-
Bakit Dapat Mamuhay Ayon sa mga Pamantayan ng Bibliya?Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
-
-
KABANATA 34
Bakit Dapat Mamuhay Ayon sa mga Pamantayan ng Bibliya?
Nanananghalian ka sa kantin kasama ng iyong dalawang kaeskuwelang babae nang dumating ang bagong estudyanteng lalaki.
“Alam mo, may gusto talaga sa iyo si Jay,” ang sabi ng una mong kaeskuwela. “Halata sa mga tingin niya sa iyo. Titig na titig, eh!”
“At ito pa,” ang bulong naman sa iyo ng ikalawa mong kaeskuwela. “Wala pa siyang girlfriend!”
Nahalata mo na iyon. Noong isang araw lang, inimbitahan ka ni Jay sa isang parti sa bahay nila. Siyempre pa, tumanggi ka. Pero iniisip mo rin kung ano kaya ang nangyari kung tumuloy ka.
Biglang nagsalita ulit ang una mong kaeskuwela.
“Sayang, may boyfriend na ako,” ang sabi niya. “Kung wala, hindi ako magdadalawang-isip na makipag-date kay Jay.”
Pagkatapos ay tumingin siya sa iyo na parang nagtataka. Alam mo na kung ano ang itatanong niya.
“Ikaw, bakit nga ba wala ka pang boyfriend?” ang tanong niya.
Iyan ang tanong na iniiwasan mo! Ang totoo, gusto mong magka-boyfriend. Pero sinabihan kang mas mabuting maghintay muna hanggang handa ka nang mag-asawa bago ka makipag-date. Kung hindi nga lang dahil sa . . .
“Dahil sa relihiyon mo, ano?” ang sabi naman ng ikalawa.
‘Nababasa ba niya ang iniisip ko?’ ang sabi mo sa sarili mo.
“Kasi naman, puro ka na lang Bibliya, Bibliya, Bibliya,” ang kantiyaw niya. “Bakit, hindi ka ba puwedeng magsaya paminsan-minsan?”
NAKANTIYAWAN ka na ba dahil nagsisikap kang mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya? Kung oo, baka naiisip mong napapalampas mo ang mga pagkakataon para magsaya. Ganiyan ang nadama ng kabataang si Deborah. “Nahihigpitan ako sa mga pamantayan ng Bibliya,” ang naalaala niya. “Gusto ko sana ang buhay ng mga kaibigan ko sa iskul—walang bawal.”
Ano ba Talaga ang Totoo?
Hindi mo kailangang magkamali at masaktan muna bago ka matuto. Sa katunayan, sinasabi sa Bibliya na isang katalinuhan na matuto mula sa pagkakamali ng iba, gaya ng ginawa ng salmistang si Asap. May panahon na naisip niyang napakahigpit ng mga pamantayan ng Diyos. Pero nang pag-isipan niya ang nangyari sa mga sumuway sa mga pamantayan ng Diyos, nakita niya kung ano talaga ang totoo. Nang maglaon, sinabi ni Asap na ang mga taong ito ay nasa “madulas na dako.”—Awit 73:18.
Para matuto mula sa pagkakamali ng iba, tingnan ang sumusunod na mga komento ng mga kabataang sumuway noon sa mga pamantayan ng Bibliya at nakipag-sex nang hindi pa kasal.
● Ano ang nakaimpluwensiya sa iyong pag-iisip at pagkilos?
Deborah: “Noong nag-aaral pa ako, nakikita kong may boyfriend at girlfriend ang lahat, at mukha naman silang masaya. Kapag kasama ko sila at nakikita ko silang naghahalikan at nagyayakapan, naiinggit ako at pakiramdam ko’y nag-iisa ako. Madalas kong ini-imagine ang lalaking gusto ko. Kaya tuloy gustung-gusto ko siyang makasama.”
Mike: “Nagbabasa ako ng mga magasin at nanonood ng mga programa na halos puro tungkol sa sex. Dahil pinag-uusapan naming magkakaibigan ang tungkol sa sex, lalo akong naging interesado rito. At kapag kasama ko ang isang babae, iniisip ko na puwede kaming maghalikan at magyakapan nang hindi naman nagse-sex, at kaya kong huminto anumang oras.”
Andrew: “Nakahiligan kong manood ng pornograpya sa Internet. Napaparami na rin ang pag-inom ko ng alak. At nakikipagparti ako sa mga kabataang walang paggalang sa moral na mga pamantayan ng Bibliya.”
Tracy: “Alam kong masamang makipag-sex nang hindi pa kasal, pero hindi ko naman iyon kinamumuhian. Wala akong balak na makipag-sex bago mag-asawa, pero nadala ako ng damdamin ko. May panahong naging manhid ako kaya hindi na ako nakokonsiyensiya.”
● Masaya ka ba sa naging buhay mo?
Deborah: “Noong una, para akong nakawala sa hawla, at masaya ako dahil sa wakas, hindi na ako naiiba sa mga kaibigan ko. Pero hindi iyon nagtagal. Nang maglaon, pakiramdam ko, marumi ako, pinagsamantalahan, at wala nang halaga. Sising-sisi ako dahil hindi na ako virgin.”
Andrew: “Madali na akong nadadala ng masamang pagnanasa. Pero kasabay nito, nakokonsiyensiya ako at naiinis sa sarili ko.”
Tracy: “Sinira ng imoralidad ang aking kabataan. Akala ko, magiging masaya kami ng boyfriend ko. Hindi pala. Sinaktan lang namin ang isa’t isa. Gabi-gabi akong umiiyak sa aking higaan, nag-iisip na sana’y sinunod ko si Jehova.”
Mike: “Pakiramdam ko, malaki ang nawala sa buhay ko. Sinikap kong bale-walain noon ang epekto sa iba ng mga ginagawa ko, pero hindi ko pala kaya. Napakasakit isipin na sa kagustuhan kong mapasaya ang sarili ko, nasaktan ko ang iba.”
● Ano ang maipapayo mo sa ibang kabataang nag-iisip na napakahigpit ng moral na mga pamantayan ng Bibliya?
Tracy: “Mamuhay ka ayon sa mga pamantayan ni Jehova at makisama sa mga taong gayon din ang ginagawa. Doon ka magiging mas maligaya.”
Deborah: “Hindi lang ikaw at kung ano ang gusto mo ang nasasangkot. Makaaapekto sa iba ang iyong ginagawa. At kung babale-walain mo ang mga payo ng Diyos, sisirain mo lang ang iyong buhay.”
Andrew: “Kapag wala ka pang karanasan, akala mo masaya ang buhay ng mga kaibigan mo. Maiimpluwensiyahan ka nila. Kaya maging matalino sa pagpili ng mga kaibigan. Magtiwala ka kay Jehova, at hinding-hindi ka magsisisi.”
Mike: “Kasama sa pinakamahahalagang bagay na ibinigay sa iyo ni Jehova ang iyong dangal at moral na kalinisan. Kung sasayangin mo ang mga regalong iyan dahil hindi ka makapagpigil, ibinababa mo lang ang iyong sarili. Sabihin mo ang iyong mga problema sa mga magulang mo at sa iba pang may-gulang na mga indibiduwal. Kung magkamali ka, ipagtapat mo ito agad at ituwid ang situwasyon. Magkakaroon ka ng tunay na kapayapaan ng isip kung susundin mo si Jehova.”
Mga Pamantayan ng Bibliya—Restriksiyon o Proteksiyon?
Si Jehova ang “maligayang Diyos,” at gusto ka rin niyang maging maligaya. (1 Timoteo 1:11; Eclesiastes 11:9) Ang mga pamantayang nakasulat sa Bibliya ay para sa iyong kabutihan. Totoo, maaari mong isiping ang mga pamantayan ng Bibliya ay parang straitjacket na nagsisilbing restriksiyon sa iyong kalayaan. Pero ang totoo, ang mga pamantayan ng Bibliya ay parang seatbelt na nagbibigay sa iyo ng proteksiyon upang mailayo ka sa kapahamakan.
Talagang mapagkakatiwalaan mo ang Bibliya. Kung mamumuhay ka ayon sa mga pamantayan nito, hindi mo lang mapapasaya si Jehova, makikinabang ka pa.—Isaias 48:17.
Maaari kang maging kaibigan ng Diyos. Alamin kung paano.
TEMANG TEKSTO
“Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.”—Isaias 48:17.
TIP
Pag-isipan kung paano mo ipapaliwanag sa iyong nakababatang kapatid kung bakit matalinong sundin ang mga pamantayan ng Bibliya. Ang pagsasabi sa iba ng mga paniniwala mo ay isang napakahusay na paraan para tumimo ang mga ito sa iyong puso.
ALAM MO BA . . . ?
Sa isang iglap lang, puwedeng masira ang kaugnayan mo kay Jehova, pero baka kailanganin mo ang maraming taon para maibalik ito.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Para maunawaan ko kung bakit matalinong sundin ang mga pamantayan ng Bibliya, ang gagawin ko ay ․․․․․
Kung naiinggit ako sa mga namumuhay ayon sa mga pamantayan ng sanlibutan, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Bakit hindi mo na kailangang danasin ang mga resulta ng pagsuway sa mga batas ng Diyos bago ka matuto?
● Ano ang matututuhan mo sa mga sinabi nina Deborah, Mike, Andrew, at Tracy?
● Bakit maaaring isipin ng iba na ang mga pamantayan ng Bibliya ay parang straitjacket o napakahigpit, pero bakit makitid ang ganitong kaisipan?
[Blurb sa pahina 285]
“Ang madarama mong bigat ng loob kapag dinisiplina ka dahil sa paggawa ng kasalanan ay mas madaling dalhin kaysa sa kirot na madarama mo kapag inilihim mo ito.”—Donna
[Mga larawan sa pahina 288]
Ang mga pamantayan ng Bibliya ay proteksiyon sa iyo, hindi restriksiyon na hahadlang sa iyong kaligayahan
-
-
Paano Ako Magiging Kaibigan ng Diyos?Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
-
-
KABANATA 35
Paano Ako Magiging Kaibigan ng Diyos?
Dahil sa isang malungkot na pangyayari sa buhay ni Jeremy, nakita niya ang kahalagahan ng pakikipagkaibigan sa Diyos. “Noong 12 anyos ako, iniwan kami ng tatay ko,” ang paliwanag niya. “Isang gabi bago ako matulog, nagsumamo ako kay Jehova na sana’y bumalik sa amin ang tatay ko.”
Lungkot na lungkot si Jeremy, kaya nagbasa siya ng Bibliya. Naantig siya nang husto nang mabasa niya ang Awit 10:14. Ganito ang sinasabi ng talatang iyon tungkol kay Jehova: “Sa iyo ipinagkakatiwala ng isang sawi, ng batang lalaking walang ama, ang kaniyang sarili. Ikaw naman ang naging kaniyang katulong.” Sinabi ni Jeremy: “Parang kinakausap ako ni Jehova at sinasabi sa akin na siya ang aking katulong; siya ang aking Ama. Para sa akin, walang nang amang hihigit pa sa kaniya.”
PAREHO man kayo ng situwasyon ni Jeremy o hindi, ipinakikita ng Bibliya na gusto kang maging kaibigan ni Jehova. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Isip-isipin kung ano ang kahulugan ng mga pananalitang iyan: Kahit na hindi mo siya nakikita—at di-hamak na mas nakahihigit siya sa iyo sa lahat ng bagay—inaanyayahan ka ng Diyos na Jehova na maging kaibigan niya!
Pero para maging kaibigan mo ang Diyos, kailangan mong magsikap. Bilang halimbawa: Kapag may halaman ka sa bahay, alam mong hindi ito lálaki nang mag-isa. Para lumago ito, kailangan mo itong palaging diligin at ilagay sa lugar na makakatulong sa paglaki nito. Ganiyan din sa pakikipagkaibigan sa Diyos. Ano ang puwede mong gawin para lumago ang gayong pagkakaibigan?
Kahalagahan ng Pag-aaral ng Bibliya
Sa pagkakaibigan, kailangan ang komunikasyon—pakikinig at pagsasalita. Ganiyan din sa pakikipagkaibigan sa Diyos. Nakikinig tayo sa sinasabi ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya.—Awit 1:2, 3.
Totoo, baka hindi ka naman mahilig mag-aral. Mas gusto pa nga ng maraming kabataan na manood na lamang ng TV, maglaro, o makasama ang kanilang mga kaibigan. Pero kung gusto mong maging kaibigan ang Diyos, kailangan mong magsikap. Kailangan mong makinig sa kaniya sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita.
Ngunit wala kang dapat ipag-alala. Hindi naman kailangang maging pabigat ang pag-aaral ng Bibliya. Makakahiligan mo rin ito—kahit na sinasabi mong hindi ka palaaral. Ang unang-unang kailangan mong gawin ay maglaan ng panahon para sa pag-aaral ng Bibliya. “May iskedyul ako,” ang sabi ng dalagitang si Lais. “Pagkagising ko tuwing umaga, nagbabasa ako ng isang kabanata sa Bibliya.” Iba naman ang iskedyul ng 15-anyos na si Maria. “Nagbabasa ako ng ilang bahagi ng Bibliya bago ako matulog sa gabi,” ang sabi niya.
Para magkaroon ka ng personal na pag-aaral ng Bibliya, basahin mo ang kahon sa pahina 292. Pagkatapos, isulat sa ibaba kung kailan ka makapaglalaan ng kahit 30 minuto o higit pa para sa pag-aaral ng Salita ng Diyos.
․․․․․
Ang pag-iiskedyul ay pasimula lamang. Pero kapag talagang nag-aaral ka na, baka makita mong hindi laging madaling basahin ang Bibliya. Maaaring sumang-ayon ka sa 11-anyos na si Jezreel, na umamin, “Mahirap intindihin ang ilang bahagi ng Bibliya at medyo nakakaantok basahin.” Kung ganiyan ang nadarama mo, huwag kang susuko. Tuwing mag-aaral ka ng Bibliya, ituring mong pagkakataon ito para makinig sa Diyos na Jehova, ang iyong kaibigan. Habang nagsisikap kang mag-aral ng Bibliya, nagiging kasiya-siya at kapaki-pakinabang ito!
Napakahalaga ng Panalangin
Sa panalangin, tayo naman ang nagsasalita at ang Diyos ang nakikinig. Isip-isipin na lamang kung gaano kagandang regalo ang panalangin! Puwede kang tumawag sa Diyos na Jehova kahit anong oras, araw man o gabi. Palagi siyang handang makinig. Hindi lang iyan, gusto rin niyang marinig kung ano ang sasabihin mo. Iyan ang dahilan kung kaya sinasabi ng Bibliya: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.”—Filipos 4:6.
Gaya ng ipinakikita ng tekstong iyan, marami kang puwedeng sabihin kay Jehova. Kasama na diyan ang iyong mga problema at mga álalahanín. Puwede mo ring isama ang mga bagay na ipinagpapasalamat mo. Tutal, hindi ba’t pinasasalamatan mo ang iyong mga kaibigan dahil sa mabubuting bagay na ginawa nila para sa iyo? Puwede mo ring gawin iyan kay Jehova, na di-hamak na mas maraming nagawang mabubuting bagay para sa iyo.—Awit 106:1.
Ilista ang ilang bagay na gusto mong ipagpasalamat kay Jehova.
․․․․․
Tiyak na may mga pangamba at álalahanín ka rin kung minsan na nagpapabigat sa kalooban mo. Sinasabi ng Awit 55:22: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.”
Ilista ang anumang bagay na ikinababahala mo na gusto mong ipanalangin.
․․․․․
Personal na Karanasan
May isa pang bagay hinggil sa iyong pakikipagkaibigan sa Diyos na hindi mo dapat bale-walain. Sumulat ang salmistang si David: “Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti.” (Awit 34:8) Nang kathain ni David ang ika-34 na Awit, katatapos lang niyang pagdaanan ang isang nakakatakot na karanasan. Tumatakas siya noon kay Haring Saul na gustong pumatay sa kaniya. Ang masaklap pa nito, kinailangan niyang magtago doon mismo sa lugar ng kaniyang mga kaaway na Filisteo! Yamang tiyak na mapapatay siya, gumawa ng paraan si David. Nagpanggap siyang isang baliw kung kaya nakatakas siya.—1 Samuel 21:10-15.
Sinabi ni David na nakaligtas siya sa bingit ng kamatayan hindi dahil sa sarili niyang galíng, kundi sa tulong ni Jehova. Ganito ang sinabi niya: “Nagtanong ako kay Jehova, at sinagot niya ako, at mula sa lahat ng aking pagkatakot ay iniligtas niya ako.” (Awit 34:4) Dahil sa karanasang ito ni David kaya hinimok niya ang iba na ‘tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti.’a
May naaalaala ka bang karanasan mo na nagpapakitang nagmamalasakit sa iyo si Jehova? Kung mayroon, isulat mo sa ibaba ang tungkol dito. Pansinin: Hindi naman ito kailangang maging madrama. Isipin ang simpleng mga pagpapala sa araw-araw, na ang ilan ay baka hindi mo lamang napapansin.
․․․․․
Baka mga magulang mo ang nagturo sa iyo ng Bibliya. Kung oo, pagpapala iyan. Gayunman, kailangan mong magkaroon ng personal na pakikipagkaibigan sa Diyos. Kung hindi mo pa iyan nagagawa, puwede mong ikapit ang mga punto sa kabanatang ito para makapagsimula ka. Pagpapalain ni Jehova ang iyong mga pagsisikap. Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong.”—Mateo 7:7.
MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 38 AT 39
Nahihirapan ka bang ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa Diyos? Alamin kung paano mo maipagtatanggol ang iyong mga paniniwala.
[Talababa]
a Sa ilang bersiyon ng Bibliya, ang pananalitang ‘tikman at tingnan’ ay isinaling “subukin ninyo at tikman,” “tuklasin mo,” at “sa karanasan malalaman mo.”—Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino, Contemporary English Version, at The Bible in Basic English.
TEMANG TEKSTO
“Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3.
TIP
Magbasa ka lamang ng limang pahina ng Bibliya bawat araw, matatapos mo itong basahin sa loob ng humigit-kumulang isang taon.
ALAM MO BA . . . ?
Ang pagbabasa mo ng aklat na ito at ang pagsunod mo sa payo nito mula sa Bibliya ay nagpapakitang interesado sa iyo si Jehova.—Juan 6:44.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Para higit akong makinabang sa personal na pag-aaral ng Bibliya, ang gagawin ko ay ․․․․․
Para lalo akong maging regular sa pananalangin, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Ano ang puwede mong gawin para maging higit na kapana-panabik ang pag-aaral ng Bibliya?
● Bakit gustong marinig ni Jehova ang panalangin ng di-sakdal na mga tao?
● Paano mo mapasusulong ang kalidad ng iyong mga panalangin?
[Blurb sa pahina 291]
“Noong bata ako, paulit-ulit lang ang mga panalangin ko. Pero ngayon, sinisikap kong idalangin ang mabubuti at masasamang bagay na nangyayari sa bawat araw. Iba-iba naman ang nangyayari araw-araw, kaya naiiwasan kong ulit-ulitin na lamang ang mga sinasabi ko.”—Eve
[Kahon/Larawan sa pahina 292]
Suriin ang Iyong Bibliya
1. Pumili ng isang kuwento sa Bibliya na gusto mong basahin. Manalangin sa Diyos na bigyan ka ng karunungan para maintindihan ito.
2. Basahing mabuti ang kuwento. Huwag kang magmadali. Habang nagbabasa, isipin mo ang eksena. Ipagpalagay mong naroroon ka. Tingnan mo kung ano ang ginagawa ng mga tauhan, pakinggan ang kanilang pag-uusap, langhapin ang hangin, tikman ang pagkain, at iba pa.
3. Pag-isipan ang binasa mo. Itanong sa iyong sarili ang sumusunod:
● Bakit ipinasulat ni Jehova sa kaniyang Salita ang kuwentong ito?
● Sinu-sinong tauhan ang karapat-dapat tularan, at sinu-sino naman ang hindi dapat tularan?
● Anu-anong praktikal na aral ang matututuhan ko sa binasa ko?
● Ano ang itinuturo sa akin ng kuwentong ito tungkol kay Jehova at kung paano niya hinaharap ang mga situwasyon?
4. Manalangin nang maikli kay Jehova. Sabihin mo sa kaniya kung ano ang natutuhan mo sa pag-aaral ng Bibliya at kung paano mo ito pinaplanong ikapit sa iyong buhay. Laging pasalamatan si Jehova sa regalong ibinigay niya sa iyo—ang kaniyang Salita, ang Banal na Bibliya!
[Larawan]
“Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.”—Awit 119:105.
[Kahon/Larawan sa pahina 294]
Unahin Kung Ano ang Importante
Masyado ka bang abala kaya wala kang panahong manalangin o mag-aral ng Bibliya? Kadalasan nang nakadepende ito sa kung ano ang gusto mong unahin sa iyong buhay.
Subukan ang eksperimentong ito: Kumuha ka ng timba, at lagyan mo ito ng ilang malalaking bato. Pagkatapos, punuin mo ito ng buhangin. Mayroon ka na ngayong isang timba na punô ng bato at buhangin.
Ngayon, ibuhos mo ang laman ng timba, pero itabi mo ang ginamit mong buhangin at mga bato dahil ito rin ang gagamitin mo. Baligtarin mo naman ang proseso: Punuin mo muna ng buhangin ang timba, at saka mo subukang ilagay ang mga bato. Hindi na kasya? Kasi, sa pagkakataong ito, inuna mong ilagay sa timba ang buhangin.
Ano ang punto? Sinasabi ng Bibliya: ‘Tiyakin ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:10) Kung uunahin mo sa buhay ang maliliit na bagay gaya ng paglilibang, parang wala nang lugar sa buhay mo ang malalaking bagay—ang mga gawaing may kaugnayan sa paglilingkod sa Diyos. Pero kung susundin mo ang payo ng Bibliya, makikita mong may lugar sa iyong buhay kapuwa ang paglilingkod sa Diyos at ang paglilibang. Depende lang iyan sa kung ano ang una mong ilalagay sa iyong “timba”!
[Larawan sa pahina 290]
Kung paanong kailangang alagaan ang isang halaman para lumago ito, gayon din ang pakikipagkaibigan sa Diyos
-
-
Paano Ko Maipagtatanggol ang Aking Paniniwala sa Diyos?Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
-
-
KABANATA 36
Paano Ko Maipagtatanggol ang Aking Paniniwala sa Diyos?
Bakit kaya hindi mo masabi sa iyong kaklase ang tungkol sa pananampalataya mo?
□ Kulang ang kaalaman mo sa Bibliya
□ Takot kang mapagtawanan
□ Hindi mo alam kung paano sisimulan ang pag-uusap
Kung ikaw ang tatanungin, ano ang pinakamadaling paraan para sabihin sa iba ang tungkol sa iyong pananampalataya?
□ Kausapin ang isang kaklase
□ Magsalita sa harap ng klase
□ Sumulat ng report tungkol sa mga natutuhan ko sa Bibliya
Kung kaya mo nang ipakipag-usap ang isang paksa sa Bibliya, sino sa mga kaeskuwela mo ang sa palagay mo’y makikinig sa iyo? ․․․․․
MALAMANG na hindi masyadong pinag-uusapan ng mga kaeskuwela mo ang tungkol sa Diyos. Magsabi ka ng ibang mga bagay—isport, damit, o mga di-kasekso—at hindi kayo mauubusan ng pag-uusapan. Pero banggitin mo ang tungkol sa Diyos at bigla na silang tatahimik.
Ibig bang sabihin nito, hindi naniniwala sa Diyos ang mga kapuwa mo kabataan? Hindi naman. Marami nga sa kanila ang naniniwala sa Kaniya. Naaasiwa lamang ang ilan na pag-usapan ang paksang ito. ‘Ang corny naman,’ baka isipin nila.
Kumusta Ka Naman?
Kung naiilang kang kausapin ang mga kaeskuwela mo tungkol sa Diyos, madali namang maintindihan iyan. Sino ba naman ang gustong kainisan ng iba, at lalo na ang mapagtawanan! Kung sa bagay, puwede talagang mangyari iyan sa iyo kung ipakikipag-usap mo ang pananampalataya mo. Pero baka magulat ka sa ibang kabataang gaya mo. Marami sa kanila ang naghahanap ng kasagutan sa mga tanong na gaya ng: Ano na ang kahihinatnan ng ating daigdig? at Bakit napakaraming problema sa ngayon? Malamang na mas gusto ng mga kabataang tulad mo na pag-usapan ang mga paksang ito kasama ng isang kaedad nila sa halip na isang mas matanda sa kanila.
Pero parang mahirap pa ring ipakipag-usap sa mga kapuwa mo kabataan ang tungkol sa relihiyon. Ang totoo, hindi ka naman kailangang magmukhang panatiko. Hindi ka rin dapat mag-alala na baka magkamali ka sa sasabihin mo. Ang pakikipag-usap tungkol sa pananampalataya mo ay parang pagtugtog ng isang instrumentong pangmusika. Malamang na hindi ito madaling gawin sa umpisa. Pero kung magpapraktis ka, magiging madali na ito, at magiging sulit ang mga pagsisikap mo. Paano mo naman kaya pasisimulan ang isang pag-uusap?
Kadalasan na, puwede mo itong pasimulan sa isang bagay na madaling pag-usapan. Halimbawa, kapag pinag-uusapan sa klase ang tungkol sa isang kasalukuyang balita, puwede mong banggitin ang opinyon mong salig sa Bibliya. O puwede mong kausapin kahit isa lamang sa mga kaklase mo. Ang isa pang mas madaling paraan na ginagawa ng ilang kabataang Kristiyano ay ang basta paglalagay sa kanilang mesa ng isang publikasyong salig sa Bibliya para makita nila kung magiging interesado rito ang kaklase nila. Madalas na napapansin ito ng isang kaklase kaya napapasimulan ang pag-uusap!
Alin sa nabanggit na mga paraan ang puwede mong subukan? ․․․․․
May naiisip ka pa bang ibang paraan para masabi mo sa isang kaklase ang tungkol sa pananampalataya mo? Kung mayroon, isulat mo ito sa ibaba.
․․․․․
Kung minsan, dahil sa isang project sa eskuwela, nagkakaroon ka ng pagkakataong sabihin sa iba ang tungkol sa pananampalataya mo. Halimbawa, ano ang puwede mong gawin kapag pinag-uusapan sa inyong klase ang tungkol sa ebolusyon? Paano mo ipagtatanggol ang paniniwala mo tungkol sa paglalang?
Kung Paano Mo Ipagtatanggol ang Paglalang
“Nang pag-usapan sa klase ang tungkol sa ebolusyon, ibang-iba iyon sa mga itinuro sa akin [ng mga magulang ko],” ang sabi ng kabataang si Ryan. “Itinuro iyon [ng mga guro ko] na para bang napatunayan nang totoo iyon, kaya hindi na ako nakakibo.” Halos ganiyan din ang sinabi ni Raquel. “Kinabahan ako nang sabihin ng guro ko sa araling panlipunan na ebolusyon ang susunod naming pag-aaralan,” ang sabi niya. “Alam ko na kakailanganin kong ipaliwanag sa klase ang paninindigan ko sa kontrobersiyal na isyung ito.”
Ano ang nadarama mo kapag ebolusyon na ang pinag-uusapan sa klase? Naniniwala ka na “nilalang [ng Diyos] ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 4:11) Nakikita mo sa mga bagay sa palibot mo ang ebidensiya na may matalinong disenyador. Pero sinasabi sa mga aklat-aralin, pati na ng guro mo, na ang buhay ay dumaan sa proseso ng ebolusyon. Sino ka naman para kontrahin ang sinasabi ng mga diumano’y eksperto?
Makatitiyak kang marami rin ang hindi naniniwala sa teoriya ng ebolusyon. Sa katunayan, may mga siyentipiko pa ngang hindi rin naniniwala rito, kasama na ang maraming guro at mga estudyante.
Magkagayunman, para maipagtanggol mo ang paniniwala mo sa paglalang, kailangan mong malaman kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya tungkol dito. Hindi mo kailangang makipagtalo tungkol sa mga bagay na walang tuwirang sinasabi ang Bibliya. Tingnan ang ilang halimbawa.
Ayon sa aklat-aralin ko tungkol sa siyensiya, bilyun-bilyong taon nang umiiral ang lupa at ang sistema solar. Sinasabi ng Bibliya na umiiral na ang lupa at ang buong uniberso bago pa ang unang araw ng paglalang. Kaya malamang na mga bilyun-bilyong taon nang umiiral ang lupa at ang sistema solar.—Genesis 1:1.
Sinasabi ng aking guro na imposibleng nilalang ang lupa sa loob lamang ng anim na araw. Hindi sinasabi ng Bibliya na ang bawat isa sa anim na araw ng paglalang ay literal na 24 na oras.
Tinalakay sa klase namin ang maraming halimbawa kung paano nagbago ang anyo ng mga hayop at mga tao sa paglipas ng panahon. Sinasabi ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang mga bagay na may buhay “ayon sa kani-kanilang uri.” (Genesis 1:20, 21) Hindi nito sinusuportahan ang ideya na nagmula ang buhay sa mga bagay na walang buhay ni sinasabi man nito na sinimulan ng Diyos ang proseso ng ebolusyon sa pamamagitan ng isang selula. Pero ang bawat “uri” ay may potensiyal na maging sari-sari ang hitsura. Kaya ipinahihiwatig ng Bibliya na posibleng magkaroon ng mga pagbabago sa anyo ng mga nilalang, pero hindi nagbabago ang kanilang “uri.”
Matapos isaalang-alang ang mga tinalakay sa kabanatang ito, ano ang sasabihin mo kung isang guro o kaklase mo ang magsabi:
“Pinatutunayan ng siyensiya na tayo ay produkto ng ebolusyon.” ․․․․․
“Hindi ako naniniwala sa Diyos dahil hindi ko siya nakikita.” ․․․․․
Maging Kumbinsido sa mga Paniniwala Mo!
Kung Kristiyano ang mga magulang mo, baka naniniwala ka sa paglalang dahil lamang sa iyan ang naituro sa iyo. Pero ngayong malaki ka na, gusto mong sambahin ang Diyos ‘taglay ang kakayahan mo sa pangangatuwiran’ at gusto mo ring magkaroon ng matibay na pundasyon, o basehan, ang mga paniniwala mo. (Roma 12:1) Dahil diyan, tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang nakakakumbinsi sa akin na mayroong Maylalang?’ Tinukoy ng 14-anyos na si Sam ang katawan ng tao. “Napakadetalyado at napakakomplikado nito,” ang sabi niya, “at napakahusay ng koordinasyon ng lahat ng bahagi nito. Hindi puwedeng produkto lamang ng ebolusyon ang katawan ng tao!” Ganito rin ang iniisip ng 16-anyos na si Holly. “Mula nang sabihin ng mga doktor na may diyabetis ako,” ang sabi niya, “marami akong natutuhan kung paano gumagana ang katawan ng tao. Halimbawa, napakahusay ng trabahong ginagawa ng lapay (pancreas)—isang maliit na sangkap na nasa parteng likod ng tiyan—para mapadaloy nang mahusay ang dugo at mapagana nang maayos ang ibang sangkap ng katawan.”
Ilista sa ibaba ang tatlong bagay na nakakumbinsi sa iyo na mayroong Maylalang.
1. ․․․․․
2. ․․․․․
3. ․․․․․
Hindi ka dapat mailang o mahiya dahil naniniwala ka sa Diyos at sa paglalang. Kung titingnan ang mga katibayan, talagang makatuwirang maniwala na ang tao ay ginawa ng isang matalinong disenyador.
Matapos tingnan ang lahat ng ebidensiya, masasabi natin na hindi ang paglalang kundi ang ebolusyon ang nangangailangan ng matinding pangungumbinsi. Sa ibang salita, ang papaniwalain ang iba sa isang himala nang wala namang naghimala! Pagkatapos mong pag-isipang mabuti ang bagay na ito gamit ang kakayahan mo sa pangangatuwiran, magkakaroon ka ng higit na kumpiyansa na ipagtanggol ang paniniwala mo sa Diyos.
Nakikita mong nagpapabautismo na ang mga kasing-edad mo. Handa ka na rin bang magpabautismo?
TEMANG TEKSTO
“Hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita; ito, sa katunayan, ang kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas sa bawat isa na may pananampalataya.”—Roma 1:16.
TIP
May malaking epekto ang paraan mo ng pakikipag-usap tungkol sa iyong mga paniniwala. Kung para kang nahihiya, mas malamang na kantiyawan ka lang nila. Pero kung magsasalita ka nang may kumpiyansa —gaya ng ginagawa ng mga kaeskuwela mo kapag sinasabi nila ang kanilang opinyon—mas malamang na igagalang ka nila.
ALAM MO BA . . . ?
Kung minsan, kapag hinihiling sa mga guro na patunayan ang ebolusyon, hindi nila iyon magawa. Saka nila maiisip na kaya lang nila pinaniniwalaan ang teoriyang iyon ay dahil iyon ang naituro sa kanila.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Para mapasimulan ko ang pakikipag-usap tungkol sa Bibliya sa isang kaklase, ang gagawin ko ay ․․․․․
Kapag tinanong ako kung bakit naniniwala ako sa Maylalang, ang sasabihin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Bakit importanteng sabihin sa iba ang iyong paniniwala?
● Kapag nasa eskuwela ka, ano ang ilang paraan para madali mong masabi ang iyong paniniwala tungkol sa paglalang?
● Paano mo maipapakita ang iyong pasasalamat sa Isa na lumalang ng lahat ng bagay?—Gawa 17:26, 27.
[Blurb sa pahina 299]
“Ang eskuwelahan ay isang teritoryong kami lang ang puwedeng makapangaral.”—Iraida
[Larawan sa pahina 298]
Parang pagtugtog ng isang instrumentong pangmusika ang pagsasabi sa iba tungkol sa pananampalataya mo. Nangangailangan ito ng kasanayan—kung magpapraktis ka, magiging mahusay ka rito
[Larawan sa pahina 300, 301]
Puwede mong mapaglabanan ang iyong takot na ipagtanggol ang mga paniniwala mo
-