kabataan at may-edad na ay masisiyahan sa bahaging ito ng salu-salo. Kung may katalinuhan at mataktika mong papatnubayan ang mga bagay-bagay, bilang isa na nagsaayos ng salu-salo, ‘makikilala ng mga naroroon ang iyong pagkamakatuwiran.’ (Filipos 4:5) Mapapansin nila na ang iyong pananampalataya ay buháy, isa na nakaaapekto sa lahat ng pitak ng iyong buhay.
Mga Kasalan at Handaan sa Kasal
7. Bakit kailangang pagplanuhang mabuti ang mga kasalan at ang kaugnay nitong mga salu-salo?
7 Ang kasalang Kristiyano ay isang espesyal na okasyon para sa pagsasaya. Ang sinaunang mga lingkod ng Diyos, pati na si Jesus at ang kaniyang mga alagad, ay malugod na dumalo sa gayong masasayang okasyon, pati na sa kasama nitong piging. (Genesis 29:21, 22; Juan 2:1, 2) Subalit nitong nakalipas na mga panahon, maliwanag na ipinakikita ng karanasan na upang maipamalas ang pagkamakatuwiran at pagkatimbang bilang Kristiyano, kailangang pagplanuhang mabuti ang gagawing salu-salo may kaugnayan sa mga kasalan. Magkagayunman, ang mga ito ay normal na mga aspekto ng buhay na nagbibigay ng pagkakataon sa isang Kristiyano na maipakita ang kaniyang pananampalataya.
8, 9. Paano malinaw na ipinakikita ng mga kaugalian sa maraming kasalan ang mababasa natin sa 1 Juan 2:16, 17?
8 Itinuturing ng maraming taong hindi nakaaalam o nagwawalang-bahala sa makadiyos na mga simulain na ang kasal ay isang okasyon kung saan maaari nang gawin ang anumang pagpapakalabis. Iniulat sa isang magasin sa Europa ang sinabi ng isang bagong kasal na babae hinggil sa kaniyang “maharlikang” kasal: ‘Nagparada kami sakay ng isang karwahe na hinihila ng apat na kabayo at nasa likuran namin ang 12 pang karwahe na hinihila ng mga kabayo at mayroon pang banda na nakasakay sa isa pang karwahe. Pagkatapos, napakasarap ng inihain sa amin at napakaganda ng musika; napakagara ng okasyong iyon. Iyon talaga ang pinangarap ko, ang maging reyna nang araw na iyon.’
9 Bagaman posibleng magkakaiba ang kaugalian sa bawat lupain, malinaw na sinusuhayan ng gayong pananaw ang isinulat ni apostol Juan: “Ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.” Mayroon kayang may-gulang na magkasintahang Kristiyano na gustong magkaroon ng “maharlikang” kasal na may napakagarbong handaan? Sa halip na ganiyan, dapat makita sa kanilang mga plano na isinasaalang-alang nila ang payo na “siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:16, 17.
10. (a) Para maging makatuwiran ang isang kasalan, bakit mahalaga ang pagpaplano? (b) Paano magpapasiya hinggil sa mga aanyayahan?
10 Nais ng mga magkasintahang Kristiyano na maging makatotohanan at makatuwiran, at matutulungan sila ng Bibliya sa bagay na iyan. Bagaman mahalaga ang araw ng kasal, alam nila na pasimula lamang ito ng buhay bilang mag-asawa ng dalawang Kristiyano na may pag-asang mabuhay magpakailanman. Hindi sila obligadong magkaroon ng malaking handaan sa kasal. Kung pipiliin nilang magkaroon ng salu-salo, nanaisin nilang kalkulahin ang magagastos at planuhin kung anu-ano ang gagawin doon. (Lucas 14:28) Sa kanilang pagsasama bilang mga Kristiyano, ang asawang lalaki ang magiging ulo ayon sa Kasulatan. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:22, 23) Kaya ang kasintahang lalaki ang pangunahing may pananagutan sa handaan sa kasal. Sabihin pa, maibigin niyang kukonsultahin ang kaniyang mapapangasawa hinggil sa kung sino ang nais nilang imbitahan at kung ilan ang kaya nilang anyayahan sa piging ng kasal. Baka hindi nila kaya o hindi praktikal na anyayahan ang lahat ng kanilang mga kaibigan at mga kamag-anak; kaya, kakailanganin ang makatuwirang mga pagpapasiya. Dapat magtiwala ang magkasintahan na kung hindi nila maanyayahan ang ilang kapuwa Kristiyano, ang mga ito ay makauunawa at hindi magdaramdam.—Eclesiastes 7:9.
“Tagapangasiwa ng Piging”
11. Anong papel ang maaaring gampanan ng “tagapangasiwa ng piging” sa kasal?
11 Kung pipiliin ng magkasintahan na magkaroon ng salu-salo upang ipagdiwang ang kanilang kasal, paano nila matitiyak na magiging marangal ang okasyon? Sa loob ng ilang dekada na ngayon, kinikilala ng mga Saksi ni Jehova na isang karunungan na tularan ang isang aspektong binabanggit may kaugnayan sa salu-salong dinaluhan ni Jesus sa Cana. Mayroong “tagapangasiwa ng piging,” at tiyak na isa siyang responsableng kapananampalataya. (Juan 2:9, 10) Sa katulad na paraan, ang pipiliin ng matalinong kasintahang lalaki para sa mahalagang papel na ito ay isang Kristiyanong kapatid na lalaki na maygulang sa espirituwal. Kapag nalaman ng tagapangasiwa ng piging ang mga gustong mangyari ng kasintahang lalaki, maaari na niyang isagawa ang lahat ng detalye bago ang salu-salo at sa panahon ng salu-salo.
12. Ano ang dapat isaalang-alang ng kasintahang lalaki may kaugnayan sa pagsisilbi ng inuming de-alkohol?
12 Kasuwato ng tinalakay sa parapo 5, pinipili ng ilang magkasintahan na hindi na magsilbi ng inuming de-alkohol sa piging ng kanilang kasal upang makaiwas sa pag-abuso rito na makasisira sa kaligayahan at tagumpay ng okasyon. (Roma 13:13; 1 Corinto 5:11) Gayunman, kung ipasiya nilang magsilbi ng inuming de-alkohol, dapat tiyakin ng kasintahang lalaki na katamtaman lamang ang isisilbi. May alak sa kasal na dinaluhan ni Jesus sa Cana, at gumawa pa siya ng alak na mainam ang kalidad. Kapansin-pansin, ang tagapangasiwa ng piging na iyon ay nagkomento: “Bawat tao ay naglalabas muna ng mainam na alak, at kapag lango na ang mga tao, ang mababang uri naman. Itinabi mo ang mainam na alak hanggang sa ngayon.” (Juan 2:10) Tiyak na hindi hinimok ni Jesus ang mga tao na maglasing, sapagkat itinuturing niya iyon na masama. (Lucas 12:45, 46) Malinaw na ipinakikita sa sinabi ng tagapangasiwa nang magulat siya sa kalidad ng alak, na napansin niya na may mga pagkakataong nalalasing ang ilang panauhin sa kasal. (Gawa 2:15; 1 Tesalonica 5:7) Kaya dapat tiyakin ng kasintahang lalaki at ng mapagkakatiwalaang Kristiyano na inatasan niya bilang tagapangasiwa ng piging na sinusunod ng lahat ng panauhin ang malinaw na tagubilin: “Huwag kayong magpakalasing sa alak, kung saan may kabuktutan.”—Efeso 5:18; Kawikaan 20:1; Oseas 4:11.
13. Ano ang dapat isaalang-alang ng magkasintahan kung plano nilang magkaroon ng musika sa piging ng kasal, at bakit?
13 Tulad ng iba pang mga salu-salo, kung magpapatugtog ng musika, kailangang bigyang-pansin ang lakas nito upang magkarinigan nang maayos ang mga panauhin. Isang Kristiyanong elder ang nagsabi: “Habang lumalalim ang gabi, kapag masaya na ang kuwentuhan o nagsasayawan na, kung minsan ay lumalakas ang musika. Ang musika na dati’y mahina ay maaaring mapalakas at nakahahadlang na sa kuwentuhan. Ang handaan sa kasal ay nagbibigay ng pagkakataon para sa kasiya-siyang pakikipagsamahan. Nakalulungkot nga kung masisira ang pagkakataong ito dahil lamang sa malakas na pagpapatugtog!” Responsable rin sa bagay na ito ang kasintahang lalaki at ang tagapangasiwa ng piging, anupat hindi nila ipauubaya sa mga manunugtog, inupahan man o hindi, ang pagpapasiya kung ano ang patutugtugin at kung gaano ito kalakas. Sumulat si Pablo: “Anuman ang inyong ginagawa sa salita o sa gawa, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa pangalan ng Panginoong Jesus.” (Colosas 3:17) Pag-uwi ng mga panauhin mula sa piging ng kasal (o, handaan), ano kaya ang impresyon nila sa musikang pinatugtog sa kasalan? Maiisip kaya nila na ginawa ng mag-asawa ang lahat sa pangalan ni Jesus? Ganiyan ang dapat mangyari.
14. Ano ang dapat na may-kasiyahang maalaala ng mga Kristiyano may kinalaman sa kasalan?
14 Oo, ang maayos na kasalan ay kasiya-siyang alalahanin. Sina Adam at Edyta, na 30 taon nang kasal, ay nagkomento hinggil sa isang kasalang dinaluhan nila: “Talagang madarama mo ang Kristiyanong kapaligiran. May mga awiting pumupuri kay Jehova subalit may iba ring magagandang programa. Pangalawahin lamang ang sayawan at musika. Iyon ay kasiya-siya at nakapagpapatibay, at lahat ay kaayon ng mga simulain ng Bibliya.” Maliwanag na maraming puwedeng gawin ang kasintahang lalaki at kasintahang babae upang ipakita na pinatutunayan nila ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.
Mga Regalo sa Kasal
15. Anong payo ng Bibliya ang maaaring ikapit may kinalaman sa mga regalo sa kasal?
15 Sa maraming lupain, karaniwan na para sa mga kaibigan at mga kamag-anak na magregalo sa mga ikakasal. Kung gagawin mo ito, ano ang dapat mong tandaan? Buweno, alalahanin ang komento ni apostol Juan hinggil sa “pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.” Iniugnay niya ang gayong pagpaparangya, hindi sa mga Kristiyano na nagsasagawa ng kanilang pananampalataya, kundi sa ‘sanlibutan na lumilipas.’ (1 Juan 2:16, 17) Alinsunod sa kinasihang obserbasyon ni Juan, dapat bang ipaalam sa madla ng bagong kasal kung kanino galing ang regalo? Ang mga Kristiyano sa Macedonia at Acaya ay nag-abuloy sa mga kapatid sa Jerusalem, subalit walang pahiwatig na inihayag sa madla ang kanilang mga pangalan. (Roma 15:26) Sa halip na kumuha ng labis na atensiyon sa kanilang sarili, maraming Kristiyano na nagreregalo ang nagpasiyang huwag nang sabihin na sila ang nagregalo. May kinalaman dito, repasuhin ang payo ni Jesus na masusumpungan sa Mateo 6:1-4.
16. Paano maiiwasan ng bagong kasal na masaktan ang iba pagdating sa mga regalo sa kasal?
16 Ang pagpapakilala kung kanino galing ang regalo ay maaaring umakay sa ‘pagsusulsol ng pagpapaligsahan’ hinggil sa kung aling regalo ang mas maganda o mas mamahálin. Kaya iiwasan ng matalinong mga Kristiyanong bagong kasal na ipatalastas kung kanino galing ang regalo. Maaaring mapahiya ang ilan na hindi kayang magregalo kung ipatatalastas ang pangalan ng mga nagregalo. (Galacia 5:26; 6:10) Totoo, hindi naman masamang malaman ng ikinasal kung kanino galing ang isang regalo. Posibleng malaman nila iyon sa angkop na kard na nasa regalo subalit hindi nila ito ipatatalastas. Kapag namimilí, nagbibigay, at tumatanggap ng mga regalo sa kasal, lahat tayo ay may pagkakataong patunayan na maging sa gayong pribadong bagay, nakaaapekto sa ating ginagawa ang ating pananampalataya.a
17. Ano ang dapat na tunguhin ng mga Kristiyano may kaugnayan sa kanilang pananampalataya at mga gawa?
17 Walang alinlangang hindi lamang pamumuhay nang malinis sa moral, pagdalo sa Kristiyanong mga pagpupulong, at pakikibahagi sa gawaing pangangaral ang nasasangkot upang patunayan ang ating pananampalataya. Nawa’y bawat isa sa atin ay magkaroon ng buháy na pananampalataya na nakaaapekto sa lahat ng ating ginagawa. Oo, maipakikita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng mga gawa na “lubusang naisagawa,” pati na sa mga pitak ng buhay na tinalakay sa itaas.—Apocalipsis 3:2.
18. Paano maikakapit ang mga salita sa Juan 13:17 may kaugnayan sa mga kasalang Kristiyano at mga salu-salo?
18 Matapos magpakita si Jesus ng halimbawa sa kaniyang tapat na mga apostol sa pamamagitan ng mapagpakumbabang gawa ng paghuhugas sa kanilang mga paa, sinabi niya: “Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung gagawin ninyo ang mga iyon.” (Juan 13:4-17) Sa lugar na tinitirhan natin sa ngayon, maaaring hindi na kailangan o hindi na karaniwan na hugasan ang paa ng iba, gaya ng sa isang panauhin sa ating tahanan. Gayunman, gaya ng tinalakay natin sa artikulong ito, may iba pang aspekto ng buhay kung saan maipakikita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng maibigin at makonsiderasyong mga gawa, kasama na yaong may kaugnayan sa mga salu-salo at mga kasalang Kristiyano. Magagawa natin iyan tayo man ang ikakasal o ang panauhin sa kasal o sa kasunod nitong masayang salu-salo ng mga Kristiyanong nagnanais magpakita ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.
[Talababa]
a Tinatalakay ang iba pang mga aspekto ng kasal at kaugnay nitong mga handaan sa sumusunod na artikulo, “Gawing Mas Masaya at Mas Marangal ang Araw ng Inyong Kasal.”
Paano Mo Sasagutin?
Paano mo mapatutunayan ang iyong pananampalataya
• kapag nag-oorganisa ng isang salu-salo?
• kapag nag-oorganisa ng kasal o handaan?
• kapag nagbibigay o tumatanggap ng mga regalo sa kasal?
[Larawan sa pahina 24]
Kahit na iilan lamang ang aanyayahan mong panauhin, gawing patnubay ang “karunungan mula sa itaas”
-
-
Gawing Mas Masaya at Mas Marangal ang Araw ng Inyong KasalAng Bantayan—2006 | Oktubre 15
-
-
Gawing Mas Masaya at Mas Marangal ang Araw ng Inyong Kasal
“ANG araw ng kasal ko ang isa sa pinakamahalaga at pinakamasayang araw sa aking buhay,” ang sabi ni Gordon na halos 60 taon nang kasal. Bakit gayon na lamang kahalaga sa mga tunay na Kristiyano ang araw ng kasal? Ito ang araw kung kailan sila gumagawa ng sagradong panata sa kanilang pinakamamahal—ang kanilang kabiyak at ang Diyos na Jehova. (Mateo 22:37; Efeso 5:22-29) Oo, nais ng mga magkasintahan na nagpaplanong magpakasal na masiyahan sa araw ng kanilang kasal, subalit nais din nilang parangalan ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa.—Genesis 2:18-24; Mateo 19:5, 6.
Ano ang maaaring gawin ng kasintahang lalaki upang maging mas marangal ang masayang okasyong ito? Ano naman ang maaaring gawin ng kasintahang babae upang maparangalan niya ang kaniyang asawa at si Jehova? Paano makadaragdag sa kasiyahan ng araw ng kasal ang mga panauhin? Makatutulong ang pagsasaalang-alang sa ilang simulain ng Bibliya upang masagot ang mga tanong na iyan, at ang pagkakapit ng mga simulaing iyan ay makababawas ng mga suliranin na posibleng bumangon at sumira sa espesyal na okasyong ito.
Sino ang May Pananagutan?
Sa maraming lupain, pinapayagan ng pamahalaan ang ministro ng mga Saksi ni Jehova na mangasiwa sa legal na seremonya ng kasal. Maging sa mga lugar kung saan hinihiling ng batas na isagawa ang kasalan sa harap ng kinatawan ng pamahalaan, maaaring naisin ng magkasintahan na magkaroon ng pahayag na salig sa Bibliya. Sa gayong pahayag, karaniwan nang pinapayuhan ang kasintahang lalaki na bulay-bulayin ang kaniyang bigay-Diyos na papel bilang ulo ng pamilya. (1 Corinto 11:3) Alinsunod dito, ang kasintahang lalaki ang may pangunahing pananagutan sa magaganap sa kasal. Sabihin pa, ang mga kaayusan sa mismong seremonya ng kasal at sa kasunod nitong salu-salo, kung mayroon man, ay karaniwan nang patiunang inihahanda. Bakit maaaring isang hamon ang pag-oorganisa nito?
Maaaring ang isang dahilan ay ang pagnanais ng mga kamag-anak ng mga ikakasal na sila ang masunod sa mga plano sa kasal. Ganito ang komento ni Rodolfo, na marami nang ikinasal: “Kung minsan, ginigipit nang husto ng mga kamag-anak ang kasintahang lalaki, lalo na kung tumutulong ang mga ito sa gastusin sa handaan sa kasal. Baka igiit nila ang gusto nilang mangyari sa seremonya ng kasal at sa handaan. Maaaring dahil dito ay mabale-wala ang maka-Kasulatang papel ng kasintahang lalaki bilang siyang may pananagutan sa okasyon.”
Ganito naman ang obserbasyon ni Max, na mahigit 35 taon nang nagkakasal: “Napansin ko na nagkakaroon ng tendensiya na ang kasintahang babae ang nangunguna sa pagpapasiya sa kung ano ang magaganap sa kasalan at sa handaan, anupat ang kagustuhan ng kasintahang lalaki ay hindi na gaanong isinasaalang-alang.” Ganito ang komento ni David, na marami na ring ikinasal: “Baka hindi sanay manguna ang kasintahang lalaki at karaniwan nang hindi gaanong nakikialam sa paghahanda ng kasal.” Paano mabisang babalikatin ng kasintahang lalaki ang kaniyang pananagutan?
Mas Masaya Kung May Pag-uusap
Para maisagawa nang matagumpay ng kasintahang lalaki ang kaniyang pananagutan sa paghahanda ng kasal, kailangan niyang makipag-usap nang mabuti. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan.” (Kawikaan 15:22) Gayunman, maiiwasan ang maraming kabiguan kung ipakikipag-usap muna ng kasintahang lalaki ang mga paghahanda sa kasal sa kasintahang babae, mga miyembro ng pamilya, at iba pa na makapagbibigay ng matalinong payo na salig sa Bibliya.
Oo, napakahalagang pag-usapan muna ng magkatipan ang mga bagay na dapat gawin at mga posibleng mangyari. Bakit? Bilang halimbawa, isaalang-alang ang komento ni Ivan at ng kaniyang asawa, si Delwyn, na sa loob ng maraming taon ay maligaya sa kanilang pag-aasawa kahit magkaiba ang kanilang kinalakhang kultura. Sa pag-alaala hinggil sa kanilang mga plano sa kasal, sinabi ni Ivan: “Mayroon akong tiyak na mga ideya kung ano ang gusto ko sa aking kasal, pati na sa handaan kasama ang lahat ng mga kaibigan ko, sa keyk, at sa kasintahan ko na nakaputing damit pangkasal. Pero iba naman ang gusto ni Delwyn—isang simple at maliit na kasalan na walang keyk. Ang gusto pa nga niyang isuot ay simpleng damit lang at hindi damit pangkasal.”
Paano inayos ng magkatipang ito ang ganitong mga pagkakaiba? Sa pamamagitan ng mabait at matapat na pag-uusap. (Kawikaan 12:18) Idinagdag pa ni Ivan: “Pinag-aralan namin ang salig-Bibliyang mga artikulo hinggil sa mga kasalan, gaya ng inilathala sa Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1984.a Natulungan kami ng materyal na ito na alamin ang pananaw ng Diyos hinggil sa okasyon. Dahil magkaiba ang aming kultura, kailangan naming magbigayan sa ilang bagay na gusto namin. Nagsalubong kami sa gitna.”
Ganiyan din ang ginawa nina Aret at Penny. Ganito ang sinabi ni Aret tungkol sa kanilang kasal: “Magkaiba kami ng gusto ni Penny para sa aming kasal, pero pinag-usapan namin iyon, at maganda ang napagkasunduan namin. Nanalangin kami kay Jehova para sa kaniyang pagpapala sa araw na iyon. Humingi rin ako ng payo sa aming mga magulang at iba pang may-gulang na mga mag-asawa sa kongregasyon. Napakalaking tulong ng kanilang mga mungkahi. Kaya naman naging matagumpay ang aming kasal.”
Panatilihing Marangal ang Pananamit at Pag-aayos
Mauunawaan naman na nais ng magkatipan na maayos at maganda ang kanilang damit sa kasal. (Awit 45:8-15) Baka gumugol sila ng panahon, lakas, at salapi para makahanap ng angkop na damit. Anu-anong simulain sa Bibliya ang makatutulong sa kanila sa pagpili kung ano ang marangal at kaakit-akit na damit?
Isaalang-alang ang damit pangkasal ng kasintahang babae. Bagaman magkakaiba ang panlasa ng bawat tao at ng bawat bansa, ang payo ng Bibliya ay kapit sa lahat ng lugar. Dapat “gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.” Kapit ito sa mga Kristiyanong babae sa lahat ng panahon, at tiyak na kasama rito ang araw ng kasal. Ang mahalaga ay na hindi kailangan ng “napakamamahaling kagayakan” para maging masaya ang kasal. (1 Timoteo 2:9; 1 Pedro 3:3, 4) Talaga ngang kasiya-siya kapag sinunod ang payong ito!
Ganito ang sinabi ni David na binanggit kanina: “Sinisikap ng maraming magkasintahan na sundin ang mga simulain ng Bibliya, at karapat-dapat sila sa komendasyon. Subalit may mga pagkakataon na hindi mahinhin ang damit ng ikakasal at ng mga abay na babae, anupat napakalalim ng tabas ng damit sa may dibdib o kaya’y napakanipis.” Sa pakikipag-usap ng isang may-gulang na Kristiyanong elder sa magkasintahan bago sila ikasal, tinulungan niya silang mapanatili ang espirituwal na pangmalas. Paano? Sa pamamagitan ng pagtatanong kung ang iniisip ba nilang kasuutan ay mahinhin at angkop na isuot sa isang Kristiyanong pagpupulong. Totoo, maaaring iba ang istilo ng pananamit sa regular na pagpupulong, at ang isinusuot sa kasal ay maaaring kakitaan ng lokal na kaugalian, subalit ang pamantayan hinggil sa kahinhinan ay dapat na kaayon ng marangal na mga pamantayang Kristiyano. Bagaman posibleng ituring ng ilan sa sanlibutan na masyadong mahigpit ang pamantayang moral ng Bibliya, nasisiyahan ang mga tunay na Kristiyano na hindi magpahubog sa sanlibutan.—Roma 12:2; 1 Pedro 4:4.
“Sa halip na ituring ang kasuutan o ang handaan bilang ang pinakamahalagang bagay,” ang sabi ni Penny, “kami ni Aret ay nagtuon ng pansin sa seremonya, ang espirituwal na bahagi ng okasyon. Iyon ang pinakamahalagang bahagi ng araw na iyon. Ang pantanging mga bagay na natatandaan ko ay kung sinu-sino ang nakasama ko at ang kaligayahan ko na pakasalan ang lalaking minamahal ko, hindi kung ano ang suot ko o ang kinain ko.” Mainam nga para sa Kristiyanong magkasintahan na isaalang-alang ang gayong mga bagay sa pagpaplano nila ng kanilang kasal.
Ang Kingdom Hall—Isang Marangal na Lokasyon
Nais ng maraming magkasintahang Kristiyano na ganapin ang seremonya ng kanilang kasal sa Kingdom Hall kung posible ito. Bakit mas gusto nila rito? Ipinaliwanag ng isang magkasintahan ang kanilang dahilan: “Alam namin na ang pag-aasawa ay sagradong kaayusan ni Jehova. Ang pagpapakasal sa Kingdom Hall, ang ating dako ng pagsamba, ay nakatulong na maikintal sa amin sa simula pa lamang na kailangan naming gawing bahagi si Jehova ng aming pag-aasawa. Ang isa pang kapakinabangan na idaos ang seremonya sa Kingdom Hall sa halip na sa ibang lokasyon ay na ipinakita nito sa aming di-sumasampalatayang mga kamag-anak na dumalo kung gaano kahalaga sa amin ang pagsamba kay Jehova.”
Kung ang mga elder sa kongregasyon na nangangasiwa sa paggamit ng Kingdom Hall ay nagpahintulot na doon ganapin ang kasal, dapat na patiuna silang sabihan ng magkasintahan hinggil sa mga paghahandang gagawin. Ang isang paraan para maipakita ng kasintahang lalaki at kasintahang babae ang kanilang paggalang sa mga inanyayahan sa kasal ay ang pagtiyak na darating sila sa takdang oras ng kasal. At tiyak na nanaisin nilang maganap ang lahat ng bagay sa marangal na paraan.b (1 Corinto 14:40) Kaya iiwasan nila ang kawalan ng kagandahang asal na makikita sa maraming kasalan sa sanlibutan.—1 Juan 2:15, 16.
Maaari ding ipakita ng mga dumadalo sa kasalan na tinutularan nila ang pananaw ni Jehova sa kasal. Halimbawa, hindi nila aasahan na hihigitan ng dadaluhan nilang kasal ang iba pang kasalang Kristiyano, na para bang may kompetisyon kung kaninong kasal ang mas magarbo. Alam din ng may-gulang na mga Kristiyano na mas mahalaga at mas kapaki-pakinabang ang pagiging presente sa Kingdom Hall para sa salig-Bibliyang pahayag kaysa sa pagpunta sa piging ng kasalan o sa handaan na maaaring kasunod nito. Kung hindi ipinahihintulot ng panahon o kalagayan ng isang Kristiyano na pareho itong madaluhan, ang pagpunta sa Kingdom Hall ang tiyak na mas kanais-nais. Sinabi ng isang elder na nagngangalang William: “Kung hindi pumunta sa Kingdom Hall ang isang panauhin nang wala namang mabuting dahilan ngunit pumunta siya sa handaan, kawalan ito ng pagpapahalaga sa pagiging sagrado ng okasyon. Kahit na hindi tayo imbitado sa handaan,c maaari nating ipakita ang ating suporta sa kasintahang babae at kasintahang lalaki at makapagpapakita rin tayo ng mahusay na patotoo sa di-sumasampalatayang mga kamag-anak na dumalo sa kasal sa pamamagitan ng pagdalo sa seremonya sa Kingdom Hall.”
Kasiyahang Nagtatagal Kahit Tapos Na ang Kasal
Ginagawa nang malaking negosyo sa ngayon ang selebrasyon sa kasal. Ayon sa isang kamakailang ulat, ang pangkaraniwang kasalan sa Estados Unidos ay “umaabot nang $22,000, o kalahati ng katamtamang [taunang] kita ng isang sambahayang Amerikano.” Dahil sa impluwensiya ng propaganda ng komersiyo, maraming bagong kasal o pamilya ng bagong kasal ang nababaon sa utang, na ilang taon nilang bubunuin, para lamang sa isang araw na iyon. Isang katalinuhan ba na simulan ang pag-aasawa sa gayong paraan? Baka piliin ng mga taong hindi nakaaalam o hindi nagpapahalaga sa mga simulain ng Bibliya ang gayong karangyaan, pero ibang-iba sa mga tunay na Kristiyano!
Sa pamamagitan ng pag-iimbita ng makatuwirang dami ng bisita sa kasal at sa pagkakaroon ng abot-kayang handaan at pagtutuon sa espirituwal na aspekto ng okasyon, nagamit ng maraming magkasintahang Kristiyano ang kanilang panahon at ari-arian kaayon ng kanilang pag-aalay sa Diyos. (Mateo 6:33) Isaalang-alang ang karanasan nina Lloyd at Alexandra, na nagpatuloy sa buong-panahong ministeryo sa loob ng 17 taon matapos silang ikasal. Sinabi ni Lloyd: “Maaaring sabihin ng ilan na parang napakasimple ng aming kasal, subalit tuwang-tuwa kami ni Alexandra. Para sa amin, ang araw ng aming kasal ay dapat na isang selebrasyon sa kaayusan ni Jehova na nagdudulot ng masidhing kaligayahan sa dalawang tao, hindi isang pabigat sa pinansiyal na kailangang pasanin.”
Idinagdag pa ni Alexandra: “Payunir ako bago pa kami ikasal, at ayaw kong bitiwan ang pribilehiyong ito para lamang magkaroon ng marangyang kasal. Napakaespesyal ng araw ng aming kasal. Gayunman, unang araw pa lamang iyon ng buhay namin bilang mag-asawa. Ikinapit namin ang payo na iwasan ang pagtutuon ng higit na pansin sa kasal at hinanap namin ang gabay ni Jehova sa aming buhay bilang mag-asawa. Tiyak na ito ang dahilan kung bakit kami pinagpala ni Jehova.”d
Oo, ang araw ng inyong kasal ay isang espesyal na okasyon. Ang mga saloobin at mga gagawin sa araw na iyon ay maaaring magsilbing parisan para sa magiging buhay ninyo bilang mag-asawa. Kaya umasa kay Jehova para sa patnubay. (Kawikaan 3:5, 6) Laging isaisip na ang pinakamahalaga ay ang espirituwal na aspekto ng araw ng kasal. Magtulungan kayo sa inyong bigay-Diyos na atas. Sa gayon, makapaglalatag kayo ng matibay na pundasyon para sa inyong pag-aasawa, at sa pamamagitan ng pagpapala ni Jehova, magkakaroon kayo ng kasiyahang nagtatagal kahit tapos na ang araw ng inyong kasal.—Kawikaan 18:22.
-