Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Nahihirapan ang Ilan na Mahalin ang Diyos
    Ang Bantayan—2013 | Nobyembre 1
    • TAMPOK NA PAKSA | BAKIT NAHIHIRAPAN ANG ILAN NA MAHALIN ANG DIYOS?

      Nahihirapan ang Ilan na Mahalin ang Diyos

      “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos.”​—Jesu-Kristo, 33 C.E.a

      Nahihirapan ang ilang tao na mahalin ang Diyos. Para sa kanila, ang Diyos ay mahirap maunawaan, malayo sa atin, o malupit pa nga. Isaalang-alang ang sinabi ng ilan:

      • “Nanalangin ako sa Diyos na tulungan niya ako, pero parang napakalayo niya sa akin, at halos hindi ko maabot. Para sa akin, ang Diyos ay isang persona na walang damdamin.”​—Marco, Italy.

      • “Talagang gusto kong maglingkod sa Diyos, pero parang napakalayo niya. Iniisip kong malupit siya at walang ginawa kundi magparusa. Hindi ako naniniwalang mahal niya tayo.”​—Rosa, Guatemala.

      • “Bata pa ako, naniniwala na ako na binabantayan ng Diyos ang ating mga pagkakamali at nagpaparusa kung kinakailangan. Nang maglaon, inisip kong wala siyang malasakit sa atin. Para siyang punong ministro na namamahala sa kaniyang nasasakupan pero wala naman talagang interes sa kanila.”​—Raymonde, Canada.

      Ano sa palagay mo? Mahirap bang mahalin ang Diyos? Daan-daang taon nang itinatanong iyan ng mga Kristiyano. Sa katunayan, noong Edad Medya, karamihan sa Sangkakristiyanuhan ay hindi man lang nanalangin sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Bakit? Dahil takot na takot sila sa kaniya. Sinabi ng istoryador na si Will Durant: “Mangangahas kayang manalangin ang isang makasalanan sa isa na kakila-kilabot at napakalayo?”

      Bakit nasabing “kakila-kilabot at napakalayo” ng Diyos? Ano ba talaga ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Diyos? Ang pag-alam kaya ng katotohanan tungkol sa Diyos ay makatutulong sa iyo na mahalin siya?

      a Mateo 22:37, 38.

  • Kasinungalingan 1: Walang Pangalan ang Diyos
    Ang Bantayan—2013 | Nobyembre 1
    • TAMPOK NA PAKSA | BAKIT NAHIHIRAPAN ANG ILAN NA MAHALIN ANG DIYOS?

      Kasinungalingan 1: Walang Pangalan ang Diyos

      ANG PANINIWALA NG MARAMI

      “Hindi kami magkasundo kung talagang may pangalan ang Diyos, o kung mayroon man, ano kaya ito?”​—Propesor David Cunningham, Theological Studies.

      ANG KATOTOHANAN MULA SA BIBLIYA

      Sinabi ng Diyos: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko.” (Isaias 42:8) Jehova ang pangalan ng Diyos sa wikang Hebreo na nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.”​—Genesis 2:4.

      Gusto ni Jehova na gamitin natin ang kaniyang pangalan. “Tumawag kayo sa kaniyang pangalan,” ang sabi ng Bibliya. “Ihayag ninyo sa gitna ng mga bayan ang kaniyang mga ginagawa. Banggitin ninyo na ang kaniyang pangalan ay natanyag.”​—Isaias 12:4.

      Ginamit ni Jesus ang pangalan ng Diyos. Sa panalangin, sinabi ni Jesus kay Jehova: “Ipinakilala ko sa kanila [mga alagad ni Jesus] ang iyong pangalan at ipakikilala ito.” Bakit ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng Diyos sa kaniyang mga alagad? Sinabi pa niya: “Upang ang pag-ibig na inibig mo [ang Diyos] sa akin ay mapasakanila at ako ay maging kaisa nila.”​—Juan 17:26.

      KUNG BAKIT ITO MAHALAGANG PAG-ISIPAN

      Isinulat ng teologong si Walter Lowrie: “Ang taong hindi nakakakilala sa Diyos sa pangalan ay hindi talaga nakakakilala sa kaniya bilang isang persona, . . . at hindi niya maiibig siya, kung ang alam niya’y isa lamang puwersa ito at hindi isang persona.”

      Isang lalaking nagngangalang Victor ang nagsisimba linggu-linggo. Pero sa palagay niya, hindi niya talaga nakikilala ang Diyos. “Pagkatapos, nalaman kong Jehova ang pangalan ng Diyos, at parang opisyal siyang ipinakilala sa akin,” ang sabi niya. “Nasabi ko na sa wakas, nakilala ko na rin ang Isa na tungkol sa kaniya ay marami na akong naririnig. Nakilala ko siya bilang isang tunay na Persona at nalinang ko ang pakikipagkaibigan sa kaniya.”

      Si Jehova naman ay nagiging malapít sa mga taong gumagamit ng kaniyang pangalan. Tungkol sa “mga palaisip sa kaniyang pangalan,” nangangako ang Diyos: “Mahahabag ako sa kanila, gaya ng pagkahabag ng isang tao sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya.” (Malakias 3:16, 17) Ginagantimpalaan din ng Diyos ang mga tumatawag sa kaniyang pangalan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”​—Roma 10:13.

  • Kasinungalingan 2: Isang Misteryo ang Diyos
    Ang Bantayan—2013 | Nobyembre 1
    • TAMPOK NA PAKSA | BAKIT NAHIHIRAPAN ANG ILAN NA MAHALIN ANG DIYOS?

      Kasinungalingan 2: Isang Misteryo ang Diyos

      ANG PANINIWALA NG MARAMI

      Ang relihiyong Kristiyano “sa tatlong pangunahing uri nito na Romano Katoliko, Silangang Ortodokso, at Protestante ay kumikilala sa tatlong Persona sa iisang Diyos: Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo. Ayon sa teolohiyang Kristiyano, ang turong ito ay hindi naman pagkilala na tatlo ang diyos, sa halip, ang tatlong personang ito ay iisa.”​—The New Encyclopædia Britannica.

      ANG KATOTOHANAN MULA SA BIBLIYA

      Hindi kailanman inangkin ni Jesus, ang Anak ng Diyos, na kapantay siya ng Diyos o na siya rin ang Ama. Sa halip, sinabi niya: “Ako ay paroroon sa Ama, sapagkat ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.” (Juan 14:28) Sinabi rin niya sa isa sa kaniyang mga tagasunod: “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.”​—Juan 20:17.

      Ang banal na espiritu ay hindi persona. Ang unang mga Kristiyano ay “napuspos ng banal na espiritu,” at sinabi ni Jehova: “Ibubuhos ko ang ilang bahagi ng aking espiritu sa bawat uri ng laman.” (Gawa 2:1-4, 17) Ang banal na espiritu ay hindi bahagi ng isang Trinidad. Ito ay aktibong puwersa ng Diyos.

      KUNG BAKIT ITO MAHALAGANG PAG-ISIPAN

      Ayon sa mga Katolikong iskolar na sina Karl Rahner at Herbert Vorgrimler, ang Trinidad ay “hindi maaaring malaman kung walang pagsisiwalat, at kahit naisiwalat na ay hindi pa rin lubusang mauunawaan.” Mapapamahal ba sa iyo ang isa na imposibleng makilala o maunawaan? Kaya ang doktrina ng Trinidad ay isang hadlang para makilala at mahalin ang Diyos.

      Nakita ni Marco, nabanggit sa naunang artikulo, na ang Trinidad ay isang hadlang. “Inisip kong itinatago sa akin ng Diyos kung sino talaga siya,” ang sabi niya, “kaya lalo lang siyang naging malayo, misteryoso, at hindi madaling lapitan.” Gayunman, “ang Dios ay hindi Dios ng kaguluhan.” (1 Corinto 14:33, Ang Biblia) Hindi niya itinatago sa atin kung sino siya. Gusto niyang makilala natin siya. Sinabi ni Jesus: “Sinasamba namin ang aming nakikilala.”​—Juan 4:22.

      “Nang matutuhan ko na ang Diyos ay hindi bahagi ng isang Trinidad,” ang sabi ni Marco, “nagkaroon ako ng personal na kaugnayan sa kaniya.” Kung kinikilala natin si Jehova bilang isang Persona sa halip na isang misteryosong estranghero, mas madali siyang mahalin. Sinasabi ng Bibliya: “Siya na hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.”​—1 Juan 4:8.

  • Kasinungalingan 3: Malupit ang Diyos
    Ang Bantayan—2013 | Nobyembre 1
    • TAMPOK NA PAKSA | BAKIT NAHIHIRAPAN ANG ILAN NA MAHALIN ANG DIYOS?

      Kasinungalingan 3: Malupit ang Diyos

      ANG PANINIWALA NG MARAMI

      “Pagkamatay, ang kaluluwang may mortal na kasalanan ay napupunta sa impiyerno kung saan pinahihirapan sila sa ‘walang-hanggang apoy.’” (Catechism of the Catholic Church) Sinasabi ng ilang lider ng relihiyon na ang impiyerno ay isang kalagayan na lubusang hiwalay sa Diyos.

      ANG KATOTOHANAN MULA SA BIBLIYA

      “Ang kaluluwa na nagkakasala​—iyon mismo ang mamamatay.” (Ezekiel 18:4) Ang mga patay ay “walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Kung namamatay at walang nalalaman ang kaluluwa, paano ito maaaring pahirapan sa “walang-hanggang apoy” o sa walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos?

      Sa Bibliya, ang mga salitang Hebreo at Griego na kadalasang isinasaling “impiyerno” ay aktuwal na tumutukoy sa karaniwang libingan ng tao. Halimbawa, nang magdusa si Job dahil sa napakasakit na karamdaman, nanalangin siya: “Kung itatago mo lang ako sa libingan [“sa impiyerno,” Douay-Rheims Version].” (Job 14:13, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Gusto ni Job na magpahinga, hindi sa isang dako ng pagpapahirap o pagiging hiwalay sa Diyos, kundi sa libingan.

      KUNG BAKIT ITO MAHALAGANG PAG-ISIPAN

      Kung malupit ang Diyos, hindi siya mapapamahal sa atin; lalayo pa nga tayo sa kaniya. “Bata pa ako, itinuro na sa akin ang doktrina ng maapoy na impiyerno,” ang sabi ni Rocío, na nakatira sa Mexico. “Takot na takot ako anupat hindi ko maisip na may magagandang katangian ang Diyos. Iniisip kong galít siya at walang pasensiya.”

      Dahil sa maliwanag na sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga kahatulan ng Diyos at sa kalagayan ng mga patay, nagbago ang pangmalas ni Rocío sa Diyos. “Gumaan ang pakiramdam ko​—para akong nabunutan ng tinik,” ang sabi niya. “Natuto akong magtiwala na gusto ng Diyos ang pinakamabuti para sa atin, na mahal niya tayo, at na maaari ko siyang mahalin. Kagaya siya ng isang ama na hawak ang kamay ng kaniyang mga anak at gusto niya ang pinakamabuti para sa kanila.”​—Isaias 41:13.

      Marami ang nagsisikap na maging relihiyoso dahil natatakot sila sa impiyerno, pero ayaw ng Diyos na paglingkuran mo siya dahil sa takot. Sa halip, sinabi ni Jesus: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos.” (Marcos 12:29, 30) Kapag naunawaan natin na hindi kumikilos nang walang katarungan ang Diyos ngayon, makapagtitiwala rin tayo sa kaniyang mga hatol sa hinaharap. May-pagtitiwala nating masasabi: “Malayong gumawi nang may kabalakyutan ang tunay na Diyos, at na gumawi nang di-makatarungan ang Makapangyarihan-sa-lahat.”​—Job 34:10.

  • Ang Katotohanan ay Magpapalaya sa Iyo
    Ang Bantayan—2013 | Nobyembre 1
    • TAMPOK NA PAKSA | BAKIT NAHIHIRAPAN ANG ILAN NA MAHALIN ANG DIYOS?

      Ang Katotohanan ay Magpapalaya sa Iyo

      Isang araw sa Jerusalem, ipinakipag-usap ni Jesus ang tungkol sa kaniyang Ama, si Jehova, at inilantad ang huwad na mga lider ng relihiyon noong panahon niya. (Juan 8:12-30) Ang sinabi niya noon ay nagtuturo sa atin kung paano susuriin ang karaniwang mga paniniwala ngayon tungkol sa Diyos. Sinabi ni Jesus: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”​—Juan 8:31, 32.

      “Nananatili sa aking salita.” Dito ibinibigay ni Jesus ang pamantayan sa pagsusuri kung ang mga turo ng relihiyon ay “ang katotohanan.” Kapag may narinig ka tungkol sa Diyos, tanungin ang sarili, ‘Kaayon ba ito ng mga sinabi ni Jesus at ng iba pang bahagi ng Banal na Kasulatan?’ Tularan ang mga taong nakinig kay apostol Pablo at pagkatapos ay ‘maingat na sinuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay’ na kanilang natutuhan.​—Gawa 17:11.

      Maingat na sinuri nina Marco, Rosa, at Raymonde, na nabanggit sa unang artikulo ng seryeng ito, ang kanilang mga paniniwala sa pamamagitan ng pakikipag-aaral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ano ang nadama nila sa kanilang natutuhan?

      Marco: “Ginagamit ng nagtuturo sa amin ang Bibliya para sagutin ang mga tanong naming mag-asawa. Lumago ang pag-ibig namin kay Jehova, at naging mas malapít din kaming mag-asawa sa isa’t isa!”

      Rosa: “Noong una, akala ko ang Bibliya ay isang aklat lang ng pilosopiya ng tao na nagtatangkang ipaliwanag ang tungkol sa Diyos. Pero unti-unti kong nakita sa Bibliya ang sagot sa mga tanong ko. Ngayon, totoong-totoo sa akin si Jehova. Isa siya na mapagkakatiwalaan.”

      Raymonde: “Nanalangin ako sa Diyos na tulungan niya akong matuto tungkol sa kaniya. Di-nagtagal, nag-aral kami ng mister ko ng Bibliya. Sa wakas, natutuhan namin ang katotohanan tungkol kay Jehova! Tuwang-tuwa kaming malaman kung anong uri siya ng Diyos.”

      Hindi lamang inilalantad ng Bibliya ang mga kasinungalingan tungkol sa Diyos; isinisiwalat din nito ang katotohanan tungkol sa kaniyang magagandang katangian. Ito ang kaniyang Salita, at tinutulungan tayo nito na “malaman natin ang mga bagay na may-kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos.” (1 Corinto 2:12) Bakit hindi mo subukang alamin ang sagot ng Bibliya sa karaniwan pero mahahalagang tanong tungkol sa Diyos, sa kaniyang layunin, at sa ating kinabukasan? Alamin ang mga sagot sa ilan sa mga tanong na ito sa seksiyon na “Turo ng Bibliya > Sagot sa mga Tanong sa Bibliya” sa www.pr418.com/tl. Puwede ka ring humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng Web site na iyon o sa isang Saksi ni Jehova. Umaasa kami na kung gagawin mo ito, masusumpungan mong mas madaling mahalin ang Diyos kaysa sa inaakala mo.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share