-
Mali Bang Magpahayag Kami ng Pagmamahal sa Isa’t Isa?Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
-
-
KABANATA 4
Mali Bang Magpahayag Kami ng Pagmamahal sa Isa’t Isa?
Tama o mali . . .
Hindi puwedeng maghawakan ang magkasintahan kahit kailan.
□ Tama
□ Mali
Puwedeng magkasala ng pakikiapid ang magkasintahan kahit na hindi sila nagtatalik.
□ Tama
□ Mali
Ang magkasintahang hindi nagyayakapan o naghahalikan ay hindi totoong nagmamahalan.
□ Tama
□ Mali
MARAHIL ay madalas mong pag-isipan ang paksang ito. Kasi kung may kasintahan ka na, mahirap magtakda ng limitasyon pagdating sa pagpapahayag ng pagmamahal. Pag-usapan natin ang tatlong puntong binanggit sa itaas at tingnan natin kung paano makatutulong ang Salita ng Diyos upang masagot natin ang tanong na, “Mali bang magpahayag kami ng pagmamahal sa isa’t isa?”
● Hindi puwedeng maghawakan ang magkasintahan kahit kailan.
Mali. Hindi hinahatulan ng Bibliya ang kapahayagan ng pagmamahal kung marangal ito at nasa lugar. Halimbawa, may binabanggit sa Bibliya na kuwento ng pag-ibig ng isang dalagang Shulamita at ng binatang pastol. Malinis ang kanilang pagliligawan. Pero nagpakita rin sila ng pagmamahal sa isa’t isa sa pisikal na paraan bago sila naging mag-asawa. (Awit ni Solomon 1:2; 2:6; 8:5) Maaaring para sa ilang magkasintahan sa ngayon na talagang pinag-iisipan na ang pag-aasawa, hindi naman masama ang magpahayag ng pagmamahal sa paanuman.a
Gayunman, dapat na mag-ingat nang husto ang magkasintahan. Ang paghahalikan, pagyayakapan, o paggawa ng anumang bagay na nakapupukaw ng pagnanasa ay maaaring humantong sa seksuwal na kahalayan. Kahit na malinis ang hangarin ng magkasintahan, napakadaling madala ng emosyon at matuksong gumawa ng imoralidad.—Colosas 3:5.
● Puwedeng magkasala ng pakikiapid ang magkasintahan kahit na hindi sila nagtatalik.
Tama. Ang orihinal na salitang Griego na isinaling “pakikiapid” (por·neiʹa) ay may malawak na kahulugan. Tumutukoy ito sa lahat ng anyo ng pagtatalik ng hindi mag-asawa at sa di-wastong paggamit ng ari. Kaya kasama sa pakikiapid hindi lamang ang pakikipagtalik sa hindi mo asawa kundi pati na ang mga gawaing gaya ng paghimas sa ari ng ibang tao, oral sex, o anal sex.
Bukod diyan, hindi lamang pakikiapid ang hinahatulan ng Bibliya. Sumulat si apostol Pablo: “Ang mga gawa ng laman ay hayag, at ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, mahalay na paggawi.” Sinabi pa niya: “Yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Galacia 5:19-21.
Ano ang “karumihan”? Ang salitang Griego para rito ay tumutukoy sa anumang uri ng karumihan, sa salita at gawa. Tiyak na karumihan na ipasok ng isa ang kaniyang kamay sa loob ng damit ng iba, hubaran ang iba, o hipuin ang maseselang bahagi ng kanilang katawan, gaya ng dibdib. Sa Bibliya, ang paghimas sa dibdib ay nauugnay sa kasiyahang para lamang sa mag-asawa.—Kawikaan 5:18, 19.
Walang-kahihiyang sinusuway ng ilang kabataan ang mga pamantayan ng Diyos. Sinasadya nilang lumampas sa tamang mga limitasyon, o may-kasakiman silang naghahanap ng iba’t ibang makakapareha sa seksuwal na karumihan. Baka nakagagawa pa nga ang ilan ng “mahalay na paggawi,” gaya ng tawag dito ni apostol Pablo. Ang salitang Griego na isinaling “mahalay na paggawi” ay nangangahulugang ‘kalapastanganan, kalabisan, kawalang-pakundangan, di-mapigil na pagnanasa.’ Tiyak na ayaw mong ‘mawalan ng lahat ng pakiramdam sa moral’ dahil sa “mahalay na paggawi upang gumawa ng bawat uri ng karumihan nang may kasakiman.”—Efeso 4:17-19.
● Ang magkasintahang hindi nagyayakapan o naghahalikan ay hindi totoong nagmamahalan.
Mali. Salungat sa iniisip ng ilan, ang pagyayakapan o paghahalikan ay hindi nagpapatibay sa relasyon ng magkasintahan. Sa halip, sinisira nito ang paggalang at tiwala nila sa isa’t isa. Isaalang-alang ang karanasan ni Laura. “Isang araw, wala ang nanay ko sa bahay nang dumating ang boyfriend ko para makipanood daw ng TV,” ang sabi niya. “Sa umpisa, kamay ko lamang ang hawak niya. Mayamaya, gumapang na ang kamay niya. Hindi ko masabi sa kaniyang tama na dahil natatakot akong magalit siya at bigla na lamang umalis.”
Sa palagay mo, mahal ba talaga si Laura ng kasintahan niya, o gusto lamang nitong masapatan ang kaniyang makasariling pagnanasa? Mahal ka ba talaga ng taong humihikayat sa iyo na gumawa ng kahalayan?
Kapag pinipilit ng isang binata ang isang dalaga na ipagwalang-bahala ang kaniyang budhi at ang kaniyang pagiging Kristiyano, nilalabag niya ang kautusan ng Diyos at taliwas ito sa pag-aangking mahal niya ang dalaga. Bukod diyan, kapag pumayag ang dalaga, hinahayaan niyang mapagsamantalahan siya. Mas masahol pa rito, nakagawa siya ng karumihan—marahil ng pakikiapid pa nga.b—1 Corinto 6:9, 10.
Magtakda ng Malinaw na mga Limitasyon
Kapag nakikipag-date ka, paano mo maiiwasan ang di-angkop na pagpapahayag ng pagmamahal? Isang katalinuhan na patiunang magtakda ng malinaw na mga limitasyon. Sinasabi ng Kawikaan 13:10: “Sa mga nagsasanggunian ay may karunungan.” Kaya pag-usapan ninyong magkasintahan kung anong mga kapahayagan ng pagmamahal ang angkop. Kung hihintayin ninyong mag-alab ang inyong romantikong damdamin bago kayo magtakda ng mga limitasyon, wala itong ipinagkaiba sa isang taong saka lamang nag-instila ng alarma noong nasusunog na ang bahay niya.
Totoo, hindi madali—nakaaasiwa pa nga—na pag-usapan ang gayong maselang paksa, lalo na kung bago pa lamang kayong magkasintahan. Pero malaki ang magagawa ng pagtatakda ng mga limitasyon upang maiwasan ang malulubhang problema sa kalaunan. Ang pagtatakda ng makatuwirang mga limitasyon ay gaya ng pag-iinstila ng smoke detector na nagbibigay ng babala sa unang palatandaan pa lamang ng sunog. Bukod diyan, ang kakayahan mong ipakipag-usap ang ganitong mga bagay ay nagpapakitang may patutunguhan ang inyong relasyon. Sa katunayan, ang pagpipigil sa sarili, pagkamatiisin, at kawalang-pag-iimbot ang pundasyon ng kasiya-siyang seksuwal na ugnayan ng mag-asawa.—1 Corinto 7:3, 4.
Oo, hindi madaling sumunod sa mga pamantayan ng Diyos. Pero makapagtitiwala ka sa payo ni Jehova. Sa katunayan, sa Isaias 48:17, sinabi niyang siya “ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” Kapakanan mo ang iniisip ni Jehova!
MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 24
Kung virgin ka pa at walang karanasan, hindi naman ibig sabihing abnormal ka. Sa kabaligtaran, ito ang matalinong landasin. Alamin kung bakit.
[Mga talababa]
a Sa ilang bahagi ng daigdig, hindi katanggap-tanggap at malaswa ang hayagang pagpapakita ng pagmamahal ng magkasintahan. Sinisikap ng mga Kristiyano na maging maingat sa kanilang paggawi upang hindi sila makatisod sa iba.—2 Corinto 6:3.
b Siyempre pa, kapit kapuwa sa lalaki’t babae ang mga isyung binabanggit sa parapong ito.
TEMANG TEKSTO
“Ang pag-ibig ay . . . hindi gumagawi nang hindi disente.”—1 Corinto 13:4, 5.
TIP
Mag-date kayo kasama ng isang grupo o kaya’y magsama ng tsaperon. Umiwas sa alanganing mga situwasyon—halimbawa, huwag hahayaang dadalawa lamang kayo sa loob ng nakaparadang sasakyan o sa bahay.
ALAM MO BA . . . ?
Kapag nakatakda na ang inyong kasal, may ilang maselang bagay na kailangan ninyong pag-usapan. Pero ang masyadong detalyadong pag-uusap sa layuning pukawin ang pagnanasa sa sekso ay isang anyo ng karumihan—kahit na sa pamamagitan ng telepono o text message.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Makakaiwas ako sa imoralidad kung ․․․․․
Kung pilitin ako ng kasintahan ko na gumawa ng kahalayan, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Anu-anong limitasyon ang dapat mong itakda sa pagpapahayag ng pagmamahal sa isang di-kasekso?
● Ipaliwanag ang pagkakaiba ng pakikiapid, karumihan, at mahalay na paggawi.
[Blurb sa pahina 46]
“Nagbabasa kaming magkasintahan ng mga artikulong salig sa Bibliya kung paano makapananatiling malinis sa moral. Natulungan kami ng mga ito na mapanatiling malinis ang aming budhi.”—Leticia
[Kahon sa pahina 44]
Paano Kung Lumampas Kami sa Limitasyon?
Paano kung nakagawa kayong magkasintahan ng kahalayan? Huwag mong linlangin ang iyong sarili at isiping kaya mong lutasing mag-isa ang problema. Inamin ng isang kabataan: “Nananalangin naman ako sa Diyos na sana’y tulungan kaming huwag na itong maulit pa. Pero kung minsan, nadaraig pa rin kami ng tukso.” Kaya makipag-usap sa iyong mga magulang. Maganda rin ang payong ito ng Bibliya: “Tawagin . . . ang matatandang lalaki ng kongregasyon.” (Santiago 5:14) Ang mga Kristiyanong pastol na ito ay makapagbibigay ng payo at saway upang mapanumbalik mo ang iyong mabuting kaugnayan sa Diyos.
[Mga larawan sa pahina 47]
Saka ka lamang ba mag-iinstila ng alarma kapag nasusunog na ang bahay mo? Kung gayon, huwag nang hintaying mag-alab ang inyong romantikong damdamin bago magtakda ng mga limitasyon sa pagpapahayag ng pagmamahal
-
-
Bakit Walang Masama sa Pagiging Virgin?Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
-
-
KABANATA 5
Bakit Walang Masama sa Pagiging Virgin?
“Parang gusto kong subukang makipag-sex.”—Kelly.
“Parang naiiba ako dahil virgin pa ako.”—Jordon.
“ANO, virgin ka pa rin?” Baka takót kang masabihan ng ganiyan! Kung sa bagay, itinuturing sa maraming lugar na kakatwa ang isang kabataang virgin pa. Hindi nga kataka-takang marami ang nakikipag-sex kahit tin-edyer pa lamang sila!
Nahihila ng Pagnanasa, Itinutulak Pa ng Barkada
Kung isa kang Kristiyano, alam mong sinasabi ng Bibliya na dapat ‘iwasan ang pakikiapid.’ (1 Tesalonica 4:3) Pero baka nahihirapan kang pigilan ang iyong seksuwal na mga pagnanasa. “Kung minsan, basta na lang pumapasok sa isip ko ang tungkol sa sex,” ang inamin ng kabataang si Paul. Huwag kang mag-alala, normal lamang iyon.
Gayunman, hindi nakakatuwa kung madalas kang kinakantiyawan at pinag-iinitan dahil virgin ka pa! Halimbawa, paano kung sabihin sa iyo ng mga kaibigan mo na hindi ka maituturing na isang tunay na lalaki o babae hangga’t hindi mo pa nasusubukang makipag-sex? “Pinalilitaw ng mga kaibigan mo na waring kasiya-siya at normal ang pakikipag-sex,” ang sabi ni Ellen. “Kung hindi ka marunong makipag-sex kung kani-kanino, hindi normal ang tingin sa iyo.”
Pero may isang bagay tungkol sa pakikipagtalik nang hindi pa kasal na maaaring hindi pinagkukuwentuhan ng iyong mga kaibigan. Pansinin ang nangyari kay Maria na nakipag-sex noon sa kaniyang kasintahan. Ganito ang naalaala niya: “Pagkatapos mangyari iyon, wala na akong mukhang maiharap. Galit na galit ako sa aking sarili at sa kasintahan ko.” Walang kamalay-malay ang mga kabataan, pero iyan ang karaniwang nangyayari. Sa katunayan, ang pakikipagtalik nang hindi pa kasal ay nakapipinsala at nakasasakit ng damdamin!
Pero isang kabataang nagngangalang Shanda ang nagtanong, “Bakit bibigyan ng Diyos ang mga kabataan ng seksuwal na mga pagnanasa gayong alam naman niyang hindi nila ito dapat gamitin hangga’t hindi sila kasal?” Magandang tanong iyan. Pero pansinin ang sumusunod:
Seksuwal na pagnanasa lamang ba ang tanging matinding damdamin na nadarama mo? Hindi naman. Nilalang ka ng Diyos na Jehova na may kakayahang makadama ng iba’t ibang damdamin.
Dapat ka bang magpadala sa bawat bugso ng iyong damdamin minsang maramdaman mo ito? Hindi, dahil binigyan ka rin ng Diyos ng kakayahang pigilin ang iyong sarili.
Kung gayon, ano ang matututuhan mo rito? Normal lamang na magkaroon ka ng mga pagnanasa, pero kaya mong kontrolin ang iyong sarili. Sa katunayan, ang pagpapadala sa bawat seksuwal na pagnanasa ay hindi tama at hindi makatuwiran. Wala itong ipinagkaiba sa isang taong nananakit sa tuwing magagalit.
Ang totoo, layunin ng Diyos na maging marangal ang pagtatalik. “Ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan [o katawan] sa pagpapabanal at karangalan,” ang sabi ng Bibliya. (1 Tesalonica 4:4) Kung paanong may “panahon ng pag-ibig at panahon ng pagkapoot,” may panahon din para sapatan ang seksuwal na mga pagnanasa at may panahong hindi mo iyon dapat gawin. (Eclesiastes 3:1-8) Tutal, ikaw ang may kontrol sa iyong pagnanasa!
Pero ano ang magagawa mo kung may nangangantiyaw sa iyo, na para bang hindi siya makapaniwala, “Talaga bang virgin ka pa rin?” Huwag kang matakot. Kung gusto ka lamang niyang ipahiya, maaari mong sabihin: “Oo, virgin pa ako. At hindi ko ikinakahiya iyon!” O maaari mong sabihin, “Personal na bagay iyan na ayaw kong pag-usapan.”a (Kawikaan 26:4; Colosas 4:6) Sa kabilang banda, baka iniisip mong kailangang malaman ng taong ito ang iyong paninindigang salig sa Bibliya. Kung gayon, maaari mong ipaliwanag iyon sa kaniya.
May naiisip ka bang ibang sagot sa kantiyaw na “Talaga bang virgin ka pa rin?” Isulat iyon sa ibaba.
․․․․․
Isang Mahalagang Regalo
Ano kaya ang nadarama ng Diyos kapag ang mga tao ay nakikipagtalik nang hindi pa kasal? Buweno, ipagpalagay mong bumili ka ng regalo para sa iyong kaibigan. Pero dahil hindi na siya makapaghintay, bago mo pa man ito maibigay sa kaniya ay palihim na niya itong binuksan! Hindi ka ba magagalit? Kaya isipin mo na lang kung ano ang madarama ng Diyos kapag nakipagtalik ka nang hindi pa kasal. Gusto niyang hintayin mong ikaw ay makapag-asawa bago ka makipagtalik.—Genesis 1:28.
Ano ang dapat mong gawin kung makaramdam ka ng seksuwal na pagnanasa? Buweno, matutong kontrolin ito. Kaya mong gawin iyan! Manalangin kay Jehova na tulungan ka. Ang kaniyang espiritu ang tutulong sa iyo na magkaroon ng higit na pagpipigil sa sarili. (Galacia 5:22, 23) Laging tandaan na si Jehova ay “hindi magkakait ng anumang mabuti sa mga lumalakad sa kawalang-pagkukulang.” (Awit 84:11) Ganito ang sabi ng kabataang si Gordon: “Kapag naiisip kong hindi naman siguro malaking kasalanan ang pakikipag-sex nang hindi pa kasal, ipinaaalaala ko sa aking sarili ang masamang ibubunga nito sa aking kaugnayan kay Jehova. Hindi sulit na ipagpalit ko sa anupaman ang kaugnayan ko kay Jehova.”
Sa katunayan, normal at hindi kakatwa ang pagiging virgin. Ang seksuwal na imoralidad ang nakakahiya, nakapagpapababa ng dignidad, at nakasisira ng buhay. Kaya huwag kang maniwala sa mga tao sa sanlibutan na nagsasabing may diperensiya ka kung sumusunod ka sa mga pamantayan ng Bibliya. Kung iiwasan mo ang pakikipag-sex nang hindi pa kasal, maiingatan mo ang iyong kalusugan, maiiwasan mong masaktan, at higit sa lahat, mapananatili mo ang iyong kaugnayan sa Diyos.
MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 24
[Talababa]
a Kapansin-pansin, tumahimik lamang si Jesus nang tanungin siya ni Herodes. (Lucas 23:8, 9) Madalas na ang pananahimik ang pinakamabuting sagot sa malisyosong mga tanong.
TEMANG TEKSTO
‘Kung ang sinuman ay gumawa ng pasiyang ito sa kaniyang sariling puso, na ingatan ang kaniyang sariling pagkabirhen, siya ay mapapabuti.’—1 Corinto 7:37.
TIP
Iwasang makisama sa mga taong walang matibay na paninindigan sa mga pamantayang moral, kahit na sabihin pa nilang pareho kayo ng relihiyosong paniniwala.
ALAM MO BA . . . ?
Ang taong nahirati sa seksuwal na imoralidad ay malamang na hindi magbago kahit pa mag-asawa na siya. Sa kabaligtaran, ang taong tapat sa mga pamantayang moral ng Diyos bago pa man siya mag-asawa ay mas malamang na magiging tapat sa kaniyang kabiyak.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Kung gusto kong manatiling “virgin” hanggang sa makapag-asawa ako, ang gagawin ko ay ․․․․․
Kung ginigipit ako ng mga kaibigan ko na ipagwalang-bahala ang aking pasiya, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Bakit kaya kinukutya ng ilan ang mga virgin pa?
● Bakit hindi madali ang manatiling virgin?
● Anu-ano ang kapakinabangan ng pananatiling virgin hanggang sa ikaw ay makapag-asawa?
● Paano mo ipaliliwanag sa iyong nakababatang mga kapatid na makabubuti kung hindi siya makikipag-sex nang hindi pa kasal?
[Blurb sa pahina 51]
“Para maiwasan ko ang tuksong gumawa ng seksuwal na imoralidad, itinatanim ko sa isip ko na ‘walang sinumang mapakiapid o taong marumi o taong sakim ang may anumang mana sa kaharian ng Diyos.’” (Efeso 5:5)—Lydia
[Kahon sa pahina 49]
Worksheet
Ano Talaga ang Mangyayari Pagkatapos?
Madalas na may-katusuhang itinatago ng mga kaibigan mo at ng popular na mga libangan ang di-kaayaayang katotohanan hinggil sa pakikipag-sex nang hindi pa kasal. Pansinin ang sumusunod na mga situwasyon. Ano sa palagay mo ang talagang mangyayari sa mga kabataang ito? ․․․․․
● Ipinagyayabang ng isang estudyante sa inyong paaralan na marami na siyang nakatalik na babae. Sinabi niyang katuwaan lang iyon at wala namang nasasaktan. Ano talaga ang mangyayari pagkatapos—sa kaniya at sa mga babae? ․․․․․
● Sa katapusan ng isang pelikula, dalawang kabataang hindi pa kasal ang nagsiping para ipakitang mahal nila ang isa’t isa. Ano ang mangyayari pagkatapos—sa totoong buhay? ․․․․․
● Isang guwapong kabataan ang nagyaya sa iyo na makipag-sex. Sinabi niyang wala namang makaaalam tungkol doon. Kung magpapadala ka at ililihim iyon, ano talaga ang mangyayari pagkatapos? ․․․․․
[Larawan sa pahina 54]
Ang pakikipagtalik nang hindi pa kasal ay gaya ng palihim na pagbubukas ng regalo bago pa man ito maibigay sa iyo
-
-
Ano’ng Nangyayari sa Aking Katawan?Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
-
-
KABANATA 6
Ano’ng Nangyayari sa Aking Katawan?
“Ang bilis kong tumangkad. Tuwang-tuwa naman ako, pero masakit ito sa katawan dahil pinupulikat ang aking paa at binti. Nakakainis!”—Paul.
“Alam mong nagbabago na ang iyong katawan, at ayaw mo sanang may makapansin nito. Tapos, kahit hindi naman sinasadyang makasakit, may babati sa iyo na, ‘Ang lapad na ng balakang mo’—kaya parang gusto mo na lang sumuot sa isang lungga!”—Chanelle.
NASUBUKAN na ba ng inyong pamilya na lumipat ng tirahan sa isang bagong lugar? Nakakapanibago, hindi ba? Kasi, kailangan mong iwan ang lahat ng bagay na pamilyar sa iyo—ang inyong bahay, paaralan, at mga kaibigan. Malamang na matagal-tagal din bago ka nasanay sa bagong kapaligiran.
Ang panahon ng pagbibinata o pagdadalaga—kung kailan nadedebelop ang iyong katawan—ang isa sa pinakamalalaking pagbabago sa buhay ng isang tao. Para kang lilipat sa isang bagong lugar. Kapana-panabik? Sigurado! Pero magkakahalo ang nagiging damdamin ng isang nagbibinata o nagdadalaga, at baka manibago ka nang husto. Anu-anong pagbabago ang mararanasan mo sa kapana-panabik pero mahirap na yugtong ito ng iyong buhay?
Sa mga Nagdadalaga
Malaking pagbabago ang nararanasan ng mga nagdadalaga. Kapansin-pansin ang ilang pagbabago. Halimbawa, dahil sa ilang partikular na hormon, tutubuan ng buhok ang iyong ari. Bukod diyan, mapapansin mong lumalaki ang iyong dibdib, balakang, at hita. Nagkakahubog na ang iyong katawan, kaya hindi ka na mukhang bata. Wala kang dapat ikabahala—talagang normal ito. At indikasyon ito na naghahanda na ang katawan mo para sa pagdadalang-tao sa hinaharap!
Bahagi ng pagdadalaga ang pagkakaroon ng buwanang dalaw. Kung hindi ka handa, baka ikatakot mo ang malaking pagbabagong ito sa iyong buhay. Ganito ang naalaala ni Samantha: “Nabigla talaga ako nang una akong datnan. Ang dumi-dumi ng pakiramdam ko. Kinukuskos kong mabuti ang katawan ko kapag naliligo at diring-diri ako sa aking sarili. Takot na takot ako kapag naiisip kong buwan-buwan na akong magkakaroon sa loob ng maraming taon!”
Pero tandaan na ang pagkakaroon mo ng buwanang dalaw ay indikasyon na nadedebelop na ang iyong mga sangkap sa pag-aanak. Bagaman maraming taon pa naman ang lilipas bago ka maging handa sa pagiging isang magulang, unti-unti ka nang nagiging isang ganap na babae. Pero talagang nakababalisa pa rin kapag dinatnan ka na. “Ang pinakamalaking hamon para sa akin ay ang pagiging sumpungin ko,” ang sabi ni Kelli. “Hindi ko talaga maintindihan kung bakit napakasaya ko sa buong maghapon, pero mamumugto naman ang mga mata ko kinagabihan dahil sa kaiiyak.”
Kung ganiyan ang nadarama mo ngayon, huwag kang masiraan ng loob. Masasanay ka rin. Ganito ang sinabi ng 20-anyos na si Annette: “Dumating sa punto na natanggap ko ring kailangan ito para maging ganap na babae ako at na binigyan ako ni Jehova ng kakayahang magkaanak. Mahirap talaga itong tanggapin sa una, at malaking hamon ito para sa ilang babae; pero sa kalaunan, matututuhan mo ring tanggapin ang mga pagbabagong ito.”
Nararanasan mo na ba ang ilan sa pisikal na mga pagbabagong tinalakay sa itaas? Sa mga linya sa ibaba, isulat ang anumang naiisip mong tanong hinggil sa mga pagbabagong nararanasan mo.
․․․․․
Sa mga Nagbibinata
Kapag nagbinata ka na, malaki ang magiging pagbabago ng iyong hitsura. Halimbawa, baka maging masyadong malangis ang iyong balat, kaya maaaring tagihawatin ka at magkaroon ng blackheads.a “Nakakairita at nakakadismaya kapag tinagihawat ka,” ang sabi ng 18-anyos na si Matt. “Mahirap kalaban ang tagihawat. Hindi mo alam kung maaalis pa ito o kung mag-iiwan ito ng peklat o kung mamaliitin ka ng mga tao dahil dito.”
Sa kabilang panig, maaaring mapansin mo na mas lumalaki at lumalakas ka na. Lumalapad na rin ang iyong mga balikat. Maaaring tubuan ka ng bigote, balahibo sa binti at dibdib, at ng buhok sa kilikili. Siya nga pala, hindi sukatan ng pagkalalaki ang pagiging balbon; namamana lang ‘yan.
Dahil hindi sabay-sabay ang paglaki ng mga bahagi ng iyong katawan, baka maasiwa kang kumilos. “Asiwa akong kumilos. Para akong nag-i-skating na giraffe,” ang naalaala ni Dwayne. “Hindi agad makasunod ang mga bisig at binti ko sa sinasabi ng utak ko!”
Kapag tin-edyer ka na, unti-unting lálakí ang boses mo. May pagkakataong baka mapahiya ka dahil bigla ka na lang mapapapiyok habang nagsasalita. Pero huwag kang mag-alala, pansamantala lang iyan. Kaya kung mapapiyok ka man, tawanan mo na lang ang iyong sarili para hindi ka masyadong mapahiya.
Habang gumugulang ang iyong mga sangkap sa pag-aanak, lálakí ang iyong ari at tutubuan ito ng buhok sa palibot. Magsisimula na rin itong gumawa ng semilya. Ang likidong ito ay may milyun-milyong pagkaliliit na punlay, na lumalabas sa panahon ng pagtatalik. Kayang pertilisahin ng punlay ang selula mula sa obaryo ng babae upang makabuo ng sanggol.
Naiipon ang semilya sa iyong katawan. Ang ilan ay natutunaw na lamang sa loob ng katawan, pero paminsan-minsan, nailalabas ito sa gabi samantalang natutulog ka. Wet dream ang karaniwang tawag dito. Normal lamang ito. Binabanggit pa nga ito sa Bibliya. (Levitico 15:16, 17) Palatandaan ito na gumagana ang iyong mga sangkap sa pag-aanak at malapit ka nang maging ganap na lalaki.
Nararanasan mo na ba ang ilan sa pisikal na mga pagbabagong tinalakay sa itaas? Sa mga linya sa ibaba, isulat ang anumang naiisip mong tanong hinggil sa mga pagbabagong nararanasan mo.
․․․․․
Kung Paano Haharapin ang Pagbabago sa Iyong Damdamin
Habang nadedebelop ang mga sangkap sa pag-aanak ng mga lalaki at babae, nagkakaroon sila ng interes sa kanilang di-kasekso. “Nang magbinata ako, saka ko lang napansin na napakarami palang magagandang babae,” ang sabi ni Matt. “Pero wala naman akong magawa kasi napakabata ko pa para manligaw.” Mas detalyadong tatalakayin sa Kabanata 29 ng aklat na ito ang aspektong ito ng paglaki. Samantala, tandaan na mahalagang pag-aralan mong pigilin ang iyong seksuwal na pagnanasa. (Colosas 3:5) Bagaman waring mahirap itong gawin, makakaya mong kontrolin ang iyong sarili!
May iba pang mga damdamin na kailangan mong harapin sa panahon ng pagbibinata/pagdadalaga. Halimbawa, baka madali kang mainis sa iyong sarili. Karaniwan nang malungkutin ang mga kabataan, at paminsan-minsa’y nanlulumo. Sa gayong mga pagkakataon, makabubuting makipag-usap ka sa iyong magulang o sa iba pang adulto na pinagkakatiwalaan mo. Isulat ang pangalan ng adulto na maaari mong mapaghingahan ng iyong niloloob.
․․․․․
Higit na Mahalaga Kaysa sa Pisikal na Paglaki
May mas mahalaga pa kaysa sa iyong pagtangkad at pagbabago ng iyong hitsura o hubog ng katawan. Ito ay ang pagsulong mo sa mental, emosyonal at, higit sa lahat, sa espirituwal na paraan. Sinabi ni apostol Pablo: “Noong ako ay sanggol pa, nagsasalita akong gaya ng sanggol, nag-iisip na gaya ng sanggol, nangangatuwirang gaya ng sanggol; ngunit ngayong ganap na ang aking pagkatao, inalis ko na ang mga ugali ng isang sanggol.” (1 Corinto 13:11) Maliwanag ang aral. Hindi sapat na magmukha kang adulto. Kailangang matutuhan mong kumilos, magsalita, at mag-isip na gaya ng isang adulto. Huwag kang masyadong mabahala sa nangyayari sa iyong katawan anupat hindi mo na nabibigyang-pansin ang iyong pagkatao!
Tandaan din na “tumitingin [ang Diyos] sa kung ano ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Sinasabi ng Bibliya na si Haring Saul ay matangkad at makisig, pero hindi siya naging mabuting hari ni naging mabuting tao man siya. (1 Samuel 9:2) Sa kabaligtaran, si Zaqueo ay “maliit,” pero may lakas siya ng loob na magbago at maging alagad ni Jesus. (Lucas 19:2-10) Maliwanag, mas matimbang ang pagkatao kaysa pisikal na hitsura.
Isang bagay ang tiyak: Walang ligtas na paraan para pabilisin o pabagalin ang pisikal na paglaki. Kaya sa halip na kainisan o katakutan ang mga pagbabago, tanggapin ito nang maluwag sa kalooban—at daanin na lamang ito sa tawa. Hindi isang sakit ang pagbibinata o pagdadalaga, at hindi ikaw ang kauna-unahang dumanas nito. At huwag kang mag-alala, hindi naman ito nakamamatay. Kapag nalampasan mo na ang mahirap na yugtong ito ng pagbibinata/pagdadalaga, isa ka nang ganap na adulto!
Paano kung ayaw mo sa iyong hitsura? Paano ka magkakaroon ng timbang na pangmalas sa iyong hitsura?
[Talababa]
a Tinatagihawat din ang mga babae. Maiiwasan ang pagdami nito sa pamamagitan ng mabuting pangangalaga sa balat.
TEMANG TEKSTO
“Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin.”—Awit 139:14.
TIP
Ngayong nagbabago na ang hubog ng iyong katawan, iwasan ang mapang-akit na istilo ng pananamit. Laging manamit nang “may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.”—1 Timoteo 2:9.
ALAM MO BA . . . ?
Maaaring magsimula ang pagbibinata o pagdadalaga sa edad na 8, 14, o mas huli pa rito. Nagkakaiba-iba ito sa bawat indibiduwal.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Ngayong nagbibinata/nagdadalaga na ako, ang katangiang kailangang-kailangan kong linangin ay ․․․․․
Upang maingatan ko ang aking kaugnayan sa Diyos, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Bakit isang malaking hamon ang pisikal at emosyonal na mga pagbabagong kakambal ng pagbibinata o pagdadalaga?
● Para sa iyo, ano ang pinakamahirap sa mga pagbabagong ito?
● Bakit maaaring manlamig ang pag-ibig mo sa Diyos sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga, at paano mo ito maiiwasan?
[Blurb sa pahina 61]
“Marami kang ikinababahala ngayong nagbibinata o nagdadalaga ka na, kasi hindi mo alam kung anu-ano pang pagbabago ang mangyayari sa iyong katawan. Pero habang lumalaki ka, matututuhan mo ring tanggapin at pahalagahan pa nga ang mga ito.”—Annette
[Kahon sa pahina 63, 64]
Paano Ako Magtatanong kay Itay o Inay Hinggil sa Sex?
“Ayokong tanungin ang mga magulang ko tungkol sa sex.”—Beth.
“Wala akong lakas ng loob na ibangon ang paksang ito.”—Dennis.
Katulad ka ba ni Beth o ni Dennis? Kung gayon, mahirap nga ang situwasyon mo. Gusto mong malaman ang tungkol sa sex, pero asiwang-asiwa ka namang magtanong sa mga taong makasasagot nito—ang mga magulang mo mismo! Marami kang ikinababahala:
Ano na lang ang iisipin nila sa akin?
“Baka pagdudahan nila ako kapag nagtanong ako tungkol sa sex.”—Jessica.
“Gusto nilang manatili kang bata at inosente, kaya kapag nagtanong ka na tungkol sa sex, magbabago na ang tingin nila sa iyo.”—Beth.
Ano ang magiging reaksiyon nila?
“Nag-aalala ako na baka hindi pa ako tapos magsalita ay kung ano na ang isipin nila tungkol sa akin at bigyan ako ng katakut-takot na sermon.”—Gloria.
“Prangka ang mga magulang ko, kaya takót akong makitang nakasimangot sila. Sa katunayan, baka nagsasalita pa lamang ako ay nag-iisip na ng isesermon sa akin si Itay.”—Pam.
Hindi kaya pagdudahan nila ang motibo ko sa pagtatanong?
“Baka masyado silang mag-alala at magtanong nang magtanong, ‘May nagyayaya ba sa iyo na makipag-sex?’ o ‘Pinipilit ka ba ng mga kaibigan mo?’ Pero ang totoo, gusto mo lang namang magtanong.”—Lisa.
“Kapag may ikinukuwento akong isang kabataang lalaki, kitang-kita ko sa mukha ni Itay ang pag-aalala. Tapos, susundan niya ito agad ng sermon tungkol sa sex. Sa loob-loob ko, ‘Itay, nagaguwapuhan lang ako sa kaniya. Wala akong sinabi tungkol sa pag-aasawa o sex!’”—Stacey.
Kung naaasiwa kang ipakipag-usap sa iyong mga magulang ang tungkol sa sex, alam mo bang maaaring naaasiwa rin ang mga magulang mo na ipakipag-usap ito sa iyo? Iyan marahil ang dahilan kung bakit sa isang surbey, 65 porsiyento ng mga magulang ang nagsabing nakipag-usap sila sa kanilang mga anak tungkol sa sex, samantalang 41 porsiyento lamang ng mga bata ang nakaalaalang nagkaroon nga sila ng gayong pag-uusap.
Marahil ay naaalangan ang iyong mga magulang na makipag-usap sa iyo tungkol sa sex dahil kadalasan na, hindi rin ito ipinakipag-usap sa kanila ng kanila mismong mga magulang! Anuman ang dahilan, huwag mong masyadong hanapan ang iyong mga magulang. Malay mo, baka kung ikaw mismo ang maglalakas-loob na lumapit sa kanila para magtanong hinggil sa sex, hindi lamang ikaw kundi pati mga magulang mo ang makinabang. Ano ang puwede mong gawin?
Paano Ko Kaya Uumpisahan?
Napakaraming mahuhusay na payo hinggil sa sex ang maibibigay ng iyong mga magulang. Kailangan mo lang pag-aralan kung paano mo pasisimulan ang inyong pag-uusap. Subukin ang sumusunod na mungkahi:
1 Sabihin mong nag-aalangan ka pero kailangan mo talaga silang makausap. “Nag-aalangan po akong magtanong dahil natatakot po akong baka isipin ninyo na . . .”
2 Saka sabihin kung bakit ka lumapit sa kanila. “May tanong po ako na gusto kong kayo ang sumagot.”
3 Magtanong. “Gusto ko pong itanong . . .”
4 Pagkatapos ninyong mag-usap, sabihin na gusto mo silang makausap muli sa ibang pagkakataon hinggil sa paksang ito. “Kapag may tanong pa po ako, puwede po ba akong lumapit uli sa inyo?”
Bagaman alam mong oo ang isasagot nila, mas magkakaroon ka ng lakas ng loob na lumapit sa kanila kapag narinig mo mismo ang kanilang sagot. Kaya bakit hindi mo ito subukan? Baka sumang-ayon ka rin sa sinabi ni Trina, na ngayo’y 24 anyos na: “Noong nag-uusap na kami ni Inay, sa loob-loob ko’y hindi na lang sana ako nagtanong. Pero ngayon ko naiisip na mabuti na lang at naging tapat at prangka si Inay. Mabisang proteksiyon ito!”
[Larawan sa pahina 59]
Ang pagbibinata o pagdadalaga ay gaya ng paglipat sa ibang lugar—nakakapanibago, pero masasanay ka rin
-